Ano ang Nasa Likod ng Pagtangging Maging Lider
Noong Enero ng 2022, napili akong maglingkod bilang isang lider sa iglesia at pangunahin akong ginawang tagapangasiwa sa produksyon ng mga video. Sa panahong iyon, nagtalo ang kalooban ko: Sa isang banda, nag-aalala ako na dahil kulang ako sa mga teknikal na kasanayan, kung magpapasakop ako pero hindi ko naman magagawa nang maayos ang gawain ko, mabubunyag ako at matatanggal. Sa kabilang banda, kung tatanggihan kong gawin ang tungkuling ito, labis akong makokonsensiya. Kaya, nanalangin ako sa Diyos, hinihingi sa Kanya na gabayan ako para maunawaan ko ang Kanyang layunin. Noong araw na iyon, nagkataong nagkita kami ng isang kapatid na matapos marinig ang kalagayan ko ay nagbahagi sa akin sa sumusunod na paraan: “Ang pinakadahilan kung bakit ayaw mong maglingkod bilang isang lider ay dahil isinasaalang-alang mo ang iyong sariling mga oportunidad at tadhana. Nag-aalala ka na hindi ka makakagawa ng tunay na gawain at mabubunyag ka at matatanggal. Mayroon ka ring nakalilinlang na pananaw na mapanganib maging isang lider, dahil mga lider ang mga posibleng mabunyag at matiwalag. Lagi kang alerto laban sa Diyos at mali ang pagkaunawa mo sa Kanya. Ang totoo, ang dahilan kung bakit maraming lider na nabubunyag at natitiwalag ay hindi dahil naroon sila sa posisyon na iyon, kundi dahil nabigo silang hangarin ang katotohanan at tahakin ang tamang landas at palagi nilang hinahangad ang katayuan at umaakto sila nang walang kabuluhan.” Tumpak na tinukoy ng ibinahagi ng kapatid ang aking paraan ng pag-iisip at tumulong ito sa akin upang magkamit ng kaunting kaalaman tungkol sa aking kalagayan. Pagkatapos niyon, naghanap ako ng mga salita ng Diyos na makakain at maiinom, iyong may kaugnayan sa aking kalagayan.
Isang araw, nakita ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag may ginawang maliit na pagbabago sa kanilang tungkulin, dapat tumugon ang mga tao nang may saloobin ng pagsunod, gawin ang ipinagagawa sa kanila ng sambahayan ng Diyos, at gawin ang makakaya nila, at, anuman ang gawin nila, gawin ito nang maayos sa abot ng makakaya nila, nang buong puso nila at buong lakas nila. Ang nagawa ng Diyos ay hindi mali. Ang ganoon kasimpleng katotohanan ay maaaring isagawa ng mga tao nang may kaunting konsiyensiya at pagiging makatwiran, ngunit lampas ito sa mga kakayahan ng mga anticristo. Pagdating sa pag-aakma ng mga tungkulin, agad magbibigay ang mga anticristo ng katwiran, panlilinlang, at paglaban, at sa kanilang kaibuturan ay ayaw nilang tanggapin iyon. Ano ba talaga ang nasa puso nila? Paghihinala at pagdududa, pagkatapos ay sinusuri nilang mabuti ang iba gamit ang lahat ng uri ng pamamaraan. … Bakit nila gagawing napakakumplikado ang isang simpleng bagay? Iisa lamang ang dahilan: Hindi kailanman sinusunod ng mga anticristo ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at palagi nilang mahigpit na iniuugnay ang kanilang tungkulin, kasikatan, at katayuan sa mga inaasam nilang pagpapala at sa kanilang hantungan sa hinaharap, na para bang sa sandaling mawala ang kanilang reputasyon at katayuan, wala na silang pag-asang matamo ang mga pagpapala at gantimpala, at pakiramdam nila ay katulad ito ng mawalan ng buhay. Iniisip nila, ‘Kailangan kong mag-ingat, hindi ako dapat maging pabaya! Ang sambahayan ng Diyos, ang mga kapatid, ang mga lider at manggagawa, at maging ang Diyos ay hindi maaasahan. Hindi ko mapagkakatiwalaan ang sinuman sa kanila. Ang taong pinakamaaasahan mo at ang pinakakarapat-dapat mong pagkatiwalaan ay ang iyong sarili. Kung hindi ka nagpaplano para sa iyong sarili, sino ang mag-aasikaso sa iyo? Sino ang mag-iisip sa kinabukasan mo? Sino ang mag-iisip kung makatatanggap ka ba ng mga pagpapala o hindi? Kaya, kailangan kong magplano at magkalkula nang maingat para sa sarili kong kapakanan. Hindi ako pwedeng magkamali o maging pabaya kahit kaunti, kung hindi, ano ang gagawin ko kung may sumubok na manamantala sa akin?’ Kaya, nagiging mapagbantay sila laban sa mga lider at manggagawa ng sambahayan ng Diyos, natatakot na may makakilatis o makahalata sa kanila, at na pagkatapos ay matatanggal sila at masisira ang mga pinapangarap nilang pagpapala. Iniisip nila na dapat nilang panatilihin ang kanilang reputasyon at katayuan, dahil sa tingin nila ay ito lamang ang kanilang pag-asa sa pagkamit ng mga pagpapala. Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan mismo, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na nakaabot sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin pa, samantalang ang pagtatamo ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala ng Diyos, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). “Bilang isang nilikha, kapag humarap ang isang tao sa Lumikha, kailangan niyang gampanan ang kanyang tungkulin. Ito ay isang bagay na talagang nararapat gawin, at dapat niyang tuparin ang responsabilidad na ito. Sa batayan na ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang mga tungkulin, nakagawa ang Lumikha ng mas higit na dakilang gawain sa sangkatauhan, at isinakatuparan Niya ang isang karagdagang yugto ng gawain sa mga tao. At anong gawain iyon? Tinutustusan Niya ang sangkatauhan ng katotohanan, na tinutulutan silang makamit ang katotohanan mula sa Kanya habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin at sa ganoong paraan ay naiwawaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nadadalisay sila. Kaya, natutugunan nila ang mga layunin ng Diyos at tumatahak na sila sa tamang landas sa buhay, at, sa huli, nagagawa nilang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan, magtamo ng ganap na kaligtasan, at hindi na mapasailalim sa mga pagpapahirap ni Satanas. Ito ang epektong gusto ng Diyos na makamtan ng sangkatauhan sa huli sa pamamagitan ng paggampan nila sa kanilang mga tungkulin. … Ang gayon kaganda at gayon kalaking bagay ay binaluktot at ginawa nang isang transaksyon ng angkan ng mga anticristo, kung saan nangangalap sila ng mga korona at gantimpala mula sa kamay ng Diyos. Ang gayong transaksyon ay ginagawang napakapangit at napakabuktot ang isang bagay na napakaganda at napakamakatarungan. Hindi ba ito ang ginagawa ng mga anticristo? Kung pagbabatayan ito, hindi ba’t buktot ang mga anticristo? Talagang buktot nga sila! Isa itong pagpapamalas ng kanilang kabuktutan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikapitong Bahagi)). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos kung paanong nananalig lang sa Diyos ang mga anticristo para magkamit ng mga pagpapala. Anuman ang sitwasyong makaharap nila, lagi nilang pinag-iisipan iyon nang may pagsasaalang-alang sa kanilang destinasyon at mga pagpapala. Kahit kapag nahaharap sa isang bagay na kasingsimple ng pag-aayos sa kanilang tungkulin, hindi nila kayang magpasakop nang wagas, kundi pinag-iisipan at tinitimbang nila kung paano makakaapekto ang pasya nila sa kanilang mga oportunidad sa hinaharap. Kung makakatulong sa