Kabanata 47
Upang mapalago ang buhay ng sangkatauhan, at upang magkamit kami ng tao, na magkapareho ng ambisyon, ng mga resulta, lagi Kong pinatatawad ang mga tao, tinutulutan silang makakain at mabuhay mula sa Aking salita at makatanggap ng lahat ng Aking kasaganaan. Hindi Ko kailanman binigyan ng dahilan ang sangkatauhan para mapahiya, subalit hindi kailanman isinasaalang-alang ng tao ang Aking damdamin. Ito ay dahil ang mga tao ay manhid at “kinamumuhian” ang lahat ng bagay bukod sa Akin. Dahil sa kanilang mga pagkukulang, nakikiramay Ako nang husto sa kanila; sa gayon ay higit pa Akong nagsikap sa mga tao upang matamasa nila, hangga’t gusto nila, ang lahat ng kasaganaan ng lupa sa kanilang panahon sa mundo. Hindi Ko tinatrato nang hindi-patas ang mga tao, at alang-alang sa pagsunod nila sa Akin sa loob ng maraming taon, lumambot na ang Aking puso para sa kanila. Parang hindi Ko makakayang isagawa ang Aking gawain sa mga taong ito. Sa gayon, dahil nakikita Ko ang payat at nanghihinang mga taong nagmamahal sa Akin tulad ng pagmamahal nila sa kanilang sarili, palaging may di-maipaliwanag na kirot sa puso Ko. Ngunit sino ang maaaring lumabag sa nakasanayan na dahil dito? Sino ang aabalahin ang sarili niya dahil dito? Magkagayunman, naipagkaloob Ko na ang lahat ng Aking kabutihan sa sangkatauhan upang matamasa nila ito nang lubusan, at hindi Ko minaltrato ang mga tao sa isyung ito. Kaya nga nakikita pa rin ng sangkatauhan ang Aking mahabagin at mabait na mukha. Palagi Akong mapagpasensya at palagi Akong naghihintay. Kapag nagtamasa na nang sapat ang mga tao at nabagot, sa pagkakataong iyon ay sisimulan Kong “pagbigyan” ang kanilang mga kahilingan at tulutan ang lahat ng tao na takasan ang hungkag nilang buhay, at hindi na Ako magkakaroon ng anumang mga pakikitungo sa sangkatauhan. Sa lupa, nagamit Ko na ang tubig-dagat upang lamunin ang sangkatauhan, kinontrol sila sa taggutom, tinakot sila sa mga salot ng mga insekto, at ginamit ang malalakas na ulan upang “diligan” sila, subalit hindi nila nadama kailanman ang kahungkagan ng buhay. Kahit ngayon, hindi pa rin nauunawaan ng mga tao ang kabuluhan ng pamumuhay sa lupa. Maaari kayang ang pamumuhay sa Aking presensya ang pinakamalalim na kabuluhan ng buhay ng tao? Ang pagiging nasa loob Ko ba ay tinutulutan ang isang tao na matakasan ang banta ng kapahamakan? Ilang katawang may laman sa lupa ang namuhay sa kalayaan ng kasiyahan sa sarili? Sino ang nakatakas na sa kahungkagan ng pamumuhay sa katawang-tao? Subalit sino ang nakakapansin dito? Mula nang likhain Ko ang sangkatauhan, wala pang sinumang nakapamuhay ng napakamakabuluhang buhay sa lupa, kaya nga ang sangkatauhan ay palaging nag-aksaya ng isang buhay na lubos na walang-kabuluhan. Gayunman, walang sinumang handang takasan ang ganitong uri ng problema, at walang sinumang handang iwasan ang hungkag at nakakabagot na buhay. Sa karanasan ng sangkatauhan, walang sinuman sa mga namumuhay sa katawang-tao ang nakatakas sa mga kinagawian ng mundo ng tao, kahit sinasamantala nila ang pagtatamasa sa Akin. Sa halip, lagi lamang nilang hinayaan ang takbo ng kalikasan at patuloy nilang nilinlang ang kanilang sarili.
