Matapos Magsakit Ang Bata Kong Anak na Lalaki
Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May napakahinang katwiran ang mga tao—masyadong marami silang hinihingi sa Diyos at humihingi sila nang sobra-sobra mula sa Kanya, wala silang kahit katiting na katwiran. Palaging hinihingi ng mga tao na gawin ito o iyon ng Diyos at hindi nila makayang ganap na magpasakop sa Kanya o sumamba sa Kanya. Sa halip, humihingi sila ng mga di-makatwirang bagay mula sa Diyos batay sa kanilang sariling mga kagustuhan…. Napakahina ng katwiran ng tao, hindi ba? Hindi lang sa hindi kaya ng mga taong ganap na magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos o tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, bagkus, nagpapataw sila ng mga karagdagang hinihingi sa Diyos. Paano magiging tapat sa Diyos ang mga taong may gayong mga hinihingi? Paano sila makapagpapasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos? Paano nila makakayang mahalin ang Diyos? May mga hinihingi ang lahat ng tao sa kung paano sila dapat mahalin, pagtimpian, bantayan, protektahan, at pangalagaan ng Diyos, pero wala sa kanila ang may anumang hinihingi sa kanilang sarili kung paano dapat mahalin ang Diyos, isipin ang Diyos, maging maalalahanin sa Diyos, pasiyahin ang Diyos, magkaroon ng Diyos sa kanilang puso, at sumamba sa Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Dati, kapag binabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos, hindi ko ito ginagamit upang suriin ang aking sarili. Akala ko nagsasalita ang Diyos tungkol sa mga mananampalataya na naghahanap lamang ng tinapay upang mapawi ang gutom, na mga taong tulad lang nila ang patuloy na hihiling sa Diyos at hihingi ng biyaya at pagpapala mula sa Kanya. Para sa akin, nakakain at nakainom na ako ng napakaraming salita ng Diyos; alam kong ako ay isang nilikha at dapat akong tumayo sa posisyon ng pagiging nilikha, at alam ko na pinagpala man ako ng Diyos o hindi at kung magtatakda man Siya ng mga paborable o masamang pangyayari, dapat akong magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Sa ganitong uri ng pag-unawa at adhikain, inakala ko na kaya kong magpasakop sa Diyos at wala akong hinihiling sa Kanya. Sa pagkakataong ito, ang sakit ng anak ko ang sa wakas ay malinaw na nagpamalas sa akin ng tunay na tayog ko at ang katotohanan ng aking katiwalian.
Noong Setyembre ng taong 2015, umuwi ang anak ko galing sa bahay ng lola niya, at sinabi ng lola niya na tumaba raw siya. Napansin ko na medyo namamaga ang mga talukap ng mata ng anak ko; may hindi tama sa mga ito. Hinubaran ko ng damit at pantalon ang anak ko para masuri ko siya, at nakita kong medyo namamaga ang mga binti niya at makintab ang hitsura ng mga ito. Nang pinindot ko ang kanyang binti, nag-iwan ito ng isang marka, at hindi ito nawala kaagad ‘di gaya sa isang normal na tao. Bigla kong naisip ang isang bagay na madalas sabihin ng matatanda: “Ang mga batang lalaki ay natatakot sa namamagang mga binti, habang ang mga batang babae ay natatakot sa isang namamagang ulo.” Ibig sabihin nito na kung ang mga binti ng isang batang lalaki ay namamaga, tiyak na mayroon siyang medyo malubhang sakit. Nagkaroon ako ng masamang pakiramdam sa aking puso; tiyak na may malubhang karamdaman ang aking anak. Kinabukasan, dinala namin ang aming anak sa nephrology na ospital ng probinsya. Sinabi ng doktor na maaaring may nephrotic syndrome siya. Sa ganitong uri ng sakit, ang mga antas ng albumin sa katawan ay lubhang mababa, habang ang mga antas ng creatinine ay napakataas. Ang pasyente ay tuluy-tuloy na manghihina, at kapag