Bakit Ba Masyadong Mataas ang Tingin Ko sa Sarili Ko?

Nobyembre 28, 2022

Ni Rui Zhi, Timog Korea

Ako ang responsable sa gawain ng video sa iglesia. Pagkatapos ng ilang panahon ng pagsasagawa, naunawaan ko ang ilan sa mga prinsipyo at umunlad ang mga kasanayan ko. Madalas din akong makatuklas ng mga isyu sa gawain namin, at sa mga talakayan ng gawain, malimit na tinatanggap ng iba ang mga mungkahi ko. Pagtagal-tagal, medyo naging mayabang ako. Palaki nang palaki ang tiwala ko sa sarili ko, pakiramdam ko’y mayroon akong kaunting kakayahan, medyo tunay na pagkaunawa sa mga prinsipyo, at komprehensibong pananaw sa mga isyu. Bagamat hindi ako lider ng iglesia at hindi ako nangangasiwa sa anumang malalaking gawain, naisip ko na hindi na masama na magawang mamahala sa mga proyekto ng aming grupo! Napansin ko na ang partner kong si Brother Justin ay matagal-tagal nang medyo pasibo sa kanyang tungkulin. Palaging ako ang nangunguna sa aming mga talakayan ng gawain at pag-aaral ng grupo, at mababa ang tingin ko sa kanya dahil sa hindi niya pagdadala ng pasanin. Sa mga talakayan namin pagkatapos nun, binabalewala ko na lang ang mga mungkahi ni Justin at madalas kong tinatanggihan ang mga pananaw niya. Iniisip ko na sa aming samahan, kadalasan ay sinusunod namin ang mga ideya ko sa huli, kaya mabuti pang gawin ko na lang ang mga bagay-bagay nang mag-isa. Pagtagal-tagal, inako ko na lang ang ilan sa mga gawain ni Justin. Sa aming mga talakayan ng gawain, kapag hindi tinatanggap ng iba ang mga mungkahi ko, paulit-ulit kong binibigyang-diin na tama ang pananaw ko, at kung minsan ay bumibigkas ako ng mga tuntunin at doktrina bilang patunay, na para bang mga prinsipyo ang mga ito, para pakinggan nila ako. Medyo hindi ako mapapalagay pagkatapos nun, pakiramdam ko’y lagi kong pinipilit ang iba na makinig sa akin. Hindi ba’t pagpapakita ‘yon ng kayabangan? Minsan ay sinusubukan kong tanggapin ang mga mungkahi ng iba, pero sa huli ay napatutunayan na tama ang iniisip ko, kaya lalo akong naging mapagtiwala sa sarili. Minsan ay napagtatanto kong nagpapakita ako ng mayabang na disposisyon, pero hindi ko ito sineseryoso. Sa tingin ko medyo mayabang lang ako, pero tama pa rin ako. Ang intensyon ko ay gawin nang maayos ang gawain namin, kaya hindi naman siguro masyadong malaking isyu ‘yon. Nung panahong iyon, hindi ako kumportable sa anumang ginagawa ng iba. Pakiramdam ko’y hindi sila gaanong bihasa at hindi nila isinasaalang-alang ang buong sitwasyon. Kapag nagmumungkahi sila, kung hindi umaayon ang mga iyon sa mga ideya ko, hindi ako nagdadalawang-isip na tanggihan sila at tahimik ko silang minamaliit. Minsan, nagdaan na sa ilang beses na pag-e-edit ang isang video na ginawa ng isang sister at hindi pa rin ito naging maganda. Hindi ko siya tinanong tungkol sa anumang paghihirap niya, bagkus ay pinagalitan ko siya, “Binibigyan mo ba talaga ito ng pansin? Hindi mo ba nakikita ang ginagawa ng iba at matuto ka mula roon?” Kung minsan, kapag nagbabahagi ng ideya ang mga kapatid para sa paggawa ng video, agad ko itong tinatanggihan, bago ko pa maintindihan. Dahil dito, takot ang lahat ng kapatid na makipagtrabaho sa akin at hindi man lang sila naglalakas-loob na ipadala ang mga video nila para mapanood ko. Isang beses naman, nakahanap ang isang sister ng mga materyal para mag-organisa ng pag-aaral ng grupo. Pinasadahan ko ito ng tingin, at nang hindi ito tinatalakay kaninuman, lubos kong siniraan ang mga materyal na nahanap niya, sinasabing walang kabuluhan ang sangguniang ito. Sa katunayan, bagamat hindi perpekto ang mga materyal sa pag-aaral na nahanap ng sister, makatutulong pa rin ang mga ito sa pagbuo ng kasanayan. Kalaunan ay ipinaalam ng isang sister na mayabang ako dahil sa paggawa ng mga bagay-bagay nang hindi tinatalakay ang mga iyon sa iba. Nung panahong ‘yon, hindi ko talaga kilala ang sarili ko, iniisip ko na nabigo lang akong humingi