kanilang interes ang pag-aayos at hahayaan sila nitong magkamit ng mga pagpapala, tatanggapin nila iyon, pero kung manganganib ang kanilang mga oportunidad at tadhana dahil sa pagsasaayos, gagawa sila ng paraan para makaiwas doon, sa takot na kapag nakagawa sila ng isang maling hakbang ay mabubunyag sila, matitiwalag at wala na silang pag-asang magkamit ng mga pagpapala. Nakita ko na tunay na buktot at mapanlinlang ang kalikasang diwa ng mga anticristo! Pinagnilayan ko kung paanong kagaya ng sa isang anticristo ang saloobin ko sa pagsasaayos ng aking tungkulin. Nang marinig kong napili akong maging isang lider sa iglesia, ang unang naisip ko ay ang sarili kong mga oportunidad sa hinaharap, kalalabasan at destinasyon. Inalisa ko ang tungkulin para makita kung kapaki-pakinabang ba ito sa akin at bago pa ako magsimulang maglingkod bilang lider, napag-isipan ko na ang lahat ng posibleng kahihinatnan ng kabiguang magawa nang maayos ang aking tungkulin. Puno ako ng hinala at pagdududa sa Diyos at ayaw kong magpasakop kahit kaunti. Nag-isip pa nga ako ng mga palusot na magandang pakinggan para makatakas ako sa tungkulin—masasabi ko na wala akong kakayahan para maging lider at maaantala ko ang gawain. Sa panlabas, parang hindi ako naghahangad ng katayuan at medyo may katwiran ako, pero may napakasamang motibo sa likod ng lahat ito: natatakot akong tumanggap ng mga responsabilidad ng isang lider at sa panganib na mabunyag at matiwalag ako kung hindi ko iyon magawa nang maayos. Kaya, ginusto kong umalis sa tungkulin para siguruhin ang aking mga oportunidad sa hinaharap. Ang layunin ng Diyos ay ang bigyan tayo ng mga pagkakataon para maisagawa ang pagtupad sa mga tungkulin para matulungan tayong maunawaan ang katotohanan, makapasok sa realidad, maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon natin at makamit ang kaligtasan. Nang ibigay sa akin ang kahanga-hangang pagkakataon na iyon, hindi lang ako nabigong maging mapagpasalamat sa biyaya ng Diyos, hindi ko pa nga naunawaan at naghinala ako sa Diyos at ginusto kong takasan at tanggihan ang tungkulin na itinakda sa akin. Talagang makasarili at mapanlinlang ako!
Mula noon, naghanap ako ng iba pang mga sipi ng mga salita ng Diyos na may kinalaman sa aking nakalilinlang na pananaw. Nahanap ko ang mga siping ito: “Sabihin mo sa Akin, sa sandaling magtamo ang mga tiwaling tao ng katayuan—sino man sila—sila ba ay nagiging mga anticristo? Tiyak ba ito? (Kung hindi nila hinahangad ang katotohanan, kung gayon sila ay magiging mga anticristo, ngunit kung hinahangad nga nila ang katotohanan, hindi sila magkakagayon.) Tama talaga iyan: Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, siguradong magiging mga anticristo sila. At totoo bang ang lahat ng tumatahak sa landas ng mga anticristo ay ginagawa iyon dahil sa katayuan? Hindi, ang pangunahing dahilan niyon ay wala silang pagmamahal sa katotohanan, dahil hindi sila ang mga tamang tao. May katayuan man sila o wala, ang mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tumatahak lahat sa landas ng mga anticristo. Gaano man karaming sermon ang narinig nila, hindi tinatanggap ng gayong mga tao ang katotohanan, hindi sila tumatahak sa tamang landas, sa halip ay determinado silang tahakin ang maling landas. Maitutulad ito sa paraan ng pagkain ng mga tao: May ilang hindi kumakain ng nagpapalusog ng kanilang katawan at sumusuporta ng isang normal na buhay, ngunit sa halip ay ipinipilit ang pagkonsumo ng mga bagay na nakasasama sa kanila, na sa huli ay nakapipinsala sa kanilang mga sarili. Hindi ba nila ito sariling pagpili? Matapos maitiwalag, ang ilang lider at manggagawa ay nagpapakalat ng mga kuru-kuro, sinasabing, ‘Huwag kang mamuno, at huwag hayaan ang sarili mong magtamo ng anumang katayuan. Mapapahamak ang mga tao sa sandaling nagtamo sila ng katayuan, at ibubunyag sila ng Diyos! Sa sandaling sila ay maibunyag, ni hindi sila magiging kwalipikado na maging mga karaniwang mananampalataya, at hindi talaga makakatanggap ng mga pagpapala.’ Anong uri ba ng pananalita iyan? Sa pinakamababaw, kinakatawan nito ang maling pagkaintindi sa Diyos; sa pinakamalala, ito ay kalapastanganan sa Kanya. Kung hindi mo tinatahak ang tamang landas, hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi sinusunod ang daan ng Diyos, sa halip ay pinipilit mong tahakin ang daan ng mga anticristo at humantong sa landas ni Pablo, nagkaroon ng kaparehong kinalabasan sa huli, kaparehong katapusan gaya ng kay Pablo, nagrereklamo pa rin tungkol sa Diyos at hinuhusgahan ang Diyos bilang hindi matuwid, hindi ba ikaw ang tunay na pantukoy ng isang anticristo? Isinumpa ang gayong pag-uugali!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan). “Iniisip ng ilang tao, ‘Ang sinumang namumuno ay hangal at mangmang at nagdudulot ng sarili nilang kapahamakan, sapagkat ang pagganap bilang isang lider ay hindi maiiwasang magdulot sa mga taong maghayag ng katiwalian upang makita ng Diyos. Nahahayag ba ang labis na katiwalian kung hindi nila ginawa ang gawaing ito?’ Napakakatawa-tawang ideya! Kung hindi ka kikilos bilang isang lider, hindi ka ba maghahayag ng katiwalian? Ang hindi pagiging lider, kahit na nagpapakita ka ng mas kaunting katiwalian, ay nangangahulugan ba na nakamit mo na ang kaligtasan? Ayon sa argumentong ito, ang lahat ba ng mga hindi naglilingkod bilang mga lider ang siyang makakaligtas at maliligtas? Hindi ba’t ang pahayag na ito ay lubos na katawa-tawa? Ang mga taong naglilingkod bilang mga lider ay gumagabay sa mga hinirang ng Diyos upang kainin at inumin ang salita ng Diyos at upang maranasan ang gawain ng Diyos. Mataas ang hinihinging ito at pamantayang ito, kaya hindi maiiwasan na ang mga lider ay maghahayag ng ilang tiwaling kalagayan kapag nagsisimula pa lang silang magsanay. Ito ay normal, at hindi ito kinokondena ng Diyos. Hindi lamang na hindi ito kinokondena ng Diyos, kundi binibigyang-liwanag, tinatanglawan, at ginagabayan rin Niya ang mga taong ito, at binibigyan sila ng dagdag na pasanin. Hangga’t kaya nilang magpasakop sa patnubay at gawain ng Diyos, mas mabilis silang uunlad sa buhay kaysa sa mga ordinaryong tao. Kung sila ay mga taong naghahangad ng katotohanan, matatahak nila ang landas ng pagpeperpekto ng Diyos. Ito ang bagay na pinakapinagpala ng Diyos. Hindi ito nakikita ng ilang tao, at binabaluktot nila ang mga katotohanan. Ayon sa pagkaunawa ng tao, gaano man magbago ang isang lider, walang pakialam ang Diyos; titingnan lamang Niya kung gaano kalaking katiwalian ang inihahayag ng mga lider at manggagawa, at kokondenahin Niya sila batay lamang dito. At para sa mga hindi lider at manggagawa, dahil kaunting katiwalian lamang ang inihahayag nila, kahit hindi sila magbago, hindi sila kokondenahin ng Diyos. Hindi ba’t ito ay katawa-tawa? Hindi ba’t ito ay kalapastangan sa Diyos? Kung napakalubha mong nilalabanan ang Diyos sa puso mo, maliligtas ka ba? Hindi ka maliligtas. Pangunahing pinagpapasyahan ng Diyos ang mga kahihinatnan ng mga tao batay sa kung taglay nila ang katotohanan at mayroon silang tunay na patotoo, at ito ay pangunahing nakasalalay sa kung sila ay mga taong naghahangad ng katotohanan. Kung hinahangad nga nila ang katotohanan, at tunay silang makapagsisisi pagkatapos silang hatulan at kastiguhin dahil sa paggawa ng paglabag, hangga’t hindi sila nagsasabi ng mga salita o gumagawa ng mga bagay na lumalapastangan sa Diyos, tiyak na makapagkakamit sila ng kaligtasan. Ayon sa inyong mga guni-guni, ang lahat ng ordinaryong nananalig na sumusunod sa Diyos hanggang sa wakas ay makapagkakamit ng kaligtasan, at ang mga nagsisilbing lider ay dapat itiwalag lahat. Kung kayo ay hihilingin na maging lider, iisipin ninyo na hindi magiging mabuti na hindi gawin ito, ngunit kung kayo ay magsisilbing lider, hindi sinasadyang maghahayag kayo ng katiwalian, at iyon ay magiging katulad lang ng pagpapadala ng inyong sarili sa gilotina. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay dulot ng inyong mga maling pagkaunawa sa Diyos? Kung ang mga kahihinatnan ng mga tao ay pinagpapasyahan batay sa katiwalian na kanilang inihahayag, walang sinuman ang maliligtas. Kung ganoon nga, ano ang magiging silbi ng paggawa ng Diyos sa gawain ng pagliligtas? Kung ganito nga talaga, nasaan ang pagiging matuwid ng Diyos? Hindi makikita ng sangkatauhan ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Samakatuwid, lahat kayo ay mali ang pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, na nagpapakita na kayo ay walang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutunan ko na ang mga huwad na lider at mga anticristo ay hindi ibinunyag at itiniwalag dahil naglilingkod sila bilang mga lider, kundi dahil nabigo silang hangarin ang katotohanan at tahakin ang tamang landas pagkatapos magkamit ng katayuan. Bukod pa roon, nagambala at nagulo nila ang gawain ng iglesia at ayaw nilang magsisi kahit gaano pa sila pungusan ng iba—ito ang tunay na dahilan kung bakit sila ibinunyag at itiniwalag. Hindi kinokondena ng Diyos ang mga tao batay lang sa iisang pagbubunyag ng katiwalian o iisang pagkakamali; isinasaalang-alang Niya ang kanilang kalikasang diwa at ang landas na kanilang tinatahak. Kahit ibinubunyag natin ang ating tiwaling disposisyon sa maraming pagkakataon at nakakagawa tayo ng ilang pagsalangsang, hangga’t naghahangad tayo ng katotohanan at tunay na nagsisisi, bibigyan tayo ng Diyos ng isa pang pagkakataon. Itinitiwalag lang ng Diyos ang mga anticristo at masasamang tao na tutol at namumuhi sa katotohanan at hindi nagsisisi kahit kailan gaano man karaming pagsalangsang ang kanilang nagagawa. Naisip ko ang mga huwad na lider at mga anticristo na ibinunyag at itiniwalag ng Diyos noon. Ang ilan ay nagsabi lang ng mga salita at doktrina at nagbigay ng mga utos pero nabigong lutasin ang mga aktuwal na problema at pinag-imbutan ang mga pakinabang ng kanilang katayuan. Sa huli, natukoy sila bilang mga huwad na lider at tinanggal. Ang iba ay naghangad lang ng katayuan at reputasyon habang gumagawa, nakipagtunggali sa iba para sa katanyagan, basta lang pinigilan at pinahirapan ang mga tao, labis na sumalungat sa mga pagsasaayos ng gawain at sumunod sa sarili nilang mga plano, nagtatag ng isang “nagsasariling kaharian,” nambitag ng mga tao, ganap na tumangging magsisi at sa huli ay nabunyag bilang mga demonyong anticristo at pinatalsik. Ito ang mga tipo ng mga tao na ibinubunyag at itinitiwalag. Nang mapagtanto ko ito, naunawaan