Kabanata 1

Gaya ng sinabi ng Diyos, “Walang maaaring makatarok sa ugat ng Aking mga salita, ni maunawaan ang Aking mga layunin sa pagbigkas sa mga iyon,” kung hindi dahil sa paggabay ng Espiritu ng Diyos, at kung hindi dahil sa pagdating ng Kanyang mga pahayag, lahat ng tao ay mapapahamak sa ilalim ng Kanyang pagkastigo. Bakit ba sinubok ng Diyos ang tao nang napakatagal? At kasingtagal ng limang buwan? Ito ang pangunahing punto ng ating pagbabahagi gayundin ang pinakapunto ng karunungan ng Diyos. Maaari nating ipalagay ang ganito: Kung hindi dahil sa panahon ng pagsubok na ito sa tao, at kung wala ang marubdob na paghampas, pagpatay, at pagtibag ng Diyos sa tiwaling sangkatauhan, kung ang pagtatayo ng iglesia ay nagpatuloy hanggang ngayon, ano na kaya ang naging resulta? Kaya sa unang pangungusap pa lamang, ang Diyos ay dumidiretso na sa punto at direktang tinutukoy ang ninanasang epekto ng gawain sa loob ng mga buwang ito—tunay na nagpapadugo na Siya sa unang tusok pa lang! Sapat na ito upang ipakita ang karunungan ng mga gawa ng Diyos sa loob ng panahong ito ng ilang buwan: Nagawa ng mga ito na turuan ang lahat, sa pamamagitan ng pagsubok, kung paano magpasakop at kung paano taos-pusong ibuhos ang kanilang sariling lakas, gayundin ang kung paano mas makikilala ang Diyos sa pamamagitan ng masakit na pagpipino. Habang mas nawawalan ng pag-asa ang mga tao, mas nakikilala nila ang kanilang mga sarili. At sa totoo lang, habang mas nakakaharap sila ng pagpipinong puno ng pagdurusa, mas nakikilala nila ang kanilang sariling katiwalian, hanggang maunawaan nila na sila ay hindi karapat-dapat kahit na maging isang tagapagsilbi para sa Diyos, at ang pagsisilbi ay pagtataas Niya. Kaya’t kapag nakamit na ang resultang ito, kung kailan nasaid na ng tao ang kanyang sarili, direktang binibigkas ng Diyos ang mga salita ng habag, nang walang itinatago. Maliwanag na ang pamamaraan ng paggawa ng Diyos, pagkatapos ng ilang buwan na ito, ay nagsisimula ngayon; ginawa na Niya itong malinaw upang makita ng lahat. Dahil sa nakaraan ay malimit na sinabi ng Diyos, “hindi madaling makamit ang karapatang matawag na bayan ng Diyos,” kaya tinupad Niya ang mga salitang ito sa mga taong tinutukoy bilang mga tagapagsilbi, na sapat na upang ipakita na ang Diyos ay maaaring mapagkatiwalaan nang walang anumang pag-aalinlangan. Lahat ng sinasabi ng Diyos ay magkakatotoo, sa magkakaibang antas, at hindi ito kailanman hungkag na pananalita.

Kapag ang lahat ng tao ay puno ng pighati at kalumbayan hanggang sa pagkagambala, ang mga salitang gaya nito mula sa Diyos ay akmang-akma, pinasisigla silang muli sa gitna ng kanilang kawalan ng pag-asa. Upang alisin ang anupamang pag-aalinlangan mula sa isip ng mga tao, idinagdag ng Diyos ang sumusunod: “Kahit na sila ay tinataguriang Aking bayan, ang titulong ito ay hindi pumapangalawa sa anumang paraan sa pagkatawag bilang Aking ‘mga anak.’” Sapat na ito upang ipakita na ang Diyos lamang ang makapag-iingat sa Kanyang sariling awtoridad, at kapag nabasa na ito ng mga tao, mas matibay silang maniniwala na hindi ito isang paraan ng paggawa, kundi katotohanan. Higit pa rito, upang ang mga pangitain ng mga tao ay manatiling hindi nalalambungan, ang pagkakakilanlan ng lahat ng tao ay napalinaw sa Kanyang bagong pamamaraan. Sapat na ito upang ipakita ang karunungan ng Diyos at binibigyang-kakayahan nito ang mga tao na malaman nang mas mabuti na nakikita ng Diyos ang puso ng mga tao; sa kanilang mga ginagawa at mga iniisip, ang mga tao ay gaya ng mga manika, na minamanipula ng Diyos. Ito ay tiyak at hindi mapag-aalinlanganan.

