Awit ng Kaharian
Ipinagbubunyi Ako ng mga tao, pinupuri Ako ng mga tao; lahat ng bibig ay tinatawag ang nag-iisang tunay na Diyos, lahat ng tao ay tumitingala upang masdan ang Aking mga gawa. Ang kaharian ay bumababa sa mundo ng mga tao, ang Aking persona ay mayaman at sagana. Sino ang hindi magagalak dito? Sino ang hindi sasayaw sa galak? O, Sion! Itaas ang iyong matagumpay na bandila upang ipagbunyi Ako! Awitin ang iyong awit ng tagumpay upang ipalaganap ang Aking banal na pangalan! Lahat ng nilikha hanggang sa mga dulo ng daigdig! Magmadaling linisin ang inyong sarili na magagawa kayong mga alay sa Akin! Mga konstelasyon ng kalangitan! Magmadaling bumalik sa inyong lugar upang ipakita ang Aking dakilang kapangyarihan sa kalawakan! Ako ay nakikinig sa tinig ng mga tao sa lupa, na ibinubuhos ang kanilang walang-hanggang pagmamahal at pagpipitagan sa Akin sa awit! Sa araw na ito, kung kailan lahat ng nilikha ay muling nabubuhay, Ako ay bumababa sa mundo ng mga tao. Sa sandaling ito, sa sandaling ito mismo, lahat ng bulaklak ay mag-uunahang mamukadkad, lahat ng ibon ay sabay-sabay na aawit, lahat ng bagay ay manginginig sa galak! Sa tunog ng pagpupugay ng kaharian, bumabagsak ang kaharian ni Satanas, nawasak sa dagundong ng awit ng kaharian, hindi na babangong muli kailanman!
Sino sa lupa ang nangangahas na bumangon at lumaban? Habang Ako ay bumababa sa lupa, dala Ko ay pagsunog, dala Ko ay poot, dala Ko ay lahat ng klaseng kapahamakan. Ang mga kaharian sa lupa ay Akin nang kaharian ngayon! Sa kalangitan, gumugulong at umaalon ang mga ulap; sa ilalim ng langit, ang mga lawa at mga ilog ay rumaragasa at kumakatha ng isang nakaaantig na himig. Naglalabasan ang nagpapahingang mga hayop mula sa kanilang lungga, at lahat ng tao ay ginigising Ko mula sa kanilang pagtulog. Dumating na rin sa wakas ang araw na pinakahihintay ng napakaraming tao! Inaalay nila ang pinakamagagandang awit sa Akin!
Sa magandang sandaling ito, sa napakasayang panahong ito,
matunog ang papuri sa lahat ng dako, sa kalangitan sa itaas at sa lupa sa ibaba. Sino ang hindi masasabik dito?
Kaninong puso ang hindi gagaan? Sino ang hindi mapapaiyak sa tagpong ito?
Ang langit ay hindi na ang dating langit, ito na ngayon ang langit ng kaharian.
Ang lupa ay hindi na ang dating lupa, ito na ngayon ay lupang banal.
Pagkaraan ng isang malakas na ulan, lubusang naging bago ang maruming sinaunang mundo.
Nagbabago ang kabundukan … nagbabago ang katubigan …
nagbabago rin ang mga tao … nagbabago ang lahat ng bagay….
Ah, tahimik na kabundukan! Magbangon at magsayawan para sa Akin!
Ah, payapang katubigan! Patuloy na umagos nang malaya!
Kayong mga taong may mga pangarap! Gumising kayo at habulin ito!
Narito na Ako … at Ako ang Hari….
Buong sangkatauhan ay makikita sa sarili nilang mga mata ang Aking mukha, maririnig ng sarili nilang mga tainga ang Aking tinig,
mamumuhay sila mismo ng buhay sa kaharian….
Kaytamis … kayganda….
Di-malilimutan … imposibleng malimutan….
Sa pagsusunog ng Aking poot, nagpupumiglas ang malaking pulang dragon;
sa Aking maringal na paghatol, ipinapakita ng mga diyablo ang kanilang tunay na anyo;
sa Aking mahihigpit na salita, lahat ng tao ay nahihiya, at walang mapagtaguan.
Ginugunita nila ang nakaraan, paano nila Ako tinuya at pinagtawanan.
Hindi nagkaroon ng pagkakataon kailanman na hindi sila nagpasikat, ni ng pagkakataon na hindi nila Ako sinusuway.
Ngayon, sino ang hindi umiiyak? Sino ang hindi nakararamdam ng pagsisisi?
Puno ng iyakan ang buong mundo ng sansinukob …
puno ng mga ingay ng kagalakan … puno ng halakhakan….
Walang-katulad na galak … galak na walang-katulad….
Tumatagiktik ang mahinang ulan … mabibigat na tuklap ng pumapagaspas na niyebe….
Sa kalooban ng mga tao, magkahalong lungkot at saya … naghahalakhakan ang ilan …
humihikbi ang ilan … at nagbubunyi ang ilan….
Para bang nalimutan ng lahat … kung ito’y tagsibol na makulimlim at maulan,
isang tag-araw ng namumukadkad na mga bulaklak, isang taglagas ng masasaganang ani,
o isang taglamig na sinlamig ng nagyelong hamog at yelo, walang nakakaalam….
Tinatangay ng hangin ang mga ulap sa langit, nagngangalit ang dagat sa lupa.
Ikinakaway ng mga anak na lalaki ang kanilang mga bisig … iginagalaw ng mga tao ang kanilang mga paa sa pagsayaw….
Gumagawa ang mga anghel … nag-aakay ang mga anghel….
Abalang-abala ang mga tao sa lupa, at nagpaparami ang lahat ng bagay sa lupa.