ng opinyon, at sapat na ang mas pagbibigay-pansin dun sa hinaharap. Naisip ko pa nga na ako ang nag-aasikaso at lumulutas sa karamihan ng mga problema sa gawain namin, at ako ang may huling pasya sa mga bagay-bagay, malaki man o maliit, kaya kung wala ang pangangasiwa ko, magiging magulo ang gawain ng grupo namin. Kahit na ipinareha ako sa iba, inisip ko na ako talaga ang tagapangasiwa ng grupo, parehong sa pangalan at sa katunayan, at marahil ay isinaayos ng Diyos na naroon ako para bantayan ang gawain ng grupo. Dahil sa isiping ito, pakiramdam ko’y naiiba ako sa kanila, na ako ang may kontrol. Lalo pa akong naging mayabang. Minsan, ako at ang dalawang sister ay nagsaayos ng pakikipagkita sa isa pang grupo para pag-usapan ang tungkol sa gawain, ngunit sa huling sandali ay may nangyaring di-inaasahan at hindi na ako makadadalo, kaya hinayaan ko silang umalis nang wala ako. Nataranta sila pagkarinig na hindi ako makakapunta, sinasabing hindi nila kayang gampanan ang responsibilidad na ‘yon, kaya maghihintay na lang sila kapag may oras na ako.

Pagkatapos, sinabi sa akin ng isang sister, “Ikaw ang may huling pasya sa lahat ng bagay para sa grupo ngayon, malaki man o maliit. Kapag nagkakaproblema ang sinuman, hindi nila hinahanap ang katotohanan, kundi umaasa sila sa iyo. Pakiramdam nila’y hindi nila kaya kung wala ka. Hindi mo ba naiisip na dapat kang magnilay-nilay sa iyong sarili? Mapanganib talaga ‘yan!” Matagal-tagal din akong hindi mapakali matapos marinig ang sinabi niya. Pakiramdam ng mga kapatid ay hindi nila kaya kung wala ako, at ang lahat ay kailangang dumaan sa akin. Hindi ba’t pagkokontrol ‘yon sa grupo? Isa iyong anticristong pag-uugali. Pero ang layunin ko sa anumang ginagawa ko ay magawa lang nang maayos ang gawain. Bakit naging ganun? Hindi ko alam kung paano intindihin ito. Dahil talagang nalilito at medyo negatibo ako, ibinahagi ko ang kalagayan ko sa Diyos, hinihingi ang Kanyang patnubay. May nagpadala sa’kin ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga disposisyon ng mga anticristo na talagang tumutugma sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos, “Ang isa sa pinakakaraniwang tanda ng pagkontrol ng mga anticristo sa mga tao ay na sa loob ng saklaw ng kanilang kontrol, sila lamang ang may huling pasya. Kung wala roon ang anticristo, walang ibang nangangahas na magpasya o magdesisyon. Kung wala ang anticristo, lahat ng iba pa ay parang mga bata na walang ina. Wala silang ideya kung paano manalangin o maghanap, ni kung paano talakayin nang magkakasama ang mga bagay-bagay. Para lamang silang mga tau-tauhan o mga taong patay. … Ang mga pamamaraan ng mga anticristo ay laging hindi pangkaraniwan at mapagpasikat kapag gumagawa sila ng mga bagay-bagay. Gaano man maaaring tama ang mungkahi ng iba, lagi nila iyong tinatanggihan. Kahit pa kapareho ng mga ideya nila ang mungkahi ng ibang tao, kung hindi ang anticristo ang unang nagmungkahi niyon, tiyak na hindi nila iyon tatanggapin o ipatutupad. Sa halip, gagawin ng anticristo ang lahat para maliitin, tanggihan, at kondenahin ang mungkahi hanggang sa madama ng taong nagmungkahi niyon na mali ang ideya niya at aminin iyon. Saka lamang tumitigil ang anticristo. Ang mga anticristo ay mahilig magpasikat at maliitin ang iba upang sambahin sila ng iba at ilagay sila sa sentro ng mga bagay-bagay. Ang tinutulutan lamang ng mga anticristo na mamukadkad ay ang kanilang sarili, at ang iba ay pinagsisilbi lamang na palamuti para mamukod-tangi sila. Naniniwala ang mga anticristo na lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay tama, samantalang ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng iba ay mali. Madalas silang magbigay ng mga bagong pananaw para tanggihan ang mga pananaw at gawi ng ibang mga tao, naghahanap sila ng mali at nakakakita ng mga problema sa mga opinyon ng ibang mga tao, at ginugulo o tinatanggihan nila ang mga