Bumalik tayo sa simula. Ang ginawa ng Diyos mula sa simula ay ang ituro nang tahasan na ang unang hakbang ng Kanyang gawain, “ang pagdadalisay sa iglesia,” ay natapos na. “Ang kalagayan ngayon ay hindi tulad noong dati, at ang Aking gawain ay nakapasok na sa isang bagong panimula.” Mula sa pangungusap na ito, makikita na ang gawain ng Diyos ay nakapasok na sa isang bagong panimula, at pagkatapos ay kaagad Niyang tinukoy sa atin ang mga plano para sa susunod na hakbang ng Kanyang gawain—kapag natapos na ang pagtatayo ng iglesia, ang buhay ng Kapanahunan ng Kaharian ay magsisimula, “dahil hindi na ngayon kapanahunan ng pagtatayo ng iglesia, kundi ang kapanahunan kung kailan ang kaharian ay matagumpay na naitatayo.” Bilang karagdagan, naipahayag Niya na dahil ang mga tao ay nasa lupa pa rin, ang kanilang mga pagtitipon ay patuloy na tutukuyin bilang iglesia, at sa paraang ito ang hindi makatotohanang pagkatanto ng “kaharian” sa mga imahinasyon ng mga tao ay naiiwasan. Kasunod nito ang pagbabahagi tungkol sa usapin ng mga pangitain.

