Ang Kahihinatnan ng Hindi Pagsusumikap sa Aking Tungkulin

Marso 8, 2022

Ni Linda, Italya

Noong 2019, ipinamahala sa amin ni Sister Andrea ang paggawa ng art design sa iglesia. Noong una kong sinimulan ang tungkuling ito, marami akong prinsipyong hindi naunawaan, kaya matiyagang nagbahagi sa akin si Andrea at siya mismo ang gumawa ng halos lahat ng gawain. Kalaunan, nalaman kong dalawang taon niyang ginampanan ang tungkuling ito, at may ilang karanasan sa gawain, at sa lahat mula sa paglutas ng mga problema sa mga pagtitipon, hanggang sa pagbubuod ng gawain, mas malawak siyang mag-isip kaysa sa akin. Kapag nagtatanong ang mga kapatid, palagi siyang mayroong magagandang solusyon. Pakiramdam ko’y talagang malayung-malayo ako kumpara sa kanya. Naisip ko, “Gaano karaming pagdurusa ang kailangan kong pagdaanan at gaano kalaking halaga ang kailangan pagbayaran para maging tulad ni Andrea? Dahil mas marami siyang karanasan at mas maraming dinadalang pasanin, hahayaan ko siyang gawin ang karamihan ng gawain.”

Bago ang mga buod ng gawain, hiniling ni Andrea sa akin na pag-isipan nang maaga kung paano magbabahagi para lutasin ang mga problema, at naisip ko lang na, “Mahirap iyan. Bukod sa pagbubuod ng mga kasalukuyang problema sa aming tungkulin, kailangan kong maghanap ng mga nauugnay na salita ng Diyos at mga prinsipyong ibabahagi na tungkol sa solusyon. Wala akong gaanong karanasan, lalo na sa mga propesyunal na isyu. Para makapagbigay ng solusyon, kailangan kong magsikap na maghanap ng napakaraming impormasyon, at maghanap ng pagbabahagi tungkol sa hindi ko nauunawaan. Kakain iyon ng napakaraming oras at pagsisikap. Alam ni Andrea ang larangang ito, kaya kaya niyang gawin ang mga buod. Hahayaan ko na lang na siya ang gumawa sa mga iyon.” Hindi ko inisip ang tungkol sa mga buod ng gawain pagkatapos noon. Habang nagbubuod, noong tinanong ako ni Andrea kung ano ang mga ideya at iniisip ko, sinabi kong, “Hindi ako pamilyar sa larangan, kaya ikaw ang mas mahusay na makakagawa ng mga buod.” Minsan, kapag pinaplano niya ang direksyon namin sa pag-aaral, tatanungin niya ako kung gusto kong sumali, para ibigay ang payo ko at tulungan siyang iwasan ang mga posibleng maging problema. Naisip ko, “Palaging si Andrea ang responsable sa aming pag-aaral. Para sumali, kailangan kong pag-isipan ito, at pag-aralan nang husto ang mga bagay na hindi ko alam. Masyadong nakakapagod iyon! Hindi bale na, hindi ako sasali.” Kaya naman tinanggihan ko si Andrea.

Kalaunan, nag-aaral kami ng bagong pamamaraan sa pagdo-drawing. Habang pinag-aaralan namin ito, palagi kaming nagkakaroon ng maraming suliranin at problema, pero tinalakay at nilutas ni Andrea ang mga ito sa amin. Dahil hindi ko masyadong alam ang pamamaraang ito, nalilito pa rin ako matapos marinig ang mga bagay na dalawang beses nang ipinaliwanag, at naisip ko, “Lubhang nakakapagod ang pag-aaral ng mga bagong kasanayan sa larangang ito. Parang hindi na ako sasali sa pagkakataong ito. Anuman ang mangyari, nariyan si Andrea, pwede niya kaming tulungan na matuto.” Maya-maya, habang nag-aaral ako, hindi ako nakinig nang mabuti. Minsan, hindi ako nagsalita sa buong panahon ng pag-aaral; kung minsan naman, ibang bagay ang ginagawa ko. Nang tanungin ni Andrea kung may mga ideya at iniisip ako, palaging padalus-dalos akong sumasagot na wala. Dahan-dahan ay paunti nang paunti ang dinadala kong pasanin sa aking tungkulin at hindi ko na napapansin ang mga problema sa pagsubaybay ng gawain. Sa panahong iyon, pakiramdam ko’y araw-araw na hungkag ang puso ko, at mas lalo akong naging negatibo. Pakiramdam ko’y mababa ang kakayahan ko, at na hindi ko kaya ang tungkulin.

