Nailantad ang Aking Motibo Para sa Pagpapala sa Pamamagitan ng Karamdaman

Pebrero 2, 2021

Ni Zhenxin, USA

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa kanilang pananalig sa Diyos, ang hinahanap ng mga tao ay makakuha ng mga pagpapala para sa hinaharap; ito ang kanilang mithiin sa kanilang pananampalataya. Lahat ng tao ay may ganitong hangarin at inaasahan, subalit ang katiwalian sa kanilang kalikasan ay dapat malutas sa pamamagitan ng mga pagsubok. Sa alinmang mga aspeto na hindi ka nadalisay, ito ang mga aspeto kung saan dapat kang mapino—ito ang pagsasaayos ng Diyos. Lumilikha ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, pinipilit kang maging pino roon nang sa gayon ay malaman mo ang iyong sariling katiwalian. Sa huli, umaabot ka sa punto kung saan mas gugustuhin mong mamatay at isuko ang iyong mga pakana at mga ninanasa, at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Samakatuwid, kung ang mga tao ay walang ilang taon ng pagpipino at kung hindi sila nagtitiis ng itinakdang dami ng pagdurusa, hindi nila maaalis sa sarili nila ang pagkaalipin ng katiwalian ng laman sa kanilang mga saloobin at sa kanilang mga puso. Sa alinmang aspeto na ikaw ay sakop pa rin ng pang-aalipin ni Satanas, at sa alinmang aspeto na mayroon ka pa ring sarili mong mga ninanasa at hinihingi, ito ang mga aspeto kung saan dapat kang magdusa. Sa pagdurusa lamang natututunan ang mga aral, ibig sabihin ay nakakamit ang katotohanan, at nauunawaan ang kalooban ng Diyos. Sa katunayan, maraming katotohanan ang nauunawaan sa pagdanas ng masasakit na pagsubok. Walang nakakaunawa sa kalooban ng Diyos, walang nakakakilala sa pagkamakapangyarihan at sa karunungan ng Diyos, o walang nagpapahalaga sa matuwid na disposisyon ng Diyos kapag nasa isang maginhawa at magaan na kapaligiran o kapag ang mga kaganapan ay kaaya-aya. Magiging imposible iyan!(“Paano Ang Isa ay Dapat Magbigay-kasiyahan sa Diyos sa Gitna ng Mga Pagsubok” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pagbabasa ng siping ito, naalala ko ang karanasan nang magkasakit ako. May kaunting sakit at maraming luha noon, pero naunawaan ko ang ilang katotohanan. Hindi na ako masyadong naghahangad ng mga pagpapala sa aking pananampalataya, at natutuhan ko ang ilang aral mula sa pagdurusang ito, at nadama ko ring isa itong pagpapala mula sa Diyos.

Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw noong 2010. Nasa high school pa lang ako noon. Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang tao ay nilikha ng Diyos at na ang paniniwala at pagsamba sa Diyos ang tamang landas—ang landas na may pinakamalaking halaga at kahulugan. Nagsimula akong dumalo sa mga pagtitipon ng iglesia, at hindi ako lumiban kahit minsan, anuman ang panahon. Ginawa ko rin ang makakaya ko para ipangaral ang ebanghelyo sa aking mga kaibigan at kamag-anak. Araw-araw akong nalulugod at panatag na panatag.

Makalipas ang isang taon, nagpunta ako sa ospital para magpatingin at nalaman kong meron akong hepatitis B. Sabi ng doktor ay mahirap itong gamutin at puwede itong maging kanser kung lalala. Namanhid ako sa biglaang balita ng aking karamdaman. Nanlamig ang mukha ko at nanginig ang mga kamay ko. Parang biglang wala nang kasiguruhan ang kinabukasan ko. Lugmok na lugmok ako pag-uwi ko nang araw na iyon. Iyak lang ako nang iyak. Tanong ako nang tanong sa sarili ko, “Paano ko nakuha ang karamdamang ito? Bakit hindi na lang ako maging malusog gaya ng iba?” Iniisip ko dati na kapag sumampalataya ako sa Diyos, poprotektahan ako ng Diyos mula sa sakit. Maganda sana kung payapa kong magagampanan ang aking tungkulin sa bahay ng Diyos! Pero ngayon ay may sakit ako, walang ideya kung gagaling pa ako, at kung lalala ito, puwede pa akong bawian ng buhay. Labis na sumama ang loob ko sa mga saloobing iyon, at maraming beses akong lumapit sa Diyos para magdasal. Humiling ako ng pananampalataya at lakas sa Diyos, na patnubayan at liwanagan Niya ako para maunawaan ko ang kalooban Niya upang malaman ko kung paano ko malalampasan ang sitwasyong ito.

Nang malaman ito ng mga kapatid ko, pinuntahan nila ako para suportahan at basahan ng sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag dumapo ang karamdaman, ito ay pagmamahal ng Diyos, at tiyak na ang Kanyang mabubuting hangarin ay nakapaloob dito. Bagama’t maaaring medyo nahihirapan ang iyong katawan, huwag kang tumanggap ng mga ideya mula kay Satanas. Purihin ang Diyos sa gitna ng iyong karamdaman at tamasahin ang Diyos sa gitna ng iyong papuri. Huwag mawalan ng pag-asa kapag nagkaroon ka ng karamdaman, patuloy na maghanap nang maghanap at huwag susuko kailanman, at tatanglawan ka ng Diyos ng Kanyang liwanag. Gaano ba ang pananampalataya ni Job? Ang Makapangyarihang Diyos ay isang manggagamot na makapangyarihan sa lahat! Ang manahan sa karamdaman ay ang magkasakit, subalit ang manahan sa espiritu ay ang gumaling. Hangga’t may natitira kang hininga, hindi ka hahayaan ng Diyos na mamatay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Sa pagbabasa ng siping ito, alam ko sa aking puso na nasa mga kamay ng Diyos kung lalala man ang lagay ko o hindi—ang Diyos ang namamahala sa lahat! Walang saysay ang lahat ng pag-aalala at pagkabalisa ko. Ngayon na nagkasakit ako, kailangan kong tunay na manalig at tumingin sa Diyos. Gumaling man ako o hindi, hindi ko puwedeng sisihin ang Diyos, bagkus ay kailangan kong magpasakop sa Kanyang pamamahala. Kaya mula noon, madalas kong ipinagdarasal sa Diyos ang karamdaman ko at nagpagamot din ako para roon. Makalipas ang anim na buwan, pumunta ako sa ospital para sa isa pang pagsusuri. Sinabi ng doktor na bumubuti ang kondisyon ko at kontrolado na ito ngayon, kaya hindi ko na kailangan ng gamutan. Natuwa ako nang marinig ito at paulit-ulit kong sinabing, “Salamat sa Diyos! Salamat sa Diyos!” Hindi ko talaga alam kung anong sasabihin ko sa Diyos pero alam kong kabutihan at pagpapala Niya ito!

Nag-kolehiyo ako noong 2012 pero isinumbong ako dahil sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa eskuwelahan, kaya napatalsik ako. Isa iyong napakahirap na panahon para sa akin. Kung tutuusin, inabot ng 12 taon ng matiyagang pag-aaral para marating ko iyon. Pero naalala ko ang Diyos na nagkatawang-tao na nagpapahayag ng katotohanan at gumagawa para iligtas ang tao, at maliligtas lang tayo kung maniniwala tayo sa Diyos at hahanapin ang katotohanan. Malapit nang dumating ang malalaking sakuna, kaya’t natatakot akong matatangay ako kapag hindi ko ginawa ang tungkulin ko at hindi ako gumawa ng mabubuting gawa. Naisip ko, “Kalimutan ko na iyang kolehiyo. Gagawin ko na lang ang makakaya ko para hanapin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko sa iglesia.” Makalipas ang ilang araw, umalis ako sa bahay at sinimulang gawin ang tungkulin ko sa iglesia. Anumang tungkulin ang iatas sa akin, masaya ko iyong tinatanggap nang walang reklamo. Kahit makaharap ang matinding pagpigil at pag-aresto ng CCP at dalawang beses na akong kamuntik nang mahuli ng mga pulis, hindi ako natakot, bagkus ay nagpatuloy ako sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo para sa Diyos. Pakiramdam ko ay poprotektahan lang ako ng Diyos kung patuloy kong gagawin ang aking tungkulin at iyon lang ang paraan para magkaroon ng magandang hantungan.

