Ipinapakita ng Mga Salita Ng Diyos ang Daan sa Pamamagitan ng Kahirapan

Pebrero 5, 2022

Ni Xiaohe, Tsina

Naaalala kong isang gabi ’yon noong 2003. Nagpupulong ako at ang dalawa sa mga sister ko sa iglesia, at biglang, nakarinig kami isang asong tumatahol sa labas ng pinto, na sinundan ng tunog ng isang bagay na humampas sa pinto at maraming taong nagsisigawan, “Buksan niyo ang pinto! Napapaligiran kayo!” Biglang bumukas nang ang pinto na may kasamang malakas na tunog, pagkatapos, mga isang dosenang pulis ang pumasok at pinuwersa kaming pumunta sa sulok. Pagkatapos, hinalungkat ng pulis ang bahay na parang mga bandido, dahilan para magulo ang buong kuwarto. Sa sandaling ito, bigla kaming nakarinig ng dalawang putok ng baril sa labas ng pinto. Sumigaw ang mga pulis, “Nahuli namin sila! Tatlong tao!” Takot na takot ako kaya ’di ko napigil na manginig. Niyakap ko ang sarili ko at bumaluktot na parang isang bola. Matapos ’yon, pinosasan kami ng mga pulis. Matapos ang kalahating oras, dinala nila kami sa bakuran, kung saan ako nakakita ng dalawampung nakakatakot na mga pulis. Sumigaw ang isang pulis na may hawak na de-kuryenteng baton, “Makinig kayong lahat! Walang sinuman ang puwedeng mag-ingay! Gagamitin ko ’to sa sinuman sa inyo na mag-iingay, at hindi ilegal kung mamatay man kayo!” Matapos ’yon, tinulak at isinalya nila kami sa isang police car. Pagkasakay sa kotse, dalawang pulis ang nagpaupo sa’kin sa pagitan nila. Isa sa kanila ang naglagay ng binti ko sa pagitan ng kanya at yinakap ang itaas na bahagi ng katawan ko, kasabay na sinasabi, “Magiging bobo ako kung hindi kita pagsasamantalahan ngayon!” Hinawakan niya ’ko nang mahigpit habang nagpupumiglas ako para makalaya hanggang sa sinabi ng isang opisyal, “Itigil mo ’yan! Bilisan na lang natin at tapusin ang misyon para maibigay na natin.” Doon niya na ako pinakawalan sa wakas. Hindi ko inakalang ang isang pulis na dapat ay kagalang-galang ay puwedeng maging gano’n kapasaway. Galit na galit ako.

Tapos, dinala kami ng pulis sa istasyon, kinulong kami sa isang maliit na kuwarto, at ipinosas kaming tatlo sa mga bakal na upuan. Kinulit kami ng isang pulis sa pagtatanong kung sino ang lider ng iglesia at saan kami nakatira. Naisip ko kung paano ako sinubukang arestuhin ng pulis noon nang maraming beses, at alam ko na kung alam nila ang pangalan at adres ko, hindi na nila ako pakakawalan kailan man. Naalala ko rin kung paanong inaresto at pinahirapan ng mga pulis si Sister Zhao dalawang taon na ang nakakaraan, at masyado akong kinabahan dahil do’n. Naisip ko kung pahihirapan din ba nila ako. Ano’ng mangyayari kung hindi ko ’yon kayanin? Tahimik akong nanalangin sa Diyos para hingin ang patnubay Niya. Naalala ko ang ilang linya ng mga salita ng Diyos, “Pagsasaalang-alang muna sa mga interes ng pamilya ng Diyos sa lahat ng bagay; nangangahulugan ito ng pagtanggap sa pagsusuri ng Diyos at pagsunod sa mga plano ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?). Oo, kailangan kong unahin ang mga interes ng bahay ng Diyos. Ano mang pagpapahirap ang tiisin ko, hindi ko puwedeng traydurin ang mga kapatid ko, at hindi ako puwedeng maging isang Hudas. Kailangan kong matatag na manindigan at magpatotoo para sa Diyos. Matapos ’yon, anoman ang tinanong nila sa’kin, hindi ko sinagot. Kinaumagahan, sinabi ng deputy chief ng National Security Brigade nang may pekeng ngiti, “Naglatag kami ng napakalapad na lambat, at nahuli rin namin kayo sa wakas. Hindi kami mapalagay sa araw-araw na hindi namin kayo mahuli!” Matapos ’yon, binuksan niya ang posas ko at biglang hinila ang kuwelyo ko, at kinuha niya ang pagkakataong ’yon para tusukin ako nang dalawang beses sa dibdib ko. Galit na galit ako. Lantarang nagsasagawa ng sexual harassment ang mga pulis na ito. Wala silang kaibahan sa isang grupo ng mga sanggano!

Tapos ay dinala nila ako sa detention house at kinunan ako ng video nang walang permiso ko, at sinabing ipapalabas nila ’yon sa TV para sirain ang reputasyon ko. Naisip ko, “Naniniwala lang ako sa Diyos, pumupunta sa mga pagtitipon para basahin ang salita ng Diyos, at ipalaganap ang ebanghelyo para magpatotoo sa Diyos. Wala pa ’kong ginagawang ilegal o kriminal. Ang katotohanan na gusto nila akong usigin at ipahiya nang ganito ay kasuklam-suklam sa totoo lang!” Kalmado kong sinabi sa kanila, “Gawin niyo ang gusto niyong gawin!” Nang nakita nilang hindi umubra ang taktika nila, nilagyan nila ako ng posas at limang kilong kadena sa binti, at pagkatapos ay isinakay ako sa isang kotse para pumunta sa interogasyon ko. Dahil napakabigat ng mga kadena, nakakapaglakad lang ako sa lupa gamit ang sakong ko. Mahirap ang bawat hakbang, at nagsimulang magasgas ang balat sa paa ko matapos ang ilang hakbang lang. Pagkasakay ko sa kotse, sinakluban nila ng itim na hood ang ulo ko para ’di ako makakita, at naupo ako sa pagitan ng dalawang opisyal. Medyo natakot ako, at naisip ko, “Walang anumang katauhan ang mga pulis na ’to. Hindi ko alam kung ano’ng klaseng masasamang paraan ang balak nilang gamitin para pahirapan ako. Makayanan ko kaya ’yon?” Mabilis akong nanalangin sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos! Bigyan Mo ako ng pananalig. Anomang uri ng malupit na pagpapahirap ang dadanasin ko, gusto kong tumayong saksi para palugurin Ka. Kahit mamatay ako, hindi Kita ipagkakanulo.” Matapos manalangin, naisip ko ang ilan sa salita ng Diyos, “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting saloobin, iyon ay dahil naloko siya ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 6). Naunawaan ko matapos pagnilayan ang salita ng Diyos. Nagkaro’n ako ng kimi at takot na mga pag-iisip na pagkahulog sa pangdaraya ni Satanas, at nakita ko na wala akong tapat na pananalig sa Diyos. Ang soberanya ng Diyos ang nagpasya kung mabubuhay ako o mamamatay, at kailangan kong ibuwis ang buhay ko at umasa sa Diyos para manindigan at magpatotoo sa Kanya.

Matapos ’yon, dinala nila ako sa isang malayong lugar. Pagkapasok ko sa kuwarto, tinanggal nila ang nakasaklob sa’kin at inutusan akong tumayo nang isang buong maghapon. Noong gabing ’yon, itinuloy ng pulis ang pangungulit sa’kin para sa impormasyon tungkol sa iglesia. Nang makita nilang hindi ako nagsasalita ng anoman, inutusan nila akong tumayo nang hindi gumagalaw habang nasa ibabaw ng ulo ko ang mga kamay ko. Hindi nagtagal, nagsimulang sumakit ang mga braso ko, at hindi ako sigurado kung matatagalan ko pa ’yon, pero ayaw nila ’yong ipababa sa’kin hanggang sa puntong pawisan na ako, nanginginig, at hindi ko na masuportahan ang mga braso ko. Pinilit niula akong tumayo nang walang galawan hanggang pagsikat ng araw. Tumayo ako hanggang sa namanhid at namaga ang mga binti ko.

