Bakit Ako Nag-aalala na Magkamali?

Marso 15, 2025

Ni Qian Yi, Pilipinas

Nang magtrabaho ako sa art design para sa iglesia, nahihirapan ako noong una, pero sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos at pakikipagtulungan sa mga kapatid, bumuti ang pagganap ko. Kalaunan, nalaman ko nang hindi inaasahan na inilipat si Sister Lisa sa isang bagong tungkulin dahil puno ng mga pagkakamali ang mga disenyo niya at madalas na kailangan itong ulitin. Sa kabila ng madalas na paalala, pagbabahagi at suporta ng mga kapatid, hindi siya napabuti, na lubhang nakaapekto sa gawain ng iglesia. Matapos mailipat si Lisa, sinabi ko sa sarili ko na kailangan kong maging mas maingat sa gawain ko at iwasang magkamali. Kapag nakagawa ako ng maraming pagkakamali at napatunayang hindi ako angkop sa trabaho, siguradong malilipat ako. Taga-disenyo ang tanging naging trabaho ko sa iglesia at wala akong ibang mga kasanayan—kung ililipat ako at hindi makakagawa ng ibang mga tungkulin, maililigtas pa ba ako? Pagkatapos niyon, sa bawat disenyo na ginagawa ko, nagbibigay ako ng tatlo o apat na bersyon, pero masyadong hindi pulido at karaniwang hindi nagagamit ang bawat bersyon. Sa totoo lang, sapat na ang dalawang bersyon, pero sinubukan kong maging matalino, iniisip na kung bibigyan ko sila ng ilang bersyon, malamang na may isa sa mga ito ang katanggap-tanggap para sa kanila. Bilang resulta, habang mas nag-iingat ako, mas dumarami ang pagkakamaling nagagawa ko sa mga disenyo ko. Pinaalalahanan ako ng lider ng grupo na dapat akong maging mas seryoso at masipag sa trabaho ko, maglaan ng oras para matiyak ang kalidad ng bawat disenyo at huwag iraos lang ang gawain. Nang sabihin ito sa akin ng lider, hindi ko pinagnilayan ang mga isyu ko o sinuri ang mga paglihis sa gawain ko, nag-alala lang ako kung ituturing ng lider na hindi ako angkop sa gawain at ililipat ako. Kalaunan, lalo akong natatakot na magkamali sa aking mga disenyo. Kung minsan, kapag hindi ako sumasang-ayon sa mga mungkahi ng ibang mga kapatid, gusto kong makipag-usap sa kanila kung paano maging mas magaling sa trabaho, pero sa tingin ko, kung marami akong sasabihin, baka isipin ng mga tao na nagiging pabasta-basta lang ako at na ayaw kong gumawa ng mga rebisyon. Kung bibigyan ko ng masamang impresyon ang mga tao, talagang malilipat ako. Pakiramdam ko, kailangan kong maging mas maingat at ipakita sa lahat na kaya kong tumanggap ng mga mungkahi at na masipag at responsable ako. Kaya hindi na lang ako nagsalita. Noong panahong iyon, habang mas nag-aalala akong malilipat, mas dumarami ang pagkakamaling nagagawa ko. May isang disenyo na ilang beses na ibinalik at nakaantala sa gawain namin. Nakagawa lang ako ng mga isang-kapat ng karaniwan kong ginagawa sa isang linggo. Nang makitang malinaw na naaapektuhan ang pagganap ko, iwinasto ako ng lider ng grupo, sinasabing: “Mababa ang kalidad ng mga disenyo mo kamakailan, palagi itong ibinabalik at medyo hindi ka mahusay—tinututukan mo ba ang gawain mo o hindi? Ano ba ang isyu? Nagnilay-nilay ka na ba?” Talagang tinamaan ako ng pagpuna ng lider ng grupo. Napagtanto ko na pinababagal ko ang pag-usad ng gawain namin at ngayon ay malinaw nang nalalantad ang totoo kong kulay. Mukhang tiyak na malilipat ako, dahil sa dinami-daming isyu na mayroon ko. Nanlumo ako at hindi ako makakuha ng motibasyon sa gawain ko. Hinihintay ko na lang ang pagdating ng araw na sasabihin sa akin ng lider na inilipat na ako.