Noong Pebrero 2015, inilipat ako sa labas ng siyudad para gawin ang aking tungkulin. Isang araw, sinabihan ako ng lider ko na pumunta sa ospital para magpatingin bilang pag-iingat na hindi ako makahawa sa iba. Nang marinig ko ito, naisip ko, “Halos limang taon na mula nang huli akong magpatingin. Hindi naman siguro lumala ang karamdaman ko sa panahong iyon. Kung naging labis iyong nakakahawa o naging kanser iyon, hindi ko na magagampanan ang tungkulin ko.” Nalungkot ako sa saloobing iyon. Takot na takot din ako at alam kong hindi ko iyon matatanggap. Pumunta ako sa ospital kinabukasan pero kabadong-kabado ako nang makarating ako roon. Naisip ko, “Kung naging kanser na ito o naging labis na nakakahawa ngayon, magagamot ba nila ako rito? Anong gagawin ko kung hindi nila kaya?” Nagdasal ako noon sa Diyos at sinabi kong susunod ako kahit ano pa ang mangyari. Pero sinabi ng doktor na may arrythmia ako. Nabalisa na naman ako, naisip ko, “Senyales ba ito ng sakit? Bakit pa ba ako magkakaroon ng arrythmia?” Habang pinagmamasdang mabuti ang nag-aalalang mukha ng doktor, napagtanto kong hindi maganda ang lagay ko. Wala na masyadong sinabi ang doktor, kumuha lang ng kaunting dugo at sinabihan akong umuwi at maghintay.

Habang papalapit ang araw ng pagkuha sa mga resulta ko, bumalik ang kaba ko. Natatakot akong makatanggap ng masamang balita at pakiramdam ko ay hindi ko iyon kayang harapin. Gusto ko lang gumaling ulit. Pumunta ako sa ospital pagkalipas ng isang linggo para kunin ang mga resulta ko. Sinabi ng doktor na mataas na ang hepatitis B sa dugo ko, at naging acute hepatitis na ito. Sinabi niyang labis na itong nakakahawa at kailangan ko ng agarang gamutan. Naisip ko, “Ito na ang katapusan. Magagawa ko pa ba ang tungkulin ko ngayon? Makakadalo pa ba ako sa mga pagtitipon at makakapamuhay sa buhay iglesia?” Sa pag-uwi ko, ang sakit ko lang ang nasa isip ko, at tila nakakapagod ang biyahe sakay ng bisikleta ko. Sa paghahanap ng mga lunas online nang makauwi ako, nabasa ko na puwedeng ma-comatose sa acute hepatitis ang mga tao at pagkatapos ay namamatay sila pagkalipas lang ng ilang araw. Labis akong natakot at naisip ko, “Mangyayari ba ito sa akin? Kapag namatay talaga ako nang ganito, hindi ba’t iyon na ang magiging katapusan ng pananampalataya ko? Malulusog ang lahat ng mga kapatid. Bakit ako lang ang may sakit? Bakit kailangan kong maging naiiba sa lahat?” Labis akong nainggit sa iba. Hindi sila binabagabag ng karamdaman at nagagampanan nila nang payapa ang mga tungkulin nila. Naghahanda sila ng magagandang gawa at maliligtas sila ng Diyos. Tapos ganito ako. May sakit ako, walang ideya kung magagampanan ko pa ulit ang tungkulin ko. Kung hindi na, maaabandona ba ako at masasadlak sa mga sakuna? Napatalsik ako sa kolehiyo dahil sa pananampalataya ko at isinuko ko ang kinabukasan ko sa mundo; hindi pa ako nagkakaroon ng nobya at umalis ako sa bahay para sa tungkulin ko. Kung iiwanan ako ng Diyos at aalisin ako sa kahit anong paraan, hindi ba’t ibig sabihin noon ay walang katuturan ang lahat ng ginawa ko para sa pananampalataya ko sa mga nagdaang taon? Kung uuwi ako ngayon, aarestuhin ako ng CCP. Tiyak na mahuhuli ako at makukulong…. Lalong sumama at nanghina ang loob ko sa mga saloobing ito. Naisip ko, “Diyos ko, ginagamit Mo ba ang sakit na ito para ilantad at alisin ako?” Hindi ko mapigilan ang pagtulo ng mga luha ko. Hinang-hina ako, walang interes na gawin ang tungkulin ko o gumawa ng kahit anong bagay. Ni hindi ko nga gustong kumain. Matinding pagod lang ang nararamdaman ko. Sa aking paghihirap, lumapit ako sa Diyos at nagdasal, “Makapangyarihang Diyos, hinang-hina ako at namimilipit sa sakit. Hindi ko mapigilang isipin ang aking kinabukasan. Pakiramdam ko ay wala na akong hahantungan. Mahal kong Diyos, alam kong pinahintulutan Mong magkaroon ako ng sakit na ito. Liwanagan at patnubayan Mo ako para maunawaan ko ang Iyong kalooban.”

Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Para sa lahat ng mga tao, ang pagpipino ay napakasakit, at napakahirap tanggapin—ngunit sa panahon ng pagpipino ginagawang payak ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa tao, at isinasapubliko ang Kanyang mga hinihingi para sa tao, at nagbibigay ng mas maraming kaliwanagan, at mas maraming pagtatabas at pakikitungo; sa pamamagitan ng paghahambing sa mga katunayan at sa katotohanan, binibigyan Niya ang tao ng higit na kaalaman sa sarili niya at sa katotohanan, at binibigyan ang tao ng higit na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa gayon ay pinahihintulutan ang tao na magkaroon ng mas tunay at mas dalisay na pag-ibig sa Diyos. Iyon ang mga layunin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng pagpipino. Lahat ng gawain na ginagawa ng Diyos sa tao ay may sariling mga layunin at kabuluhan; ang Diyos ay hindi gumagawa ng walang kabuluhang gawain, ni hindi Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang sa tao. Ang pagpipino ay hindi nangangahulugan ng pag-aalis sa mga tao mula sa harap ng Diyos, at ni nangangahulugan ng pagwasak sa kanila sa impiyerno. Sa halip, nangangahulugan ito ng pagbabago sa disposisyon ng tao sa panahon ng pagpipino, pagbabago sa kanyang mga intensyon, sa kanyang dating mga pananaw, pagbabago sa kanyang pag-ibig sa Diyos, at pagbabago sa kanyang buong buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pamamagitan Lamang ng Pagdanas ng Pagpipino Maaaring Magtaglay ang Tao ng Tunay na Pag-ibig). Sa pagbubulay-bulay sa mga salitang ito, naunawaan ko na umiiral ang mabuting kalooban ng Diyos sa karamdamang ito. Ginagamit Niya ang kalagayang ito para ilantad ang aking katiwalian at tulungan akong makilala ang aking sarili at matuto ng aral. Naisip ko kung paanong pinahintulutan ng Diyos na mangyari ang mga pagsubok na iyon kay Job. Kahit na nagdanas siya ng pisikal na sakit, hindi iyon ibinibigay ng Diyos para bawiin ang buhay niya, kundi para gawing perpekto ang pananampalataya niya at pahintulutan si Job na mas makilala ang Diyos. Ang pagpapahintulot ng Diyos na magkasakit ako ay hindi upang ilantad o tanggalin ako, kundi para linisin ang mga dungis sa aking pananampalataya at para tunay ko Siyang ibigin at sundin. Hindi ko puwedeng sisihin ang Diyos, bagkus ay kailangan kong suriin ang mga maling motibo sa likod ng aking pananampalataya, at sa kung anong mga paraan ko sinusuway at nilalabanan ang Diyos. Sa pag-unawa sa kalooban ng Diyos, naging mas positibo ang pakiramdam ko. Nagdasal ulit ako sa Diyos, pinayapa ang aking sarili, at nagnilay nang husto sa aking sarili.

Sa aking paghahanap, nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking mga kapangyarihan upang itaboy ang masasamang espiritu mula sa kanilang katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang hingan Ako ng mas maraming materyal na kayamanan. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gugulin ang buhay na ito sa kapayapaan at maging ligtas at matiwasay sa mundong darating. Napakaraming naniniwala sa Akin para maiwasang magdusa sa impiyerno at para matanggap ang mga pagpapala ng langit. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang sa pansamantalang kaginhawahan, ngunit hindi naghahangad na magkamit ng anuman sa mundong darating. Nang ibuhos Ko ang Aking matinding galit sa tao at bawiin ang lahat ng kaligayahan at kapayapaan na dati niyang taglay, nagsimulang magduda ang tao. Noong ibinigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binawi ang mga pagpapala ng langit, ang kahihiyan ng tao ay naging galit. Noong hilingin ng tao na pagalingin Ko siya, hindi Ko siya pinakinggan at namuhi Ako sa kanya; lumayo sa Akin ang tao upang hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Noong alisin Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, naglaho ang lahat ng nasa tao nang walang bakas. Samakatuwid, sinasabi Ko na ang tao ay may pananampalataya sa Akin sapagkat Ako’y nagbibigay ng masyadong maraming biyaya, at masyadong maraming magiging pakinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). “Ang relasyon ng tao sa Diyos ay para lamang sa sarili nilang interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng pagpapala. Sa madaling salita, katulad ito ng relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho lamang ang empleyado para matanggap ang mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon, transaksyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi ko itinuturing na Diyos ang Diyos sa aking pananampalataya. Ang tingin ko lang sa Diyos ay taga-kaloob ng mga pagpapala. Kaya’t nang magkasakit ako, ang una kong naisip ay ang aking hinaharap at kung gagaling ako o hindi, at nag-online ako para tumuklas tungkol sa karamdaman ko at kung paano iyon magagamot. Nawalan ako ng interes sa paggawa ng tungkulin ko. Nang lumala ito, sinisi ko ang Diyos sa hindi pagiging patas, sa hindi pagpoprotekta sa akin, sa pagpapahintulot sa aking magkasakit, at pinagsisihan ko pa ngang isinuko ko ang pag-aaral ko, ang aking pamilya, at pagkabata para sa aking tungkulin. Sa pagninilay sa aking sarili, naisip ko, “Paano ko nagawang isuko ang lahat para magawa ang tungkulin ko sa mga nagdaang taon ng pananampalataya?” Napagtanto kong iyon ay dahil mali ang pananaw ko. Inakala ko na basta’t nagsasakripisyo ako para sa Diyos at ginagampanan nang mabuti ang aking tungkulin, dapat na akong pagpalain ng Diyos, pagalingin ang sakit ko, at iligtas ako sa kapahamakan. Tapos ay matatakasan ko ang mga sakuna at hindi mamamatay. Mabubuhay ako at magkakaroon ng magandang wakas at hantungan. Iyon lang ang dahilan kung bakit handa akong magdusa at magsakripisyo sa paggawa ng aking tungkulin. Ang nagtulak sa aking sumampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko ay ang makatanggap ng mga pagpapala. Nang lumala ang kondisyon ko, nawala ang pag-asa ko na ako’y pagpapalain, at nawala ang determinasyon kong hanapin ang katotohanan at ang kagustuhang gawin ang aking tungkulin. Nakipagtalo pa ako sa Diyos sa aking puso. Napagtanto ko na naghangad lang ako ng mga pagpapala sa aking pananampalataya. Nang magkasakit ako, naisip ko lang ang hinaharap ko at isinaalang-alang ang sarili kong interes—hindi ko talaga hinanap ang kalooban ng Diyos, bagkus ay sinisi, hindi inunawa nang tama, at pinagtaksilan pa ang Diyos. Napakamakasarili at kasuklam-suklam ko! Ang lahat ng aking saloobin ay talagang nasaktan at nabigo ang Diyos. Ipinakita sa akin ng mga pangyayari na ang pananampalataya ko ay hindi para gawin ang tungkulin ng isang nilalang, o hanapin ang katotohanan. Iyon ay para lang magkaroon ng payapang buhay at magkaroon ng magandang wakas at hantungan. Gusto kong ipalit ang pagdurusa ko sa piling ng Diyos sa mga gantimpala at pagpapala sa hinaharap. Hindi ba’t ginagamit ko ang Diyos at sinusubukan Siyang dayain? Maraming taong gumawa si Pablo at labis siyang nagdusa at sa huli ay naging martir, pero hindi siya gumagawa para gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Ginawa niya iyon para magantimpalaan at makoronahan. Sa wakas ay napagtanto ko na nilalakaran ko ang parehong landas ni Pablo. Ang Diyos ay banal at matuwid. Paano Niya pahihintulutang makapasok sa Kanyang kaharian ang isang taong hangad na makipagtawaran sa Kanya at hangad na dayain Siya katulad ko? Sa pagbubulay dito, sa wakas ay naunawaan ko na ang karamdamang pinagdaraanan ko ay naglalantad ng aking hangaring magtamo ng mga pagpapala. Kung wala ito, wala pa rin sana akong malay sa lahat ng mga motibo at dungis sa aking pananampalataya, at sa paglakad ko sa landas ni Pablo, isang landas na kinondena ng Diyos. Sa pag-iisip nito, hindi na ganoon kabigat ang loob ko sa pagkakaroon ng karamdamang ito, sa halip ay nagpasalamat ako sa Diyos sa paglalantad at pagliligtas sa akin sa ganitong paraan. Sa panlabas, isa itong karamdaman, isang masamang bagay, pero ang tunay na pag-ibig at pagliligtas ng Diyos para sa akin ay nakatago sa loob nito. Ginagabayan ako ng Diyos patungo sa tamang landas ng pananampalataya para linisin ang lahat ng dungis sa aking pananampalataya.

Sa pagbubulay ko sa lahat ng ito, naisip ko, “Nagkatawang tao ang Diyos at nagpapahayag ng katotohanan para linisin at iligtas ang tao. Pinagkakalooban Niya tayo ng buhay nang walang pag-iimbot at wala Siyang hinihiling na kapalit.” Nadama ko kung gaano kaganda at kabuti ang puso ng Diyos. Tapos naisip ko ang aking sarili, tinatamasa ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos, labis na nadidiligan at nakakandili ng mga salita ng Diyos, pero hindi iniisip na suklian ang pagmamahal ng Diyos, sinusubukang makipagtawaran sa Diyos sa aking tungkulin, at nang magkasakit ako, sinisisi at hindi inuunawa nang tama ang Diyos. Hiyang-hiya ako sa saloobing ito. Namuhi ako sa aking sarili sa pagiging masyadong makasarili at kasuklam-suklam! Palaging sinisiyasat ng Diyos ang pinakatatago kong mga saloobin habang pinanonood ni Satanas kung paano ako kumilos. Hindi ako puwedeng maging katatawanan ni Satanas. Kailangan kong pumanig sa Diyos, magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos, at unawain nang mabuti ang mga leksiyon. Tapos ay nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, nais kong bitiwan ang paghahangad ko sa mga pagpapala at hindi na isipin pa ang tungkol sa aking kinabukasan. Kung gagaling man ako o hindi, nais kong sundin Ka at magpatotoo sa Iyo para Iyong hiyain si Satanas.” Naging mas payapa ako pagkatapos ng aking panalangin at hindi ko na masyadong inisip ang aking sarili. Pagkatapos ay nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hinahayaan tayo ng Diyos na mabuhay, kaya dapat nating tuparing mabuti ang ating mga tungkulin. Bawat araw na nabubuhay tayo ay isang araw ng tungkuling dapat nating tuparin. Dapat nating kilalanin ang tagubilin ng Diyos bilang pinakapangunahin nating gawain at tuparin ang ating mga tungkulin na para bang pinakadakilang bagay ang mga ito sa buhay. Bagama’t maaaring hindi natin maitaguyod ang perpektong pagtatapos ng ating mga tungkulin, kumikilos tayo nang ayon sa ating budhi, hindi binibigyan ng pagkakataon si Satanas na akusahan tayo, at, nang walang pang-uusig ng budhi, maaari tayong magbigay-kasiyahan sa Diyos at hindi magkaroon ng anumang pinagsisisihan. Ito ang saloobin kung paano dapat kilalanin ng isang taong sumasampalataya sa Diyos ang kanilang tungkulin(“Ang Limang Kinakailangang Kalagayan Upang Mapunta sa Tamang Landas ng Pananampalataya ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Hindi ko alam kung gagaling ako o hindi pero ang magagawa ko ay panghawakan ang tungkuling ibinigay sa akin ng Diyos. Hindi ako nahadlangan ng aking karamdaman pagkatapos noon at nagawa kong gampanan ang aking tungkulin nang buong puso.

Bumalik ako sa ospital paglaon para asikasuhin ang karamdaman ko. Sinabi ng doktor na mabuti ang kalagayan ko at normal ang takbo ng atay ko. Puno ng impeksiyon ang dugo ko, pero maliban doon ay maayos ang lahat. Tiniyak niyang sabihin sa akin na huwag akong mag-alala at kailangan ko lang ng normal na proseso ng gamutan. Nang sabihin ito ng doktor, hindi ko mapigilang magpasalamat sa Diyos sa aking puso! Naramdaman kong naawa ang Diyos sa akin. Napakamakasarili at napakasama ko, naghahangad lang na makinabang, naghahangad ng isang bagay mula sa Diyos kapalit ng paggawa ng kaunting tungkulin, dinadaya ang Diyos at nasusuklam Siya, pero pinalagpas Niya ang aking pagkasuwail. Patuloy Niyang ginagamit ang Kanyang mga salita para liwanagan at patnubayan ako na maranasan ang gawain Niya upang malaman ko ang mga maling motibo at pananaw sa aking pananampalataya. Tunay kong naramdaman kung gaano kadakila ang pag-ibig ng Diyos! Pagkatapos noon, ibinigay ko ang lahat ko sa paggawa sa tungkulin ko. Akala ko ay natuto ako ng ilang aral sa pagdanas ng sakit na ito at na lumago na nang kaunti ang aking tayog. Kaya’t nagulat ako nang muli akong mailantad nang magsaayos ang Diyos ng isang pagsubok para sa akin.

Makalipas ang isang buwan, sinabihan ako ng lider ko na magpunta sa ospital para sa isa pang pagsusuri. Sinabi niyang kung labis na nakakahawa ang karamdaman ko ay kakailanganin kong manirahan nang mag-isa, malayo sa mga tao. Nakakabigat talaga ng loob na marinig siyang sabihin iyon, parang isang malaking bato ang nakadagan sa dibdib ko. Biglang tumakbo sa isip ko: “Kapag pinalayo ako sa iba, hindi na ako makakapunta sa mga pagtitipon o makakapamuhay sa buhay iglesia. Anong gagawin ko kapag isang araw ay magkaroon ako ng malubhang sakit nang walang nakakaalam? Kapag dumating ang malalaking sakuna, makakapagtipon at makakapagbahagian ang mga kapatid, at matutulungan at masusuportahan nila ang isa’t-isa. Pero ako naman ay magiging mag-isa lang. Magagawa ko bang manindigan?” Habang iniisip ko iyon, lalo akong nalungkot. Nagbahagi sa akin ang lider at sinabihan akong matutong magpasakop sa pamamahala ng Diyos. Sinabi niyang mas kailangan kong hanapin ang kalooban ng Diyos sa sitwasyong ito at, tulad ni Job, purihin ang Diyos pagpapala man o kalamidad ang kaharapin ko. Naantig ako nang marinig ito, at naalala ko ang karanasan ko noong nakaraan. Napagtanto kong pinahintulutan ito ng Diyos at na ang dapat ko munang gawin una sa lahat ay ang magpasakop. Tapos ay napanood ko ang video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Si Job ay hindi nakipagpalitan sa Diyos, at hindi humiling o humingi sa Diyos. Ang kanyang pagpupuri sa pangalan ng Diyos ay dahil sa dakilang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos sa pamumuno sa lahat ng bagay, at hindi nakasalalay sa kung siya ay nagkamit ng pagpapala o nakaranas ng kalamidad. Naniwala siya na kung magbibigay man ng pagpapala ang Diyos sa mga tao o kaya ay magdudulot ng kapahamakan sa kanila, ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi magbabago, at dahil dito, anuman ang kalagayan ng isang tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na purihin. Dahil sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, pinagpala ang tao, at kapag dumating ang sakuna sa tao, ito ay dahil din sa dakilang kapangyarihan ng Diyos. Ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay namamahala at nagsasaayos ng lahat tungkol sa tao; ang pabago-bagong kapalaran ng tao ay pagpapahayag ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos, at kung anuman ang pananaw ng tao, ang pangalan ng Diyos ay dapat na papurihan. Ito ang naranasan at nalaman ni Job sa mga taon ng kanyang buhay. Ang lahat ng mga inisip at ikinilos ni Job ay umabot sa mga tainga ng Diyos, at dumating sa harap ng Diyos, at itinuring na mahalaga ng Diyos. Itinangi ng Diyos ang kaalamang ito ni Job, at pinahalagahan Niya si Job sa pagkakaroon ng ganitong puso. Ang pusong ito ay palaging naghihintay sa utos ng Diyos, at sa lahat ng lugar, at kahit ano pa ang oras o lugar, tinanggap nito ang anumang dumating sa kanya. Walang hiniling si Job sa Diyos. Ang hiningi niya sa sarili niya ay ang maghintay, tumanggap, humarap at sumunod sa lahat ng pagsasaayos na nanggaling sa Diyos; naniwala si Job na ito ang kanyang tungkulin, at ito mismo ang nais ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Habang pinapanood ito ay hiyang-hiya ako sa sarili ko. Ang pagpupuri ni Job sa pangalan ng Diyos ay hindi lang mga hungkag na salita. Ang papuri niya ay mula sa kaibuturan ng kanyang puso. Alam ni Job ang awtoridad ng Diyos, ang Kanyang pagkamakapangyarihan sa lahat at Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, kaya’t may takot siya sa Diyos sa kanyang puso at nagawa niyang tunay na ituring na Diyos ang Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit hindi siya nagreklamo o humiling ng kahit ano, anuman ang isaayos at ipasya ng Diyos. Hindi sinubukan ni Job na makipagtawaran sa Diyos. Basta’t sumunod siya, pagpapala man o kalamidad ang kaharapin niya. Itinuring niyang mas mahalaga ang pagsunod sa Diyos kaysa sa sarili niyang buhay. Inisip ko ang aking sarili. Bakit paulit-ulit kong sinubukang makipagtawaran sa Diyos, nagmamatigas na hangarin ang mga pagpapala? Dahil walang puwang ang Diyos sa puso ko at hindi ko kinatakutan ang Diyos sa aking puso. Naglagay ako ng malaking importansiya sa kinabukasan ko at sa pagkakamit ng mga pagpapala, at iyon ang dahilan kung bakit hindi ako nagpasakop sa Diyos kahit kaunti nang magkasakit ako. Nagtamasa ako ng kaunting pagpapala sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, at ang pamamahala ng Diyos ang nagdulot ng karamdamang ito sa akin. Ang Diyos ang nagbigay sa akin ng lahat ng meron ako, kaya kung babawiin Niya ang lahat ng iyon, pagiging matuwid din iyon ng Diyos! Paano naging karapat-dapat ang tulad ko, na mas mababa pa sa langgam, na makipagtalo sa Diyos? Kaya’t ipinangako ko sa Diyos na magiging handa akong magpasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at pagpapasya. Kung kailangan kong maihiwalay sa iba, sige. Saan man ako ilagay ng Diyos, kahit dumating pa ang kalamidad, hindi ako magrereklamo. Nasaan man ako, gagawin ko ang tungkulin ko para masuklian ang pag-ibig ng Diyos. Paglaon ay pumunta ako sa ospital para magpatingin. Medyo kinakabahan ako habang papunta ako roon. Paulit-ulit lang akong nagdasal sa Diyos sa aking puso at pinag-isipan ang Kanyang mga salita. Naging magaan ang biyahe ko sa bisikleta papunta sa ospital. Pagdating ko roon, sinabi ng doktor, “Binabati kita! Noong nakaraang buwan may 1.7 milyong kopya ng virus sa bawat milliliter ng dugo mo. Ngayon, 560 libo na lang at hindi ka na gaanong nakakahawa.” Sinabi niya ring nakakatuwang makita ang ganoon kalaking pagbaba sa loob lang ng isang buwan. Nang marinig ito, napuno ako ng pasasalamat sa Diyos. Katabi ko lang Siya, pinamamahalaan at isinasaayos ang lahat ng bagay. Ito ay labis na kamangha-mangha at praktikal.

Sa pagdaan sa karamdamang ito, naging malinaw na malinaw ang paghahangad ko sa pagpapala at ang mga kasuklam-suklam kong motibo. Nagtamo ako ng kaunting pag-unawa sa mga maling pananaw sa aking paghahanap at sa aking mga tiwaling disposisyon. Nagkaroon din ako ng praktikal na pagpapasalamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang lahat ng ito ay nagmula sa pagdanas ng paghatol at pagkastigo. Ngayon ay hindi ko na iniisip kung kailan ako magiging lubos na magaling sa hepatitis. Gusto ko na lang magpasakop sa mga pagpaplano at pagsasaayos ng Diyos, at gawin nang mabuti ang aking tungkulin sa gitna ng sitwasyong ito! Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Ganitong Uri ng Paglilingkod ay Tunay na Napakasama

Ang mga salita ng Diyos ang muling nagdala sa akin ng kabatiran kung paano na ang paglilingkod ko sa Diyos ay isa talagang pagsasaksi sa aking sarili at pagtataas sa aking sarili at tinulungan akong makita ang malubhang kahihinatnan ng pag-uugaling ito. Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na makita na yaong kalikasan ko, na tulad ng sa arkanghel, ay magdudulot upang ako ay maging isang malupit na bandido, at magsasanhi ng isang malaking kapahamakan.