plano ng ibang mga tao, para magawa ang lahat na makinig sa kanila at kumilos ayon sa kanilang mga pamamaraan. Ginagamit nila ang mga pamamaraan at kaparaanang ito para patuloy kang tanggihan, tuligsain, at ipadama sa iyo na hindi sapat ang galing mo, upang habang tumatagal ay lalo kang maging sunud-sunuran sa kanila, lalo mo silang tingalain, at lalo mo silang hangaan, hanggang sa huli ay ganap ka nilang makontrol. Ito ang prosesong ginagamit ng mga anticristo para pasukuin at kontrolin ang mga tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililinlang, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao). Matapos basahin ito, inihambing ko ang sarili ko sa sinabi ng Diyos. Responsable ako sa gawain ng grupo sa buong panahong iyon, pero hindi pa rin magawa ng iba ang kanilang mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo at tinatanong nila ako tungkol sa lahat ng kanilang ginagawa. Kung wala ako, hindi sila nangangahas na gumawa ng anumang pinal na desisyon o makipag-usap sa ibang mga grupo. Lahat sila ay napipigilan dahil sa akin. Napipinsala ko sila. Inisip ko kung ano ang nagawa at nasabi ko kaya humantong sa ganitong uri ng kalalabasan. Tinatalakay man namin ang gawain o pinag-uusapan ang mga ideya, kung merong sinumang may ibang pananaw sa akin, naghahanap ako ng maraming dahilan para tanggihan sila, hindi kailanman tumutuon sa pagbabahagi ng mga prinsipyo ng katotohanan. Hindi ko rin dinakila o pinatotohanan ang Diyos, bagkus ay hinayaan kong makinig ang lahat sa akin. Kapag sa palagay ko ay tama ang isang bagay, nagiging agresibo at dominante ako. Mapangmata ako sa tuwing nakikita ko ang mga kakulangan sa kasanayan ng mga kapatid, at kapwa ako lantaran at patagong mapanlait. Gusto kong pilitin ang lahat na makinig sa akin, at kung hindi nila gagawin iyon, bibigyang-diin ko na bihasa ako at nauunawaan ko ang mga prinsipyo. Pagkaraan ng ilang panahon ng palaging pagtanggi at panghahamak sa iba at pagtataas sa aking sarili, pakiramdam ng lahat ng kapatid ay wala silang pakinabang, at hindi kasing husto ang pananaw nila sa akin, kaya pinupuntahan nila ako para tanungin tungkol sa lahat ng bagay. Kung talagang isiipin ito, maraming beses na maayos naman ang mga plano na iminumungkahi nila, at marahil ay hindi ganap na perpekto ang mga ito, pero pwede sana akong makatulong para mapabuti ang mga ito. Pero sa halip, ipinilit kong bigyang-diin na tama ako at tinanggihan ko ang mga ideya ng iba, iniisip na ginagawa ko ito para sa kapakanan ng gawain namin. Napakayabang ko at wala akong kamalayan sa sarili! Nabasa ko rin ito sa mga salita ng Diyos: “Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na sumuway at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita iwinasto, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at hihikayatin mo silang magpasakop sa iyong harapan, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, magpasakop sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging pinuno ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kapag ang mga tao ay mapagmataas, mapagpahalaga sa sarili, at mapagmagaling, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang anumang gusto nila. Inaakay rin nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Para magkaroon ang mga tao ng kakayahang gawin ang gayong mga mapagmataas na bagay, pinatutunayan lang niyon na ang diwa ng kanilang mapagmataas na kalikasan ay katulad ng kay Satanas; katulad ito ng sa arkanghel. Kapag umabot ang kanilang kayabangan at pagpapahalaga sa sarili sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel. Kung taglay mo ang gayong satanikong mapagmataas na kalikasan, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit naniniwala ka pa sa Diyos, hindi ka na kikilalanin pa ng Diyos, ituturing ka Niya bilang isang masamang tao, at palalayasin ka(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos).

