Paglago sa Gitna ng mga Kabiguan at Dagok

Disyembre 11, 2024

Ni Sheila, Pilipinas

Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong Disyembre 2020. Nahalal ako bilang lider ng iglesia pagkaraan ng ilang buwan. Maraming gawaing dapat tapusin at mga isyu na dapat lutasin ang iglesia. Masigasig kong ibinuhos ang sarili ko sa gawaing ito. Pagkaraan ng ilang panahon, medyo mas naging pamilyar ako sa gawain ng iglesia, pero marami pa rin akong nararanasang problema. Maraming baguhan ang hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon. Ang ilan ay naaapektuhan ng mga tsismis online, ang ilan ay hindi malinaw na naunawaan ang mga katotohanan ng mga pangitain at may mga hindi nalutas na kuru-kurong panrelihiyon, at ang ilan ay hindi makadalo nang regular sa mga pagtitipon dahil abalang-abala sila sa trabaho. Nahaharap sa mga isyung ito, nagsumikap akong magbahagi sa kanila tungkol sa mga layunin ng Diyos at matulungan sila sa paglutas ng kanilang mga paghihirap, pero hindi pa rin nalutas ang mga problema nila. Nalungkot talaga ako. Panay ang tanong ko sa sarili ko kung bakit lahat ng pinaghirapan ko ay hindi pa rin nagbunga. Bakit hindi pinagpapala ng Diyos ang iglesia namin? Napakaraming isyu ng mga kapatid at sunud-sunod na nabigo ang mga pagbabahaginan ko sa kanila. Siguro hindi ako nababagay sa pamumuno? Hindi ko maiwasang sisihin ang sarili ko: Ako ang dahilan ng lahat ng ito. Kung tinanggap ko ang responsabilidad at nagbitiw, may ibang makapagsisilbing lider at magiging mas matagumpay ang gawain. Nagsimula akong maging negatibo at pasibo sa aking tungkulin, naghihintay na lang na matanggal. Naisip ko pa nga na isinasaayos ng Diyos ang mga paghihirap na ito para ilantad ako, para mabigo ako, at malamang na iniwan na Niya ako. Natakot ako sa isiping iyon. Pinabayaan ba talaga ako ng Diyos? Nananalangin at naghahanap ako, pero hindi ko pa rin naunawaan ang layunin ng Diyos. Patuloy na sumasagi sa isipan ko paminsan-minsan na pinabayaan na ako ng Diyos. Nakaramdam ako ng pagiging negatibo, pagod, at panghihina sa lahat ng oras. Natakot talaga ako, at pakiramdam ko ay wala na sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu.

Kulang ng ilang lider ng grupo ang iglesia noong panahong iyon, kaya nagrekomenda sa akin ang superbisor ng ilang baguhan. Direkta ko lang silang itinalaga nang hindi masyadong sinusuri ang mga bagay-bagay. Noong una, sinabi nilang lahat na gusto nilang tumanggap ng tungkulin, pero nang opisyal na silang nagsimula, sinabi ng isa na kailangan niyang maghanapbuhay at abala siya, kaya hindi niya kaya ang trabaho, at ang isa pa ay nahuhuli sa mga pagtitipon dahil sa mga usaping pampamilya, kaya hindi rin nakagagawa ng trabaho. Sa huli ay napagpasyahan ko na sa ngayon, hindi sila angkop na linangin bilang mga lider ng grupo at ang magagawa ko lang ay ang pumili ng iba para sa mga gawain. Nagsumikap akong lutasin ang mga paghihirap na ito na nararanasan ko sa gawain, pero sa ilang panahon ay hindi ako nakakukuha ng anumang resulta. Sa sandaling iyon, hindi ko talaga kayang tiisin ang lahat ng kabiguang ito. Nakaramdam ako ng pagkanegatibo, at natakot pa nga akong harapin ang pagsapit ng bawat bagong araw. Ayoko nang gumawa ng gawain ng iglesia dahil nagtrabaho ako nang husto, pero walang anumang natamo. Akala ko ay nahaharap ako sa sitwasyong ito dahil gusto ng Diyos na ilantad ako bilang walang kakayahan, pero ayokong hayaan ang sarili ko na masadlak sa ganoong uri ng kalagayan. Ayokong malantad at matiwalag dahil hindi ako nakakukuha ng mga resulta sa aking tungkulin.

