Hindi Kayang Kumatawan ng mga Taong Hinirang sa China sa Anumang Angkan ng Israel
Ang sambahayan ni David ang pamilya na orihinal na nakatanggap ng mga pangako at pamana ni Jehova. Ito ay orihinal na isa sa mga angkan ni Israel at kabilang sa hinirang na mga tao. Sa panahong iyon, si Jehova ay nagtakda ng isang batas para sa mga Israelita na ang lahat ng taong Hudyo na kabilang sa sambahayan ni David—lahat ng mga isinilang sa sambahayang iyon—ay makakatanggap ng Kanyang pamana. Sila ang makakatanggap ng makasandaang beses nito at magtatamo ng katayuan bilang mga panganay na anak; noong panahong iyon, sila ang pinakaitinaas sa lahat ng Israelita, na may pinakamataas na posisyon sa lahat ng sambahayan ni Israel, at tuwiran nilang pinaglingkuran si Jehova sa templo, suot ang mga damit na pampari at mga korona. Pagkatapos ay tinawag sila noon ni Jehovah bilang matatapat at banal na mga tagapaglingkod, at natamo nila ang paggalang ng lahat ng iba pang mga angkan ni Israel. Kaya, sa panahong iyon, silang lahat ay buong galang na itinuturing na mga panginoon—lahat ng ito ay ang gawain ni Jehova sa Kapanahunan ng Kautusan. Sa kasalukuyan ay pinaglilingkuran pa rin nila si Jehova sa templo sa ganitong paraan, kaya sila ay mananatili bilang mga itinalagang mga hari ni Jehova. Walang makakakuha ng kanilang korona, at walang sinuman ang makakapagbago sa kanilang paglilingkod sapagkat batay sa kanilang pinagmulan ay nabibilang sila sa sambahayan ni David; ito ang ipinagkaloob sa kanila ni Jehova. Ang dahilan kung bakit hindi kayo nabibilang sa sambahayan ni David batay sa pinagmulan ay sapagkat hindi kayo mga tao ni Israel, at sa halip ay nabibilang kayo sa mga pamilyang Hentil sa labas ng Israel. Gayundin, ang inyong kalikasan ay hindi ang sambahin si Jehova, kundi ang kalabanin Siya, kaya ang inyong pagkakakilanlan ay likas na naiiba sa katayuan ng mga taong mula sa sambahayan ni David, at hindi kayo kabilang sa mga makakatanggap ng Aking pamana, at lalong hindi kayo ang makakatanggap ng makasandaang beses.
Noong panahong iyon, ang Israel ay hinati sa maraming iba’t ibang sambahayan at maraming magkakaibang angkan, ngunit lahat sila ay hinirang na mga tao. Gayunman, ang kaibahan mula sa ibang mga bansa ay na ang mga tao sa Israel ay inuuri ayon sa angkan, gayundin ang kanilang mga posisyon sa harapan ni Jehova, at ang lupa na pag-aari ng bawat tao. Sa mga bansa maliban sa Israel, hindi basta na lamang maituturing ng mga tao ang kanilang mga sarili na kabilang sa mga sambahayan ni David, ni Jacob, o ni Moises. Ito ay sasalungat sa katotohanan—ang mga angkan ng Israel ay hindi maaaring basta na lang iugnay sa ibang mga bansa. Palaging nagagamit ng mga tao nang hindi tama ang mga pangalan ni David, Abraham, Esau, atbp., o sinasabi nila: “Tinanggap na namin ngayon ang Diyos, kaya kami ay sa sambahayan ni Jacob.” Ang pagsasabi ng mga salitang ito ay walang batayang pangangatuwiran lamang ng tao at hindi tuwirang mula kay Jehova, ni hindi ito ay nagmumula sa Aking sariling mga ideya. Ito ay kalokohan lamang ng tao! Kagaya lamang ng isang mananalumpati na gumagawa lamang ng kuwento, walang batayang ibinibilang ng mga tao ang kanilang mga sarili bilang mga inapo ni David o bahagi ng sambahayan ni Jacob, at pinaniniwalaan nila na sila ay karapat-dapat na maging gayon. Hindi ba nalalaman ng mga tao na ang mga kabilang sa sambahayan ni David ay matagal nang itinalaga ni Jehova, at na hindi kinoronahan ni David ang kanyang sarili na maging hari? Gayunman, marami ang walang-kahihiyang nag-aangkin na kabilang sila sa mga inapo ng sambahayan ni David—ang mga tao ay napakamangmang! Ang katotohanan ay ang mga bagay-bagay sa Israel ay walang kinalaman sa mga Hentil—sila ay dalawang bagay na magkaiba, at lubos na walang kaugnayan. Ang mga bagay-bagay sa Israel ay masasabi lamang sa mga tao ng Israel, dahil walang kinalaman dito ang mga Hentil, at ang gawain na kasalukuyang ginagawa sa mga Hentil ay walang kinalaman sa mga tao ng Israel. Kung ano ang sinasabi tungkol sa mga Hentil ay pagpapasyahan sa pamamagitan ng Aking kasalukuyang sinasabi, at ang gawaing ginagawa sa Israel ay hindi maaaring maging “maagang pagpapahayag” ng gawain sa mga Hentil. Hindi ba iyon nagpapakita na ang Diyos ay masyadong kumbensiyonal? Tanging kapag nagsisimula nang lumaganap ang gawain sa mga Hentil ay ang kung ano ang sinabi tungkol sa kanila, o mabubunyag ang kanilang kahihinatnan. Kaya para sabihin ng mga tao, gaya ng ginawa nila noon, “Kami ang mga inapo ni David,” o “si Jesus ay anak na lalaki ni David,” ay higit na malaking kalokohan. Ang Aking gawain ay pinagbaha-bahagi. Hindi Ko “tatawaging usa ang isang kabayo”; sa halip, ang gawain ay nahahati alinsunod sa pagkakasunud-sunod nito.