Sa Pagbitiw sa Katayuan, Ako ay Napalaya
Tumanggap ako ng pang-lider na posisyon sa iglesia noong Agosto 2019. Isang beses, pagkatapos na pagkatapos kong magbahagi sa isang pagtitipon, sinabi sa akin ng isang sister, “Sister Hao Li, ang pagbabahagi mo ngayong araw ay talagang nagbibigay-liwanag. Nalutas ang problema ko sa pakikinig ko rito.” Sumabat ang isa pang sister at umayon sa kanya. Natuwa ako nang husto nang makita ko ang respeto at paghanga sa kanilang mga mata, at hindi ko napigilang makaramdam ng pagmamalaki: “Palagay ko ay mas magaling ako kaysa sa ibang mga kapatid. Kung hindi, bakit nila ako inihalal?” Dahil matagumpay kong nalulutas ang ilang suliranin sa mga pagtitipon, gusto ng iba na nakakasama ako, at hinahanap nila ako upang makipagbahaginan kapag mayroon silang mga problema o paghihirap. Pakiramdam ko ay napakakwalipikado ko bilang lider. Hindi ko maiwasan na makaramdam na medyo mas mataas ako sa iba, at gustong-gusto ko ang pakiramdam na pinahahalagahan at hinahangaan ng iba.
Isang araw nang ako ay nagtungo sa isang pagtitipon ng mga diyakono gaya ng nakagawian, nabanggit ni Sister Wu Zhiqing na nitong huli ay namumuhay siya ayon sa kanyang mapagmataas na disposisyon at nais niyang siya ang palaging may huling salita sa mga kasama niya sa trabaho. Alam niyang hindi tama ang maging ganoon, subalit hindi niya matalikdan ang sarili. Hiniling niya sa amin na magbahagi nang kaunti upang matulungan siya. Magsisimula pa lamang ako nang magsimulang magsalita si Sister Han Jingyi, ang aming diyakono ng ebanghelyo, ibinahagi niya ang ilang nauugnay na mga salita ng Diyos at ilan sa kanyang sariling karanasan. Napansin kong matamang nakikinig si Zhiqing at tumatango, nang may ngiti sa kanyang mukha. Talagang hindi ako naging komportable sa aking nakita, at naisip ko, “Ako ang lider dito, ako ang dapat na humarap sa problemang ito. Bakit mo ito inaagaw sa akin? Pinagmukha mong hindi ko alam kung paano ito haharapin. Hindi maaari, hindi ko hahayaang agawin mo ang atensiyon na para sa akin, dahil kung magkagayon, iisipin ng lahat na bilang isang lider ay ni hindi man lamang ako kapantay ng isang diyakono. Kailangan kong palitan agad ang paksa.” Kaya pagkahintong magsalita ni Jingyi, nang hindi pinag-isipang muli kung nasolusyunan nga ba nang maayos ang suliranin ni Zhiqing, agad kong sinabi: “Ang pangunahing layunin ng Diyos ngayon ay ang ipalaganap at patotohanan ang ebanghelyo ng kaharian, ang iparinig sa mas maraming tao ang Kanyang tinig at lumapit sila sa Kanya sa lalong madaling panahon.” Habang ako ay nagbabahagi, nakatutok ang aking paningin kay Zhiqing, at hindi ako napakali hanggang sa makita kong nakikinig na siya nang mabuti sa akin. Sa sandaling matapos ako, agad sumegunda si Jingyi ng ilang medyo magagandang kaparaanan sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Napakalinaw ng kanyang sinasabi at napansin kong nakikinig nang mabuti si Zhiqing sa kanyang sinasabi, tumatango habang ginagawa iyon. Nainis talaga ako, itinuring na isa itong kahihiyan para sa akin. Naisip ko, “Ako ang lider, at ikaw ay diyakono. Paano ko magagawa ang trabaho ko matapos kang mangibabaw sa ganitong paraan? Kung ang lahat ay magsisimulang tumingala sa iyo, sino pa ang papansin sa akin?” Sa isiping ito, mariin kong pinutol ang pagsasalita ni Jingyi, at nagsimula akong magpahayag ng sarili kong pagbabahagi. Nakakaasiwa talaga ang sandaling iyon. Nung hapon ding iyon, binanggit ni Zhiqing na kulang ang mga taong gumagawa ng pagdidilig at hindi niya alam kung paano