Yaong mga Hindi Natututo at Nananatiling Mangmang: Hindi Ba Sila mga Hayop?
Habang naglalakad ka sa landas ng ngayon, ano ang pinakaangkop na klase ng pagsisikap? Sa iyong pagsisikap, anong klase ng tao ang dapat mong makita sa sarili mo? Dapat mong malaman kung paano mo dapat harapin ang lahat ng sumasapit sa iyo ngayon, mga pagsubok man ito o paghihirap, o walang awang pagkastigo at pagsumpa. Habang nahaharap sa lahat ng bagay na ito, dapat mong bigyan ang mga ito ng maingat na pagsasaalang-alang sa lahat ng pagkakataon. Bakit Ko sinasabi ito? Sinasabi Ko ito dahil ang mga bagay na sumasapit sa iyo ngayon, sa kabila ng lahat, ay maiikling pagsubok na paulit-ulit na nangyayari; marahil para sa iyo, hindi mo itinuturing na partikular na mabigat ang mga ito sa espiritu, kaya hinahayaan mo na lang na likas na magdaan at lumipas ang mga bagay na ito, at hindi mo itinuturing ang mga ito na napakahalagang yaman sa pagsisikap na sumulong. Masyado kang walang pagpapahalaga! Sobrang walang pagpapahalaga na ipinapalagay mo na isang ulap ito na nakalutang sa harap ng iyong mga mata; at hindi mo pinahahalagahan ang malulupit na hagupit na bumubuhos paminsan-minsan—mga hagupit na maiikli, at para sa iyo, tila hindi mabigat—kundi basta minamasdan mo ang mga ito nang walang pagpapahalaga, nang walang kaseryosohan, na itinuturing lamang ang mga ito na paminsan-minsang paghagupit lamang. Napakayabang mo! Sa malulupit na pag-atakeng ito, mga pag-atake na katulad ng mga unos na dumarating paminsan-minsan, nagpapakita ka lang ng walang-galang na pagwawalang-bahala; kung minsan, umaabot pa sa punto na malamig pa ang ngiti mo, na naghahayag ng iyong lubos na pagwawalang-bahala—sapagkat hindi mo naisip kailanman sa iyong sarili kung bakit patuloy kang nagdurusa ng gayong “mga kasawian.” Maaari kayang ito ay dahil lubha Akong hindi makatarungan sa tao? Hinahanapan ba kita ng mali? Bagama’t maaaring hindi kasing seryoso ang mga problema sa pag-iisip mo na tulad ng nailarawan Ko, sa ipinapakita mong pagkakalmado, matagal ka nang nakalikha ng perpektong imahe ng niloloob mo. Hindi Ko na kailangang sabihin sa iyo na ang mga bagay na tanging nakatago sa kaibuturan ng puso mo ay mga mapang-abusong salita na hindi makatwiran at katiting na bahid ng kalungkutang halos hindi makita ng iba. Dahil sa palagay mo ay lubhang hindi makatarungan na magdusa ka ng gayong mga pagsubok, nagmumura ka; at dahil ipinadarama sa iyo ng mga pagsubok na ito ang kapanglawan ng mundo, napupuno ka ng kalungkutan. Sa halip na ituring na pinakamainam na proteksyon ang paulit-ulit na paghagupit at disiplinang ito, ang tingin mo sa mga ito ay walang katuturang panggugulo ng Langit, o dili kaya’y angkop na paghihiganti sa iyo. Napakamangmang mo! Walang awa mong itinago sa dilim ang magagandang panahon; sa bawat pagkakataon, itinuring mong pag-atake ng iyong mga kaaway ang magagandang pagsubok at pagdidisiplina. Wala kang kakayahang makibagay sa iyong kapaligiran; at lalo nang ayaw mong gawin iyon, sapagkat ayaw mong magtamo ng anuman mula sa paulit-ulit—at para sa iyo ay malupit—na pagkastigo. Hindi ka nagtatangkang maghanap o magsiyasat, at basta ka na lang sumusuko sa iyong kapalaran, pumupunta kung saan ka dalhin nito. Hindi nabago ng sa tingin mo ay mababagsik na pagkastigo ang puso mo, ni hindi naghari ang mga ito sa puso mo; sa halip, sinasaksak ng mga ito ang puso mo. Ang tingin mo sa “malupit na pagkastigo” na ito ay kaaway mo lamang sa buhay na ito, at kaya wala kang natutuhan. Masyado kang nag-aakalang mas matuwid ka sa iba! Madalang kang maniwala na nagdaranas ka ng ganitong mga pagsubok dahil napakasama mo; sa halip, iniisip mo na napakamalas mo, at sinasabi mo pa bukod rito na palagi kitang