Natutuhan ko mula sa mga salita ng Diyos na hindi ko nagawang makipag-ugnayan sa mga kapatid dahil kontrolado ako ng aking mayabang na kalikasan. Nakita ko na sa isang kalikasang mayabang at labis na mapagpahalaga sa sarili, hindi ko kailangang gumawa ng anumang partikular na bagay, bagkus ay natural na nangyayari ang ganoong uri ng sitwasyon, at nahihimok ko ang lahat na makinig sa’kin. Kung iisipin ang panahon ko sa pakikipagtrabaho sa mga kapatid sa tungkuling ‘yon, nagmumungkahi man kami para sa mga video o nag-oorganisa ng gawain, palagi kong iniisip na ako ang may pinakamahusay na mga ideya. Nang mapansin kong medyo pasibo si Justin sa kanyang tungkulin, hindi ko siya tinulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi, kundi minaliit ko siya sa puso ko dahil sa kanyang mahinang kakayahan at kawalan ng pasanin, at inako ko lang ang kontrol sa lahat, ginagawa ang lahat nang mag-isa, na para bang ako lang ang makagagawa ng mga bagay-bagay, hindi ang sinuman. Nang makita ko ang mga aspekto kung saan kulang ang kasanayan ng iba, hinamak ko sila dahil sa kawalan nila ng kakayahan at pagkaunawa, na para bang ang pagkaunawa ko ang pinakatumpak, at ako ang pinakanakaaalam sa mga prinsipyo. Lagi kong minamaliit ang iba at itinataas ang aking sarili, inilalahad ang aking mga saloobin at opinyon sa kanila na parang ang mga ito ang katotohanan. Pagkaraan ng ilang panahon, naramdaman ng iba na wala silang magagawa nang sila-sila lang, na kailangang ako ang gumawa nito, hanggang sa puntong sa lahat ng bagay, lumalapit sila para tanungin ako, at umaasa sa akin. Kung wala ako roon, hindi sila naglalakas-loob na sumulong. Nabasa ko sa mga salita ng Diyos, “Kapag umabot ang kanilang kayabangan at pagpapahalaga sa sarili sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel.” Nahiya at nakonsensya ako nang maharap sa paghahayag ng mga salita ng Diyos. Napagtanto ko na may malubhang-malubha akong problema. Inilagay ko ang sarili ko sa isang pedestal, laging iniisip na meron akong mga kaloob at kakayahan, na hindi ako isang pangkaraniwang tao, kundi natural na taglay ko ang kakayahang mangasiwa, na maging kapitan ng barko, at ang iba ay walang kakayahan, kaya’t itinalaga ng Diyos na ako ang dapat na mamuno sa kanila. Natakot at nasuklam din ako sa mga saloobin at ideya kong ito. Wala talaga akong kahihiyan! Magkakasama kaming nagtatrabaho para gawin ang aming mga tungkulin, lahat ay tumatanggap sa pamumuno ng Diyos at nagpapasakop sa mga prinsipyo ng katotohanan, pero hinihimok ko ang lahat na tanggapin ang pamumuno ko at magpasakop sa akin. Nagkamali ako. Sa sobrang kayabangan ko ay nawalan ako ng lahat ng katwiran. Sinasabi ng Diyos sa “Ang Sampung Atas Administratibo na Dapat Sundin ng Hinirang na Bayan ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian”: “Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos). Sa puso ko, pakiramdam ko lagi ay nakatataas ako kaysa sa iba sa grupo at palagi kong ipinupuwesto ang sarili ko sa itaas ng ibang mga kapatid. Nakatayo ako sa maling puwesto—inilalagay ko ang sarili ko sa isang pedestal. Nakakaalarma talaga ang isiping ito, talagang nakakatakot para sa’kin. Nagdasal ako kaagad: “Diyos ko, masyado akong mayabang at mapagtiwala sa sarili. Nilabag ko ang disposisyon Mo nang hindi ko namamalayan. Gusto ko pong magsisi, kunin ang puwestong nararapat sa akin, at gawin nang maayos ang tungkulin ko.” Dumating ang superbisor ko kalaunan para magbahagi sa akin. Sinabi niyang nabanggit ng ilang kapatid na talagang napipigilan sila sa pakikipagtrabaho sa akin. Sinabi nila na mapanghamak ako at nangmamaliit ng iba, at palaging tinatanggihan ang mga ideya ng iba, at ang ilan sa kanila ay nagsabing, “Nakakita na ako ng mayayabang na tao noon, pero hindi ng ganito kayabang.” Tumagos sa puso ko ang mga salitang ito. Hinding-hindi ko inakala na ganoong klase ng tao ang tingin sa akin ng mga kapatid, na masyado ko silang napigilan at nasaktan. Ilang araw na parang may nakatarak na kutsilyo sa puso ko. Lalo na ‘pag nagtatalakay kami ng gawain, walang ibang nangangahas na magsalita, at talagang napakalamig ng paligid, pakiramdam ko ay lalo pa akong nasaway. Alam kong lahat ito’y dahil sa mga paglilimita ko sa kanila. Nasasaktan at nahihirapan, lumapit ako sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanya na gabayan akong tunay na magnilay-nilay at pumasok.

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal na nagbigay sa akin ng higit na pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Ang ilang lider ay hindi gumagawa kailanman ayon sa mga prinsipyo, kundi walang sinusunod na batas, at kumikilos nang wala sa katwiran at pabigla-bigla. Binabanggit ito ng mga kapatid, na sinasabing, ‘Bihira kang kumonsulta sa iba bago ka kumilos. Hindi namin nalalaman ang iyong mga paghusga at desisyon hanggang sa magawa mo na ang mga iyon. Bakit hindi ka kumokonsulta sa iba? Bakit hindi mo sinasabi sa amin nang maaga kapag gumagawa ka ng desisyon? Kahit pa tama ang ginagawa mo, at mas may kakayahan ka kaysa sa amin, dapat mo pa ring ipaalam muna iyon sa amin. Kahit papaano man lang, may karapatan kaming malaman kung ano ang nangyayari. Lagi kang kumikilos ayon sa gusto mo—tumatahak ka sa landas ng isang anticristo!’ At ano ang maririnig mong sasabihin ng lider tungkol diyan? ‘Ako ang nagpapasya sa bahay. Sa lahat ng bagay, malaki man o maliit, ako ang nagdedesisyon. Sanay ako riyan. Kapag may isyu ang sinuman sa malaking pamilya ko, nilalapitan nila ako at tinatanong kung ano ang gagawin. Alam nilang lahat na marami akong solusyon sa mga bagay-bagay. Kaya nga ako palagi ang nagpapasya at namamahala sa mga usapin sa bahay ko. Nang mapunta ako sa iglesia, akala ko hindi na ako dapat mag-alala, ngunit ang nangyari, nahirang akong lider. Hindi ko ito mapipigilan—ipinanganak ako sa ganitong kapalaran. Ibinigay sa akin ng Diyos ang kakayahang ito. Ipinanganak ako para lutasin ang mga bagay-bagay at magdesisyon para sa mga tao.’ Ang implikasyon dito ay na itinadhana siyang maging opisyal nang ipanganak siya, at lahat ng iba pa ay mga utusan, mga karaniwang tao—ipinanganak sila para maging mga alipin. Kahit kapag nakita ng mga kapatid ang problema sa lider na ito at itinuro iyon sa kanya, hindi niya tinatanggap iyon, ni tinatanggap na maiwasto o mapungusan, kundi tumatanggi at lumalaban siya hanggang sa ipagsigawan ng mga kapatid na tanggalin siya, habang iniisip niya na, ‘Sa kakayahang katulad ng sa akin, itinadhana akong mamahala saanman ako magpunta. At sa mga kakayahang katulad ng sa inyo, magiging mga alipin at tagapagsilbi kayo saanman kayo magpunta. Itinadhana kayong utus-utusan.’ Anong klaseng disposisyon ang inihahayag niya sa pagsasabi palagi ng gayong mga bagay? Malinaw na ito ay isang tiwaling disposisyon, subalit walang kahihiyan niyang ibinabahagi iyon sa iba bilang kanyang lakas at galing, at ipinagyayabang iyon. Kapag naghahayag ng tiwaling disposisyon ang isang tao, dapat niyang pagnilayan ang kanyang sarili. Kailangan niya iyong malaman, pagsisihan, at talikuran; dapat niyang sikaping matamo ang katotohanan hanggang sa kumilos siya ayon sa mga prinsipyo. Subalit, ang lider na ito ay hindi nagsasagawa sa ganitong paraan, kundi patuloy na ayaw magbago, na iginigiit ang kanyang mga pananaw. Mula sa mga pag-uugaling ito, makikita na hindi niya man lang tinatanggap ang katotohanan at talagang hindi hinahanap ang katotohanan. Hindi siya nakikinig sa sinumang naglalantad at nagwawasto sa kanya, kundi nananatiling puno ng pangangatwiran: ‘Hmph—ganito lang talaga ako! Ang tawag diyan ay galing; ang tawag diyan ay kakayahan—mayroon ba ng mga iyon ang sinuman sa inyo? Itinadhana akong mamahala nang ipanganak ako, at saanman ako magpunta, isa akong lider. Sanay ako na masunod ang sinasabi ko, na maisip sa sarili ko kung paano pamahalaan ang mga bagay-bagay. Hindi ako kumokonsulta sa iba. Katangian ko ito, personal kong karisma.’ Hindi ba’t sadyang kawalanghiyaan iyan? Dahil hindi niya kinikilala na mayroon siyang tiwaling disposisyon, malinaw na hindi niya kinikilala ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao. Bagkus, itinuturing niyang katotohanan ang kanyang mga maling pananampalataya at maling paniniwala, at ginagawa ang lahat ng iba pa na tanggapin siya at hangaan. Nakatanim sa puso niya na sa sambahayan ng Diyos, dapat ay hindi ang katotohanan ang naghahari—dapat ay siya. Dapat masunod ang sinasabi niya. Hindi ba’t lubos na kawalanghiyaan iyan?