Kabanata 42
Sa sandaling magsimula ang bagong gawain, lahat ng tao ay may bagong pagpasok, at sila ay susulong na kakapit-kamay Ko. Magkasama kaming naglalakad sa malaking daan ng kaharian, at may matalik na kaugnayan sa pagitan Ko at ng tao. Para ipakita ang Aking damdamin at ipamalas ang Aking saloobin sa tao, palagi Akong nagsasalita sa tao. Gayunman, ang ilan sa mga salitang ito ay maaaring makasakit sa mga tao, samantalang ang ilan ay maaaring maging malaking tulong sa kanila, kaya nga pinapayuhan Ko ang mga tao na makinig nang mas madalas sa mga salitang nagmumula sa Aking bibig. Ang Aking mga pagbigkas ay maaaring partikular na hindi elegante, ngunit lahat ng iyon ay mga salitang nagmumula sa kaibuturan ng Aking puso. Dahil kaibigan Ko ang sangkatauhan, nagpatuloy na Akong isakatuparan ang Aking gawain sa tao, at ginagawa rin ng tao ang kanyang makakaya upang makipagtulungan sa Akin, na takot na takot na magambala ang Aking gawain. Sa sandaling ito, puspos ng malaking galak ang puso Ko, sapagkat nakamit Ko na ang ilang tao, kaya nga wala na sa taghirap ang Aking “pagsisikap”; hindi na ito binubuo ng hungkag na mga salita, at hindi na mabagal ang takbo ng Aking “natatanging produktong pangalakal.” Matino naman pala ang mga tao—handa silang lahat na “ialay ang kanilang sarili” para sa Aking pangalan at Aking kaluwalhatian, at sa ganitong paraan lamang magtatamo ng ilang bagong “produkto” ang Aking “tindahan ng mga natatanging bagay,” kaya nga sa espirituwal na dako maraming “suki” ang dumarating para bumili ng Aking “mga produkto.” Mula lamang sa sandaling ito Ako nagtatamo ng kaluwalhatian; saka lamang hindi na hungkag ang mga salitang sinasambit mula sa Aking bibig. Nagwagi na Ako at nakabalik na tagumpay, at ipinagbubunyi Ako ng lahat ng tao. Sa sandaling ito dumarating din ang malaking pulang dragon para “magbunyi,” para ipakita ang paghanga nito sa Akin, para ipakita na sumusuko na ito sa Aking paanan, at na tinitingnan Ko bilang kaluwalhatian. Mula noong panahon ng paglikha hanggang ngayon, nakipaglaban na Ako sa maraming matatagumpay na digmaan, at nakagawa na ng maraming bagay na kahanga-hanga. Maraming taong minsan ay ipinagbunyi Ako, pinapurihan Ako, at sumayaw para sa Akin. Bagama’t nakakaantig at hindi malilimutan ang mga tagpong ito, hindi Ko ipinakita kailanman ang Aking ngiti, sapagkat kailangan Ko pang lupigin ang tao, at ginagawa Ko lamang ang bahagi ng gawaing kahawig ng paglikha. Ang ngayon ay hindi katulad ng nakaraan. Nakangiti Ako mula sa luklukan, nalupig Ko na ang tao, at yumuyukod ang lahat ng tao sa pagsamba sa Aking harapan. Ang mga tao ng ngayon ay hindi ang mga tao ng nakaraan. Paano maaaring maging para sa kapakanan ng anuman ang Aking gawain kundi para sa kasalukuyan? Paano ito magiging para sa anuman kundi para sa Aking kaluwalhatian? Para sa kapakanan ng mas maningning na kinabukasan, lilinawin Ko ang lahat ng Aking gawain sa tao nang maraming ulit, upang ang Aking buong kaluwalhatian ay “mapahinga” sa tao, na nilikha. Ituturing Ko ito bilang prinsipyo ng Aking gawain. Sa mga handang makipagtulungan sa Akin, bumangon at magpakasipag upang mapuno ng mas marami sa Aking kaluwalhatian ang kalangitan. Ngayon ang panahon upang isakatuparan ang malalaking plano. Lahat niyaong nasa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Aking pagmamahal ay may pagkakataong gamitin ang kanilang mga kakayahan dito sa Akin, at Aking mamaniobrahin ang lahat ng bagay para “uminog” alang-alang sa Aking gawain. Ang mga ibong lumilipad sa himpapawid ay Aking kaluwalhatian sa himpapawid, ang mga karagatan sa lupa ay Aking mga gawa sa lupa, ang panginoon ng lahat ng bagay ay Aking pagpapamalas sa lahat ng bagay, at ginagamit Ko ang lahat ng mayroon sa lupa bilang puhunan para sa Aking pamamahala, upang lahat ng bagay ay dumami, yumabong, at magningning nang masigla.