Isang araw, matapos talakayin ang gawain sa akin, sabi ni Andrea, “Matagal-tagal mo na itong tungkulin, pero sinasabi mo pa ring kulang ka sa karanasan o hindi nakakaintindi. Ayaw mo lang talagang magdala ng pasanin o magsumikap. Ang dahilan kung bakit may ilan akong magagandang ideya ay dahil madalas akong nagdarasal, umaasa sa Diyos, at naghahanap ng mga prinsipyo para maunawaan ang mga bagay-bagay. Lalo na pagdating sa mga usaping propesyunal na hindi natin nauunawaan, dapat tayong magkusa na mag-aral. Kung hindi, paano natin magagawa nang maayos ang ating tungkulin?” Tapos ay nagsalita siya kung paano siya umasa sa Diyos at naghanap ng mga solusyon kapag nakararanas ng mga suliranin. Gayunman, nang panahong iyon, hindi ko pa rin napagtanto ang aking problema. Sa halip, pakiramdam ko’y hindi naunawaan ni Andrea ang aking mga suliranin, kaya hindi ko isinapuso ang mga mungkahi niya, ni hindi ko rin pinagnilayan ang sarili ko.

Hindi nagtagal, itinalaga si Andrea sa ibang gawain. Talagang nalungkot ako nang umalis siya, dahil sa napakaraming kinakaharap na gawain, blangko ang isip ko. Naisip ko, “Mahigit isang taon ko nang pinamamahalaan ang gawaing ito, kaya paanong hindi ko pa rin kayang gawin ito?” Dito ko naalala ang sinabi sa akin ni Andrea. Hindi ba talaga ako nagdala ng pasanin sa aking tungkulin? Nagdasal ako sa Diyos para hilingin ang Kanyang patnubay para mapagnilayan at makilala ko ang aking sarili. Maya-maya, nabasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos: “Madalas, hindi kayo makasagot kapag tinanong kayo tungkol sa mga isyu sa gawain. Ang ilan sa inyo ay nasangkot sa gawain, subalit hindi ninyo kailanman tinanong kung kumusta ang gawain o pinag-isipan nang mabuti ang tungkol dito. Dahil sa inyong kakayahan at kaalaman, dapat may nalalaman ka kahit papaano, sapagkat kayong lahat ay naging kabahagi sa gawaing ito. Kaya bakit walang sinasabi ang karamihan sa mga tao? Posibleng hindi talaga ninyo alam ang sasabihin—na hindi ninyo alam kung maayos ba ang takbo ng mga bagay-bagay o hindi. May dalawang dahilan para dito: Una ay lubos kayong walang pakialam, at hindi kayo kailanman nagkaroon ng malasakit sa mga bagay na ito, at itinuring lamang ang mga ito bilang gawaing dapat tapusin. At ang isa pa ay iresponsable kayo at ayaw ninyong magmalasakit sa ganitong mga bagay. Kung tunay kang nagmalasakit, at talagang nakisangkot, magkakaroon ka ng pananaw at perspektibo sa lahat ng bagay. Ang kawalan ng perspektibo o pananaw ay kadalasang bunga ng kawalan ng pakialam at kawalang-bahala, at ng hindi pag-ako ng anumang responsibilidad. Hindi ka masigasigga sa tungkuling ginagampanan mo, hindi ka humahawak ng anumang responsibilidad, hindi ka handang magbayad ng halaga o makisangkot. Hindi ka naglalaan ng kahit anong pagsusumikap, ni hindi ka handang gumugol ng mas maraming lakas; nais mo lamang maging tauhan, na walang ipinagkaiba sa kung paano nagtatrabaho ang isang hindi mananampalataya para sa kanyang amo. Ang ganitong paggampan sa tungkulin ay hindi gusto ng Diyos at hindi ito nakakalugod sa Kanya. Hindi nito makakamit ang Kanyang pagsang-ayon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Tumpak na ibinunyag ng salita ng Diyos ang aking kalagayan. Noong makipag-partner at nakipag-usap ako tungkol sa gawain kay Andrea, hindi ako kailanman nagkaroon ng sarili kong mga pananaw at ideya. Palagi kong nararamdamang ito’y dahil sa hindi ko masyadong gamay ang larangan o ang gawain. Tanging pagkatapos basahin ang salita ng Diyos ko naunawaan na dahil ito sa kapabayaan at kawalan ko ng pananagutan. Nang gunitain ko ang panahon ng pagiging mag-partner namin ni Andrea, sa tuwing may propesyunal akong problema, hindi ako nag-aalala tungkol dito. Ginamit ko ang kawalan ko ng karanasan sa tungkulin at mahinang pag-unawa sa mga prinsipyo bilang dahilan para pabayaan ang problema at iwasan ito. Kapag tinatalakay ang gawain, tagapakinig lang ako. Hindi ko talaga ito pinag-iisipan nang mabuti. Palagi kong sinasabi sa harap ni Andrea na hindi ko nauunawaan, na hindi ko kaya, at mas may karanasan siya sa gawain, pero ang lahat ng ito ay mga palusot lamang. Ang totoong pakay ko ay makuha ang kanyang simpatya at pang-unawa, para gawin niya ang mas maraming gawain at patuloy kong matamasa ang aking paglilibang. Napakatuso ko at mapanlinlang! Isang taon na akong responsable sa tungkuling ito at may propesyunal akong pundasyon, kaya kung naging responsable ako at masigasig na nag-aral, mayroon sana akong sarili kong mga pananaw kapag tinatalakay ko ang gawain. Baka nga nakaya ko ang gawain nang ilipat si Andrea. Wala akong ibang ginawa at sa halip ay iresponsable ako sa tungkulin ko, na para bang nagtatrabaho lang ako para makakuha ng sweldo, nabubuhay araw-araw sa kakarampot na pagsusumikap o pag-aalala hangga’t maaari. Hindi ko kailanman inisip kung paano gawin ang mga bagay nang maayos, gawin ang lahat ng makakaya ko, at isagawa ang aking responsibilidad. Iniraraos ko lang ang tungkulin ko, ang tanging iniisip ay kung paano maiiwasan ang makamundong pagdurusa. Hindi ko isinaalang-alang ang ano pa mang kalooban ng Diyos. Paano ko masasabing may puwang sa puso ko ang Diyos? Paanong hindi ako kasusuklaman ng Diyos dahil sa aking pag-uugali sa aking tungkulin?