lumala, nagiging uremia ito. Naalala ko na sa medisina ng Tsina, ang kidney raw ay likas na pundasyon ng isang tao. Kapag nagkaproblema ang kidney, may direktang impluwensya ito sa kalusugan ng bata. Kapag hindi nagamot ang sakit na ito, hindi makakapag-aral ang anak ko ‘di tulad ng mga normal na bata, at magiging problema rin para sa kanya ang pag-aasawa. Habang iniisip ko ito, labis akong nag-alala, at naisip ko, “Labing-apat na taong gulang pa lang ang anak ko; marami pa siyang pagdadaanan. Lagi na lang ba talaga siyang pahihirapan ng sakit? Paano ito matitiis ng isang batang kasing-edad niya? Hindi ko puwedeng hayaang magkasakit nang ganito ang anak ko; kahit ibenta pa namin ang aming bahay at lupa, kailangan kong tiyakin na gagaling siya.” Nababalisang naghintay ako sa ospital para sa mga resulta ng pagsusuri sa aking anak. Sa puso ko, walang tigil akong nananalangin sa Diyos. Habang nagdarasal, naalala ko na dapat nga pala ay magdaraos ako ng pagtitipon sa bahay ko kahapon. Hindi ba’t pinagpapaliban ko ang aking tungkulin? Nakaramdam ako ng matinding pagsisisi sa sarili, iniisip na hindi ko dapat hayaang makahadlang sa pagdaraos ng pagtitipon ang pagpapagamot sa sakit ng anak ko. Nasa ospital ang asawa ko upang alagaan ang aking anak, kaya umuwi muna ako at sabay akong nagdaos ng mga pagtitipon at nagtrabaho.
Nang maglaon, na-diagnose ang aking anak na may nephrotic syndrome Nang marinig ko ang balita, gulat na gulat ako. Ito ang pinakakinatatakutan ko, at ngayon ay nangyari na nga ito. Sa pagpapatuloy, ang aking anak ay hindi makakapag-aral nang normal, at maaari lamang manatili sa ospital. Paano kaya ito matitiis ng isang batang tulad niya? Habang iniisip ito, hindi ko napigilan ang mga luha ko. Sa mga araw na iyon, napakabigat ng puso ko, at hindi ko maiwasang mapaisip sa sarili, “Mula nang tanggapin ko ang gawain ng Diyos, hindi ako nagsumamo sa Diyos tungkol sa mga bagay na makalaman. Napakaganda kung, sa pagkakataong ito, gagawan ako ng pabor ng Diyos at payagan Niya ang aking anak na ganap na gumaling.” Gusto kong manalangin sa Diyos at hilingin sa Kanya na tanggalin na Niya ang karamdaman ng anak ko, pero alam ko na ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang gawain ng paghatol at pagkastigo, pagsubok at pagpipino; ginawa ito upang linisin ang tiwaling disposisyon ng sangkatauhan. Ang paggawa ng gayong kahilingan sa Diyos ay hindi naaayon sa Kanyang layunin. Ngunit sa sandaling naisip ko ang karamdaman ng aking anak, umasa pa rin ako na bibigyan siya ng Diyos ng mga pabor dahil sa aking “pagpapasakop.” Kapag nangyari ito, hindi na kailangang tiisin ng anak ko ang ganitong uri ng pasakit. Nagpatuloy ako sa pag-asa sa loob ng ilang panahon, ngunit hindi nagpakita ng pagbuti ang kalagayan ng aking anak. Bagama’t sa panlabas ay hindi ko naantala ang aking tungkulin, napakabigat naman ng loob ko. Upang malampasan ang pasakit na nararamdaman ko, ang tanging magagawa ko ay manalangin sa Diyos, hanapin Siya, at kumain at uminom ng Kanyang mga salita. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang iyong hinahabol ay ang matamo ang kapayapaan pagkatapos na maniwala sa Diyos, upang ang iyong mga anak ay mailayo sa sakit, upang ang iyong asawang lalaki ay magkaroon ng magandang trabaho, upang ang iyong anak na lalaki ay magkaroon ng mabuting asawang babae, upang ang iyong anak na babae ay makatagpo ng disenteng asawang lalaki, upang ang iyong mga baka at mga kabayo ay makapag-araro nang mahusay, upang magkaroon ng isang taon ng magandang panahon para sa iyong mga tanim. Ito ang iyong hinahanap. Ang iyong