Tumawag ako sa Diyos sa panalangin at naghanap: Bakit palagi akong nag-aalala na magkamali at mailipat? Isang araw, nakita ko ang mga siping ito ng mga salita ng Diyos. “Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili. Kaya kapag binago nang kaunti ang kanyang tungkulin, kung promosyon ito, iisipin ng isang anticristo na may pag-asa siyang pagpalain. Kung ito ay demosyon, mula sa pagiging lider ng pangkat pababa sa pagiging katuwang na lider ng pangkat, o mula sa katuwang na lider ng pangkat pababa sa pagiging karaniwang miyembro ng grupo, inaasahan niyang ito ay magiging isang malaking problema at sa tingin niya ay maliit ang pag-asa niyang magtamo ng mga pagpapala. Anong uri ng pag-iisip ito? Tama bang pag-iisip ito? Talagang hindi. Katawa-tawa ang pananaw na ito! Ang pagtamo o hindi pagtamo ng isang tao sa pagsang-ayon ng Diyos ay hindi nakabase sa tungkuling ginagawa niya, kundi sa kung taglay ba niya ang katotohanan, kung tunay ba siyang nagpapasakop sa Diyos, at kung tapat ba siya. Ang mga ito ang pinakamahahalagang bagay. Sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang pagdusahan ang maraming pagsubok. Lalo na sa pagganap sa tungkulin nila, dapat silang dumaan sa maraming kabiguan at hadlang, pero sa bandang huli, kung nauunawaan nila ang katotohanan at may tunay silang pagpapasakop sa Diyos, magiging isa siyang taong may pagsang-ayon ng Diyos. Sa usaping ukol sa pagkakalipat nila sa kanilang tungkulin, makikita na hindi nauunawaan ng mga anticristo ang katotohanan, at talagang wala silang kakayahang makaarok(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). “Kung titingnan ang saloobin at pananaw ng isang anticristo tungkol sa pagbabago sa kanyang tungkulin, nasaan ang problema niya? Malaki ba ang problema rito? (Oo.) Ang pinakamalaking pagkakamali niya ay na hindi niya dapat iugnay ang pagbabago sa tungkulin sa pagtanggap ng mga pagpapala; isang bagay ito na hindi talaga niya dapat gawin. Sa katunayan, walang koneksyon ang dalawang ito, ngunit dahil puno ng mga pagnanasang mapagpala ang puso ng anticristo, anumang tungkulin ang kanyang gampanan, ikinokonekta at iniuugnay niya iyon sa kung siya ba ay pagpapalain o hindi. Kung kaya, wala siyang kakayahang gampanan nang tama ang kanyang tungkulin, at malalantad at mapapalayas lamang siya; kasalanan niya ito, siya mismo ang tumahak sa desperadong landas na ito(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Inilantad ng mga salita ng Diyos kung paanong ang mga anticristo ay may partikular na masamang disposisyon at kakatwang pagkaunawa sa katotohanan. Iniisip nila na ang isang normal na bagay tulad ng paglilipat sa ibang tungkulin ay may kaugnayan sa pagkakamit o pagkawala ng mga pagpapala at nag-aalala sila na kung ililipat sila o tatanggalin, mawawalan sila ng kanilang huling hantungan. Kaya naman, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para masiguro ang kanilang