Pagkatapos noon, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos: “Minsang sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Sapagkat sinumang mayroon ay bibigyan, at siya ay magkakaroon ng mas sagana: ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya’ (Mateo 13:12). Ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Ibig sabihin nito ay kung ni hindi ka nagsasagawa o inilalaan ang sarili mo sa iyong sariling tungkulin o trabaho, babawiin ng Diyos ang mga dating sa iyo. Ano ang ibig sabihin ng ‘bawiin’? Ano ang mararamdaman ng mga tao roon? Maaaring nabibigo kang matamo kung ano sana ang itinutulot ng iyong kakayahan at mga kaloob na iyong matamo, at wala kang nararamdaman, at para ka lang isang hindi mananampalataya. Ganoon ang pakiramdam na bawiin ng Diyos ang lahat. Kung pabaya ka, at hindi nagbabayad ng halaga, at hindi ka sinsero sa iyong tungkulin, babawiin ng Diyos kung anong mayroon ka dati, babawiin Niya ang karapatan mong gampanan ang iyong tungkulin, hindi Niya ipagkakaloob sa iyo ang karapatang ito. Dahil binigyan ka ng Diyos ng mga kaloob at kakayahan, subalit hindi mo ginampanan nang maayos ang iyong tungkulin, hindi ginugol ang iyong sarili para sa Diyos, o nagbayad ng halaga, at hindi mo inilagay ang iyong puso rito, bukod sa hindi ka pagpapalain ng Diyos, babawiin din Niya kung ano ang dating mayroon ka. Nagbibigay ang Diyos ng mga kaloob sa mga tao, na nagbibigay sa kanila ng espesyal na mga kasanayan pati na ng talino at karunungan. Paano dapat gamitin ng mga tao ang mga bagay na ito? Kailangan mong ialay ang iyong espesyal na mga kasanayan, iyong mga kaloob, iyong talino at karunungan sa iyong tungkulin. Kailangan mong gamitin ang iyong puso at gamitin ang lahat ng nalalaman mo, lahat ng nauunawaan mo, at lahat ng makakamtan mo sa iyong tungkulin. Sa paggawa nito, pagpapalain ka. Ano ba ang ibig sabihin na pagpalain ng Diyos? Ano ang ipinaparamdam nito sa mga tao? Na sila ay binigyang-liwanag at pinatnubayan ng Diyos, at na mayroon silang landas kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Para sa ibang tao, maaaring magmistulang hindi mo magagawa ang mga bagay-bagay gamitang iyong kakayahan at ang iyong mga natutunan—subalit kapag gumagawa ang Diyos at binibigyan ka ng kaliwanagan, hindi mo lamang mauunawaan at magagawa ang mga bagay na iyon, kundi magagawa mo pa ang mga iyon nang mabuti. Sa huli, mapapaisip ka pa sa sarili mo, ‘Hindi ako ganoon kahusay dati, pero ngayon ay mas higit na maraming magandang bagay sa loob ko—lahat ng ito ay positibo. Hindi ko kailanman inaral ang mga bagay na iyon, ngunit biglang naiintindihan ko na ang lahat ng ito ngayon. Paanong bigla na lang akong tumalino nang husto? Paanong napakarami ko nang kayang gawin ngayon?’ Hindi mo ito maipapaliwanag. Ito ang kaliwanagan at pagpapala ng Diyos; ganito pinagpapala ng Diyos ang mga tao. Kung hindi ninyo ito nararamdaman kapag ginagampanan ang inyong tungkulin o ginagawa ang inyong trabaho, hindi kayo pinagpala ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Matapos pagnilay-nilayan ang salita ng Diyos, naunawaan kong pinagpapala ng Diyos ang mga taong tapat at iyong mga taos-pusong gumugugol ng kanilang mga sarili para sa Kanya. Kapag mas nagsusumikap ang isang tao at sinusubukang pagbutihin ang kanyang tungkulin, mas lalo siyang bibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, at mas nagiging mahusay siya sa kanyang tungkulin. Kabaligtaran nito, kung gagawin mo ang tungkulin nang may panlilinlang, hindi nagsusumikap, at hindi nagbabayad ng halaga, hindi ka kailanman uusad o tatanggap ng anumang pakinabang mula sa iyong tungkulin, at baka mawala pa sa iyo ang pwede mo sanang makamit. Sa puntong iyon, binalikan ko ang isang karanasang sinabi sa akin ni Andrea. Ang totoo ay maraming gawain ang hindi niya naunawaan noong una, pero madalas niyang dinadala ang kanyang mga suliranin sa Diyos, at ipinagdarasal, hinahanap, at pinagninilayan niya ang mga ito nang husto, at ibinabahagi at ibinubuod sa iba ang mga ito, hindi namamalayang binigyang-liwanag siya ng Banal na Espiritu, at palaging nagkakaroon ng mga bagong ideya. Siya ay umunlad nang umunlad at patuloy na naging mas epektibo sa kanyang tungkulin. Gayunpaman, sinubukan kong panatilihin ang kasalukuyang sitwasyon, hindi naghangad ng pag-usad, sinubukang tamasahin ang paglilibang, at ayaw magdusa kailanman o magbayad ng halaga. Bilang resulta, hindi ko kailanman naabot ang aking potensyal. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Sinumang wala, pati ang nasa kanya ay aalisin sa kanya(Mateo 13:12). Kinasusuklaman ng Diyos ang kabulagsakan at kapabayaan ko sa aking tungkulin. Napagtanto ko na kapag hindi ako nagsisi, tiyak na kamumuhian ako ng Diyos, at sa huli ay mawawalan na rin ako ng pagkakataon na gumawa ng tungkulin. Sa pag-iisip nito, natakot ako, kaya dali-dali akong nagdasal sa Diyos para magsisi at hilingin ang Kanyang patnubay sa paghahanap ng landas ng pagsasagawa.

