Mga Aral na Natutuhan Ko sa Pagtatalaga ng mga Tauhan sa Ibang Tungkulin

Hulyo 17, 2026

Ni Yixin, Tsina

Noong Marso 2019, ginagawa ko ang tungkulin ko bilang superbisor ng gawaing nakabatay sa teksto ng iglesia, na kasama rin ang pagsasala ng mga artikulo. Nang panahong iyon, dahil sa ilang pagsasaayos ng mga tauhan, sina Chang Li at Li Lin na lang ang mas may karanasang miyembrong natira sa pangkat. Nasa isang grupo ako kasama si Chang Li, habang si Li Lin naman ay nasa isa pang grupo kasama ang dalawang baguhan sa pangkat. Noong Hunyo, sumulat sa amin ang mga lider, sinasabing gusto nilang iangat si Chang Li para gawin ang tungkulin niya sa pangkat ng mga tagasuri ng teksto ng sambahayan ng Diyos, at tinanong kung payag siya. Habang binabasa ko ang sulat, hindi ko maiwasang hindi mapalagay, “Kulang na nga sa tao ang pangkat, bakit ililipat pa nila si Chang Li ngayon? Siya ang sandigan ng pangkat namin. Mahusay ang kakayahan niya at may mahusay na pagkaarok sa mga prinsipyo. Kung aalis siya, kailangan kong pasanin nang mag-isa ang lahat ng gawain. Bukod pa sa kung gaano ito kahirap at nakakapagod, kung hindi ako makakapili ng anumang magagandang artikulo, hindi ba’t sasabihin ng mga lider na masyadong mahina ang kapabilidad ko sa gawain at na hindi ako angkop na gampanan ang tungkulin ng superbisor? Hindi ba’t mapapahiya ako nang husto?” Kahit na alam kong ang pag-aangat kay Chang Li ay makabubuti sa gawain ng iglesia at na hindi ko dapat isaalang-alang lang ang sarili kong mga interes, sumama pa rin ang loob ko sa isiping aalis siya, kaya gusto kong pakiramdaman kung ano ang palagay niya. Sabi ni Chang Li, “Masyado akong maraming pagkukulang, at natatakot akong hindi ako makakasabay kapag pumunta ako roon. Sobrang nakakahiya kung hindi ko magagawa nang maayos ang tungkulin ko. Sapat na ang kakayahan ko para sa gawain dito, kaya ayaw kong pumunta.” Nang marinig ko siyang sabihin iyon, palihim akong natuwa, at parang naalis ang bigat na dinadala ko. Bagama’t nakahanap din ako ng ilang salita ng Diyos para makipagbahaginan sa kanya, sa puso ko, desperado akong umaasa na hindi siya aalis, dahil gagawin niyong mas madali ang tungkulin ko. Lumipas ang tatlong araw, at hindi pa rin sumasagot si Chang Li sa mga lider. Hindi na ako mapakali, kaya sinubukan ko ulit siyang tanungin, “Nakikita kong hindi ka pa rin sumasagot sa mga lider. Ano ba ang plano mong gawin?” Sabi niya ay hindi pa rin siya nakapagpapasya. Pagkatapos ay pakunwari kong sinabi, “Para gawin ang tungkulin mo sa pangkat ng mga tagasuri ng teksto ng sambahayan ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pagkaarok sa ilang prinsipyo at magtaglay ng partikular na mga kasanayang propesyonal at kapabilidad sa gawain. Kung hindi, talagang hindi mo ito magagawa nang maayos. Pero mas masasanay ka, at mas mabilis na gagaling ang mga propesyonal na kasanayan mo roon.” Sabi ni Chang Li ay mananalangin pa siya tungkol dito. Nang makita kong hindi pa rin nagpapahayag ng malinaw na saloobin si Chang Li, palagi akong hindi mapalagay, at naisip ko, “Dapat ba akong makipagbahaginan ulit sa kanya, at hikayatin siyang isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at magpasakop sa mga pagsasaayos ng iglesia?” Pero pagkatapos ay may naisip na naman ako: “Kung talagang aalis siya pagkatapos kong makipagbahaginan sa kanya, kakailanganin kong akuin ang lahat ng gawaing ito. Tiyak na bababa ang kahusayan ko, at kung bumaba ang mga resulta, ano ang iisipin ng mga lider sa akin?” Matapos kong pag-isipan ito nang paulit-ulit, hindi na ako nakipagbahaginan sa kanya sa huli. Bagama’t nakaramdam ako ng kaunting paninisi sa sarili, ang maisip na tatambak ang lahat ng gawain dito ay nagpakabog sa dibdib ko. Takot na takot akong papayag siyang pumunta sa ibang lugar para gawin ang kanyang tungkulin. “Hindi,” naisip ko, “kailangan kong sumulat sa mga lider at ipaliwanag ang aming aktuwal na sitwasyon para panatilihin nila si Chang Li rito.” Pero pagkatapos ay naisip ko ulit, “Kung gagawin ko iyon, hindi ba’t sasabihin ng mga lider na masyado akong makasarili, na hindi ko isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at na hinahadlangan ko ang sambahayan ng Diyos sa pag-aangat at paglilinang ng mga tao?” Matapos pag-isipan ito nang paulit-ulit, binura ko ang liham na sinimulan kong isulat. Sa loob ng ilang araw, nagpabigat ang bagay na ito sa isipan ko. Lumipas pa ang dalawang araw, at napansin kong iba na ang ekspresyon ni Chang Li kaysa karaniwan. Nakarelaks na ang kanyang mga kilay, at mukhang sinimulan na niyang isulat ang kanyang tugon. Pagkatapos na pagkatapos gawin ni Chang Li ang kanyang tugon, sabik kong tinanong kung ano ang napagpasyahan niya. Nang marinig kong pumayag siyang pumunta, medyo nadismaya ako. Sa pag-alis niya, mawawalan ako ng isang may kakayahang katulong, kaya talagang atubili akong paalisin siya. Pero dahil nakapagdesisyon na, wala akong magawa kundi magpasakop. Inalo ko na lang ang sarili ko, “Maghahanap na lang ako ng ibang angkop na tao mula sa iglesia. Kahit papaano ay pinapasan pa rin ni Li Lin ang gawain sa kabilang grupo. Kailangan ko lang dagdagan pa ang gagawin ko sa parte ko. Hindi naman siguro nito masyadong maaantala ang pag-usad ng gawain.”

Kalaunan, tatlong bagong miyembro ang inilipat sa aming grupo. Makalipas ang isang buwan, naarok na ng tatlong bagong miyembro ang ilan sa mga prinsipyo. Noon lang, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga lider, sinasabing ililipat nila ang lider ng pangkat, si Li Lin, sa pangkat ng mga gumagawa ng himno para magsilbi bilang superbisor nito. Pagkarinig na pagkarinig ko nito, sumama ang loob ko. Naisip ko, “Kulang na nga sa tao ang pangkat, at mahusay ang kakayahan ni Li Lin at nakatutulong sa malaking bahagi ng pasanin ko sa gawain. Kung ililipat siya, wala akong magiging oras para pangasiwaan nang mag-isa ang gawain ng dalawang grupo! Kung hindi ako makakapili ng anumang artikulong pasok sa pamantayan, ano na lang ang iisipin ng mga lider sa akin? Hindi ba’t sasabihin nilang wala akong kapabilidad sa gawain? Kung walang maging resulta ang gawain at matanggal ako, hindi ba’t lubusan akong mapapahiya? Hindi, sa pagkakataong ito kailangan kong sumulat sa mga lider. Kailangan kong panatilihin si Li Lin dito anuman ang mangyari. Hindi ko siya puwedeng hayaang umalis.” Kaya sumulat ako sa mga lider, sinasabing, “Kailangan pang linangin ang mga bagong miyembro. Maaari bang hintayin muna natin hanggang sa maging sanay na sila bago ilipat si Li Lin?” Ang totoo, dalawang tao sa grupo ni Li Lin ang tatlo o apat na buwan nang nalinang at kaya nang hawakan ang ilan sa gawain. Pero para mapanatili ang matatag na mga resulta, gusto ko pa ring panatilihin si Li Lin. Sa ganoong paraan, makakaiwas ako sa maraming abala, at kung bumuti ang mga resulta ng gawain, makukuha ko pa ang paghanga ng mga lider. Pero sinabi ng mga lider na naaapektuhan na ang gawain ng pangkat ng mga gumagawa ng himno dahil wala silang superbisor, at sinabihan ako na mas umasa sa Diyos at pasanin ang tungkuling ito. Pagkabasa ng sulat, hindi talaga ako mapakali. Sa isip-isip ko, “Itong mga lider na ito! Alam na alam nila ang aktuwal na sitwasyon sa pangkat namin, pero sunod-sunod pa rin silang naglilipat ng mga tao. Hindi ba’t mabubuwag lang ang pangkat namin? Ako na ang mamamahala sa gawain ng dalawang grupo. Bukod sa dadami ang gawain, tiyak na bababa rin ang mga resulta.” Noong mga araw na iyon, nawalan ako ng gana sa tungkulin ko at hindi ko alam kung ano ang ginagawa ko sa kahit anong bagay. Hindi ko na rin alam kung ano ang sasabihin sa Diyos sa mga panalangin ko, at hindi ko maarok ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ang mga ito. Sa gabi, pabiling-biling ako at hindi makatulog, ang isip ko ay abala sa pag-iisip, “Paano ko lilinangin nang mag-isa ang mga bagong miyembro ng dalawang grupo? Masyadong mahirap ang tungkuling ito!” Sa paghihirap ko, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, mula nang ilipat si Chang Li at pagkatapos ay si Li Lin, nag-aalala ako na hindi maarok ng mga bagong miyembro ang mga prinsipyo at hindi sila makapili ng mga artikulong pasok sa pamantayan, at na kapag hindi nagbunga ang gawain, mamaliitin ako ng mga lider. Alam kong nagtatalaga ang mga lider ng tauhan batay sa mga pangangailangan ng gawain, pero hindi talaga ako makapagpasakop sa puso ko. Nawa’y gabayan Mo ako na makilala ang sarili ko at maunawaan ang mga layunin Mo.”

Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at labis akong nagsisi. Sabi ng Diyos: “Sa sambahayan ng Diyos, ang lahat ng naghahangad sa katotohanan ay nagkakaisa sa harap ng Diyos, hindi watak-watak. Pinagsisikapan nilang lahat ang iisang layon: ang tuparin ang kanilang tungkulin, gawin nang maayos ang gawaing itinatalaga sa kanila, kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo, gawin ang hinihingi ng Diyos, at matugunan ang Kanyang mga layunin. Kung ang iyong layon ay hindi para dito, kundi para sa sarili mong kapakanan, para matugunan ang mga makasarili mong pagnanais, iyan ay pagbubunyag ng isang tiwaling satanikong disposisyon. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga tungkulin ay ginagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, samantalang ang mga kilos ng mga walang pananampalataya ay pinamamahalaan ng kanilang mga satanikong disposisyon. Ito ay dalawang landas na labis na magkaiba. Ang mga walang pananampalataya ay kinikimkim ang sarili nilang mga pakana, ang bawat isa sa kanila ay may sarili nilang mga pakay at plano, at ang lahat ay nabubuhay para sa sarili nilang mga interes. Ito ang dahilan kung bakit nag-aagawan silang lahat para sa bawat kaunting pakinabang at tumatangging sumuko nang kahit kaunti. Watak-watak sila, hindi nagkakaisa, dahil hindi iisa ang kanilang layon. Magkatulad ang intensyon at kalikasang nasa likod ng kanilang ginagawa. Lahat sila ay gumagawa para sa kanilang sarili lamang. Hindi naghahari ang katotohanan dito; ang naghahari at namumuno sa lahat ng ito ay ang kanilang mga satanikong tiwaling disposisyon. Kinokontrol sila ng kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon at hindi nila mapigilan ang sarili nila, kaya’t lumulubog sila nang lumulubog sa kasalanan. Sa sambahayan ng Diyos, kung ang puwersang nagtutulak, motibasyon, at mga prinsipyo at mga pamamaraan ng inyong mga kilos ay hindi naiiba sa mga walang pananampalataya, kung kayo ay minamanipula, kinokontrol, at dinodomina rin ng inyong mga tiwaling satanikong disposisyon, at kung ang puwersang nagtutulak sa inyong mga kilos ay ang sarili ninyong mga interes, reputasyon, pride, at katayuan, ang paggampan ninyo sa inyong tungkulin ay hindi maiiba sa kung paano ginagawa ng mga walang pananampalataya ang mga bagay-bagay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkabasa ng mga salita ng Diyos, nagnilay-nilay ako sa aking sarili. Nang sumulat ang mga lider para sabihing gusto nilang ilipat si Chang Li, nag-alala ako na kung aalis siya, ang pagbaba ng mga resulta ng aming gawain ay makakaapekto sa aking reputasyon sa paningin ng mga lider, kaya ayaw ko siyang hayaang umalis. Nang marinig kong sinabi ni Chang Li na ayaw niyang pumunta para magsanay sa pangkat ng mga tagasuri ng teksto ng sambahayan ng Diyos, palihim akong natuwa. Sa panlabas, nakipagbahaginan ako sa kanya tungkol sa mga layunin ng Diyos, pero sa totoo lang, sinusubukan kong pakiramdaman ang mga iniisip niya, umaasang mananatili siya at lilinangin ang mga bagong miyembro ng grupo at mapapatakbo ang gawain, para matugunan ang pagnanais ko para sa katayuan at reputasyon. Nang makita kong hindi pa rin niya nililinaw ang kanyang posisyon, bukod sa hindi ako nakipagbahaginan tungkol sa mga layunin ng Diyos, ay desperado pa akong umasa na hindi siya aalis. Naisip ko pa ngang sumulat ng liham sa mga lider para bigyang-diin ang mga paghihirap ng pangkat, para mapanatili siya. Pagkatapos mailipat si Chang Li, naisip ko na kayang linangin ni Li Lin ang mga bagong miyembro ng grupo at hindi masyadong maaapektuhan ang gawain. Pero sa hindi inaasahan, gusto na rin ng mga lider na ilipat si Li Lin. Biglang napuno ng mga reklamo at paglaban ang puso ko, at hindi talaga ako makapagpasakop. Naramdaman ko na hindi isinasaalang-alang ng mga lider ang aming aktuwal na mga paghihirap, at sumulat pa ako ng liham sa mga lider para hilingin na huwag nilang ilipat si Li Lin, nag-aalala na ang pagbaba sa mga resulta ng gawain ay magiging dahilan para mawala ang magandang imahe ko sa mata ng mga lider. Palagi kong isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes at hindi ang gawain ng iglesia. Napakamakasarili ko at lubos na kasuklam-suklam! Nilinaw na ng mga lider na naantala ang gawain ng pangkat ng mga gumagawa ng himno dahil wala silang superbisor, at na inililipat nila si Li Lin para sa kapakanan ng gawain ng iglesia. Pero para protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan, ayaw kong hayaang umalis si Li Lin, kahit nakikita kong nagdurusa ang gawain ng iglesia. Wala talaga akong normal na pagkatao! Nag-aaway at nagmamadali ang mga walang pananampalataya sa bawat maliit na bagay para sa pansariling interes; para maging epektibo ang gawain sa mga artikulong pinangangasiwaan ko, binalewala ko ang gawain ng kabilang pangkat at sinubukan kong panatilihin si Li Lin para mapangalagaan ang sarili kong reputasyon at katayuan. Ang mga kilos ko ay walang ipinagkaiba sa mga kilos ng mga walang pananampalataya. Talagang napakamakasarili ko at lubos na kasuklam-suklam ako! Sa pag-iisip nito, labis akong nagsisi at nanalangin sa Diyos, handang magsisi.

Noong Setyembre 2021, isang bagong pangkat para sa sermon ang binuo sa iglesia dahil sa mga pangangailangan ng gawain. Ako ang naging responsable para sa mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan sa buhay, habang ang kapatid na lalaking katulong ko naman ang responsable para sa gawain sa sermon. Sumulat sa amin ang mga lider, hinihiling na palawakin namin ang aming saklaw para magsala ng mga taong makakasulat ng mga sermon, at gumawa rin ng mga makatwirang pag-aayos sa pagtatalaga ng mga tungkulin batay sa mga kalakasan at resulta ng bawat isa sa pangkat ng mga tagasuri ng teksto. Pagkatapos ng mga pagsasaayos ng tauhan, mas kakaunti na ang nagsusulat ng mga sermon, na nagpaantala sa pag-usad ng gawain. Pagkatapos ay nakipag-usap sa akin ang kapatid na katulong ko tungkol sa paglipat kay Sister Zhou Li mula sa aking sakop na responsabilidad papunta sa pangkat ng sermon. Pagkarinig na pagkarinig ko nito, umayaw ako. Naisip ko, “Mahusay ang kakayahan ni Zhou Li, naarok na niya ang ilang prinsipyo, at nakakakuha siya ng mga resulta sa pagpili ng mga artikulo. Kung ililipat siya, hindi ba’t bababa ang mga resulta ng gawain?” Sa pag-iisip nito, tumanggi ako. Anuman ang sabihin ng kapatid, hindi ako pumayag sa paglipat ni Zhou Li. Sa totoo lang, malinaw sa puso ko na hindi lang naarok ni Zhou Li ang mga prinsipyo sa pagpili ng mga artikulo, kundi mayroon din siyang mga pananaw at angkop siyang magsulat ng mga sermon. Ngayon, mas marami pang tao ang kailangan para magsulat ng mga sermon para ipangaral ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, kaya ang paglilipat sa kanya ay magiging kapaki-pakinabang sa gawain. Hindi ba’t masyado akong nagiging makasarili sa pagpigil sa kanya? Sa pag-iisip nito, medyo nakaramdam ako ng paninisi sa sarili. Pero pagkatapos ay naisip ko na kung ililipat siya, maaapektuhan ang gawain sa mga artikulo, at kung bumaba ang mga resulta ng gawain, tiyak na sasabihin ng mga lider na ang mga nakaraang resulta ay nakamit dahil sa pakikipagtulungan ng brother sa pangkat. Hindi ba’t magmumukha akong walang kuwenta? Nasa alanganin ako at hindi ko alam ang gagawin, at nawalan ako ng gana sa aking tungkulin. Napagtanto kong hindi tama ang kalagayan ko, kaya nanalangin ako at naghanap: “Bakit sa tuwing may isang taong may mahusay na kakayahan ang ililipat mula sa akin, nakakaramdam ako ng paglaban, hindi magawang magpasakop, at nawawalan pa ng gana sa aking tungkulin?” Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung nalipat ang isang taong may mahusay na kakayahan mula sa nasasakupan ng isang anticristo para gumawa ng ibang tungkulin, masigasig na nilalabanan at tinatanggihan ito ng anticristo sa puso niya—nais na niyang magbitiw, at wala siyang gana na maging isang lider o pinuno ng pangkat. Anong problema ito? Bakit wala siyang pagsunod sa mga pagsasaayos ng iglesia? Iniisip niya na ang paglilipat sa kanyang ‘kanang-kamay’ ay makakaapekto sa mga resulta at pag-usad ng kanyang gawain, at na maaapektuhan ang kanyang katayuan at reputasyon dahil dito, kaya mapipilitan siyang higit na magtrabaho at magdusa para magarantiya ang mga resulta—na siyang huling bagay na nais niyang gawin. Nasanay na siya sa kaginhawahan, at ayaw niyang magtrabaho at magdusa pa nang husto, kaya ayaw niyang pakawalan ang taong iyon. Kung ipinagpipilitan ng sambahayan ng Diyos ang paglilipat, nagrereklamo siya nang husto at gusto pa nga niyang isantabi ang sarili niyang gawain. Hindi ba ito makasarili at ubod ng sama? Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat sentralisadong itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibidwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan. Hindi ba’t makasarili ito at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na hindi nila magagawa nang maayos ang gawain, matatanggal, at mawawala ang kanilang katayuan. Binabalewala ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pakundangan sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia. Makasarili ito at ubod ng sama. … Ganyang uri ng mga tao ang mga anticristo. Lagi nilang itinuturing ang gawain ng iglesia, at ang mga kapatid, at maging ang lahat ng pag-aari ng sambahayan ng Diyos na nasa saklaw ng kanilang responsabilidad, bilang sarili nilang pribadong pag-aari. Naniniwala sila na sila ang magpapasya kung paano ipamamahagi, ililipat, at gagamitin ang mga bagay na ito, at na hindi pinapayagang makialam ang sambahayan ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga ito, parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas, walang sinumang pinapayagang hawakan ang mga ito. Sila ang mga bigatin, ang mga pinaka-amo, at sinuman ang pumunta sa kanilang teritoryo ay kailangang sumunod sa kanilang mga utos at pagsasaayos nang may mabuting asal at nang masunurin, at kumuha ng hudyat mula sa kanilang mga ekspresyon. Ito ang pagpapamalas ng pagiging makasarili at ubod ng sama sa karakter ng mga anticristo. Wala silang pagsasaalang-alang sa gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi nila sinusunod ang prinsipyo kahit kaunti, at iniisip lamang ang sarili nilang mga interes at katayuan—na pawang mga tanda ng pagiging makasarili at ubod ng sama ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang kalikasan ng mga anticristo ay sadyang makasarili at kasuklam-suklam. Kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, hindi nila talaga isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos. Anuman ang gawin nila, ang sarili lamang nilang mga interes ang isinasaalang-alang nila. Para maprotektahan ang sarili nilang reputasyon at katayuan, mahigpit nilang pinanghahawakan ang mga taong may mahusay na kakayahan, hindi pinahihintulutan na maitalaga ng sambahayan ng Diyos sa ibang tungkulin. Hindi ba’t pareho lang ng sa isang anticristo ang mga pagpapamalas ko? Nang ilipat si Chang Li, labis akong nag-atubili dahil natakot ako na ang pagbaba ng mga resulta ng gawain ay makaaapekto sa aking reputasyon at katayuan. Nang marinig kong gusto ng mga lider na ilipat ang aking may kapabilidad kong katulong na si Li Lin, lalo pang napuno ng paglaban ang puso ko. Sumulat pa ako ng liham sa mga lider dahil sa aking tiwaling disposisyon, sinusubukang pigilan silang ilipat si Li Lin. Nang makita kong hindi ko nakuha ang gusto ko, naging negatibo ako at nagpakatamad sa aking tungkulin. Matapos maitatag ang pangkat ng sermon, ipinaalam sa akin ng kapatid na katulong ko na si Zhou Li ay may mga pananaw at angkop na magsulat ng mga sermon. Alam ko rin na ang paglipat sa kanya ay magiging kapaki-pakinabang sa gawain sa sermon, pero para protektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan, tumanggi akong paalisin siya, kahit na maraming beses itong tinalakay sa akin ng aking katuwang, na nagpaantala sa pag-usad ng gawain sa sermon. Palagi kong gustong panatilihin sa tabi ko ang mga miyembro ng pangkat na may mahusay na kakayahan para magamit ko sila. Hindi ba’t itinuturing kong kasangkapan ang aking mga kapatid sa paghahangad ko ng reputasyon at katayuan? Malinaw kong alam na naaapektuhan na ang gawain ng kabilang pangkat at mas kailangan nila ng mga tao kaysa sa pangkat namin, pero tumanggi pa rin akong hayaan siyang umalis. Mas gugustuhin ko pang makita na nagdurusa ang gawain ng iglesia kaysa itigil ang pagprotekta sa sarili kong mga interes. Talagang napakamakasarili ko at lubos na kasuklam-suklam! Hindi ba’t pareho lang ang kalikasan ng aking mga kilos sa mga kilos ng mga malalaking tao at mga pinunong inilalantad ng Diyos? Hindi ko pinayagan ang sinuman na ilipat ang mga taong kapaki-pakinabang sa aking reputasyon at katayuan, at palagi kong gustong kontrolin nang mahigpit ang mga tao. Tinatahak ko ang landas ng isang anticristo. Kung magpapatuloy ako nang ganito, tiyak na itataboy at ititiwalag ako ng Diyos.

Pagkatapos, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos at lalo ko pang naunawaan ang malubhang kalikasan ng aking mga kilos. Sabi ng Diyos: “Ano ang pamantayang ginagamit para husgahan kung mabuti o masama ang mga ikinikilos at inaasal ng isang tao? Ito ay kung taglay ba niya o hindi, sa kanyang mga iniisip, ibinubunyag, at ikinikilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda, isa kang taong gumagawa ng masama. Ano ang tingin ng Diyos sa mga taong gumagawa ng masama? Sa paningin ng Diyos, ang mga iniisip at mga panlabas mong kilos ay hindi nagpapatotoo para sa Kanya, ni nagpapahiya o tumatalo kay Satanas; sa halip, nagbibigay ang mga ito ng kahihiyan sa Kanya, at puno ang mga ito ng mga marka ng pagsira ng dangal Niya. Hindi ka nagpapatotoo para sa Diyos, hindi mo ginugugol ang sarili mo para sa Diyos, ni isinasakatuparan ang mga responsabilidad at obligasyon mo alang-alang sa Diyos; sa halip, kumikilos ka para sa iyong sariling kapakanan. Ano ang kahulugan ng ‘para sa iyong sariling kapakanan’? Sa tiyak na pananalita, ang ibig sabihin nito ay para sa kapakanan ni Satanas. Samakatwid, sa bandang huli, sasabihin ng Diyos, ‘Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.’ Sa mga mata ng Diyos, hindi ituturing na mabubuting gawa ang iyong mga ikinilos, ituturing ang mga ito na masasamang gawa. Hindi lamang mabibigong makamit ng mga ito ang pagsang-ayon ng Diyos—kokondenahin pa ang mga ito. Ano ang inaasahang makamit ng isang tao mula sa ganitong pananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t mawawalan ng saysay sa huli ang gayong pananampalataya?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sinusukat ng Diyos kung mabuti o masama ang mga kilos ng isang tao batay sa kanyang mga intensyon at panimulang punto—kung itinataguyod ba niya ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ang kanyang sariling personal na mga interes. Sa paghahambing ng sarili ko sa mga salita ng Diyos, nagnilay-nilay ako na sa mga paglilipat ng tungkulin ng mga tauhan na ito, hindi ko iniisip kung paano ko mapalulugod ang Diyos, sa halip ay isinasaalang-alang ko ang sarili kong reputasyon at katayuan sa bawat pagkakataon. Para maprotektahan ang aking reputasyon at katayuan, sinubukan kong pigilan ang mga lider na ilipat ang aking mga sister. Kahit na nakaramdam ako ng paninisi sa sarili, matigas ko pa ring sinubukan na panatilihin sila. Kapag hindi ko nakukuha ang gusto ko, nagiging negatibo ako at nawawalan ng gana sa aking tungkulin. Sa aking mga iniisip at pagpapamalas, hindi ako nagsasagawa ng katotohanan upang palugurin ang Diyos; ito ay kasamaan sa paningin ng Diyos at nagdulot ng Kanyang pagkapoot at pagkamuhi. Naisip ko ang panahon noong gumagawa ang Panginoong Jesus. Hindi tinanggap ng mga punong saserdote at mga Pariseo ng Judaismo ang gawain ng Panginoong Jesus, at nilabanan at kinondena pa nga Siya. Para maprotektahan ang kanilang sariling katayuan at kabuhayan, mahigpit nilang kinontrol ang mga mananampalataya, at walang kahihiyan pang sinabi na pag-aari nila ang mga mananampalataya. Pareho lang ang mga pastor at elder sa mundo ng relihiyon ngayon. Para maprotektahan ang kanilang sariling katayuan, pinipigilan nila ang mga mananampalataya na siyasatin ang tunay na daan, inaangkin ang mga tupa ng Diyos bilang sarili nila, sinasalungat ang Diyos, at nakikipagkompetensiya sa Kanya para sa mga tao. Sila ay naging masasamang alipin at mga anticristong ibinunyag ng Diyos. Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng kalikasan ng aking mga kilos at iyong sa mga Pariseo o ng sa mga pastor at elder sa mundo ng relihiyon? Para maprotektahan ang personal kong reputasyon at katayuan, hinadlangan ko ang paglipat ng isang taong may talento, na nagpaantala sa pag-usad ng gawain sa sermon. Isa itong pagkakasala laban sa disposisyon ng Diyos! Nang mapagtanto ito, nakaramdam ako ng matinding takot. Kung hindi ako magsisisi, ang kalalabasan ko ay magiging katulad ng sa mga Pariseo at mga pastor at elder ng mundo ng relihiyon—tiyak na isusumpa at parurusahan ako ng Diyos. Nang makilala ko ang kaseryosohan ng problema, gusto kong lutasin ang aking mga isyu.

Kalaunan, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba, at lagi mong nais na makuha ang papuri at paghanga ng iba, at hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang gayong mga tao ay walang may-takot-sa-Diyos na puso. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag mong isipin ang iyong sariling pride, reputasyon, at katayuan, huwag mong isaalang-alang ang mga personal mong interes. Kailangan mong isaalang-alang higit sa lahat ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat kang maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos at higit sa lahat magnilay-nilay kung mayroon ba o walang karumihan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, kung ikaw ba ay naging deboto, kung natupad mo ang iyong mga responsabilidad, at kung naibigay mo ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo bang iniisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng iglesia. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Kung madalas mong isipin ang mga ito at unawain ang mga ito, magiging mas madali para sa iyo na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Ang tanging eksepsiyon ay kung mahina ang iyong kakayahan at mababaw ang iyong karanasan, o kung hindi ka bihasa sa iyong mga propesyonal na gawain, at humahantong ito sa paglitaw ng ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at pinipigilan na makamit ang magagandang resulta, ngunit ginagawa mo na ang lahat ng iyong makakaya. Hindi ka kumikilos para bigyang-kasiyahan ang iyong mga makasariling pagnanais o kagustuhan. Sa halip, nagbibigay ka ng palagiang pagsasalaang-alang sa gawain ng iglesia at sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Bagama’t maaaring hindi ka nagkakamit ng magagandang resulta sa iyong tungkulin, naituwid na ang puso mo; kung, dagdag pa rito, nagagawa mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga problema sa iyong tungkulin, magiging pasok ka sa pamantayan sa paggampan mo sa iyong tungkulin, at, kasabay nito, magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. Kung gayon, ikaw ay magkakaroon ng patotoo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon). “Para sa lahat ng gumagampan ng tungkulin, gaano man kalalim o kababaw ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan, ang pinakasimpleng pagsasagawa para sa pagpasok sa katotohanang realidad ay ang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos sa bawat pagkakataon, binibitiwan ang kanilang mga makasariling pagnanais, mga personal na intensyon, mga motibo, pagmamalaki, at katayuan, at inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos—ito ang pinakamababang dapat nilang gawin. Kung ni hindi man lang ito magawa ng isang taong gumagampan ng tungkulin, paano masasabi na ginagampanan niya ang kanyang tungkulin? Hindi iyon paggampan ng kanyang tungkulin. Dapat mo munang isipin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, at ikonsidera ang gawain ng iglesia. Unahin mo muna ang mga bagay na ito; pagkatapos niyan, saka mo lamang maaaring isipin ang katatagan ng iyong katayuan o kung ano ang tingin sa iyo ng iba. Hatiin ito sa dalawang hakbang, gumagawa ng kaunting kompromiso—hindi ba’t nararamdaman ninyo na ginagawa nitong medyo mas madali ang mga bagay-bagay? Kung magsasagawa ka nang ganito sa loob ng ilang panahon, mararamdaman mo na ang pagbibigay-kasiyahan sa Diyos ay hindi isang mahirap na bagay. Dagdag pa rito, kung magagawa mong tuparin ang iyong mga responsabilidad; tuparin ang iyong mga obligasyon at tungkulin; isantabi ang iyong mga makasariling pagnanais, intensiyon, at motibo; magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos; at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, ang gawain ng iglesia, at ang tungkuling dapat mong gampanan, kung gayon, pagkatapos dumanas nang ganito sa loob ng ilang panahon, mararamdaman mo na ang pag-asal sa ganitong paraan ay mabuti, na dapat mamuhay ang mga tao sa isang matapat at hayag na paraan, at na hindi sila dapat mamuhay nang walang paninindigan, marumi, at mababang-uri, kundi sa halip ay dapat silang maging marangal at makatarungan. Mararamdaman mo na ito ang wangis na dapat isabuhay ng isang tao. Unti-unti, mababawasan ang pagnanais mong bigyang-kasiyahan ang sarili mong mga interes(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling mga Tiwaling Disposisyon). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang mga layunin at hinihingi ng Diyos. Anuman ang gawin ko, dapat itama ko ang aking mga intensyon at tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, hindi isaalang-alang ang sarili kong reputasyon o katayuan, unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at tuparin ang sarili kong tungkulin at responsabilidad. Lalo na’t isa akong superbisor, dapat ay aktibo kong nilinang ang mga taong may talento, at inangat at nilinang ang lahat ng kapatid na may mga kalakasan na nasasaklaw ng aking responsabilidad, para magampanan nila ang kanilang mga papel sa mga angkop na tungkulin. Matapos maunawaan ang mga layunin ng Diyos, handa na akong bitiwan ang sarili kong mga interes at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Kinailangan kong unahin ang gawain ng iglesia at itigil na ang pagiging napakamakasarili. Sa gulat ko, pagkatapos ng isang panahon ng pagsasanay, mabilis na umunlad ang tatlong bagong miyembro ng grupo sa pagpili ng mga artikulo at agad nilang nagawang pasanin ang gawain ng grupo.

Noong 2023, ginagawa ko ang aking tungkulin bilang isang lider ng iglesia, at si Sister Yixun ang responsable sa gawain ng ebanghelyo. May kasanayan siya sa pangangaral ng ebanghelyo, may mahusay na kakayahan at kapabilidad sa gawain, at kaya niyang gumawa nang mag-isa. Isang araw noong Mayo, hiniling sa amin ng mga nakatataas na lider na sumulat ng isang ebalwasyon para kay Yixun, dahil inihahanda nila na ilipat siya para pangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo na may mas malawak na saklaw ng responsabilidad. Nang marinig ang balitang ito, nagitla ako, at naisip, “Kasisimula pa lang bumuti ng gawain ng ebanghelyo na pinangangasiwaan ni Yixun kamakailan. Kung ililipat siya, kailangan kong maghanap ng bago. Kung hindi ako makakahanap ng angkop na manggagawa ng ebanghelyo at bababa ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo, ano na lang ang iisipin ng iba sa akin?” Nakaramdam ako ng kaunting paglaban. Noong magrereklamo na sana ako sa sister na katulong ko, napagtanto kong hindi tama ang kalagayan ko. Bakit ko na naman isinasaalang-alang ang sarili kong mga interes? Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sinuman sila, lahat ay dapat magpasakop sa koordinasyon at mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at hinding-hindi dapat kontrolin ng sinumang indibidwal na lider o manggagawa na para bang pag-aari niya sila o nasasailalim sa kanyang mga desisyon. Ang pagsunod ng hinirang na mga tao ng Diyos sa sentralisadong mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay ganap na natural at may katwiran, at hindi maaaring suwayin ng sinuman ang mga pagsasaayos na ito, maliban kung gumagawa ang isang indibidwal na lider o manggagawa ng isang arbitraryong paglilipat na hindi alinsunod sa prinsipyo, kung magkagayon ay maaaring suwayin ang pagsasaayos na ito. Kung ang isang normal na paglilipat ay isinasagawa nang ayon sa mga prinsipyo, dapat na sumunod ang lahat ng hinirang na mga tao ng Diyos, at walang lider o manggagawa ang may karapatan o anumang dahilan para subukang kontrolin ang sinuman. Masasabi ba ninyo na may anumang gawain na hindi gawain ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang gawain na hindi kinasasangkutan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Lahat ng iyon ay gawain ng sambahayan ng Diyos, pantay-pantay ang bawat gawain, at walang ‘iyo’ at ‘akin.’ Kung ang paglilipat ay naaayon sa prinsipyo at batay sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia, dapat magpunta ang mga taong ito kung saan sila higit na kailangan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga pagsasaayos sa mga tauhan ay dapat gawin ayon sa mga pangangailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at dapat kong tanggapin ang lahat ng paglilipat ng mga tauhan at magpasakop sa mga ito basta’t makatwiran ang mga ito. Wala akong karapatang pigilan ang mga tao at huwag silang paalisin. Hindi ko maaaring palaging isaalang-alang ang sarili kong mga interes. Saanman ilipat ang aking mga kapatid upang gawin ang kanilang mga tungkulin, lahat ito ay para sa pagpapakalat ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Ang pagpayag sa aking sister na pumunta sa isang angkop na lugar para gawin ang kanyang tungkulin ay magpapahintulot sa kanya na mas mahusay na maisakatuparan ang kanyang tungkulin at magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia. Matapos maunawaan ang mga layunin ng Diyos, isinaayos ko na magsulat ng isang ebalwasyon para kay Yixun ang aking mga kapatid, at agad siyang nailipat pagkatapos. Kalaunan, pumili kami ng mga bagong manggagawa ng ebanghelyo, at pagkatapos ng isang panahon ng pagsasanay, pinasan din nila ang gawain. Hindi naapektuhan ang gawain ng ebanghelyo.

Dati, palagi akong naniniwala na tiyak na bababa ang mga resulta ng gawain kung ililipat ang mga taong may talento, pero ngayon nakita ko na walang katotohanan ang pananaw na ito. Ang pinakamahalagang bagay sa paggawa ng tungkulin ng isang tao ay kung tama ba ang kanyang puso. Kung kaya mong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, bitiwan ang iyong mga personal na interes, unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos, makikita mo ang pamumuno at mga pagpapala ng Diyos, at gaganda nang gaganda ang iyong paggawa ng tungkulin. Gaya ng sinasabi ng Diyos: “Patuloy na nagbubunga ng mas magagandang resulta ang mga bagay-bagay na ayon sa mga katotohanang prinsipyo, habang ang mga bagay naman na hindi ay lalong nagiging masama ang mga kinahihinatnan, kahit pa akma ang mga ito sa mga kuru-kuro ng mga tao nang mga panahong iyon. Tatanggap ng kumpirmasyon ang lahat ng mga tao tungkol dito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Landas ng Paglutas sa mga Tiwaling Disposisyon).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Hindi Mabuburang Pagsisisi

Ni Pan Li, TsinaIsang araw noong Nobyembre 2020, nabalitaan ko na isang lider ng iglesia na nagngangalang Zhao Jun ang naaresto ng mga...

Hindi na Ako Naduduwag

Ni Mu Yu, TsinaNoong Setyembre 2, 2022, pumunta ako sa bahay ng isang lider para sa isang bagay, pero walang tao sa bahay. Nakita ako ni...