kinabukasan. Habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos, nagnilay ako sa sarili ko. Katulad ng sa isang anticristo ang sarili kong pag-uugali. Iniisip ko na may kaugnayan sa pagkakamit ng mga pagpapala ang tungkulin ko at nag-aalala ako na kung ililipat ako, mawawalan ako ng pagkakataon na maligtas. Nang mabalitaan kong inilipat si Lisa, nag-alala ako na ililipat din ako. Itinuring ko ang tungkulin ko bilang proteksyon ko at inakala na kung mawawala ito, hindi ko makakamit ang kaligtasan. Pagkatapos niyon, naging mapagkalkula ako, at nagbibigay ng ilang bersyon ng bawat disenyo para hindi lahat ng ito ay matanggihan. Pero nabigo akong tumuon sa pagpapabuti ng kalidad ng mga disenyo at bilang resulta, parami nang parami ang mga isyu na lumilitaw sa gawain ko at bumaba ang bilang ng mga aprubadong disenyo na ginawa ko. Naging mas walang kibo ako sa mga pakikisalamuha ko sa mga kapatid at hindi ko ipinagtatapat at tinatalakay ang mga ideya ko sa kanila, nag-aalala na baka isipin nila na hindi ko tinatanggap ang mga mungkahi nila at bibigyan ako ng mababang pagsusuri na magiging dahilan para mailipat ako. Lagi akong mapagbantay sa mga kapatid at nagpapanggap. Dahil palagi akong nag-aalala tungkol sa pagkakaroon ng mga pagpapala, hindi ako makatutok sa gawain ko, at hindi nag-abalang suriin ang aking mga isyu at hanapin ang katotohanan at mga prinsipyo. Bilang resulta, paulit-ulit akong nagkakamali, hindi nagiging epektibo at nakakahadlang sa gawain namin. Mas lalo rin akong nanlulumo. Matapos maiwasto at matabasan ng lider ng grupo, hindi ako nag-abalang magnilay sa sarili ko, kundi naging negatibo lang ako at lumalaban. Naisip ko: “Katapusan ko na ngayon—iniisip ng lider ng grupo na hindi ako masipag sa tungkulin ko at laging nagkakamali. Tiyak na ililipat na ako.” Nasadlak ako sa pagkanegatibo, naging pabaya, at walang motibasyon sa aking tungkulin. Ipinagkaloob sa akin ng Diyos ang oportunidad na gawin ang tungkulin ko para hanapin ko ang katotohanan, gumawa ayon sa prinsipyo, at matamo ang Kanyang kaligtasan. Pero hindi ko tinahak ang tamang landas—hindi ko binigyan ng halaga ang paghahanap sa katotohanan at pagkilos ayon sa prinsipyo. Sa tuwing nagkakaroon ng problema, nag-aalala lang ako na malilipat ako at mawawalan ng pagkakataong makakuha ng mga pagpapala. Itinuring ko ang tungkulin ko bilang paraan para makakuha ng mga pagpapala: Inakala ko na hangga’t hindi ako nagkakamali sa aking tungkulin at hindi nalilipat, walang duda na matatamo ko ang kaligtasan at makakapasok sa kaharian ng langit kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Nakita ko na ginawa ko lang ang tungkulin ko para magtamo ng mga pagpapala. Itinuring ko ang tungkulin ko bilang “makapagliligtas ng buhay,” ginagamit at dinadaya ang Diyos. Kinasusuklaman at kinamumuhian ako ng Diyos dahil sa lahat ng ito. Nakaramdam ako ng pagkakonsensya at pagsisisi, at kaya nanalangin ako sa Diyos, at handang magsisi.

