Bakit Ba Ako Tumatangging Makipagtulungan sa Iba?
Isang araw ay may halalan sa iglesia para pumili ng mangangasiwa sa gawain ng ebanghelyo. Nagulat ako dahil nang ianunsyo ang mga resulta, nalaman ko na ako ang napili ng mga kapatid. Medyo natuwa ako. Akala ko, ang pagkakahalal sa akin ay nangangahulugang mas mahusay at mas magaling ako sa iba. Medyo kinabahan din ako, sa takot na baka masira ko ang tiwala ng lahat kung hindi mahusay ang magiging trabaho ko, tapos ay isipin nilang hindi ako nababagay mangasiwa. Ayokong biguin ang mga kapatid. Yamang inihalal nila ako, gusto kong patunayan na mahusay at magaling ako, na kaya kong pasiglahin ang aming gawain ng ebanghelyo. Isinubsob ko ang sarili ko sa gawain pagkatapos niyon. Nung panahong iyon, si Sister Wang ang nangangasiwa sa gawain ko, pero halos hindi ko talaga iyon tinatalakay sa kanya. Hindi ko sinasabi sa kanya kung ano ang pinaplano ko, bagkus ay lagi ko lang ginagawa ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Minsan kapag gusto niyang pag-usapan namin ang mga bagay-bagay, hindi niya ako makontak, at kapag tinatanong niya ako kung saan ako galing, nag-iisip ako ng lahat ng uri ng paraan para lansihin siya, hindi sinasabi sa kanya ang mga detalye ng gawaing nagawa ko. Iniisip ko na sa sandaling magkaroon ako ng ilang tagumpay sa aking tungkulin ay sasabihin ko sa kanya. Sa ganoong paraan ay pupurihin niya ang kakayahan at galing ko, at kahusayan kong magtrabaho nang walang tulong ng iba. Iisipin ng mga kapatid na tamang desisyon na ihalal ako, na kaya kong pasanin ang gawain na iyon. Nung panahong iyon, talagang masigasig sa kanyang tungkulin ang miyembro ng aming grupo na si Brother Yunxiang at mas epektibo siya kaysa sa akin sa kanyang gawain ng ebanghelyo. Nabahala ako nang marinig kong purihin siya ni Sister Wang sa paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin. Ako ang superbisor at isa lang siyang pangkaraniwang miyembro ng mga tagapag-ebanghelyo. Sa pagiging napakaagap sa kanyang tungkulin, masasapawan ba niya ako? Siya ba ang pipiliin ng iba na maging superbisor? Magiging malaking kahihiyan iyon sa akin. Talagang hindi ko iyon matanggap.
Minsan, inatasan ni Sister Wang kami ni Brother Yunxiang na magkasamang asikasuhin ang isang gawain. Ayoko siyang makasama, bagkus ay gusto ko iyong gawin nang mag-isa. Dati, pinuri siya ng iba sa pagiging determinado niya sa kanyang tungkulin, kaya kung sasama siya sa akin, magiging kanya ang kalahati ng aming mga tagumpay, at baka pagkatapos ay mas tingalain siya ng mga kapatid. Dahil iniisip ko iyon, umalis ako at gumawa nang mag-isa. Gusto kong paramihin agad-agad ang aking mga tagumpay, sa pag-iisip na basta mahusay ang pagtatrabaho ko, siguradong hahangaan at pupurihin ako ng lahat. Isinubsob ko ang sarili ko sa aking tungkulin pagkatapos niyon. Pero gaano katindi man ako magtrabaho, gaano karami mang lakas ang igugol ko, wala iyong naging bunga. May reklamo ako sa Diyos—bakit hindi Niya ako pinagpapala, gaano katindi man ako magtrabaho? Masamang-masama ang kalagayan ko nun at ayoko nang gawin ang tungkuling iyon. Nang matuklasan ni Sister Wang ang nangyayari, nagbahagi siya sa akin, “Hindi ka nakakukuha ng magagandang resulta sa iyong tungkulin. May problema ba sa paraan mo ng pagtatrabaho? Kailangan mong ibuod ang nangyayari at mapabuti ito. Palagi mong gustong magtrabaho nang mag-isa—hindi mo dapat gawin ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan. Kailangan mong makipagtulungan sa iba.” Laban ako sa pagtukoy niya sa akin ng problema ko. May problema sa paraan ko ng pagtatrabaho? Nakapagtrabaho na rin ako nang ganoon dati, at naging ayos naman ‘yon. Ibig sabihin niyon ay tama ang pamamaraan ko—na walang problema roon! Ipinagpatuloy ko ang ganung paraan ng pagtatrabaho pagkatapos niyon. Nung panahong iyon, paano man magbahagi sa akin ang iba tungkol sa isang magandang landas ng pagsasagawa, ayokong pakinggan at tanggapin ‘yon. Iniisip ko na kung gagawin ko ang mga bagay-bagay sa paraang sinabi nila, kapag nakakuha na ako ng ilang resulta, baka sabihin nila na ang mga tagumpay ko ay dahil sinunod ko ang payo nila. Tapos ay makukuha nila ang lahat ng papuri—sino ang pupuri sa akin? Talagang matigas ang ulo ko at gusto kong kumilos nang mag-isa. Lumipas ang dalawang linggo sa isang kisap-mata, at wala pa rin akong anumang naisasakatuparan. Napakamiserable ko. Araw-araw akong nagtatrabaho nang walang pahinga, kaya bakit wala akong nakukuhang anumang resulta? Hindi ko alam kung ano ang ugat ng problema, pero hindi ko pa rin pinagnilayan ang aking sarili. Makalipas ang dalawang linggo, nagtanong ang isang brother, at pinagsabihan ako, “Ikaw ang superbisor pero hindi ka nakikipagtulungan sa iba—palagi kang kumikilos nang mag-isa. Paano mo maisasakatuparan ang kahit ano nang ganoon? Hindi ba iyon nakaaantala ng mga bagay-bagay?” Sumama ang loob ko nang marinig kong sabihin niya iyon, pero pagkatapos ay napagtanto ko na tama siya, na ganun nga ang kaso. Paulit-ulit akong pinaalalahanan ng mga kapatid na kailangan kong makipagtulungan sa iba, pero patuloy kong ginagawa ang mga bagay-bagay nang mag-isa, na ibig sabihin ay hindi nagbubunga ang gawain at naaantala iyon. Nakonsensya ako nang mapagtanto ko iyon, at gusto kong gumawa ng pagbabago.
Kalaunan ay nagtapat ako sa lider tungkol sa problema ko. Pinadalhan niya ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, kung namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang makamundong mga pilosopiya, at kung umaasa sila sa sarili nilang mga kuru-kuro, hilig, pagnanasa, makasariling motibo, sa sarili nilang mga kaloob, at katusuhan sa pakikisama sa isa’t isa, hindi ito ang paraan para mamuhay sa harap ng Diyos, at wala silang kakayahang magkaroon ng pagkakaisa. Bakit ganito? Ito ay dahil kapag namumuhay ang mga tao ayon sa isang satanikong disposisyon, hindi sila magkakaroon ng pagkakaisa. Ano, kung gayon, ang pinakahuling kahihinatnan nito? Hindi gagawa ang Diyos sa kanila. Kung wala ang gawain ng Diyos, kung aasa ang mga tao sa sarili nilang kakarampot na mga kakayahan at katusuhan, sa kanilang katiting na kadalubhasaan, at sa mga kakatiting na kaalaman at kasanayang iyon na kanilang nakamit, labis silang mahihirapan na lubos na magamit sa sambahayan ng Diyos at mahihirapan sila nang husto na kumilos alinsunod sa Kanyang kalooban. Kung wala ang gawain ng Diyos, hindi mo maiintindihan kailanman ang kalooban ng Diyos, ang mga kinakailangan ng Diyos, o ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Hindi mo malalaman ang landas at mga prinsipyo sa pagganap sa iyong mga tungkulin, at hindi mo malalaman kailanman kung paano kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos o kung anong mga pagkilos ang labag sa mga prinsipyo ng katotohanan at lumalaban sa Diyos. Kung wala sa mga bagay na ito ang magiging malinaw sa iyo, pikit-mata ka lamang magmamasid at susunod sa mga panuntunan. Kapag ginagampanan mo ang iyong mga tungkulin sa gayong kalituhan, tiyak na mabibigo ka. Hinding-hindi mo makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, at tiyak na kamumuhian at itatakwil ka ng Diyos at ititiwalag ka” (“Tungkol sa Matiwasay na Pakikipag-ugnayan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Napagtanto ko sa mga salita ng Diyos na hindi ko pwedeng gawin nang makasarili ang aking tungkulin at sundin ang sarili kong mga ninanasa, at asahan ang sarili kong mga kasanayan at tusong panlilinlang. Kailangan kong makipagtulungan nang maayos sa mga kapatid, talakayin ang mga bagay-bagay, at makasundo ang lahat. Kung hindi ay hindi gagawa ang Banal na Espiritu at hindi pagpapalain ng Diyos