Kabanata 46
Hindi Ko alam kung gaano kahusay na nagagawa ng mga tao na batayan ng kanilang pag-iral ang Aking mga salita. Lagi Akong nababalisa sa kapalaran ng tao, nguni’t tila walang anumang pakiramdam ukol dito ang mga tao—bilang resulta, hindi nila kailanman binigyang-pansin ang mga ginagawa Ko kahit na kaunti, at hindi kailanman nagkaroon ng anumang pagsamba para sa Akin na bunga ng Aking saloobin tungo sa tao. Para bang matagal na silang nawalan ng emosyon na bigyang-kasiyahan ang Aking puso. Yamang kinahaharap ang gayong mga kalagayan, minsan pa Akong nanahimik. Bakit hindi karapat-dapat sa pagsasaalang-alang ng mga tao ang Aking mga salita, sa higit pang pagpasok? Dahil ba sa wala Akong realidad at sinusubukan Kong maghanap ng isang bagay na magagamit Ko laban sa mga tao? Bakit ba lagi Akong binibigyan ng mga tao ng “espesyal na pagtrato”? Ako ba ay isang baldadong nasa kanyang sariling espesyal na silid? Bakit, gayong narating na ng mga bagay-bagay ang puntong kinaroroonan ng mga ito ngayon, iba pa rin ang tingin sa Akin ng mga tao? May mali ba sa Aking saloobin tungo sa tao? Ngayon, nagsimula na Ako ng bagong gawain sa ibabaw ng mga sansinukob. Nabigyan Ko na ang mga tao sa lupa ng bagong pasimula, at hiningi Ko na sa kanilang lahat na umalis sa Aking sambahayan. At dahil laging gusto ng mga tao na magpasasa sa kanilang mga sarili, pinapayuhan Ko sila na magkaroon ng kamalayan sa sarili, at na huwag laging gambalain ang Aking gawain. Sa “bahay-panuluyan” na binuksan Ko, walang pumupukaw ng Aking pagkasuklam nang higit kaysa sa tao, sapagka’t laging nagdudulot ang mga tao ng kaguluhan sa Akin at binibigo Ako. Nagdadala ang kanilang asal ng kahihiyan sa Akin at kahit kailan ay hindi Ko nagawang itaas ang Aking ulo. Sa gayon, kalmado Akong nakikipag-usap sa kanila, hinihiling na umalis sila sa Aking bahay sa lalong madaling panahon at tumigil sa pagkain ng Aking pagkain nang libre. Kung nais nilang manatili, dapat silang sumailalim sa pagdurusa at tiisin ang Aking pagtutuwid. Sa kanilang mga isipan, lubos Akong walang kamalay-malay at walang alam sa kanilang mga ginagawa, at sa gayon lagi silang nakatayo nang mataas sa harap Ko, nang walang anumang tanda ng pagbagsak, nagkukunwari lang na tao para maging sapat ang bilang nila. Kapag humihiling Ako sa mga tao, nagugulat sila: Hindi nila kailanman naisip na ang Diyos, na lagi nang naging mabuti ang kalooban at mabait sa loob ng napakaraming taon, ay makapagsasalita ng gayong mga salita, mga salitang walang puso at di-makatwiran, at kaya wala silang masabi. Sa gayong mga pagkakataon, nakikita Ko na minsan pang tumindi ang pagkamuhi sa Akin sa puso ng mga tao, dahil muli na naman nilang sinimulan ang gawain ng pagrereklamo. Lagi silang nagrereklamo laban sa mundo at isinusumpa ang Langit. Gayunman ay wala Akong makitang anuman sa kanilang mga salita na isinusumpa ang kanilang mga sarili, dahil napakalaki ng kanilang pagmamahal sa kanilang mga sarili. Sa gayon, binubuod Ko ang kahulugan ng buhay ng tao: Dahil masyadong minamahal ng mga tao ang kanilang mga sarili, ang kanilang buong buhay ay malungkot at hungkag, at nagdudulot sila ng kapahamakan sa kanilang mga sarili dahil sa kanilang pagkamuhi sa Akin.