Minsan sa aking mga debosyonal, nakita ko ang isa sa mga aytem sa “65. Ang mga Prinsipyo sa Pag-ako ng Responsabilidad at Pagbibitiw sa Puwesto” sa 170 Mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Katotohanan: “Sinumang huwad na lider o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan, hindi kayang gumawa ng aktuwal na gawain, at sa ilang panahon ay nagkulang sa gawain ng Banal na Espiritu, ay dapat managot at magbitiw sa puwesto.” Lalo akong naging negatibo nang mabasa ito. Anon ang dapat kong gawin? Hindi ko nalutas ang alinman sa mga problema ng iglesia, kaya isa akong huwad na lider. Dapat bang panagutan ko ito at magbitiw para hayaang mamuno ang isang taong may kakayahan? Tatlong buwan na akong gumagawa ng gawain ng iglesia, pero hindi ko pa rin nalulutas ang mga problemang umiiral sa loob ng iglesia. Higit pa rito, sa ganitong kapaligiran, hindi ko pa rin nauunawaan ang layunin ng Diyos at wala pa rin akong anumang pag-usad. Mali pa nga ang pagkaunawa ko sa Diyos. Nag-alala akong baka isipin ng iba na napakanegatibo ko, at natakot ako na baka pagsabihan nila ako sa pag-iisip na magbitiw.

Minsan sa isang pagtitipon nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Isa kang ordinaryong tao. Dapat kang dumaan sa maraming pagkabigo, maraming panahon ng pagkalito, maraming pagkakamali sa paghusga, at maraming pagkalihis. Lubusang mabubunyag nito ang iyong tiwaling disposisyon, ang iyong mga kahinaan at kakulangan, ang iyong kamangmangan at kahangalan, tinutulutan kang masuring muli at makilala ang iyong sarili, at magkaroon ka ng kaalaman tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat, lubos na karunungan, at disposisyon ng Diyos. Magkakamit ka ng mga positibong bagay mula sa Kanya, at mauunawaan mo ang katotohanan at makakapasok ka sa realidad. Marami kang mararanasan na hindi aayon sa gusto mo, kung saan mararamdaman mo na wala kang magawa. Pagdating sa mga ito, dapat kang maghanap at maghintay; dapat mong makamit mula sa Diyos ang kasagutan sa bawat bagay, at maunawaan mula sa Kanyang mga salita ang pangunahing diwa ng bawat bagay at ang diwa ng bawat uri ng tao. Ganito umasal ang isang ordinaryo at normal na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananalig sa Diyos). Napakatalino ng Diyos. Nagkaroon ako ng bagong pagkaunawa sa kung paano gumagawa ang Diyos. Nalaman ko na ang lahat ay kailangang dumaan sa ilang kabiguan at dagok sa kanilang tungkulin, at ang layunin ng Diyos ay hanapin ko ang katotohanan sa gitna ng lahat ng ito upang malutas ang aking tiwaling disposiyon. Naharap ako sa ilang paghihirap sa aking tungkulin at nakaranas ng ilang kabiguan, pero hindi ko hinanap ang katotohanan o ang layunin ng Diyos. Palagi ko lang naiisip na magbitiw dahil pakiramdam ko ay hindi ako nagkaroon ng anumang resulta sa aking tungkulin o nagawa ang dapat gawin ng isang lider. Ni hindi man lang ako naglakas-loob na sabihin sa iba ang tungkol sa tunay kong sitwasyon. Naging mangmang talaga ako. Hindi ko naunawaan ang layunin ng Diyos o kung bakit hinahayaan ng Diyos na mangyari sa akin ang ganoong bagay. Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na isa lang akong ordinaryong tao, kaya normal para sa akin na magkaroon ng ilang paghihirap at kabiguan sa aking tungkulin. Nasa loob nun ang layunin ng Diyos. Kaya, nagtapat ako sa mga kapatid tungkol sa kalagayan ko kamakailan at humingi ng tulong sa kanila. Sinabi ko rin sa kanila na naiisip kong managot at magbitiw. Hindi nila ako hinamak, bagkus ay tinulungan at pinalakas nila ang loob ko, nagbabahagi sa akin ng mga salita ng Diyos. Naantig talaga ako.