hinahanapan ng mali. At ngayon na ang mga bagay-bagay ay dumating na sa sitwasyong ito, gaano ba talaga karami ang alam mo tungkol sa Aking sinasabi at ginagawa? Huwag mong isipin na likas kang matalino, medyo mas mababa lamang kaysa sa kalangitan ngunit walang hanggan na mas mataas kaysa sa lupa. Hindi ka talaga mas matalino kaysa sa iba—at masasabi pa nga na talagang kahanga-hanga na mas hangal ka kaysa sinumang iba pang mga tao sa lupa na may katwiran, sapagkat napakataas ng tingin mo sa iyong sarili, at hindi ka nakaramdam kailanman na mas mababa ka sa iba; na tila nahihiwatigan mo ang pinakamaliit na detalye ng Aking mga kilos. Sa katunayan, isa kang tao na wala talagang katwiran, sapagkat wala kang ideya kung ano ang Aking gagawin, at lalong wala kang alam kung ano ang Aking ginagawa ngayon. Kaya sinasabi Ko na hindi ka man lamang kapantay ng isang matandang magsasaka na nagtatrabaho sa lupain, isang magsasaka na wala ni katiting na pagkaunawa sa buhay ng tao subalit lubos na umaasa sa mga pagpapala ng Langit habang nagbubungkal ng lupa. Hindi ka nag-uukol ng kahit isang segundo para pag-isipan ang iyong buhay, wala kang alam na dapat ipagbunyi, at lalo nang wala kang alam tungkol sa sarili mo. Masyado kang “mapagmataas”! Talagang nag-aalala Ako sa iyo na maselang manamit at sa inyo na maseselang dalaga: Paano ninyo matatagalan ang paghampas ng mas matitinding bagyo? Lubos na walang pakialam ang maseselang manamit na ito sa mahirap na kalagayan nila. Para sa kanila, mukhang walang kuwenta ito, hindi nila ito iniisip, hindi sila negatibo, at hindi rin nila iniisip na napakaaba nila; sa halip, nagpapatuloy sila gaya nang dati, palakad-lakad lang sila sa mga lansangan habang nagpapaypay. Hindi alam nitong mga “kilalang tao,” na hindi na natuto, kung bakit Ko sinasabi sa kanila ang mga bagay na ito; puno ng pagkainis ang kanilang mga mukha, pahapyaw lamang nilang sinusuri ang kanilang sarili, at pagkatapos ay nagpapatuloy nang hindi binabago ang kanilang masasamang gawi; kapag iniwan na nila Ako, muli silang nagsisimulang magwala sa mundo, muling nagyayabang at nanloloko. Napakabilis magbago ng ekspresyon sa iyong mukha. Kaya, muli, tinatangka mo Akong linlangin sa ganitong paraan—napakatapang mo! Mas nakakatawa pa ang maseselang pihikang dalaga. Nang marinig ang Aking kagyat na mga pagbigkas, at nakikita ang mahirap na kalagayan nila, tumutulo ang mga luha sa kanilang mga mukha nang hindi sinasadya, na puno ng mga paghikbi, at parang gumagawa sila ng eksena—nakakainis! Natatanto ang sarili nilang tayog, sumasalampak sila sa kanilang kama at nahihiga roon, umiiyak nang walang tigil, na para bang halos maubusan sila ng hininga. At kapag naipakita sa kanila ng mga salitang ito ang pagiging isip-bata at pagiging hamak nila, pagkatapos niyon ay napupuspos sila ng pagkanegatibo na nawawalan ng ningning ang kanilang mga mata, at hindi sila nagrereklamo tungkol sa Akin o namumuhi sa Akin, nananatili silang hindi kumikilos sa pagkabalintiyak nila, at nabibigo rin silang matuto at nananatiling mangmang. Matapos Akong iwan, nagkakatuwaan at naglalaro sila, ang kanilang malalakas na tawa ay kagaya sa isang “Kampanang Pilak ng Prinsesa.” Napakarupok nila at walang-wala silang pagmamahal sa sarili! Lahat kayo, na mga depektibong tinatanggihan ng sangkatauhan—kulang talaga kayo sa pagkatao! Hindi ninyo alam kung paano mahalin ang inyong sarili, o protektahan ang inyong sarili, wala kayong katwiran, hindi ninyo hinahanap ang tunay na daan, hindi ninyo mahal ang tunay na liwanag, at, bukod diyan, hindi ninyo alam kung paano pahalagahan ang inyong sarili. Tungkol naman sa mga turong ibinigay Ko sa inyo nang paulit-ulit, matagal na ninyong kinalilimutan ang mga ito, hanggang sa punto na itinuturing pa ninyong laruan ang mga ito para punan ang inyong bakanteng oras. Lagi ninyong itinuturing ang lahat ng ito na sarili ninyong “bantay na anting-anting.” Kapag inakusahan kayo ni Satanas, nagdarasal kayo; kapag negatibo kayo, natutulog kayo nang mahimbing; kapag masaya kayo, takbo kayo nang takbo; kapag pinangangaralan Ko kayo, yumuyuko kayo at nagkakamot; at pagkatapos, kapag iniiwan ninyo Ako, humahagalpak kayo sa katatawa. Sa tingin mo ay mas mataas ka sa lahat ng iba pa, pero hindi mo nakita ang iyong sarili kailanman na pinakamayabang sa lahat, napakatayog mo lamang palagi, kampante at napakamapagmataas. Paano ituturing ang Aking mga salita bilang isang napakahalagang yaman ng gayong “mga binatilyo,” “mga dalagita,” “mga binata” at “mga dalaga,” na hindi natututo at nananatiling mangmang? Tinatanong kitang muli: Ano ba talaga ang natutuhan mo mula sa Aking mga salita at sa Aking gawain sa loob ng napakahabang panahon? Nagtamo ka ba ng mas mahusay na kasanayan sa iyong panlilinlang? O naging mas sopistikado sa iyong katawan? O mas nawalan ng paggalang sa iyong saloobin sa Akin? Sasabihin Ko sa iyo nang diretsahan: Ang lahat ng gawaing ito na Aking ginawa ang mas nagpatapang sa iyo na may tapang ng isang daga noon. Ang iyong takot sa Akin ay nababawasan bawat araw, sapagkat napakamaawain Ko, at hindi Ko kailanman pinarusahan ang iyong laman gamit ang karahasan. Marahil, sa tingin mo, nagbibitiw lang Ako ng mababagsik na salita—ngunit higit na mas madalas na nakangiti Ako sa iyo, at halos hindi kita pinuna nang harapan kailanman. Bukod pa riyan, lagi Kong pinatatawad ang iyong kahinaan, at dahil lamang dito kaya mo Ako tinatrato na tulad ng pagtrato ng ahas sa mabait na magsasaka. Malaki ang paghanga Ko sa sukdulang galing at katalinuhan sa kapangyarihan ng tao na magmasid! Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang isang katotohanan: Ngayon ay hindi mahalaga kung mayroon kang pusong may takot o wala; hindi Ako kinakabahan o kaya’y nababalisa tungkol diyan. Ngunit kailangan Ko ring sabihin ito sa iyo: Ikaw na “mahusay na taong” ito, na hindi natututo at nananatiling mangmang, sa dakong huli ay ibabagsak ka ng iyong katalinuhang humahanga sa sarili at mababaw—ikaw ang magdurusa at makakastigo. Hindi Ako ganoon kahangal para samahan kang patuloy na magdusa sa impiyerno, sapagkat hindi Ako kauri mo. Huwag mong kalilimutan na ikaw ay isang nilikha na Aking sinumpa, subalit tinuruan at iniligtas Ko rin, at walang anumang bagay sa iyo na mag-aatubili Akong bitawan. Tuwing Ako ay gumagawa, hindi Ako napipigilan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay. Hindi pa rin nagbabago ang Aking mga pag-uugali at opinyon sa sangkatauhan. Hindi kita masyadong gusto, sapagkat dagdag ka lang sa Aking pamamahala, at hindi talaga katangi-tangi kumpara sa anupamang ibang nilalang. Ito ang payo Ko sa iyo: Sa lahat ng oras, tandaan na isa ka lamang nilalang ng Diyos! Bagama’t maaaring mabuhay ka sa piling Ko, dapat mong malaman ang iyong sariling pagkakakilanlan; huwag mong ipalagay na napakataas mo. Kahit hindi kita sinasaway o iwinawasto, at hinaharap kita nang may ngiti, hindi ito sapat para mapatunayan na ikaw ay kauri Ko. Ikaw—dapat mong malaman na isa ka sa mga naghahangad ng katotohanan, hindi ang katotohanan mismo! Dapat ay handa ka sa lahat ng oras na magbago ayon sa Aking mga salita. Hindi mo ito matatakasan. Pinapayuhan kita na magsikap at matuto ng isang bagay sa napakahalagang panahong ito, habang mayroon ka ng bihirang pagkakataong ito. Huwag mo Akong lokohin; hindi mo Ako kailangang bolahin para linlangin Ako. Kapag hinahanap mo Ako, hindi iyon para lamang sa Aking kapakanan, kundi sa halip ay para sa iyo!