(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ano ba ang Paghahangad ng Katotohanan (1)). Napahiya ako sa harap ng paghahayag na ito sa mga salita ng Diyos. Ganoon talaga ako kumilos. May ilan akong kasanayan at mukhang may kaunting katalinuhan at kakayahan, kaya inakala kong ako dapat ang may huling pasya. Sa paningin ko, walang magagawang maayos ang ibang mga kapatid, at hindi ko sineryoso kahit nang may tumukoy sa problema ko. Akala ko’y mayabang lang ako dahil may kakayahan ako at tama ang mga mungkahi ko. Hindi ko talaga kilala ang sarili ko. Sa katunayan, maraming beses na hindi ko tumpak na nakikita ang isyu at hindi ko isinaalang-alang ang buong sitwasyon, tulad nung binalewala ko bilang walang silbi ang mga materyal sa pag-aaral na nahanap ng sister, subalit natuklasan ng iba na merong kabuluhan ang sanggunian, at nagbibigay ng ilang magandang mungkahi. At bagamat tama ang ideya ko sa ilang bagay, hindi ko pa rin dapat pinilit ang iba na tanggapin ito dahil lang sa kayabangan ko. Dapat ay nagbahagi ako tungkol sa mga prinsipyo at sa personal kong pagkaunawa at mga pananaw, at kung maramdaman ng lahat na angkop ang sinabi ko, natural nilang tatanggapin ito. Ngunit sa halip, mayabang ako at mapagtiwala sa sarili, at hindi ko man lang nakita ang mga kalakasan ng iba o pinagnilayan ang aking sarili. Madalas kong kinakalkula sa isip ko kung aling mga bagay ang napagdesisyunan ko nang tama, at kung aling mga isyu ang natuklasan at nalutas ko sa gawain namin. Habang mas kinakalkula ko ang mga “tagumpay” na ito, lalo kong nararamdaman na mas mahusay ako kaysa sa iba. Lalong tumindi ang kayabangan ko at lalo ko pang minaliit ang ibang tao. Naisip ko pa nga na nababagay ako sa tungkulin ng isang superbisor, kaya masyadong mataas ang tingin ko sa sarili ko, at gusto kong ako ang may huling pasya sa lahat. Masyado akong mayabang at di-makatwiran at hindi ko binago ang aking satanikong disposisyon kahit kaunti. Ni hindi ko magawang makisama sa iba. Ano ba ang dapat kong ipagmalaki? Kaawa-awa talaga ang labis na malugod sa sarili ko nang ganoon! Sa pagbabalik-tanaw sa lahat ng ito, nakita ko kung gaano ako naging agresibo at dominante at napuno ako ng pagsisisi.

May isa pang sipi na nabasa ko kalaunan. “Masasabi ba ninyo na mahirap tuparin nang sapat ang tungkulin ng isang tao? Sa totoo lang, hindi; kailangan lamang magawa ng mga tao na magpakumbaba, magtaglay ng kaunting katinuan, at tumanggap ng angkop na posisyon. Gaano ka man kaedukado, anumang mga gantimpala ang natamo mo, o gaano man kalaki ang nakamtan mo, at gaano man kataas ang iyong katayuan at ranggo, dapat mong talikdan ang lahat ng bagay na ito, dapat kang bumaba sa mataas na kinalalagyan mo—lahat ng ito ay walang halaga. Sa sambahayan ng Diyos, gaano man kalaki ang mga karangalang ito, hindi maaaring maging mas mataas ang mga ito kaysa sa katotohanan, sapagkat ang mga paimbabaw na bagay na ito ay hindi ang katotohanan, at hindi makakapalit sa lugar nito. Dapat maging malinaw sa iyo ang isyung ito. Kung sinasabi mong, ‘Napakatalino ko, napakatalas ng isip ko, mabilis akong kumilos, mabilis akong matuto, at napakagaling ng memorya ko, kaya karapat-dapat akong gumawa ng huling desisyon,’ kung palagi mong gagamiting kapital ang mga bagay na ito, at ituturing na mahalaga ang mga ito, at positibo, problema ito. Kung puno ng mga bagay na ito ang puso mo, kung nag-ugat na ang mga ito sa puso mo, mahihirapan kang tanggapin ang katotohanan—at nakakatakot isipin ang mga kahihinatnan niyan. Sa gayon, dapat mo munang iwanan at tanggihan ang mga bagay na iyon na minamahal mo, na tila maganda, na mahalaga sa iyo. Ang mga bagay na iyon ay hindi ang katotohanan; bagkus, maaaring makahadlang ang mga ito sa pagpasok mo sa katotohanan. Ang pinakamahalaga ngayon ay na kailangan mong hanapin ang katotohanan sa pagganap sa iyong tungkulin, at magsagawa ayon sa katotohanan, upang ang pagsasagawa mo ng iyong tungkulin ay maging katanggap-tanggap, sapagkat ang katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay ang unang hakbang lamang patungo sa landas ng pagpasok sa buhay. Ano ang ibig sabihin dito ng ‘unang hakbang’? Ang ibig sabihin nito ay magsimula ng isang paglalakbay. Sa lahat ng bagay, may isang bagay na magagamit para masimulan ang paglalakbay, isang bagay na pinakapangunahin, pinakamahalaga, at ang pagkakamit ng katanggap-tanggap na pagsasagawa ng tungkulin ay isang landas ng pagpasok sa buhay. Kung ang iyong pagsasagawa ng tungkulin ay