Kapag lubos Ko nang nawakasan ang pag-iral ng sangkatauhan, wala nang matitirang magtitiis ng “pag-uusig” sa lupa; saka lamang magiging posibleng sabihin na ang Aking dakilang gawain ay lubos nang natupad. Sa mga huling araw kung kailan Ako ay nagkatawang-tao, ang gawaing nais Kong tuparin ay ipaunawa sa mga tao ang kahungkagan ng mamuhay sa laman, at gagamitin Ko ang pagkakataong ito upang lipulin ang laman. Mula noon, wala nang mga taong iiral sa lupa, wala nang muling mananangis tungkol sa kahungkagan ng lupa, wala nang muling babanggit sa mga paghihirap ng katawang-tao, wala nang muling magrereklamo na Ako ay hindi-patas, at lahat ng tao at bagay ay papasok sa kapahingahan. Pakatapos noon, ang mga tao ay hindi na magmamadali, palaging abala, at ni hindi na sila maghahanap sa iba’t ibang lugar sa lupa, sapagkat makakatagpo na sila ng nararapat na hantungan para sa kanilang sarili. Sa panahong iyon, magkakaroon ng ngiti sa mukha nilang lahat. Sa gayon ay wala na Akong hihilingin pa sa sangkatauhan, at hindi na Ako makikipagtalo sa kanila; hindi na magkakaroon ng kasunduan ng kapayapaan sa pagitan namin. Umiiral Ako sa ibabaw ng lupa at ang mga tao ay namumuhay sa ibabaw ng lupa; namumuhay Ako at nananahan sa piling nila. Nasisiyahan silang lahat sa Aking presensya, kaya nga ayaw nilang umalis nang walang dahilan, at sa halip, mas nanaisin nilang manatili Ako nang kaunti pang panahon. Paano Ko matatagalang saksihan ang kalungkutan sa lupa nang hindi nag-aangat ng daliri para tumulong? Hindi Ako nagmula sa lupa; sa pamamagitan ng pagpapasensya, napilit Ko ang Aking Sarili na manatili rito hanggang sa araw na ito. Kung hindi sa walang-katapusang mga pagsusumamo ng sangkatauhan, matagal na sana Akong umalis. Sa panahong ito mapapangalagaan ng mga tao ang kanilang sarili, at hindi nila kailangan ang tulong Ko dahil tumanda na sila at hindi nila Ako kailangan para pakainin sila. Samakatuwid, plano Kong magdaos ng isang “pagdiriwang ng tagumpay” kasama ang sangkatauhan, pagkatapos ay magpapaalam na Ako sa kanila, para malaman nila ito. Siyempre pa, hindi magandang maghiwalay nang hindi magkasundo, dahil wala naman kaming samaan ng loob. Sa gayon, ang aming pagkakaibigan ay magiging walang hanggan. Umaasa Ako na kapag nagkahiwalay na kami, magagawa ng mga tao na ipagpatuloy ang Aking “pamana,” at hindi malimutan ang mga turong naibigay Ko habang nabubuhay Ako. Sana ay wala silang gawing anuman na maghahatid ng kahihiyan sa Aking pangalan, at na isasaisip nila ang Aking salita. Sana ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila upang palugurin Ako kapag nakaalis na Ako; sana ay gamitin nila ang Aking salita bilang pundasyon sa kanilang buhay, at hindi nila makaligtaang ipamuhay ang Aking mga inaasam, sapagkat palaging nag-aalala ang Aking puso para sa mga tao, at palagi Akong malapit sa kanila. Nagtipun-tipon kami ng sangkatauhan, at tinamasa namin sa lupa ang mga pagpapalang kapareho ng nasa langit. Kasama Kong namuhay ang mga tao at nanahan Ako sa piling nila; palagi Akong mahal ng mga tao, at palagi Ko silang mahal. Malapit kami sa isa’t isa. Sa paggunita Ko sa panahon na kasama Ko ang mga tao, naaalala Ko ang mga panahon na puno kami ng tawanan at saya, at mayroon ding mga pag-aaway. Gayunpaman, ang aming pagmamahalan ay naitatag sa batayang ito, at ang aming pakikitungo sa isa’t isa ay hindi kailanman naputol. Sa gitna ng maraming taon ng aming ugnayan, nag-iwan ng malalim na impresyon ang sangkatauhan sa Akin, at nabigyan Ko ang mga tao ng napakaraming bagay na tatamasahin, na lagi nilang pinasasalamatan nang doble-doble. Ngayon, ang aming mga pagtitipon ay hindi na kailanman magiging tulad ng dati; sino ang makakalimot sa sandaling ito ng aming paghihiwalay? Mahal na mahal Ako ng mga tao, at walang-hanggan ang pagmamahal Ko sa kanila—ngunit ano ang magagawa tungkol diyan? Sino ang mangangahas na lumabag sa mga kinakailangan ng Ama sa langit? Babalik Ako sa Aking tahanan, kung saan tatapusin Ko ang isa pang bahagi ng Aking gawain. Marahil ay magkakaroon pa kami ng pagkakataong magkitang muli. Sana ay hindi gaanong malungkot ang mga tao, at bigyang-kasiyahan nila Ako sa lupa; madalas silang bibiyayaan ng Aking Espiritu sa langit.