Kalaunan, marami pa akong nakitang salita ng Diyos. “Sabihin mo sa Akin, kung kaya ng isang taong nakagawa ng pagkakamali na tunay na makaunawa at handa siyang magsisi, hindi ba ibibigay sa kanya ng sambahayan ng Diyos ang pagkakataong iyon? Habang papatapos na ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos, napakaraming tungkuling kailangang gampanan. Pero kapag walang konsiyensiya o katwiran ang mga tao, at pabaya sa kanilang gawain, kung nagkamit na sila ng oportunidad na gampanan ang isang tungkulin ngunit hindi alam kung paano iyon pahahalagahan, hindi hinahangad ang katotohanan kahit paano, hinahayaang makalampas ang pinakamagandang pagkakataon, kung gayon ay malalantad sila. Kung palagi kang walang ingat at pabasta-basta sa pagganap sa iyong tungkulin, at hindi ka man lang nagpapasakop kapag nahaharap ka sa pagpupungos at pagwawasto, gagamitin ka pa rin ba ng sambahayan ng Diyos para gumanap sa isang tungkulin? Sa sambahayan ng Diyos, ang katotohanan ang naghahari, hindi si Satanas. Ang Diyos ang may huling pasya sa lahat ng bagay. Siya ang gumagawa ng gawain ng pagliligtas sa tao, Siya ang naghahari sa lahat ng bagay. Hindi mo kailangang suriin kung ano ang tama at mali; ang kailangan mo lang gawin ay makinig at sumunod, at kapag nahaharap ka sa pagpupungos at pagwawasto, dapat mong tanggapin ang katotohanan at magawang itama ang iyong mga pagkakamali. Kung gagawin mo ito, hindi ka aalisan ng sambahayan ng Diyos ng karapatang gampanan ang isang tungkulin. Kung natatakot ka palagi na mapalayas, laging nagdadahilan, lagi mong pinangangatwiranan ang sarili mo, problema iyan. Kung hinahayaan mong makita ng iba na hindi mo tinatanggap ang katotohanan kahit katiting, at na hindi ka tinatablan ng katwiran, may problema ka. Magiging obligado ang iglesia na harapin ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Ang mga anticristo ay hindi naniniwala na may katotohanan sa mga salita ng Diyos, at hindi sila naniniwala sa Kanyang disposisyon, identidad, o kakanyahan. Itinuturing nila ang lahat ng tao ayon sa pag-iisip at pananaw ng tao, para pag-aralan at suriin ang lahat ng nangyayari sa kanilang paligid, at ayon din sa mga pananaw ng tao, mga pag-iisip ng mga tao, at katusuhan ng tao nila tinitingnan ang paraan ng pagtrato ng Diyos sa mga tao, ang iba-ibang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao. Bukod pa riyan, ginagamit nila ang pag-iisip at mga pamamaraan ng tao, ginagamit ang lohika at pag-iisip ni Satanas sa pagmamasid sa disposisyon, identidad, at kakanyahan ng Diyos. Halata namang hindi lamang hindi tinatanggap ni kinikilala ng mga anticristo ang disposisyon, identidad, at diwa ng Diyos, kundi puno sila ng mga haka-haka at ng malabo at hungkag na mga ideya tungkol sa disposisyon, identidad, at diwa ng Diyos. Ang tanging pumupuno sa kanila ay pang-unawa ng tao; wala sila ni katiting na tunay na kaalaman. Dahil dito, sa bandang huli, paano binibigyang-kahulugan ng isang anticristo ang disposisyon, identidad, at kakanyahan ng Diyos? Maaari ba nilang mapagtibay na ang Diyos ay matuwid at na para sa tao, Siya ay pag-ibig? Siguradong hindi. Ang pakahulugan ng mga anticristo sa katuwiran at pagmamahal ng Diyos ay isang tandang pananong—pagdududa. Ang disposisyon ng Diyos ay tumutukoy sa Kanyang identidad, at tinutuya nila ang Kanyang disposisyon, at puno sila ng pag-aalinlangan at puno ng pagtanggi at paninira dito, kaya ano, kung gayon, ang Kanyang identidad? Ang disposisyon ng Diyos ay kumakatawan sa Kanyang identidad; sa gayong pagturing na katulad ng sa kanila, ang pagturing nila sa identidad ng Diyos ay malinaw—tuwirang pagtanggi. Ito ang kakanyahan ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaanim na Bahagi)). Inihahayag ng mga salita ng Diyos kung paanong hindi naniniwala ang mga anticristo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at hindi kailanman tinitingnan ang mga bagay-bagay