Kinaumagahan, pinagpatuloy nila ang pagtatanong sa’kin. Gumamit sila ng isang kahoy na patpat na mga 10 sentimetro ang kapal at 70 sentimetro ang haba para paulit-ulit na paluin ang likod ng mga tuhod ko hanggang sa natumba akong naka-squat, at habang natutumba ako, pinipilit nila yung pamalo sa kurba ng mga binti ko, at pagkatapos ay hinila ang mga braso ko sa likod ng pamalo at pinosasan ako sa harap ng mga binti ko. Naghabol ako ng hininga, mahirap ang paghinga, pakiramdam ko malapit nang mapatid ang mga litid sa balikat ko, sobrang tigas ng mga binti ko pakiramdam ko malapit na ’tong mabali, at hindi ko mapigil ang panginginig dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko. Matapos ang mga tatlong minuto, hindi ko na masuportahan ang sarili ko, at nagsimula akong gumewang-gewang hanggang sa matumba at lumagapak ako sa lupa, nakaharap sa taas. Isang opisyal ang lumapit at idiniin ng isa niyang kamay ang kahoy na pamalo at hinala ng isa niya namang kamay ang balikat ko, habang ang isa pa’y nanggaling sa likod, inangat ang ulo ko, at pagkatapos ginamit niya ang paa niya para itulak pataas ang likod ko para puwersahin ako uling mag-squat. Sa puntong ito, hindi ko na matiis ang sakit sa buong katawan ko, at ’di nagtagal natumba ako uli, tapos pilit uli nila akong pinatayo. Nagpatuloy ng mga isang oras ang paulit-ulit na pagpapahirap na ito. Natigil lang ’yon nang hinihingal at pawis na pawis na sila. Nagasgas ang balat ko sa kamay dahil sa posas, at nagasgas din hanggang sa dumugo ang mga paa ko dahil sa kadena. Naliligo ako sa pawis dahil sa sobrang sakit na nararamdaman ko, at pakiramdam ko hinihiwa ako ng talim pag naaabot ng maalat kong pawis ang mga sugat ko. Pakiramdam ko natanggal na ang mga ugat ko sa likod, at pakiramdam ko na-dislocate ang mga balikat ko, na para bang binanat ako hanggang sa bigla akong napatid. Humihingal ako noong oras na ’yon, at hindi ko alam kung makakatagal pa ako sa susunod na minuto, o kahit sa susunod na segundo. Masyadong nakakagimbal ang pagharap sa banta ng kamatayan, at sa puso ko, hindi ko napigil na tumawag sa Diyos, “Diyos ko! Tulungan Mo ’ko, tulungan Mo ’ko!” Tapos, naalala ko ang mga salita ng Diyos, “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Napasaya ng salita ng Diyos ang puso ko. Gusto ng mga pulis na wasakin ang laman ko bilang isang rason para ipagkanulo ko ang Diyos. Isa ’to sa mga panlalansi ni Satanas, at hindi ako puwedeng mahulog dito. Gaano man ako pinahirapan, kahit buhay ko pa ang maging kabayaran, kailangan kong mapalugod ang Diyos, manindigan at magpatotoo sa Kanya, at hiyain si Satanas. Nang maisip ko ’to, hindi na ’yon gano’n kasakit, at hindi na rin ako gaanong nakaramdam ng paghihirap at pagdurusa. Matapos ’yon, inutusan ako ng isang opisyal na tumayo, at sinabing, “Kapag hindi ka pa nagtapat, patuloy ka namin patatayuin. Tingnan natin kung gaano ang itatagal ng katigasan ng ulo mo!” Kaya, pinatayo ako hanggang sa magdilim. Noong gabing ’yon, nang pumunta ako sa banyo, namamaga ang mga paa ko dahil sa kadena, at nagnanana at dumudugo ang mga sugat ko. Paunti-unti lang ang nakakaya kong paggalaw ng mga paa ko, at masakit kahit ang kaunting paggalaw. Inabot ng halos isang oras ang paglalakad ng kahit 30 metro at pabalik, at nag-iwan ako ng malinaw na bakas ng dugo sa likod ko. Noong gabing ’yon, tuluy-tuloy kong hinaplos ng mga kamay ko ang namamaga kong mga binti. Hindi ko maituwid ang mga ’yon o maitiklop, at sobrang hindi ’yon komportable. Gayon pa man, ang nakaaliw sa’kin, ay dahil sa pagpatnubay ng salita ng Diyos, hindi ko ipinagkanulo ang Diyos.