Kalaunan, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Paano mo dapat maunawaan ang mga tungkulin? Bilang isang bagay na ibinibigay ng Lumikha—ng Diyos—sa isang tao para gawin; ganito nalilikha ang mga tungkulin ng mga tao. Ang atas na ibinibigay ng Diyos sa iyo ay tungkulin mo, at ganap na likas at may katwiran na gampanan mo ang iyong tungkulin gaya ng hinihingi ng Diyos. Kung malinaw mong nakikita na ang tungkuling ito ay atas ng Diyos, at na ito ay pagmamahal ng Diyos at pagpapala ng Diyos para sa iyo, magagawa mong tanggapin ang iyong tungkulin nang may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at magagawa mong isaisip ang kalooban ng Diyos habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magagawa mong mapagtagumpayan ang lahat ng paghihirap para mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Hinding-hindi magagawa ng mga tunay na gumugugol ng kanilang sarili para sa Diyos na tanggihan ang atas ng Diyos; hindi nila kailanman magagawang tanggihan ang anumang tungkulin. Kahit ano pang tungkulin ang ipagkatiwala ng Diyos sa iyo, kahit ano pang mga paghihirap ang kaakibat nito, hindi mo ito dapat tanggihan, kundi tanggapin. Ito ang landas ng pagsasagawa, na isagawa ang katotohanan at ibigay ang iyong buong katapatan sa lahat ng bagay, upang mabigyang-kasiyahan ang Diyos. Ano ang pinagtutuunan dito? Iyon ay ang mga salitang ‘sa lahat ng bagay.’ Ang ‘lahat ng bagay’ ay hindi nangangahulugan ng mga bagay na gusto mo o kung saan ka mahusay, lalong hindi ang mga bagay na pamilyar ka. Kung minsan, ito ay mga bagay kung saan hindi ka mahusay, mga bagay na kailangan mong matutunan, mga bagay na mahirap, o mga bagay kung saan kailangan mong magdusa. Gayunpaman, anuman ito, basta’t ito ay ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, kailangan mo itong tanggapin mula sa Kanya, at matapos itong tanggapin, kailangan mong gampanan nang mabuti ang tungkuling ito, ibigay dito ang iyong buong katapatan at palugurin ang kalooban ng Diyos. Ito ang landas ng pagsasagawa(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Matapos pagnilayan ang mga salitang ito ng Diyos, labis akong nagkaroon ng inspirasyon. Ang isang tungkulin ay isang atas mula sa Diyos, at bihasa man tayo rito o hindi, o simple man ito o kumplikado, nagmula ito sa Diyos, kaya kailangan nating maging responsable, at kailangan nating maging tapat sa abot ng ating makakaya. Matatanggap lang natin ang patnubay ng Diyos oras na gawin natin ang lahat ng makakaya natin at tuparin ang ating responsibilidad. Naalala ko ang lahat ng pagkakataong sumumpa ako sa harap ng Diyos na tapat kong gagawin ang aking tungkulin para suklian ang Kanyang pagmamahal. Ngayong medyo kumplikado at mahirap ang tungkulin, at kinailangan kong magdusa at magbayad ng halaga, iniraos ko lang ito at sinubukang iwasan ito. Nang mapagtanto ko ito, naramdaman kong may utang ako sa Diyos at hindi karapat-dapat tamasahin ang Kanyang pagmamahal. Hindi ako pwedeng magpatuloy nang gayon. Kailangan kong magsagawa nang ayon sa salita ng Diyos, tratuhin nang tapat ang aking mga tungkulin, at gampanan ang aking mga responsibilidad nang husto para maiwasang magkaroon ng mga pagsisisi sa hinaharap.

Kaya pagkatapos nito, nagkusa ako at sinimulan kong magsiyasat at maging pamilyar sa gawain na minsang hindi pamilyar sa akin, at nang maharap ako sa mga kumplikadong problema, hindi ko na sinubukang iwasan ang mga ito. Sa halip, nagkusa ako na talakayin at lutasin ang mga ito kasama ng aking mga kapatid at hinihiling sa kanilang turuan ako kapag hindi ko naiintindihan. Unti-unti, nagamay ko ang mga detalye, at nakapagbigay ng mga angkop na solusyon kapag may mga nakaharap na suliranin ang iba. Nang ibuod ko ang aming gawain, noong una, wala akong mga ideya at gusto ko pa ring iwasan ito, pero naalala ko ang nabasa ko sa salita ng Diyos, kaya sadya kong tinalikdan ang aking laman, at pinag-isipan ang mga problema na mayroon sa aming tungkulin, at gumawa para maghanap ng mga prinsipyo at impormasyon. Matapos magsagawa sa gayong paraan sa loob ng ilang panahon, malinaw kong naramdaman ang patnubay ng Diyos. Nang hindi ito napapansin, nagsimula na maunawaan ko ang maraming bagay na dati’y hindi ko naiintindihan o nakakalito sa akin, at nagkamit kami ng resulta tuwing ibinubuod namin ang gawain. Isinagawa ng mga kapatid kung ano ang ibinuod namin, at nagkaroon din ng pag-usad.

Akala ko, medyo nagbago na ang pag-uugali ko sa aking tungkulin, pero nang muli kong maranasan ang parehong sitwasyon, bumalik ako sa dating gawi.

Noong Setyembre 2021, dahil sa mga pangangailangan sa gawain, nakipagpartner ako kay Sister Rosie para diligan ang mga baguhan. Akala ko’y walang mga teknikal na problema ang tungkuling ito, kaya hindi masyadong masakit sa ulo, pero ang totoo, nang simulan kong gawin ito, nadiskubre kong hindi madali ang pagdidilig sa mga baguhan. Hindi ko lang kailangang makipag-usap sa wikang banyaga, kailangan ko ring magbahagi ng katotohanan para mabilis na lutasin ang kanilang mga kuru-kuro at pagkalito. Nakita kong napakahusay ni Rosie sa lahat ng aspeto ng gawain. Kaya niyang mabilis na maghanap ng nauugnay na katotohanan para lutasin ang mga problema ng mga baguhan, pero nakita ko na talagang hindi ako magaling rito. Hindi ko kayang magbahagi nang malinaw tungkol sa katotohanan o lutasin ang kanilang mga problema. Para maabot ang antas ni Rosie, kailangan kong mag-aral at sangkapan ang aking sarili sa loob ng mahabang panahon at magbayad ng malaking halaga. Naisip ko, “Hindi bale na, katuwang ko naman si Rosie ngayon, kaya hindi ko kailangang mag-alala.” Sa isiping ito, hindi ko masigasig na sinangkapan ang sarili ko ng mga katotohanan tungkol sa pagdidilig, at pagkatapos ng mga pagtitipon, hindi ko maagap na tinanong ang mga baguhan tungkol sa kanilang mga problema at paghihirap. Isang araw, napagnilayan kong dalawang buwan ko nang ginagawa ang tungkuling ito, pero hindi ko pa rin kayang magdilig ng baguhan nang mag-isa. Palagi akong nagpapalusot na hindi ko naiintindihan, pero ang totoo, hindi ako nagsikap na magbayad ng halaga. Hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili, “Bakit ba kapag nagkakaroon ako ng isang tungkulin na hindi ako mahusay, ginagamit ko ang ‘kawalan ng pagkaunawa’ at ‘kawalan ng kakayahan’ na palusot para mairaos lang ang tungkulin, at ayaw magbayad ng halaga?” Dinala ko ang aking kalagayan at pagkalito sa harap ng Diyos at nagdasal.

Isang araw, sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Kapag gumaganap ng tungkulin, laging pinipili ng mga tao ang magaan na trabaho, na hindi sila mapapagod, na hindi nila kailangang suungin ang pabagu-bagong panahon sa labas. Pagpili sa madadaling trabaho at pag-iwas sa mahihirap ang tawag dito, at pagpapamalas ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Ano pa? (Palaging pagrereklamo kapag ang kanilang tungkulin ay medyo mahirap, medyo nakakapagod, kapag may kaakibat itong pagbabayad ng halaga.) (Pagkahumaling sa pagkain at pananamit, at sa mga kalayawan ng laman.) Mga pagpapamalas lahat ito ng pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman. Kapag nakikita ng gayong tao na masyadong matrabaho o delikado ang isang gampanin, ipinapasa niya ito sa iba; magaan na trabaho lang ang mismong ginagawa niya, at nagdadahilan kung bakit hindi niya kayang gawin ang isang ito, sinasabing mahina ang kakayahan niya at wala siya ng mga pangunahing kasanayang kailangan, na ito ay masyadong mahirap para sa kanya—pero ang totoo, ito ay dahil nagnanasa siya ng mga kaginhawahan ng laman. … May pagkakataon ding laging nagrereklamo ang mga tao habang gumaganap sila ng kanilang tungkulin, na ayaw nilang magsikap, na sa sandaling may bakanteng oras sila, nagpapahinga sila, inaaksaya ang oras sa pagkukuwentuhan, o paglilibang at pag-aaliw. At kapag dumarami ang trabaho at naiistorbo nito ang nakagawian nilang gawin sa kanilang mga buhay, hindi nila ito ikinatutuwa at hindi nasisiyahan dito. Nagmamaktol at nagrereklamo sila, at sila ay nagiging pabaya at pabasta-basta sa pagganap sa kanilang tungkulin. Ito ay pagnanasa sa mga kaginhawahan ng laman, hindi ba? … Angkop bang gumanap ng tungkulin ang mga taong nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman? Banggitin mo ang tungkol sa pagtupad ng kanilang tungkulin, pag-usapan ang tungkol sa pagbabayad ng halaga at pagdanas ng paghihirap, at iling sila nang iling: Magkakaroon sila ng napakaraming problema, ang dami nilang mga reklamo, negatibo sila tungkol sa lahat ng bagay. Walang silbi ang gayong mga tao, wala silang karapatang gampanan ang kanilang tungkulin at dapat silang palayasin(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 2). “May kaunting kakayahan naman ang ilang huwad na lider, subalit hindi sila gumagawa ng praktikal na gawain, at nagnanasa sila ng mga kaginhawahan ng laman. Ang mga taong nagnanasa ng mga kaginhawahan ng laman ay walang gaanong ipinagkaiba sa mga baboy. Ginugugol ng mga baboy ang maghapon sa pagtulog at pagkain. Walang ginagawa ang mga ito. Gayunpaman, matapos ang isang taon ng pagsisipag na mapakain ang mga ito, kapag kinakain ng buong pamilya ang karne ng mga ito sa pagtatapos ng taon, masasabi na nagkaroon ng silbi ang mga ito. Kung inaalagaan din ang isang huwad na lider na gaya ng isang baboy, kumakain at umiinom nang libre tatlong beses bawat araw, tumataba at lumalakas, ngunit wala siyang ginagawang anumang praktikal na gawain at wala siyang silbi, hindi ba walang saysay na alagaan siya? Nagkaroon ba iyon ng anumang silbi? Magagamit lamang siya bilang isang hambingan sa gawain ng Diyos at dapat siyang palayasin. Talagang mas mabuti pang mag-alaga ng isang baboy kaysa isang huwad na lider. Ang mga huwad na lider ay maaaring may titulong ‘lider,’ maaaring nakaupo sila sa posisyong ito, at kumakaing mabuti nang tatlong beses kada araw, at tinatamasa ang maraming biyaya ng Diyos, at sa katapusan ng taon, tumaba na sila sa kakakain—ngunit kumusta naman ang naging takbo ng gawain? Tingnan mo ang lahat ng nagawa mo para sa iyong gawain ngayong taon: May nakita ka bang mga resulta sa ilang bahagi ng gawain ngayong taon? Anong praktikal na gawain ang ginawa mo? Hindi hinihingi ng sambahayan ng Diyos na gawin mo ang bawat trabaho nang perpekto, subalit dapat gawin mo nang mabuti ang mahalagang gawain—halimbawa, ang gawain ng ebanghelyo, o gawain sa AV, ang gawaing may kinalaman sa teksto, at iba pa. Dapat maging mabunga ang lahat ng ito. Sa normal na mga sitwasyon, makikita ang isang epekto—isang bunga—pagkaraan ng tatlo hanggang limang buwan; kung walang bunga pagkaraan ng isang taon, malaking problema ito. Pagkalipas ng isang taon, tingnan mo kung anong gawain na saklaw ng iyong responsibilidad ang naging pinakamatagumpay, kung saan nagsakripisyo ka nang matindi at nagdusa nang husto. Tingnan mo ang mga nagawa mo: Sa iyong puso, dapat may ideya ka man lang kung nagkaroon ka ba ng anumang mahahalagang nagawa mula sa isang taong pagtamasa mo sa biyaya ng Diyos. Ano nga ba talaga ang ginawa mo habang kinakain mo ang pagkain ng sambahayan ng Diyos at tinatamasa ang biyaya ng Diyos sa buong panahong ito? May nagawa ka bang anuman? Kung wala kang nagawa, pabigat ka lang, tunay ka ngang huwad na lider(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 4). Habang pinagninilayan ko ang mga salitang ito ng Diyos, pakiramdam ko’y tumagos ang mga ito sa puso ko. Noon ko lang naintindihang palagi akong umaatras mula sa suliranin sa aking tungkulin at ginagamit ang aking “kawalan ng pagkaunawa” o “kawalan ng kakayahan” bilang mga palusot, dahil masyado akong tamad at labis na naghahangad ng makamundong kaginhawaan. Dati-rati, noong responsable pa ako sa tungkulin na kasama si Andrea, palagi kong pinipili ang mga madali at simpleng gampanin para sa sarili ko at ibinibigay sa kanya ang anumang bagay na wala akong kasanayan o nangangailangan ng masusing pag-iisip. Ngayon, sa pagdidilig ng mga baguhan kasama si Rosie, ayoko pa ring mag-alala o magbayad ng halaga. Pinagnilayan ko ang aking ikinilos, at napagtanto kong ang pangunahing dahilan nito ay dahil kinokontrol ako ng mga satanikong pilosopiya. Ang mga bagay tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya,” at “Bigyang-kasiyahan ang sarili habang buhay ka pa” ay talagang nag-ugat sa kaibuturan ng puso ko. Pakiramdam ko palagi, kailangang mabuhay ng mga tao para sa kanilang mga sarili, at kapag hindi tayo nagdurusa at meron tayong makamundong kaginhawaan, namumuhay tayo ayon sa gusto natin. Nang mapunta ako sa iglesia para gawin ang aking tungkulin, ganito pa rin ang pananaw ko. Kapag may mga tungkulin ako na hindi ako magaling, kapag naharap ako sa mga paghihirap na humingi sa akin na magbayad ng halaga, umaatras ako tulad ng isang pagong na ipinapasok ang ulo at inuuna ang makamundong kaginhawaan. Walang anumang isipin ang mga baboy o anumang ginagawa. Ang alam lang nila ay kumain, uminom, at matulog. Ganoon din ako, makamundong kaginhawaan lang ang inaalala. Napakabulgar ng buhay ko! Naisip ko kung paano noon bilang isang tagapangasiwa, at ngayon sa pagdidilig, naging mapagbigay-loob sa akin ang Diyos, pero hindi ko sinubukang umusad, o isaalang-alang man lang ang aking mga responsibilidad at tungkulin. Naging pabaya ako sa gawain ng iglesia at sa buhay kasama ng mga kapatid. Wala ako ni katiting na konsensya! Ayokong magdusa o magbayad ng halaga, sa halip ay ginagamit kong mga palusot ang “kawalan ko ng pagkaunawa” o “kawalang-kakayahan” ko para sa simpatya, at para isipin ng iba na kaya kong aminin ang mga kapintasan ko, para makatuwiran at tapat ang magiging tingin nila sa akin. Ang totoo, ginamit ko ang mga salitang ito para pagtakpan ang sarili kong katamaran at kapabayaan. Naging napakatuso ko at mapanlilang, at niloko ko ang lahat ng aking mga kapatid! Kahit na maloko ko man sila sa loob ng ilang panahon, nakikita ng Diyos ang lahat, at ang Diyos ay matuwid. Sinusubukan kong lokohin at linlangin ang Diyos, kaya paanong hindi ako kasusuklaman ng Diyos? Ito ang dahilan kung bakit hindi ko kailanman nakita ang patnubay ng Diyos sa aking mga tungkulin nang panahong iyon. Ang pagiging tuliro ko palagi at ang kawalan ng nakikitang progreso sa akin ay mga senyales ng kapahamakan!

Nagbasa ako ng salita ng Diyos: “Matapos tanggapin ang ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nagsimula na si Noe na isagawa at isakatuparan ang pagbuo ng arka na sinabi ng Diyos na para bang ito ang pinakamahalagang bagay sa kanyang buhay, na hindi iniisip na magpaantala. Nagdaan ang mga araw, lumipas ang mga taon, araw-araw, taun-taon. Hindi kailanman pinuwersa ng Diyos si Noe, ngunit sa buong panahong ito, nagtiyaga si Noe sa mahalagang gawaing ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Bawat salita at pariralang binigkas ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe na parang mga salitang nakaukit sa tapyas na bato. Hindi alintana ang mga pagbabago sa mundo sa labas, ang pangungutya ng mga tao sa paligid niya, ang kaakibat na hirap, o ang mga paghihirap na dinanas niya, nagtiyaga siya, sa lahat ng ito, sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, nang hindi kailanman nawawalan ng pag-asa o nag-iisip na sumuko. Ang mga salita ng Diyos ay nakakintal sa puso ni Noe, at ang mga ito ang kanyang naging pang-araw-araw na realidad. Inihanda ni Noe ang mga materyales na kailangan sa pagbubuo ng arka, at ang anyo at mga detalye para sa arka na iniutos ng Diyos ay unti-unting nagkahugis sa bawat maingat na pukpok ng martilyo at pait ni Noe. Sa lahat ng paghangin at pag-ulan, at paano man siya kinutya o siniraan ng mga tao, nagpatuloy ang buhay ni Noe sa ganitong paraan, taun-taon. Lihim na minasdan ng Diyos ang bawat kilos ni Noe, nang hindi kailanman bumibigkas ng isa pang salita sa kanya, at naantig ni Noe ang Kanyang puso. Gayunman, hindi ito nalaman ni nadama ni Noe; mula simula hanggang wakas, binuo lamang niya ang arka, at tinipon ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang, nang hindi natitinag ang katapatan sa mga salita ng Diyos. Sa puso ni Noe, walang mas dakilang tagubilin na dapat niyang sundin at isagawa: ang mga salita ng Diyos ang kanyang panghabambuhay na direksyon at mithiin. Kaya, anuman ang sinabi sa kanya ng Diyos, anuman ang ipinagawa sa kanya ng Diyos, ang iniutos sa kanyang gawin, ganap na tinanggap ito ni Noe, at ikinintal ito sa kanyang memorya, at tinanggap ito bilang kanyang mithiin sa buhay. Hindi lamang niya ito hindi kinalimutan, hindi lamang niya ito ipinako sa kanyang isipan, kundi ginawa niya itong realidad ng kanyang sariling buhay, ginagamit ang kanyang buhay para tanggapin, at isagawa, ang atas ng Diyos. At sa ganitong paraan, sa paisa-isang tabla, nabuo ang arka. Bawat galaw ni Noe, bawat araw niya, ay inilaan sa mga salita at utos ng Diyos. Maaaring hindi mukhang nagsagawa si Noe ng isang napakadakilang gawain, ngunit sa mga mata ng Diyos, lahat ng ginawa ni Noe, maging ang bawat hakbang na kanyang ginawa para may makamit, bawat kayod ng kanyang kamay—lahat ng iyon ay mahalaga, at nararapat gunitain, at nararapat tularan ng sangkatauhang ito. Sumunod si Noe sa ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos. Hindi siya natinag sa kanyang paniniwala na ang bawat salitang binigkas ng Diyos ay katotohanan; wala siyang pagdududa rito. At bilang resulta, natapos ang arka, at ang bawat uri ng nabubuhay na nilalang ay nabuhay roon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Ekskorsus). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, sobra akong naantig. Naging masunurin at isinaalang-alang ni Noe ang Diyos. Nang sabihin ng Diyos kay Noe na gumawa ng arko, pinahalagahan ni Noe ang Kanyang iniatas at sinunod ang Kanyang mga hinihingi. Noong una, hindi niya alam kung paano gumawa ng arko, at talagang lubhang napakahirap nitong gawin. Sa bawat yugto, kailangan niyang magdusa at magbayad ng halaga, pero tapat si Noe sa iniatas ng Diyos. Para kumpletuhin ang iniatas ng Diyos, bukal sa loob siyang nagdusa, nagbayad ng halaga, at unti-unting ginawa ang arko. Nanindigan si Noe sa loob ng 120 taon at sa wakas ay nakumpleto ang iniatas ng Diyos. Kahit na labis na nagdusa si Noe para gawin ang arko at hindi nagtamasa ng makamundong kaginhawaan, isinakatuparan niya ang iniatas ng Diyos, at pinalugod Siya, at nakamit ang Kanyang pagsang-ayon. Kumpara sa saloobin ni Noe sa atas ng Diyos, nakita kong wala talaga akong pagkatao. Kapag ginagampanan ko ang tungkulin ko, hindi ako tapat, tamad ako at tuso, tanging makamundong kaginhawaan ang hinangad ko, at hindi talaga handang magdusa. Talagang isang kasuklam-suklam na buhay ang ipinamumuhay ko! Kapag patuloy akong maging ganito at hindi magbago, sa huli, mawawalan ako ng tungkulin, na pagsisisihan ko habambuhay.

Sa mga sumunod na araw, isinaayos ko ang oras ko, at bawat araw ay nagsikap akong sangkapan ang sarili ko ng mga kinakailangang katotohanan tungkol sa pagdidilig ng mga baguhan. Isang araw sa isang pagtitipon, nagbanggit ng problema ang mga kapatid sa gawain ng pagdidilig, at nang makarinig ako ng isang bagay na hindi ko naintindihan, gusto kong iwasan ito. Naisip kong hayaan silang pag-usapan ito nang sila-sila lang. Pero sa pagkakataong ito, bigla kong nabatid ang kagustuhan kong makaraos lang at magpabaya. Naisip ko ang seryoso at responsableng pag-uugali ni Noe pagdating sa kanyang atas, at pagkatapos ay mabilis kong itinama ang aking maling kalagayan. Nakinig ako nang mabuti kung paano sila nagbahagi sa katotohanan para lutasin ang problema. Sa huling pagbubuod, sinabi ko sa kanila ang aking payo. Nagulat ako nang sabihin nilang maganda ang payo ko. Nang diligan ko ang mga baguhan kasama si Rosie, nagkusa akong isagawa ang paglutas ng mga praktikal na suliranin ng mga baguhan, at kapag may mga problemang hindi ko kayang lutasin, agad kong hihingin ang tulong niya. Hindi nagtagal, kaya ko na ring diligan ang mga baguhan nang mag-isa. Kahit na marami pa rin akong mga pagkukulang at kapintasan, nararamdaman kong lumalago ang sarili ko at may nakakamit ako, at mas kampante ako. Ang pag-unawa at mga kapakinabangang natanggap ko ay ganap na epekto ng gawain ng Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Ganitong Uri ng Paglilingkod ay Tunay na Napakasama

Ang mga salita ng Diyos ang muling nagdala sa akin ng kabatiran kung paano na ang paglilingkod ko sa Diyos ay isa talagang pagsasaksi sa aking sarili at pagtataas sa aking sarili at tinulungan akong makita ang malubhang kahihinatnan ng pag-uugaling ito. Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na makita na yaong kalikasan ko, na tulad ng sa arkanghel, ay magdudulot upang ako ay maging isang malupit na bandido, at magsasanhi ng isang malaking kapahamakan.