Binasahan nila ako ng ilang salita ng Makapangyarihang Diyos. Sabi ng Diyos: “Habang nararanasan ang gawain ng Diyos, kahit ilang beses ka pang nabigo, nabuwal, napungusan, o naibunyag, hindi masasamang bagay ang mga ito. Paano ka man napungusan, o mga lider, manggagawa, o kapatid mo man ang gumawa niyon, mabubuting bagay ang lahat ng iyon. Dapat mong tandaan ito: Gaano ka man nagdurusa, ang totoo ay nakikinabang ka. Sinumang may karanasan ay mapatutunayan ito. Ano’t anupaman, ang mapungusan o maibunyag ay laging isang mabuting bagay. Hindi ito pagkokondena. Ito ay pagliligtas ng Diyos at ang pinakamagandang pagkakataon para makilala mo ang iyong sarili. Maaari nitong baguhin ang karanasan mo sa buhay. Kung wala ito, hindi ka magkakaroon ng pagkakataon, ng kundisyon, ni ng konteksto para maunawaan mo ang katotohanan ng iyong katiwalian. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan, at nagagawa mong ungkatin ang mga tiwaling bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso mo, kung malinaw mong matutukoy ang mga ito, mabuti ito, nalutas nito ang isang malaking problema sa buhay pagpasok, at malaking pakinabang sa mga pagbabago sa disposisyon. Ang tunay na makilala ang iyong sarili ang pinakamagandang pagkakataon para mabago mo ang iyong mga pag-uugali at maging isa kang bagong tao; ito ang pinakamagandang oportunidad para magkaroon ka ng bagong buhay. Kapag tunay mong nakilala ang iyong sarili, makikita mo na kapag ang katotohanan ay naging buhay ng isang tao, mahalagang bagay iyon talaga, at mauuhaw ka sa katotohanan, isasagawa mo ang katotohanan, at papasok sa realidad. Napakagandang bagay niyan! Kung maaari mong samantalahin ang pagkakataong iyan at taimtim kang magninilay-nilay sa iyong sarili at magtatamo ng tunay na kaalaman tungkol sa iyong sarili tuwing ikaw ay mabibigo o madadapa, sa kabila ng pagiging negatibo at kahinaan, magagawa mong tumayong muli. Kapag nakaraan ka na sa pintuang ito, makakaya mo nang gumawa ng malaking hakbang at pumasok sa katotohanang realidad(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Matamo ang Katotohanan, Dapat Matuto ang Isang Tao mula sa mga Tao, Pangyayari, at Bagay sa Malapit). “Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ay pagliligtas sa mga nagmamahal sa katotohanan, pagliligtas sa bahagi nila na may kalooban at kapasyahan, at sa bahagi nila na nananabik sa katotohanan at katarungan sa kanilang puso. Ang kapasyahan ng isang tao ay ang bahagi nila sa kanilang puso na nananabik sa katarungan, kabutihan, at katotohanan, at nagtataglay ng konsensiya. Inililigtas ng Diyos ang bahaging ito ng mga tao, at sa pamamagitan nito, binabago Niya ang kanilang tiwaling disposisyon, upang maunawaan at makamit nila ang katotohanan, upang malinis ang kanilang katiwalian, at mabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na ito, hindi ka maliligtas. … Bakit sinasabing si Pedro ay isang bunga? Sapagkat may mahahalagang bagay na nasa kanya, mga bagay na sulit gawing perpekto. Hinanap niya ang katotohanan sa lahat ng bagay, may paninindigan, at matatag ang kalooban; siya ay may katwiran, nakahandang dumanas ng paghihirap, at minahal ang katotohanan sa kanyang puso; hindi niya kinalimutan ang nakalipas, at natuto siya ng mga aral mula sa lahat ng bagay. Lahat ng ito ay magagandang katangian. Kung wala ka ng ganitong magagandang katangian, problema iyan. Hindi magiging madali para sa iyo na matamo ang katotohanan at maligtas. Kung hindi mo alam kung paano makaranas o wala kang karanasan, hindi mo malulutas ang mga paghihirap ng ibang mga tao. Dahil hindi mo kayang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos, wala kang ideya kung ano ang gagawin kapag may nangyayari sa iyo, nagagalit ka at napapaluha kapag nahaharap ka sa mga problema, nagiging negatibo ka at tumatakbo kapag dumaranas ka ng kaunting dagok, at hindi mo kayang tumugon sa tamang paraan. Dahil dito, imposible para sa iyo na magkamit ng buhay pagpasok(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ito, isang kapatid ang nagbahagi sa akin: “Kahit ano pang uri ng mga dagok at kabiguan ang kinahaharap natin, dapat tayong manalangin at hanapin ang layunin ng Diyos, hindi sukuan ang katotohanan at ang ating tungkulin. Ang sukuan ang aming tungkulin ay hindi ang daan para malutas ang problema. Sa