batay sa Kanyang mga salita. Sa halip, tinitimbang nila ang lahat ng bagay ayon sa kanilang sariling kataksilan at satanikong lohika. Tunay na masama ang disposisyon nila. Sa paghahambing sa sarili ko sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang paraan ko ng pagtingin sa mga bagay-bagay ay walang ipinagkaiba sa isang anticristo. Nang mailipat si Lisa, hindi ko tiningnan ang bagay na ito batay sa katotohanan at mga prinsipyo, sa halip ay sinusunod ko ang satanikong ideya na “Ang pag-iingat ay ang pinagmumulan ng seguridad,” at iniisip na mas mabuting maging maingat ako at hindi dapat magkamali. Kung makakagawa ako ng napakaraming pagkakamali at malilipat, naisip ko na lubusan akong malalantad at mapapalayas. Kapag ginagawa ko ang tungkulin ko, hindi pa nga ako kumikibo para ipahayag ang mga saloobin ko sa mga regular na pakikipag-usap sa mga kapatid at hindi nagtatapat at nagbabahagi tungkol sa mga ideya ko, nag-aalala na kung may masabi o magawa akong mali, malilipat ako. Matapos akong iwasto ng lider at paalalahanan na maging masipag sa aking tungkulin, naging mapagbantay ako, iniisip na ang naging pagwawasto sa akin ay isang tiyak na senyales na malilipat ako at mawawalan ako ng pagkakataong makamit ang kaligtasan. Napagtanto ko na medyo matagal na akong nananampalataya at nagbabasa ng maraming salita ng Diyos, pero hindi ko hinahanap ang katotohanan at hindi ko tinitingnan ang mga bagay-bagay ayon sa mga salita ng Diyos. Sa halip, hinusgahan ko ang gawain ng Diyos gamit ang satanikong lohika at mga paniniwala, iniisip na ang Diyos ay katulad lang ng mga pinuno sa mundo na walang pagkamakatarungan at katuwiran. Sa aking tungkulin, pakiramdam ko ay para akong nanganganib at maaaring malantad, mapalayas at mawalan ng pagkakataong magsisi kapag may ginawa o sinabi man akong anumang mali. Sa aking mga paniniwala, itinatatwa ko ang pagiging matuwid ng Diyos at nilalapastangan Siya! Sa iglesia, ang Diyos at ang katotohanan ang may kapangyarihan. Ang pagpapalayas at paglilipat ng mga tao ay palaging ginagawa ayon sa prinsipyo. Hinding-hindi kokondenahin at palalayasin ng iglesia ang mga tao batay sa iisang pangyayari, kundi, sa halip, batay sa saloobin ng taong iyon sa katotohanan, ang kanyang pangkalahatang pag-uugali at ang kanyang kalikasan at diwa. Palaging iniraraos lang ni Lisa ang kanyang tungkulin, na nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ibinahagi sa kanya ng mga kapatid ang katotohanan, sinuportahan, inilantad at iwinasto siya, pero hindi siya nagpakita ng anumang mga palatandaan ng pagsisisi at sa huli ay nailipat. Isa pa, ang pagkakalipat niya ay hindi nangangahulugang tuluyan siyang mapapalayas. Kung pagninilayan niya ang kanyang sarili, hahanapin ang katotohanan at tunay na magsisisi at magbabago, magkakaroon pa rin siya ng pagkakataong matamo ang katotohanan at ang kaligtasan ng Diyos. Pero kung hindi pa rin siya magsisisi at hindi niya tatanggapin ang katotohanan matapos makatanggap ng pagbabahagi at suporta at maiwasto nang maraming beses, tuluyan siyang malalantad at mapapalayas. Naalala ko kung paanong iwinasto ng Diyos ang Ninive. Nang mabatid ng Diyos ang katiwalian, kasamaan at kasalanan ng mga tao ng Ninive, ipinadala Niya si Jonas para balaan sila at binigyan sila ng apatnapung araw para magsisi. Pagkatapos ay nagsuot ng sako ang mga tao ng Ninive, naupo sa abo at tunay na nagsisi. Nakita ng Diyos ang kanilang sinseridad at pinatawad sila sa kanilang mga kasalanan. Ipinapakita ng kuwentong ito kung paanong hindi lahat ng lumalabag ay napapalayas—nakikita ng Diyos kung nagsisisi at sinsero ang mga tao. Hindi ko hinanap ang katotohanan at hindi tiningnan ang bagay na ito ayon sa mga salita ng Diyos, sa halip ay pinanghawakan ang isang mapagbantay at hindi nakakaunawang saloobin. Lumalaban at nakikipagsagupaan ako sa Diyos at kung hindi ako magsisisi, malalantad at mapapalayas ako.