lutasin ang problema. Nagsimulang magbahagi si Jingyi tungkol sa ilang praktikal na pamamaraan, isinasama ang sarili niyang karanasan. Noon din ay nakita kong muling tumatango-tango si Zhiqing, at talagang nainggit ako. Naisip ko, “Ako ang lider. Sa palagay mo ba ay hindi ko alam kung paano magbahagi sa kanya? Mukhang iniisip mo na may kakayanan ka talaga, pero pikit-mata ka lang na nagpapasikat.” Galit na galit ako kay Jingyi, iniisip na mabuti pang himayin ko nang husto ang kanyang gawain at ipakita sa kanyang hindi siya ganun kagaling, para hindi siya pikit-matang magpapasikat. Iniisip ito, tinanong ko siya, “Jingyi, ang gawain ng ebanghelyo ng mga grupong iyong pinangangasiwaan ay hindi masyadong naging mabunga. Dahil ba ito sa hindi mo inilalagay ang buong puso mo rito?” Sa tanong na ito, nagmukhang medyo naasiwa si Jingyi, tapos ay sinabing, “Sister, matatanggap ko iyan. Pagbalik ko’y ibubuod ko kung bakit hindi ito naging lubos na matagumpay, at magninilay ako sa aking sarili.” Agad ko itong sinundan ng, “Kung gayon pagbalik mo, kailangan mong agarang ibuod at itama ang paglihis. Bilang diyakono ng ebanghelyo, kailangan mong manguna. Kung hindi, paano maeengganyo ang mga kapatid na ipalaganap ang ebanghelyo?” Bilang tugon, medyo pilit na tumango si Jingyi. Nang makita ko siyang napahiya, medyo nagsisi ako, pero naging mapagmalaki rin ako: “Nasaan na ngayon ang yabang na ipinapakita mo ngayon-ngayon lang, na parang wala akong laban sa iyo? Sa sandaling itanong ko ang gawain mo, hindi na ganun kagaling ang dating mo. Hindi ka na kasinghambog ngayon, ano?” Kaya nabawi ko ang kahinahunan ng isip ko, may awtoridad na muli ang aking pananalita at nagsasaayos para sa ibang gawain. Madilim na sa puntong ito, at may iba pa kaming mga gawaing dapat pag-usapan ni Zhiqing sa gabing iyon. Gusto ko sana nung una na manatili si Jingyi at makipagtalakayan sa amin tungkol sa mga bagay-bagay, subalit nag-alala ako na baka muli niyang agawin sa akin ang atensyon. Hindi ba’t magmumukha akong walang kakayahan nun? Naisip ko na pauwiin na lang siya. Nang makita ko siyang paalis na may malungkot na ekspresyon sa mukha, medyo nakonsensiya ako at napaisip kung pakiramdam niya ay napipigilan ko siya. Subalit sumagi lamang ito sa isip ko nang oras na iyon at hindi ko na pinagnilayan pa. Pinalampas ko lang ito.
Makaraan pa ang ilang araw, nabanggit ko ang aking naging pakikitungo kay Jingyi kay Sister Li Sixing, na kasama kong gumagawa. Iwinasto niya ako, sabi niya, “Ito ay isang anticristong disposisyon. Kapag ikaw, bilang isang lider, ay ibinubukod at sinisiil ang isang taong nakakahigit sa iyo, napakaseryosong problema nito. Hindi ba mapapagod sa pagkontrol mo ang mga miyembro ng iglesia na higit na may talento?” Masakit para sa akin na marinig ito, at sobrang nakakaasiwa. Noon ko lamang napagtanto kung gaano kaseryoso ang usaping ito. Ginunita ko ang aking naging interaksyon kay Jingyi. Ginamit ko ang kanyang mga pagkukulang para ibukod siya upang hindi niya ako maungusan. Hindi ba’t pinipigilan ko siya? Paggawa ito ng masama! Habang mas pinag-iisipan ko ang aking naging ugali, mas lalo akong natatakot, at lumapit ako sa Diyos at nanalangin: “O, Diyos! Sa pagwawasto sa akin ni Sixing, napagtanto ko na sa pagsupil at pagbukod ko kay Jingyi ay ipinapakita ko ang isang anticristong disposisyon. Sa ganoon kahalagang gawain, kung hindi ko malulutas ang disposisyon na ito, sinong makapagsasabi kung gaano karaming kasamaan ang magagawa ko! O, Diyos! Nais kong magbago—pakiusap, gabayan Mo po ako.”