Sa panahon ng paglikha, Akin nang itinalaga na ang Aking gawain sa lupa ay ganap na matatapos sa huling kapanahunan. Matatapos ang Aking gawain sa sandali mismo na maipakita ang lahat ng Aking mga ginagawa sa kalangitan. Papangyarihin Ko na kilalanin ng mga tao sa lupa ang Aking mga ginagawa, at mapapatunayan ang Aking mga gawa sa harap ng “luklukan ng paghatol,” upang ang mga iyon ay kilalanin ng mga tao sa buong daigdig, na magsisisukong lahat. Sa gayon, pagkatapos nito ay magsisimula Ako ng isang proyekto na hindi pa kailanman naisakatuparan sa nakaraang mga kapanahunan. Mula sa araw na ito, gagawin Kong simple ang Aking mga gawa sa paisa-isang hakbang, upang ang Aking karunungan, ang Aking pagiging kamangha-mangha, at ang Aking pagiging mahirap maarok ay kilalanin at mapatunayan sa bawat sektor ng lipunan. Sa partikular, lahat ng namumunong partido sa lupa ay hihikayating kilalanin ang Aking mga gawa, sa gayon ay huhusgahan ng “mga hukom,” at “ipagtatanggol” ng “mga abugado” ang Aking mga ginagawa, at sa gayon ay kikilalanin ang Aking mga ginagawa, na magiging dahilan para magyuko ng ulo at sumuko ang lahat ng tao. Magmula sa sandaling ito, kilalanin ng bawat sektor ng lipunan ang Aking mga kilos, at ito ang magiging sandali kung kailan Ko tatamuhin ang buong kaluwalhatian sa lupa. Sa sandaling iyon, magpapakita Ako sa tao at hindi na magiging tago. Sa kasalukuyan, kailangan pang umabot ang Aking mga gawa sa rurok ng mga ito. Ang Aking gawain ay sumusulong, at kapag umabot ito sa rurok nito, matatapos na ito. Lubos Kong lulupigin ang mga tao ng lahat ng bansa, sasanhiin Kong maging kasing-amo ng mga cordero ang mababangis na hayop sa Aking harapan, at sasanhiin Kong magpasakop sa Aking harapan ang malaking pulang dragon na tulad ng mga tao sa lupa. Tatalunin Ko ang lahat ng Aking kaaway sa langit, at sasanhiin Kong malupig ang lahat ng Aking kalaban sa lupa. Ito ang Aking plano, at ang pagiging kamangha-mangha ng Aking mga gawa. Ang tanging magagawa ng tao ay mabuhay sa ilalim ng impluwensya ng kalikasan, sa ilalim ng Aking patnubay—hindi siya makakagawa ng kanyang sariling mga desisyon! Sino ang makakatakas sa Aking kamay? Napagbukud-bukod Ko na ang buong kalikasan sa iba-ibang kategorya, sinasanhi itong umiral sa ilalim ng mga batas, at dahil lamang dito kaya may gayong mga batas sa ibabaw ng lupa bilang init sa tagsibol at lamig sa taglagas. Nalalanta ang mga bulaklak sa lupa sa taglamig at bumubukadkad sa tag-init dahil sa pagiging kamangha-mangha ng Aking kamay; lumilipad ang mga gansa pahilaga sa taglamig dahil binabago Ko ang temperatura; at dumadagundong ang karagatan dahil nais Kong lunurin ang mga bagay-bagay sa ibabaw ng tubig. Ano ang hindi Ko isinasaayos? Mula sa sandaling ito, ang “ekonomiya ng kalikasan” ng tao ay lubos na nalupig ng Aking mga salita, at hindi na inaalis ng mga tao ang Aking presensya dahil sa pag-iral ng “mga batas ng kalikasan.” Sino ang muling magtatatwa sa pag-iral ng Pinuno ng lahat ng bagay? Sa langit, Ako ang Pinuno; sa lahat ng bagay, Ako ang Panginoon; at sa lahat ng tao, Ako ang nangunguna sa lahat. Sino ang nangangahas na bahagyang pahiran ito ng “pintura”? Maaari bang guluhin ng mga kasinungalingan ang pag-iral ng katotohanan? Sa mahalagang pagkakataong ito, minsan ko pang sinisimulan ang gawain sa Aking mga kamay, hindi na nagdurusa sa panggugulo ng tao, at ipinagpapatuloy ang “pag-ikot” ng mga makina.