tila naaangkop lamang sa kung paano iyon ginagawa, ngunit hindi nakaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, hindi mo katanggap-tanggap na ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung gayon, paano ito dapat gawin ng isang tao? Kailangang sikaping matamo at hanapin ng isang tao ang mga prinsipyo ng katotohanan; ang masangkapan ng mga prinsipyo ng katotohanan ang mahalaga. Kung pagagandahin mo lamang ang iyong pag-uugali at pipigilan mo ang init ng iyong ulo, ngunit hindi ka nasasangkapan ng mga prinsipyo ng katotohanan, walang silbi iyan. Maaaring mayroon kang isang kaloob o espesyalidad. Magandang bagay iyan—ngunit magagamit mo lang ito nang wasto kung gagamitin mo ito sa pagsasagawa ng iyong tungkulin. Ang maayos na pagsasagawa ng iyong tungkulin ay hindi nangangailangan ng pagpapabuti ng iyong pagkatao o personalidad, ni nangangailangan na isantabi mo ang iyong kaloob o talento. Hindi iyan ang kailangan. Ang mahalaga ay na nauunawaan mo ang katotohanan at natututo kang magpasakop sa Diyos. Halos hindi maiiwasan na bumuhos ang iyong tiwaling disposisyon habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Ano ang dapat mong gawin sa gayong mga pagkakataon? Kailangan mong hanapin ang katotohanan para malutas ang problema at makakilos ka ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Gawin mo ito, at magagawa mo nang maayos ang iyong tungkulin. Saanmang larangan naroon ang iyong kaloob o espesyalidad, o saan ka man mayroong kaunting kaalamang bokasyonal, maaari mong dalhin ang bagay na iyon na natutuhan mong pasanin sa pagsasagawa ng tungkuling gagampanan mo. Ang paggamit ng mga kaloob, espesyalidad, o kaalamang bokasyonal sa pagganap sa isang tungkulin ang pinakanararapat, ngunit kailangan ding nasasangkapan ka ng katotohanan at kaya mong kumilos ayon sa mga prinsipyo. Saka mo lamang magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Ito ang dalawang bahaging nabanggit kanina: Ang isang bahagi ay ang pagkakaroon ng konsensya at katwiran, at ang isa pa ay na kailangan mong hanapin ang katotohanan para malutas ang iyong tiwaling disposisyon. Pumapasok sa buhay ang isang tao sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kanyang tungkulin sa ganitong paraan, at nagagawa niyang katanggap-tanggap na isagawa ang kanyang tungkulin(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, natutuhan ko na tinitimbang ng Diyos kung ginagawa nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin, hindi ayon sa kung gaano kalaki tingnan ang nagawa niya, at kung nagawa ba ito nang tama, kundi ayon sa kung anong landas ang tinatahak niya sa kanyang tungkulin, at kung hinahanap at isinasagawa niya ang katotohanan. Natutuhan ko rin na para malutas ang isang mayabang na disposisyon at magawa nang maayos ang aking tungkulin, kailangan ko munang isantabi ang mga kaloob at kalakasan na ipinagmamalaki ko, at lumapit sa Diyos para hanapin ang katotohanan. Kung patuloy ko lang gagawin ang mga bagay-bagay nang umaasa sa aking kakayahan at mga kaloob nang hindi hinahanap ang katotohanan o sinusunod ang mga prinsipyo, hindi sasang-ayon ang Diyos gaano man karami ang nagawa ko. Noon, minaliit ko ang iba dahil sa kawalan ng mga kasanayan at kakayahan. Kapag nakikita ko silang nagkakamali nang kaunti o gumagawa ng isang bagay nang hindi perpekto, napupuno ako ng pangmamata at panghahamak sa kanila, kapwa sa hayagan at sa isipan. Pero kapag isinasauli ang mga video na ginawa ko para sa maraming rebisyon at nagbibigay sa akin ang iba ng mga mungkahi, walang nangmamaliit sa akin, bagkus ay matiyaga nilang sinasabi sa akin kung ano ang kailangang pagbutihin. At saka, halos hindi ko tinatanggap ang mga mungkahi ng mga katrabaho ko, at bagamat walang mahuhusay na kaloob o kakayahan ang ilang kapatid, hinahanap nila ang mga prinsipyo sa kanilang tungkulin, mapagpakumbaba silang nakikinig sa mga mungkahi ng iba, at kaya nilang makipagtulungan nang maayos. Nakahihiyang ihambing ang sarili ko sa kanila. Nakita ko kung paanong wala akong pagpasok sa katotohanan. Sa tungkulin ko pagkatapos nun, kapag may alitan sa pagitan ko at ng iba, isinasagawa ko ang pagsasantabi sa sarili ko, at paghahanap sa katotohanan at mga prinsipyo, itinuturing na isa itong pagkakataon para isagawa ang katotohanan.