hinahabol ay para mabuhay lamang nang maginhawa, upang walang mga aksidenteng dumating sa iyong pamilya, upang ang hangin ay lampasan ka lamang, upang ang iyong mukha ay hindi mabahiran ng dumi, upang ang mga tanim ng iyong pamilya ay hindi bahain, upang ikaw ay hindi maapektuhan ng anumang sakuna, upang mabuhay sa pag-iingat ng Diyos, upang mabuhay sa isang maginhawang tirahan. Ang duwag na kagaya mo, na palaging naghahabol sa laman—mayroon ka bang puso, mayroon ka bang espiritu? Hindi ka ba isang hayop? Ibinibigay Ko sa iyo ang tamang daan nang hindi humihingi ng anumang kapalit, gayunman ay hindi ka nagsisikap. Isa ka ba sa mga naniniwala sa Diyos?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Tumagos sa aking puso ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sakto ang tinamaan ng Diyos, isiniwalat ang aking pananaw ng paghahangad ng mga pagpapala sa pananampalataya ko sa Diyos. Matapos makumpirma na may nephrosis syndrome ang aking anak, sa panlabas, ginawa ko ang aking makakaya upang pigilan ang paghiling sa Diyos habang nananalangin, ngunit sa loob-loob ko, umasa ako na kahahabagan ako ng Diyos dahil sa aking “pagpapasakop” at aalisin na Niya ang sakit ng anak ko. Nang hindi tinugon ng Diyos ang aking mga kahilingan, nakaramdam ako ng kirot sa puso ko, at hindi ko hinanap ang mga aral na dapat kong matutuhan mula sa mga ganitong bagay na nangyayari sa akin. Ano ang pinagkaiba ko sa mga taong iyon na nasa relihiyon? Ang hinangad ko sa aking pananampalataya ay paghahanap pa rin ng tinapay upang mapawi ang gutom, na hindi naman naaayon sa layunin ng Diyos. Sa pagninilay nito, nakaramdam ako ng matinding hiya at kinamuhian ko ang aking sarili sa hindi ko paghahangad ng katotohanan at sa paghiling ng mga ito sa Diyos. Wala talaga akong dahilan. Nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, “O Diyos ko! Handa akong ipagkatiwala sa Iyo ang sakit ng aking anak at magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos. Pakibigyan Mo ako ng pagpapahalaga sa pasanin at bigyan ako ng pananalig upang magawa ko nang maayos ang aking tungkulin at mapalugod Ka.” Pagkatapos manalangin, medyo mas naging mapayapa at magaan ang puso ko.
Noong Marso ng taong 2016, tinanggap ko ang mga tungkulin sa pamumuno sa iglesia. Pagkalipas ng ilang buwan, bumalik ang karamdaman ng aking anak. May ihi siya na hindi niya mailabas, na nagdulot ng edema sa buo niyang katawan. Lubos akong nanlumo nang makita ko ito. Sa kung anong dahilan ay nagkaroon ng ganitong kalagayan ang isang mabuting batang tulad niya. Kung paulit-ulit ang lahat ng ito, kailan kaya siya gagaling? Naisip ko, “Siguro hindi sapat ang ginagawa ko sa aking tungkulin. Kung dadagdagan ko ang pagsisikap, posible bang bumuti nang kaunti ang kalagayan niya?” Kaya gumugol ako ng higit pang lakas sa paggawa ng tungkulin ko. Nagulat ako nang unti-unti nang gumaling ang anak ko. Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos at ginawa ko ang aking tungkulin nang mas masigasig, na nagbunga ng ilang resulta sa iba’t ibang mga gawain. Lumipas ang panahon, at sa taglagas ng 2016, hindi inaasahang lumala ang kalagayan ng anak ko. Paunti nang paunti ang ihi na inilalabas niya araw-araw, at halos lahat ng likido ay naipon sa loob ng kanyang katawan. Sobrang namaga ang katawan niya hanggang sa punto na nabago ang hugis ng mukha niya at ang kanyang mga mata ay naging makitid na guhit na lang; hindi na siya makilala. Ang kanyang mga binti ay parang mga binti ng elepante, makintab naman ang balat niya, at halos hindi na siya makabangon sa kama. Kapag nasa malayo