Sa panahon ng paglikha, naipropesiya Ko na sa mga huling araw gagawa Ako ng isang grupo ng mga tao na kaisa Ko ang isipan. Nasabi Ko na noon pa man na matapos magtatag ng isang huwaran sa lupa sa mga huling araw, babalik Ako sa Aking tahanan. Kapag napalugod Ako ng buong sangkatauhan, natupad na nila ang hiniling Ko sa kanila, at hindi Ko na sila hihilingan ng anupaman. Sa halip, Ako at ang mga tao ay magpapalitan ng mga kuwento tungkol sa mga nakaraang panahon, at pagkatapos niyon ay maghihiwalay na kami. Nasimulan Ko na ang gawaing ito, at natulutan Ko na ang mga tao na ihanda ang kanilang isipan at unawain ang Aking mga layunin, kung hindi ay magkakamali sila ng pag-unawa at iisipin nila na Ako ay malupit o walang puso, na hindi Ko hinahangad. Mahal ba Ako ng mga tao subalit ayaw nila Akong bigyan ng angkop na dakong pahingahan? Ayaw ba nilang magsumamo sa Ama sa langit sa Aking pangalan? Hindi pa ba nakaluha ng pagdamay ang mga tao na kasama Ko? Hindi pa ba sila nakatulong sa pagsasakatuparan ng maagang pagkikita Naming muli—ang Ama at Anak? Kung gayon ay bakit ayaw nila ngayon? Ang Aking ministeryo sa ibabaw ng lupa ay natupad na, at matapos makipaghiwalay sa sangkatauhan, patuloy pa rin Akong tutulong sa kanila; hindi ba mabuti ito? Upang magkamit ng mas magagandang resulta ang Aking gawain, at upang maging kapaki-pakinabang ito sa magkabilang panig, kailangan kaming maghiwalay, bagama’t masakit iyon. Hayaang tumulo ang aming mga luha nang tahimik; hindi Ko na sisisihin ang sangkatauhan. Noong araw, nakapagsalita Ako ng maraming bagay sa mga tao, na pawang nakaduro sa puso nila mismo, kaya sila naluha sa pagdadalamhati. Dahil diyan, humihingi Ako ng paumanhin sa sangkatauhan at humihingi Ako ng tawad sa kanila. Hinihiling Ko na huwag nila Akong kamuhian, sapagkat lahat ng ito ay para sa kanilang sariling kabutihan. Samakatuwid, sana ay maunawaan ng mga tao ang Aking puso. Sa nakaraang mga panahon nagkaroon kami ng mga alitan, ngunit sa paggunita, kapwa kami nakinabang. Dahil sa mga alitang ito, naging magkaibigan ang Diyos at ang sangkatauhan. Hindi ba iyan ang bunga ng ating pagtutulungan? Dapat nating matamasang lahat ito. Humihingi Ako ng tawad sa mga tao sa dati Kong “mga pagkakamali.” Ang kanila ring mga paglabag ay kalilimutan. Basta’t kaya nilang suklian ang Aking pagmamahal sa hinaharap, mapapanatag niyan ang Aking Espiritu sa langit. Hindi Ko alam kung ano ang matibay na pagpapasiya ng sangkatauhan tungkol dito—kung handa ang mga tao na palugurin Ako sa Aking huling kahilingan o hindi. Wala na Akong iba pang hinihiling sa kanila, basta mahalin lamang nila Ako. Sapat na iyan. Magagawa ba ito? Hayaang maiwan sa nakaraan ang lahat ng masasaklap na bagay na nangyari sa pagitan natin; hayaang palaging magkaroon ng pagmamahalan sa pagitan natin. Nabigyan Ko na ang mga tao ng labis na pagmamahal, at napakabigat ng ipinalit nila para mahalin Ako. Sa gayon, sana ay pahalagahan ng sangkatauhan ang walang-halo at dalisay na pagmamahalan sa pagitan namin upang umabot ang aming pagmamahal sa buong mundo ng tao at maipasa ito sa iba magpakailanman. Kapag nagkita tayong muli, mag-ugnayan pa rin tayo sa pagmamahal upang magpatuloy ang ating pagmamahalan hanggang kawalang-hanggan at mapuri at maipalaganap ng lahat ng tao. Masisiyahan Ako riyan, at ipakikita Ko ang Aking nakangiting mukha sa sangkatauhan. Sana ay maalala ng mga tao ang Aking mga payo.
Hunyo 1, 1992