Masaya Kong Tinanggap ang Pagbabalik ng Panginoon
Ni Chuanyang, Estados Unidos Napakaginaw noong taglamig ng 2010 sa Estados Unidos. Maliban sa nanunuot na lamig na dala ng hangin at...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Enero ng 2019 noon nang maimbitahan akong dumalo sa isang espesyal na kurso ng Sunday School. Naisip ko, “Nakakaramdam ako ng espirituwal na kahungkagan at walang-walang panustos sa buhay ko. Makakatulong dito ang paggugol ng kaunting oras pa sa paglilingkod sa simbahan, pag-aaral ng mga salita ng Diyos, at pakikipag-usap sa mga kapatid.” Pero lumipas ang ilang linggo at ang tanging nakamit ko ay mas makabisado pa nang kaunti ang Kasulatan. Wala na akong nakuha pang panustos sa buhay—nadismaya talaga ako. At palaging pare-pareho lang ang ipinangangaral ng pastor nang walang anumang bagong kaliwanagan. Ang ibang mga miyembro ng simbahan ay nasa mahahabang upuan, natutulog o nagkukuwentuhan tungkol sa buhay nila, at ilan sa kanila ay ni hindi na nga dumadalo sa mga samba. Namumuhay lang sila sa kasalanan. Hindi ko rin maramdaman ang presensya ng Panginoon, at nag-alala ako na aalisin Niya ako kung magpapatuloy nang ganoon ang mga bagay-bagay. Hindi alam ang gagawin, naisip ko na baka may ilang pelikula ng ebanghelyo na makakatulong sa akin. Nagsimula akong maghanap ng ilan sa YouTube. Nasumpungan ko ang isang Kristiyanong pelikula na ang tawag ay Mabuting Tao Ako! na talagang nakakuha ng interes ko, at napaisip ako dahil dito, “Paano mo malalaman kung mabuting tao ka o hindi? May paraan ba para malaman?” Pagkatapos mag-isip sandali, pinindot ko ang link.
Pagkapanood sa pelikula nang ilang sandali, natatandaan kong narinig ko ito: “Ang mga taong makasarili at salbahe ay basta-basta lang sa kanilang mga pagkilos, at walang malasakit sa mga bagay na wala silang pansariling kinalaman. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos ni hindi sila nagpapakita ng pagsasaalang-alang para sa kalooban ng Diyos. Wala silang pinapasang kabigatan ukol sa pagpapatotoo sa Diyos o sa pagganap sa kanilang mga tungkulin, at hindi sila responsable. … May ilang tao na hindi umaako ng anumang responsibilidad kahit ano pa ang tungkuling ginagampanan nila. Hindi rin nila iniuulat kaagad sa mga nakatataas sa kanila ang mga problemang nadidiskubre nila. Kapag may nakikita silang mga taong nakikialam at nanggagambala, nagbubulag-bulagan sila. Kapag nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang mga masasamang tao, hindi nila sinusubukang pigilan sila. Hindi nila binibigyan ng kahit katiting na pagsasaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ni kung ano ang kanilang tungkulin at responsibilidad. Kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, hindi gumagawa ng anumang tunay na gawain ang mga taong kagaya nito; sila ay mga taong oo lang nang oo na sakim sa kaginhawahan; nagsasalita at kumikilos sila para lamang sa sarili nilang banidad, reputasyon, katayuan, at mga interes, at siguradong ilalaan nila ang kanilang panahon at pagsisikap sa anumang bagay na pakikinabangan nila.” At mayroon ding ganito: “Maraming tao ang ilang taon nang nananalig sa Diyos subalit magulo pa rin ang isip sa kanilang pananalig. Wala silang interes sa paghahangad ng katotohanan, at nasisiyahan na sila sa pagganap lamang sa kanilang tungkulin. Naniniwala sila na kailangan lamang nilang hindi gumawa ng masama—o bawasan ang paggawa ng masama—at gumawa ng mas maraming kabutihan at kabaitan, gumugol ng mas maraming panahon sa pagtulong sa mga tao dahil sa pagmamahal, at hinding-hindi lisanin ang iglesia o pagtaksilan ang Diyos, upang maging kasiya-siya sa mga tao at kasiya-siya sa Diyos, at makamtan ang kanilang lugar sa kaharian ng Diyos. Makatwiran ba ang gayong mga ideya? Totoo bang kailangan lamang ng mga tao na maging mabuti para maligtas? At magkaroon ng