kami’t ginagawa ang aming mga tungkulin, maaari lamang siyang magpalipas ng oras sa paglalaro sa kanyang telepono. Nang dadalhin na sana namin siya sa ospital, parang matandang sinabi niya, “Hindi na gagaling ang sakit ko; walang silbi ang pagpunta pa roon. Gawin mo na lang ang lahat ng dapat mong gawin.” Sana ay ako na lang ang nagdurusa ng lahat ng pasakit na iyon kapalit niya, pero wala akong magawa. Bago ko pa mapansin, nagrereklamo na ako sa Diyos, iniisip ko, “O Diyos ko! Hindi ako si Job, at hindi rin ako si Pedro; hindi ganoon kataas ang tayog ko. Higit pa rito, sa buong panahon na ito, hindi ako tumigil sa paggawa ng tungkulin ko. Bakit hindi gumagaling ang anak ko? Hindi man gumaling agad ang sakit niya, ayos na sa akin basta hindi lang ito patuloy na lumala.” Habang pinag-iisipan ko ito, napagtanto ko na nagrereklamo ako na ang Diyos ay hindi matuwid. Nakaramdam ako ng matinding pagkabalisa, at dali-dali akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos ko! Alam kong hindi ako dapat magreklamo sa Iyo sa ganitong paraan, pero hindi ko talaga kayang malampasan ito, at hindi ko alam kung anong mga aral ang dapat kong matutuhan. Pakigabayan Mo ako sa bagay na ito.”
Pagkatapos manalangin, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang katuwiran ay walang kinalaman sa pagiging makatarungan o makatwiran; hindi ito egalitaryanismo, o pagbibigay sa iyo ng nararapat sa iyo alinsunod sa gawaing natapos mo, o binabayaran ka para sa anumang gawaing natapos mo, o ibinibigay sa iyo ang nararapat sa iyo ayon sa kung gaano ka nagsisikap. Hindi ito pagiging matuwid, pagiging patas at makatwiran lamang ito. Kakaunting tao lamang ang may kakayahang malaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Ipagpalagay nang inalis ng Diyos si Job matapos siyang magpatotoo para sa Kanya: Magiging matuwid ba ito? Sa katunayan, oo. Bakit ito tinatawag na pagiging matuwid? Ano ang tingin ng mga tao sa pagiging matuwid? Kung ang isang bagay ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, napakadali para sa kanila ang sabihin na matuwid ang Diyos; gayunman, kung hindi nila nakikita na nakaayon ang bagay na iyon sa kanilang mga kuru-kuro—kung ito ay isang bagay na hindi nila kayang unawain—mahihirapan silang sabihin na matuwid ang Diyos. Kung winasak ng Diyos si Job noon, hindi masasabi ng mga tao na Siya ay matuwid. Gayunpaman, sa totoo lang, kung ang mga tao man ay nagawang tiwali o hindi, at kung lubos man silang nagawang tiwali o hindi, kailangan bang bigyang-katwiran ng Diyos ang Kanyang sarili kapag nilipol Niya sila? Kailangan ba Niyang ipaliwanag sa mga tao kung sa anong batayan Niya ginagawa ito? Kailangan bang sabihin ng Diyos sa mga tao ang mga tuntuning inordena Niya? Hindi na kinakailangan. Sa paningin ng Diyos, ang isang taong tiwali at malamang na lumaban sa Diyos ay walang anumang silbi; paano man siya pakikitunguhan ng Diyos ay magiging angkop, at ang lahat ay pagsasaayos ng Diyos. … Ang pinakadiwa ng Diyos ay katuwiran. Bagama’t hindi madaling unawain ang Kanyang ginagawa, matuwid ang lahat ng Kanyang ginagawa; hindi lamang talaga ito nauunawaan ng mga tao. Nang ibigay ng Diyos si Pedro kay Satanas, paano tumugon si Pedro? ‘Hindi maarok ng sangkatauhan ang Iyong ginagawa, ngunit lahat ng Iyong ginagawa ay kinapapalooban ng Iyong mabuting kalooban; mayroong katuwiran sa lahat ng iyon. Paanong hindi ko pupurihin ang Iyong karunungan at mga gawa?’ Dapat makita mo na ngayon na ang dahilan kaya hindi pinupuksa ng Diyos si Satanas sa panahon ng Kanyang pagliligtas sa tao ay para maaaring makita nang malinaw ng mga tao kung paano sila nagawang tiwali ni Satanas at kung gaano sila nito nagawang tiwali, at kung paano sila dinadalisay at inililigtas ng Diyos. Sa huli, kapag naunawaan na ng mga tao ang katotohanan at malinaw nang nakita ang kasuklam-suklam na anyo ni Satanas, at namasdan ang napakalaking kasalanan ng pagtitiwali sa kanila ni Satanas, pupuksain ng Diyos si Satanas, ipapakita sa kanila ang Kanyang pagiging matuwid. Ang panahon ng pagpuksa ng Diyos kay Satanas ay puspos ng disposisyon at karunungan ng Diyos. Lahat ng ginagawa ng Diyos ay matuwid. Bagama’t maaaring hindi maarok ng mga tao ang katuwiran ng Diyos, hindi sila dapat manghusga nang basta-basta. Kung may ginagawa Siya na mukhang hindi patas para sa mga tao, o kung mayroon silang anumang mga kuru-kuro tungkol doon, at nagiging daan iyon para sabihin nilang hindi Siya matuwid, kung gayon ay masyado silang hindi makatwiran” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi tulad ng inaakala ko—makatarungan at makatwiran, at patas ito. Inakala ko na hangga’t nagagawa ng mga tao ang ilang mga tungkulin, dapat silang bigyan ng pabor ng Diyos, at habang mas tumataas ang halagang binabayaran ng mga tao sa kanilang mga tungkulin, mas dapat silang pagpalain ng Diyos. Ito ay mga transaksiyonal na pananaw sa mundo at sa simula pa ay hindi na ito nakaayon sa katotohanan. Ang diwa ng Diyos ay matuwid. Ang lahat ng Kanyang ginagawa ay natural na pagbubunyag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Naisip ko kung paano natakot si Job sa Diyos at umiwas sa kasamaan at isa siyang perpektong tao sa mata ng Diyos. Ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi niya dapat kinailangan pang harapin ang mga tukso ni Satanas, ngunit pinahintulutan ng Diyos na mangyari sa kanya ang ganoong bagay. Bagaman hindi ito naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, pinasakdal nito ang pananalig ni Job. Nakita ko na pinagpala man o pinagkaitan ng Diyos ang mga tao, inilagay man Niya sila sa mga pagsubok at ibinunyag sila o ginawang perpekto, ang lahat ng ito ay pagbubunyag ng matuwid na diwa ng Diyos, at dapat na magpasakop ang lahat at tanggapin ang mga ito. Hindi dapat gugulin ng tao ang kanilang sarili bilang kapital para sabihan ang Diyos kung ano ang gagawin. Ngunit hindi ko naunawaan ang katuwiran ng Diyos. Nang medyo ginugol ko ang sarili ko sa aking tungkulin at nakita kong bumubuti na ang kalagayan ng aking anak, naniwala ako na ang Diyos ay matuwid at masigla ako sa aking tungkulin. Nang bumalik ang sakit ng aking anak at ang kanyang kalagayan ay lalong lumala, nagreklamo ako sa Diyos at naisip kong napakahirap ng mga pagsubok na pinararanas Niya sa akin. Nagsimula akong mangatwiran sa Diyos at sumalungat sa Kanya. Ipinakita nito na ang aking pakahulugan sa katuwiran ng Diyos ay nakabatay sa kung magkakamit ba ako o hindi ng biyaya at mga pagpapala mula sa pagsusumikap ko at paggugol ng sarili; puno ito ng mga transaksyon at palitan. Hindi ba’t humihingi ako sa Diyos ayon sa aking sariling mga kuru-kuro? Hindi ko ginagawa ang aking tungkulin bilang isang nilikha, at ganap na hindi ako nagtataglay ng konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang nilikha. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos ko! Gusto kong maging isang taong may konsensiya at katwiran at gawin kong mabuti ang aking tungkulin para paluguran Ka. Bakit mali ang pagkakaunawa ko sa Iyo at nagrereklamo sa Iyo sa tuwing nahaharap ako sa mga bagay na hindi ko gusto? Diyos ko, pakipatnubayan Mo ako upang maunawaan ko ang aking sarili sa bagay na ito.”
Nang maglaon, binasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Magmula ng ang tao ay magsimulang maniwala sa Diyos, itinuturing ng tao ang Diyos na isang kornukopya, isang Swiss Army na lanseta, at itinuturing ang sarili niya na pinakamalaking pinagkakautangan ng Diyos, na para bang ang pagsisikap na makakuha ng mga pagpapala at pangako mula sa Diyos ay ang kanyang likas na karapatan at obligasyon, habang ang responsibilidad ng Diyos ay ang ingatan at pangalagaan ang tao at magbigay ng pangtustos sa kanya. Ganito ang pangunahing pagkaunawa sa ‘paniniwala sa Diyos,’ ng lahat ng taong naniniwala sa Diyos, at ito ang kanilang pinakamalalim na pagkaunawa sa konsepto ng paniniwala sa Diyos. Mula sa kalikasang diwa ng tao hanggang sa kanyang pansariling hangarin, wala sa mga ito ang may kinalaman sa takot sa Diyos. Hindi maaari na ang layunin ng tao sa paniniwala sa Diyos ay may kinalaman sa pagsamba sa Diyos. Ibig sabihin, hindi kailanman itinuring o naintindihan ng tao na ang paniniwala sa Diyos ay nangangailangan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos, at pagsamba sa Diyos” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). “Ano ang problema sa mga taong palaging humihingi sa Diyos? At ano ang problema sa palagi nilang pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos? Ano ang nakapaloob sa kalikasan ng tao? Natuklasan Kong, anuman ang mangyari sa kanila, o anuman ang kanilang pinagdaraanan, palaging pinoprotektahan ng mga tao ang kanilang sariling mga interes at inaalala ang sariling katawan, at palagi silang naghahanap ng mga katwiran o dahilang mapakikinabangan nila. Kahit kaunti ay hindi nila hinahanap o tinatanggap ang katotohanan, at lahat ng kanilang ginagawa ay upang maipagtanggol ang kanilang katawan at magpakana para sa kanilang mga hangarin. Humihingi silang lahat ng biyaya sa Diyos, nagnanais na makamit ang anumang bentaheng kaya nilang makamit. Bakit masyadong maraming hinihingi ang mga tao sa Diyos? Pinatutunayan nito na likas na sakim ang mga tao, at sa harap ng Diyos, wala man lang silang taglay na anumang katwiran. Sa lahat ng ginagawa ng mga tao—sila man ay nagdarasal o nagbabahaginan o nangangaral—ang kanilang mga paghahangad, kaisipan, at minimithi, ang lahat ng bagay na ito ay paghingi sa Diyos at pagtatangkang humingi ng mga bagay sa Kanya, ginagawa ang lahat ng ito ng mga tao sa pag-asang may makamit mula sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao na ‘ito ang kalikasan ng tao,’ na tama naman! Dagdag pa rito, ang sobra-sobrang paghingi ng mga tao sa Diyos at pagkakaroon nila ng labis-labis na pagnanais ay nagpapatunay na talagang walang konsiyensiya at katwiran ang mga tao. Lahat sila ay nanghihingi ng mga bagay para sa sarili nilang kapakanan, o sinusubukan nilang makipagtalo at maghanap ng dahilan para sa kanilang sarili—ginagawa nila ang lahat ng ito para sa kanilang sarili. Sa maraming bagay, makikitang ang ginagawa ng mga tao ay talagang walang katwiran, na ganap na patunay na ang satanikong lohika na ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba’ ay naging kalikasan na ng tao. Anong problema ang ipinapakita ng mga taong masyadong maraming hinihingi sa Diyos? Ipinapakita nito na ang mga tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas sa isang tiyak na punto, at sa kanilang pananalig sa Diyos, hindi nila talaga Siya itinuturing na Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao mula sa Diyos). Sa pagbabasa ng mga salitang ito, labis na nalungkot ako. Ako mismo ang uri ng tao na isiniwalat ng Diyos; itinuring ko ang aking sarili bilang pinagkakautangan ng Diyos at hindi ko Siya itinuring na Lumikha. Sa pag-iisip sa panahon ng pananampalataya ko sa Panginoon, pagkatapos matamasa ang biyaya at pagpapala ng Diyos, naniwala ako na hangga’t nananalangin ang mga tao at sumasamo sa Diyos kapag nahaharap sa paghihirap, ibibigay Niya sa kanila ang kanilang mga kahilingan, dahil walang hihigit sa pagmamahal ng Diyos sa tao. Matapos tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na ang Diyos ang Lumikha, at ang mga tao ay hindi dapat humihingi sa Kanya ng mga di-makatuwirang hiling na magkaloob Siya ng biyaya at mga pagpapala sa kanila. Gayunpaman, hindi pa rin nagbabago ang pananaw sa pagkakaroon ng mga pagpapala sa loob ko. Halimbawa na ang sakit ng anak ko: nagawa kong ipagkatiwala ito sa Diyos sa simula, at pagkatapos kong makita na medyo bumuti na ang kalagayan ng anak ko, inisip ko na talagang nagmamalasakit sa amin ang Diyos. Naisip ko na kung mananatili ako sa aking tungkulin at kapag nakita ng Diyos na ginugugol ko ang aking sarili, baka gumaling ang anak ko Sa ilalim ng kontrol ng mga intensyong ito, lalo akong naging masigla kapag ginagawa ang aking tungkulin. Ngunit nang ang paggugol ko sa aking sarili ay hindi nagbunga ng ninanais na mga resulta at ang sakit ng aking anak ay lalong lumala, hindi ko naiwasang magreklamo laban sa Diyos. Naisip ko na dapat akong makakuha ng kredito para sa paggawa ng ilang tungkulin at pagbabayad ng kaunting halaga, na dahilan ito upang maging kuwalipikado ako na makipagkasundo sa Diyos. Nakita ko na nananampalataya ako sa Diyos at ginagawa ko ang aking tungkulin alang-alang sa pagkakamit ng mga pagpapala at benepisyo sa halip na simpleng bigyang-kasiyahan ang Diyos. Napakamakasarili talaga ng kalikasan ko! Halimbawa, ang pagiging mabuting anak sa kanilang mga magulang ay isang bagay na ganap na likas at may katwiran, at ang mga anak ay hindi lamang dapat maging mabuting anak kapag ang kanilang mga magulang ay nag-iipon ng kayamanan para sa kanila. Bilang isang nilikha, ang pananampalataya at pagsamba sa Diyos ay higit na ganap na likas at may katwiran, ngunit palagi kong kinikimkim sa loob ko ang sarili kong mga layunin at mga hinihingi, niloloko ko ang Diyos sa lahat ng ginawa ko. Ang gayong pananampalataya ay hindi kailanman makakatanggap ng papuri ng Diyos. Labis akong nanliit at napahiya. Ang gusto ko lang ay bumalik sa Diyos, kunin ang posisyon ng isang nilikha, at ituwid ang aking isipan, hindi na humihingi o nagrereklamo laban sa Diyos at ipinagkakatiwala ang aking anak sa Kanya.
Sa pagtatapos ng 2018, kinailangan kong umalis sa bahay dahil sa mga panganib sa seguridad. Ito ang panahon kung kailan, dahil sa matagal na pag-inom ng gamot na may hormone, na-diagnose ang anak ko na may osteonecrosis of the femoral head (ONFH). Hindi niya maituwid ang kanyang likod sa paglalakad at makakapaglakad lang kapag nakatukod ang dalawang kamay sa kanyang mga tuhod. Kahit alam kong nandiyan ang asawa ko para alagaan siya at wala akong maitutulong sa bahay, nagdala pa rin sa akin ng matinding pasakit ang sitwasyon ng aking anak, at naisip ko, “Ang dati nang sakit ng aking anak ay hindi pa rin gumagaling, at ngayon ay mayroon pa siyang bago; ano ang dapat kong gawin?” Habang iniisip ko ito, lalo akong naging kahabag-habag, at umasa akong gagawa ng milagro ang Diyos na makokontrol ang kalagayan ng aking anak sa lalong madaling panahon. Bahagya kong naramdaman na muli akong humihiling sa Diyos, kaya’t nanalangin ako sa Diyos nang tahimik sa aking puso, humihiling sa Kanya na protektahan ako upang mapanindigan ko ang aking posisyon bilang isang nilikha at magpasakop sa mga pangyayaring ito. Pagkatapos manalangin, nag-impake ako ng damit at umalis ng bahay.
Sa panahon na malayo ako sa bahay, naiisip ko minsan ang aking anak, na nagdulot ng ilang pagkaabala sa aking tungkulin, kaya’t nanalangin ako sa Diyos at kumain at uminom ng Kanyang mga salita. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang tungkulin ng mga magulang sa buhay ng isang bata ay ang bigyan lang sila ng isang pormal na kapaligiran na kalalakihan nila, sapagkat walang makaiimpluwensya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay nauna nang naitadhana, at hindi mababago kahit na ng sariling mga magulang ang kapalaran ng isang tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hawak ng Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan at inaayos Niya ang kapalaran ng bawat tao. Sa buhay ng bawat isa, may pagdurusa na dapat nilang tiisin, at walang sinuman ang maaaring magtiis nito kapalit nila. Para naman sa anak ko, ang magagawa ko lang ay palakihin siya at gampanan ang responsabilidad ko. Pagdating sa kung anong mga paghihirap ang dapat niyang tiisin sa kanyang buhay at kung ano ang magiging kalalabasan ng kanyang buhay, ang lahat ng ito ay nasa kamay ng Diyos. Hindi ko ito mapapagpasyahan o mababago. Dati, kapag nasa bahay ako, bahagyang binabantayan ko ang anak ko at pinaaalalahanan ko siya na uminom ng kanyang mga gamot sa oras, pero nagkaroon pa rin siya ng ONFH. Hindi mababago ng aking pag-aalaga at pag-aasikaso ang uri ng pagdurusa na kailangang tiisin ng aking anak. Kahit na manatili ako sa tabi ng aking anak, ang magagawa ko lang ay samahan siya at magbigay ng kaunting ginhawa; talagang hindi ako makakapagpasya kung lalala ba o bubuti ang kanyang sakit. Kinailangan kong ipagkatiwala ang aking anak sa Diyos; ang tanging nararapat na gawin ay ang hayaan ang Diyos sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos. Sa pag-iisip nito, medyo nakadama ako ng kaunting kalayaan at nagkaroon ng kapayapaan ng isip sa aking pagganap sa tungkulin.
Kalaunan, sinabi ng asawa ko na bumalik na sa ospital ang anak ko. Nang marinig kong bumalik ang sakit ng aking anak, medyo nabalisa ako, at nanalangin ako sa Diyos, sinasabing handa akong ipagkatiwala ang aking anak sa Kanya at hayaan Siya sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos sa lahat. Ang dapat ko lang gawin ay magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos at gawin ang aking tungkulin nang maayos. Noong nanalangin ako sa Diyos sa ganitong paraan, hindi na humingi sa Kanya, nakaramdam ako ng labis na kapayapaan at kaginhawaan, at naibuhos ko ang aking puso sa aking tungkulin.