pamamagitan lang ng mga paghihirap at mga dagok na nararanasan natin sa ating mga tungkulin nabubunyag ang ating katiwalian at mga pagkukulang, at tunay nating nakikilala ang ating mga sarili. Kung wala ang mga karanasang iyon, imposibleng makita natin ang ating katiwalian at kakulangan. Kung gayon, paano tayo magbabago? Kaya, hindi masamang bagay ang makaranas ng pagkabigo o mga balakid. Iyon ang oras na dapat tayong maghanap ng katotohanan at matuto ng aral—hindi tayo puwedeng magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Kung basta lang tayong magbibitiw, isusuko na lang ang ating tungkulin kapag nahihirapan tayo, paano natin daranasin ang gawain ng Diyos at hahangarin ang kaligtasan? Ano ang magiging patotoo natin? Hindi labis ang hinihingi ng Diyos sa atin. Kung may paninindigan tayo kapag nahaharap tayo sa mga problema at paghihirap, at taimtim tayong nananalangin at naghahanap ng katotohanan, gagabayan at tutulungan tayo ng Diyos.” Ang mabasa ang mga salita ng Diyos at marinig pagkatapos ang pagbabahagi ng kapatid ay talagang nagbigay-liwanag sa akin. Napagtanto ko na ang pagdanas ng mga pagkabigo at mga dagok ay pagmamahal ng Diyos, at isa itong magandang pagkakataon para sa akin na hanapin ang katotohanan at matuto ng aral. Naisip ko kung paanong naranasan ni Pedro ang maraming pagsubok, pagpipino, dagok, at kabiguan sa buong buhay niya. Minsan dumaranas siya ng kahinaan ng katawan, pero hindi siya kailanman nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Patuloy niyang hinahangad ang katotohanan, hinahanap ang layunin ng Diyos, at pinupunan ang kulang sa kanya. Sa huli, naunawaan niya ang katotohanan at nakilala ang Diyos, at nagtamo siya ng pagpapasakop at pagmamahal sa Diyos. Dapat akong maging malakas at determinado tulad ni Pedro, nananalangin sa Diyos at hinahanap ang Kanyang layunin kapag nahaharap ako sa mga dagok at kabiguan, pinagninilayan kung ano ang kakulangan ko sa halip na hindi inuunawa at sinisisi ang Diyos.

Minsan sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na mas maunawaan ang layunin ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat matutuhan ng mga tao na pakinggan ang mga salita ng Diyos at unawain ang Kanyang puso. Hindi sila dapat magkamali ng pagkaunawa sa Diyos. Sa katunayan, sa maraming pagkakataon, ang pag-aalala ng mga tao ay nagmumula sa kanilang pansariling mga interes. Sa pangkalahatan, natatakot sila na baka wala silang kahinatnan. Palagi nilang iniisip, ‘Paano kung ibunyag, itiwalag, at tanggihan ako ng Diyos?’ Ito ang maling interpretasyon mo sa Diyos; ang mga ito ay isang panig na pala-palagay mo lamang. Kailangan mong alamin kung ano ang layunin ng Diyos. Kapag ibinubunyag Niya ang mga tao, hindi ito para itiwalag sila. Ibinubunyag ang mga tao para ibunyag ang kanilang mga pagkukulang, pagkakamali, at kalikasang diwa, para makilala nila ang kanilang sarili, at maging kaya nila ang tunay na pagsisisi; sa kadahilanang ito, ang pagbubunyag sa mga tao ay para tulungan ang buhay nilang lumago. Kung walang dalisay na pagkaunawa, malamang na magkamali ng pag-unawa ang mga tao sa Diyos at maging negatibo at mahina. Maaari pa nga silang magpatangay sa kawalan ng pag-asa. Sa katunayan, ang maibunyag ng Diyos ay hindi naman nangangahulugan na ititiwalag ka. Ito ay para tulungan kang malaman ang sarili mong katiwalian, at pagsisihin ka. Kadalasan, dahil suwail ang mga tao, at hindi naghahanap ng kasagutan sa katotohanan kapag nagbubunyag sila ng kanilang katiwalian, kailangang magdisiplina ng Diyos. At dahil dito, minsan, ibinubunyag Niya ang mga tao, ibinubunyag ang kanilang kapangitan at pagiging kaawa-awa, tinutulutan silang makilala ang kanilang sarili, na nakakatulong para lumago ang kanilang buhay. Ang pagbubunyag sa mga tao ay may dalawang magkaibang implikasyon: Para sa masasamang tao, ang maibunyag ay nangangahulugan na itiniwalag na sila. Para sa mga nagagawang tanggapin ang katotohanan, ito ay isang paalala at isang babala; pinagninilay sila tungkol sa kanilang sarili, para makita ang kanilang tunay na kalagayan, at para huminto na ang kanilang pagiging suwail at walang ingat, sapagkat magiging mapanganib ang magpatuloy nang ganito. Ang pagbubunyag sa mga tao sa ganitong paraan ay para paalalahanan sila na baka, sa pagsasagawa nila ng kanilang tungkulin, sila ay maguluhan at hindi mag-ingat, hindi maging seryoso sa mga bagay, makuntento sa kaunting resulta, at mag-isip na nagampanan nila ang kanilang tungkulin ayon sa katanggap-tanggap na pamantayan samantalang, ang totoo, kapag sinukat ayon sa hinihingi ng Diyos, nagkulang silang masyado, subalit kampante pa rin sila, at naniniwalang ayos lang sila. Sa gayong mga sitwasyon, didisiplinahin, babalaan, at paaalalahanan ng Diyos ang mga tao. Kung minsan, ibinubunyag ng Diyos ang kanilang kapangitan—na malinaw na para magsilbing isang paalala. Sa gayong mga pagkakataon dapat mong pagnilayan ang iyong sarili: Hindi sapat ang gampanan mo nang ganito ang iyong tungkulin, may paghihimagsik sa iyong kalooban, napakaraming negatibong elemento, lahat ng ginagawa mo ay basta-basta lang, at kung hindi ka pa rin magsisisi, makatarungan na, dapat kang maparusahan. Paminsan-minsan, kapag dinidisiplina ka ng Diyos, o kaya ay ibinubunyag ka, hindi ito nangangahulugang ititiwalag ka. Dapat harapin ang bagay na ito nang tama. Kahit itiwalag ka pa, dapat mo itong tanggapin at magpasakop ka rito, at magmadaling magnilay-nilay at magsisi(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan at Pagpapasakop sa Diyos Maaaring Matamo ng Isang Tao ang Pagbabago sa Disposisyon). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang pakay Niya sa paglalantad sa mga tao ay hindi para itiwalag sila, sa halip ito ay para makilala nila ang kanilang katiwalian at mga pagkukulang, para magawa nilang hangarin ang katotohanan upang malutas ang kanilang mga problema at mas mabilis na umusad sa buhay. Hindi ko maiwasang pagnilayan ang sarili ko. Kapag nahaharap ako sa anumang uri ng paghihirap o isyu, hindi ko masugid na isinaalang-alang o hinanap ang layunin ng Diyos. Hindi ko rin pinagnilayan ang sarili para malaman ang sarili kong mga isyu. Inisip ko lang na ginagamit ng Diyos ang mga sitwasyong ito para ilantad at itiwalag ako, na hindi ako angkop na lider at dapat kong tanggapin ang responsabilidad at magbitiw. Mali ang pagkaunawa ko sa Diyos. Tapos napagtanto ko na kaya napakaraming isyu at problema sa aking gawain ang hindi pa rin nalulutas ay dahil hindi ko isinasapuso ang aking tungkulin. Palagi kong nararamdaman na marami akong dapat tapusin, at wala akong anumang mga direksyon o layon noong nagtatrabaho na ako. Ginagawa ko lang anuman ang maisipan ko nang hindi naghahanap ng anumang mga resulta. Ang ilang baguhan ay nailigaw ng mga tsismis at hindi ko hinanap kung aling aspekto ng katotohanan ang dapat kong ibahagi upang malutas ang kanilang mga kuru-kuro para makilatis nila ang mga tsismis na iyon at makapanindigan sila sa tunay na daan. Sa paglinang ng mga tao, hindi ko hinanap ang mga kaukulang prinsipyo o malinaw na inunawa ang kanilang tunay na mga sitwasyon, kundi pikit-mata ko lang itong ginawa. Dahil dito, wala rin akong natupad na kahit ano sa aspetong iyon. Sa pagdidilig ng mga baguhan, hindi ko muna inisip kung anong mga aspekto ng katotohanan ang maaari kong ibahagi para malutas ang kanilang mga isyu, kaya wala rin akong nakuhang anumang tunay na resulta roon. Bagaman sa tingin ay mukhang nagsusumikap ako, hindi ako naging alisto at hindi ko ibinuod ang mga isyu sa gawain sa tamang oras, na nangangahulugang walang anumang natupad. Bukod pa rito, hindi lang ako nabigong pagnilayan at maunawaan ang aking sarili, kundi nabigo rin akong hanapin ang mga katotohanang dapat kong pasukin. Sa kabaligtaran, inakala kong sinasadya ng Diyos na ilantad ako, pinagmumukha akong masama. Lagi akong nagmamaktol, at ayokong dumanas ng mga kabiguan at dagok, kundi gusto ko lang na laging madali, na hindi komplikado ang lahat ng bagay. Hindi ko naunawaan at sinisi ko ang Diyos sa kakaunting paghihirap. Paano ko mararanasan ang gawain ng Diyos at magagawa nang maayos ang aking tungkulin? Masyado akong di-makatwiran. Hindi dapat ganoon kumilos ang isang nilikha. Nang mapagtanto ko ito, labis akong nagsisi, at nanalangin ako sa Diyos: “Diyos ko, isinaayos Mo ang sitwasyong ito para sanayin ako, para tulutan akong lumago sa buhay, pero hindi ko naunawaan ang layunin Mo—mali ang naging pagkaunawa ko sa Iyo. Napakamapaghimagsik ko. Pakiusap bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako at tulungan akong maunawaan ang sarili kong tiwaling disposisyon.”