Kahit may di-nahayag na “pag-ibig” para sa Akin sa mga salita ng tao, kapag dinadala Ko ang mga salitang ito sa “laboratoryo” para suriin at pinagmamasdan ang mga ito gamit ang mikroskopyo, ang lahat ng napapaloob sa mga ito ay nabubunyag nang may ganap na kalinawan. Sa sandaling ito, dumarating Akong muli sa gitna ng tao upang hayaan silang tingnan ang kanilang “medikal na mga rekord,” para makumbinsi sila nang lubos. Kapag nakikita ang mga iyon ng mga tao, napupuno ng lungkot ang kanilang mga mukha, nakadarama sila ng pagsisisi sa kanilang mga puso, at lubha pa nga silang nababalisa na kating-kati silang talikdan kaagad ang kanilang masasamang gawi at bumalik sa tamang landas upang pasayahin Ako. Pagkakita Ko sa kanilang pagpapasya, sukdulan Akong natutuwa; napupuspos Ako ng kagalakan: “Sa lupa, sino maliban sa tao ang makakabahagi Ko sa kagalakan, kalungkutan, at paghihirap? Hindi ba’t ang tao lang?” Gayunman kapag umaalis Ako, pinupunit ng mga tao ang kanilang medikal na mga rekord at itinatapon ang mga ito sa sahig bago nagmamalaking lumalakad palayo. Sa mga araw mula noon, kaunti lang ang nakita Ko sa mga kilos ng mga tao na kaayon ng Aking sariling puso. Gayunman ay naipon ang marami nilang pagpapasya sa harap Ko, at nasusuklam Ako habang tinitingnan ang kanilang mga pagpapasya, sapagka’t walang anuman sa mga ito ang maitataas para sa Aking kasiyahan; masyadong nadungisan ang mga ito. Nang makita ang Aking pagwawalang-bahala sa kanilang pagpapasya, nanlalamig ang mga tao. Pagkatapos, madalang na lang silang nagpapasa ng “aplikasyon” dahil hindi pa kailanman napuri ang puso ng tao sa harap Ko, at nasumpungan pa lang ang Aking pagtanggi—wala nang anumang espirituwal na tulong sa buhay ng mga tao, at kaya naglalaho ang kanilang kasigasigan, at hindi Ko na nadarama na ang panahon ay “nakapapaso sa init.” Nagdurusa nang labis ang mga tao sa kanilang buong buhay, hanggang sa punto na, sa pagdating ng sitwasyon ngayon, masyado Ko silang “pinahihirapan” kaya’t nakabitin sila sa pagitan ng buhay at kamatayan. Bilang resulta, nagdidilim ang liwanag sa kanilang mga mukha, at nawawala ang kanilang “kasiglahan,” sapagka’t “tumanda na” silang lahat. Hindi Ko matiis na makita ang kaawa-awang kalagayan ng mga tao kapag pinipino sila sa panahon ng pagkastigo—gayunman ay sinong makatutubos sa miserableng pagkatalo ng sangkatauhan? Sinong makapagliligtas sa tao mula sa miserableng buhay ng tao? Bakit hindi kailanman napalaya ng mga tao ang kanilang mga sarili mula sa kalaliman ng dagat ng pagdurusa? Sinasadya Ko bang siluin ang mga tao? Hindi kailanman naunawaan ng mga tao ang Aking lagay ng loob, at kaya nananaghoy Ako sa sansinukob na sa lahat ng bagay sa langit at sa lupa, walang nakaunawa sa Aking puso kailanman, at walang tunay na nagmamahal sa Akin. Kahit ngayon, hindi Ko pa rin alam kung bakit hindi kaya ng mga tao na mahalin Ako. Kaya nilang ibigay ang kanilang mga puso sa Akin, kaya nilang isakripisyo ang kanilang kapalaran para sa Akin, nguni’t bakit hindi nila kayang ibigay ang kanilang pagmamahal sa Akin? Hindi ba nila taglay ang Aking hinihingi? Kaya ng mga taong mahalin ang lahat maliban sa Akin—kaya bakit hindi nila Ako magawang mahalin? Bakit laging nakatago ang kanilang pagmamahal? Bakit, yamang nakatayo sila sa harap Ko hanggang sa ngayon, hindi Ko kailanman nakita ang kanilang pagmamahal? Ito ba ay isang bagay na wala sila? Sinasadya Ko bang gawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa mga tao? Mayroon pa ba silang mga alinlangan sa kanilang mga puso? Natatakot ba sila na mahalin ang maling persona, at hindi makayang lunasan ang kanilang mga sarili? Mayroong di-mabilang na mga hiwagang di-maarok sa mga tao, at sa gayon lagi Akong “walang imik at takot” sa harap ng tao.