Bakit ba, kahit na ngayon ay kapanahunan ng pagtatayo ng kaharian at katapusan ng pagtatayo ng iglesia, ang lahat ng pagtitipon ay tinatawag pa ring iglesia? Sinabi noon na ang iglesia ay pauna ng kaharian, at kung wala ang iglesia hindi maaaring magkaroon ng usapang tungkol sa kaharian. Ang simula ng Kapanahunan ng Kaharian ay ang simula ng ministeryo ng Diyos sa katawang-tao, at ang Kapanahunan ng Kaharian ay inihahatid ng Diyos na nagkatawang-tao. Ang dinadala Niya ay ang Kapanahunan ng Kaharian, at hindi ang opisyal na pagbaba ng kaharian. Hindi ito mahirap mailarawan sa isip; ang bayan ng Diyos na tinutukoy Ko ay ang mga tao ng Kapanahunan ng Kaharian, at hindi ang mga tao ng kaharian mismo. Sa gayon, may katuturang sabihin na ang mga pagtitipon sa lupa ay tutukuyin pa rin bilang iglesia. Sa nakalipas, kumilos Siya sa loob ng Kanyang normal na pagkatao habang hindi pa napatototohanan bilang Diyos Mismo, kaya ang Kapanahunan ng Kaharian ay hindi pa nagsimula sa gitna ng tao; iyon ay, gaya ng nasabi Ko, ang Aking Espiritu ay hindi pa opisyal na nagsimulang gumawa sa Aking nagkatawang-taong laman. Ngayon na ang Diyos Mismo ay napatotohanan na, ang kaharian ay isinasakatuparan sa gitna ng tao. Ipinakakahulugan nito na Ako ay magsisimulang gumawa sa loob ng Aking pagka-Diyos, kaya’t yaong mga taong makakapagpahalaga sa Aking mga salita at Aking mga gawa sa pagka-Diyos ay kikilalanin bilang Aking bayan sa Kapanahunan ng Kaharian. Dito nabuo ang “bayan ng Diyos.” Sa yugtong ito, ang pangunahing kumikilos at nagsasalita ay ang Aking pagka-Diyos. Ang tao ay sadyang hindi maaaring makialam, ni guluhin ang Aking plano. Sa sandaling nakarating na ang Diyos sa isang tiyak na yugto sa Kanyang pagsasalita, ang Kanyang pangalan ay nasasaksihan, at mula rito ang Kanyang pagsubok sa sangkatauhan ay magsisimula. Ito ang sukdulan ng karunungan sa gawain ng Diyos. Inilalatag nito ang isang matibay na pundasyon at ang mga ugat para sa pagsisimula ng susunod na hakbang gayundin ang katapusan ng huling hakbang. Ito ay isang bagay na walang sinumang tao ang posibleng nakapag-akala; ito ang punto ng pagtatagpo ng una at ikalawang bahagi ng kapanahunan ng paghatol. Kung wala ang ilang buwan na iyon kung kailan pinino Ko ang tao, hindi magkakaroon ng paraan ng paggawa ang Aking pagka-Diyos. Ang mga buwang iyon ng pagpipino ay nagbukas ng daan para sa susunod na hakbang ng Aking gawain. Ang katapusan ng ilang buwang ito ng gawain ay isang tanda ng paglalim ng susunod na yugto ng gawain. Kung ang isang tao ay totoong nauunawaan ang mga salita ng Diyos, mauunawaan niya na ginagamit ng Diyos ang mga buwang ito upang simulan ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain, nang sa gayon ay makamit nito ang higit pang mabuting mga resulta. Dahil ang balakid ng Aking pagkatao ay lumikha ng isang hadlang para sa susunod na hakbang ng Aking gawain, kaya sa pamamagitan ng ilang buwang ito ng pagpipino sa pamamagitan ng pagdurusa, ang parehong panig ay napagtitibay at nagkamit ng malaking pakinabang. Ngayon lamang, bilang bunga nito, nagsisimulang pahalagahan ng tao ang paraan ng pagtawag Ko sa kanya. Kaya’t, nang sinabi ng Diyos, sa isang pagbaling ng Kanyang panulat, na hindi na Niya tatawagin ang mga tao bilang “tagapagsilbi”, kundi “bayan ng Diyos,” lahat sila ay napuno ng kagalakan. Ito ang kahinaan ng tao. Nagsalita ang Diyos sa paraang ginawa Niya para mahuli mismo ang matinding kahinaang ito ng tao.

Upang lalong makumbinsi ang lahat ng tao at makamit ang kanilang buong-pusong paniniwala, at upang tukuyin ang katunayan na may halong mga dumi ang katapatan ng ilang tao, nagpatuloy pa ang Diyos sa pagtawag ng pansin sa lahat ng iba’t ibang uri ng kapangitan ng tao, at sa paggawa nito ay natupad Niya ang Kanyang mga salita: “Ilan ang totoong nagmamahal sa Akin? Sino ang hindi kumikilos alang-alang sa kanilang sariling kinabukasan? Sino ang hindi kailanman dumaing sa panahon ng kanilang mga pagsubok?” Mula sa mga salitang gaya nito, maaaring makita ng lahat ng tao ang kanilang sariling pagsuway, pagiging di-tapat, at kawalan ng paggalang sa magulang, at sa gayon ay makita na ang habag at kagandahang-loob ng Diyos ay sumusunod sa lahat ng naghahanap sa Kanya sa bawat hakbang ng daan. Ito ay makikita mula sa mga sumusunod na salita: “Kapag ang ilan ay nasa bingit ng pag-urong, kapag ang lahat, na umaasa sa Akin na baguhin ang Aking paraan ng pagsasalita, ay nawalan na ng pag-asa, Aking binibigkas ang mga salita ng pagliligtas sa oras na iyon, na dinadala silang lahat na totoong nagmamahal sa Akin pabalik sa Aking kaharian, sa harap ng Aking trono.” Dito, ang pariralang “yaong mga totoong nagmamahal sa Akin,” at ang retorikal na tanong na “Ilan ang totoong nagmamahal sa Akin?” ay hindi magkasalungat. Ipinapakita ng mga ito kung paanong ang “katapatan” sa kontekstong ito ay mayroong mga dumi. Hindi sa walang nalalaman ang Diyos; bagkus, mismong dahil nakikita ng Diyos ang kaloob-looban ng mga puso ng mga tao, ang mga salitang gaya ng “katapatan” ay ginagamit Niya, na pang-uuyam na tumutukoy sa tiwaling sangkatauhan, upang higit na makita ng lahat ng tao ang kanilang pagkakautang sa Diyos, higit na kamuhian ang kanilang sarili, gayundin ay mabatid ang katunayan na ang mga hinaing na nasa kanilang mga puso ay nanggagaling lahat kay Satanas. Ang lahat ng tao ay nagugulat kapag nakita nila ang salitang gaya ng “debosyon,” iniisip sa kanilang sarili: “Maraming beses na akong dumaing laban sa Langit at lupa, at maraming beses nang ninais na umalis, ngunit dahil natatakot ako sa mga atas administratibo ng Diyos ay pakikitunguhan ko pa rin ang mga bagay-bagay para lamang matapos na ang mga ito at sumabay sa karamihan, na hinihintay ang Diyos na pakitunguhan ako, na iniisip na, kung lumabas na totoong wala nang pag-asa ang mga bagay-bagay, magkakaroon pa ng sapat na oras para ako’y dahan-dahang umurong. Ngunit ngayon ay tinatawag tayo ng Diyos na Kanyang mga taong tapat. Talaga bang ang Diyos ay Diyos na nakakakita sa kaloob-looban ng mga puso ng mga tao?” Upang maiwasan ang ganitong uri ng maling pagkaunawa kung kaya’t sa katapus-tapusan na lamang tinawag ng Diyos ang pansin ng mga tao sa mga kalagayan ng pag-iisip ng sari-saring uri ng mga tao. Ginawa nito na magbago ang kalagayan ng lahat ng tao mula sa nag-aalinlangan sa kanilang mga puso habang nagpapahayag na masaya sa panlabas, patungo sa isang kalagayan kung saan napaniwala sila sa puso, sa mga salita, at sa paningin. Sa ganitong paraan, ang impresyon ng tao sa salita ng Diyos ay naging mas malalim, at bilang likas na resulta nito ay mas kinilabutan nang kaunti ang tao, mas natatakot nang kaunti, at bukod pa rito ay nagtamo ng higit na pagkaunawa sa Diyos. Sa huli, upang maibsan ang mga pag-aalala ng tao, sinabi ng Diyos: “Subalit yamang ang nakaraan ay nakaraan na, at ang kasalukuyan ay narito na, hindi na kailangan pang balikan ang nakaraan na may panghihinayang, o mag-alala tungkol sa hinaharap.” Ang ganitong uri ng maigting, magkakaayon, subali’t maikling paraan ng pagsasalita ay mayroon pang mas malaking epekto, na tinutulutan ang lahat ng nagbabasa ng Kanyang mga salita na makita ang liwanag minsan pa mula sa gitna ng kanilang kawalang pag-asa sa nakalipas, hanggang makita nila ang karunungan at mga gawa ng Diyos, matamo ang katawagang “bayan ng Diyos,” maalis ang mga pag-aalinlangan sa kanilang mga puso, at pagkatapos ay makilala ang kanilang mga sarili mula sa mga nagbabagong pagpapaulit-ulit ng mga kalagayan ng kanilang isip. Ang mga kalagayang ito ay tumataas at bumababa nang salitan, na nagbubunsod ng lungkot at dalamhati, kasiyahan at galak. Sa kabanatang ito, naglahad ang Diyos ng isang balangkas ng mga tao na waring buhay na buhay at matingkad ang bawat detalye, na umabot na ito sa punto ng pagiging perpekto. Ito’y isang bagay na talagang hindi kayang makamit ng tao, isang bagay na tunay na naglalantad ng mga lihim na pinakatatago sa kaibuturan ng puso ng tao. Maaari kayang ito ay isang bagay na kayang gawin ng tao?

Agad na sumusunod dito, at higit pang mahalaga, ay ang talata sa ibaba, na tuwirang ibinubunyag sa tao ang atas administratibo ng Diyos, at ito ang pinakamahalagang bahagi: “Bilang mga tao, sinumang sumasalungat sa realidad at hindi gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa Aking paggabay ay hindi makararating sa isang mabuting wakas, kundi magdadala lamang ng kaguluhan sa kanilang mga sarili. Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan.” Hindi ba’t ito ang atas administratibo ng Diyos? Sapat na ito upang ipakita na di-mabilang ang mga halimbawa ng mga lumalabag sa atas administratibo na ito. Base sa nasa itaas, nagpapatuloy ang Diyos na udyukan ang bawat isa na huwag isipin ang kanilang sariling tadhana. Kung mangangahas ang isang tao na naising kumawala sa pagsasaayos ng Diyos, ang mga kalalabasan ay magiging lubos na kahindik-hindik. Sa gayon, ginagawa nito na lahat ng dumanas ng kaliwanagan at pagpapalinaw sa mga salitang ito na mas maunawaan ang atas administratibo ng Diyos gayundin ay maunawaan na ang Kanyang kamahalan ay hindi dapat pagkasalaan, at sa gayon ay maging higit na may karanasan at maaasahan, luntiang gaya ng isang punong pino na, bagama’t nalantad sa hangin at namuong hamog, ay nakatayong lumalaban sa banta ng mapait na lamig, at patuloy na dumaragdag sa kasiglahan ng nabubuhay na luntiang kalikasan. Ang karamihan sa mga taong nakakakita sa talatang ito ay nalilito na para bang napadako sila sa isang uri ng lugar na mahirap mahanap ang labasan; ito ay dahil ang nilalaman ng mga salita ng Diyos ay nagbabago nang medyo mabilis, kaya siyam sa sampung tao ay pumapasok sa isang pasikut-sikot na pasilyo kapag nagtatangka silang maunawaan ang kanilang sariling mga tiwaling disposisyon. Upang mas maayos ang paggawa sa hinaharap, upang maalis ang mga pagdududa sa puso ng lahat ng tao, at upang ang lahat ay sumulong sa kanilang paniniwala sa katapatan ng Diyos, binibigyang-diin Niya sa katapusan ng talatang iyon: “Ang bawat isa sa mga yaon na totoong nagmamahal sa Akin ay tiyak na magbabalik sa harapan ng Aking trono.” Sa gayon, ang isip ng mga taong sumailalim sa ilang buwan ng Kanyang gawain ay nababawasan ng pangamba sa isang saglit. Higit pa rito, ang kanilang mga puso, na parang nakabitin sa ere, ay bumabalik sa dati nilang kalagayan na para bang bumagsak sa lupa ang isang mabigat na bato. Hindi na nila kailangang mag-alala sa kanilang kapalaran; higit pa rito, naniniwala sila na ang Diyos ay hindi na magsasalita ng mga salitang walang laman. Yamang ang mga tao ay mapagmagaling, wala kahit isa ang naniniwalang hindi nila ipinakikita ang pinakamataas na pagtatalaga sa Diyos; ito ang dahilan kung bakit sadyang binibigyang-diin ng Diyos ang “totoo”—upang makamit ang mas mabuting kalalabasan. Ito ay upang ihanda ang daan at ilatag ang pundasyon para sa susunod na hakbang sa Kanyang gawain.

Sinundan: Kabanata 47

Sumunod: Kabanata 3

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito