Hindi Na Ako Sumusuko sa Sarili Ko Dahil sa Mahina Kong Kakayahan

Pebrero 18, 2026

Ni Su Yan, Tsina

Noong Nobyembre 2023, sinimulan kong gawin ang tungkulin ng pagsusuri at pagpili ng mga sermon. Nang maisip ko kung paano ako tinanggal noong dati akong lider dahil mahina ang kakayahan ko at hindi ako makagawa ng tunay na gawain, alam kong pagtataas at biyaya ng Diyos na magawa ko itong tungkuling nakabatay sa teksto. Kahit sa mahina kong kakayahan, handa akong gawin ang lahat ng makakaya ko para makipagtulungan, kaya pagkatapos, masigasig kong pinag-aralan ang mga prinsipyo. Nakita ko na nagawang ilapat ng lahat ng ibang mga kapatid ang mga prinsipyong natutunan nila sa kanilang mga tungkulin, at pagkalipas ng kaunting panahon, lahat sila ay umunlad. Talagang nainggit ako sa kanila. Pero pagkatapos ay tiningnan ko ang aking sarili: Nauunawaan ko ang mga prinsipyo habang pinag-aaralan ko ang mga ito, pero pagdating sa aktuwal na paglalapat ng mga ito, hindi ko mapagdugtong-dugtong o mailapat ang mga prinsipyo nang angkop sa pangangailangan. Ang mga sermon na pinili ko ay palaging may mga paglihis at problema. Naisip ko, “Ang hina-hina talaga ng kakayahan ko. Mukhang iyong mga may mahusay na kakayahan lang at mabilis makaunawa ang makagagawa nang maayos sa tungkuling ito. Dati, bilang isang lider, responsable ako sa ilang aytem ng gawain, pero dahil sa mahina kong kakayahan at kawalan ng kapabilidad sa gawain, wala akong nakuhang resulta sa tungkulin ko. Ngayon, pinag-aralan ko itong iisang gampanin ng pagsusuri ng mga sermon, pero wala pa rin akong natamo na anumang resulta. Kung hindi ko man lang magagawa nang maayos ang tungkuling ito, natatakot akong mawawalan ako ng pagkakataong matamo ang kaligtasan.” Sa sandaling naisip ko ito, nawalan ako ng lahat ng gana na mag-aral. Pakiramdam ko ay walang saysay ang pag-aaral dahil sa mahina kong kakayahan. Pagkatapos niyon, iniraos ko na lang ang tungkulin ko, at ayaw ko nang magsikap pa sa mga prinsipyo; madalas ding nagkakaproblema ang mga sermon na pinipili ko. Kalaunan, isinaayos ng lider na tulungan ako ni Sister Zhao Ying. Nais kong matuto nang husto mula sa kanya at makabisado ang mga prinsipyo sa lalong madaling panahon para magawa nang maayos ang aking tungkulin. Pero nang makita ko kung gaano kahusay ang kakayahan ni Zhao Ying, at kung gaano siya kabilis makaunawa, kayang isagawa ang mga prinsipyo, at nakakukuha ng magagandang resulta sa kanyang tungkulin, at pagkatapos ay tiningnan ko ang aking sarili—mahina ang kakayahan, mabagal makaunawa, at hindi magaganda ang resultang nakukuha sa aking tungkulin—naisip ko, “Sa kakayahang katulad ng sa akin, magagawa ko ba talaga nang maayos ang tungkuling ito? Kung hindi ko magagawa, at matitiwalag ako, hindi ba’t mawawala ang pagkakataon kong matamo ang kaligtasan?” Sa isiping ito, nagsimula akong magreklamo sa loob-loob ko, “O Diyos, nilikha Mo kaming lahat. Bakit binigyan Mo ng gayon kahuhusay na kakayahan ang iba, at ang sa akin ay mahina?” Habang lalo ko itong iniisip, mas lalong dumidilim ang puso ko. Nang mapagtanto kong nagrereklamo na pala ako tungkol sa Diyos, hindi na ako nangahas na isipin pa iyon at nagmakaawa ako sa Diyos na protektahan ang puso ko. Kalaunan, nakipagbahaginan sa akin si Zhao Ying tungkol sa mga paglihis sa aking mga pagsusuri ng sermon. Nang isa-isa niyang tinukoy ang aking mga kakulangan, lalo akong nasiraan ng loob. Naramdaman ko na ilang buwan ko nang ginagawa ang tungkuling ito pero napakarami ko pa ring problema rito. Talagang hindi sapat ang kakayahan ko. Habang pinag-aaralan namin ang mga prinsipyo, hiniling sa akin ni Zhao Ying na makipagbahaginan, pero naisip ko na sa aking kakayahan, kahit makipagbahaginan ako, hindi ko rin ito mailalapat kalaunan, kaya ilang pabasta-bastang salita lang ang sinabi ko. Dahil dito, wala akong natutuhan mula sa dalawang araw na pag-aaral. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, palagi kong nararamdaman na mahina ang kakayahan ko, at kung hindi ko magagawa nang maayos ang tungkuling ito, tatanggalin ako at ititiwalag. Hindi ako makausad sa mga negatibong damdaming ito at hindi ako makaalis. Mahal na Diyos, nakikiusap ako sa Iyo na bigyang-liwanag Mo at gabayan Mo ako.” Kalaunan, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang abilidad ng isang tao na gampanan nang mahusay ang kanyang tungkulin ay hindi lamang nakasalalay sa kanyang kakayahan, kundi pangunahin sa kanyang saloobin sa kanyang tungkulin, sa kanyang karakter, kung mabuti o masama ang kanyang pagkatao, at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Ito ang mga ugat na isyu(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Wastong Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Pagtutulungan na may Pagkakasundo). Sinasabi ng Diyos na kung magagampanan nang maayos ng isang tao ang kanyang tungkulin ay hindi naman lubos na nakadepende sa kanyang kakayahan, kundi pangunahing nakadepende sa kanyang saloobin sa kanyang tungkulin at kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan. Kung anong uri ng kakayahan mayroon ang isang tao ay pauna nang inorden ng Diyos. Basta’t ibinibigay niya ang lahat ng makakaya at kumikilos ayon sa mga prinsipyo sa kanyang tungkulin, magiging naaayon siya sa mga layunin ng Diyos. Pero pagkatapos ay tiningnan ko ang sarili kong saloobin sa aking tungkulin: Noong maraming paglihis ang mga pagsusuri ko ng sermon, hindi ko piniga ang isip ko kung paano malalampasan ang mga paghihirap. Sa halip, naging negatibo ako at tinukoy ang sarili ko. Naisip ko na dahil napag-aralan ko na ang dapat kong pag-aralan, sa kakayahan ko, hinding-hindi ko makakabisado ang mga prinsipyo o magagawa nang maayos ang tungkulin ko gaano man ako magsumikap. Kaya, nawalan na ako ng ganang magpunyagi. Kung iisipin, hindi ito ang mga pagpapamalas ng isang taong tumatanggap ng katotohanan. Kung hindi ako magpupunyagi, hindi makagagawa ang Banal na Espiritu para gabayan ako, at tiyak na hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko.

Pagkatapos, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng higit pang pagkaunawa sa problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pakiramdam ng ilang tao ay napakababa ng kanilang kakayahan at wala silang abilidad na makaarok, kaya tinutukoy nila ang kanilang sarili, at nadarama nila na gaano man nila hangarin ang katotohanan, hindi nila matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Iniisip nila na gaano man sila magsumikap, walang saysay iyon, at iyon lang iyon, kaya lagi silang negatibo, at dahil dito, kahit pagkaraan ng maraming taong pananampalataya sa Diyos, wala pa silang natatamong anumang katotohanan. Kung sinasabi mo, nang hindi ka nagsusumikap na hangarin ang katotohanan, na napakahina ng iyong kakayahan, sinusukuan ang sarili mo, at lagi kang namumuhay sa negatibong kalagayan, at dahil dito, hindi mo nauunawaan ang katotohanang dapat mong maunawaan o isinasagawa ang katotohanan nang ayon sa iyong kakayahan—hindi ba’t ikaw ang humahadlang sa sarili mo? Kung lagi mong sinasabi na hindi sapat ang iyong kakayahan, hindi ba’t pag-iwas at pag-urong ito sa responsabilidad? Kung kaya mong magdusa, magbayad ng halaga, at matamo ang gawain ng Banal na Espiritu, tiyak na mauunawaan mo ang ilang katotohanan at makakapasok ka sa ilang realidad. Kung hindi ka babaling o umaasa sa Diyos, at sinusukuan mo ang sarili mo nang hindi ka nagsisikap kahit paano o nagbabayad ng halaga, at sumusuko ka na lang, ikaw ay isang walang silbi, at wala ka ni katiting na konsensiya at katwiran. Mahina man o mahusay ang iyong kakayahan, kung mayroon ka mang kaunting konsensiya at katwiran, dapat mong kompletuhin nang wasto ang dapat mong gawin at ang iyong misyon; ang pagtakas ay isang napakasamang bagay at isang pagtataksil sa Diyos. Hindi na ito matutubos pa. Ang paghahangad sa katotohanan ay nangangailangan ng matatag na kalooban, at ang mga taong masyadong negatibo o mahina ay walang magagawa. Hindi nila magagawang manampalataya sa Diyos hanggang wakas, at, kung nais nilang matamo ang katotohanan at magkamit ng pagbabago ng disposisyon, mas maliit pa rin ang pag-asa nila. Yaon lamang mga naghahangad sa katotohanan at may determinasyon ang magtatamo nito at magagawang perpekto ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Ang isiniwalat ng Diyos ay ang kalagayan ko mismo. Nakita ko ang mga kapatid na inilalapat ang mga prinsipyong natutunan nila at nagtatamo ng magagandang resulta sa kanilang mga tungkulin. Samantalang pagkatapos kong mag-aral, hindi na nga ako humusay, palagi pa akong may mga paglihis at problema. Dahil dito, tinukoy ko ang sarili ko bilang isang taong may mahinang kakayahan at mabagal makaunawa, namumuhay sa gitna ng mga negatibong damdamin at ayaw nang magsikap sa mga prinsipyo. Isinaayos ng lider na gabayan ako ni Zhao Ying, na kapaki-pakinabang para sa akin at sa gawain. Pero nang makita ko na mayroon siyang mahusay na kakayahan, mabilis na naarok ang mga prinsipyo, at nagtamo ng mga resulta sa kanyang tungkulin, hindi ako natuto mula sa kanyang mga kalakasan para punan ang sarili kong mga kakulangan. Sa halip, sinisi ko ang Diyos sa hindi pagbibigay sa akin ng mahusay na kakayahan, at tinukoy ko ang sarili ko bilang isang taong walang kakayanang gawin nang maayos ang kahit ano dahil sa aking mahinang kakayahan. Nawalan ako ng motibasyon sa tungkulin ko, at ayaw ko nang magsikap na pagnilayan ang mga prinsipyo. Nakita ko na napakahina ng loob ko at walang pagtitiyaga—isa akong inutil na duwag. Ang mga taong may mabuting pagkatao ay isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at may pagpapahalaga sa responsabilidad pagdating sa kanilang tungkulin. Kahit na nahaharap sila sa mga paghihirap, hindi sila nagiging negatibo, nagpapabaya, o sumusuko sa kanilang sarili. Hindi nila ibinubunton ang kanilang mga kabiguan sa kanilang tungkulin, lalong hindi sila nakikipagtalo o nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos. Pero tinukoy ko ang sarili ko, kumbinsido na sa aking mahinang kakayahan, hinding-hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko gaano man ako magsumikap. Ayaw ko na ring pag-aralan ang mga prinsipyo at ginawa ko ang tungkulin ko nang pabasta-basta, iniraos ko lang. Nagdulot ito ng maraming paglihis at problema sa aking mga pagsusuri ng sermon, na nakaantala sa gawain. Tinustusan ako ng Diyos ng napakaraming katotohanan at nagsaayos ng mga kapatid para tulungan ako, pero wala sa puso ko at iresponsable ako sa aking tungkulin. Kapag nahihirapan ako, kumikilos ako na parang isang taong tumatakas sa gawain. Talagang hindi ako karapat-dapat sa pagkain, pag-inom, at pagtatamasa ng mga salita ng Diyos. Kung magpapatuloy ako nang ganito, talagang matitiwalag ako. Sa pag-iisip nito, napagtanto kong hindi ko na maaaring tratuhin ang tungkulin ko nang negatibo at pasibo: Kailangan kong gawin ang lahat ng makakaya ko para magawa ito nang maayos. Unti-unti, nagsimula akong makahanap ng kaunting landas sa aking tungkulin at nakapagtatamo na ng ilang resulta.

Isang araw, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “‘Kahit mahina ang kakayahan ko, mayroon akong tapat na puso.’ Ang mga salitang ito ay napakatotoo pakinggan, at sinasabi ng mga ito ang isang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Anong hinihingi? Na kung kulang sa kakayahan ang mga tao, hindi pa naman ito ang katapusan ng mundo, pero dapat silang magtaglay ng tapat na puso, at kung mayroon sila noon, makatatanggap sila ng pagsang-ayon ng Diyos. Anuman ang iyong sitwasyon o pinagmulan, dapat kang maging matapat na tao, magsabi nang tapat, kumilos nang tapat, gumampan ng iyong tungkulin nang buong puso at isipan, maging deboto sa iyong tungkulin, hindi mag-shortcut, hindi maging tuso o mapanlinlang na tao, hindi magsinungaling o manlinlang, at hindi magpaligoy-ligoy sa pagsasalita. Kailangan mong kumilos ayon sa katotohanan at maging isang taong naghahangad sa katotohanan. Maraming tao ang nag-iisip na mababa ang kanilang kakayahan, at hindi nila kailanman maayos na nagagampanan ang kanilang tungkulin o naaabot ang pamantayan. Ibinubuhos nila ang lahat-lahat nila sa kanilang ginagawa, ngunit hindi nila kailanman maunawaan ang mga prinsipyo, at hindi pa rin sila makapagbunga ng napakagagandang resulta. Sa huli, ang nagagawa na lamang nila ay dumaing na sadyang napakababa ng kanilang kakayahan, at sila ay nagiging negatibo. Kaya, hindi na ba makasusulong kung mababa ang kakayahan ng isang tao? Ang pagkakaroon ng mababang kakayahan ay hindi isang nakamamatay na sakit, at hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi Niya ililigtas ang mga taong may mababang kakayahan. Tulad ng sinabi noon ng Diyos, nagdadalamhati Siya sa mga taong matatapat ngunit mangmang. Anong ibig sabihin ng pagiging mangmang? Sa maraming kaso, ang kamangmangan ay nagmumula sa pagiging mababa ang kakayahan. Kapag mababa ang kakayahan ng mga tao, may mababaw silang pagkaunawa sa katotohanan. Hindi ito sapat na partikular o praktikal, at kadalasang limitado ito sa isang paimbabaw o literal na pagkaunawa—limitado ito sa doktrina at mga regulasyon. Iyon ang dahilan kung kaya’t hindi nila makita nang malinaw ang maraming problema, at hindi kailanman maunawaan ang mga prinsipyo habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, o mahusay na magawa ang kanilang tungkulin. Ayaw ba ng Diyos, kung gayon, sa mga taong may mababang kakayahan? (Gusto Niya sila.) Anong landas at direksiyon ang itinuturo ng Diyos na tuntunin ng mga tao? (Na maging isang matapat na tao.) Maaari ka bang maging matapat na tao kung sasabihin mo lamang ito? (Hindi, kailangang mayroon kaming mga pagpapamalas ng isang matapat na tao.) Ano ang mga pagpapamalas ng isang matapat na tao? Una, ang hindi pagkakaroon ng pagdududa sa mga salita ng Diyos. Isa iyon sa mga pagpapamalas ng isang matapat na tao. Bukod dito, ang pinakamahalagang pagpapamalas ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pagkakaroon ng mahinang kakayahan ay hindi isang malubhang kapintasan. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi makapagtatamo ng kaligtasan. May iba’t ibang hinihingi ang Diyos sa mga tao batay sa iba’t iba nilang kakayahan. Basta’t kayang harapin ng isang tao ang kanyang tungkulin nang may matapat na puso, isagawa ang katotohanang nauunawaan niya, at gawin ang lahat ng makakaya sa kanyang tungkulin, hindi siya ititiwalag ng Diyos. Totoong mahina ang kakayahan ko, na hindi ako marunong maghinuha mula sa mga prinsipyo, at na ang abilidad kong umarok ay hindi kasinghusay ng sa sister ko. Pero hindi naman sa wala akong kayang maarok na prinsipyo kahit kaunti; medyo mabagal lang ako. Kaya, dapat mas manalangin ako sa Diyos at maglaan ng mas maraming pagsisikap sa pagninilay sa Kanyang mga salita. Kapag tinutukoy ng mga sister ko ang mga problema sa aking mga pagsusuri ng sermon, dapat akong tumuon sa mga isyung iyon at pag-aralan ang mga prinsipyo para punan ang aking mga kakulangan. Iyon ang paraan para mabilis na umunlad. Ito ang pagmamahal ng Diyos, isang espesyal na pabor para lang sa akin! Matapos maunawaan ang mga layunin ng Diyos, hindi na ako naging negatibo, at hindi na ako nagplano para sa sarili kong kinabukasan. Naging handa na akong matuto mula sa magagandang landas ng pagsasagawa ng aking mga kapatid, pag-aralan ang mga prinsipyo sa praktikal na paraan, hindi maging tuso o magtago ng anuman, at gawin ang lahat ng makakaya para tuparin nang maayos ang aking tungkulin.

Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa pinagmulan ng aking pagiging negatibo. Sabi ng Diyos: “Ang pinakamalungkot na bagay tungkol sa pananampalataya ng sangkatauhan sa Diyos ay na isinasagawa ng tao ang kanyang sariling proyekto sa gitna ng gawain ng Diyos, subalit hindi pinapansin ang pamamahala ng Diyos. Ang pinakamalaking kabiguan ng tao ay na, habang hinahangad niya ang pagpapasakop sa Diyos at pagsamba sa Diyos, kasabay nito ay bumubuo siya ng sarili niyang pangarap tungkol sa isang inaasam na hantungan at nagpaplano kung paano matatanggap ang pinakamalaking pagpapala at pinakamagandang hantungan. Kahit nauunawaan ng isang tao kung gaano siya kahabag-habag, kasuklam-suklam, at kaawa-awa, ilan ang madaling makakatalikod sa kanilang mga adhikain at inaasam? At sino ang nagagawang pahintuin ang sarili niyang mga hakbang at itigil ang pagbuo ng mga plano para sa sarili niya? Kailangan ng Diyos yaong mga makikipagtulungan nang husto sa Kanya upang tapusin ang Kanyang pamamahala. Kailangan Niya yaong mga maglalaan ng kanilang buong isipan at katawan sa gawain ng Kanyang pamamahala para magpasakop sa Kanya. Hindi Niya kailangan ang mga taong naglalahad ng kanilang mga kamay para mamalimos sa Kanya araw-araw, lalong hindi Niya kailangan yaong mga gumugugol nang kaunti para sa Kanya at pagkatapos ay naghihintay na gumiit ng sukli mula sa Kanya. Kinamumuhian ng Diyos yaong mga gumagawa ng maliit na kontribusyon at pagkatapos ay nagpapakasasa sa kanilang mga tagumpay. Kinamumuhian Niya yaong mga taong walang damdamin na walang pakialam sa gawain ng Kanyang pamamahala at nais lamang pag-usapan ang tungkol sa pagtungo sa langit at pagtatamo ng mga pagpapala. Higit pa ang pagkamuhi Niya sa mga nagsasamantala sa pagkakataong hatid ng Kanyang gawain ng pagliligtas para sa sarili nilang kapakinabangan. Iyon ay dahil hindi kailanman nagmalasakit ang mga taong ito sa gustong matamo at makamit ng Diyos sa pamamagitan ng gawain ng Kanyang pamamahala. Ang inaalala lamang nila ay kung paano nila magagamit ang pagkakataong laan ng gawain ng Diyos upang magtamo ng mga pagpapala. Wala silang pagsasaalang-alang sa puso ng Diyos kahit kaunti, dahil lubos silang abala sa sarili nilang mga inaasam at kapalaran. Yaong mga walang pakialam sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at na wala ni katiting na interes sa kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan at sa Kanyang mga layunin, ay pawang ginagawa ang mga bagay na gusto nilang gawin sa labas ng saklaw ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang kanilang mga kilos ay hindi tinatandaan ni sinasang-ayunan ng Diyos, lalong hindi pinapaboran ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). “Itinuturing ng isang anticristo ang pagiging pinagpala na higit pa kaysa sa kalangitan, higit pa kaysa sa buhay, mas mahalaga pa kaysa sa paghahangad ng katotohanan, pagbabago ng disposisyon, o personal na kaligtasan, at mas mahalaga pa kaysa sa maayos na paggawa sa kanilang tungkulin, at pagiging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Iniisip niya na ang pagiging isang nilikha na pasok sa pamantayan, ang paggawa nang mabuti sa kanyang tungkulin at pagkaligtas ay pawang mumunting mga bagay na hindi na kailangang banggitin o pagkomentuhan pa, samantalang ang pagkakamit ng mga pagpapala ay ang tanging bagay sa buong buhay niya na hindi kailanman malilimutan. Sa anumang masagupa niya, gaano man kalaki o kaliit, inuugnay niya ito sa pagiging pinagpala, at napakaingat at napakaalisto niya, at lagi siyang may nakahandang malulusutan para sa kanyang sarili(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabindalawang Aytem). Mula sa paglalantad ng mga salita ng Diyos, nakita ko na nananampalataya ang mga anticristo sa Diyos para makatanggap ng mga pagpapala at pakinabang para sa kanilang sarili. Hindi nila hinahangad ang katotohanan upang makapagtamo ng pagbabago sa disposisyon at matugunan ang Diyos; sa halip, sinusubukan nilang ipagpalit ang kanilang mga pagsisikap at paggugol sa kanilang mga tungkulin para sa mga pagpapala ng Diyos. Ginagamit nila ang Diyos at sinusubukang makipagtawaran sa Diyos. Mas mahalaga sa kanila ang pagtanggap ng mga pagpapala kaysa sa paghahangad sa katotohanan o pagbabago ng disposisyon. Nakita ko na ang sarili kong mga pagpapamalas ay katulad ng sa isang anticristo. Mula pa noong nagsimula akong manampalataya sa Diyos, palagi akong handang magdusa at magbayad ng halaga para makipagtulungan, isinaayos man ng iglesia na diligan ko ang mga baguhan o maging isang lider o manggagawa. Iyon ay dahil alam ko na sa paggawa ng mas maraming tungkulin at paghahanda ng mas maraming mabubuting gawa, magtatamo ako ng kaligtasan at makapapasok sa kaharian ng langit. Pero nang makita ko na hinadlangan ako ng mahina kong kakayahan na gawin ang tungkulin ng pamumuno, at hindi ko mailapat ang mga prinsipyo kapag nagsusuri ng mga sermon, nag-alala ako na hindi ko magagawa nang maayos ang anumang tungkulin at matitiwalag ako, at mawawala ang pag-asa kong matamo ang kaligtasan. Nang maramdaman kong nawasak na ang pagnanais ko sa mga pagpapala, naging negatibo ako, tinukoy ko ang sarili ko, at sumuko ako sa sarili ko; pagdating sa tungkulin ko, iniraos ko na lang at naging pabasta-basta ako. Nakita ko na sa aking pananampalataya sa Diyos at sa aking tungkulin, sinusubukan ko lang makipagtawaran sa Diyos. Nililinlang at ginagamit ko ang Diyos: Isa akong kasuklam-suklam na tao na puro pakinabang lang ang iniisip. Ginagawa ko ang aking tungkulin na may intensyong makipagtawaran, sa halip na hangarin ang pagbabago sa aking disposisyon. Kung magpapatuloy ito, hindi lang sa hindi ko matatamo ang kaligtasan, kundi ititiwalag at parurusahan din ako ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito mula sa aking pagninilay, sobrang nakonsensiya ako, kaya lumuhod ako at nanalangin, “Mahal na Diyos, biniyayaan Mo ako ng pagkakataong ito na gawin ang aking tungkulin, pero palagi akong kumakapit sa pagnanais ko sa mga pagpapala. Sobra akong makasarili at kasuklam-suklam! O Diyos, handa akong magsisi.”

Kalaunan, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nagawa kong maunawaan nang mas malinaw ang mga layunin at hinihingi ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang nais ng Diyos ay magawang perpekto ang bawat tao, sa kahuli-hulihan ay makamit Niya, ganap na malinis Niya, at maging mga tao na Kanyang minamahal. Sinasabi Ko man na kayo ay paurong o may mahinang kakayahan, pawang totoo ang mga ito. Ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong abandonahin kayo, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t patuloy kang naghahangad, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang maaabandona. Kung mahina ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong mahinang kakayahan; kung magaling ang iyong kakayahan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong magaling na kakayahan; kung ikaw ay ignorante at mangmang, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong kamangmangan; kung ikaw ay may pinag-aralan, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa katunayan na ikaw ay may pinag-aralan; kung ikaw ay nakatatanda, ang Aking mga hihingin sa iyo ay alinsunod sa iyong katandaan; kung ikaw ay may kakayahang gawin ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, ang Aking mga hihingin sa iyo ay magiging alinsunod dito; kung sinasabi mong hindi mo magagawa ang tungkulin ng pagpapatuloy sa bahay, at magagampanan mo lamang ang isang partikular na tungkulin, ito man ay pangangaral ng ebanghelyo, o pag-aalaga sa iglesia, o pag-aasikaso sa iba’t ibang mga pangkalahatang usapin, ang Aking pagpeperpekto sa iyo ay magiging alinsunod sa tungkulin na iyong ginagampanan. Ang pagiging tapat, ang pagpapasakop hanggang sa pinakahuli, at ang paghahangad na magkaroon ng pinakadakilang pagmamahal sa Diyos—ito ang kailangan mong tuparin, at wala nang iba pang mas magandang mga pagsasagawa kaysa sa tatlong bagay na ito. Sa kahuli-hulihan, kinakailangang makamit ng tao ang tatlong bagay na ito, at kung makakamit niya ang mga iyon, sa gayon ay gagawin siyang perpekto. Ngunit, sa ibabaw ng lahat, dapat kang talagang maghabol, dapat kang aktibong magpatuloy nang pasulong at pataas, at huwag maging walang-kibo sa bagay na iyan. Nasabi Ko na ang bawat tao ay may pagkakataong magawang perpekto at may kakayahang magawang perpekto, at ito ay totoo, ngunit hindi mo sinusubukang maging mas mahusay sa iyong paghahangad. Kung hindi mo nakakamit ang tatlong batayang ito, kung gayon sa katapusan, dapat kang itiwalag(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nagbibigay ang Diyos sa mga tao ng iba’t ibang kakayahan, at magkakaiba rin ang Kanyang mga hinihingi sa kanila. Ang mga may mahuhusay na kakayahan ay may mga hinihinging angkop sa kanila; gayundin ang mga may mahinang kakayahan. Mataas man o mababa ang kakayahan mo, basta’t kaya mong ialay ang iyong debosyon, isagawa ang katotohanan, at matugunan ang Diyos, magkakaroon ka ng pagkakataong matamo ang kaligtasan. Pero hindi ko naunawaan ang masisidhing layunin ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Akala ko, dahil sa mahina kong kakayahan, hindi ako maliligtas, at tanging ang mga may mahusay na kakayahan at mabilis makaunawa ang may pag-asa. Napakabaluktot ng pananaw ko! Kung matatamo ng isang tao ang kaligtasan ay nakabatay sa kung hinahangad niya ang katotohanan, kung nagbabago ang kanyang disposisyon, at kung nagpapakita siya ng debosyon at pagpapasakop sa kanyang tungkulin. Naisip ko ang isang lider ng distrito na kilala ko na may kaunting talino at kakayahan. Mataas ang pagtingin sa kanya ng lahat ng kapatid. Pero noong ginawa niya ang kanyang tungkulin, hindi niya magawang makipagtulungan nang may pagkakasundo sa iba. Kumilos siya nang mala-diktador, ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia. Noong nakipagbahaginan sa kanya ang mga kapatid, hindi niya ito tinanggap at matigas siyang tumangging magsisi. Sa huli, pinatalsik siya. Sa kabilang banda, may isa pang sister na medyo mahina ang kakayahan, pero napakamatapat niya. Kapag nakatatagpo siya ng mga paghihirap sa kanyang tungkulin, nananalangin siya sa Diyos at tumutuon sa paghahanap sa katotohanan upang malutas ang sarili niyang katiwalian, at nagagawa niyang matamo ang ilang resulta sa kanyang tungkulin. Mula sa mga katunayang ito, naunawaan ko na kahit na may mahusay na kakayahan ang isang tao at mabilis makaunawa, hindi niya matatamo ang kaligtasan kung hindi niya hinahangad ang katotohanan at hindi nagbabago ang kanyang disposisyon. Kahit na mahina ang kakayahan ko, dapat ko pa ring isagawa ang lahat ng katotohanang prinsipyo na kaya kong maarok at ibuhos ang lahat ng pagsisikap sa paggawa ng aking tungkulin. Sa ganoong paraan, kahit na isang araw ay talagang hindi ko na kaya at ako ay tatanggalin, wala akong pagsisisihan. Napagtanto ko rin na may layunin ang Diyos sa likod ng hindi Niya pagbibigay sa akin ng mahusay na kakayahan at mga kaloob. Mayroon akong mapagmataas na disposisyon. Malinaw na wala akong kuwenta, pero kapag nakikipagtulungan ako sa aking mga tungkulin kasama ng mga kapatid, mapagmataas at mapagmagaling pa rin ako at hindi ko magawang makipagtulungan nang may pagkakasundo sa kanila. Ngayon, dahil sa mahina kong kakayahan, palagi akong sumasablay sa tungkulin ko, kaya hindi na ako puwedeng maging mapagmataas. Nagagawa kong gawin lang ang aking tungkulin nang may pagpapakumbaba. Kapag may bagay akong hindi alam o hindi naiintindihan, kaya kong maghanap, at kaya kong tanggapin ang mga mungkahi ng aking mga kapatid. Pinipigilan din ako nito na magdulot ng mga paggambala at panggugulo dahil sa aking tiwaling disposisyon. Pinoprotektahan pala ako ng mahina kong kakayahan!

Pagkatapos niyon, nanalangin ako sa Diyos at gumugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga prinsipyo at mga salita ng Diyos. Paglipas ng kaunting panahon, nagkaroon ako ng kaunting pag-unlad sa aking tungkulin at nakapagtamo ng ilang resulta rito. Isang araw, nagbabahagi ako tungkol sa aking mga karanasan sa isang sister, at sinabi niya, “Talagang may pag-unlad ka nitong mga nakaraang araw kumpara sa dati. Hindi mahalaga ang pagkakaroon ng mahinang kakayahan. Basta’t handa tayong isagawa ang katotohanan at kayang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu, pupunan ng Diyos ang kakulangan ng pagkakaroon ng mahinang kakayahan.” Talagang sang-ayon ako rito, at napahalagahan ko ang sinasabi ng Diyos: “Marahil ay wala kayong gaanong abilidad na umarok ng salita ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng pagsasagawa ninyo sa Kanyang salita, maaari Niyang lunasan ang kapintasang ito…(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Sandaling Maunawaan Mo ang Katotohanan, Dapat Mo Itong Isagawa). Naunawaan ko na hindi tinitingnan ng Diyos ang kakayahan ng isang tao, kundi kung kaya ba niyang isagawa ang katotohanan pagkatapos niyang maunawaan ito. Kapag isinasagawa ng isang tao ang katotohanan, binibigyang-liwanag at ginagabayan siya ng Diyos batay sa kanyang likas na kakayahan, na nagbibigay-daan sa kanya na makahanap ng landas sa kanyang tungkulin. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman