Sa Gitna ng Panganib
Noong Disyembre 2011, sunud-sunod na inaresto ang mga kapatid na mula sa iba’t ibang iglesia. Isinaayos ng aming iglesia na magkakahiwalay naming pamahalaan nina Sister Chen Xi at Sister Liang Xin ang ibinunga nito. Noong ika-25 ng buwan, katatapos ko lang mananghalian, may tumawag sa akin sa telepono. Ang boses sa kabilang linya ay nagsalita nang may matinding pangangailangan at sinabing, “Li Xin, masamang balita!” Nang marinig ko si Chen Xi na nagsabi nito, kinabahan ako. Sinabi niya sa akin sa naka-code na wika na inaresto ng mga pulis si Liang Xin nang umagang iyon, at sinamsam din nila ang pera ng iglesia. Sinabi ni Chen Xi na baka nasundan ito, at sinabihan ako na gumawa ng paraan para harapin ang ibinunga nito at umalis ako kaagad.
Sumalampak ako sa sofa at naisip ko, “Matagal-tagal na siguro kaming sinusundan at sinusubaybayan ng mga pulis, at dumating silang handa. Alam ko na may isang lugar kung saan tinatago ang mga aklat at ari-arian ng iglesia. Nakapunta na roon pareho sina Chen Xi at Liang Xin. Kailangan kong ilipat kaagad ang mga bagay na ito sa isang ligtas na lugar, kung hindi ay maaari itong samsamin ng mga pulis anumang sandali.” Pero naisip ko, “Baka natuklasan na din ng mga pulis ang lugar na iyon, kaya kung pupunta ako ngayon, hindi kaya isinusuko ko lang ang sarili ko sa kanila? Kung mahuli ako, tiyak na pahihirapan ako ng mga pulis. Kung hindi ko makayanan ang pagpapahirap at pagtaksilan ko ang Diyos, hindi ko makakamit ang magandang katapusan at hantungan, hindi ba?” Nang lalo kong isipin iyon, lalo akong natakot. Naisip ko na baka mas makakabuti para sa akin ang manatili kung saan ako naroon at hintayin kong kumalma ang mga bagay-bagay. Pero labis akong nabalisa, dahil ngayong may mga nawala sa mga interes ng iglesia, responsibilidad kong protektahan ang mga ito. Paano ko hahayaang maging duwag ako sa panahong ito? Nahirapan akong pumili sa pagitan ng sarili kong kaligtasan at ng mga interes ng iglesia, at hindi ko alam ang gagawin. Pero, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag ginagampanan mo ang tungkulin mo, iniisip mo ang sarili mong kapakanan, ang sarili mong kaligtasan, ang mga kasapi ng pamilya mo. Ano ba ang nagawa mo na kailanman para sa Akin? Kailan mo ba Ako naisip? Kailan mo ba nailaan ang sarili mo, anuman ang kapalit, para sa Akin at sa gawain Ko? Nasaan ang katibayan na kaayon Kita? Nasaan ang realidad ng katapatan mo sa Akin?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon ni Cristo). Ibinunyag ng salita ng Diyos ang mismong kalagayan ko. Naharap sa pagiging arestado at pag-uusig ng malaking pulang dragon, ang inisip ko ay hindi ang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos o protektahan ang gawain ng iglesia. Sa halip, sariling mga interes ko lang ang inisip ko. Takot akong maaresto at mapahirapan, at mas takot pa nga ako na baka masiraan ako ng loob dahil sa pagpapahirap, baka magsa-Hudas ako, at dahil doon ay hindi ko kailanman makakamit ang magandang katapusan at hantungan. Lahat ng pangamba ko ay para pangalagaan ang sarili kong mga interes. Sa kritikal na sandaling ito, para protektahan ang sarili ko, binalewala ko ang mga interes ng iglesia at ginusto kong magpabaya sa aking tungkulin. Labis akong makasarili at kasuklam-suklam! Gaano man kasama ang mga pulis, nasa mga kamay pa rin sila ng Diyos, at kung walang pahintulot ang Diyos, hindi nila magagalaw ni isang hibla ng buhok sa ulo ko. Nasasaisip ito, mas kumalma ako at hindi na masyadong natakot. Sa oras na iyon, naisip ko kung paano ipinako sa krus ang Panginoong Jesus para kumpletuhin ang gawain ng pagtubos para sa buong sangkatauhan. Bakit hindi natitinag ang Panginoong Jesus sa pag-alay ng Kanyang buhay para kumpletuhin ang atas ng Diyos? Hinanap ko ang mga may kaugnayang bahagi ng salita ng Diyos para basahin, na nagsabing: “Nagawa ni Jesus na tapusin ang atas ng Diyos—ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan—dahil nagpakita Siya ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, nang walang pansariling mga plano at pagsasaayos. Kaya, ganoon din, Siya ay kaniig ng Diyos—ang Diyos Mismo—na isang bagay na nauunawaan ninyong lahat nang napakaigi. (Ang totoo, Siya ang Diyos Mismo na pinatotohanan ng Diyos. Binabanggit Ko ito rito upang gamitin ang katunayan ni Jesus upang isalarawan ang usapin.) Nagawa Niyang ilagay ang plano ng pamamahala ng Diyos sa pinakasentro, at palaging nanalangin sa Ama sa langit at hinangad ang kalooban ng Ama sa langit. Nanalangin Siya at nagsabi: ‘Diyos Ama! Ganapin ang Iyong kalooban, at kumilos hindi ayon sa Aking mga kagustuhan kundi ayon sa Iyong plano. Maaaring mahina ang tao, ngunit bakit Mo dapat alalahanin siya? Paano magiging karapat-dapat ang tao sa Iyong pag-aalala, ang tao na tulad ng isang langgam sa Iyong kamay? Sa Aking puso, nais Ko lamang na tuparin ang Iyong kalooban, at nais Ko na Iyong magawa ang nais Mong gawin sa Akin ayon sa Iyong sariling mga kagustuhan.’ Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos). Matapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, medyo naantig ako. Para tubusin ang sangkatauhan, na namuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, tinulutan ng Panginoong Jesus na maipako Siya sa krus at maging handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, na tinitiis ang napakatinding sakit at kahihiyan. Inuna Niyang isakatuparan ang atas ng Diyos higit sa lahat, nang walang mga kundisyon o pagdadahilan, at hindi isinaalang-alang ang Kanyang mga mapapakinabangan o ang mga mawawala sa Kanya. Samantala, nang dumating sa akin ang isang tungkulin, hindi ko sinubukang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos o isakatuparan ang aking responsibilidad. Inisip ko lamang ang sarili kong kaligtasan at huling hantungan. Sa sandaling iyon, ikinahiya ko ang sarili ko, at lalo akong nagsisi at nagkautang na loob sa Diyos. Agad akong lumuhod at nagdasal sa Diyos para magsisi.
Sa sandaling iyon, naalala ko ang isang himno ng salita ng Diyos, na kadalasa’y gusto kong awitin. Ang awiting ito’y panalangin ni Pedro noong siya ay nasa matinding paghihirap sa panahon ng kanyang pagsubok,
Nais Kong Ilaan ang Buong Buhay Ko sa Diyos
1 … Alam Mo kung ano ang kaya kong gawin, at alam Mo rin kung anong papel ang kaya kong gampanan. Nais kong magpasailalim sa Iyong mga pamamatnugot, at ilalaan ko sa Iyo ang lahat ng mayroon ako.