ang aking tungkulin. Pero para sa akin, magmula nang mahalal ako bilang isang superbisor, pakiramdam ko ay naging espesyal na tao ako dahil doon, at ibig sabihin niyon ay may ilan akong kalakasan. Kumilos ako nang mag-isa at hindi nakipagtulungan sa mga kapatid para mamukod-tangi ako at magtamo ng paghanga at pagsang-ayon ng iba. Isa pa, hindi ko masyadong tinalakay ang gawain ko sa aking superbisor at umalis pa nga ako para gawin ang mga proyekto nang hindi nagsasabi sa kanya. Gusto ko lang iyong sabihin sa kanya kapag may naisakatuparan na ako para purihin niya ako sa aking kakayahan at abilidad, at isipin niyang naging karapat-dapat ako sa aking titulong superbisor. Pero walang naging bunga ang tungkulin ko dahil hindi ko hinahanap ang mga prinsipyo, at wala pa nga ako sa katwiran, nakikipagtalo sa Diyos at sinisisi Siya dahil sa hindi pagpapala sa akin. Ginusto ko pa ngang tumigil na sa aking tungkulin. Talagang wala ako sa katinuan! Sa wakas ay napagtanto ko na ang pagkilos nang mag-isa sa isang tungkulin para makamit ang mga makasarili kong ninanasa, ang hindi paghahanap sa mga prinsipyo o pakikipagtulungan sa iba, ay nangangahulugang hindi kailanman magagawa nang mabuti ang isang tungkulin. Kasuklam-suklam din sa Diyos ang aking pag-uugali, at iiwanan Niya ako kung hindi ako magbabago nang nasa oras. Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, agad akong nagdasal: “Diyos ko, nakikita ko na ngayon na ang pagtatrabaho nang mag-isa, ang hindi pakikipagtulungan sa iba ay isang bagay na hindi Mo gusto. Pakiusap, patnubayan Mo ako at tulungan Mo ako na makapagbago sa oras, na maayos na makipagtulungan sa iba.”
Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang mga salitang ‘maayos na pagtutulungan’ ay madaling maunawaan nang literal, ngunit mahirap isagawa ang mga ito. Hindi madaling isabuhay ang praktikal na bahagi ng mga salitang ito. Bakit hindi ito madali? (Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon.) Tama iyan. Ang tao ay may mga tiwaling disposisyon ng kayabangan, kasamaan, katigasan ng ulo, at iba pa, at nakahahadlang ang mga ito sa kanyang pagsasagawa ng katotohanan. Kapag nakikipagtulungan ka sa iba, inihahayag mo ang lahat ng uri ng mga tiwaling disposisyon. Halimbawa, iniisip mo: ‘Gusto mo akong makipagtulungan sa taong iyon, pero kaya ba niya? Hindi ba ako hahamakin ng mga tao kung makikipagtulungan ako sa isang taong walang kakayahan?’ At kung minsan, maaari mo pa ngang isipin, ‘Talagang hindi nag-iisip ang taong iyon, at hindi niya nauunawaan ang sinasabi ko!’ o ‘Ang sasabihin ko ay maingat na napag-isipan at may kapakinabangan. Kung sasabihin ko ito sa kanila at hahayaan silang angkinin iyon, mamumukod-tangi pa rin ba ako? Pinakamaganda ang aking panukala. Kung sasabihin ko lamang iyon at hahayaan silang gamitin iyon, sino ang makakaalam na kontribusyon ko iyon?’ Ang gayong mga saloobin at opinyon—ang gayon kasasamang salita—ay karaniwang naririnig at nakikita. Kung mayroon kang gayong mga saloobin at opinyon, handa ka bang makipagtulungan sa iba? Nagagawa mo bang makipagtulungan nang maayos? Hindi madali iyon; marami-rami ang hamon doon! Ang mga salitang ‘maayos na pagtutulungan’ ay madaling sabihin—buksan mo lang ang bibig mo at lalabas ang mga iyon. Ngunit kapag oras na para isagawa ang mga iyon, unti-unting lumalaki ang mga hadlang sa iyong kalooban. Kung saan-saan napupunta ang isip mo. Kung minsan, kapag maganda ang timpla mo, maaari mo pang magawang magbahagi nang kaunti sa iba; ngunit kapag hindi maganda ang timpla mo at nahahadlangan ka ng tiwaling disposisyon, hindi mo talaga maisasagawa iyon. Ang ilang tao, bilang mga lider, ay hindi kayang makipagtulungan sa sinuman. Lagi nilang hinahamak ang iba, laging mapili sa iba, at kapag nakita nila ang mga pagkukulang ng iba, hinuhusgahan at inaatake nila ang mga taong iyon. Nagdudulot ng problema ang mga lider na iyon, at pinapalitan sila. Hindi ba nila nauunawaan ang ibig sabihin ng mga salitang ‘maayos na pagtutulungan’? Ang totoo ay nauunawaan nila iyon nang mabuti, ngunit hindi lang talaga nila maisagawa iyon. Bakit hindi nila maisagawa iyon? Dahil masyado nilang pinahahalagahan ang katayuan, at napakayabang ng kanilang disposisyon. Gusto nilang magpakitang-gilas, at kapag nagkaroon na sila ng katayuan, hindi nila pakakawalan iyon, sa takot na mapunta iyon sa kamay ng ibang tao at maiwan silang walang tunay na kapangyarihan. Natatakot silang mapag-iwanan ng iba at hindi maging mataas ang tingin sa kanila, natatakot na baka mawalan ng kapangyarihan o awtoridad ang kanilang mga salita. Iyan ang kinatatakutan nila. Hanggang saan umaabot ang kanilang kayabangan? Nawawalan sila ng katinuan at kumikilos sila nang wala sa katwiran at padalus-dalos. At ano ang kinahihinatnan niyon? Hindi lamang hindi maganda ang pagganap nila sa kanilang tungkulin, kundi nakakagambala at nakakagulo rin ang kanilang mga kilos, at inililipat sila ng tungkulin at pinapalitan. Sabihin mo sa Akin, may tungkulin bang akmang gampanan ng gayong tao, na may gayong disposisyon? Natatakot Ako na saanman sila ilagay, hindi nila gagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Hindi nila kayang makipagtulungan sa iba—kung gayon, ibig bang sabihin niyon ay makakaya nilang gampanan nang maayos ang isang tungkulin nang mag-isa? Hindi talaga. Kung gagampanan nilang mag-isa ang isang tungkulin, lalo pa silang hindi mapipigilan, lalo pang magkakaroon ng kakayahang kumilos nang wala sa katwiran at padalus-dalos. Kung magagampanan mo man nang maayos ang iyong tungkulin ay walang kinalaman sa iyong mga kagalingan, sa kahusayan ng iyong kakayahan, sa iyong pagkatao, iyong mga abilidad, o iyong mga kasanayan; nakasalalay iyon sa kung isa kang taong tumatanggap sa katotohanan at kung nagagawa mong isagawa ang katotohanan” (“Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw).Sinasabi ng mga salita ng Diyos na ang hindi pakikipagtulungan sa iba sa isang tungkulin ay nanggagaling sa isang mapagmataas na disposisyon. Gusto ng Diyos na magtrabaho tayo nang nagkakasundo upang matulungan natin ang isa’t isa, mapunan ng iba ang ating mga kahinaan. Nakatutulong din iyon na makontrol ang ating sariling katiwalian. Kapaki-pakinabang iyon sa atin at sa ating gawain. Pero masyado akong mapagmalaki. Akala ko ay hindi ko kailangang makipagtulungan kahit kanino, na kaya kong magtrabaho nang mahusay nang mag-isa. Ang perspektibo ko ay kailangan kong magtrabaho nang mag-isa para maging kapansin-pansin ang mga abilidad ko, kaya ayokong magtrabaho kasama ng iba o tumanggap ng anumang mungkahi. Gusto kong mamukod-tangi nang mag-isa. Wala akong direksyon sa aking tungkulin, pero hindi pa rin ako naghanap ng mga paraan para lutasin iyon. Nang sabihin sa akin ni Sister Wang kung bakit hindi nagbubunga ang aking gawain at kung ano ang dapat na maging pamamaraan ko, alam kong tama siya, pero ayokong makinig sa kanya. Natatakot ako na kung gagawin ko iyon, at magsisimulang bumuti ang gawain ko, iba ang makakukuha ng papuri at walang pupuri sa akin. Nang atasan ni Sister Wang si Brother Yunxiang na makipagtulungan sa akin, natakot akong baka masapawan niya ako at na kapag may nakamit kami ay titingalain siya ng iba at iisipin nilang hindi ako mahusay bilang isang superbisor, na hindi ako kasinggaling ng isang pangkaraniwang miyembro ng grupo. Para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan, ayokong makipagtulungan sa iba, bagkus ay gusto kong magtrabaho nang mag-isa. Nagpapasikat ako sa paggawa ng aking tungkulin pero sa totoo ay naghahangad ako ng katayuan, nagnanais lang na magpasikat. Pagpapakita iyon ng isang mapagmataas na disposisyon.
Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Bilang isang lider o isang manggagawa, kung lagi mong iniisip na mataas ka kaysa sa iba, at nagpapakasaya sa iyong tungkulin tulad ng ilang opisyal ng gobyerno, laging nagpapakasasa sa mga pakinabang ng iyong posisyon, laging gumagawa ng sarili mong mga plano, laging iniisip at tinatamasa ang sarili mong katanyagan at katayuan, laging nagpapatakbo ng sarili mong operasyon, at laging naghahangad na magtamo ng mas mataas na katayuan, na mapamahalaan at makontrol ang mas maraming tao, at mapalawak ang saklaw ng iyong kapangyarihan, problema ito. Mapanganib na tratuhin ang isang mahalagang tungkulin bilang isang pagkakataong tamasahin ang iyong posisyon na para bang isa kang opisyal ng gobyerno. Kung lagi kang kikilos nang ganito, na ayaw mong makatrabaho ang iba, ayaw mong bawasan ang iyong kapangyarihan at ipamahagi iyon sa iba, ayaw mong magkaroon ng higit na kapangyarihan ang iba, na maagaw ang katanyagan, kung gusto mo lamang tamasahing mag-isa ang kapangyarihan, isa kang anticristo” (“Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Inihayag ng mga salita ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Tinrato ko ang aking tungkulin na para bang isa itong opisyal na katungkulan sa gobyerno. Sa sandaling makuha ko ang tungkulin ng pangangasiwa, gusto ko lang tamasahin ang ningning ng liwanag ng aking katayuan. Ayokong makipagtulungan kahit kanino para matamasa ko ang paghanga at pagsang-ayon ng iba, para sabihin nilang may kakayahan ako at magaling sa aking gawain. Sa takot na nanakawin nila ang karangalan ko at aagawin ang ningning ko, gusto kong gawin ang lahat nang mag-isa para makuha ko ang lahat ng papuri kapag mayroong nakamit at sa akin mapunta ang atensyon ng lahat. Sa pag-asang maprotektahan ang aking reputasyon at katayuan, hindi ko isinaalang-alang ang pangkalahatang resulta ng aming gawain o tinanggap ang tulong ng iba. Napakamapagmataas ko! Isa akong tiwaling tao, kaya tiyak na maraming magiging paglihis at problema sa aking gawain, at maraming aspeto na hindi ko isinasaalang-alang. Pero mapagmataas ako, umakto akong mas mataas sa iba, inisip na walang problema sa akin, at ayokong makipagtulungan kahit kanino. Kung nagpatuloy iyon, malamang na nahadlangan niyon ang gawain ng iglesia, at kung patuloy akong tumangging magsisi, naging isa na akong anticristo. Isa itong nakatatakot na realisasyon para sa akin. Gusto ko talagang magbago, bitiwan ang pagnanais ko ng katayuan, at gawin nang mabuti ang aking tungkulin.
Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isaalang-alang ang mga interes ng tao, at huwag isipin ang iyong sariling pagpapahalaga sa sarili, reputasyon, o katayuan. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pagkonsidera kung ikaw ba ay naging hindi dalisay sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging matapat, natupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito at intindihin ang mga ito, at magiging mas madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, kung mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi maging napakaganda ng mga resulta—ngunit naibuhos mo na ang iyong buong pagsisikap. Sa lahat ng ginagawa mo, hindi mo binibigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling paghahangad o kagustuhan. Sa halip, binibigyan mo ng palagiang pagsasaalang-alang ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi mo ginagampanan nang mahusay ang iyong tungkulin, naiwasto naman ang puso mo; kung, dagdag pa rito, kaya mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasado sa pamantayan ang tungkulin mo at magagawa mong pumasok sa realidad ng katotohanan. Ito ang pagpapatotoo” (Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Ginawang malinaw ng mga salita ng Diyos na ang isang tungkulin ay hindi isang personal na gawain, at hindi ito dapat gawin para makamit mo ang mga personal mong interes, o ang pagnanais mo ng reputasyon at katayuan, bagkus ay dapat mong ilagay rito ang iyong puso, isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay, at hindi ito bahiran ng mga personal na motibo. Pero isinasaalang-alang ko lang ang aking reputasyon at posisyon, at gumagawa ako alang-alang sa aking katayuan, na nangangahulugang pabawas nang pabawas ang pagiging epektibo ko at inaantala ko ang gawain ng ebanghelyo. Alam kong kailangan kong itigil na ang paggawa alang-alang sa aking imahe at katayuan, bagkus ay isipin ang mga interes ng iglesia sa lahat ng bagay. Pagkatapos niyon, nagsikap ako na isantabi ang aking reputasyon at katayuan, makipagtulugan nang maayos sa iba, at taos-pusong bigyan ng konsiderasyon kung paano magtrabaho nang mahusay at matupad ang aking mga responsibilidad. Mas naging panatag ako pagkatapos ko iyong isagawa.
Minsan ay umalis ako para magbahagi ng ebanghelyo kasama ang dalawang sister, at talagang masigasig maghanap ang mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Naisip ko na kung pumunta ako nang mag-isa, pupurihin ng mga kapatid ang abilidad kong magbahagi. Talagang pinagsisihan ko na isinama ko ang mga sister na iyon. Nang maisip ko ito, alam ko na hindi ito ang tamang paraan para isipin iyon. Isinasaalang-alang ko na naman ang personal kong reputasyon at katayuan, ninanais na kumilos nang mag-isa. Kaya tahimik akong nagdasal sa Diyos, handang itigil na ang pagsasaalang-alang sa mga personal kong interes. Unti-unting humupa ang damdamin ko at itinuon ko ang aking puso sa kung paano magbabahagi at magpapatotoo sa Diyos. Sa ilalim ng patnubay ng Diyos, pito o walang tao ang tumanggap sa gawain ng Diyos. Talagang naantig ako, at naisip ko ang pagsasabi ng Panginoong Jesus na, “Muling sinasabi Ko sa inyo, na kung pagkasunduan ng dalawa sa inyo sa lupa ang nauukol sa anumang bagay na kanilang hihingin, ay gagawin sa kanila ng Aking Ama na nasa langit. Sapagkat kung saan nagtitipon ang dalawa o tatlo sa Aking pangalan, ay naroroon Ako sa gitna nila” (Mateo 18:19–20). Sa puntong iyon ay napagtanto ko na walang sinuman ang perpekto, na ang lahat ay may mga kalakasan at kahinaan. Kailangan nating makipagtulungan nang maayos, talakayin sa mga kapatid ang mga bagay-bagay, at punan ang mga kahinaan ng isa’t isa upang unti-unting mabawasan ang ating mga pagkakamali sa gawain at mas marami tayong makamit sa ating mga tungkulin. Ngayon kapag ginagawa ko ang aking tungkulin kasama ang iba, nakikita ko na mabusisi sila sa kanilang gawain, at talagang maasikaso sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo. Ito ay mga kalakasan na wala sa akin. Marami-rami na akong natutuhan mula sa kanila. Kapag wala akong direksyon sa aking tungkulin, naghahanap akong kasama nila at tinatalakay namin kung ano ang dapat kong gawin, at mas maganda ang resultang nakukuha ko sa aking gawain. Salamat sa Diyos! Personal kong naranasan na napakahalaga na makipagtulungan sa iba sa isang tungkulin.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.