Sa umaga ng ikatlong araw, isang babaeng pulis ang pumasok, nag-squat sa harap ko, at sinabi sa isang mahinahong tono, “Gutom ka ba? Gusto mo bang ikuha kita ng anomang makakain?” Naisip ko, “Isa ka lang bubwit na nagdadala ng regalo sa manukan—hindi maganda ang intensyon mo. Gumagamit ka ng malambot at matigas na mga pamamaraan para traydurin ko ang mga kapatid at ipagkanulo ang Diyos. Pero hindi ko hahayaan na lokohin niyo ako.” Hindi ko siya pinaansin, kaya direkta niya akong tinanong, “Kung meron kang anomang ayaw sabihin sa kanila, puwede mo ’yong sabihin sa’kin. Bakit hindi mo ’yon sabihin at lumabas ka rito nang mas maaga? Ikaw ba ang lider ng iglesia? Ano ang responsibilidad mo? Kanino ka nakikipag-ugnayan? Anu-ano ang pangalan nila?” Hindi ako sumagot, kaya galit niya akong sinipa at umalis. Matapos ang ilang panahon, galit na sinabi ng namumunong pulis, “Kung hindi siya magsasalita, bigyan siya ng parehong pagtrato.” Ginamit nila ang parehong pamamaraan para pahirapan uli ako. Sa tuwing natutumba ako, tumatawang sinasabi ng namumunong pulis, “Maganda ang posisyong ’yan. Gusto ko siya sa ganyang posisyon. Ulitin niyo!” Muli akong inangat, tapos ay natumba uli. Sa tuwing natutumba ako, malakas silang naghahalakhakan. Nagliyab ako sa poot dahil sa tunog ng panunuya at panlilibak nila. Habang lalo akong pinahihirapan ni Satanas, mas lalo kong nakikita nang malinaw ang pangit nitong mukha, kinamumuhian ’to, at tinatalikdan ’to. Hindi sila kailanman makakakuha ng anomang impormasyon tungkol sa iglesia mula sa bibig ko. Dahil sa pamamaga sa buong katawan ko at sa panghihina ng mga paa ko, minsan nawawalan ako ng balanse, hindi ko masuportahan ang sarili ko, at agad na natutumba, na dahilan para tumama ang ulo at balikat ko sa sahig, at pagkatapos dalawang pulis ang nag-angat sa’kin gamit ang ulo ko habang madiin na tumapak ang isa sa isang dulo ng pamalong kahoy, dahilan para maramdaman kong parang sabay-sabay na hinila ang lahat ng laman ko, malapit nang kumalas sa katawan ko ang mga paa’t kamay ko, at parang sasabog na sa sakit ang ulo ko, kaya ni wala na ’kong lakas para sumigaw, habang malalaking butil ng pawis ang tumutulo mula sa noo ko. Sa gano’n nila ako pinahirapan nang halos isang oras, at hindi sila tumigil hanggang sa napagod sila at pawisan na. Natumba akong nakatihaya, nakaharap sa taas. Pakiramdam ko umiikot ang langit, at hindi ko mapigil ang panginginig. Naliligo ako sa maalat na pawis kaya hindi ko maidilat ang mga mata ko, masyadong kumukulo ang tiyan ko kaya gusto kong sumuka, at pakiramdam ko mamamatay na ako. Sa puso ko, hindi ko mapigil na sumigaw, “Diyos ko! Hindi ko na ’to kayang tiisin. Nasa kamay Mo na kung mabubuhay ako o mamamatay, pero mas gugustuhin ko nang mamatay kaysa maging isang Hudas at hayaan na magtagumpay ang pagsasabwatan ni Satanas. Nagmamakaawa akong gabayan Mo ako!” Noong sandaling ’yon, niliwanagan ako ng Diyos sa pagtulong sa’kin na maalala ang mga salita Niya, “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang na kapighatian, na sa isang sandali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng mas higit at walang hanggang bigat ng kaluwalhatian.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Ipinaunawa sa’kin ng mga salita ng Diyos na ang paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Diyos sa bansang nasa ilalim ng mala-demonyong pamumuno ng Partido Komunista ay nangangahulugan na siguradong magtitiis kami ng matinding kahihiyan at pang-uusig, pero ginagamit ng Diyos ang paniniil ni Satanas para gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay at sa gayon ay natatalo si Satanas. Dinaranas ko na ngayon ang pang-uusig ng Partido Komunista. May pagkakataon na ’ko ngayon na magpatotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas, na isang maluwalhating bagay, at karangalan ko rin, kaya kailangan kong tumayong saksi para sa Diyos at hiyain si Satanas. Sa ilalim ng patnubay ng salita ng Diyos, nagkaro’n ako ng pananalig at lakas, at nagawa kong ideklara kay Satanas sa puso ko, “Ikaw na napakasamang demonyo, may determinasyon ako, at gaano mo man ako pahirapan, hindi ako magpapasakop sa’yo kailanman. Isinusumpa ko sa buhay ko na maninindigan ako sa Diyos!”

Matapos ’yon, nang nakita ng mga pulis na hindi pa rin ako magtatapat, galit nilang tinanggal ang mga kasangkapan sa pagpapahirap at isinigaw sa’kin, “Sige, tumayo ka! Tingnan natin kung gaano ang itatagal ng katigasan mo. Isa ’tong labanan ng panggigipit, at duda ako na mananalo ka!” Wala akong magawa kundi ang tumayo nang hirap na hirap, pero namamaga at masakit ang mga paa ko, hindi ako makatayo mag-isa, kaya kinailangan kong sumandal sa dingding. Noong tanghaling ’yon, sinabi sa’kin ng isang pulis, “Karamihan sa mga tao bumibigay sa isang sesyon ng gano’ng pagpapahirap. Matigas ka talaga. Kahit nakakaawa ang lagay ng mga binti mo, ayaw mo pa ring magsalita. Hindi ko alam kung sa’n ka nakakakuha ng tibay.” Alam na alam ko na ang Diyos ang nagbigay sa’kin ng lakas na ’to, at tahimik kong pinasalamatan ang Diyos. Kalaunan, pinagbataan niya uli ako, “Marami na ’kong pinasukong mga tao nung panahon ko. Sigurado ka bang gusto mo ’kong kalabanin? Kahit hindi ka magtapat, puwede ka naming pasentensyahan ng 8 o 10 taon, at uutusan namin ang mga tao ro’n na bugbugin ka, insultuhin ka, at maski patayin ka!” Naisip ko sa sarili ko, “Nasa mga kamay ng Diyos ang lahat, at ang Diyos ang may huling salita tungkol sa buhay at kamatayan ko. Kahit sentensyahan niyo ako ng 8 o 10 taon, kahit bugbugin niyo ’ko hanggang mamatay, hindi ko ipagkakanulo ang Diyos kailanman.” Nang nakita niya ang katahimikan ko, hinampas niya ang hita niya at padabog na pumadyak dahil sa galit habang sinasab niyang, “Nagsayang na ’ko ng ilang araw dahil lang sa pagharap sa’yo. Kung kagaya mo ang lahat, hindi ko magagawa ang trabaho ko!” Masayang-masaya ako Dahil nakita ko na walang kapangyarihan si Satanas, at hindi kailanman matatalo ni Satanas ang Diyos. Hindi ko mapigil na isipin ang mga salita ng Diyos, “Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, bukod-tangi ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway ang Kanyang puwersa ng buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Noong araw na ’yon, personal kong naranasan ang awtoridad at kapangyarihan ng salita ng Diyos. Nitong tatlong araw na ito, hindi ako kumain, uminom o natulog, at malupit na pinahirapan, pero nagawa ko pa ring kumapit. Ang lahat ng ito ay dahil sa lakas na ibinigay sa’kin ng Diyos. Ngayon, mas may kompiyansa na akong magpatotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas.

Sa umaga ng ika-apat na araw, inutusan ako ng mga pulis na tumayo na parang kabayo na nakaunat ang parehong braso, pagkatapos ay naglagay sila ng pamalong kahoy sa likod ng mga kamay ko. Hindi nagtagal, hindi ko na ’yon masuportahan at nahulog sa sahig ang pamalong kahoy. Pinulot nila ’yon at marahas na pinagpapalo ang kamay at tuhod ko. Nagdulot ng matinding sakit ang bawat palo, pagkatapos inutusan nila akong tumayo uli na parang kabayo. Pero dahil ilang araw akong patuloy na pinahirapan, namamaga at masakit ang mga binti ko, kaya hindi nagtagal, hindi na ’ko masuportahan ng mga binti ko, at mabigat akong bumagsak sa sahig. Inangat nila ako uli, pero sinadya akong bitawan, at bumagsak ako uli sa sahig sa nakaupong posisyon. Matapos ang marami pang pagbagsak, pasa-pasa na ang pwitan ko kaya kahit ang paghipo ro’n ay nagdudulot ng sakit na nagpapapawis sa’kin. Sa ganito nila ako pinahirapan nang isang oras pa. Matapos ’yon, inutusan nila akong maupo sa sahig at nagdala sila ng isang mangkok ng maalat na tubig para inumin ko. Tumanggi akong inumin ’yon, kaya isa sa mga pulis ang gumamit ng isang braso para itingala ang ulo ko at pilit na binuksan ang bibig ko gamit ang isa niyang kamay habang yung isa naman ay pinangsunggab niya sa mga pisngi ko at binuhusan niya ’yon ng maalat na tubig. Mapait at mala-asido ang lasa ng maalat na tubig sa lalamunan ko, pakiramdam ko nasusunog ang tiyan ko, nasa matinding paghihirap ako na gusto ko nang umiyak. Nang nakita nila ang paghihirap ko, malupit nilang sinabi, “Alam mo ba kung ba kung bakit ka namin pinainom ng maalat na tubig? Dahil ilang araw ka nang hindi kumakain, at dehydrated ka na, baka ikamatay mo ang pangbubugbog, kaya binigyan ka namin ng maalat na tubig.” Nang narinig kong sabihin nila ’yon, napagtanto kong gusto nila akong unti-unting pahirapan hanggang sa mamatay. Naisip ko, sa halip na hayaan ko sila na pahirapan ako hanggang sa mamatay, mas mabuti pang iuntog ko na lang ang sarili ko sa pader at tapusin na ang lahat ng ito, pero ni wala akong lakas na makatayo. Pakiramdam ko wala nang pag-asa ang mga bagay-bagay, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos! Hindi ko na kayang tiisin ’to. Hindi ko alam kung anong mga pagpapahirap ang susunod na gagamitin sa’kin ng mga pulis, pero ilalagay ko sa mga kamay Mo ang buhay ko. Nagmamakaawa akong samahan Mo ako.” Matapos akong manalangin, naisip ko ang isang linya ng salita ng Diyos, “Walang makakaiwas sa mga pagsasaayos at plano ng Langit, at walang sinumang may kontrol sa sarili nilang tadhana, dahil Siya lamang na namumuno sa lahat ng bagay ang may kakayahang gawin iyon(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Totoo ’yon, kontrolado ng Diyos ang kapalaran ng lahat ng sangkatauhan. Itinatakda ng Diyos ang buhay at kamatayan ng lahat. Walang taong maaaring magpasya tungkol sa bagay na ’yon, at hindi tayo puwedeng magpasya para sa sarili natin. Diyos ang nagpasya ng buhay at kamatayan ko, hindi ang pulis, kaya gusto kong ilagay ang buhay ko sa mga kamay ng Diyos at sundin ang mga pagsasaayos at pagpaplano Niya. Nang maisip ko ’yon, hindi na ako gaanong nakaramdam ng kawalan ng pag-asa, at napuno ang puso ko ng sama ng loob sa malaking pulang dragon. Gustong gamitin ng mga demonyong ito ang mga kasuklam-suklam na paraang ito para puwersahin akong ipagkanulo ang Diyos, at hindi ko puwedeng hayaang magtagumpay ang balak nila. Napahirapan na ako nang sobra, at hindi ko puwedeng hayaan na maghirap nang gano’n ang mga kapatid.