Ngayon, sa panahon ng pagsulong tungo sa tarangkahan ng kaharian, lahat ng tao ay nagsisimulang sumulong—nguni’t pagdating nila sa harap ng tarangkahan, isinasara Ko ang tarangkahan, pinagsasarhan Ko ang mga tao sa labas, at hinihinging ipakita nila ang kanilang pahintulot sa pagpasok. Ganap na salungat sa inaasahan ng mga tao ang gayong kakaibang kilos, at nagugulat silang lahat. Bakit ang tarangkahan—na lagi nang nakabukas nang malaki—ay biglang isinara na nang mahigpit ngayon? Pumapadyak at palakad-lakad ang mga tao. Iniisip nila na makalulusot sila papasok, ngunit nang iniaabot na nila ang kanilang huwad na mga pahintulot sa pagpasok, itinatapon Ko kaagad-agad ang mga iyon sa hukay ng apoy, at nang makita na ang kanilang sariling “mabusising mga pagsisikap” ay natutupok sa apoy, nawawalan sila ng pag-asa. Sinasapo nila ang kanilang mga ulo, umiiyak, pinanonood ang magagandang tanawin sa loob ng kaharian nguni’t hindi makapasok. Gayunman ay hindi Ko sila pinapapasok dahil sa kanilang kaawa-awang kalagayan—sinong maaaring sumira sa Aking plano kung gugustuhin nila? Ang mga pagpapala ba ng hinaharap ay ibinibigay kapalit ng kasigasigan ng mga tao? Ang kahulugan ba ng pag-iral ng tao ay nakasalalay sa pagpasok sa Aking kaharian ayon sa kagustuhan ng isang tao? Ako ba ay napakababa? Kung hindi dahil sa Aking marahas na mga pananalita, hindi ba’t matagal nang nakapasok sa kaharian ang mga tao? Sa gayon, lagi Akong kinamumuhian ng mga tao dahil sa lahat ng abala na sinasanhi sa kanila ng Aking pag-iral. Kung hindi Ako umiral, magagawa nilang tamasahin ang mga pagpapala ng kaharian sa kasalukuyang panahon—ano pa ang silbi na danasin ang pagdurusang ito? Kaya’t sinasabi Ko sa mga tao na mabuti pang umalis na sila, na dapat nilang samantalahin kung gaano kabuti ang takbo ng mga bagay-bagay sa kasalukuyan upang makahanap ng malalabasan nila; dapat nilang samantalahin ang kasalukuyan, habang bata pa sila, upang matuto ng ilang kasanayan. Kung hindi, magiging huli na ang lahat sa hinaharap. Sa Aking bahay, wala pang nakatanggap kahit kailan ng mga pagpapala. Sinasabi Ko sa mga tao na magmadali at umalis, na huwag manatiling namumuhay sa “kahirapan”; sa hinaharap magiging huli na ang lahat para sa mga pagsisisi. Huwag maging napakahigpit sa sarili; bakit pinahihirapan ang sarili? Gayunman ay sinasabi Ko rin sa mga tao na kapag nabigo silang magkamit ng mga pagpapala, walang maaaring magreklamo tungkol sa Akin. Wala Akong panahon para sayangin ang Aking mga salita sa tao. Umaasa Ako na tatatak ito sa isipan ng mga tao, na hindi nila ito malilimutan—ang mga salitang ito ang nakaaasiwang katotohanan, na ibinibigay Ko. Matagal na Akong nawalan ng pananampalataya sa tao, at matagal na Akong nawalan ng pag-asa sa mga tao, sapagka’t wala silang ambisyon, hindi nila nagawa kailanman na bigyan Ako ng pusong nagmamahal sa Diyos, at sa halip ay laging ibinibigay sa Akin ang kanilang mga pangganyak. Napakarami Ko nang nasabi sa tao, at yamang binabalewala pa rin ng mga tao ang Aking payo ngayon, sinasabi Ko sa kanila ang Aking pananaw upang maiwasan nila ang maling pagkaunawa sa Aking puso sa hinaharap; problema na nila kung mabubuhay o mamamatay man sila sa darating na mga panahon; wala Akong kontrol dito. Umaasa Akong makikita nila ang kanilang sariling landas upang manatiling buhay. Wala Akong kapangyarihan dito. Yamang hindi Ako tunay na minamahal ng tao, maghihiwalay na lang kami; sa hinaharap, hindi na magkakaroon pa ng anumang mga salita sa pagitan namin, hindi na kami magkakaroon ng anumang pag-uusapan pa, hindi namin pakikialaman ang isa’t isa, yayaon kaming pareho sa aming sariling daan, hindi Ako dapat hanapin ng mga tao, at hindi na Ako kailanman muling hihingi ng “tulong” sa tao. Ito ay isang bagay na nasa pagitan namin, at napag-usapan na namin nang walang kalabuan upang maiwasang magkaroon ng anumang usapin sa hinaharap. Hindi ba mas pinadadali nito ang mga bagay-bagay? Nagkakanya-kanya tayo ng daan at wala nang kinalaman pa sa isa’t isa—anong mali roon? Umaasa Akong bibigyan ito ng kaunting pagsasaalang-alang ng mga tao.
Mayo 28, 1992