ko na ang mga tao ay hindi ibinubunyag at itinitiwalag batay sa kung ano ang tungkulin na ginagawa nila, kundi batay sa kung naghahangad ba sila ng katotohanan at kung ang diwa ng kanilang pagkatao ay mabuti ba o masama. Kung ang isang tao ay hindi naghahangad ng katotohanan at masama ang pagkatao, kahit pa hindi siya lider, hindi niya gagawin nang maayos ang tungkulin niya; kung parati siyang tatamad-tamad habang gumagawa, pabaya kung kumilos at ni hindi gumaganap ng katanggap-tanggap na trabaho, sa huli ay ititiwalag pa rin siya. Napagtanto ko na pinapangasiwaan at isinasaayos ng iglesia ang mga tao sa isang napakamaprinsipyong pamamaraan, na ang disposisyon ng Diyos ay matuwid at ang iglesia ay pinamamahalaan ng katotohanan at pagiging matuwid. Gayunpaman, hindi ko nakita ang katunayang ito at nakalilinlang kong inisip na mapapahamak ako kapag naging lider ako. Napakahangal ng aking mga pananaw!
Isang beses sa aking debosyonal, nakita ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail. Sa pamamagitan ng proseso ng paggawa ng kanyang tungkulin unti-unting nagbabago ang tao, at sa pamamagitan ng prosesong ito niya ipinamamalas ang kanyang katapatan. Sa gayon, kapag mas nagagawa mo ang iyong tungkulin, mas maraming katotohanan kang matatanggap, at magiging mas totoo ang iyong pagpapahayag. Yaong mga gumagawa para matapos na lamang ang kanilang tungkulin at hindi hinahanap ang katotohanan ay ititiwalag sa bandang huli, sapagkat ang gayong mga tao ay hindi ginagawa ang kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng katotohanan, at hindi isinasagawa ang katotohanan sa paggampan ng kanilang tungkulin. Sila yaong mga nananatiling hindi nagbabago at isusumpa. Hindi lamang marumi ang kanilang mga pagpapahayag, kundi masama ang lahat ng kanilang ipinapahayag” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Lalo pa akong nalinawan matapos kong mabasa ang mga salita ng Diyos. Walang kaugnayan ang tungkulin na ginagawa ng isang tao sa kung siya ba ay pinagpala o isinumpa. Dahil sa katunayang tayo ay mga nilikha, dapat nating tuparin ang ating mga tungkulin. Kung may isang tao na hindi kayang tumupad sa kanyang tungkulin, hindi siya matatawag na isang nilikha. Kung paanong tama at wasto na maging mabuting anak sa mga magulang; bigyan man siya ng mga ito sa huli ng karapatan sa kanilang mga ari-arian o hindi, dapat tuparin ng mga anak ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon. Ako naman, anong klase ang saloobin ko sa aking tungkulin? Nang maisip kong kailangan kong magpasan ng mas malaking responsabilidad bilang lider at kung hindi ko ito magagawa nang maayos ay manganganib ang aking mga oportunidad at tadhana, gusto kong maghanap ng mga palusot para makalaya sa tungkulin at tanggihan ito. Kahit kaunti ay hindi ko itinuring ang tungkulin bilang responsabilidad o obligasyon na dapat kong tuparin. Sa halip, tiningnan ko ang mga tungkulin bilang isang uri ng pakikipagtransaksyon at pumili ako batay sa kung magdadala ba ang mga iyon sa akin ng mga pagpapala o sumpa. Wala akong kahit katiting na katwiran na mayroon dapat ang isang nilikha patungkol sa kanyang tungkulin. Bukod pa roon, nakalilinlang akong naniwala na dahil hindi ako propesyonal at wala akong mga teknikal na kasanayan sa produksyon ng video, hindi ko magagawa nang maayos ang aking gawain. Pero, malinaw na sinasabi ng Diyos: “Sa katunayan, bilang isang lider, kapag natapos mo na ang mga pagsasaayos ng gawain, dapat mong