Pagkatapos nun, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kinakamkam ng mga anticristo ang lahat ng bagay mula sa sambahayan ng Diyos at ang pag-aari ng iglesia, at itinuturing ang mga ito bilang kanilang personal na pag-aari, na lahat ng ito ay sila dapat ang namamahala, nang walang ibang nakikialam. Ang mga iniisip lamang nila kapag ginagawa ang gawain ng iglesia ay ang kanilang sariling mga interes, kanilang sariling katayuan, at kanilang sariling pagpapahalaga sa sarili. Hindi nila tinutulutan ang sinuman na pinsalain ang kanilang mga interes, lalo nang hindi nila tinutulutan ang sinumang may kakayahan at nagagawang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan na maging banta sa kanilang katayuan at katanyagan. Kaya naman, sinusubukan nilang maliitin at ibukod bilang mga katunggali ang mga nakapagbibigay ng patotoo batay sa karanasan, at kayang magbahagi tungkol sa katotohanan at magtustos para sa mga hinirang ng Diyos, at desperado nilang tinatangkang ganap na ibukod ang mga taong iyon mula sa iba, na lubusang dungisan ang pangalan ng mga ito, at pabagsakin ang mga ito. Saka lamang mapapayapa ang mga anticristo. Kung hindi kailanman nagiging negatibo ang mga taong ito, at nagagawang patuloy na gampanan ang kanilang tungkulin, nagsasalita ng kanilang patotoo, at sumusuporta sa iba, babaling ang mga anticristo sa huli nilang alas, ang hanapan ng kapintasan ang mga ito at kondenahin ang mga ito, o paratangan ang mga ito at umimbento ng mga dahilan upang ligaligin at parusahan ang mga ito, hanggang sa mapalayas ang mga ito sa iglesia. Saka lamang ganap na makakahinga nang maluwag ang mga anticristo. Ito ang pinakamapaminsala at pinakamalupit tungkol sa mga anticristo. Ang pinakanagdudulot sa kanila ng takot at pagkabalisa ay ang mga taong naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng tunay na patotoong batay sa karanasan, dahil ang mga taong may gayong patotoo ay ang mga taong pinakasinasang-ayunan at sinusuportahan ng mga taong hinirang ng Diyos, sa halip na ang mga daldal nang daldal nang walang kabuluhan tungkol sa mga salita at doktrina. Ang mga anticristo ay walang tunay na patotoong batay sa karanasan, ni wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan; ang pinakakaya nila ay gawin ang ilang mabuting gawa para magpalakas sa mga tao. Ngunit gaano man karaming mabuting gawa ang ginagawa nila o gaano karaming magandang pakinggan na bagay ang sinasabi nila, hindi pa rin ito maikukumpara sa mga pakinabang at bentaheng maaaring idulot sa mga tao ng isang magandang patotoong batay sa karanasan. Walang makakapalit sa mga epekto ng pagtutustos at pagdidilig na naibibigay sa mga taong hinirang ng Diyos ng mga taong nagagawang magsalita tungkol sa kanilang patotoong batay sa karanasan. Kaya nga, kapag nakikita ng mga anticristo ang isang tao na nagsasalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, nagiging matalim ang tingin nila. Nag-aapoy ang galit sa puso nila, umuusbong ang pagkamuhi, at hindi sila makapaghintay na patahimikin ang nagsasalita at pigilan siyang magsalita pa. Kung patuloy itong magsasalita, lubos na masisira ang reputasyon ng mga anticristo, lubos na malalantad sa lahat ang kanilang pangit na hitsura, kaya humahanap ng dahilan ang mga anticristo para guluhin at supilin ang taong nagsasabi ng patotoo. Pinahihintulutan lamang ng mga anticristo ang kanilang sarili na linlangin ang mga tao gamit ang mga salita at doktrina; at hindi nila pinapayagan kailanman ang mga taong hinirang ng Diyos na luwalhatiin ang Diyos sa pamamagitan ng pagbibigay ng kanilang patotoong batay sa