Minsan, tinatalakay ko ang paggawa ng isang video kasama ang dalawang sister, at magkaiba ang mga ideya namin. Sa isip ko ay ako ang may pinakamagandang ideya at iniisip ko kung ano ang pwede kong sabihin para patunayan na tama ako, kung paano ko sila makukumbinsi. Bigla kong napagtanto na nagpapakita na naman ako ng mayabang na disposisyon, ninanais na gamitin ang sarili kong opinyon para kontrahin ang mga ideya ng iba. Agad akong nagdasal, hinihiling sa Diyos na patnubayan ako na isantabi ang sarili ko at pakinggan ang mga mungkahi ng iba. Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Sa lahat ng nasa iglesia na nakauunawa sa katotohanan o may kakayahang maunawaan iyon, ang kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu ay maaaring nasa sinuman sa kanila. Dapat sunggaban ng isang tao ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, sumunod sa likod nito mismo at lubos na makipagtulungan dito. Sa paggawa nito, magiging tama ang landas na tinatahak mo; ito ang landas kung saan gumagabay ang Banal na Espiritu. Bigyan mo ng espesyal na pansin kung paano gumagawa at gumagabay ang Banal na Espiritu sa mga ginagawaan Niya. Dapat kang makipagbahaginan nang madalas sa iba, nang nagmumungkahi at nagpapahayag ng sarili mong mga pananaw—ito ay iyong tungkulin at iyong kalayaan. Ngunit sa huli, kapag kailangang magdesisyon, kung ikaw lamang ang gumagawa ng huling pasya, at pinasusunod mo ang lahat sa iyong sinasabi at pinaaayon sila sa iyong kagustuhan, nilalabag mo ang mga prinsipyo. Dapat kang gumawa ng tamang pagpapasya batay sa kagustuhan ng karamihan, at saka ka gumawa ng huling desisyon. Kung ang mungkahi ng karamihan ay hindi umaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan, dapat mong pagsumikapan ang katotohanan. Ito ang naaayon sa mga prinsipyo ng katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pagbibigay ng mga ideya at paggawa ng mga video ay tungkulin ko, pero ang pagpapasya kung aling plano ang pinakamainam ay hindi nakasalalay sa sinumang tao. Kailangang pag-usapan at pagpasyahan ‘yon ng mga kapatid nang magkakasama, at pagkatapos ay sundin ang pinakamainam na mungkahi. Talagang napayapa ang pakiramdam ko nang maisagawa ko ‘yon. Nang magawa ang video na ‘yon, sinunod ng mga kapatid ang bersyon ko, pero hindi ko minaliit ang dalawang sister na iyon dahil do’n. Naramdaman ko na sa prosesong iyon, sa wakas ay naisagawa ko ang katotohanan nang hindi namumuhay ayon sa mayabang kong disposisyon. Tapos naranasan ko rin na hindi nagsasaayos ang Diyos ng mga sitwasyon para makita kung sino ang tama o mali, kundi para makita kung anong disposisyon ang isinasabuhay ng mga tao. Kung ang isang tao ay tama pero nagpapakita siya ng kayabangan, kinasusuklaman iyon ng Diyos, kinamumuhian Niya iyon. Pagkatapos nun, nang subukan kong seryosong isaalang-alang ang mga ideya ng ibang tao, natanto ko na maraming aspeto sa mga mungkahi ng mga kapatid ang pwedeng magamit, at tinitingnan nila ang mga bagay-bagay mula sa ibang perspektibo kaysa sa’kin. Dati, lagi kong iniisip na hindi tinitingnan ng ibang tao ang buong sitwasyon, dahil tinitingnan ko lang ang mga bagay-bagay mula sa sarili kong pananaw at halos hindi talaga ako nakikinig sa mga ideya ng iba. Tapos natanto ko na lahat ng tao ay may mga kalakasan at may mga matututuhan ako sa kanila. Ayokong patuloy na manatiling mayabang na magtiwala sa sarili ko, bagkus ay handa akong makipagtrabaho nang maayos sa iba, hanapin ang katotohanan at mas pakinggan ang mga mungkahi ng iba, at makipagtulungan sa aming tungkulin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

Desidido Ako sa Landas na Ito

Ni Han Chen, TsinaIlang taon na ang nakararaan, inaresto ako ng mga pulis dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Sinentensyahan ako ng Partido...