Kalaunan, nakakita ako ng dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng mas magandang ideya tungkol sa Kanyang mga layunin. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Sa huli ay sasabihin ng ilang tao, ‘Napakarami kong nagawang gawain para sa Iyo, at bagama’t maaaring wala akong nagawang naging tanyag, naging masigasig pa rin ako sa aking mga pagsisikap. Hindi Mo ba ako maaaring papasukin na lamang sa langit para kainin ang bunga ng buhay?’ Kailangan mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at gampanan ang kanilang tungkulin bilang nilalang ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling disposisyon sa buhay, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). “Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ay, sa totoo lang, ang pagsasakatuparan ng lahat ng likas sa kalooban ng tao, na ibig sabihin ay, yaong posible para sa tao. Noon lamang natutupad ang kanyang tungkulin. Ang mga depekto ng tao sa kanyang paglilingkod ay unti-unting nababawasan sa pamamagitan ng umuunlad na karanasan at ng proseso ng pagpapailalim niya sa paghatol; hindi ito nakapipigil o nakakaapekto sa tungkulin ng tao. Yaong mga tumitigil sa paglilingkod o sumusuko at umuurong dahil sa takot na maaaring may mga sagabal sa kanilang paglilingkod ang pinakamatinding karuwagan sa lahat(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Habang pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na pinagpapasyahan ng Diyos ang huling hantungan ng mga tao hindi batay sa kanilang tungkulin, kung gaano katindi silang nagdusa o kung gaano kalaking kapital ang kanilang naipon, bagkus ay kung tapat sila sa kanilang tungkulin, nagpapasakop sa Diyos, may patotoo ng pagsasagawa ng katotohanan, at natamo ang pagbabago sa kanilang disposisyon. At saka, pawang praktikal ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao sa kanilang mga tungkulin. Hindi Niya hinihingi na makamit ng mga tao ang pagiging perpekto at hindi kailanman magkamali, kundi sa halip ay gamitin nila ang kanilang mga abilidad sa kanilang gawain, gawin ang kanilang makakaya at iwasang iraos lang ang kanilang tungkulin at maging tuso. Ang ganitong paraan ng pagtupad ng tungkulin ng isang tao ay nakalulugod sa Diyos. Naisip ko kung paanong kahit na palaging ginagampanan ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin nang hindi gumagawa ng anumang malalaking pagkakamali o naiwawasto at natatabasan, hindi nila hinahanap ang katotohanan, iniraraos lang nila ang gawain, nagiging iresponsable sa kanilang mga tungkulin at nabibigong makakuha ng mga resulta sa katagalan. Sa huli, ang gayong mga tao ay nalalantad at napapalayas, at sa malulubhang kaso ay maaari pa nga silang maalis sa iglesia. Pero ang ilang kapatid ay nagpapakita ng mga tiwaling disposisyon sa kanilang mga tungkulin, o lumilitaw ang ilang paglihis sa kanilang gawain dahil sa pagkabigong maunawaan ang mga prinsipyo, at kaya tinatabasan sila at iwinawasto. Gayunpaman, tumutuon sila sa pagninilay-nilay sa kanilang sarili, hinahanap nila ang katotohanan para lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon, sinusuri ang kanilang mga pagkakamali, hinahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan at sa huli ay napapabuti ang kanilang pagganap at nakakausad sila sa buhay. Ipinakita sa akin ng mga katunayang ito na ang pagkamit ng kaligtasan ay walang kinalaman sa tungkuling ginagampanan ng isang tao. Ang pinakamahalagang bagay ay na sa buong panahon ng isang tungkulin, dapat nakatuon ang isang tao sa paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan para makakilos ayon sa prinsipyo. Ito, at ito lamang, ang tamang landas. Naisip ko kung paanong, sa panlabas, mukhang ginagawa ko ang tungkulin ko, pero noong inilantad ako at nakatagpo ng kabiguan, ang naging reaksiyon ko ay pag-aalala lamang. Hindi ko talaga hinanap ang katotohanan para lutasin ang aking mga isyu. Napagtanto kong nasa isang mapanganib na sitwasyon ako. Pagkatapos niyon, dali-dali akong lumapit sa Diyos para magnilay-nilay—bakit palagi akong nagkakamali at nagmamabagal sa aking tungkulin, at bakit hindi ako epektibo? Sa huli ay napagtanto ko na hindi ko pinahalagahan ang pakikipagtulungan ko sa mga kapatid. Kung, bago ko sinimulan ang aking disenyo, nagawa kong ipaalam sa iba ang mga iniisip ko, may napagkasunduan, at nakapagpasya ng isang malinaw na direksyon para sa disenyo batay sa mga prinsipyo, nagkaroon sana ako ng mas malinaw na ideya at naiwasan sana na maibalik ang gawa ko at maantala ang pag-usad. Higit pa rito, hindi ako naghangad na humusay sa tungkulin ko at nakontento na ako sa aking kasalukuyang estado. Hindi ako tumuon sa pagsusuri sa aking mga isyu sa gawaing ginawa ko, sa paghahanap sa mga prinsipyo at pagtukoy sa mga aspetong kailangan ng patuloy na pag-aaral. Kaya’t patuloy na lumilitaw ang ilang isyu at nakokompromiso ang kalidad at kahusayan ng aking disenyo. Sa pagninilay-nilay sa lahat ng ito, sa wakas ay napagtanto ko kung gaano karaming problema ang mayroon sa pagharap ko sa aking gawain. Tinukoy lang ng lider ng grupo ang mga isyu at tinulungan ako para makilala ko ang aking mga isyu at maituwid ang mga ito kaagad. Pero, sa halip, naging maingat ako sa aking mga kapatid at hindi lang ako nabigong makilala ang aking mga isyu, kundi naging negatibo rin ako at lumalaban. Naging sobra akong hindi makatwiran! Nakaramdam ako ng labis na pagsisisi at pagkakonsensya at nagpasya akong ayusin ang aking mga isyu sa lalong madaling panahon.

Pagkatapos niyon, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Kung ang isang tao ay nagpapakita ng taos na kabutihan, siya ay isang matapat na tao. Ang ibig sabihin nito ay ganap na niyang binuksan ang kanyang puso at kaluluwa sa Diyos, na walang itinatago at walang pinagtataguan. Naibigay at naipakita na niya nang lubusan ang kanyang puso sa Diyos, na nangangahulugang naibigay na niya ang buong pagkatao niya sa Diyos. Mawawalay pa ba siya sa Diyos? Hindi na. Sa ganitong paraan madali na para sa kanya ang magpasakop sa Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na mapanlinlang siya, aaminin niya iyon. Kung sinasabi ng Diyos na mayabang siya at mapagmagaling, aaminin din niya iyon. At hindi lang niya basta aaminin ang mga bagay na ito at titigil na lang doon—nagagawa niyang magsisi, magpunyagi para sa mga prinsipyo ng katotohanan, at kilalanin ang kanyang mga pagkakamali at ituwid ang mga iyon. Bago pa niya malaman, naitama na niya ang marami sa kanyang mga maling gawi, at unti-unting mababawasan ang kanyang pagiging mapanlinlang, mapanloko, pabaya at pabasta-basta. Habang namumuhay siya nang mas matagal sa ganitong paraan, magiging mas tapat at kagalang-galang siya at mas mapapalapit siya sa mithiing maging matapat na tao. Iyon ang kahulugan ng mamuhay sa liwanag. … Ang mga nabubuhay ba sa liwanag ay nagagawang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos? Maikukubli pa rin ba nila ang kanilang mga puso sa Diyos? Mayroon pa ba silang mga lihim na hindi nila masabi sa Diyos? Mayroon pa ba silang anumang itinatagong kahina-hinala at munting mga panloloko? Wala na. Lubos na nilang binuksan ang kanilang puso sa Diyos, at wala nang anumang itinatago. Maaari silang magtapat sa Diyos, makipagbahaginan sa Kanya tungkol sa anumang bagay, at ipaalam sa Kanya ang lahat ng bagay. Wala silang hindi sasabihin sa Diyos at wala silang hindi ipapakita sa Kanya. Kapag nagagawang matamo ng mga tao ang antas na ito ng katapatan, nagiging madali, malaya at maluwag ang kanilang buhay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na dapat magkaroon ang isang tao ng matapat na saloobin para magawa nang maayos ang isang tungkulin. Ang pinakamahalagang aspeto ng isang matapat na tao ay ang kanyang kakayahang tanggapin ang katotohanan at pagsisiyasat ng Diyos. Gaano man siya malantad o maharap sa kabiguan, nagagawa niyang makilala ang kanyang mga kakulangan, mahanap ang katotohanan, mapagnilayan ang kanyang sarili at maituwid ang mga pagkakamali sa kanyang gawain. Ang ganitong mga tao ay mas malamang na magkakamit ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos, at patuloy na napapabuti ang mga resulta sa kanilang mga tungkulin. Kapag nagsisimulang maglaan ng lakas ang mga tao sa tamang landas, nakikita nilang humuhusay ang kanilang sarili, at natural na nawawala ang lahat ng kanilang alalahanin at takot.

Matapos maunawaan ang kalooban ng Diyos, sinadya kong magsagawa sa ganoong paraan sa aking tungkulin. Pagkatapos, isang beses nang ipinareha ako kay Alicia sa isang disenyo, ibinalik ang draft ko dahil wala akong pagkaunawa sa prinsipyo at muli akong nag-alala na kung makakagawa ako ng napakaraming pagkakamali, malilipat ako. Pero, sa sandaling nakaramdam ako nang ganito, agad kong napagtanto na muli kong iniisip ang aking mga inaasam-asam sa hinaharap, kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos at naging handa akong gumamit ng tamang saloobin, hindi maging mapagbantay laban sa Diyos, magkaroon ng tamang pananaw sa aking mga kakulangan, suriin ang aking mga paglihis at hanapin ang mga prinsipyo na dapat kong pasukin. Pagkatapos niyon, nagtapat ako kay Alicia tungkol sa kalagayan ko at hindi lang niya ako hindi sinumbatan, nagbahagi pa siya ng ilang partikular na landas na ipapatupad para sa aking mga kakulangan. Lubos na napabuti ang mga disenyo ko. Kalaunan, hindi na gaanong madalas nangyayari sa gawain ko ang problemang ito. Nang maging positibo ang pagharap ko sa pagpasok, hindi na ako gaanong naging mapagbantay laban sa Diyos, tumigil na ako sa pag-aalala na malilipat ako, at nagawa kong tumuon sa paghahanap sa katotohanan at pagninilay-nilay sa aking sarili. Sa paglipas ng panahon, umusad ako sa tungkulin ko at kumaunti nang kumaunti ang mga pagkakamali ko. Marami rin akong nakamit sa aking pagpasok sa buhay at nakadama ako ng kapayapaan at kaginhawahan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Liitan ang Font Size
Lakihan ang Font Size
Pumasok sa Full Screen
Lumabas sa Full Screen