Pagkatapos nun, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang aking sarili. Sabi ng Diyos: “Kinalulugdan Ko ang mga hindi mapaghinala sa iba, at gusto Ko ang mga tumatanggap kaagad ng katotohanan; nagpapakita Ako ng labis na pagkalinga sa dalawang uri ng mga taong ito, dahil matatapat silang mga tao sa Aking paningin. Kung mapanlinlang ka, magiging malihim at mapaghinala ka sa lahat ng tao at bagay, kaya ang pananampalataya mo sa Akin ay maitatayo sa isang pundasyon ng paghihinala. Hindi Ko kailanman maaaring kilalanin ang ganitong pananampalataya. Sa kakulangan ng tunay na pananampalataya, mas lalo kang salat sa tunay na pagmamahal. At kung malamang na pagdudahan mo ang Diyos at sinasadya mong gumawa ng haka-haka tungkol sa Kanya, kung gayon walang kaduda-dudang ikaw ang pinakamapanlinlang sa lahat ng tao. Nag-iisip-isip ka kung maaaring maging katulad ng tao ang Diyos: makasalanang di-mapapatawad, mababaw ang pagkatao, salat sa pagiging makatarungan at katwiran, walang pagkaunawa sa katarungan, mahilig sa mapanirang mga kaparaanan, taksil at tuso, nalulugod sa kasamaan at kadiliman, at iba pa. Hindi ba’t ang dahilan kaya may ganitong kaisipan ang mga tao ay sapagkat wala sila ni bahagyang kaalaman sa Diyos? Kasalanan talaga ang ganitong uri ng pananampalataya! Mayroon pa ngang ibang naniniwala na ang mga nagbibigay-lugod sa Akin ay ang mga nambobola at sumisipsip, at hindi tatanggapin sa tahanan ng Diyos at mawawalan ng lugar doon ang mga walang kasanayan sa ganoong mga bagay. Ito lamang ba ang tanging kaalamang nakuha ninyo pagkatapos ng maraming taon? Ito ba ang nakamit ninyo? At hindi tumitigil sa mga maling pagkaunawang ito ang kaalaman ninyo sa Akin; mas malala pa ay ang kalapastanganan ninyo sa Espiritu ng Diyos at pinagmumukha ninyong masama sa Langit. Ito ang dahilan kaya sinasabi Kong magdudulot lamang ng lalong paglayo ninyo sa Akin at higit pang pagsalungat sa Akin ang pananampalatayang tulad ng sa inyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa). Nang maharap sa paghahayag ng mga salita ng Diyos, talagang nahiya ako sa sarili ko. Naghinala ako sa Diyos at hindi ko Siya naunawaan nang makaranas ako ng mga kabiguan at dagok, iniisip na Siya ay malamig at walang-puso, gaya ng mga tao. Akala ko na kapag gusto ng Diyos na gamitin ang isang tao, pahihintulutan Niya ito na tamasahin ang Kanyang biyaya, pero kung hindi, ititwalag Niya ito, ihahagis sa tabi at hindi papansinin. Nanghula at naghinala ako sa Diyos batay sa ganitong mga uri ng kaisipan. Napakamapanlinlang ko! Hindi pa ako matagal na mananampalataya, limitado ang mga katotohanang nauunawaan ko, at marami akong kapintasan, pero nilinang pa rin ako ng iglesia bilang isang lider, na nagbibigay sa akin ng pagkakataong magsagawa para matutunan ko ang katotohanan sa lalong madaling panahon at makapasok sa katotohanang realidad. Nang hindi ako sapat na alisto sa aking tungkulin, na humantong sa kakulangan ng mga nagawa, hindi pa rin ako tinanggal ng iglesia. Tinulungan pa rin ako ng iba at pinalakas ang loob ko. Binahaginan nila ako ng mga salita ng Diyos, ginagabayan akong maunawaan ang layunin ng Diyos at makilala ang aking katiwalian at mga pagkukulang. Pero nag-iingat ako laban sa Diyos, naghihinala sa Kanya. Pagpapakita ba iyon ng tunay na pananalig sa Diyos? Lubos akong ginawang tiwali ni Satanas, palaging sumusunod sa mga maladiyablong salita ni Satanas, tulad ng “Wag kang magtiwala kahit kanino dahil kahit anino mo ay iiwan ka sa dilim” at “Huwag kailanman layuning pinsalain ang iba, ngunit palaging mag-ingat laban sa pinsalang maaari nilang gawin sa iyo.” Nag-iingat