Nagdagdag na Ako ng sari-saring “mga pampasarap” sa Aking mga salita, at sa gayon ay maaaring magmukha Akong parang isa sa magagaling na kusinero ng sangkatauhan. Bagama’t hindi alam ng mga tao kung paano pasarapin ang kanilang pagkain, ninanamnam nila ang lasa nito; hawak ang “plato,” tinitikman nilang lahat ang “mga putahe” na Aking naihanda. Hindi Ko alam kung bakit, ngunit laging nais ng mga tao na kumain ng mas marami ng mga putaheng personal Kong inihahanda. Parang napakataas ng tingin nila sa Akin, parang nakikita nila na Ako ang pinakamataas sa lahat ng pampalasa, at wala man lamang pakialam sa ibang mga tao. Dahil napakalaki ng paggalang Ko sa sarili, ayaw Kong sirain ang “mangkok na bakal ng kanin” ng iba para sa sarili Kong mga kadahilanan. Kaya, nakikipagsapalaran Akong lumayo sa “kusina” at binibigyan Ko ng pagkakataon ang iba na patanyagin ang kanilang sarili. Sa ganitong paraan lamang matatag ang Aking puso; ayaw Kong tingalain Ako ng mga tao at maliitin nila ang iba; hindi tama iyon. Ano ang halaga ng pagkakaroon ng puwang sa puso ng mga tao? Napakayabang at napakawala Ko ba talagang katwiran? Talaga bang handa Akong humingi ng katayuan? Kung gayon, bakit Ako sumusugod sa gayon kalaking proyekto? Ayaw Kong makipagtunggali sa iba para sa kasikatan at kayamanan, at minamaliit Ko ang makamundong kasikatan at kayamanan; hindi ito ang Aking hinahangad. Hindi huwaran ang tingin Ko sa tao, hindi Ako nakikipag-away o nang-aagaw, kundi nabubuhay Ako sa pag-asa sa Aking “kagalingan,” at hindi Ako gumagawa ng kawalanghiyaan. Kaya, kapag naglalakad Ako sa buong mundo, kumikilos muna Ako at humihiling ng “kabayaran para sa Aking likha” kalaunan—ito lamang ang pagkamakatarungan at pagkamakatwirang binabanggit ng tao. Walang pagmamalabis dito, at ni hindi ito pinababa ang halaga nito ni katiting; nagsasalita Ako batay sa totoong kahulugan ng mga katunayan. Nagpaparoo’t parito Ako sa piling ng tao, naghahanap sa mga yaong makatarungan at makatwiran, subalit wala itong napala. At dahil mahilig makipagtawaran ang mga tao, napakataas o kaya’y napakababa ng halaga, kaya nga ginagawa Ko pa rin ang gawaing nasa Aking mga kamay na “napunta sa Akin para gawin.” Ngayon, hindi Ko pa rin alam kung bakit hindi sumusunod ang tao sa kanyang tungkulin, at kung bakit hindi niya alam kung gaano kataas ang kanyang tayog. Ni hindi alam ng mga tao kung ilang gramo o ilang liang[a] ang timbang ng kanilang tayog. At sa gayon, niloloko pa rin nila Ako. Parang lahat ng Aking gawain ay nawalan ng kabuluhan, parang ang Aking mga salita ay alingawngaw lamang sa malalaking kabundukan, at wala pang sinumang nakahiwatig sa mga pinag-ugatan ng Aking mga salita at pagbigkas. Kaya nga ginagamit Ko ito bilang pundasyon upang ibuod ang ikatlong talinghaga: “Hindi Ako kilala ng mga tao, sapagkat hindi nila Ako nakikita.” Para bang, matapos kainin ang Aking mga salita, umiinom ng gamot ang mga tao para matunaw ang kinain nila, at dahil napakalakas ng masasamang epekto ng gamot ay nawawala ang kanilang alaala, kaya nga nalilimutan ng sangkatauhan ang Aking mga salita, at ang lugar kung saan Ako naroon ay nagiging sulok na kanilang nalilimutan. Dahil dito, napabuntung-hininga Ako. Bakit Ako nakagawa na ng napakaraming gawain, subalit walang patunay nito sa mga tao? Hindi pa ba sapat ang Aking pagsisikap? O dahil ba sa hindi Ko naintindihan ang mga pangangailangan ng tao? Wala na Akong magagawa tungkol sa bagay na ito, at ang magagawa Ko lamang ay gamitin ang Aking mga atas administratibo upang lupigin ang lahat ng tao. Hindi na Ako magiging isang mapagmahal na ina, kundi pamamahalaan Ko ang buong sangkatauhan bilang isang mahigpit na ama!
Mayo 15, 1992
Talababa:
a. Ang “liang” ay isang panukat ng timbang ng mga Tsino, isang liang ay 50 gramo.