karanasan, na nagpapahiwatig kung anong uri ng mga tao ang pinakakinamumuhian at kinatatakutan ng mga anticristo. Kapag napapangibabaw ng isang tao ang kanyang sarili dahil sa isang maliit na gawain, o kapag nagagawa ng isang tao na magbigay ng tunay na patotoong batay sa karanasan upang makinabang, mapatibay, at masuportahan ang mga hinirang ng Diyos, at magkamit ng malaking papuri mula sa lahat, nabubuo ang inggit at poot sa puso ng mga anticristo, at sinusubukan nilang layuan at siraan ang taong ito. Anuman ang sitwasyon, hinding-hindi nila tinutulutan ang gayong mga tao na gumawa ng anumang gawain, upang hindi maging banta ang mga ito sa kanilang katayuan. Napapalutang at nabibigyang-diin ng mga taong may katotohanang prinsipyo ang kahirapan, kasamaan, kapangitan, at kabuktutan ng mga anticristo kapag nasa presensya nila ang mga ito, kaya kapag pumipili ng katuwang o katrabaho ang isang anticristo, hindi ito kailanman pumipili ng isang taong may katotohanang realidad, hindi siya kailanman pumipili ng mga taong kayang magsalita tungkol sa kanyang patotoong batay sa karanasan, at hindi ito kailanman pumipili ng mga taong matapat o mga taong nakapagsasagawa ng katotohanan. Ito ang mga taong pinakakinaiinggitan at kinapopootan ng mga anticristo, at sila ay tinik sa tagiliran ng mga anticristo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pangunahing tatak ng anticristong disposisyon ay ang pagturing sa kapangyarihan bilang kanilang mismong buhay, ang laging pagnanais ng monopolyo sa kanilang tungkulin, ang pagnanais na laging mamuno. Sa sandaling may isang taong makahigit sa kanila, magbanta sa kanilang katayuan o kapangyarihan, ibinubukod nila siya at pinipigil siya, kahit umabot pa sa puntong wala sa prinsipyong mapinsala ang gawain ng iglesia. Sa pagninilay sa aking sarili simula nang tanggapin ko ang pang-lider na posisyon, hindi ako nagtuon sa kung ano ang mga responsibilidad ko sa aking tungkulin at kung paano ako gagawa ng praktikal na gawain, kundi sa karangalan na dala ng aking katayuan. Upang maprotektahan ang katayuan ko, hindi ko hinayaan ang sinumang mahigitan ako. Nalutas ng pagbabahagi ni Jingyi tungkol sa katotohanan ang problema ni Zhiqing. Ipinapakita niyon na bumalikat siya ng isang pasanin, at isang positibong bagay iyon, subalit hindi ako naging masaya na umayos na ang kalagayan ni Zhiqing. Sa halip, natakot akong magmumukhang mas magaling si Jingyi kaysa sa akin, at nabahalang mawawala ang puwang ko sa puso ng iba, na hindi na nila ako titingalain. Sinadya kong baguhin ang paksa para hindi magkaroon ng pagkakataon si Jingyi na magsalita. Nang makita kong pinupuri siya ng iba sa kanyang pagbabahagi, sinadya ko siyang pahirapan sa pamamagitan ng pagtatanong tungkol sa kanyang gawain. Pinagmukha ko siyang hindi magaling at hindi ako tumigil hanggang sa hindi na siya tinitingala ng iba. Para mapalakas ang aking posisyon, ginamit ko talaga ang masama’t kasuklam-suklam na taktikang ito upang supilin at ibukod ang isang taong nagagawang magbahagi ng katotohanan. Tunay na likas akong masama! Hindi ba’t nagpakita ako ng disposisyon ng isang anticristo? Naalala ko ang isang anticristo na pinatalsik ng iglesia ilang araw pa lamang ang nakararaan. Palagi niyang sinusupil at ibinubukod ang mga kapatid na nagpapahayag ng ibang mga opinyon, o na mas magaling kaysa sa kanya, nang hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Humantong siya sa pagkakatiwalag dahil sa paggawa ng lahat ng uri ng kasamaan. Sa lahat ng ginawa ko kay Jingyi, ano ang pagkakaiba ko at ng anticristo na iyon? Tinatahak ko ang landas ng anticristo.
Kalaunan, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Anuman ang gawin mo, mahalaga man ito o hindi, dapat ay palaging may isang taong tutulong sa iyo, upang bigyan ka ng mga paalala, payo, o upang gumawa ng mga bagay-bagay sa pakikipagtulungan sa iyo. Ito ang tanging paraan upang masiguro na magagawa mo ang mga bagay nang mas tama, mas magiging kaunti ang mga pagkakamali at mas malamang na hindi ka maliligaw—mabuting bagay ito. Ang paglilingkod sa Diyos, sa partikular, ay isang malaking bagay, at ang hindi paglutas sa iyong tiwaling disposisyon ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib! Kapag ang mga tao ay may mga satanikong disposisyon, maaari silang magrebelde at lumaban sa Diyos anumang oras at saanmang lugar. Ang mga taong namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon ay maaaring tanggihan, labanan, at pagtaksilan ang Diyos anumang oras. Labis na hangal ang mga anticristo, hindi nila ito napagtatanto, sa palagay nila, ‘Ang dami ko nang problemang pinagdaanan para magkaroon ng kapangyarihan, bakit ko ito ibabahagi sa iba? Ang pagbibigay nito sa iba ay nangangahulugang wala nang matitira para sa sarili ko, hindi ba? Paano ko maipakikita ang aking mga talento at kakayahan nang walang kapangyarihan?’ Hindi nila alam na ang ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao ay hindi kapangyarihan o katayuan, kundi isang tungkulin. Tinatanggap lamang ng mga anticristo ang kapangyarihan at katayuan, isinasantabi nila ang kanilang mga tungkulin, at hindi sila gumagawa ng praktikal na gawain. Sa halip, naghahangad lamang sila ng katanyagan, pakinabang at katayuan, at nais lamang nilang mang-agaw ng kapangyarihan, kontrolin ang mga hinirang ng Diyos, at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Ang paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan ay lubhang mapanganib—ito ay paglaban sa Diyos! Sinumang naghahangad ng katanyagan, pakinabang at katayuan sa halip na maayos na gampanan ang kanilang tungkulin ay naglalaro ng apoy at inilalagay sa panganib ang kanilang buhay. Iyong mga naglalaro ng apoy at inilalagay sa panganib ang kanilang buhay ay maaaring ipahamak ang kanilang sarili anumang sandali. Ngayon, bilang isang lider o manggagawa, naglilingkod ka sa Diyos, na hindi isang ordinaryong bagay. Hindi ka gumagawa ng mga bagay para sa kung sinong tao, lalo nang hindi ka nagtatrabaho para mabayaran ang mga bayarin at matustusan ang mga pangangailangan mo; sa halip, ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa iglesia. At ipagpalagay natin, lalo na, na ang tungkuling ito ay nagmula sa pagkakatiwala ng Diyos, ano ang ipinapahiwatig ng paggawa nito? Na ikaw ay may pananagutan sa Diyos sa iyong tungkulin, gawin mo man iyon nang maayos o hindi; sa huli, dapat magbigay ng ulat sa Diyos, dapat may kinalabasan. Ang natanggap mo ay atas ng Diyos, isang pinabanal na responsabilidad, kaya gaano man kalaki o kaliit ang kahalagahan ng responsabilidad na ito, seryosong usapan ito. Gaano kaseryoso ito? Sa maliit na antas, may kinalaman ito sa kung makakamit mo ang katotohanan sa buhay na ito at may kinalaman ito sa kung paano ka tinitingnan ng Diyos. Sa mas malaking antas, direkta itong nauugnay sa iyong kinabukasan at kapalaran, sa iyong magiging katapusan; kung gumagawa ka ng kasamaan at nilalabanan mo ang Diyos, kokondenahin ka at parurusahan. Lahat ng ginagawa mo kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin ay itinatala ng Diyos, at ang Diyos ay may sariling mga prinsipyo at pamantayan kung paano mamarkahan at susuriin ito; itinatakda ng Diyos ang iyong katapusan batay sa lahat ng ipinamamalas mo habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Natutuhan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang pagiging isang lider o manggagawa ay mahalagang gawain na hindi dapat basta-bastahin. Hindi ka dapat maging mapagmataas o matigas ang ulo. Nangangailangan ito ng may-takot-sa-Diyos na puso at maayos na pakikipagtulungan sa ibang mga kapatid. Kailangan mong mas hanapin ang katotohanan at makinig sa suhestiyon ng iba para hindi maling landas ang tatahakin mo. Binibigyan ng Diyos ang lahat ng iba’t ibang kakayahan at ang bawat tao ay may kanya-kanyang sariling pang-unawa. Ang isang tao ay may limitadong karanasan at nakikita lamang ang mga bagay mula sa iisang perspektibo. Para magkamit ng magagandang resulta sa ating tungkulin, kailangan ang kooperasyon ng bawat isa, at na punan natin ang pagkukulang ng isa’t isa. Nagmungkahi si Jingyi ng ilang magagandang paraan sa pagsasagawa na saktong pumuno sa kakulangan ng aking pagbabahagi. Isa itong mabuting bagay! Subalit mas mahalaga sa akin ang aking katayuan higit sa anupaman, kaya’t ninais ko lang magpasikat at himukin ang iba na tingalain ako, na sambahin ako. Nang makitang nagbabahagi nang maayos si Jingyi, inaalis ang pagiging sentro ko ng atensyon, ibinukod ko lang siya at sinupil siya. Hindi ba’t namumuhay ako ayon sa mga lason ni Satanas gaya ng: “Ako ang sarili kong panginoon sa buong langit at lupa” at “Isa lang ang lalaking maaaring manguna”? Wala akong pakialam kung nagbubunga ba ang mga pagtitipon namin o kung nakakahanap ba ng mga solusyon ang mga kapatid sa kanilang mga kalagayan. Ni hindi ko isinaalang-alang kung nakaramdam ba si Jingyi na pinipigilan siya o kung nasaktan siya. Nakatuon ang buong isip na hinangad ko ang katuparan ng sarili kong mga ambisyon at pagnanasa. Kasuklam-suklam talaga ako! Naglilingkod ako bilang lider ng iglesia subalit bigo ako na maakay ang mga kapatid sa harap ng Diyos. Hindi ko tinutulungan ang iba na magkamit ng kaalaman tungkol sa Diyos, kundi nais kong makontrol sila sa aking mga kamay, na mapatingala sila sa akin at mapapalibot sila sa akin. Paglaban iyon sa Diyos, pagtahak sa landas ng isang anticristo! Kung hindi ako magsisisi, tiyak na malalabag ko ang disposisyon ng Diyos at mapapalayas.
Sa pagbabalik-tanaw sa kung paano ko tinrato si Jingyi, nakita ko kung gaano kamalisyoso ang aking disposisyon, at kung gaano ako kawalang pagkatao. Para akong masusuka at kinamuhian ko ang aking sarili. Nais kong maghanap ng isang landas ng pagsasagawa upang malutas ang aking satanikong disposisyon sa lalong madaling panahon. Kalaunan ay may napanood akong video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos. Ang pagharap niya sa sangkatauhan ay may pagpapahalaga, konsiderasyon, at pagmamahal. Nais ng Diyos kung ano ang pinakamabuti para sa mga tao—ito ang pinagmulan at orihinal na layunin sa likod ng lahat ng kilos ng Diyos. Sa kabilang banda, ipinangangalandakan ni Satanas ang kanyang sarili, ipinipilit ang mga bagay-bagay sa mga tao, hinihimok silang sambahin ito at malinlang nito, at inaakay sila na maging masama, upang unti-unti silang maging mga buhay na diyablo at humantong sa pagkawasak. Ngunit kapag nananampalataya ka sa Diyos, kung nauunawaan at nakakamit mo ang katotohanan, makatatakas ka sa impluwensiya ni Satanas at matatamo mo ang kaligtasan—hindi mo mahaharap ang resulta ng pagkawasak. Hindi matiis ni Satanas na makitang maayos ang mga tao, at wala itong pakialam kung mabubuhay o mamamatay ang mga tao; ang iniisip lamang nito ay ang sarili nito, sarili nitong pakinabang, at sarili nitong kasiyahan, at wala itong pagmamahal, awa, pagpaparaya, at pagpapatawad. Hindi taglay ni Satanas ang mga katangiang ito; ang Diyos lamang ang nagtataglay ng mga positibong bagay na ito. Maraming gawain ang nagawa ng Diyos sa mga tao, ngunit kahit kailan ba ay nagsalita Siya tungkol dito? Naipaliwanag ba Niya ito? Naipahayag ba Niya ito? Hindi pa. Gaano man kamali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, hindi Siya nagpapaliwanag. … Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, at si Satanas ay nagpapakitang-gilas. Mayroon bang pagkakaiba? Pagpapasikat laban sa pagpapakumbaba at pagiging tago: alin ang mga positibong bagay? (Pagpapakumbaba at pagiging tago.) Maaari bang ilarawan na mapagpakumbaba si Satanas? (Hindi.) Bakit? Kung huhusgahan ang masamang kalikasang diwa nito, ito ay isang walang kuwentang basura; magiging hindi pangkaraniwan kay Satanas na hindi magpakitang-gilas. Paano matatawag na ‘mapagpakumbaba’ si Satanas? Ang ‘kababaang-loob’ ay tumutukoy sa Diyos. Ang pagkakakilanlan, diwa, at disposisyon ng Diyos ay matayog at marangal, ngunit hindi Siya kailanman nagpapakitang-gilas. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, upang hindi makita ng mga tao kung ano ang Kanyang nagawa, ngunit habang Siya ay nagtatrabaho sa ganoong kadiliman, ang sangkatauhan ay walang tigil na pinagkakalooban, pinangangalagaan, at ginagabayan—at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Hindi ba’t ang pagiging tago at kababaang-loob ang dahilan kung bakit hindi kailanman ipinapahayag ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi kailanman binabanggit ang mga ito? Mapagpakumbaba ang Diyos at ito ay tiyak na dahil nagagawa Niya ang mga bagay na ito ngunit hindi Niya kailanman binabanggit o ipinapahayag ang mga ito, at hindi nakikipagtalo tungkol sa mga ito sa mga tao. Ano ang karapatan mong magsalita tungkol sa kababaang-loob kung hindi mo kaya ang ganitong mga bagay? Hindi mo ginawa ang alinman sa mga bagay na iyon, subalit ipinipilit mong mabigyan ng karangalan para sa mga iyon—ito ay tinatawag na pagiging walang-hiya” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Masasama, Traydor, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)). Ipinakita sa akin ng siping ito ng mga salita ng Diyos kung gaano kamapagpakumbaba at katago ang Diyos. Siya ang Lumikha, na patuloy na ginagawa ang Kanyang gawain, gumagabay sa sangkatauhan at nagbibigay sa atin ng lahat ng kailangan natin upang mabuhay, subalit hindi Niya kailanman ipinagyayabang ang Kanyang sarili. Tahimik lang Niyang ipinahahayag ang katotohanan, gumagawa upang iligtas ang sangkatauhan. Ang diwa ng Diyos ay lubos na kaibig-ibig, sadyang napakabuti! Samantalang ako, nais kong ipagyabang ang aking sarili saanman ako magpunta. Sa sandaling tanggapin ko ang pang-lider na posisyon, inilagay ko ang aking sarili sa pedestal at tumangging bumaba mula roon. Nang magbahagi ang kapatid ko tungkol sa magagandang paraan sa pagsasagawa, hindi ko hinanap ang katotohanan nang may bukas na isip. Hindi ko hinayaan ang sinuman na makaungos sa akin. Napakayabang ko! Isa akong lider subalit hindi ko nililinang o nirerekomenda ang mga naghahanap sa katotohanan, sa halip ay ibinubukod at pinipigil ko sila. Ang inisip ko lang ay kung paano poprotektahan ang sarili kong katayuan, at hihikayatin ang iba na tingalain ako at hangaan ako. Wala talaga akong kahihiyan, at may kasuklam-suklam na katauhan! Nagmadali akong humarap sa Diyos sa panalangin: “O Diyos! Napakalubha ng aking anticristong disposisyon. Nais ko pong magsisi sa Iyo, na pumuwesto sa naaangkop kong lugar at gawin ang aking tungkulin nang nakaapak ang mga paa ko sa lupa.” Tapos nakipagkita ako sa lahat ng grupo para makipagbahaginan sa lahat tungkol sa mga pamamaraan ni Jingyi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Pagkatapos niyon, inilantad ko at hinimay ang pagpapakita ko ng katiwalian sa pakikipagpaligsahan ko sa kanya para sa katayuan, pati na ang aking anticristong disposisyon. Ang pagsasagawa nito ay nagpakalma at nagbigay sa akin ng kapayapaan.
Pagkatapos niyon, kapag natatagpuan ko ang sarili ko sa isang kalagayan ng pakikipagpaligsahan sa iba para sa katayuan, sadya kong isinasagawa ang katotohanan. Isang araw, nasa isang pagtitipon ako kasama ng ilang lider ng grupo, at si Sister Yang Guang, na palakaibigan, ay tila lubos na masigla sa simula pa lamang at aktibong sumasagot sa mga katanungan ng iba. Siya ang sentro ng atensyon sa buong panahong yun. Sa isang punto nang tinatalakay namin kung paano hahatiin ang mga pagtitipon para sa mga bagong mananampalataya, nagbigay ng ibang suhestiyon si Yang Guang nang sandaling matapos akong magsalita. Kahit na ang pakiramdam ko ay tama siya, nang makita kong umaayon sa kanya ang lahat ng kapatid at na ang tingin ng lahat ay nasa kanya na, pakiramdam ko ay napahiya ako. Naisip ko, “Si Yang Guang ang naging sentro ng atensyon, at suporta lamang ang papel ko. Ako ang lider, pero hindi ba’t parang dekorasyon lamang ako?” Nang sandaling maisip ko ito, napagtanto ko na nakikipagpaligsahan na naman ako para sa katayuan, nakikipaglaban para maging sentro ng atensyon. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, sinasabing handa akong isaisantabi ang aking sarili at makipagtulungan nang mabuti kay Yang Guang, at na kailangan ko ang Kanyang patnubay upang baguhin ang aking maling kalagayan. Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Dapat mong talikuran ang mga titulo ng pagiging lider, talikuran ang maruming hangin ng katayuan, tratuhin ang sarili mo bilang isang ordinaryong tao, tumayo na kapantay ng iba, at maging responsable sa iyong tungkulin. Kung lagi mong tatratuhin ang iyong tungkulin bilang isang opisyal na titulo at katayuan, o bilang isang uri ng pagkilala, at iisipin mo na naroon ang iba para pagsilbihan ka sa iyong posisyon, problema ito, at hahamakin at kasusuklaman ka ng Diyos. Kung naniniwala ka na kapantay ka ng iba, mayroon ka lamang kaunti pang atas at responsabilidad mula sa Diyos, kung matututo kang ipantay ang sarili mo sa kanila, at makakapagpakumbaba pa para tanungin kung ano ang iniisip ng ibang mga tao, at kung kaya mong pakinggan nang taimtim, masinsinan, at mabuti ang sinasabi nila, makakapagtrabaho ka nang maayos kasama ang iba” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Unang Bahagi)). Ang siping ito ng mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng isang landas ng pagsasagawa. Binigyan ako ng pagkakataon ng iglesia na maglingkod bilang lider, hindi para bigyan ako ng katayuan, kundi para tulutan akong makipagtulungan sa lahat nang matiwasay upang magampanan nang maayos ang tungkulin. Hindi ako puwedeng lagi na lamang nag-aalala sa aking reputasyon at katayuan, o nakikipagpaligsahan sa iba para sa karangalan. Tama ang suhestiyon ni Yang Guang, kaya’t dapat ko itong tanggapin. Ito ang pinakamabuti para sa gawain ng iglesia. Nang matapos siyang magsalita, nagpahayag ako ng pagsang-ayon at sinabi ko sa ibang mga kapatid na magpatuloy ayon sa kanyang suhestiyon. Hindi na ako nakikipagkompitensiya sa kanya sa puso ko. Sa pagtitipon na iyon, ang lahat ay lantarang nagbahagi ng sarili nilang mga opinyon at lubhang naging mabunga ang pagpupulong na iyon. Tuwang-tuwa akong makita ito, at talagang nagpasalamat ako sa paggabay ng Diyos. Napagtanto ko na ang pakikipagtulungan sa iba nang hindi napipigilan ng mga paghihigpit na dala ng katayuan ay lubhang nakapagpapalaya.
Sa pamamagitan ng karanasang ito ko nakita kung paanong ibinubukod at sinusupil ko ang mga tao para mapatatag ang aking katayuan. Nakita ko kung paano ako namumuhay ayon sa isang satanikong disposisyon, kayang gumawa ng kasamaan at lumaban sa Diyos anumang oras. Ang hindi paghahanap sa katotohanan ay lubhang mapanganib. Ang mga salita ng paglalantad ng Diyos, at ang paghahayag ng mga katunayan, ay hinayaan akong malinaw na nakita na nasa mali akong landas at tinulutan akong magbago nang kaunti. Tunay ko ring nadama na hangga’t buong-puso tayong naghahanap sa katotohanan at nagsisikap na ayusin ang ating mga tiwaling disposisyon, pangungunahan tayo ng Diyos. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.