Ang Mapanghamak na Panunumbat sa mga Tao ay Naglantad ng Aking Kapangitan

Oktubre 13, 2022

Ni Ai Meng, Myanmar

Noong Oktubre ng nakaraang taon, pinangangasiwaan ko ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia. May ilang bagong miyembro sa iglesia na kasisimula pa lang gumawa ng kanilang mga tungkulin, kaya madalas ko silang binabahaginan tungkol sa mga prinsipyo ng pagbabahagi ng ebanghelyo at isinasama sila sa sama-samang pag-eebanghelyo. Pagkaraan ng ilang panahon, lahat sila ay nakagawa ng kaunting pag-usad at natuwa ako. Para makapagtrabaho sila nang nakapag-iisa sa lalong madaling panahon, hinayaan ko silang magsagawa ng pagbabahagi ng ebanghelyo nang mag-isa. Sa simula, kapag may nakakaharap silang mga isyu, tinutulungan ko sila nang may pagmamahal, pero pagtagal-tagal, nagsimula na akong mayamot. Naging mapanghamak ako sa kanila: “Ako noon, nauunawaan ko na agad ang mga bagay-bagay unang beses pa lang na ituro sa akin. Gumugol ako ng oras sa pagtuturo sa inyo, kaya bakit ang dami pa rin ninyong tanong? Hindi ba kayo nakikinig nung tinuruan ko kayo? Kung hindi pa rin kayo makakapagtrabaho nang mag-isa pagkatapos ng mahabang panahon, tiyak na sasabihin ng nakatataas na pamunuan na wala akong kakayahan para sa gawaing ito at hindi ko kayang magsanay ng mga tao nang mabuti. Hindi iyon maaari. Kailangan ko kayong kausapin at turuan ng leksyon.” Nang mapagtanto ko ang lahat ng iyon, pinagalitan ko sila. Isang beses, nakatanggap ako ng tawag mula kay Sister Ai, sabi niya: “Brother, gusto kong itanong sa iyo, kung aling aspeto ng mga salita ng Diyos ang pagbabahaginan natin sa pagtitipon ngayong gabi?” Naisip ko: “Sinabi ko na sa’yo ito dati, bakit hindi mo pa rin alam? Hindi ka ba nakikinig sa akin?” Kaya, sa isang malakas at agresibong tono, sinabi ko sa kanya: “Nabasa mo ba ang huling file na ipinadala ko sa iyo o hindi? Bakit kailangan mo akong tanungin palagi?” Hindi sumagot ang sister at galit ko siyang binabaan. Kalaunan, natanto ko kung ano ang nagawa ko at medyo nakonsensya ako. Pero pagkatapos ay naisip ko, “Sinabi ko iyon para sa sarili niyang kapakanan. Kung hindi, paano siya uusad kung patuloy siyang umaasa sa akin? Baka nga makatulong pa ito sa kanya.” Nang maisip ko ito, hindi na ako nag-alala.

Kinabukasan, sinabi sa akin ng kapareha kong brother: “Sabi sa akin ni Sister Ai, nang magtanong siya sa’yo kahapon, nagalit ka. Sinabi rin niya na medyo napipigilan mo siya at natatakot siya sa iyo.” Talagang ‘di ko matanggap iyon nang marinig ko ito at nagdahilan ako sa isip ko: “Maaaring medyo malupit akong pakinggan, pero lahat ‘yon ay para lang mahikayat siyang magtrabaho nang nakapag-iisa. Kung hindi ko sinabi iyon nang gano’n, lalapitan at lalapitan niya ako sa tuwing may itatanong siya. Paano siya matututong ‘di na umasa sa iba?” Pero pagkatapos ay naisip ko: “Baka nga medyo hindi tama ang pagsasalita ko. Sabagay, kakasimula pa lang ni Sister Ai sa pagsasanay. Dapat ko siyang tulungan sa paraang mapagmahal sa halip na magalit at pagsabihan siya.” Kaya nagpadala ako ng mensahe para humingi ng tawad sa kanya: “Kahapon, nagkamali ako. Hindi dapat ako nagalit sa’yo nang ganoon. Sana maintindihan mo at sana’y huwag mo itong personalin. Nawalan ako ng pasensya nung sandaling ‘yon at nasaktan kita.” Sumagot si Sister Ai na ayos lang ‘yon. Pagkatapos nun, hindi ko mas pinagnilayan o kinilala pa ang sarili ko.