Hindi ako pinaglaruan at pinahirapan ng mga demonyong ito, ininsulto rin nila ako. Nung gabi, isang pulis ang pumunta sa’kin, Hinipo ang mukha ko, at bumulong ng malalaswang bagay sa tenga ko habang ginagawa niya ’yon. Sa sobrang galit ko, dinuraan ko siya sa mukha, at galit na galit niya naman akong sinampal na sa sobrang lakas eh nakakita ako ng mga bituin at nakarinig ng ugong sa tenga ko. Mabangis niyang idinagdag, “Meron pa kaming isang buong listahan ng mga pagpapahirap na naghihintay sa’yo. Puwede ka naming patayin dito at walang sinomang makakaalam. Magtiwala ka, magsasawa ka sa mga ’yon!” Noong gabing ’yon, nakahiga ako sa lupa at hindi makakilos, at hiniling ko na makapunta sa banyo. Sinabi nila sa’kin na tumayo akong mag-isa. Gamit ang lahat ng lakas ko, dahan-dahan, nagawa kong iangat ang sarili ko, pero nakaisang hakbang lang ako at natumba na. Dahil wala nang ibang opsyon, isang babaeng opisyal ang kumaladkad sa’kin papunta sa banyo. Habang nando’n ako, nawalan uli ako ng malay. Pagkagising ko, nakabalik na ’ko sa kuwarto. Nakita kong maga at makintab ang mga binti ko, at malalim nang nakabaon sa laman ko ang posas at kadena. May tumatagas na nana at dugo sa mga sugat, at hindi ko na matiis ang sobrang sakit no’n. Naisip ko ang listahan ng mga pagpapahirap na tinutukoy nung pulis, at nakaramdam ako ng kaunting takot, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos! Hindi ko alam kung pa’no pinaplano ng mga demonyong ’to ang susunod na pagpapahirap sa’kin, at hindi ko na talaga kayang tiisin ang ganitong uri ng pagpapahirap. Patnubayan Mo ako, at bigyan ako ng ng pananalig at lakas. Gusto kong tumayong saksi at ipahiya si Satanas.” Matapos akong manalangin, naisip ko ang tungkol sa paghihirap na tiniis ng Diyos nang dalawang beses Siyang dumating nagkatawang-tao para iligtas ang sangkatauhan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, para tubusin ang sangkatauhan, kinutya ang Panginoong Jesus, hiniya, at pinalo ng mga kawal, at pagkatapos ay kinoronahan ng tinik, at ipinako sa krus sa huli. Ngayon, nagbalik sa katawang-tao ang Diyos sa Tsina, kung saan nagdusa Siya sa pang-uusig at pagtugis ng Partido Komunista at sa nagngangalit na paglaban at pagkondena ng mundo ng relihiyon. Sa kabila nito, tahimik itong tinitiis ng Diyos at nagpapahayag ng katotohanan para iligtas ang sangkatauhan. Naalala ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos, “Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain ng sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba na Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nabubuhay upang gugulin ang Kanyang mga araw kasama ang tao, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa kanyang pagsuway, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano Niya magugugol ang Kanyang buhay sa impiyerno? Nguni’t para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa ‘impiyerno’ at ‘Hades,’ sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kwalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 9). Oo. Inosente ang Diyos, at malaki ang naging hirap ng Diyos at ipinahiya para iligtas ang tiwaling sangkatauhan. Napakadakila at walang pag-iimbot ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan! Ngayon, sinusunod ko ang Diyos at hinahanap ang katotohanan para sa sarili kong kaligtasan, kaya ano’ng halaga ng kaunting paghihirap na tiniis ko? Sa pamamagitan ng paghihirap na ito, binago ng Diyos ang kalooban ko at ginawang perpekto ang pananalig ko, at dinanas ko na rin na ang salita ng Diyos ang lakas sa buhay ng mga tao. Na maaari kong danasin ang paghihirap na ito ay biyaya at pagpapala ng Diyos. Tahimik akong umawit ng isang himno sa sarili ko, “Diyos ang aking suporta, ano ang sukat ikatakot? Ibibigay ko ang aking buhay sa paglaban kay Satanas hanggang sa huli. Iniaangat tayo ng Diyos at dapat nating iwanan ang lahat at makipaglaban upang magpatotoo kay Cristo. Diyos ang aking suporta, ano ang sukat ikatakot? Ibibigay ko ang aking buhay sa paglaban kay Satanas hanggang sa huli. Iniaangat tayo ng Diyos at dapat nating iwanan ang lahat at makipaglaban upang magpatotoo kay Cristo. Tiyak na isasagawa ng Diyos sa mundo ang Kanyang kalooban. Ihahanda ko ang aking pag-ibig at katapatan at ilalaan ang lahat ng ito sa Diyos. Magalak kong sasalubungin ang pagbabalik ng Diyos sa Kanyang pagbaba sa kaluwalhatian. Kapag narito na ang kaharian ni Cristo, makatatagpo ko siyang muli” (“Ang Kaharian” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Matapos awitin ang kantang ito, nakaramdam ako ng matinding lakas ng loob. Gaano man ako pahirapan ng mga pulis, maninindigan ako, tatayong saksi, at ipapahiya si Satanas!