2 Ikaw lamang ang nakakaalam kung ano ang kaya kong gawin para sa Iyo. Bagama’t labis akong nilinlang ni Satanas at naghimagsik ako laban sa Iyo, naniniwala ako na hindi Mo ako inaalala sa mga paglabag na iyon at na hindi Mo ako tinatrato batay sa mga iyon. Nais kong ilaan ang buong buhay ko sa Iyo. Wala akong hinihiling, ni wala akong ibang mga inaasam o mga plano; nais ko lamang kumilos ayon sa Iyong mga layunin at sumunod sa Iyong kalooban. Iinom ako mula sa Iyong mapait na saro, at narito ako upang pag-utusan Mo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Nakilala ni Pedro si Jesus
Naantig at nagkainspirasyon ako sa panalangin ni Pedro. Tunay ngang alam ng Diyos ang aking tayog at kung anong mga tungkulin ang kaya kong gampanan, at dahil dumating na sa akin ang tungkuling ito, alam ko na dapat kong gampanan ito nang walang pag-aalinlangan. Dito ako nagkaroon ng determinasyong isantabi ang mga personal kong interes at isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Kinabukasan, nagmadali akong ilipat ang mga aklat at ari-arian. Sa oras na ito, labis akong nag-aalala. Natakot ako na baka may mangyaring masama habang nasa daan, kaya patuloy akong nanalangin sa Diyos. Naisip ko ang salita ng Diyos: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Nagbigay kaagad sa akin ng pananampalataya ang mga salitang ito ng Diyos. Ako ay ganap na nasa mga kamay ng Diyos, at nasa Kanya na kung magkaroon ng panganib habang nasa daan. Ang trabaho ko ay tapusin ang aking gawain sa abot ng aking makakaya at gawin ang magagawa ko. Dahil ang Diyos ang aking suporta, wala akong dapat ikatakot. Kalaunan, nang nailipat ang mga aklat at ari-arian sa isang ligtas na lugar, sa wakas ay napanatag na ang loob ko.
Makalipas ang isang taon, noong Disyembre 2012, nasa panahon ako na lumalaganap nang husto ang ebanghelyo, at maraming tao sa buong bansa ang tumatanggap sa gawain ng Makapangyarihang Diyos. Galit na galit ang Partido Komunista. Ginamit nito ang mga tagapagsalita nila sa media para atakihin at siraan ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at galit na galit na sinawata at inaresto ang mga kapatid. Sa bayan kung saan ako nakatira, mahigit sa sampung kapatid ang inaresto. Isang araw, habang nasa labas ako ng bayan para sa isang pagpupulong, bigla akong nakatanggap ng tawag mula kay Sister Tian Hui. Kinakabahan niyang sinabi, “Masamang balita, may nangyari….” Natanto ko na malamang ay hindi niya kayang sabihin iyon sa akin nang malinaw sa telepono, kaya ibinaba ko ang telepono at nagmadali akong umuwi. Matapos kong katagpuin si Tian Hui, nalaman ko na pinaghahanap ng mga pulis ang dalawang sister na nagpapalaganap ng ebanghelyo. Nagpaskil ang mga pulis ng mga karatulang wanted para sa kanila sa mga paskilan ng propaganda, poste ng telepono, tarangkahan ng pabrika, at sa lahat ng kalye. Ginamit din ng mga ito ang mga litrato nila para isa-isang tingnan ang nagdaraang mga sasakyan at tumatawid sa mga sangandaan sa probinsya. Sinabi sa akin ni Tian Hui na tinulungan ng mga kapatid ang dalawang sister na ito na makahanap ng pansamantalang mapagtataguan. Gayunman, narinig ng maraming kapamilya ng aming mga kapatid ang balita na pinapatindi ng gobyerno ang pag-aresto sa mga mananampalataya, at lubha silang nag-aalala na baka maaresto rin ang kanilang mga kapamilya, kaya hindi nila pinalabas ng bahay ang mga kapatid at hindi sila pinayagang sumama sa mga pagtitipon. Tinalakay ko kay Tian Hui kung ano ang gagawin, at napagdesisyonan namin na diligan at suportahan ang mga kapatid nang magkakahiwalay, upang maunawaan ng lahat ang katotohanan, hindi makontrol ng mga puwersa ng kadiliman ng malaking pulang dragon, at maging matatag sa gayong sitwasyon.
Isang araw, nagpunta ako para suportahan ang isang sister, at nang matapos kami sa aming pagbabahaginan, lagpas na ng hatinggabi. Naglakad akong mag-isa sa tahimik at walang katao-taong kalsada, na iniisip sa sarili ko, “Kinailangan kong suportahan ang sister na ito hanggang hatinggabi, at napakaraming kapatid pa ring kailangang diligan at suportahan. Malupit ang kapaligiran ngayon, kaya kung patuloy akong magbabahay-bahay na kagaya nito, at mahuli ako, hindi ko alam kung anong klaseng pagpapahirap ang gagamitin sa akin ng mga pulis. Bubugbugin ba ako ng Partido Komunista hanggang sa mamatay dahil galit ito sa mga taong naniniwala sa Diyos? Kung mabugbog ako hanggang sa mamatay, hindi ko makikitang mabuo ang kagandahan ng kaharian, hindi ba? Ang pagganap sa tungkuling ito ay lubhang mapanganib. Walang sinumang tahasang nagsaayos para suportahan ko ang aking mga kapatid ngayon, kaya bakit ako nakikipagsapalaran?” Nang lalo ko itong isipin, lalo akong natakot. Nang makauwi ako, nakatanggap ako ng sulat mula sa isang sister. Inaresto siya at ang mahigit isang dosenang kapatid dahil sa pangangaral ng ebanghelyo kailan lang. Kakalaya lang niya. Sinabi niya sa sulat na pinapasabi sa amin ng mga kapatid na nasa bilangguan na huwag mag-aalala tungkol sa kanila. Kahit inaresto, ikinulong, at dumanas sila ng ilang paghihirap, pakiramdam nila ay isang karangalan ang mausig dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Sinabi rin ng sister na pagkalipas ng ilang sandali, kapag natiyak niya na tumigil na ang mga pulis sa pagsunod at pagsubaybay sa kanya, patuloy niyang ipapangaral ang ebanghelyo. Nang mabasa ko ang sulat niya, nakonsiyensya akong masyado. Nagdurusa ang mga kapatid na ito sa bilangguan, pero sa halip na magreklamo, nakita nila na isang kaluwalhatiang mausig dahil sa pangangaral ng ebanghelyo. Pagkatapos ay naisip ko ang sarili ko. Sinusuportahan ko lang ang aking mga kapatid at ginagawa ang ilang gawain para mapamahalaan ang mga bagay-bagay bilang resulta ng maraming pag-aresto, pero nag-alala ako palagi na baka arestuhin ako at bugbugin hanggang sa mamatay. Ang tanging inisip ko ay ang sarili kong mga interes, katapusan, at hantungan. Nang lalo ko itong isipin, lalo akong nagsisi at nakaramdam ng pagkakasala. Sobra akong naging makasarili at kasuklam-suklam, at hindi ako karapat-dapat sa pagdidilig at pagtustos ng Diyos. Dito ko naalala ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Hinahangaan Ko ang mga liryong namumukadkad sa kaburulan; umaabot ang mga bulaklak at damo patawid sa mga dalisdis, ngunit nagdaragdag ng kislap ang mga liryo sa Aking kaluwalhatian sa lupa bago sumapit ang tagsibol—makakamit ba ng tao ang gayong mga bagay? Maaari kaya siyang magpatotoo sa Akin sa lupa bago Ako bumalik? Maiaalay kaya niya ang kanyang sarili alang-alang sa Aking pangalan sa bansa ng malaking pulang dragon?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 34). Nabasa ko rin ang isa pang sipi: “Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko nang kaunti ang layunin ng Diyos. Tinutulutan ng Diyos ang malaking pulang dragon na usigin kami para gawing perpekto ang aming pananampalataya at pagpapasakop. Sa mga huling araw, ginagawang perpekto ng Diyos ang isang grupo ng mga tao na maging mananagumpay, mga tao na, gaano man kapanganib at kakila-kilabot ang sitwasyon, ay kayang gawin ang kanilang mga tungkulin, isagawa ang katotohanan, at tumayong matatag bilang saksi. Ito na ang panahon na kinailangan kong tumayong matatag bilang saksi sa Diyos, pero alang-alang sa sarili kong kaligtasan, ginusto kong talikdan ang aking tungkulin at takasan ang sitwasyong ito. Talagang naging makasarili ako at kasuklam-suklam. Naisip ko ang mga halaman at bulaklak sa tabing-daan. Gaano man katindi ang lamig o init, gaano man karahas ang sitwasyon, basta’t iyon ang panahong naitakda ng Diyos para sila ay lumago, lumalago sila at namumukadkad, nagpapatotoo sa mga gawa ng Lumikha. Kaya bakit ako nasaktan at nanghina sa sandaling naging medyo mahirap ang sitwasyon? Bakit hindi ko maisakatuparan ang kaunti sa tungkulin ng isang nilalang? Mas mababa talaga ako sa mga bulaklak at halaman sa tabing-daan. Paano ako magiging karapat-dapat na mabuhay sa presensya ng Diyos? Lubha akong nagsisi, kaya pinagnilayan ko ang aking sarili: Tuwing nahaharap ako sa pag-aresto at pag-uusig ng malaking pulang dragon at kinakailangan kong tuparin ang aking tungkulin, bakit isinasaalang-alang ko lamang ang sarili kong mga interes at nabibigo akong manindigan para mapangalagaan ang gawain ng iglesia?
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang Diyos ay walang hanggang kataas-taasan at marangal kailanman, samantalang ang tao ay hamak magpakailanman at walang halaga hanggang sa walang katapusan. Ito ay sapagkat ang Diyos ay walang hanggang gumagawa ng mga sakripisyo at nag-uukol ng sarili Niya para sa sangkatauhan, samantalang ang tao ay walang hanggang nangunguha at nagsisikap para lamang sa sarili niya; ang Diyos ay walang katapusan ang pagpapakahirap para makaligtas ang sangkatauhan, gayon pa man, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay alang-alang sa katarungan o liwanag, at kahit na magsikap ang tao sa maikling panahon, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba; palaging makasarili ang tao, samantalang ang Diyos ay hindi makasarili magpakailanman; ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ay ang siyang nagtatagumpay at nagpapahayag ng lahat ng kapangitan at kasamaan; hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang diwa ng katarungan at kagandahan Niya, gayon pa man, ang tao ay ganap na may kakayahan, sa anumang oras at sa anumang kalagayan, na ipagkanulo ang katarungan at lumayo mula sa Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos). Matapos basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, naantig ako nang husto. Para iligtas ang sangkatauhan mula sa kapangyarihan ni Satanas, dalawang beses na nagkatawang-tao ang Diyos, at gaano man karaming kahihiyan o pagdurusa ang Kanyang tiniis, palaging ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at gumagawa para sa kaligtasan ng tao, at hindi Siya kailanman sumuko sa Kanyang mithiing iligtas ang mga tao. Ang Kanyang diwa ay hindi makasarili at mabuti. Samantala, namuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiyang tulad ng, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at “Huwag tumulong kung walang gantimpala,” palagi kong inuna ang sarili kong mga interes sa lahat ng bagay, at nabigo akong isaalang-alang man lang ang gawain ng iglesia. Kapag may isang bagay na hindi nangailangan ng anumang matinding paghihirap, at hindi sangkot ang aking kinabukasan at hantungan, kaya kong gugulin ang sarili ko o magtiis nang kaunti. Sa sandaling ako ay nahaharap sa banta ng pag-aresto at pag-uusig, lagi akong takot na mahuli, takot na mabugbog hanggang sa mamatay, at takot na hindi makamit ang magandang katapusan at hantungan. Paulit-ulit kong ginustong pabayaan ang aking tungkulin. Hindi ko inisip ang pagiging negatibo at kahinaan ng aking mga kapatid, ni hindi ko inisip ang mga alalahanin ng Diyos. Isinasaalang-alang ko lamang ang aking sariling mga interes. Paano masasabi na mayroon akong konsiyensya? Nang maisip ko ito, lalo akong nahiya, kaya lumuhod ako at nanalangin sa Diyos, “Diyos ko! Makasarili ako, kasuklam-suklam, at wala akong pagkatao. Nais kong magsisi sa Iyo, at diligan at suportahan ang aking mga kapatid.” Pagkatapos kong magdasal, naalala ko ang isa pang himno ng salita ng Diyos:
Dapat Mong Iwan ang Lahat para sa Katotohanan
1 Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan.
2 Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, nakaramdam ako ng matinding pagkaantig. Kahit na talagang maaresto at makulong ako isang araw, o mapahirapan pa hanggang sa mamatay, isa pa rin iyong pagkamatay para sa pagiging martir sa pagganap ng tungkulin ng isang nilalang, na isang marangal na bagay. Ang malampasan ang pagpigil ng kamatayan at matupad ang tungkulin ng isang nilikha ay isang makapangyarihan at matunog na patotoo, mas lalong mabuti kaysa mabuhay na nakakulong sa aking tiwaling disposisyon at ipinagpapatuloy ang isang abang pamumuhay. Nang matanto ko ang mga bagay na ito, lumuwag nang husto ang pakiramdam ko.
Kinabukasan, inimbitahan namin ang ilang kapatid na magtipun-tipon. Sa pagbabahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, naunawaan ng lahat na ang karunungan ng Diyos ay ginagamit batay sa mga panlilinlang ni Satanas, na tinutulutan ng Diyos na dumating sa atin ang pag-uusig at mga kapighatian para gawing perpekto ang ating pananampalataya, at na ang malaking pulang dragon ay kasangkapang pangserbisyo lamang sa gawain ng Diyos. Pagkatapos ng pagbabahaginang ito, naging handa ang lahat na tuparin ang kanilang mga tungkulin para suportahan ang iba pang mga kapatid. Nang makita ko ang mga kapatid na umaahon mula sa kanilang pagiging negatibo at kahinaan at lumalakas, lalo akong naantig. Nakita ko na walang malupit na puwersang makakapigil sa awtoridad at kapangyarihan ng mga salita ng Diyos. Matapos maranasan ang bugso ng pag-uusig at mga pag-aresto na ito, ang lahat ay mas may pananampalataya na sa Diyos, at alam ko na ang lahat ng ito ay biyaya ng Diyos. Sa sandaling ito, naalala ko ang salita ng Diyos: “Makikita ang patunay ng mabilis na pagbagsak ng malaking pulang dragon sa patuloy na paggulang ng mga tao ng Diyos; maliwanag itong makikita ng sinuman. Ang paggulang ng mga tao ng Diyos ay isang tanda ng pagpanaw ng kaaway” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 10). Ginagamit ng Diyos sa Kanyang serbisyo ang mga nagngangalit na pag-aresto ng malaking pulang dragon para gawing perpekto ang mga taong Kanyang hinirang. Sa pamamagitan ng pag-uusig nito, nagawang perpekto ng Diyos ang pananampalataya at pagpapasakop ng aking mga kapatid, at lahat ay nagkaroon ng pag-unlad sa kanilang buhay. Ito mismo ang epekto ng gawaing minimithing makamtan ng Diyos. Nang makita kong matupad ang mga salita ng Diyos, lumago ang aking pananampalataya, at tumindi ang motibasyon kong isagawa ang aking tungkulin kaysa rati.
Hindi nagtagal pagkaraan ng pangyayaring ito, may natanggap akong balita na nahanap na ng mga pulis ang bayan kung saan nagtatago ang dalawang wanted na sister sa pamamagitan ng pagbabantay sa telepono, at nagbahay-bahay sila para mahanap ang mga ito. Nagsaayos din ng mga checkpoint ang mga pulis sa daan. Nakipagsapalaran ang ilang kapatid na dalhin ang dalawang sister sa isang kuwebang tirahan sa labas ng bayan. Napakalamig ng panahon sa loob ng dalawang araw na iyon, pagod na pagod na ang dalawang sister sa katatago at katatakbo, at wala silang makuhang anumang makakain, kaya naging imposibleng manatili sila sa kuweba nang matagal. Kinailangan namin silang sagipin. Naisip ko, “May mga nakapaskil na wanted para sa aking mga sister sa buong kalye, at sinisiyasat ng mga pulis ang nagdaraang mga sasakyan. Kung susubukan naming itakas ang mga sister sa isang sasakyan at mahuli kami ng mga pulis, tiyak na kakasuhan kami ng pagkukubli ng mga pugante. Kapag naaresto kami ng mga pulis, bubugbugin kami hanggang sa halos mamatay kami at kung mabugbog ako hanggang kamatayan, paano ko mahahanap ang katotohanan at paano ako maliligtas?” Nang sumagi iyon sa aking isipan, natanto ko na nagiging makasarili ako, kasuklam-suklam, at sarili ko lang ulit ang iniisip ko, kaya agad akong tahimik na nanalangin sa Diyos at hiniling ko sa Kanya na protektahan ang puso ko para makaya kong pumanig sa Kanya nang hindi iniisip ang personal kong mga interes. Sa sandaling iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin. Ang mapagpala ay kapag ang isang tao ay nagawang perpekto at nagtatamasa ng mga biyaya ng Diyos matapos magdanas