Pagkaraan ng ilang panahon, nahalal ako bilang mangangaral at tumanggap ng mas maraming responsibilidad. Ang ilan sa mga lider at manggagawa ay kasisimula pa lang magsanay at hindi pa pamilyar sa gawain ng iglesia, kaya madalas ko silang bahaginan sa mga prinsipyo ng gawain. Kinukumusta ko rin sila sa kanilang trabaho at binibigyan ko sila ng detalyadong patnubay at tulong. Noong una, kapag may mga tanong sila, matiyaga akong nagbabahagi sa kanila. Pero kung masyadong maraming beses silang nagtatanong, nawawalan ako ng pasensya. Sinumbatan ko sila, sinasabing: “Bakit hindi niyo ito maitanim sa isip niyo? Noong una akong magsimulang gumawa sa iglesia, malinaw kong tinatandaan ang anumang mga gampaning ibinibigay sa akin ng aking lider, at mabilis at may kakayahan kong natatapos ang mga ito. Sinabi ko na sa inyo ang lahat at binigyan kayo ng detalyadong mga tagubilin, kaya bakit hindi ninyo magawa nang tama ang mga bagay-bagay?” Hindi sila umimik bilang tugon.

Kinabukasan, nagpadala sa akin ng mensahe ang isang lider na nagsasabing: “Masyadong mahina ang utak ko para sa gawaing ito. Pakiusap humanap ka ng kapalit ko.” Nabigla talaga ako: Isa siya sa pinakamagaling sa mga bagong nagsasanay. Bakit niya naiisip ‘yon? Tapos, nagpadala sa akin ng mensahe ang isa pang lider na nagsasabing: “Sinasabi ng ilang tao na nararamdaman nilang talagang napipigilan mo sila.” Noon ko lang sinimulang pagnilayan ang sarili ko. Natanto ko na hindi ko hinaharap nang tama ang mga kakulangan ng iba. Paulit-ulit ko silang pinapagalitan at sinusumbatan sa halip na matiyagang gabayan at tulungan sila. Dahil dito, naramdaman nilang napipigilan sila. Kalaunan, narinig ko na naging masyadong negatibo ang isang sister dahil napipigilan siya kaya hindi niya ginawa ang tungkulin niya nang mahigit sampung araw. Nang mabalitaan ko ito, sumama ang pakiramdam ko. Hindi ako makapaniwalang nasaktan ko sila nang husto. Nabalisa ako at nagtaka kung bakit lagi akong nagagalit at nagkakaroon ng masamang impluwensya sa lahat. Kaya’t lumapit ako sa Diyos sa panalangin: “Mahal kong Diyos, ayokong magalit sa mga kapatid, pero sa tuwing may nangyayari, hindi ko mapigilan ang emosyon ko. Paano ko dapat lutasin ang problemang ito? Pakiusap, pangunahan at gabayan Mo po ako.”