ako laban sa lahat, maging sa Diyos. Ipinakita nito sa akin na ang mapanlinlang kong disposisyon ay tunay na napakalubha, at doon ganap na nagmula ang lahat ng aking mga hinala at maling pagkaunawa sa Diyos. Kapag nahaharap sa mga paghihirap, hinuhulaan at hindi ko nauunawaan ang Diyos, pero binibigyang-liwanag at ginagabayan pa rin ako ng Diyos na maunawaan ang katotohanan, ipinapakita sa akin ang sarili kong mga problema. Naramdaman ko ang pagmamahal ng Diyos at kung gaano katotoo ang pagliligtas Niya para sa akin. Nanalangin ako sa Diyos, handang magsisi at itigil ang pamumuhay ayon sa aking mapanlinlang na disposisyon, pagdududa at maling pagkaunawa sa Diyos.

Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Bagama’t maaaring maluwag sa loob mong tinutupad ang iyong tungkulin sa ngayon, at maaaring tinatalikuran mo ang mga bagay-bagay at iginugugol mo ang iyong sarili nang maluwag sa iyong loob, kung mayroon ka pa ring mga maling pagkaunawa, haka-haka, pag-aalinlangan, o reklamo tungkol sa Diyos, o kahit pa nga paghihimagsik at paglaban sa Kanya, o kung gumagamit ka ng iba’t ibang pamamaraan at estratehiya para salungatin Siya at tanggihan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa iyo—kung hindi mo lulutasin ang mga bagay na ito—magiging halos imposible para sa katotohanan na maging panginoon mo, at magiging nakakapagod ang buhay mo. Madalas na nakikibaka at pinapahirapan ang mga tao sa mga negatibong kalagayang ito, na para bang lumubog sila sa isang putikan, at lagi silang abala sa ideya ng tama at mali. Paano nila matutuklasan at mauunawaan ang katotohanan? Upang mahanap ang katotohanan, dapat munang magpasakop ang isang tao. Pagkatapos, pagkaraan ng maikling panahon ng karanasan, magagawa niyang magkaroon ng kaunting kaliwanagan, sa puntong ito madali nang maunawaan ang katotohanan. Kung laging sinusubukan ng isang tao na alamin kung ano ang tama at mali at naiipit siya sa kung ano ang totoo at di-totoo, wala siyang paraan upang matuklasan o maunawaan ang katotohanan. At ano ang kalalabasan nito kung hindi kailanman mauunawaan ng isang tao ang katotohanan? Umuusbong ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos mula sa hindi pagkaunawa sa katotohanan; kapag may mga maling pagkaunawa sa Diyos ang isang tao, malamang ay magrereklamo siya tungkol sa Diyos. Kapag lumabas ang mga reklamong ito, nagiging pagsalungat ang mga ito; ang pagsalungat sa Diyos ay paglaban sa Kanya, at isa itong mabigat na pagsalangsang. Kung maraming nagawang pagsalangsang ang isang tao, nakagawa siya ng patung-patong na kasamaan, at dapat siyang parusahan. Ito ang uri ng bagay na resulta ng magpakailanmang kawalang-kakayahang maunawaan ang katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos). Nagkaroon ako ng pangmatagalang takot pagkabasa ko nito. Kung nagpatuloy ako sa pamumuhay sa isang negatibong kalagayan, hindi naghahanap ng katotohanan, hindi nagtatapat sa mga kapatid, patuloy sana akong mamumuhay ayon sa aking mapanlinlang na disposisyon, hindi nauunawaan ang Diyos. Pagkatapos ay baka basta ko na lang sisihin ang Diyos at labanan Siya, na magiging isang paglabag. Baka nga gumawa pa ako ng masama at lumaban sa Diyos. Napakamapanganib nito! Sa panahong hindi ko nauunawaan at hinuhulaan ko ang Diyos, talagang kontrolado ako ng aking negatibong kalagayan. Palagi akong nag-aalala na malantad at matiwalag. Wala akong nararamdamang kalayaan—sobrang nakapapagod. Sa tungkulin ko, nagsisikap lang ako para makompleto ang mga gawain. Sa sandaling lumilitaw ang isang bagong problema, hindi ko maiwasang magkamali ng pagkaunawa sa Diyos at gustuhing magbitiw. Ang mga salita ng Diyos ang gumabay sa akin na magtapat sa iba at hanapin ang katotohanan at malaman ang tungkol sa aking tiwaling disposisyon. Kung hindi, patuloy ko sanang hindi naunawaan ang Diyos at nagpasya sanang isuko ang aking tungkulin. Nakatatakot sana ang kahihinatnan nun.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos kalaunan na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa kapag nakahaharap ako ng mga problema sa gawain ng iglesia. Sabi ng Diyos: “Tungkol sa mga problemang lumilitaw sa iglesia, huwag kayong mapuno ng pangamba. Kapag itinatayo ang iglesia, imposibleng maiwasan ang mga pagkakamali, nguni’t huwag kayong mataranta kapag nahaharap kayo sa mga problema; sa halip, maging kalmado at palagay ang loob. Hindi ba sinabi Ko na sa inyo? Madalas kang lumapit sa Aking harapan at manalangin, at malinaw Kong ipakikita sa iyo ang Aking mga hangarin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pagdanas ng iba’t ibang paghihirap sa pagkompleto ng gawain ng iglesia ay hindi maiiwasan. Ito ay ganap na normal at pinahihintulutan ito ng Diyos na mangyari. Kapag nahihirapan tayo, basta’t taimtim tayong nananalangin at sumasandal sa Diyos, gagabayan Niya tayo pasulong. Ang ilang bagong mananampalataya na katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos sa mga huling araw ay hindi pa lubusang nauunawaan ang mga katotohanan ng mga pangitain at maaari pa ring mailigaw ng mga tsismis. Kailangan kong sumandig pang lalo sa Diyos at gamitin ang Kanyang mga salita para ilantad ang mga panlilinlang ni Satanas at tulungan ang mga bagong mananampalataya na maglagay ng pundasyon sa tunay na daan. Matapos maunawaan ang layunin ng Diyos, at bumalik sa gawain ng iglesia, ibinuod ko ang mga pagkakamali at isyu na umiral sa nakaraan naming gawain. Bilang tugon sa mga isyung kinahaharap ng mga bagong mananampalataya, sinangkapan ko ang aking sarili ng mga nauugnay na katotohanan, at pagkatapos ay tumulong akong lutasin ang mga ito sa pamamagitan ng pagbabahaginan. Pagdating naman sa paglinang ng mga tao, una ay hinanap ko ang mga kaukulang prinsipyo at buong pusong nanalangin. Sa mga pagtitipon ay tumuon ako sa pagmamasid kung sino ang angkop sa mga prinsipyo sa paglilinang. Ang pagpili ng mga tao sa ganitong paraan ay medyo mas tumpak.

Paminsan-minsan ay nakasasagupa pa rin ako ng mga paghihirap at kabiguan sa aking tungkulin, pero tinitingnan ko na ang mga isyung ito mula sa ibang perspektiba ngayon. Tinatanong ko ang aking sarili: Anong aral ang nais ng Diyos na matutunan ko mula sa sitwasyong ito? Sinasadya kong manalangin, mag basa ng mga salita ng Diyos, at maghanap ng landas ng pagsasagawa. Natutunan ko rin kung paano humingi ng tulong sa ibang mga kapatid. Kapag tinutukoy ng iba ang mga problema sa gawain ko, nakikita ko ang sarili kong mga pagkakamali at pagkukulang. Hindi na ako naniniwala na sinusubukan ng Diyos na magmukha akong masama. Sa halip, pakiramdam ko ay isa itong mabuting pagkakataon na magnilay sa sarili ko, at lumago sa buhay. Minsan sinabi sa akin ng isang kapatid, “Napansin kong naging mas matiyaga ka kapag nagdidilig ng mga bagong mananampalataya, at kapag nakahaharap ka ng mga isyu, mas mahusay ka na sa paghahanap ng layunin ng Diyos kaysa dati.” Sobrang naantig ako sa narinig ko. Kahit kaunting pagbabago lang ito sa bahagi ko, naranasan ko talaga na tunay ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Palagi akong ginagabayan ng Diyos at mas nagkaroon ako ng determinasyon na tuparin ang aking tungkulin at palugurin Siya.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...