ng paghatol. Ang maisumpa ay kapag ang disposisyon ng isang tao ay hindi nagbabago matapos silang magdanas ng pagkastigo at paghatol, iyon ay kapag hindi pa sila nagawang perpekto kundi pinarusahan. Ngunit napagpala man sila o naisumpa, dapat tuparin ng mga nilalang ang kanilang tungkulin, gawin ang dapat nilang gawin, at gawin ang kaya nilang gawin; ito ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin ng isang tao, isang taong naghahanap sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang iyong tungkulin para lamang mapagpala, at hindi ka dapat tumangging kumilos dahil sa takot na maisumpa. Sasabihin Ko sa inyo ang isang bagay na ito: Ang pagganap ng tao sa kanyang tungkulin ang dapat niyang gawin, at kung hindi niya kayang gampanan ang kanyang tungkulin, ito ang kanyang pagkasuwail” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Ang paggampan ng isang tao sa tungkulin ay bokasyon ng isang nilalang, at hindi tayo dapat humingi ng mga kundisyon sa paggawa nito. Gaano man kadelikado ang sitwasyon, o mayroon man tayong magandang katapusan at hantungan, kailangan nating tuparin ang ating tungkulin. Ito ang katwirang kailangang taglayin ng isang nilalang. Tungkulin kong protektahan ang aking mga sister. Kahit mahuli ako habang sinasamahan ko ang aking mga sister at mabugbog hanggang sa mamatay, mamamatay ako alang-alang sa paggampan ng aking tungkulin bilang isang nilalang, na isang maluwalhating bagay! Matapos maunawaan ang mga layunin ng Diyos, lumabas ako para sagipin ang dalawang sister kasama ang iba. Itinago namin sila sa trunk ng sasakyan, at sa takot na matuklasan kami ng mga pulis, iniwasan namin ang mga pangunahing kalsada at dumaan kami sa isang maliit na kalsada sa gubat. Sa buong biyahe, panay ang pagdarasal namin sa Diyos at paghiling na protektahan Niya kami. Pagkaraan ng humigit-kumulang isang oras, tagumpay naming nadala ang aming mga sister sa kanilang patutunguhan, at parang nakahinga ako nang maluwag. Nang pabalik na kami sa bayan, pinatigil ng mga pulis ang aming sasakyan, pero wala sa sasakyan namin ang hinahanap nila, kaya pinalusot nila kami. Muntikan na kami roon!
Sa pamamagitan ng aking karanasan, nakita ko na para masira ang gawain ng Diyos, pinipigilan at inaaresto ang mga mananampalataya sa Diyos, nasiraan na ng bait ang Partido Komunista, pero gaano man katindi ang galit nito, nasa ilalim pa rin ito ng kataas-taasang pagsasaayos ng Diyos, at kasangkapang pangserbisyo lang ito sa mga kamay ng Diyos. Naunawaan ko rin sa wakas ang ibig sabihin ng Diyos sa pagsasabing: “Sa lahat ng plano Ko, ang malaking pulang dragon ang Aking panghambing, Aking kaaway, at Akin ding alipin; dahil dito, hindi Ko kailanman niluwagan ang Aking ‘mga hinihingi’ rito. Samakatuwid, ang huling yugto ng gawain ng Aking pagkakatawang-tao ay natatapos sa sambahayan nito—mas nakatutulong ito sa maayos na pagseserbisyo ng malaking pulang dragon sa Akin, at sa pamamagitan nito ay lulupigin Ko ito at tatapusin ang Aking plano” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 29). Sa mga huling araw, napakahalagang maisagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa Tsina, ang pugad ng malaking pulang dragon. Ginagamit ng Diyos ang pagsisilbi ng malaking pulang dragon para gawing perpekto ang ating pananampalataya at gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao na maging mga mananagumpay. Talagang matalino ang Diyos! Salamat sa Makapangyarihang Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.