lugar sa kaharian? Marami kayong makikitang tinatawag na mabubuting tao sa lipunan na napakatayog magsalita, at kahit sa tingin ay mukhang wala silang nagawang anumang malaking kasamaan, lubha silang mapanlinlang at madaya. Nakikita nila lalo na kung ano ang direksyon ng ihip ng hangin, at suwabe at makamundo silang magsalita. Ang gayong ‘mabuting tao’ ay isang huwad, isang ipokrito; ang gayong tao ay nagkukunwari lamang na mabuti. Lahat ng nananatili sa isang masayang kalagayan ang pinakamasama. Sinisikap nilang huwag mapasama ang loob ninuman, mahilig silang magpalugod ng mga tao, sumasabay sila sa agos, at walang makahalata sa kanila. Ang gayong tao ay isang buhay na Satanas!” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon). Talagang napakalalim ng mga ito para sa akin—sobrang naantig ako. Dahil dito naalala ko na nakikita ko ang pastor at mga elder na nag-oorganisa ng mga samba sa pangalan lamang. Ang totoo ay mga dahilan lang ito para makipagsalamuha, kumain, magsulong ng mga produkto, o umastang tagapareha ng mga parokyano. Hindi ito para magbahagi ng kanilang pagkaunawa sa mga salita ng Panginoon. Ipinaalala nito sa akin ang isang bagay na sinabi ng Panginoong Jesus: “Ang Aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan; ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga tulisan” (Mateo 21:13). Nakita ko na ang simbahan ay naging parang lungga ng mga magnanakaw. At alam na alam ko na ang mga pastor ay hindi kumikilos ayon sa kalooban ng Panginoon, pero itinikom ko ang bibig ko, hindi kailanman nangahas na magsalita laban sa ginagawa nila. Dahil natakot akong masira ang mga ugnayan ko sa kanila, natakot na mapasama ang loob nila at hindi na nila ako kagiliwan o pangalagaan. Napagtanto ko na nagkaroon ako ng pagkakautang sa Panginoon dahil sa pananahimik ko, at na hindi ako isang taong ikalulugod ng Diyos. Iyon ay dahil hindi ako matapat sa puso, kundi ako ay isang mapanlinlang na “mabuting tao.”
Pagkatapos kong panoorin ang pelikula, labis akong naantig sa mga sipi mula sa libro. Pinagnilayan ko ang sarili kong pag-uugali at naisip ko na ang pagbabasa pa ng nilalaman ng librong iyon ay mas makakatulong sa akin.
Kaya nag-iwan ako ng komento, at nang magpadala sa akin ng link ang isang brother, binuksan ko ito at nakita ko ang “Si Cristo ng mga Huling Araw ay Nagpakita sa China” doon mismo sa page. Nagulat talaga ako at napaisip, “Nagbalik na ang Panginoon? Hindi maaari iyon. May propesiya sa Pahayag, ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya’ (Pahayag 1:7). Pagbalik ng Panginoon, bababa Siya sakay ng ulap at makikita Siya ng lahat. Magiging napakahalagang pangyayari iyon. Hindi pa natupad ang propesiyang iyon, kaya paano nila nasasabing nagbalik na ang Panginoong Jesus?” Ayaw kong patuloy na siyasatin ang website na iyon, pero nang maisip ko kung gaano kalalim at kung gaano katotoo ang tekstong binasa nila sa pelikula, gaano ako naantig nito, gusto ko pa rin talagang magkaroon ng kopya ng librong iyon. Naisip ko ang isang talata sa Bibliya: “Kaya nga ang paniniwala’y nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo” (Roma 10:17). Nananalig ako sa Panginoong Jesus dahil may nagbahagi sa akin ng ebanghelyo, at ang pagbabasa ng Kanyang mga salita ang nagkumbinsi sa akin. Kung hindi ko babasahin ang librong iyon at hindi ko sisiyasatin kung ano ang ipinangangaral nila, hindi ko malalaman ang sinasabi nito. Kaya paano ko malalaman kung ito ang tunay na daan o hindi? Isa pa, ang binasa nila mula sa librong iyon sa pelikula ay talagang nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin, at napakalinaw at tuwirang inilantad ang aking kaloob-loobang maling pag-iisip. Pakiramdam ko ay hindi ito ordinaryong mga salita at gusto kong magbasa pa ng mga ito, kaya nag-download ako ng kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao.