subaybayan ang pag-usad ng gawain. Kahit hindi ka pamilyar sa larangang iyon ng gawain—kahit wala kang anumang kaalaman tungkol dito—makakahanap ka ng paraan para magawa ang gawain mo. Makakahanap ka ng isang taong may kaalaman, na nauunawaan ang gawaing pinag-uusapan, na suriin ang mga bagay-bagay at magbigay ng mga mungkahi. Mula sa kanilang mga mungkahi matutukoy mo ang angkop na mga prinsipyo, kaya magagawa mong subaybayan ang gawain” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4). Direktang pinabulaanan ng mga salita ng Diyos ang mga kuru-kuro ko—hindi kailanman hiningi ng Diyos na dapat mayroon tayo ng lahat ng teknikal na kasanayan sa isang larangan para maging lider tayo. Kahit pa wala tayong propesyonal na karanasan sa isang larangan, palagi tayong makakahanap ng mga kapatid na may teknikal na kaalaman para makipagtulungan sa atin at hanapin ang mga prinsipyo sa ganitong paraan. Sa gayon, magagawa pa rin natin ang trabaho, at kung talagang hindi natin maintindihan ang isang bagay, puwede tayong humingi ng tulong mula sa mga nakakataas na lider. Gayunpaman, kung ilalagay ko rito ang buong puso ko at gagawin ko ang lahat ng makakaya ko, pero ang tayog ko ay sobrang baba lang, kulang ang kakayahan ko at hindi talaga ako akma para sa gawaing ito, maaari akong magbitiw at tumanggap ng ibang tungkulin. Nang mapagtanto ko ang layunin ng Diyos, pakiramdam ko ay mas naging malinaw sa akin ang bagay na ito at isinantabi ko ang aking mga pag-aalala at pagkabalisa.
Kalaunan, nakita ko ang dalawa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Noong gumawa si Noe ayon sa tagubilin ng Diyos, hindi niya alam kung ano ang mga layunin ng Diyos. Hindi niya alam kung ano ang gustong maisakatuparan ng Diyos. Binigyan lang siya ng Diyos ng kautusan at binilinan siyang gumawa ng isang bagay, at nang walang gaanong paliwanag, tumuloy si Noe at ginawa ito. Hindi niya sinubukang alamin ang mga pagnanais ng Diyos nang palihim, ni hindi siya lumaban sa Diyos o nagpakita nang kawalang-katapatan. Humayo lamang siya at ginawa ito nang may malinis at simpleng puso. Anuman ang ipinagawa ng Diyos ay ginawa niya, at ang pagpapasakop at pakikinig sa salita ng Diyos ang nagpalakas ng kanyang paniniwala sa kanyang ginawa. Ganito katapat at kasimple ang pagharap niya sa ipinagkatiwala ng Diyos. Ang kanyang diwa—ang diwa ng kanyang mga paggawa ay pagpapasakop, hindi pagdadalawang-isip, hindi paglaban, at higit pa rito, hindi pag-iisip ng mga pansarili niyang kapakanan o pakinabang at kawalan. At noon pang sinabi ng Diyos na gugunawin Niya ang mundo sa pamamagitan ng isang baha, hindi tinanong ni Noe kung kailan o kung anong mangyayari sa mga bagay-bagay, at tiyak na hindi niya tinanong ang Diyos kung paano Niya gugunawin ang mundo. Gumawa lang siya ayon sa tagubilin ng Diyos. Sa paano mang paraan nais ng Diyos na gawin ito at kung sa ano gawa ito, ginawa niya mismo ang hiningi ng Diyos at kaagad na sinimulan ang paggawa. Kumilos siya alinsunod sa mga tagubilin ng Diyos nang may saloobing nagnanais na magbigay-kasiyahan sa Diyos. Ginagawa ba niya ito upang matulungan ang sarili niya na makaiwas sa sakuna? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos kung gaano pa katagal bago gunawin ang mundo? Hindi. Tinanong ba niya ang Diyos o alam ba niya kung gaano katagal gawin ang arka? Hindi rin niya alam iyon. Nagpasakop lamang siya, nakinig, at ginawa ang ipinag-uutos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I). “Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, ‘Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.’ Gayunpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat silang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging tapat sa tungkulin na dapat nilang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi nagiging walang sigla sa iyong tungkulin, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang pagganap nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para palugurin ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sa mga salita ng Diyos, natutunan ko na hindi pa marami ang narinig ni Noe na mga salita ng Diyos at hindi pa siya nakagawa ng isang arka noon, pero nang maharap sa atas ng Diyos, hindi niya ito inalisa o siniyasat, at hindi niya sinubukang hulaan ang mga ninanais ng Diyos. Sa halip, sumunod lang siya, nagpasakop siya at ginawa niya ang anumang sinabi sa kanya ng Diyos nang hindi pinag-iisipan kung paano ito makakaapekto sa kanyang mga pansariling interes. Ang pagiging inosente at tapat ni Noe ay nagkaroon ng malalim na epekto sa akin at napahiya ako at nahiya. Naisip ko kung paanong pinili ako ng mga kapatid para maging lider nila, pero nang maharap sa ganoon kahalagang tungkulin, ang naisip ko lamang ay ang mga pansarili kong interes at inisip ko pa nga ang lahat ng posibleng kahihinatnan na baka mangyari sa akin kung tatanggapin ko ang tungkulin. Nakita ko kung gaano ako naging mapanlinlang—ang pagkatao ko ay walang-wala kumpara sa isang kagaya ni Noe. Paano ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko kung ganito ang saloobin ko? Nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Anong uri ng tao ang nangangahas na umako ng responsabilidad? Anong uri ng tao ang may tapang na magdala ng mabigat na pasanin? Isang taong nangunguna at matapang na humaharap sa pinakamahalagang sandali ng gawain ng sambahayan ng Diyos, na hindi takot pumasan ng mabigat na responsabilidad at magtiis ng matinding hirap, kapag nakikita niya ang gawain na pinakaimportante at pinakamahalaga. Iyon ang isang taong matapat sa Diyos, isang mabuting kawal ni Cristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Unang Bahagi)). Malalim akong naantig ng mga salita ng Diyos—napagtanto ko na kailangan kong huminto sa pag-iisip ng mga sarili kong oportunidad sa hinaharap. Napili ako bilang lider, kaya dapat kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos, pangahasan na tanggapin ang malaking responsabilidad na ito at gayahin si Noe sa pagtingin sa aking tungkulin nang may matapat at dalisay na puso. Noong una, hindi ko alam kung saan ako magsisimula sa aking tungkulin, kaya madalas akong manalangin sa Diyos at tumanggap ako ng matiyagang suporta mula sa aking kaparehang kapatid at pagpapalakas ng loob mula sa iba pang mga kapatid. Minsan, kapag nahaharap ako sa mga problema, hinahanap ko ang mga kapatid na nagkaroon na ng magagandang resulta sa kanilang gawain at bukas-palad nilang ibinabahagi sa akin ang mga prinsipyong naarok nila at anumang mga epektibong paraan na nagamit nila. Naantig talaga ako. Unti-unti, nagsimula kong maarok ang ilang prinsipyo at landas ng pagsasagawa at naging mas epektibo ako sa aking tungkulin. Naramdaman ko talaga ang paggabay ng Diyos at labis akong nagpasalamat sa Diyos. Marami pa rin akong pagkukulang at alam kong mabigat ang dala kong responsabilidad, pero hindi ko na hinihiling na umatras—aasa ako sa Diyos para magsumikap na bumuti!