Pagkatapos, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos, “Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang isang tao, madalas ay mahihirapan na siyang kontrolin ang kanyang damdamin, kaya’t masisiyahan siyang samantalahin ang mga pagkakataon upang ipahayag ang kanyang pagkayamot at ilabas ang kanyang mga nadarama; madalas siyang magpupuyos sa matinding galit nang walang malinaw na dahilan, nang sa gayon ay maihayag ang kanyang kakayahan at maipaalam sa ibang tao na ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan ay iba roon sa mga ordinaryong tao. Siyempre, ang mga tiwaling tao na walang anumang katayuan ay malimit ding mawalan ng kontrol. Ang kanilang galit ay kadalasang dulot ng pinsala sa kanilang mga pansariling kapakanan. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katayuan at dignidad, madalas nilang nailalabas ang kanilang mga nararamdaman at naibubunyag ang kanilang mapagmataas na kalikasan. Ang tao ay magpupuyos sa galit at ilalabas ang kanyang mga nadarama upang maipagtanggol at mapagtibay ang pag-iral ng kasalanan, at ang mga pagkilos na ito ang mga paraan kung paano ipinahahayag ng tao ang kanyang pagkayamot; puno ang mga ito ng karumihan, ng mga pakana at mga intriga, ng katiwalian at kasamaan ng tao; at higit sa lahat, puno ang mga ito ng mga matayog na mithiin at pagnanasa ng tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Gawain ng Diyos at Pagkilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Inilantad ng mga salita ng Diyos ang kasalukuyan kong kalagayan. Pinagnilayan ko kung paanong nagagalit ako para mapanatili ang aking posisyon. Karaniwan na palagi akong nakakakuha ng mga resulta sa gawain ko at iniisip ng mga tao na isa akong mahusay na lider. Pero dahil naatasan akong sanayin ang mga kapatid na ito, kung hindi ko sila mapagtatrabaho nang mag-isa pagkatapos ng mahaba-habang panahon, tiyak na sasabihin ng nakatataas na pamunuan na wala akong kakayahan. Kaya nang hindi pa rin natututo ang mga kapatid pagkatapos ko silang turuan nang maraming beses, naging masyado akong mapanlaban at walang pasensya. Kapag lumalapit sila sa’kin nang may mga tanong, sinusunggaban ko ang pagkakataon na manumbat at mamintas sa kanila para maglabas ng galit. Ikinumpara ko pa nga sila sa sarili ko at punong-puno ako ng hinaing at panghahamak sa kanila. Dahil dito, naramdaman nilang lahat na napipigilan sila at naging negatibo pa nga kaya ayaw nilang gawin ang kanilang tungkulin. Nang tukuyin ng iba ang problema ko, hindi ko hinanap ang katotohanan para lutasin ito. Kahit na humingi ako ng tawad kay Sister Ai, ang ipinapahiwatig at malinaw na layon ng mga salita ko ay para mapanatili ang aking katayuan at reputasyon, ipakita kay Sister Ai na madalang lamang akong magalit at hindi ito karaniwang nangyayari, at ipaisip sa kanya na talagang makatwiran ako sa pamamagitan ng aking hindi taos-pusong paghingi ng tawad. Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang ilang tao ay malinaw na may masasamang disposisyon at laging sinasabi na mainitin ang ulo nila. Hindi ba isang uri lamang ito ng pangangatwiran? Ang isang masamang disposisyon ay ganoon lang: isang masamang disposisyon. Kapag may nagawa ang isang tao na hindi makatwiran o nakakapinsala sa lahat, ang problema ay nasa kanyang disposisyon at pagkatao, ngunit lagi niyang sinasabi na pansamantala niyang hindi napigilan ang init ng ulo niya o medyo nagalit siya; hindi niya kailanman inuunawa ang diwa ng problema. Ito ba ay tunay na pagsusuri at paglalantad sa kanyang sarili?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tungkol sa Maayos na Pakikipagtulungan). Ganito rin ako noon. Kung gugunitain ang aking paghingi ng tawad, marangal itong pakinggan, pero hindi ko naunawaan ang tunay na diwa ng isyu at sinubukan pa ngang ipagtanggol ang sarili ko. Napakamapagpaimbabaw ko! Nang matanto ko ito, nakonsensya talaga ako. Madalas kong sabihin sa mga kapatid ang tungkol sa pagtrato sa mga tao nang may pagmamahal at pasensya, pero ito’y mga sawikain lamang na hindi tumutugma sa totoo kong pag-uugali.

Pagkatapos nun, pinayapa ko ang isip ko at pinagnilayan ang sarili ko: “Bakit ba sa tuwing hindi nangyayari ang gusto ko, nawawalan ako ng pasensya at nabubunyag ang tiwali kong disposisyon? Bakit hindi ko magawang makipagtulungan nang maayos sa mga kapatid?” Pagkatapos nun, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mapagmataas ang mga tao, mas hindi sila makatwiran, at kapag mas hindi sila makatwiran, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang isinasaalang-alang ng mga taong may mapagmataas na disposisyon ang lahat ng iba pa na mas mababa kaysa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos, at wala silang takot sa Diyos sa kanilang mga puso. Bagama’t maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mapagmataas na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—maliit na bagay iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mapagmataas na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kapamahalaan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging nadarama ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos para magkaroon ng kapangyarihan sa iba. Ang ganitong tao ay hindi iginagalang ang Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mapagmataas at may labis na pagtingin sa sarili, lalo na iyong mga nawalan na ng katinuan sa sobrang mapagmataas, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, at pinaparangalan pa nila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos at talagang walang takot sa Diyos. Kung nais nilang umabot kung saan iginagalang nila ang Diyos, kailangan nilang lutasin muna ang mapagmataas nilang disposisyon. Habang mas ganap mong nilulutas ang mapagmataas mong disposisyon, mas magpipitagan ka sa Diyos, at saka ka lang makakapagpasakop sa Kanya at makakapagtamo ng katotohanan at makikilala Siya. Ang mga nagkakamit lamang ng katotohanan ang siyang tunay na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ibinunyag ng Diyos kung paanong ang ugat ng tiwaling disposisyon ng mga tao ay kayabangan. Kung mas mayabang ang isang tao, mas malamang na lalabanan niya ang Diyos. Natanto ko na ganoon talaga ako. Hindi ko sineseryoso ang ibang tao, iniisip na lahat sila ay mas mababa sa akin. Palagi akong naniniwala na may mahusay akong kakayahan, may talento sa gawain ko at mas magaling talaga kaysa sa lahat. Palagi ko ring ikinukumpara ang mga kakulangan ng iba sa sarili kong mga kalakasan. Kaya kong makabisado ang isang gampanin pagkatapos maturuan ng isang beses, pero hindi pa rin sila natututo pagkatapos ng mahabang panahon. Pinagagalitan ko lang sila, pinipintasan at sinusumbatan, nang hindi sila binibigyan ng kahit katiting na respeto. Hindi ko kinilala ang kanilang mga kalakasan at kagalingan, lalong hindi ako nagbigay ng anumang mapagmahal na suporta. Kapag nagkakaproblema ang mga kapatid, hindi ko pinagninilayan kung nabahaginan ko ba sila ng salita ng Diyos para malutas ang kanilang mga isyu, o kung nagkulang ba ako sa kung anong paraan. Sa halip, iniisip ko lang na hindi sila nakikinig nang mabuti at walang pinipiling pinagagalitan at iwinawasto sila. Masyado akong di-makatwiran at mayabang! Pinalalawig ng iglesia namin ang ebanghelyo ng Diyos, pero patuloy kong pinagagalitan, sinusumbatan at pinipigilan ang mga tao, na nagsasanhing matakot sila sa’kin, tukuyin ang kanilang sarili, at maging masyadong negatibo na ayaw nilang gawin ang kanilang mga tungkulin. Hindi ba’t ginagambala at hinahadlangan ko ang gawain ng ebanghelyo? Sa pagninilay-nilay sa lahat ng ito, napahiya talaga ako. Wala akong naibigay na anumang kapaki-pakinabang para sa pagpasok sa buhay ng iba. Sa halip, sinaktan ko sila at ginambala ang gawain ng iglesia. Namumuhay ako ayon sa aking mayabang na disposisyon at maaaring gumawa ng masama at lumaban sa Diyos anumang oras. Nang maisip ang lahat ng nagawa ko, talagang kinamuhian ko ang sarili ko. Parang gusto kong sampalin ang sarili ko ng ilang beses sa mukha. Tahimik akong nagdasal sa Diyos sa puso ko: “Mahal kong Diyos, basta-basta kong iwinasto ang mga tao dahil sa aking mayabang na disposisyon, sinasaktan sila at kasabay niyon ay ginagambala ang gawain ng iglesia. Mahal kong Diyos, handa akong magsisi at gumawa ng mga pagbabago. Nawa’y patnubayan at tulungan Mo po ako sa paglutas ng aking mayabang na disposisyon.”

Pagkatapos, isang araw, narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Mamuhay Ayon sa mga Salita ng Diyos Upang Mabago ang Iyong Disposisyon.” “Kailangan mo munang lutasin ang lahat ng paghihirap sa iyong kalooban sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos. Wakasan ang iyong masamang disposisyon at kayanin na tunay na maunawaan ang iyong sariling kalagayan at alamin kung paano ka dapat kumilos; patuloy na makibahagi tungkol sa anumang bagay na hindi mo nauunawaan. Hindi katanggap-tanggap na hindi makilala ng isang tao ang kanyang sarili. Paghilumin mo muna ang sarili mong karamdaman, at, sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos nang mas madalas at pagbubulay-bulay tungkol sa mga ito, mabuhay at gawin ang iyong mga gawa batay sa Kanyang mga salita; nasa bahay ka man o nasa ibang lugar, dapat mong tulutan ang Diyos na gumamit ng kapangyarihan sa iyong kalooban. Iwaksi ang laman at pagiging natural. Laging hayaang magkaroon ng kapamahalaan ang mga salita ng Diyos sa iyong kalooban. Hindi kailangang mag-alala na hindi nagbabago ang buhay mo; pagdating ng panahon, madarama mo na malaki ang ipinagbago ng iyong disposisyon. …(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Talagang nagbibigay-inspirasyon sa akin ang himnong ito ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Kahit ano pang sitwasyon ang maranasan ko, dapat kong hanapin muna ang layunin ng Diyos, hanapin ang katotohanan, lutasin ang sarili kong mga isyu, maunawaan ang aking mayabang na disposisyon sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, tumuon sa pagtalikod sa sarili ko sa pang-araw-araw na buhay, at isagawa ang katotohanan. Tapos ay unti-unting magbabago ang mayabang kong disposisyon. Ang katunayan na dahil sa mayabang kong disposisyon, pinagagalitan at pinipigilan ko ang mga tao at palaging iniisip na mas nakahihigit ako, ay nagpapakita na hindi ko talaga nauunawaan ang sarili ko. Ang totoo, wala naman akong anumang maipagmamalaki. Medyo mabilis akong matuto sa mga tungkulin ko at nabiyayaan ng ilang kaloob, pero ang Diyos ang nagbigay ng mga kaloob at kakayahan ko, walang espesyal sa akin sa personal. Dapat akong magpasalamat sa Diyos. Ang bawat tao ay may iba-ibang kakayahan at iba-ibang abilidad. Lahat ng kapatid ay may kanya-kanyang kalakasan. Magaling si Sister Ai sa pakikisalamuha sa mga tao, mayroon siyang mapagmahal na pakikitungo at pasensya. Wala ako ng mga katangiang iyon. Nang matanto ko ito, napahiya ako. Handa na akong isagawa ang mga salita ng Diyos. Kapag nahaharap ako sa mga isyu, sadya kong tinatalikdan ang sarili ko at isinasagawa ang katotohanan.

Naalala ko minsan, tinanong ko ang isang sister na kapareha ko tungkol sa nagawa na niya sa isang proyekto at sinabi niyang: “Hindi ko pa ito nasisimulan. Noong tinatalakay natin ang mga ideya natin para sa proyekto, medyo malinaw ito sa akin, pero nang sinimulan ko na talagang gawin ito, hindi na ako sigurado kung paano magpapatuloy.” Nang marinig ko ‘yon, naramdaman ko na naman ang pagkulo ng galit ko. Naisip ko: “Bakit napakahirap nito para sa’yo? Nang talakayin natin ang proyektong ito, napakalinaw kong inilarawan ang lahat. Paanong nakalimutan mo na? Hindi ka ba nakatutok sa gawain? Mukhang kailangan kong makipag-usap sa iyo nang masinsinan.” Nang pagagalitan ko na sana siya, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Kung maaaring sadyang palugurin ng mga tao ang Diyos, isagawa ang katotohanan, talikuran ang kanilang sarili, talikuran ang sarili nilang mga ideya, at maging masunurin at isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos—kung magagawa nilang sadyang gawin ang lahat ng bagay na ito—kung gayon ito ang kahulugan ng tumpak na isagawa ang katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao). Ang mga salita ng Diyos ay isang napapanahong paalala: Kailangan kong talikdan ang sarili ko at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi ako pwedeng patuloy na kumilos ayon sa mayabang kong disposisyon. Malamang na hindi pa niya ito nasisimulan dahil may ilan siyang problema o hindi malinaw sa kanya ang landas pasulong. Dapat kong maunawaan ang aktwal niyang sitwasyon at tratuhin ang mga kakulangan niya sa tamang paraan. Kaya kalmado ko lang na sinuri ang mga detalye kung paano siya dapat magpatuloy base sa aktwal na sitwasyon. Nang matapos ako, masaya siyang sumagot: “Ganyan pala ang dapat kong gawin! Ngayon, sa wakas ay may landas na ako pasulong.” Nang sabihin ‘yon ng sister, sobra akong napahiya. Palagi akong nagbabanggit ng mga sawikain sa gawain namin, pero hindi ako naglaan ng oras para maunawaan ang mga problema at isyu ng lahat, lalong hindi ko sila tinuruan nang paisa-isa. Kung naging mas matiyaga ako at nakatuon sa detalye sa aking gawain, matagal na sanang nagtatrabaho nang nakapag-iisa ang mga kapatid.

Pagkatapos nun, nakita ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Magagawa mo bang ipaunawa sa mga tao ang katotohanan at mapapasok sila sa realidad nito kung inuulit mo lamang ang mga salita ng doktrina, at pinapangaralan ang mga tao, at iwinawasto sila? Kung hindi totoo ang katotohanan na ibinabahagi mo, kung mga salita lamang ito ng doktrina, kahit gaano mo pa sila iwasto at pangaralan, mauuwi lang ito sa wala. Iniisip mo bang kapag natatakot ang mga tao sa iyo, at sinusunod nila kung ano ang sabihin mo, at hindi sila naglalakas-loob na tumutol, ay pareho lang ito sa nauunawaan nila ang katotohanan at pagiging masunurin? Isa itong malaking pagkakamali; hindi ganoon kadali ang pagpasok sa buhay. Ang ilang lider ay parang isang bagong tagapamahala na sumusubok na magkaroon ng matinding impresyon, sinusubukan nilang ipatupad ang bago nilang taglay na awtoridad sa mga hinirang ng Diyos upang magpasakop ang lahat sa kanila, iniisip na mas mapapadali nito ang kanilang trabaho. Kung wala ang realidad ng katotohanan sa iyo, hindi magtatagal ay malalantad ang iyong totoong tayog, mabubunyag ang tunay mong pagkatao, at maaaring mapalayas ka. Katanggap-tanggap ang kaunting pagwawasto, pagtatabas, at disiplina sa ilang administratibong gawain. Pero kung wala kang kakayahang ibahagi ang katotohanan, sa huli, hindi mo pa rin magagawang lutasin ang problema, at maaapektuhan nito ang mga resulta ng gawain. Kung, kahit ano pang mga isyu ang lumitaw sa iglesia, patuloy mong sinesermunan ang mga tao at sinisisi sila—kung ang ginagawa mo lang ay magalit—ito ang tiwali mong disposisyon na ipinapakita ang sarili nito, at naipakita mo ang pangit na hitsura ng katiwalian mo. Kung palagi kang nakatayo sa pedestal at sinesermunan ang mga tao nang ganito, sa paglipas ng panahon, hindi makakatanggap ang mga tao ng panustos ng buhay mula sa iyo, wala silang anumang makakamit na totoo, at sa halip ay mamumuhi at masusuklam sila sa iyo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang susi sa pakikipagtulungan sa mga kapatid sa iglesia ay ang malinaw na pagbabahagi sa katotohanan para ang lahat ay magkaroon ng mabuting pagkaunawa sa mga prinsipyo. Saka lang natin magagawa nang maayos ang ating mga tungkulin. Kung palagi akong nagagalit sa mga tao at nanunumbat sa kanila, hindi lang ako mabibigong lutasin ang mga isyu, madidismaya ko rin ang mga tao at matutulak ko sila palayo. Kalaunan kapag nakikipagtulungan ako sa iba o nangungumusta sa kanilang gawain, inuunawa ko muna ang kanilang mga aktwal na problema. Kung may mga bagay na hindi nila naunawaan o hindi pa natutunan, matiyaga akong nagbabahagi sa kanila sa mga prinsipyo at katotohanan at tinutulungan silang lutasin ang kanilang mga isyu. Sa ganoong paraan, pagkaraan ng ilang panahon, nagagawa nang tapusin ng mga kapatid ang ilang gawain nang nakapag-iisa at nakakapagtulungan kami nang maayos. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa aking mayabang na disposisyon, natutunan ko kung paano tratuhin nang tama ang mga kakulangan ng mga tao at nagawang makipagtulungan nang maayos sa iba. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply