Kabanata 41

Ako ay minsang nagsagawa ng isang malaking gawain sa gitna ng mga tao, ngunit hindi nila napansin, kaya kinailangan Kong gamitin ang Aking salita upang ibunyag ito sa kanila nang paisa-isang hakbang. Gayunman, hindi pa rin maunawaan ng tao ang Aking mga salita, at nanatili siyang walang-alam sa layunin ng Aking plano. Kung kaya, dahil sa kanilang mga kakulangan at kapintasan, gumawa ang mga tao ng mga bagay-bagay upang gambalain ang Aking pamamahala, at nagbigay ito ng pagkakataon sa lahat ng uri ng maruruming espiritu na pumasok, kaya ang sangkatauhan ay naging mga biktima ng mga ito at pinahirapan ng maruruming espiritung ito hanggang sila ay lubos na dumumi. Doon Ko lamang malinaw na nakita ang mga hangarin at mithiin ng tao. Bumuntong-hininga Ako sa loob ng mga ulap: Bakit ang mga tao ay palaging kumikilos para sa kanilang sarili? Hindi ba ang Aking mga pagkastigo ay para gawin silang perpekto? Sinasadya Ko bang patamaan ang positibo nilang saloobin? Ang wika ng tao ay napakaganda at malumanay, samantalang ang kanyang mga pagkilos ay lubos na napakagulo. Bakit ang Aking mga hinihingi sa tao ay palaging nauuwi sa wala? Ito ba ay dahil mistulang hinihingi Ko sa isang aso na umakyat sa isang puno? Na lumilikha Ako ng labis na kuskus-balungos mula sa wala? Habang Aking isinasakatuparan ang Aking buong plano ng pamamahala, nakalikha Ako ng sari-saring “mga eksperimentong plano;” gayunman, sanhi ng masamang kondisyon, at ng napakaraming taon na walang sikat ng araw, ang kalupaan ay patuloy na nagbabago, na humahantong sa “pagkasira” ng lupa. Kaya sa Aking alaala, pinabayaan Ko na ang di-mabilang na sukat ng lupa na tulad nito. Maging sa kasalukuyan, malaking bahagi ng kalupaan ang patuloy na nagbabago. Kung balang-araw ang lupa ay talagang magbabago ng uri, agaran Ko itong isasantabi—hindi ba iyan mismo ang gawain ko sa kasalukuyang yugto? Ngunit ang sangkatauhan ay wala ni katiting na kamalayan tungkol dito; sila ay “kinakastigo” lamang sa ilalim ng Aking “paggabay.” Ano ang silbi noon? Maaari ba Akong maging isang Diyos na hayagang dumarating upang kastiguhin ang tao? Sa kalangitan sa itaas, minsan Akong nagplano na kapag Ako ay makasama ng mga tao, Ako ay makikipag-isa sa kanila, upang lahat ng Aking minamahal ay magiging malapit sa Akin. Subalit sa kasalukuyan, matapos umabot sa kasalukuyang yugtong ito, hindi lamang hindi nakikipag-ugnayan ang tao sa Akin, ngunit sa halip ay pinananatili niya ang kanyang agwat mula sa Akin dahil sa Aking pagkastigo. Hindi Ako tumatangis dahil sa kanyang pag-iwas. Ano ang maaaring magawa tungkol dito? Ang mga tao ay pawang mga nagtatanghal na kumakanta kasabay ng anumang awiting pinatutugtog. Kumpiyansa Ako sa kakayahan Kong hayaan ang mga tao na “makawala” mula sa Aking pagkakahawak, at higit pa ang kumpiyansa Ko sa Aking kakayahan na maibalik sila sa Aking “pabrika” mula sa “ibang mga bahagi.” Sa sugpungang ito, anong karaingan ang maaaring posibleng magkaroon ang tao? At ano ang maaaring posibleng gawin ng tao sa Akin? Hindi ba’t ang mga tao ay ang mga damong lumalago sa ibabaw ng pader? Gayunman, hindi Ko sinasaktan ang mga tao para sa pagkakamaling ito, kundi sa halip ay binibigyan sila ng Aking sustansya. Ang mga tao ay mahina, walang lakas, at kulang sa sustansya; ganoon lamang talaga sila. Binabago Ko ang malalamig na puso ng mga tao sa pamamagitan ng Aking mainit na yakap: Sino pa ang maaaring gumawa ng gayong bagay? Bakit Ko isinagawa ang gayong gawain sa piling ng tao? Mauunawaan ba talaga ng tao ang Aking puso?

Sa lahat ng taong Aking pinili, Ako ay pumasok sa isang “negosyo,” kaya palaging labas-pasok ang mga tao sa Aking tahanan, sa isang walang-katapusang daloy. Silang lahat ay gumagawa ng sari-saring pormalidad sa Aking tahanan, na para bang sila ay nakikipagtalakayan ng tungkol sa negosyo sa Akin, na ginagawang abalang-abala ang Aking gawain, at kung minsan ay labis-labis na wala na Akong pagkakataong asikasuhin ang mga alitan sa pagitan nila. Hinihimok Ko ang mga tao na huwag nang dumagdag sa Aking mga pasanin; mas mabuting iplano nila ang kanilang sariling landas sa halip na patuloy na umaasa sa Akin. Hindi sila maaaring laging maging mga bata sa Aking tahanan; ano ang magiging kapakinabangan doon? Ang Aking ginagawa ay isang mahalagang negosyo; hindi Ako nagpapatakbo ng “tindahan ng meryenda sa barangay,” o ng isang “sari-sari store.” Hindi nauunawaan ng lahat ng tao ang takbo ng Aking pag-iisip, na para bang sinasadya nilang makipagbiruan sa Akin, na tila ba silang lahat ay makukulit na bata na may di-mapawing kagustuhan na maglaro at hindi kailanman isinasaalang-alang ang mga seryosong bagay, na nagdudulot sa marami na mabigong tapusin ang kanilang mga “takdang gawain” na ibinigay Ko sa kanila. Paano nagkaroon ng lakas ng loob ang mga taong tulad nito na ipakita ang kanilang mukha sa “guro” nila? Bakit hindi nila kailanman inaasikaso ang mga dapat nilang gawin? Anong uri ng bagay ang puso ng tao? Hanggang ngayon ay hindi pa rin ito malinaw sa Akin. Bakit ang puso ng tao ay walang tigil na nagbabago? Tulad ito ng isang araw ng Hunyo: Ngayon ay napakainit ng araw, tapos ay kumakapal ang mga ulap, at tapos ay umuungol ang malakas na hangin. Kaya bakit ang tao ay hindi natututo mula sa karanasan? Marahil ang sinabi Ko ay isang eksaherasyon. Ni hindi nga marunong ang mga tao na magdala ng payong sa panahon ng tag-ulan, kaya dahil sa kanilang kamangmangan, hindi na mabilang ang pagkakataon na sila ay nabasa nang husto ng biglaang pagbuhos ng ulan, na tila ba sadya Ko silang binibiro at sila ay palaging binubuhusan ng ulan mula sa langit. O marahil ito ay dahil masyado Akong “malupit,” ginugulo ang isip ng mga tao at kaya palaging sabog ang pag-iisip nila, hindi malaman kailanman kung ano ang gagawin. Walang tao ang tunay na nakaunawa sa layunin o kabuluhan ng Aking gawain. Dahil dito, ginagawa nilang lahat ang gawaing ito ng panggugulo at pagkastigo sa kanilang sarili. Sinasadya Ko ba talagang kastiguhin ang tao? Bakit gumagawa ng gulo ang mga tao para sa kanilang sarili? Bakit palagi silang nagpapahuli sa bitag? Bakit hindi sila nakikipagkasundo sa Akin, ngunit sa halip ay naghahanap ng paraan upang gumawa ng gawain para sa kanilang sarili? Maaari kaya na hindi sapat ang lahat ng ibinibigay Ko sa tao?

Aking inilathala ang Aking “unang gawain” sa gitna ng buong sangkatauhan, at dahil masyadong pinahanga ng Aking inilathala ang mga tao, ito ay detalyado at maingat na pinag-aralan nilang lahat, at sa pamamagitan ng masusing pag-aaral na ito, napakarami nilang nakamit. Tila isang kamangha-mangha, at napakakomplikadong nobela ang Aking isinulat; ito ay parang isang tulang prosa ng pag-ibig; ito ay parang isang talakayan sa isang palatuntunang pampulitika; ito ay tila isang koleksyon ng pang-ekonomiyang karunungan. Dahil ang Aking isinulat ay napakasagana, maraming magkakaibang opinyon tungkol dito, at walang sinumang nakapagbibigay ng isang paunang-salita na nagbubuod sa gawain Kong ito. Maaaring may “katangi-tanging” kaalaman at talento ang mga tao, ngunit ang gawain Kong ito ay sapat na upang lituhin ang lahat ng may kakayahan at talentadong tao. Kahit na sinasabi nila na, “Maaaring dumaloy ang dugo, maaaring umagos ang mga luha, ngunit hindi dapat iyuko ng isang tao ang kanyang ulo,” hindi nila namamalayang naiyuko na nila ang kanilang ulo upang ipahayag ang kanilang pagsuko sa harap ng Aking isinulat. Mula sa mga aral ng kanyang karanasan, ibinuod ng tao ang Aking isinulat na tulad ng isang panlangit na aklat na nahulog mula sa himpapawid. Gayunpaman ay hinihimok Ko ang tao na huwag maging masyadong maramdamin. Sa Aking pananaw, ang lahat ng Aking sinabi ay napakakaraniwan; gayunman, umaasa Ako na sa Ang Ensiklopedya ng Buhay na nilalaman ng Aking gawa, makakahanap ang mga tao ng paraan ng ikabubuhay; sa Hantungan ng Tao, maaari nilang hanapin ang kahulugan ng buhay; sa Ang Mga Lihim ng Langit, maaari nilang hanapin ang Aking kalooban; at sa Ang Landas ng Sangkatauhan, maaari nilang hanapin ang sining ng pamumuhay. Hindi ba magiging mas mabuti ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Hindi Ko pinipilit ang tao; kung ang isang tao ay “hindi interesado” sa Aking isinulat, “isasauli” Ko ang kanyang ibinayad sa Aking aklat, dagdag pa ang “bayad sa serbisyo.” Hindi Ko pinipilit ang sinuman. Bilang may-akda ng aklat na ito, ang tangi Kong inaasahan ay na mamahalin ng mga mambabasa ang Aking gawa, ngunit ang mga nagugustuhan ng mga tao ay palaging magkakaiba. Kung kaya, hinihimok Ko ang mga tao na huwag ikompromiso ang kanilang panghinaharap na mga pagkakataon dahil lamang sa hindi nila kayang pakawalan ang mga pagsasaalang-alang ng karangalan. Kung gagawin nila iyan, sa kabaitan Kong ito, paano Ko matitiis ang gayon kalaking kahihiyan? Kung kayo ay mga mambabasa na gustung-gusto ang Aking gawa, umaasa Ako na ipapaabot ninyo sa Akin ang inyong mahahalagang mungkahi, upang Aking mas mapaunlad ang Aking pagsusulat, at nang sa gayon, sa pamamagitan ng mga pagkakamali ng tao ay mapapabuti ang nilalaman ng Aking isinusulat. Ito ay magiging kapaki-pakinabang kapwa sa may-akda at sa mambabasa, hindi ba? Hindi Ko alam kung tama ang pagsasabi Ko nito, at marahil sa ganitong paraan ay mapagbubuti Ko ang Aking kakayahan sa pagsulat, o marahil ay mapapalakas nito ang ating pagkakaibigan. Sa kabuuan, Ako ay umaasa na ang lahat ng tao ay maaaring makipagtulungan sa Aking gawain, nang hindi ito ginagambala, upang ang Aking salita ay maaaring maihatid sa bawat pamilya at tahanan, at upang ang lahat ng tao sa lupa ay maaaring makapamuhay sa Aking mga salita. Ito ang Aking layunin. Ako ay umaasa na sa pagbabasa ng Ang Kabanata sa Buhay sa Aking mga salita, ang lahat ay maaaring may matamo, maging ito man ay mga kasabihan sa buhay, o kaalaman sa mga kamaliang sumasapit sa mundo ng mga tao, o kung ano ang Aking hinihingi sa tao, o ang “mga lihim” ng mga tao ng kaharian sa kasalukuyan. Gayunman, hinihimok Ko ang mga tao na tingnan ang Ang Mga Iskandalo ng mga Tao Ngayon; ito ay magiging kapaki-pakinabang sa lahat. At hindi rin masamang basahin nang madalas ang Ang mga Pinakabagong Lihim, na magiging higit pang kapaki-pakinabang sa buhay ng mga tao. Muli, madalas na basahin ang kolum ng Maiinit na Paksa—hindi ba’t ito ay higit pang kapaki-pakinabang sa buhay ng mga tao? Walang masama sa paghingi ng Aking payo, ang tingnan kung ito ay may anumang epekto, at pagkatapos ay sabihin sa Akin kung ano ang inyong naramdaman pagkatapos ninyong mabasa ito, upang maaari Kong ireseta ang tamang gamot, at sa huli ay ganap na maalis ang lahat ng karamdaman ng sangkatauhan. Hindi Ko alam kung ano ang iniisip ninyo tungkol sa Aking mga mungkahi, ngunit Ako ay umaasa na ituturing ninyo ang mga iyon bilang inyong sanggunian. Ano sa palagay ninyo?

Mayo 12, 1992

Sinundan: Kabanata 40

Sumunod: Kabanata 42

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito