18. Ang mga Kahihinatnan ng Paghahangad ng Kaginhawahan

Ni Chloe, Espanya

Gumagawa ako ng mga video sa iglesia. Habang nagtatrabaho, nalaman kong ang produksyon sa mas mahihirap na proyekto ay nangangailangan ng malaking gastos, na ang effects sa bawat kuha ay kailangang subukan at baguhin nang paulit-ulit, at madalas na may mga palpak. Ngunit sa mga proyekto na medyo simple, mas kaunting pagsisikap ang kinakailangan, at mas marami ang tagumpay. Naisip ko, “Mataas ang teknikal na pangangailangan ng mahihirap na proyekto, kailangan kong gumugol ng panahon sa pag-iisip, paghahanap ng mga materyal na susuriin at aaralin, at mahaba ang proseso ng produksyon. Hindi masyadong mahirap ang mga proyektong mas simple, kailangan ko lang maging mahusay sa ilang simpleng pamamaraan at kasanayan, at mas maiksi ang proseso ng produksyon, na nangangahulugang maaaring matapos ang mga ito nang mas mabilis. Mukhang hindi ako mahihirapan nang husto kung gagawin ko ang mga mas simple.” Kaya, sa mga tungkulin ko, pinag-isipan kong mabuti kung aling mga proyekto ang mahirap at kung alin ang madali at saka ako nagdedesisyon kung alin ang kukuhanin. Minsan, pumili akong gumawa ng isang simpleng proyekto, at iniwan ang mga komplikadong proyekto sa mga kapatid ko. Nang makita ko kung paanong agad na sumang-ayon ang mga kapatid ko, medyo nakonsiyensiya ako: Hindi ba’t umaatras lang ako sa harap ng mga paghihirap, at hindi gustong matapang na harapin ang problema? Pero pagkatapos ay naisip ko, “Masyadong maraming oras at lakas ko ang kinakain ng mahihirap na proyekto, at labis na kailangang pag-isipan ang mga ito, nakakapagod iyon, kaya’t pinakamabuti na sa akin ang pumili ng mga simpleng proyekto.” Minsan, pagkatapos makumpleto ang isang proyekto, pakiramdam ko ay may ibubuti pa ito, pero ayaw kong masyadong magpakapagod para baguhin ang anuman. Napansin kong wala namang nakitang problema ang mga kapatid ko nang suriin nila ito, kaya hindi ako gumawa ng anumang pagbabago at ipinasa na iyon. Minsan, kapag may mga problema ako sa paggawa ng mga video, sandali ko lang iniisip ang mga iyon, at pagkatapos ay nagtatanong na ako sa mga kapatid ko. Pakiramdam ko’y hindi lang nito mabilis na nalulutas ang problema, hindi rin ako masyadong napapagod, kaya isa itong madaling paraan para matapos ang mga tungkulin ko. Pero nang ginawa ko ito, nakaramdam ako ng paninisi sa sarili, dahil napakasimple lang naman ng mga tanong na ito, at masasagot ko sana ang mga iyon sa kaunting hirap. Ang pagtatanong sa mga kapatid ko ay nakaantala sa mga tungkulin nila, pero hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Kaya’t ang ganitong klase ng pandaraya ay naging pangkaraniwan sa pagsasagawa ko ng aking mga tungkulin.

Bukod sa paggawa ng mga video, kailangan kong pamunuan ang mga kapatid ko sa pag-aaral, at pataasin ang propesyonal na kasanayan ng lahat, kaya kailangan ko pang magtrabaho nang higit sa karaniwan. Hindi ko lang kinailangang matuto ng mga propesyonal na kasanayan, kinailangan ko ring maghanap ng materyal at maghanda ng mga leksyon batay sa mga kinakailangan ng mga kapatid ko at sa kung ano ang mga pagkukulang nila. Ang lahat ng iyon ay parang mahirap at nakapapagod na gawain. Kaya nagsimula akong mag-isip kung paano makakatipid sa oras at hindi masyadong mapapagod, at nagpasya akong ipadala ang mga tutorial sa mga kapatid ko para mapanood nila ang mga ito nang sila-sila lang. Sa ganoong paraan, hindi ko na kakailanganing gumugol ng oras at pagsisikap sa paghahanda ng klase. Pakiramdam ko iyon nga ang pinakamabuting pamamaraan. Kalaunan, sinabi ng mga kapatid na hindi nalutas ng mga tutorial ang mga problema nila. Noong panahong iyon, nakadama ako ng kaunting pagsisisi, kaya dahil wala nang ibang magagawa, naghanap ako ng ilang materyal para maturuan ang lahat sa simpleng paraan, at naisip ko na sapat nang inorganisa ko ang lahat sa pag-aaral. Hindi nagtagal, sinabi ng lider ng grupo namin na may mga problema sa isang video na ginawa namin kamakailan, na nakaantala sa pag-usad ng gawain namin. Nang marinig ko iyon, hindi ako nagnilay-nilay o sumubok na unawain ang aking sarili, at sa tingin ko ang tungkulin na ito ay hindi lang nangangailangan ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga, nangangailangan din ito ng pananagutan kapag hindi naging maayos ang mga bagay-bagay, at may napakaraming trabaho para sa kaunting resulta, kaya mas lalong ayaw ko sa tungkuling ito.

Isang araw, nilapitan ako ng lider ko at inilantad ako sa paggawa nang kahit paano na lang at pagiging tuso sa mga tungkulin ko, at sinabing kung hindi magbabago ang mga bagay-bagay, matatanggal ako. Nang marinig kong sabihin iyon ng lider ko, kahit na inamin kong ginagawa ko ang mga tungkulin ko nang kahit paano na lang, hindi ako nakadama ng anumang pagsisisi. Nang maisip ko ang mga paghihirap at problemang kakailanganin kong harapin sa pag-aaral sa hinaharap, ayaw ko nang maging responsable sa pag-oorganisa ng pag-aaral ng lahat, para magiging madali para sa akin ang mga bagay-bagay. Kinabukasan, pinuntahan ko ang lider ko at sinabing, “Maaari ka bang kumuha ng ibang taong mag-oorganisa sa team study namin? Hindi ako magaling dito” Iwinasto niya ako matapos marinig iyon, sabi niya, “Hindi mo ba talaga ito kayang gawin nang maayos? Sinubukan mo ba talaga? Lagi kang umiiwas sa mahirap na trabaho, iniraraos mo lang ang gawain at sinusubukan mong magpakatuso, at may masama kang pagkatao. Sa mga pag-uugaling iyon, talagang hindi ka nababagay rito. Sa ngayon, gawin mo ang iyong mga debosyonal at pagnilayan mo nang kaunti ang iyong sarili, at hintayin ang karagdagang pagsasaayos mula sa iglesia.” Nang marinig kong sabihin ito ng lider ko, pakiramdam ko ay biglang nahungkag ang puso ko. Nakita kong abala ang lahat ng kapatid sa mga tungkulin nila, pero ako ay natanggal at nawalan ng sa akin. Hindi ko maipahayag sa mga salita kung gaano ako kalungkot. Kahit kailan ay hindi ko naisip na talagang mawawala sa akin ang tungkulin ko. Pero naisip ko, “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang pagkakatanggal sa akin ay ang pagdating ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kailangan kong sumunod at pagnilayan at kilalanin ang aking sarili.” Sa mga sumunod na araw, nagpaulit-ulit sa isip ko ang eksena ng pag-aalis sa akin ng lider ko na parang isang pelikula. Nang maisip ko ang sinabi ng lider, naging miserable ang pakiramdam ko, lalo na ang pagsasabi ng lider ko na may masama akong pagkatao. Hindi ko alam kung paano pagnilayan o kilalanin ang sarili ko, kaya sa pagdurusa ko, nanalangin ako sa Diyos para hilingin sa Kanyang patnubayan ako sa pag-unawa sa sarili ko.

Kalaunan, nakakita ako ng ilan sa mga salita ng Diyos: “Isang bagay sa loob ng isang tiwaling disposisyon ang pagharap sa mga bagay-bagay nang walang galang at iresponsable: Kasalaulaan ang madalas na tawag ng mga tao rito. Sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa, ginagawa nila ito sa puntong ‘tama lang iyan’ at ‘puwede na’; ito ay isang saloobin ng ‘siguro,’ ‘posible,’ at ‘malamang’; ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang hindi pinag-iisipan, nasisiyahan na silang gumawa sa pinakamababang paraan, at nasisiyahang gumawa nang walang kaplanu-plano hangga’t kaya nila; wala silang nakikitang dahilan para seryosohin ang mga bagay-bagay o magpunyaging gumawa nang may katumpakan, at lalong wala silang nakikitang dahilan para hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba ito isang bagay na nasa loob ng isang tiwaling disposisyon? Pagpapakita ba ito ng normal na pagkatao? Hindi. Tama lamang na tawagin itong kayabangan, at angkop na angkop ding tawagin itong bulok—ngunit para maunawaan ito nang malinaw, ang tanging salitang puwede na ay ‘salaula.’ Karamihan ng mga tao ay may kasalaulaan sa loob nila, iba-iba lamang ang antas. Sa lahat ng bagay, nais nilang gawin ang mga bagay-bagay sa pabasta-basta at walang ingat na paraan, at may bakas ng panlilinlang sa lahat ng ginagawa nila. Dinadaya nila ang iba tuwing may pagkakataon sila, nilalaktawan ang ilang hakbang hangga’t kaya nila, nagtitipid ng oras kapag kaya nila. Iniisip nila sa kanilang sarili, ‘Hangga’t maiiwasan kong mabunyag, at walang idinudulot na mga problema, at hindi ako pinananagot, mairaraos ko ito. Hindi talaga sulit ang paggawa ng isang trabaho nang maayos.’ Ang gayong mga tao ay walang natututuhang kasanayan, at hindi sila nagsisikap o nagdurusa at nagbabayad ng halaga sa pag-aaral nila. Gusto lang nilang makuha ang mababaw na kaalaman ng isang paksa at pagkatapos ay tinatawag ang sarili nila na bihasa roon, naniniwala na natutuhan na nila ang lahat ng dapat malaman, at pagkatapos ay umaasa sila rito upang iraos lang ang gawain. Hindi ba’t ito ang saloobin ng mga tao sa ibang mga tao, pangyayari, at bagay? Maganda ba ang ganitong pag-uugali? Hindi. Sa madaling salita, ito ay ang ‘makaraos lang.’ Ang gayong kasalaulaan ay umiiral sa lahat ng tiwaling sangkatauhan. Ang mga taong may kasalaulaan sa kanilang pagkatao ay may pananaw at saloobing ‘makaraos lang’ sa anumang bagay na ginagawa nila. Nagagampanan ba nang maayos ng gayong mga tao ang kanilang tungkulin? Hindi. Nagagawa ba nila ang mga bagay-bagay nang may prinsipyo? Lalong malamang na hindi(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). “Paano masasabi ng isang tao ang kaibhan sa pagitan ng marangal at hamak na mga tao? Tingnan lamang ang kanilang pag-uugali at ang kanilang ikinikilos sa mga tungkulin, at tingnan kung paano sila kumikilos kapag nagkakaroon ng mga problema. Ang mga taong may magandang asal at dignidad ay metikuloso, seryoso at masipag sa kanilang mga kilos, at handang magsakripisyo. Ang mga taong hindi maganda ang asal at dignidad ay magulo at padaskol kumilos, laging nanloloko, laging gustong magtrabaho lamang nang pabasta-basta. Anumang pamamaraan ang inaaral nila, hindi nila ito masigasig na pinag-aaralan, hindi nila ito matutunan, at gaano man katagal nila itong pag-aralan, nananatili silang lubos na mangmang. Ito ang mga taong mababa ang pagkatao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos, lalo na ang Kanyang mga salitang, “dinadaya nila ang iba tuwing may pagkakataon sila, nilalaktawan ang ilang hakbang hangga’t kaya nila,” “hindi maganda ang asal at dignidad,” at “mababa ang pagkatao.” Inihayag ng bawat salita ang pagkatao ko at ang saloobin ko sa mga tungkulin ko. Napagtanto kong ganitong-ganito ko ginampanan ang mga tungkulin ko. Ginawa ko ang lahat nang kahit paano na lang, at ginawa ko lang ang mga bagay-bagay para maipasa lang ito sa pamantayan. Lagi akong naghanap ng mga paraan para makaiwas sa paghihirap, para magawa ang mga bagay nang mas madali, at hindi kailanman inisip kung paano magagampanan nang mabuti ang mga tungkulin ko. Para sa ginhawa ng laman at para makaiwas sa pagdurusa, palagi kong pinipiling gawin ang mas simple, mas madadaling proyekto. Kapag natapos ko na, kahit kapag nakakakita ako ng mga problema at pagkakataong gawin itong mas mabuti, ayaw kong gumawa ng mga pagbabago, sinisikap lang na iraos ang gawain. Nang kinailangan ng grupo namin na matuto ng propesyunal na mga kasanayan, ang tingin ko’y labis na nakakapagod na i-organisa ang mga kapatid ko sa pag-aaral. Kaya alang-alang sa ginhawa ng aking laman, sumubok ako ng mga pandaraya at katusuhan para mapapanood ko ng mga tutorial ang mga kapatid ko nang sila-sila lang, na nangangahulugang hindi kailanman bumuti ang mga kasanayan nila, lalong naging hindi epektibo ang mga tungkulin nila, at naantala ang pag-usad ng gawain. Kahit saan sa mga tungkulin ko, gumamit ako ng mga pandaraya at panlilinlang, hindi ko kailanman inisip ang gawain ng iglesia. Wala talaga akong pagkatao! Talagang makasarili ako, kasuklam-suklam, at hamak ang pagkatao ko! Habang pinagninilayan ko ang mga bagay na ito, nakadama ako ng matinding pagsisisi at pagkakonsensya. Pagkatapos noon, nabasa ko sa salita ng Diyos: “Sa panlabas, tila walang anumang mga seryosong problema ang ilang tao sa buong panahon na ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin. Wala silang ginagawang lantarang kasamaan; hindi sila nagdudulot ng mga pagkagambala o pagkakagulo, o tumatahak sa landas ng mga anticristo. Sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, wala silang anumang malalaking pagkakamali o problema ng prinsipyo na dumarating, gayunman, nang hindi nila namamalayan, sa loob ng ilang maiikling taon ay nailalantad sila bilang mga hindi talaga tumatanggap ng katotohanan, bilang isa sa mga walang pananampalataya. Bakit ganito? Hindi makakita ng isyu ang iba, subalit sinusuri ng Diyos ang kaloob-looban ng puso ng mga taong ito, at nakikita Niya ang problema. Noon pa man ay pabasta-basta na sila at walang pagsisisi sa pagganap nila sa kanilang mga tungkulin. Habang lumilipas ang panahon, natural silang nalalantad. Ano ang ibig sabihin ng manatiling hindi nagsisisi? Nangangahulugan ito na kahit na nagampanan nila ang mga tungkulin nila hanggang sa matapos, palagi silang may maling saloobin sa mga ito, isang pag-uugali ng pagiging pabaya at kawalang sigla, isang kaswal na pag-uugali, at hindi sila kailanman matapat, lalong hindi nila ibinibigay ang buong puso nila sa kanilang mga tungkulin. Maaari silang magsikap nang kaunti, ngunit gumagawa lamang sila nang wala sa loob. Hindi nila ibinibigay ang lahat nila sa kanilang mga tungkulin, at walang katapusan ang kanilang mga paglabag. Sa mga mata ng Diyos, hindi sila kailanman nagsisi; noon pa man ay pabasta-basta at pabaya na sila, at kailanman ay walang anumang pagbabago sa kanila—ibig sabihin, hindi sila tumatalikod sa kasamaang nasa kanilang mga kamay at nagsisisi sa Kanya. Hindi nakikita ng Diyos sa kanila ang saloobing nagsisisi, at hindi Niya nakikita ang pagbaligtad sa kanilang pag-uugali. Patuloy sila sa pagturing sa kanilang mga tungkulin at sa mga atas ng Diyos nang may gayong pag-uugali at gayong pamamaraan. Sa buong panahong ito, walang pagbabago sa sutil at hindi mabaling disposisyon na ito, at, higit pa rito, hindi nila kailanman nadama na may pagkakautang sila sa Diyos, hindi kailanman nadama na ang kanilang pagiging pabaya at kawalang sigla ay isang paglabag, isang masamang gawain. Sa kanilang puso, walang pagkakautang, walang pagkakonsensiya, walang panunumbat sa sarili, at mas lalong walang pagbibintang sa sarili. At, sa pagdaan ng panahon, nakikita ng Diyos na wala nang lunas ang ganitong uri ng tao. Anuman ang sabihin ng Diyos, at gaano man karaming pangaral ang marinig niya o gaano karaming katotohanan ang maunawaan niya, hindi naantig ang kanyang puso at hindi nabago o nabaligtad ang kanyang pag-uugali. Nakita ito ng Diyos at sinabing: ‘Walang pag-asa para sa taong ito. Wala sa sinasabi Ko ang nakakaantig sa kanyang puso, at wala sa sinasabi Ko ang makakapagpabago sa kanya. Walang paraan upang baguhin siya. Hindi nababagay ang taong ito na gampanan ang kanyang tungkulin, at hindi siya nababagay na gumawa ng serbisyo sa Aking sambahayan.’ Bakit ito sinasabi ng Diyos? Ito ay dahil kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin at nagtatrabaho palagi na lang siyang pabaya at walang-malasakit. Kahit gaano pa siya tabasin at iwasto, at gaano man karaming pagtitimpi at pasensiya ang igawad sa kanya, wala itong epekto at hindi siya nito tunay na mapagsisi o mapagbago. Hindi siya nito magawang gawin nang mabuti ang tungkulin niya, hindi siya matulutan nito na pumasok sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kaya ang taong ito ay wala nang lunas. Kapag nagpasya ang Diyos na ang isang tao ay wala nang lunas, pananatilihin pa rin ba Niya ang mahigpit na pagkakahawak sa taong ito? Hindi Niya ito gagawin. Bibitiwan siya ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Lubhang mahalaga kung paano mo itinuturing ang mga atas ng Diyos, at isa itong napakaseryosong bagay. Kung hindi mo kayang tapusin ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, hindi ka angkop na mamuhay sa Kanyang presensya at dapat kang parusahan. Ito ay talagang natural at makatuwiran na dapat tapusin ng mga tao ang anumang atas na ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila. Ito ang pinakamataas na responsabilidad ng tao, at kasinghalaga nito ang kanila mismong mga buhay. Kung hindi mo sineseryoso ang mga atas ng Diyos, nagtataksil ka sa Kanya sa pinakamalalang paraan. Sa ganito, mas kahabag-habag ka pa kaysa kay Judas, at dapat na sumpain(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Paulit-ulit kong binasa ang salita ng Diyos. Napagtanto ko na dati, sa kabila ng pagpapakita na ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, sa puso ko, pinagtataksilan ko ang Diyos. Iniwasan ko ang mahihirap na tungkulin, isinaalang-alang lang ang aking mga makalamang interes, ayaw magdusa at magbayad ng halaga, at lagi akong gumawa nang kahit paano na lang gamit ang mga pandaraya at katusuhan. Kahit kapag pwede kong gawin nang mas mabuti ang trabaho ko, hindi ko ginagawa, dahil tingin ko ay kahit hindi masyadong pulido ang pagkakagawa noon, kahit paano ay nagawa naman iyon, at sapat na iyon. Hindi ko kailanman sineryoso ang problema ng sarili kong paggawa nang kahit paano na lang, at kailanman ay hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Inilantad at binalaan ako ng lider ko, pero hindi ako nakaramdam ng kahit katiting na pagsisisi at isinaalang-alang pa rin ang mga interes ng laman ko. Nang maisip ko kung paanong nangangailangan ng pagtatrabaho nang mabuti at pagbabayad ng halaga ang tungkulin ko, ayaw ko na ng tungkuling iyon. Bakit ba napakamanhid at napakatigas ng ulo ko? Paulit-ulit akong binigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi at magbago, na siyang awa ng Diyos sa akin, pero ang mga interes ng aking laman lang ang isinaalang-alang ko, hindi ko hinanap ang katotohanan o pinagnilayan ang sarili ko, at ipinagpatuloy ko ang matigas na paglaban sa Diyos. Napakasuwail ko! Ang tungkulin ng isang tao ay isang atas at responsibilidad na ibinigay ng Diyos, at dapat niyang gawin ang lahat niya para tuparin iyon. Pero iniwasan ko ang mahihirap na tungkulin, ginawa ko ang mga bagay-bagay nang kahit paano na lang para linlangin ang Diyos, at may kapal pa ng mukha na humingi ng mas madaling tungkulin. Hindi ba ito paglaban at pagtataksil sa Diyos? Hindi pinalalagpas ng matuwid na disposisyon ng Diyos ang anumang pagkakasala, at namuhi ang Diyos sa lahat ng ginawa ko. Ipinakita ng pagkakaalis sa akin ang pagiging mauwid ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nakadama ako ng kaunting takot. Nakadama rin ako ng pagsisisi sa paggawa ng mga bagay na nakasasakit sa Diyos. Hindi na ako dapat gumawa nang kahit paano na lang tulad nito. Kailangan kong magsisi at magbago.

Pagkatapos noon, nagpalaganap ako ng ebanghelyo kasama ang mga kapatid ko. Dahil hindi ko nakabisado ang mga prinsipyo at hindi ako magaling sa pakikipag-usap sa mga tao, pakiramdam ko’y napakahirap ng tungkulin, at ayaw ko na namang magtrabaho nang husto o magbayad ng halaga. Pero naisip ko ang dati kong pabayang saloobin sa tungkulin ko, at napagtanto ko na ang makapangaral ng ebanghelyo ngayon ay dakilang awa ng Diyos sa akin. Hindi ako dapat tumakbo kapag nahaharap ako sa paghihirap tulad ng dati. Nang mapagtanto ko iyon, nadama kong naging mas aktibo ako sa pagsulong. Pinagnilayan ko ang sarili ko: Bakit ginusto kong umatras at tumakas sa sandaling nagiging mahirap ang tungkulin ko? Nabasa ko sa mga salita ng Diyos: “Ngayon, hindi mo pinaniniwalaan ang mga salitang Aking sinasabi, at hindi mo binibigyang-pansin ang mga iyon; kapag dumating na ang araw para ang gawaing ito ay lumaganap, at nakita mo ang kabuuan nito, magsisisi ka, at sa sandaling yaon ikaw ay matitigilan. Mayroong mga pagpapala, gayunman ay hindi mo alam kung paano magtamasa sa mga yaon, at naroon ang katotohanan, gayunman ay hindi mo ito hinahabol. Hindi ka ba nagdadala ng sumpa sa iyong sarili? Ngayon, bagaman magsisimula pa lamang ang susunod na hakbang sa gawain ng Diyos, walang anumang katangi-tangi tungkol sa mga hinihingi sa iyo at sa kung ano ang ipinasasabuhay sa iyo. Napakalaki ang gawain, at napakarami ang katotohanan; ang mga yaon ba ay hindi karapat-dapat na malaman mo? Hindi ba kayang gisingin ng pagkastigo at paghatol ng Diyos ang iyong espiritu? Hindi ba kaya ng pagkastigo at paghatol ng Diyos na tulutan kang kamuhian ang iyong sarili? Sapat na ba sa iyo na mamuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, may kapayapaan at kagalakan, at kaunting makalamang kaginhawahan? Hindi ba’t ikaw ang pinakamababa sa lahat ng tao? Wala nang mas hahangal pa kaysa sa mga yaong nakakita sa kaligtasan ngunit hindi hinangad na makamit ito; sila ay mga taong nagpapakabusog sa laman at nasisiyahan kay Satanas. Umaasa ka na ang iyong pananampalataya sa Diyos ay hindi magsasanhi ng anumang mga hamon o mga kapighatian, o ng kahit katiting na paghihirap. Lagi mong hinahabol ang mga bagay na walang-halaga, at hindi mo pinahahalagahan ang buhay, sa halip ay inuuna mo ang iyong sariling matataas na kaisipan bago ang katotohanan. Ikaw nga ay walang-halaga! Nabubuhay ka na parang isang baboy—ano nga ba ang pagkakaiba sa pagitan mo, at ng mga baboy at mga aso? Hindi ba’t lahat niyaong hindi naghahabol sa katotohanan, at sa halip ay iniibig ang laman, ay mga hayop? Ang mga patay ba na walang mga espiritu ay lumalakad na mga bangkay? … Ipinagkakaloob Ko ang tunay na buhay ng tao sa iyo, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Wala ka bang pagkakaiba sa isang baboy o isang aso? Ang mga baboy ay hindi naghahangad ng buhay ng tao, hindi nila hinahangad na maging malinis, at hindi nila nauunawaan kung ano ang buhay. Bawat araw, pagkatapos nilang kumain nang busog, natutulog na sila. Naibigay Ko na sa iyo ang tamang daan, gayunman ay hindi mo ito nakamtan: Wala kang pag-aari. Payag ka bang magpatuloy sa ganitong buhay, ang buhay ng isang baboy? Ano nga ba ang kahalagahan ng mga gayong tao na nabubuhay? Ang iyong buhay ay kasumpa-sumpa at walang-dangal, nabubuhay ka sa gitna ng karumihan at kahalayan, at hindi ka naghahabol ng anumang layunin; hindi ba’t ang iyong buhay ang pinakahamak sa lahat? Mayroon ka bang lakas ng loob na tumingin sa Diyos? Kung magpapatuloy ka na dumanas nang ganito, hindi ba’t wala kang matatamo? Ang tamang daan ay naibigay na sa iyo, ngunit kung makakamit mo ito sa kasukdulan o hindi ay nakasalalay sa iyong pansariling paghahabol(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Tumagos sa puso ko ang bawat tanong ng Diyos, na para bang harap-harapan akong pinapapanagot ng Diyos, at pakiramdam ko ay labis ang pagkakautang ko sa Kanya. Ang nagkatawang-taong Diyos ay nagpahayag ng napakaraming katotohanan para diligan at tustusan tayo, upang matamo natin ang katotohanan, maiwaksi natin ang ating mga tiwaling disposisyon, at magkaroon tayo ng pagkakataong maligtas. Ito ang pinakadakilang pagpapala ng Diyos sa sangkatauhan. Pakamamahalin ng tunay na matatalino ang pagkakataong bigay ng gawain ng Diyos, at sasamantalahin ang oras nila para hanapin ang katotohanan, gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, hangarin ang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay sa gitna ng kanilang mga tungkulin, at sa wakas ay mauunawaan nila ang katotohanan at maliligtas ng Diyos. Ngunit ang mga bulag at mangmang ay magsisikap para sa kaligayahan ng laman, nakakaraos lang sila, at hindi sila nagsisikap para hanapin ang katotohanan. Wala sa loob ang kanilang paggawa at hindi sila gaanong nagsisikap sa kanilang mga tungkulin, at gaano man sila katagal na sumasampalataya, hindi nila kailanman nauunawaan ang katotohanan, hindi sila nagkakamit ng pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, at sa huli ay itinitiwalag ng Diyos. Naisip ko ang mga ikinikilos ko. Hindi ba’t ganitong-ganitong ako kamangmang na tao? Ang mga satanikong pilosopiyang tulad ng “Mabuhay nang hindi nag-iisip” at “May mga benepisyo ang katamaran” ang mga prinsipyong isinabuhay ko. Bawat araw ay ayos na sa akin ang kasalukuyang kalagayan, nagtatrabaho ako para makaraos, at naghahangad sa mga ginhawa ng laman. Maraming taon na akong sumasampalataya sa Diyos nang hindi hinahanap ang katotohanan, at nang hindi pinagninilayan kung nakamit ko ba ang pagbabago sa aking diposisyon, ni kung nakaayon ba ang tungkulin ko sa kalooban ng Diyos. Mas mahalaga sa akin ang kaligayahan ng aking laman kaysa pagkakaroon ng katotohanan, kaya palagian kong iniiwasan ang mahihirap na tungkulin, gumawa nang kahit paano na lang at gumamit ng mga pandaraya at panlilinlang, at tumangging magbayad ng halaga sa anumang ginagawa ko. Naging sanhi ito para ang mga tungkulin ko’y hindi lang walang makamit na mga resulta, kundi naantala at naapektuhan din nito ang gawain ng iglesia. At kahit ganoon, hindi ako nakadama ng pagsisisi o pagkakonsensya. Talagang manhid ako. Noon ko lang napagtanto na, ang pamumuhay ng ayon sa mga maling batas na ito ni Satanas, paghahanap lang ng kaginhawahan ng laman, hindi pagsisikap na maghangad ng pagsulong, pagiging mas lalong tiwali, pagiging mas lalong manhid ng konsensiya ko, nang walang anumang mga mithiin sa buhay ko—hindi ba’t sinasayang ko lang ang buhay ko? Sarili ko lang ang sinisisi ko sa pagkawala ng tungkulin ko. Masyado akong tamad. Hindi ako seryoso sa sarili kong pagkatao, at hindi ako karapat-dapat sa tiwala ninuman, na kinasuklaman ng mga kapatid ko at nagdulot sa Diyos na mamuhi sa akin. Noon, ang tingin ko sa mga tungkuling may matataas na hinihingi at maraming gawain ay katumbas ng pagdurusa. Pero sa katunayan ay talagang hindi ito pagdurusa para sa mga tungkulin ko. Malinaw na ako’y likas na masyadong tamad at makasarili, at masyado kong inaalala ang laman. Kahit na kailangan kong magsikap at magbayad ng halaga kapag nakakaharap ako ng mga paghihirap sa mga tungkulin ko, ang lahat ng ito ay mga bagay na kaya kong tiisin, dahil kahit kailan ay hindi tinuturuan ng Diyos ang mga hindi handang matuto. At ginagamit ng Diyos ang mga paghihirap na ito para ipakita ang tiwali kong disposisyon at kakulangan, upang makilala ko ang aking sarili, hanapin ko ang katotohanan para malutas ang mga problema ko, at baguhin ang aking disposisyon sa buhay. Kasabay noon, umasa ang Diyos na matututo akong tingalain Siya at umasa sa Kanya sa harap ng mga paghihirap na ito, at magkaroon ng tapat na pananampalataya. Dati, mangmang ako, bulag, at hindi ko nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Maraming nawalang pagkakataon sa akin para magtamo ng katotohanan at magawang perpekto ng Diyos, at pinalagpas ko ang magandang panahon na ito nang walang kabuluhan. Kahit na mayroon akong ginhawa ng laman, at hindi ako nagdusa o masyadong nagbayad ng halaga, hindi ako nagtaglay ng anumang katotohanang realidad at hindi nalutas ang aking mga tiwaling disposisyon, hindi ako nakaipon ng mabubuting gawa sa mga tungkulin ko, inantala ko ang gawain ng iglesia, at namuhi sa akin ang Diyos. Kung ipinagpatuloy ko ang pamumuhay nang ganitong may mentalidad na gumawa nang kahit paano na lang, sa huli ay ganap na mawawala sa akin ang pagliligtas ng Diyos. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, nakadama ako ng matinding pagsisisi, kinamuhian ko ang sarili ko, at ayaw ko nang mamuhay nang ganoon.

Isang araw, sa gitna ng aking debosyonal, nakabasa ako ng dalawang sipi ng salita ng Diyos: “Ang patuloy na pagsisikap ngayon ay lubos na para sa paglalatag ng pundasyon para sa gawain sa hinaharap, upang gamitin kayo ng Diyos at makapagpatotoo kayo sa Kanya. Kung gagawin mo itong mithiin ng iyong paghahangad, makakamit mo ang presensya ng Banal na Espiritu. Kapag mas mataas ang itinatakda mong mithiin ng iyong patuloy na pagsisikap, mas magagawa kang perpekto. Kapag mas patuloy mong pinagsisikapang matamo ang katotohanan, mas gumagawa ang Banal na Espiritu. Kapag mas masigla ka sa iyong patuloy na pagsisikap, mas marami kang mapapala. Pineperpekto ng Banal na Espiritu ang mga tao ayon sa panloob nilang kalagayan. Sinasabi ng ilang tao na hindi sila handang gamitin ng Diyos o gawin Niyang perpekto, na nais lamang nilang manatiling ligtas ang kanilang laman at hindi dumanas ng anumang kamalasan. Ang ilang tao ay ayaw pumasok sa kaharian subalit handang bumaba sa walang hanggang kalaliman. Kung gayon, ipagkakaloob din ng Diyos ang iyong nais. Anuman ang iyong hinahangad, papangyarihin iyon ng Diyos. Kaya ano ang hinahangad mo sa ngayon? Iyon ba ay ang magawang perpekto? Ang kasalukuyan mo bang mga kilos at pag-uugali ay para magawang perpekto ng Diyos at makamit Niya? Kailangan mong palagiang sukatin ang iyong sarili sa ganitong paraan sa iyong pang-araw-araw na buhay. Kung buong puso mong patuloy na pinagsisikapang makamtan ang isang mithiin, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Gayon ang landas ng Banal na Espiritu. Ang landas kung saan ginagabayan ng Banal na Espiritu ang mga tao ay nakakamit sa pamamagitan ng kanilang paghahangad. Kapag mas nauuhaw kang magawang perpekto at makamit ng Diyos, mas gagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kapag mas bigo kang magsikap, at mas negatibo ka at bumabalik sa dati, mas pinagkakaitan mo ang Banal na Espiritu ng mga pagkakataong gumawa; habang lumalaon, pababayaan ka ng Banal na Espiritu. Nais mo bang magawang perpekto ng Diyos? Nais mo bang makamit ng Diyos? Nais mo bang kasangkapanin ka ng Diyos? Dapat ninyong patuloy na sikaping gawin ang lahat para magawa kayong perpekto, makamit, at kasangkapanin ng Diyos, upang makita ng sansinukob at ng lahat ng bagay ang mga kilos ng Diyos na nakikita sa inyo. Kayo ang panginoon ng lahat ng bagay, at sa gitna ng lahat ng naroroon, hahayaan ninyong matamasa ng Diyos ang patotoo at kaluwalhatian sa pamamagitan ninyo—patunay ito na kayo ang pinakamapalad sa lahat ng henerasyon!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos). “Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na para matamo ang katotohanan sa mga tungkulin natin, kailangan nating talikdan ang laman at isagawa ang katotohanan, at magagawa na nating iwaksi ang ating mga tiwaling disposisyon at magawang perpekto ng Diyos sa wakas. Ito ang pinakamakabuluhan at pinakamahalagang paraan ng pamumuhay. Ang talikuran ang katotohanan para sa panandaliang ginhawa ng laman ay ang mabuhay nang walang integridad, nang walang dignidad, at ito rin ay ang maiwala ang gawain ng Banal na Espiritu, at sa huli ay mapabayaan at maitiwalag ng Diyos at mawala sa atin ang pagkakataon at kaligtasan. Natutuhan ko rin na para malutas ang problema ng paghahangad sa kaginhawahan ng laman, kailangan nating magkaroon ng mga pusong naghahanap sa katotohanan, madalas na pagnilayan ang ating mga sarili kapag may mga nangyayari, tumuon sa mga pagsisikap natin sa ating mga tungkulin, at kapag nakaharap tayo ng mga paghihirap, magawang isaisantabi ang laman, talikdan ang ating mga sarili, at pangalagaan ang gawain ng iglesia. Ito ang paraan upang tumanggap ng patnubay at gawain ng Banal na Espiritu. Sa sandaling napagtanto ko ang mga bagay na ito, nagliwanag ang puso ko, at nangako akong tatalikdan ko ang laman at ibubuhos ang lahat ng pagsisikap ko sa aking mga tungkulin. Pagkatapos noon, matiyaga kong pinag-isipan kung paano ipangangaral nang mabuti ang ebanghelyo. Kapag hindi malinaw sa akin ang mga prinsipyo, tinutuklas ko iyon kasama ng mga kapatid ko, at naglalaan ako ng oras para mag-aral kasama ng iba. Kalaunan, habang mas dumarami ang mga nagsisiyasat sa tunay na daan, mas marami na akong kailangang gawin. Gayunma’y hindi na mahirap ang tingin ko sa mga iyon. Sa halip, sa tingin ko’y dapat kong gawin at responsibilidad ko ang mga bagay na iyon. Kahit na abalang-abala ako araw-araw, pakiramdam ko’y lumalago ako.

Sa hindi inaasahan nilapitan ako ng lider ko isang araw at pinabalik ako sa paggawa ng mga video. Nang mabalitaan ko ito, tuwang-tuwa ako. Maliban sa pagpapasalamat sa Diyos, hindi ko alam kung anong sasabihin ko. Naalala ko kung paano ko isinaalang-alang ang laman, basta-basta lang hinarap ang aking mga tungkulin at gumawa nang kahit paano na lang, at lalo kong naramdaman na malaki ang utang ko sa Diyos. Hindi na ako makababawi sa mga kasalanan ko dati, kaya’t maaari lang akong maging masigasig at magbayad ng halaga sa aking mga tungkulin pagkatapos noon, at, sa pagtupad ng aking mga tungkulin, masusuklian ko ang pagmamahal ng Diyos. Kalaunan, nang makaranas ako ng mga paghihirap sa mga tungkulin ko, sadya akong nanalangin sa Diyos at pinag-isipan kung paano lulutasin ang mga iyon. Minsan, hindi naging maganda ang kinalabasan ng isa sa mga proyekto ko, at hindi alam ng lider ng grupo at ng tagapangasiwa kung paano iyon aayusin. Naipit din ako sa paghihirap at hindi ko alam kung paano sisimulang ayusin iyon. Naisip ko, “Kung patuloy kong susubukang ayusin ito, gugugulin ang oras ko rito, at pagtatrabahuhan ito, hindi ko alam kung maaayos ko ito, kaya baka may iba pang pwedeng gumawa nito.” Napagtanto kong ang mga isiping iyon ay ang muli kong pagsubok na umiwas sa paghihirap, kaya mabilis akong nanalangin sa Diyos. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag nahaharap ka sa isang tungkulin, at ipinagkakatiwala ito sa iyo, huwag mong isipin kung paano iiwasan ang pagharap sa mga paghihirap; kung mahirap harapin ang isang bagay, huwag mo itong isaisantabi at balewalain. Dapat mo itong harapin. Dapat mong tandaan sa lahat ng oras na kasama ng mga tao ang Diyos, at kailangan lang nilang manalangin at maghanap sa Kanya kung mayroon silang anumang paghihirap, at na sa piling ng Diyos, walang bagay na mahirap. Dapat kang magkaroon ng ganitong pananampalataya(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Binigyan ako ng salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Anuman ang mga problema at paghihirap na makakaharap natin, dapat tayong manalig sa Diyos upang makahanap ng mga paraan para malutas ang mga iyon. Hindi tayo dapat sumubok tumakas sa mga paghihirap o umatras sa ating mga tungkulin dahil sa pagdurusa ng laman. Ang paraang iyon ay pagtataksil sa Diyos at pagiging hindi tapat sa tungkulin. Nang mapagtanto ko ito, ipinangako ko sa sarili ko na sa pagkakataong ito ay aasa ako sa Diyos, at magsisikap para ayusin iyon. Kaya kumalma ako at sinubukang ayusin ito, at sa pagkagulat ko’y kaagad na nalutas ang problema. Matapos mapanood ito, sa tingin ng lahat ay maganda ito at wala na silang mga mungkahi. Matapos magsagawa nang ganito, napayapa at napanatag ang puso ko. Ramdam ko na sa pagbabayad ng halaga sa tungkulin saka lamang magkakaroon ng dignidad ng tao ang isang tao. Salamat sa Diyos!

Sinundan: 17. Isang Espesyal na Karanasan Noong Kabataan

Sumunod: 19. Ang Makitang Nayayamot Ako sa Katotohanan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito