Ang Iyong Tungkulin ay Hindi Iyong Karera

Enero 15, 2022

Ni Kylie, France

Noong nakaraang taon, responsable ako para sa gawain ng dalawang iglesia. Kung minsan kailangang ilipat ang mga tao mula sa aming iglesia para gumawa ng tungkulin sa ibang lugar. Noong una, masaya akong makipagtulungan at agad akong nagrerekomenda ng mga tao. Pero noong tumagal-tagal, napagtanto kong mas mahirap tapusin ang gawain ko kapag inililipat ang magagaling na tao. Nag-alala akong baka maapektuhan ang pagsasagawa ko, at tatanggalin ako ng mga lider dahil hindi nagbubunga ang mga gawain ko, at malalagay sa alanganin ang dignidad at katayuan ko. Kalaunan, hindi na ako masyadong handa at bukal sa kalooban na magbigay ng mga tao.

Kamakailan lang, napansin ko na si Sister Ranna, na isang bagong mananampalataya, ay may mahusay na kakayahan at masigasig sa kanyang paghahanap. Madalas siyang nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nanonood ng mga video ng iglesia, at palagi siyang nagtatanong sa akin tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad. Naisip ko kung paanong nangangailangan ang aming iglesia ng tagadilig, at dapat ko siyang linangin kaagad para dito. Sa ganitong paraan, hindi ko lang didiligan ang mga bagong mananampalataya, ipapakita rin nitong nakakakuha ako ng mga resulta sa tungkulin ko, at makikita ng mga lider na talagang may kakayahan ako—makabubuti ito sa lahat. Dahil dito, binigyan ko siya ng maraming tulong para maunawaan niya ang mas maraming katotohanan at maisagawa niya ang gawain ng pagdidilig. Hindi ko inasahan na isang araw, sasabihin sa akin ng isang lider na nangangailangan ng isang tao para sa gawain ng pagdidilig ang isa pang iglesia, at nais nila na si Sister Ranna ang gumanap ng tungkuling iyon doon. Nang marinig ko ito, inis na inis ako at labag iyon sa kalooban ko, iniisip na hindi lang ang iglesia na iyon ang nangangailangan ng mga tao. Makalipas ang ilang araw, binanggit ulit ng lider ang ideya na ilipat si Sister Ranna, at sinabing may mahusay siyang kakayahan at baka puwede siyang sanayin para sa dagdag pang responsibilidad. Tumindi nang tumindi ang pagtutol ko habang mas marami akong naririnig, at naisip ko, “Gusto mo siyang kunin nang ganoon na lang? Kapag patuloy na naapektuhan ang gawain ng iglesia namin, matatanggal ako.” Nang mapagtanto ko ito, nagsungit ako at sinabi kong, “Iniisip kong maaari siyang manatili rito at mahasa para sa isang posisyon sa pamunuan.” Ang totoo, alam kong marami-raming baguhan doon sa isa pang iglesia at mas malaki ang pangangailangan nila sa pagdidilig. Hindi ako nangahas sabihin nang deretsahan na hindi ko siya pakakawalan, pero punong-puno ako ng kinimkim na galit at sama ng loob, at hindi ko ito basta matanggap. Inilipat na ng lider ang dalawang lider ng grupo mula sa aming mga iglesia kamakailan lang, kaya palagi akong naglilinang ng mga bagong tao at pinupunan ang mga bakante, at higit sa lahat, mahirap maghanap ng magagaling na kandidato. Kung hindi ako makakakuha ng magagandang resulta sa gawain ko, hindi ako kailanman magkakaroon ng pagkakataong mamukod-tangi, na maipakita kung anong kaya kong gawin. Pakiramdam ko’y sadyang hindi ko kayang gawin ang tungkuling iyon, at naging lalo’t lalo akong miserable. Pakiramdam ko’y labis akong inagrabyado, at hindi ko mapigilan ang mga luha ko. Nang makita akong ganoon, nakipagbahaginan sa akin ang lider tungkol sa kalooban ng Diyos at mga prinsipyo ng iglesia sa pagsasaayos ng mga tungkulin, pero hindi ko talaga iyon pinansin. Mayamaya, sinabi niyang sa pag-asta ko nang ganoon, hinahadlangan ko ang gawain ng iglesia, pero hindi ko talaga matanggap iyon. Naisip ko, “Pero hindi ba’t dahil ito sa pagsasaalang-alang sa gawain ng aming iglesia? Kung tingin mo’y hadlang ako, ikaw na lang ang gumawa no’n. Tanggalin mo na lang ako para hindi na ako magdulot ng ano pa mang problema.” Nakonsensya ako nang maisip ko iyon nang ganoon, kaya nagdasal ako sa Diyos at sinabing, “Diyos ko, hindi ko kayang basta magpasakop sa nangyayari ngayon. Pakiramdam ko’y labis akong inagrabyado. Diyos ko, pakiusap, gabayan Mo po ako nang maunawaan ko kung anong mali sa akin.”

Matapos ang panalangin, pinagnilayan ko kung bakit, noong kinakailangan ng lider na gumawa ng mga pangkaraniwang pagbabago, ayos lang ito sa iba, pero nagkaroon ako ng problema. Kinailangan ko lang na tutulan at pigilan ito, labis ang pagtutol ng kalooban ko rito. At hindi lang iisa o dadalawang beses akong umasta nang ganoon. Bakit napakahirap para sa akin na magpasakop? Tapos naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Hindi mo sariling operasyon, sariling karera, o sariling gawain ang isang tungkulin; gawain ito ng Diyos. Hinihingi ang iyong pakikipagtulungan sa gawain ng Diyos, na siyang humahantong sa iyong tungkulin. Ang bahagi ng gawain ng Diyos na dapat makipagtulungan ng tao ay ang kanyang tungkulin. Bahagi ng gawain ng Diyos ang tungkulin—hindi mo ito karera, hindi mo mga gawaing bahay at hindi mo rin pansariling alalahanin sa buhay. Ang iyong tungkulin ay paghawak man sa panlabas o panloob na gawain, kailanganin man itong pag-isipan o pagtrabahuhan, ito ang tungkuling nararapat mong gampanan, ito ang gawain ng iglesia, bumubuo ito sa isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ay tagubiling ibinigay sa iyo ng Diyos. Hindi mo ito pansariling gawain. Kung gayon, paano mo dapat tratuhin ang iyong tungkulin? Kahit paano, hindi mo dapat gampanan ang iyong tungkulin ayon sa anumang paraang gusto mo, hindi ka dapat kumilos nang walang ingat(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Magagampanan nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). “Ano nga ba ang tungkulin? Isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, bahagi ito ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at isa itong responsabilidad at obligasyon na dapat pasanin ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Karera mo ba ang tungkulin? Isa ba itong personal na usaping pampamilya? Tama bang sabihin na sa sandaling mabigyan ka ng tungkulin, nagiging personal mong gawain ang tungkuling ito? Talagang hindi iyon ganoon. Kaya paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin? Sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa mga hinihingi, salita, at pamantayan ng Diyos, at sa pagbabatay ng iyong pag-uugali sa mga katotohanang prinsipyo sa halip na sa pansariling pagnanais ng tao. Sinasabi ng ilang tao, ‘Sa sandaling ibigay sa akin ang isang tungkulin, hindi ko ba ito sariling gawain? Ang tungkulin ko ay pananagutan ko, at hindi ko ba sariling gawain kung ano ang pinananagutan ko? Kung gagampanan ko ang aking tungkulin bilang sarili kong gawain, hindi ba’t nangangahulugan ito na gagawin ko ito nang maayos? Gagawin ko kaya ito nang maigi kung hindi ko ito itinuring na sarili kong gawain?’ Tama ba ang mga salitang ito o mali? Mali ang mga ito; salungat ang mga ito sa katotohanan. Ang tungkulin ay hindi mo personal na gawain, gawain ito ng Diyos, bahagi ito ng gawain ng Diyos, at dapat mong gawin kung ano ang ipinagagawa ng Diyos; maaari ka lamang papasa sa pamantayan sa pamamagitan ng paggampan sa iyong tungkulin nang may sumusunod-sa-Diyos na puso. Kung palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin ayon sa iyong sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at ayon sa iyong sariling mga kagustuhan, hindi mo kailanman maaabot ang pamantayan. Ang pagganap sa iyong tungkulin nang ayon lamang sa gusto mo ay hindi pagganap ng iyong tungkulin, dahil ang ginagawa mo ay hindi saklaw ng pamamahala ng Diyos, hindi ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos; sa halip, nagpapatakbo ka ng sarili mong operasyon, isinasakatuparan ang sarili mong mga gawain, kung kaya’t hindi ito ginugunita ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Magagampanan nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Pinag-isipan ko ang mga salita ng Diyos at napagtanto kong ang isang tungkulin ay hindi isang karera, at na ito ay isang atas ng Diyos sa mga tao. Kaya dapat itong isagawa nang ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Hindi ko dapat gawin kung ano lang ang gusto ko, base sa mga personal kong kahilingan at plano. Kapag ganoon ang ginawa ko, maaaring magmukhang marami akong nagagawa, pero hindi iyon magiging paggawa ng isang tungkulin; magiging pagpapatakbo iyon ng sarili kong proyekto, at paglaban sa Diyos. Kung titingnang muli ang aking inasal, tuwing hinihingi sa akin na magbigay ng mga tao, nag-aalala ako na kung pakakawalan ko ang mga miyembro ng iglesia na pinakamahusay sa pagtupad ng kanilang tungkulin, hindi makakakuha ng magagandang resulta ang aming mga iglesia, at maaaring mawala sa akin ang posisyon ko. Upang mapangalagaan ang aking reputasyon at katayuan, ayokong magbigay ng mga tao. Alam ko sa teorya na ang aking tungkulin ay ibinigay sa akin ng Diyos, at na ito ay responsibilidad ko, pero sa pagsasagawa, tinrato ko ito na parang sarili kong negosyo, sarili kong trabaho. Dahil ibinigay sa akin ang trabahong iyon, naisip ko na negosyo ko ito, kaya ako ang may huling salita rito. Handa akong tumulong na magbigay ng tao basta’t hindi nito maaapektuhan ang mga resulta ng gawain ko, pero sa sandaling makaapekto ito, siguradong magmamatigas ako at hindi pakakawalan ang kahit sino. Kaya nang malaman kong ililipat si Sister Ranna, nasaktan ako at ayoko siyang payagang umalis. Pakiramdam ko’y labis akong inagrabyado, at gusto ko pa ngang magwala, na tumigil sa paggawa ng aking tungkulin. Paano iyon naging paggawa ng tungkulin? Malinaw na ginagambala at hinahadlangan ko ang gawain ng iglesia. Hindi ko inisip ang kabuuan habang tinutupad ko ang tungkulin ko, ni itinaguyod ang mga interes ng iglesia, sa halip, nagpapakana ako para sa sarili ko, ginagamit ang tungkulin ko bilang isang pagkakataon na gumawa para sa sarili kong reputasyon at katayuan. Hindi ba’t nagpapatakbo ako ng sarili kong operasyon? Gaano man karaming gawain ang gawin ko, hindi kailanman gugunitain ng Diyos ang ganitong asal. Dapat na masigasig akong makipagtulungan tuwing nangangailangan ng isang tao ang iglesia. Hindi ko puwedeng isipin lang ang mga pansarili kong interes.

Sa isang pagtitipon kinabukasan, binanggit ng isang lider na trabaho ng mga lider ng iglesia na diligan ang mga kapatid habang naglilinang din ng mga tao nang sa gayon ay magagawa ng lahat ang tungkulin na nababagay sa kanila. Nang marinig ko iyon, para akong nagising sa isang panaginip. Tama siya. Ang pagdidilig sa mga kapatid at pagtulong sa kanilang mahanap ang tamang tungkulin ay parte ng trabaho ko. Pero noong nangangailangan ng isang tao ang isa pang iglesia, sa panlabas ay hindi ako nangahas tumanggi, pero sa puso ko ay tutol ako rito, at nag-isip ako ng lahat ng uri ng palusot para hindi sila ilipat. Hindi iyon paggawa ng aking tungkulin. Hindi ko tinutupad ang mga responsibilidad ko sa tungkuling iyon, at sinisi ko pa nga ang lider sa paglalagay sa akin sa mahirap na posisyon. Hindi ko rin pinagnilayan ang sarili ko, at sa halip ay humadlang lang ako sa gawain ng iglesia. Ang ganoon bang uri ng pag-uugali ay hindi sadyang paghadlang sa mga bagay-bagay, gaya ng sinabi ng sister na iyon? Naalala ko noong una akong gumanap ng tungkulin, gusto ko lang gawin ang maliit kong parte para sa gawain ng pag-eebanghelyo. Pero ngayon naging sagabal na ako, isang nakatitisod na bagay. Dito, nakaramdam ako ng kaunting panghihinayang, at sinabi ko sa sarili ko na sa susunod, kailangan kong isagawa ang katotohanan, na hindi ko puwedeng isipin lang ang sarili ko sa ganoong makasarili at kasuklam-suklam na paraan.

Makalipas ang ilang araw, nagpadala ng isang mensahe ang lider, hinihiling sa aking ilipat ang dalawang miyembro ng grupo sa isa pang iglesia. Kalmadong-kalmado ako nang mabasa ko ang mensaheng iyon at nakita kong dumating sa akin ang sitwasyong ito bilang isang pagkakataon para maisagawa ko ang katotohanan. Pero noong sinusuri ko na ang mga miyembro ng grupo, medyo nag-atubili ako at napaisip kung talaga bang kailangan kong pakawalan ang dalawang pinakamagaling na sister sa grupo, o baka puwede kong ilipat ang dalawa na hindi ganoon kagaling. Nang maisip ko iyon, napagtanto kong nagiging makasarili ako at ginagawa na naman ang parehong pagkakamali. Tapos nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang puso ng mga taong mapanlinlang at masama ay nag-uumapaw sa pansariling mga ambisyon, plano, at pakana. Madali bang isantabi ang mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ang dapat mong gawin kung nais mo pa ring magampanan nang maayos ang iyong tungkulin pero hindi mo maisantabi ang mga bagay na ito? May landas dito: Dapat maging malinaw sa iyo ang kalikasan ng ginagawa mo. Kung may kinalaman ang isang bagay sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at mahalagang-mahalaga ito, kung gayon ay hindi mo ito dapat balewalain, hindi ka dapat makagawa ng mga pagkakamali, hindi mo dapat pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, o guluhin ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Ito ang prinsipyong dapat mong sundin sa pagganap sa iyong tungkulin. Kung nais mong maiwasang mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kailangan mo munang isantabi ang iyong mga ambisyon at pagnanais; dapat makompromiso ang iyong mga interes kahit papaano, dapat isantabi ang mga ito, at mas mabuting dumanas ka ng kaunting paghihirap kaysa malabag mo ang disposisyon ng Diyos, na siyang kasukdulan nito. Kung hindi mo gagawin nang maayos ang gawain ng iglesia upang masunod ang walang kakuwenta-kuwenta mong mga ambisyon at kapalaluan, ano ang kahihinatnan mo sa huli? Papalitan ka, at maaaring palayasin ka. Napagalit mo ang disposisyon ng Diyos, at maaaring wala ka nang pagkakataon pang maligtas. May limitasyon sa dami ng mga pagkakataong ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Gaano ba karaming pagkakataon ang natatanggap ng mga tao upang masubok ng Diyos? Natutukoy ito batay sa kanilang diwa. Kung sinusulit mo ang mga pagkakataong ibinibigay sa iyo, kung kaya mong bitiwan ang iyong pagpapahalaga sa sarili at banidad, at unahin ang maayos na paggawa sa gawain ng iglesia, may tama kang pag-iisip(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Prinsipyo ng Katotohanan Magagampanan nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Nang mabasa ko ito, napagtanto kong hindi ko man lang dapat pakialaman o pigilan ang gawain ng iglesia, kahit pa maapektuhan ang sarili kong dignidad at pakinabang. Dati, palagi akong nag-aalala na kapag inilipat ang pinakamagagaling na miyembro ng iglesia, maaapektuhan ang gawain ng aming mga iglesia, at matatanggal ako. Pero sino ba ang tatanggalin dahil sa pagsuporta niya sa mga interes ng iglesia at pagmamalasakit sa kalooban ng Diyos? Wala. Sa kabilang banda, ang isang taong makasarili at kasuklam-suklam, na tumatangging pakawalan ang magagaling na miyembro ng iglesia, na nakakaapekto sa gawain ng iglesia at sa mga interes nito, ang siyang tatanggalin at palalayasin. At kahit pa hindi ko pakawalan ang mga sister na iyon, hindi iyon agad nangangahulugan na mapapabuti ang aming mga iglesia. Kung mali ang mga motibo ko, at pinoprotektahan ko ang sarili kong pangalan at posisyon, hindi ko makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu, kaya paano ako magkakaroon ng magagandang resulta sa aking tungkulin kung wala ang patnubay ng Diyos? Medyo napanatag ang isip ko nang maisip ko ang mga ito at sinabi ko sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko, gusto kong isagawa ang katotohanan at palugurin Ka, at tumigil na sa pagprotekta sa aking pangalan at katayuan.” Pagkatapos noon, iminungkahi ko ang dalawang miyembro ng grupo na may pinakamahusay na pagsasagawa na ilipat sa kabilang iglesia. Nang maisagawa ko na ito, talagang napayapa ako. Masarap sa pakiramdam na maging ganoong uri ng tao.

Pagkatapos ng karanasang iyon, akala ko’y medyo nagbago na ako, pero sa gulat ko, hindi pa man nagtatagal ay lubos na naman akong nailantad. Isang araw, sinabi ng isang lider na gusto niyang magbigay ako ng ilan pang tagapagdilig, dahil marami-rami kaming bilingual na baguhan sa aming mga iglesia. Kung ganoon, kakailanganin kong ibigay halos lahat ng bilingual at may mahusay na kakayahan. Sa puntong ito, nagsimula ulit akong mag-alala tungkol sa aking dignidad at posisyon. Kapag umalis ang mga taong iyon, natatakot akong ang gawain ng pag-eebanghelyo sa aming mga iglesia ay tiyak na maaapektuhan. Nang gabing iyon, nagpadala sa akin ng mensahe ang lider, kinukumusta ang sitwasyon. Nakaramdam ako ng labis na pagtutol sa kalooban ko. Sa bawat pangalan na binabanggit niya, isang salitang sagot lang ang ibinibigay ko: “Sige,” “Okay.” Noong nagtanong siya ng mga detalye, ayokong magsabi ng kahit ano. Naisip ko, “Unang-una, hindi ko gusto kahit kailan na ibigay ang mga taong ito, pero tanong ka nang tanong. Inuubos mo ang mga taong kayang gumawa ng tungkulin sa aming mga iglesia. Paano ko gagawin ang trabaho ko?” Talagang tutol ako at hindi makapagpasakop.

Sa isang pagtitipon kalaunan, nakita ko ang isang video ng pagbigkas ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang aking katiwalian. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Malinaw ang diwa ng kasakiman at kasamaan ng mga anticristo; kitang-kita ang ganitong klase ng mga pagpapamalas nila. Ipinagkakatiwala sa kanila ng iglesia ang isang parte ng gawain, at kung sumisikat at nakikinabang sila rito, at naipapakita nila ang kanilang mukha rito, interesadong-interesado sila, at handang tanggapin iyon. Kung ito ay gawaing walang pasasalamat o kinasasangkutan ng pagpapasama ng loob ng mga tao, o hindi sila nito tutulutang maipakita ang kanilang mukha o wala itong pakinabang sa kanilang katayuan o reputasyon, wala silang interes, at hindi nila iyon tatanggapin, na para bang walang kinalaman sa kanila ang gawaing ito, at hindi ito ang gawaing dapat nilang gawin. Kapag nakakaranas sila ng mga paghihirap, walang pag-asa na hahanapin nila ang katotohanan para lutasin ang mga iyon, lalo na ang magsikap na tingnan ang buong sitwasyon at hindi sila magbibigay ng anumang konsiderasyon sa gawain ng iglesia. Halimbawa, sa saklaw ng gawain ng sambahayan ng Diyos, batay sa kabuuang mga pangangailangan ng gawain, maaaring magkaroon ng ilang paglilipat ng mga tauhan. Kung malipat ang ilang tao mula sa isang iglesia, ano ang makatwirang paraan ng pagtrato ng mga lider ng iglesia sa isyu? Ano ang problema kung ang tanging inaalala nila ay ang mga interes ng sarili nilang iglesia, sa halip na ang mga pangkalahatang interes, at kung hinding-hindi silang handang ilipat ang mga tao? Bakit hindi nila magawa, bilang lider ng iglesia, na magpasakop sa mga pangkalahatang pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos? May pagsasaalang-alang ba ang gayong tao sa kalooban ng Diyos? Alisto ba sila sa kabuuan ng gawain? Kung hindi nila iniisip ang buong gawain ng sambahayan ng Diyos, kundi ang mga interes lamang ng sarili nilang iglesia, hindi ba sila masyadong makasarili at kasuklam-suklam? Ang mga lider ng iglesia ay dapat magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang walang pasubali, at sa sentralisadong mga pagsasaayos at koordinasyon ng sambahayan ng Diyos. Ito ang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag kinakailangan ng gawain ng sambahayan ng Diyos, sinuman sila, lahat ay dapat magpasakop sa koordinasyon at mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, at hindi talaga dapat kontrolin ng sinumang indibiduwal na lider o manggagawa na para bang pag-aari niya sila o nasasailalim sa kanyang desisyon. Ang pagsunod ng mga taong hinirang ng Diyos sa sentralisadong mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos ay ganap na natural at may katwiran, at hindi maaaring suwayin ng sinuman. Maliban kung gumagawa ang isang indibiduwal na lider o manggagawa ng isang hindi makatwirang paglilipat na hindi alinsunod sa prinsipyo—kung magkagayon ay maaari itong suwayin—dapat sumunod ang lahat ng taong hinirang ng Diyos, at walang lider o manggagawa ang may karapatan o anumang dahilan para subukang kontrolin ang sinuman. Masasabi ba ninyo na may anumang gawain na hindi gawain ng sambahayan ng Diyos? Mayroon bang anumang gawain na hindi kinasasangkutan ng pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos? Lahat ng iyon ay gawain ng sambahayan ng Diyos, pantay-pantay ang bawat gawain, at walang ‘iyo’ at ‘akin.’ … Ang mga hinirang ng Diyos ay dapat pangkalahatang itinatalaga ng sambahayan ng Diyos. Wala itong kinalaman sa sinumang lider, pinuno ng pangkat, o indibiduwal. Lahat ay kailangang kumilos ayon sa prinsipyo; ito ang panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Kapag hindi kumikilos ang mga anticristo nang ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, kapag palagi silang nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan at mga interes, at pinagseserbisyo sa kanila ang mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan para palakasin ang kanilang kapangyarihan at katayuan, hindi ba ito makasarili at ubod ng sama? Sa panlabas, ang pagpapanatili ng mga taong may mahuhusay na kakayahan sa tabi nila at ang hindi nila pagpayag na ilipat ang mga ito ng sambahayan ng Diyos ay lumilitaw na parang iniisip nila ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, iniisip lang nila ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan, at hindi talaga ang tungkol sa gawain ng iglesia. Natatakot sila na hindi nila magagawa nang maayos ang gawain, mapapalitan, at mawawala ang kanilang katayuan. Kapag hindi iniintindi ng mga anticristo ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, iniisip lang ang kanilang sariling katayuan, pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan nang walang pag-aalala sa idudulot nito sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, at dinedepensahan nila ang sarili nilang katayuan at mga interes kahit ikapinsala ng gawain ng iglesia, makasarili ito at ubod ng sama. Kapag nahaharap sa gayong sitwasyon, dapat mag-isip kahit papaano ang isang tao gamit ang kanyang konsiyensiya: ‘Lahat ng taong ito ay kabilang sa sambahayan ng Diyos, hindi ko sila personal na pag-aari. Ako man ay kaanib ng sambahayan ng Diyos. Ano ang karapatan kong pigilan ang sambahayan ng Diyos sa paglilipat ng mga tao? Dapat kong isaalang-alang ang mga pangkalahatang interes ng sambahayan ng Diyos, sa halip na tutukan lamang ang gawain na saklaw ng aking sariling mga responsabilidad.’ Ganyan ang kaisipang dapat masumpungan sa mga taong nagtataglay ng konsiyensiya at pag-unawa, at ang pag-unawa na dapat taglayin ng mga naniniwala sa Diyos. Nakikibahagi ang sambahayan ng Diyos sa pangkabuuang gawain at ang mga iglesia ay nakikibahagi sa mga parte ng gawain. Samakatuwid, kapag may espesyal na pangangailangan mula sa iglesia ang sambahayan ng Diyos, ang pinakamahalaga para sa mga lider at manggagawa ay ang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Walang taglay na gayong konsiyensiya at pag-unawa ang mga huwad na lider at anticristo. Makasarili silang lahat, iniisip lang nila ang kanilang sarili, at hindi iniisip ang gawain ng iglesia. Isinasaalang-alang lang nila ang mga pakinabang na nasa harapan mismo nila, hindi nila isinasaalang-alang ang mas malawak na gawain ng sambahayan ng Diyos, kaya naman lubos na wala silang kakayahang sundin ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Sobra silang makasarili at ubod ng sama! Ang lakas pa nga ng loob nilang maging sagabal, at nangangahas pang tumanggi, sa sambahayan ng Diyos; ito ang mga taong pinakakulang sa pagkatao, masasama silang tao. Ganyang uri ng mga tao ang mga anticristo. Lagi nilang itinuturing ang gawain ng iglesia, at ang mga kapatid, at maging ang lahat ng ari-arian ng sambahayan ng Diyos na nasa saklaw ng kanilang responsabilidad, bilang sarili nilang pribadong pag-aari. Sila ang nagpapasya kung paano ipamamahagi, ililipat, at gagamitin ang mga bagay na ito, at hindi pinapayagang makialam ang sambahayan ng Diyos. Kapag nasa mga kamay na nila ang mga ito, parang pag-aari na ang mga ito ni Satanas, walang sinumang pinapayagang hawakan ang mga ito. Sila ang mga bigatin, ang mga pinakaamo, at sinuman ang pumunta sa kanilang teritoryo ay kailangang sumunod sa kanilang mga utos at pagsasaayos, at kumilos ayon sa gusto nila. Ito ang pagpapakita ng pagkamakasarili at kasamaan sa karakter ng anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang sarili kong kalagayan. Ang kagustuhan kong panatilihin sa kontrol ko ang mga kapatid at hindi sila ibigay sa ibang mga iglesia ay makasarili at kasuklam-suklam, at nagpapamalas ako ng disposisyon ng isang anticristo. Sa buong panahong iyon, talagang tutol ako at mabigat ang loob sa tuwing gusto ng lider na ilipat ang isang tao mula sa aming mga iglesia. Nagsungit pa ako, nagwala, at nakaramdam ng labis na pagkaagrabyado kung kaya’t naiyak ako. Hindi ako sumang-ayon dito hanggang sa magbahagi sa akin ang lider para tulungan akong baguhin ang aking pag-iisip at magsabi siya ng ilang magagandang bagay sa akin. Para akong makapangyarihang tao na inilantad ng Diyos, gustong ako ang magdesisyon tungkol sa mga paglilipat mula sa mga iglesiang responsibilidad ko. Kapag nangangailangan ng mga tao, puwede silang umalis kapag sinabi ko, pero walang puwedeng mangialam sa kanila kung wala akong permiso. Walang puwedeng magpatuloy nang walang pahintulot ko. Mahigpit kong kinokontrol ang mga iglesia, inilalagay ang lahat sa ilalim ng aking kapangyarihan. Hindi si Cristo ang namumuno sa mga iglesia—kundi ako. Para bang pagmamay-ari ko ang mga baguhan na nilinang. Gusto kong gamitin ang nakamit nila sa kanilang tungkulin para patatagin ang sarili kong posisyon. Labis akong walang kahihiyan! Hindi ba’t nasa landas ako ng anticristong laban sa Diyos? Naipaalala rin sa akin ng sitwasyong ito ang mga pastor at elder sa mundo ng relihiyon. Alam nila na ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay nagpapatotoo na nagbalik na ang Panginoon at nagpahayag ng maraming katotohanan, pero natatakot sila na susundin ng kanilang mga kongregasyon ang Makapangyarihang Diyos oras na makita ng mga ito ang mga katotohanang ito, at mawawala ang kanilang katayuan, reputasyon, at ikinabubuhay, kaya ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para ilayo ang mga mananampalataya mula sa tamang daan. Tahasan nilang sinasabi na ang mga tupa ay sa kanila at hindi nila hahayaang marinig ng mga ito ang tinig ng Diyos at sundin Siya. Tinatrato nila ang mga mananampalataya na parang pribado nilang pag-aari, mahigpit na kinokontrol ang mga ito at nilalabanan ang Diyos para sa mga ito. Ang mga pastor at elder na iyon ang masasamang tagapaglingkod, ang mga anticristong inilantad sa mga huling araw. Anong ipinagkaiba ng diwa ng mga ikinilos ko mula sa mga pastor at elder na iyon? Kinokontrol ko ang iba para protektahan ang dignidad at posisyon ko. Alam kong kapag hindi ako nagsisi, susumpain ako’t parurusahan ng Diyos kasama ng mga anticristo. Ang hinirang na mga tao ng Diyos ay pag-aari ng Diyos, hindi ng kahit na sinong tao. Ang sinumang kinakailangan para sa isang tungkulin sa ibang mga iglesia ay maaaring ilipat kung kinakailangan. Wala akong karapatang panatilihin ang kahit na sino sa mga iglesia na pinamamahalaan ko. Kapag nagsasaayos ng gawain at naglilipat ng mga tao ang mga lider, pagpapakita lang ng respeto ang paghingi nila ng opinyon ko, at para na rin maging mas maayos ang pagtutulungan. Sa katunayan, maging ang direktang paglilipat ng isang tao nang walang pahintulot ko ay makatwiran. Wala akong karapatang panatilihin sa ilalim ng kontrol ko ang mga tao. Alam kong hindi ako puwedeng patuloy na mamuhay nang ganoon kamakasarili. Ang Diyos ang nagbigay sa akin ng hininga ko, kaya bakit ako nakikipaglaban para sa sarili ko? Maaaring hindi ako makagawa ng malaking kontribusyon sa iglesia, pero dapat man lang ay hindi ako humadlang. Kailangan kong mas gumawa pa para sa kapakinabangan ng gawain ng iglesia. Pagkatapos noon, sa tuwing kinakailangan, maagap akong tumutulong sa paglilipat at huminto na ako sa pag-iisip sa sarili kong pangalan at posisyon.

Kalaunan, isang sister na inilipat ko sa isa pang iglesia ang nagpadala sa akin ng mensahe, sinasabing siya at ang iba pang mga kapatid ay maraming natamo sa kanilang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo roon. Kapwa ako tuwang-tuwa at nahiya. Tuwang-tuwa ako dahil kaya nilang gawin ang kanilang parte sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian. Pero nahiya ako dahil kung bukal sa loob akong nagbigay ng tao nang hindi humahadlang, mas maaga sana silang nasanay. Kaya nagdasal ako sa Diyos, ayaw nang mamuhay sa tiwali kong disposisyon, kundi sa halip ay magbigay ng magagaling na kandidato, gawin ang parte ko sa gawain ng pag-eebanghelyo, at tuparin ang aking tungkulin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Sanga-sangang Daan

Ni Wang Xin, South Korea Dati akong may masayang pamilya, at ang asawa ko ay napakabuti sa akin. Nagbukas kami ng isang restawran na...