Sa pagbabasa ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, nakita ko na maraming binabanggit tungkol sa mga tiwaling disposisyon at tiwaling kalikasan, at talagang napakalalim nitong pakinggan para sa akin. Hindi ko naintindihan kung ano ang isang tiwaling disposisyon o kung bakit kailangan itong linisin, pero talagang gusto kong maunawaan. Naisip ko na manood ng mas maraming video sa YouTube para maunawaan ito. Nagulat talaga ako nang mapunta ako sa page ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos—may mga pelikula, mga gawa ng koral, sketch, crosstalk, at marami pa. May sapat na nilalaman para maging abala ako sa loob ng ilang buwan. Pinanood ko ang lahat ng uri ng himno ng papuri at mga pagtatanghal ng koral, pati na rin ang mga pelikula kabilang ang Isang Kabataang Puno ng Pagdurusa, Anak, Umuwi Ka Na, at Saan ang Aking Tahanan. Nagbibigay-liwanag talaga ito, at natustusan ang aking tigang na kaluluwa. Pero paulit-ulit kong naririnig na sinasabi nila sa mga video na nagbalik na ang Diyos at gumagawa ng isang yugto ng gawain para hatulan at linisin ang sangkatauhan sa katawang-tao. Nalito ako at naisip ko, “Hindi ba’t paparito ang Panginoon sakay ng ulap para dalhin tayo sa kaharian ng langit? Hindi ko pa nakitang natupad ang propesiyang iyon ng Bibliya, kaya paano sila nakapagpapatotoo na ang Panginoong Jesus ay nagbalik sa katawang-tao para gumawa ng isa pang yugto ng gawain?”
Umaasang masagot ang tanong ko, binuksan ko ang chat window at nag-iwan ng mensahe. Agad namang tumugon si Brother Andrés. Pero isa siyang Chinese at hindi mahusay magsalita ng Espanyol, kaya hindi ko siya lubos na maintindihan. Matiyagang-matiyaga siyang nakipag-usap sa akin at nagrekomenda ng ilang pelikula ng ebanghelyo na pwede kong panoorin.
Sa panonood ng pelikulang Pananabik, nalaman ko na dagdag pa sa mga propesiya na bababa ang Panginoon sakay ng ulap, ipinropesiya rin na paparito Siya nang palihim. Sa pelikula, sinasabi ni Brother Zhao mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, “Nalaman ko na sa paghihintay na masalubong ang pagbabalik ng Panginoon, lahat tayo ay nakakagawa ng parehong pagkakamali. Hinihintay lang natin ang pagbabalik ng Panginoon batay sa mga propesiya ng Kanyang pagbaba sakay ng ulap, pero nakaligtaan natin ang iba pang mga propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. Malaking pagkakamali ito! Maraming bahagi ng Bibliya ang naglalaman ng mga propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon. Halimbawa, ang mga propesiya ng Panginoon: ‘Narito, Ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw’ (Pahayag 16:15). ‘Datapuwat pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya’ (Mateo 25:6). Nariyan din ang Pahayag 3:20, ‘Narito Ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinuman ay duminig sa Aking tinig at magbukas ng pinto, Ako’y papasok sa kanya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo Ko.’ At sa Kapitulo 17 ng Lucas, ‘Sapagkat gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito.’ Binabanggit sa mga propesiyang ito ang pagbabalik ng Panginoon na ‘gaya ng magnanakaw,’ ang pagdating ng Anak ng tao; at binabanggit ng mga ito na nagsasalita Siya sa mga tao habang kumakatok sa pinto, at iba pa. Hindi ba ipinapakita nito na pagdating sa pagbabalik ng Panginoon, maliban sa hayagan Niyang pagbaba na sakay ng ulap, palihim din Siyang bababa? Kung naniniwala tayo na paparito lang ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba na sakay ng ulap, paano matutupad ang mga propesiya tungkol sa palihim Niyang pagparito? Pag-isipan mo ito. Pagbaba ng Panginoon sakay ng ulap, magkakaroon ng maraming malalaking tanda. Hindi na magliliwanag ang araw at buwan, mahuhulog ang mga bituin sa langit, at mayayanig ang langit at lupa. Tiyak na nakakayanig ang tagpong iyon, at siguradong makikita at malalaman iyon ng lahat. Kung gayon paano matutupad ang mga propesiya na paparito ang Panginoon ‘gaya ng magnanakaw,’ at na tatayo Siya sa labas na kumakatok sa pinto? Pagbaba ng Panginoon sakay ng ulap, makikita iyon ng lahat. Kailangan bang may magpatotoo na: ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya’? Sinabi rin ng Panginoon: ‘Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito.’ Paano matutupad ang propesiyang iyon?”
Pakiramdam ko ay ganap na naaayon sa mga katunayan ang sinabi niya. Totoo ngang kung ang Panginoon ay magpapakita lang sakay ng ulap, hindi na Niya kakailanganing kumatok sa ating mga pintuan o iparinig sa atin ang Kanyang tinig. Makikita nating lahat ang Panginoon, kaya luluhod tayo sa harap Niya para sambahin Siya. Kung gayon imposibleng magdurusa Siya o tatanggihan sa Kanyang pagbabalik at ang mga propesiyang iyon tungkol sa pagparito ng Panginoon nang palihim ay hindi kailanman matutupad. Ang pagpapaliwanag dito sa ganoong paraan ay talagang nagbibigay-liwanag. Patuloy akong matamang nanood.
Sinabi pa ni Brother Zhao, “Marami ring propesiya sa Bibliya na pagbalik ng Panginoon sa mga huling araw, tatapusin Niya ang ilang gawain. Halimbawa, ang gawain ng paghatol ay magsisimula sa sambahayan ng Diyos. Bubuksan Niya ang balumbon at sisirain ang pitong tatak, at nariyan din ang gawain ng pagbubukod ng mga tao ayon sa kanilang uri, gaya ng pag-aani at pagtatahip, ibinubukod ang mga tupa sa mga kambing, ang trigo sa mga mapanirang damo, ang mabubuting lingkod sa masasamang lingkod. Kung direktang pumarito ang Panginoon na may dakilang kaluwalhatian, na bumababa sakay ng puting ulap at nakita ito ng lahat, tiyak na iyon ang espirituwal na katawan ng muling nabuhay na Panginoong Jesus na nagpapakita sa buong sangkatauhan, kaya hindi ba magpapatirapa ang lahat at susundin at susundan Siya? Sino ang lalaban sa Kanya? Sa ganoon, paano makikita ang pagkakaiba ng mga tupa at mga kambing, at ang mabubuting lingkod at masasamang lingkod? Paano gagawin ang gawain ng pag-aani at pagtatahip? Maraming propesiya sa Bibliya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw. Kung isasantabi natin ang iba pang mga propesiya, bagkus ay lilimitahan lang ang paraan na babalik ang Panginoon batay sa isa o dalawang bahagi ng Bibliya na bababa Siya sakay ng puting ulap, hindi ba medyo hindi makatwiran iyon? Sa gayong paraan malamang na lumagpas ang pagkakataon nating salubungin ang Kanyang pagbabalik, at malamang na tanggihan Niya tayo.”
Pakiramdam ko ay talagang nagbibigay-tanglaw ang pagbabahagi ni Brother Zhao. Nakikinig lang ako sa mga turo ng pastor sa buong panahong ito, nakatitiyak na paparito ang Panginoon sakay ng ulap dahil lamang sa ilang talata ng Kasulatan na nagbabanggit niyon. Palagi kong sinasabi sa ibang mga mananampalataya na maging mapagbantay sa pagparito ng Panginoon sakay ng ulap, pero hindi ko kailanman siniyasat kung may iba pa bang mga propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. Hindi ba’t nililimitahan ko kung paano babalik ang Panginoon? Paano kung ang Makapangyarihang Diyos talaga ang nagbalik na Panginoong Jesus at Siya ay naging tao na at pumarito nang palihim? Kung hindi ko ito sisiyasatin, sa halip ay patuloy na maghihintay na pumarito Siya sakay ng ulap, hindi ba’t mapapalampas ko ang pagkakataon kong salubungin ang pagbabalik ng Panginoon? Gusto kong malaman kung ang Makapangyarihang Diyos at ang Panginoong Jesus ay talagang iisang Diyos. Patuloy akong nanood.
Tapos sinabi ni Brother Zhao, “Ipinropesiya ng Bibliya na paparito ang Panginoon ‘gaya ng magnanakaw,’ at, ‘Datapuwat pagkahating gabi ay may sumigaw, “Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin Siya.”’ ‘Datapuwat kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito.’ Natupad ng pagpapakita at gawain ng Makapangyarihang Diyos ang mga propesiyang ito.” Naramdaman ko na talagang praktikal ang sinabi niya at naaayon sa mga propesiya ng Bibliya, pero hindi ko pa rin masigurado kung ang Makapangyarihang Diyos nga ba talaga ang nagbalik na Panginoong Jesus o hindi. Nag-alala at natakot ako na tahakin ang maling landas. Kung magkagayon, hindi ba’t mawawala ko ang pagliligtas ng Diyos? Itinigil ko sandali ang video at nagmadaling magdasal sa Diyos: “Mahal kong Diyos, nagbalik Ka na ba talaga? Sinisiyasat ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw kamakailan at parang lahat ay naaayon sa mga propesiya ng Bibliya. Nakakapagbigay-liwanag talaga ito. Pero naririnig ko ang lahat ng bagay na ito na hindi ko pa narinig dati, at natatakot akong tahakin ang maling landas. Diyos ko, kung talagang nagbalik Ka na, pakiusap tulungan Mo po ako para matukoy ko kung ang ipinapangaral nila ay talagang naaayon sa Iyong mga salita at makadama ako ng kapayapaan at kagalakan sa puso ko. Ito ang hinihiling ko sa pangalan ng Panginoong Jesus. Amen!” Mas naging kalmado ako pagkatapos ng aking panalangin at nagpatuloy sa panonood sa pelikula.
Pagkatapos ay ibinahagi ito ni Brother Zhao: “Sa panlabas, mukha lamang karaniwang tao ang Makapangyarihang Diyos. Nagsasalita Siya mula sa saklaw ng normal na pagkatao. Walang nakakaalam na Siya ang pagpapakita ng Panginoon. Tinutupad nga nito ang propesiya ng pagbabalik ng Panginoon na ‘gaya ng magnanakaw.’ Nariyan din ang Pahayag 3:3, ‘Kaya’t kung hindi ka magpupuyat ay paririyan Akong gaya ng magnanakaw’ Ang propesiyang ito ay tumutukoy sa biglaang paglaganap ng pagpapakita at gawain ng Makapangyarihang Diyos sa bawat denominasyon, na parang magnanakaw—walang sinumang makakatanto nito. Ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo ay nagpapatotoo sa Kanyang mga salita sa lahat ng naghahangad sa pagpapakita ng Diyos, at matiyaga silang nagbabahagi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Ito ang Panginoon na kumakatok sa pinto.”
Habang pinagninilayan ang pagbabahagi ni Brother Zhao, pakiramdam ko ay talagang may kabuluhan ang sinabi niya, na ang pagpapakita at gawain ng Makapangyarihang Diyos ay tumupad sa mga propesiya ng pagparito ng Panginoon nang palihim. Tapos nagpatuloy siya, “Pumarito na ang Makapangyarihang Diyos at nagpahayag ng lahat ng katotohanan para dalisayin at iligtas ang sangkatauhan, at ginagawa Niya ang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Nakikinig ang Kanyang mga tupa sa Kanyang tinig, at naririnig ng matatalinong dalaga mula sa bawat denominasyon ang mga salitang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos at alam nila na iyon ang katotohanan, na iyon ang tinig ng Diyos, at bumaling na silang lahat sa Makapangyarihang Diyos. Ito ang pagdadala. Nadala na pataas ang mga taong ito sa harap ng luklukan ng Diyos, at sumasailalim sa paghatol at pagkastigo sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo. Sila ang unang dadalisayin, gagawing mga mananagumpay ng Diyos, at magiging mga unang bunga. Tinutupad nito ang propesiya na mula sa Pahayag: ‘Ang mga ito’y ang hindi nangahawa sa mga babae; sapagkat sila’y mga malilinis. At ang mga ito’y ang nagsisisunod sa Kordero saan man Siya pumaroon. Ang mga ito’y ang binili sa gitna ng mga tao, na maging mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero. At sa kani-kanyang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis’ (Pahayag 14:4–5). Matapos bumaba nang palihim ang Diyos at gawin ang grupong ito ng mga mananagumpay, makukumpleto na ang Kanyang dakilang gawain. Pagkatapos niyon, bababa Siya sakay ng ulap at hayagang magpapakita sa lahat ng bansa, sa lahat ng tao. Sa panahong iyon mangyayari ang malalaking kaganapan ng pagbabalik ng Panginoon, at tutuparin niyon ang propesiya sa Pahayag 1:7: ‘Narito, Siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita Siya ng bawat mata, at ng nangagsiulos sa Kanya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya.’ Ito ang magiging tagpo ng hayagang pagbaba ng Panginoon sakay ng ulap, at makikita Siya ng lahat ng mata. Kahit ang mga lumaban at kumondena sa Makapangyarihang Diyos ay makikita Siyang bumababa sakay ng ulap, kaya nga ‘lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa Kanya.’ Ginagawa ng Diyos ang mga bagay sa mga yugto, nang may plano, at higit pa, nang may karunungan. Halos lahat ng propesiya tungkol sa pagbabalik ng Panginoon ay natupad na ngayon, at ang natitira na lang ay ang matupad ang mga propesiya ng hayagang pagparito ng Panginoon sakay ng ulap pagkaraan ng mga sakuna.”
Dito, biglang naging malinaw sa akin ang lahat. Natanto ko na pumarito muna ang Diyos nang palihim para ipahayag ang katotohanan at gawin ang gawain ng paghatol. Ang mga nakaririnig sa tinig ng Diyos at tumatanggap sa Kanyang gawain sa mga huling araw, na nakakaranas ng paghatol at paglilinis ng mga salita Niya, ay gagawing mga mananagumpay ng Diyos. Pagkatapos lamang niyon bababa ang Diyos sakay ng ulap at gagawin ang gawain ng paggantimpala sa mabuti at pagparusa sa masama. Sa mahigit dalawang libong taon, walang sinuman ang nagbunyag ng mga misteryo ng Aklat ng Pahayag—ang Diyos lamang ang makakagawa niyon. Ang lahat ng ito ay ganap na bagong pagtanglaw para sa akin. Napakaganda at napakatalino ng gawain ng Diyos!
Binasa ito ng pangunahing tauhan mula sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa pelikula: “Maraming taong walang pakialam sa sinasabi Ko, ngunit nais Ko pa ring sabihin sa bawat tinatawag na banal na sumusunod kay Jesus na, kapag nakita ng sarili ninyong mga mata si Jesus na bumababa mula sa langit sakay ng puting ulap, ito ang magiging pagpapakita sa publiko ng Araw ng katuwiran. Marahil ay magiging panahon iyon ng matinding katuwaan sa iyo, subalit dapat mong malaman na ang sandali na nasasaksihan mong bumababa si Jesus mula sa langit ay ang sandali rin ng pagbaba mo sa impiyerno para maparusahan. Iyon ang magiging panahon ng pagwawakas ng plano ng pamamahala ng Diyos at ito ay kung kailan ginagantimpalaan ng Diyos ang mabubuti at pinarurusahan ang masasama. Sapagkat magwawakas na ang paghatol ng Diyos bago pa makakita ng mga tanda ang tao, kung kailan mayroon lamang pagpapahayag ng katotohanan. Yaong mga tumatanggap sa katotohanan at hindi naghahanap ng mga tanda, at sa gayon ay napadalisay na, ay nakabalik na sa harap ng luklukan ng Diyos at nakapasok na sa yakap ng Lumikha. Yaon lamang mga nagpupumilit sa paniniwala na ‘Ang Jesus na hindi nakasakay sa puting ulap ay isang huwad na Cristo’ ang sasailalim sa walang-hanggang kaparusahan, sapagkat naniniwala lamang sila sa Jesus na nagpapakita ng mga tanda, ngunit hindi kinikilala ang Jesus na nagpapahayag ng matinding paghatol at nagpapalabas ng tunay na daan at buhay. Kaya nga maaari lamang silang harapin ni Jesus kapag hayagan Siyang nagbabalik sakay ng puting ulap. Masyado silang sutil, masyadong tiwala sa kanilang sarili, masyadong mapagmataas. Paano gagantimpalaan ni Jesus ang gayong kababang-uri? Ang pagbabalik ni Jesus ay isang dakilang kaligtasan para sa mga may kakayahang tanggapin ang katotohanan, ngunit para sa mga hindi nagagawang tanggapin ang katotohanan ito ay isang tanda ng pagsumpa. Dapat ninyong piliin ang sarili ninyong landas, at hindi ninyo dapat lapastanganin ang Banal na Espiritu at tanggihan ang katotohanan. Hindi kayo dapat maging mangmang at mapagmataas, kundi isang taong sumusunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at nananabik at naghahanap sa katotohanan; sa ganitong paraan lamang kayo makikinabang” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago na ng Diyos ang Langit at Lupa).
Natigilan ako sa mga salitang ito—ang Diyos lamang ang makapagsasabi ng isang bagay na napakamakapangyarihan at may awtoridad. Nagsilbi itong babala para sa akin. Kung patuloy akong pikit-mata at hangal na maghihintay sa Panginoon na bumaba sakay ng ulap at hindi ko hahanapin at tatanggapin ang gawain ng Diyos kapag pumarito Siya nang palihim, tiyak na sa huli ay paparusahan at papalayasin ako ng Diyos. Hindi ako pwedeng maging isang hangal na dalaga, maniniwala lang kapag nakita kong hayagang nagpakita ang Panginoon. Kailangan kong maging isang matalinong dalaga at huwag mag-aksaya ng panahon at pakinggan ang tinig ng Diyos. Iyon ang tanging paraan para hindi ko mapalampas ang pagkakataon kong salubungin ang pagbabalik ng Diyos.
Ang pagkamit ng pagkaunawa sa dalawang paraan ng pagbabalik ng Panginoon ay talagang nagbibigay-tanglaw sa akin. Pero hindi ko pa rin maunawaan kung bakit hindi Niya tayo diretsong dadalhin sa kaharian ng langit yamang napatawad na ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa Panginoon at nailigtas na tayo ng biyaya. Bakit kailangan Niyang maging tao at gawin ang gawain ng paghatol? Hindi talaga ito malinaw sa akin, kaya isinangguni ko kay Brother Andrés ang aking kalituhan.
Binasa ni Brother Andrés ang dalawang sipi ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos para sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? … Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan).
“Bagama’t maraming gawaing ginawa si Jesus sa tao, kinumpleto lamang Niya ang pagtubos sa buong sangkatauhan at naging handog dahil sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis ang lahat ng tiwaling disposisyon ng tao. Ang lubos na pagliligtas sa tao mula sa impluwensya ni Satanas ay hindi lamang kinailangan ni Jesus na maging handog dahil sa kasalanan at pasanin ang mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din ng Diyos na gumawa ng mas malaki pang gawain upang ganap na alisin sa tao ang kanyang maka-Satanas na tiwaling disposisyon. Kaya nga, ngayong napatawad na ang tao sa kanyang mga kasalanan, nagbalik na ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay naghatid sa tao sa isang mas mataas na dako. Lahat ng nagpapasakop sa Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mabubuhay sa liwanag, at matatamo nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita).
Tapos ay nagbahagi siya sa akin nito: “Napakalinaw ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Nakumpleto ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos sa Kapanahunan ng Biyaya, kaya’t ang ating mga kasalanan ay pinatawad ng Panginoon, pero hindi Niya inalis ang ating makasalanang kalikasan. Ang mga satanikong disposisyon katulad ng pagmamataas, panlilinlang, kasamaan, katigasan, at kalupitan ay malalim pa rin na nakabaon sa atin. Kontrolado tayo ng mga tiwaling disposisyong ito. Madalas hindi natin maiwasang magkasala at lumaban sa Diyos. Kahit kapag gusto nating isagawa ang mga salita ng Panginoon at maging matapat na tao, patuloy lang tayong nagsisinungaling at nanloloko. Nakikita natin ang mga bagay na mali at hindi makatarungan, na alam nating hindi naaayon sa kalooban ng Diyos, pero hindi tayo naglalakas-loob na tumayo at ilantad ang mga ito. Iniisip lang natin ang sarili nating mga interes sa lahat ng bagay. At nakikisali tayo sa intriga, naiinggit tayo at lumalaban alang-alang sa ating sariling karangalan at kapakanan. Ang mga satanikong kalikasan na ito ang ugat ng ating pagkakasala at paglaban sa Diyos. Sa mga huling araw, muling nagkatawang-tao ang Makapangyarihang Diyos para lubusan tayong iligtas mula sa mga gapos ng kasalanan. Nagpapahayag Siya ng mga katotohanan at ginagawa ang gawain ng paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos, pinagbabatayan ang pundasyon ng gawain ng pagtubos ng Panginoong Jesus. Hinahatulan at inilalantad Niya ang ating mga satanikong disposisyon tulad ng pagmamataas, panlilinlang, at kasamaan, kasama na ang ating mga maling pananaw sa pananampalataya, at ating mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos. Ipinakita sa atin ng Diyos ang landas sa paglilinis ng ating katiwalian, at sinabi Niya sa atin kung paano maging matapat, kung paano maging isang taong nagpapasakop at may takot sa Diyos, atbp. Nararanasan natin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at malinaw na nakikita ang katotohanan kung paano tayo ginawang tiwali ni Satanas, at pagkatapos ay nagsisimula tayong mamuhi sa sarili nating karumihan at katiwalian. Tunay tayong nagsisisi sa Diyos at nalalaman ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol ng Kanyang mga salita. Nagkakaroon tayo ng mga pusong gumagalang sa Diyos at ng tunay na pagsunod. Kung hindi tayo sasailalim sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw o hindi natin tatanggapin ang mga katotohanang ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos, bagkus tatanggapin lamang ang pagtubos ng Panginoong Jesus, kontento na lamang na patuloy na magtapat sa salita lamang at manalangin, hinding-hindi natin makakamit ang tunay na pagsisisi at pagbabago, at hinding-hindi tayo ganap na maliligtas at makakapasok sa kaharian ng langit.” Ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos at ang pagbabahagi ng kapatid ay nagbigay sa akin ng kalinawan sa wakas kung bakit ipinapahayag ng Diyos ang mga katotohanan para gawin ang gawain ng paghatol. Natanto ko na ginawa lang ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, na pinatawad Niya ang ating mga kasalanan, pero hindi Niya pinatawad ang ating makasalanang kalikasan. Nakaugat pa rin nang malalim sa loob natin ang ating satanikong kalikasan, dahilan kaya namumuhay tayo sa masamang siklo ng pagkakasala, pagtatapat, at muling pagkakasala. Naisip ko kung paano ko nakita ang mga pastor na gumagawa ng mga bagay na labag sa mga turo ng Panginoon, ginagawang lungga ng mga magnanakaw ang simbahan. Pero sa takot na mapasama ang loob nila, takot na hindi ko makuha ang kanilang atensyon at tulong, pinrotektahan ko lang ang aking mga personal na interes at kumilos bilang “mabait na tao,” takot na ilantad sila. Talagang makasarili iyon. Paano niyon mapapalugod ang Diyos kung magpapatuloy ako sa ganoong paraan? Sinasabi sa Bibliya, “Kayo’y magpakabanal, sapagkat Ako’y banal” (1 Pedro 1:16). “Ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. At ang alipin ay hindi nananahan sa bahay magpakailanman: ang anak ang nananahan magpakailanman” (Juan 8:34–35). Ang Diyos ay banal at ang Kanyang kaharian ay isang banal na lugar. Bilang isang taong laging nagkakasala, na lubos na nagawang tiwali, paano ako makapapasok sa kaharian ng langit nang hindi nalilinis at nababago? Natanto ko na kailangan kong tanggapin ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos at danasin ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Sa pamamagitan ng pagiging ganap na nalinis sa aking mga tiwaling disposisyon sa ganoong paraan saka lamang ako makakapasok sa kaharian ng Diyos!
Kalaunan, ibinahagi sa akin ng ibang mga kapatid ang mga misteryo ng 6,000-taong gawain ng pamamahala ng Diyos, ang tagong kwento ng Kanyang tatlong yugto ng gawain, ang kahalagahan ng mga pangalan ng Diyos, ang misteryo ng Kanyang mga pagkakatawang-tao, at marami pang aspeto ng katotohanan. Lahat ito ay mga bagay na hindi ko kailanman naunawaan sa mga taon ng aking pananampalataya—lubos itong nagtutustos sa akin. Nakita ko na ang Makapangyarihang Diyos na nagpapahayag ng mga salita para gawin ang gawain ng paghatol ay tumutupad sa mga propesiyang ito sa Bibliya: “Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan” (Juan 16:12–13). “Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang salitang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:48). “At binigyan Siya ng awtoridad na humatol, sapagka’t Siya’y Anak ng tao” (Juan 5:27). “Pakabanalin Mo sila sa pamamagitan ng Iyong katotohanan: ang salita Mo’y katotohanan” (Juan 17:17). Sabik na sabik ako na talagang nagbalik na ang Panginoon bilang Makapangyarihang Diyos sa katawang-tao, na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus! Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw nang walang katiting na pag-aatubili. Hindi makapaghintay na ibahagi ang mabuting balita ng pagbabalik ng Panginoon sa lahat ng nananabik sa Kanyang pagpapakita, nagsimula akong masigasig na magbahagi ng ebanghelyo, nakasandal sa Diyos sa aking gawain para tulungan ang mas maraming tao na marinig ang tinig ng Panginoon at masalubong ang Kanyang pagbabalik sa lalong madaling panahon. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Chuanyang, Estados Unidos Napakaginaw noong taglamig ng 2010 sa Estados Unidos. Maliban sa nanunuot na lamig na dala ng hangin at...
Nang maniwala ako sa Panginoon, madalas kong marinig na itinuturo Niyang ibigin natin ang ating kapwa gaya ng ating sarili, na ang ating...
Ni Ramses, Mexico Lumaki ako sa isang Katolikong pamilya, at maliit pa ako ay naniniwala na kaming lahat sa Panginoon. Nang lumaki ako,...
Ni Enhui, Malaysia “Sinusuri ng Diyos ang buong kalupaan, at inuutusan ang lahat ng bagay, at minamasdan ang lahat ng salita at gawa ng...