Sa ika-limang araw, ipinagpatuloy ng mga pulis ang pagpapatayo sa’kin na parang kabayo. Sobrang maga ng mga binti at paa ko na hindi na ’ko makatayo, kaya pinalibutan ako ng maraming opisyal at pabalik-balik akong tinulak-tulak sa pagitan nila. Ginamit din ng ilan sa kanila ang pagkakataon para pagsamantalahan at hipuan ako. Nagpatuloy ang pagpapahirap kahit na pupungas-pungas ako at nahihilo na hindi ko maimulat ang mga mata ko. Nang mga 7 ng gabi, naupo sa harap ko ang isa sa mga pulis, hinubad ang sapatos niya, inilapit ang mabaho niyang paa sa harap ng mukha ko, at nagsalita ng malalaswang bagay. Pinakinggan ko ang masasama niyang salita at tiningnan ang walang-hiya at masama niyang itsura, at ikinagalit ko ang mga ’yon. Kinamumuhian ko ang masasamang demonyong ito! Nang mga bandang 9 ng gabi, nagsimula akong umidlip. Matagumpay na sinabi ng pulis, “Sa wakas, nagsisimula ka nang makatulog! Siguro gusto mo na ngang matulog, pero ka namin hahayaan! Pananatilihin ka naming gising hanggang sa bumigay ka! Tingnan natin kung gaano ka tatagal!” Maraming pulis ang nagpapalit-palit para bantayan ako. Sa sandaling ipinikit ko ang mga mata ko at nakatulog, hinahampas nila ang lamesa ng isang balat na latigo, hinahampas ang namamaga, nangingintab na mga binti gamit ang isang maliit na pamalong kahoy, sinasabunutan ang buhok ko, o tinatadyakan ang paa ko, at bigla akong nagigising sa bawat oras na ’yon. Minsan tumatama ang mga sipa nila sa kadena ko, at nadidikit ang mga kadena sa nagnanana kong mga sugat, nanginginig ako dahil sa sakit. Sa huli, parang sasabog na ang ulo ko sa sakit, at pakiramdam ko parang umiikot ang kuwarto. Nagdilim ang paningin ko habang bumabagsak ako sa lupa at nawawalan ng malay. Pagkagising ko, halos hindi ko maintindihan ang sinasabi ng doktor, “Anong krimen ba ang ginawa niya para pahirapan niyo siya nang todo? Hindi niyo siya pinatulog o pinakain nang ilang araw? Kalupitan ’yon! At nakabaon na sa laman niya ang mga posas at kadena. Hindi niya na maisusuot ang mga ’yan, kung hindi puwede niya ’yang ikamatay.” Pagkaalis ng doktor, pinalitan ng mga pulis ang kadena ko ng 2.5 kilo na kadena at binigyan ako ng gamot bago ako nagkamalay sa wakas. Alam kong kaya kong mabuhay dahil lang sa sa makapangyarihan ang Diyos, at tahimik Niya akong pinoprotektahan. Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko, at kung walang pahintulot Niya, anomang uri ng pagpapahirap ang gamitin sa’kin ni Satanas, hindi ako no’n mapapatay. Mas lalo ako nitong binigyan ng pananalig sa Diyos, at nagpasya ako na hangga’t humihinga ako, hindi ako kailanman susuko kay Satanas.

Tumagal ako hanggang sa ika-anim na araw, nang hindi ko na talaga matagalan, at patuloy na akong nakakatulog, at tuwing mangyayari ’yon, madiing tinatapakan ng isa sa mga pulis ang mga daliri ko sa paa, kinukurot ang likod ng mga kamay ko, o sinasampal ang mukha ko. Nung tanghali, pinagpatuloy ng pulis ang pagtatanong sa’kin ng impormasyon sa iglesia. Nung oras na ’yon, nagsisimula na ’kong mawalan ng diwa tungkol sa realidad, at natatakot akong madulas at magbigay ng impormasyon tungkol sa iglesia sa nalilito kong kalagayan, kaya agad akong nanalangin sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos! Malabo na ang isip ko dahil sa pagpapahirap. Hinihiling ko na protektahan Mo ako at bigyan ako ng malinaw na pag-iisip para anoman ang mangyari, hindi ko ipagkanulo ang mga kapatid.” Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsagot sa mga panalangin ko. Kahit pinahirapan ako sa loob ng anim na araw at limang gabi nang walang kain, inom, o tulog, napakalinaw pa rin ng isip ko, at gaano man ako pinahirapan ng mga pulis, wala akong sinabi sa kanilang anoman. Kalaunan, naglabas ang punong pulis ng isang listahan ng mga pinupuntirya na sinulat ko at tinanong ako, hinihiling na pangalanan ko ang iba. Nagsasawa na ’ko sa pagpapahirap ng mga demonyong ito, at hindi ko hahayaan na magdanas ng parehong hirap ang iba kong mga kapatid, kaya habang hindi siya nakatingin, sumugod ako pasulong, sinunggaban ang listahan, nilagay ’yon sa bibig ko, at nilunok ’yon. Sumigaw sa galit ang dalawa sa mga pulis. Nagmadali sila at puwersahang kinurot ang bibig ko, at sinampal ako nang malakas sa mukha, sa sobrang lakas, tumulo ang dugo sa gilid ng bibig ko at umiikot ang paningin ko. Puwersahang sinunggaban ng isa sa kanila ang mga pisngi at baba ko habang pinilit buksan ng isa ang bibig ko at dinukot ang lalamunan ko. Sa sobrang puwersa ng pagdukot niya, nasugatan ang lalamunan ko, at may pharyngitis pa rin ako hanggang ngayon. Dahil wala silang nakuhang anomang impormasyon ng iglesia mula sa’kin matapos ang maraming interogasyon, nagpasya ang mga pulis na kailangan nila akong ibalik sa detention house. Nakita ng mga pulis sa detention house kung gaano kalala ang mga pinsala ko at natakot na akuin ang responsibilidad kung mamatay ako habang nando’n, kaya tumanggi sila na tanggapin ako, kaya wala silang nagawa kundi dalhin ako sa ospital at kabitan ako ng oxygen. Sa mga pasilyo ng ospital, maraming tao ang tumingin at nag-usap-usap tungkol sa itsura ko. Tinuro ako ng mga pulis at sinabing, “Naniniwala siya sa Diyos. Tingnan niyong mabuti. Kung naniniwala kayo sa Diyos, ito ang mangyayari sa inyo.” Gusto kong magsalita ng anoman para pabulaanan sila, pero hindi ko nagawang magsalita. Naisip ko, “Masasama kayong lahat, nagpapalaganap kayo ng mga kasinungalingan at nanglilinlang ng mga tao.” Matapos ’yon, sinamahan ako ng mga pulis pabalik sa detention house, kung saan hinimatay ako nang dalawang beses pa.

Sa bandang huling bahagi ng Oktubre, nang dinadala kami ng mga pulis sa detention center, nakita ko si Sister Li, na inaresto kasama ko. Nakita kong namayat siya nang husto, at mahina siyang maglakad, na para bang madadala siya ng hangin anomang sandali, at hindi ko mapigil ang mga luhang dumadaloy sa mga mata ko. Pagdating namin sa detention center, nakita ko ang nangingitim na mga pasa sa mga braso at binti ni Sister Li. Sabi niya binugbog siya ng mga pulis, sinipa siya, at hindi siya pinakain at pinatulog sa loob ng maraming araw, at nagkasakit yung isa pang sister pagkaaresto pa lang sa kanila. Isinusuka niya ang mga kinakain niya, at namayat siya nang husto dahil sa pagpapahirap na halos hindi na siya makilala. Umiyak si Sister Li habang nagsasalita. Kinamuhian ko ang mga demonyong ito sa kaibuturan ng puso ko!

Sa wakas, kinasuhan ako ng Partido Komunista ng “pakikilahok sa isang organisasyong xia jiao” at sinentensyahan ako ng isang taon at siyam na buwang muling pagtuturo sa pamamagitan ng pagtatrabaho. Dahil sa tindi ng pagpapahirap sa’kin na nagkasugat ako kung saan-saan at naparalisa, hindi ako makalakad, tumanggi ang labor camp na tanggapin ako. Matapos ang apat na buwan, gumastos ng 12,000 yuan ang asawa ko para piyansahan ako, at isinagawa ang pagsesentensya sa’kin sa labas ng labor camp. Nang dumating ang asawa ko para sunduin ako, masyado akong napinsala para maglakad. Kinailangan niya ’kong buhatin papunta sa kotse. Pagkauwi sa bahay, nakita sa ppagsusuri ng doktor na dalawa sa lumbar segment sa gulugod ko ang hindi pantay. Hindi ko maalagaan ang sarili ko. Ni hindi ako makatayo sa kama. Akala ko mararatay na ’ko habang-buhay. Matapos ang isang taon, hindi inaasahang unti-unting gumaling ang katawan ko, at nagawa kong tuparing muli ang mga tungkulin ko. Nakita ko ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos para sa’kin, at pinasasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko! Maski ngayon, patuloy akong minamatyagan ng mga pulis, at maaaring arestuhin ako uli, Pero nakita ko ang awtoridad at kapangyarihan ng salita ng Diyos, at payag handa akong umasa sa Diyos sa pamamagitan ng pananalig at tumupad ng mga tungkulin ko sa abot ng makakaya ko para suklian ang pagmamahal ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Lihim na Nakatanim nang Malalim sa Puso Ko

Salamat sa Diyos para sa pagliliwanag na ito, na ibinangon ako mula sa pagkakabulag. Kung hindi, marahil ay nililinlang pa rin ako ng aking sariling kasinungalingan—nagpapagewang-gewang kasama ng bulag na ambisyon patungo sa aking sariling napipintong pagbagsak. Talaga namang nakakatakot! Sa prosesong ito, napagtanto ko ring sa loob ng pagpapalit sa akin, pinoprotektahan ako ng Diyos at pinagkalooban ako ng kaligtasan.