Hindi Na Ako Umuurong sa Mapanganib na mga Kapaligiran

Hulyo 17, 2026

Ni Han Feng, Tsina

Noong Setyembre 10, 2024, nakatanggap ako ng sulat mula sa mga lider, na nagsasabing si Zhao Hui, isang lider mula sa Iglesia ng Nancheng, ay naaresto at naging isang Hudas, at ipinagkanulo ang maraming kapatid. Mahigit tatlumpung tao na sa iglesia ang naaresto. Dahil dati akong lider ng distrito at lubos akong pamilyar sa ilang bahay-imbakan doon, gusto nilang ako ang mamahala sa paglilipat ng mga handog. Apurahan ang sitwasyon. Dahil alam kong responsabilidad kong protektahan ang mga handog ng Diyos, nanalangin ako sa Diyos, at ipinahayag ang kahandaan kong makipagtulungan nang taimtim.

Pagdating ko sa Iglesia ng Nancheng, nalaman kong naaresto na ang lahat ng diyakono at mahahalagang manggagawa. Araw-araw, may naririnig kaming balita tungkol sa maraming kapatid na inaaresto. Ang ilan ay ginigipit pa ng mga pulis sa kanilang mga tahanan. Alam ng ilan sa mga kapatid na naaresto ang mga bahay kung saan nakaimbak ang mga handog. Sa isip-isip ko, “Napakadelikado ng sitwasyon. Kung pupunta ako para ilipat ang mga handog, masusundan at mamamanmanan kaya ako? Alam ni Zhao Hui na dati akong may tungkulin ng pamumuno. Hindi kaya ipinagkanulo na rin niya ako? Bukod pa riyan, ipinagkanulo na ako ng isang Hudas noon pang 2019, at inimbestigahan na ako ng mga pulis noon. Dahil lang sa kamangha-manghang proteksyon ng Diyos kaya ako nakaligtas sa sakuna. Sa pagkakataong ito, kung maaaresto ako habang inililipat ang mga handog, siguradong hindi ako basta-basta palalampasin ng mga pulis. Babalatan nila ako nang buhay!” Takot na takot ako nang maisip ko ang mga video ng mga kapatid na brutal na pinahihirapan ng mga pulis. Kung maaaresto ako, hindi ko alam kung makakayanan ko ito. Kung hindi ko makakayanan ang pagpapahirap at ipagkakanulo ko ang Diyos, at magiging isang Hudas, hindi ba’t mauuwi sa kabiguan ang pananalig ko sa Diyos? Kung maaaresto ako at makukulong nang ilang taon, hindi ko na mababasa ang mga salita ng Diyos o magagawa ang tungkulin ko. Paano pa ako makapaghahanda ng mabubuting gawa o makapaghahangad ng kaligtasan kung ganoon? Habang lalo akong nag-iisip, lalo akong naduduwag. Napagtanto kong mali ang kalagayan ko. Maraming beses na akong humarap sa mapanganib na mga kapaligiran noon at nakita ko ang kamangha-manghang proteksyon ng Diyos sa mga panahong iyon. Bakit wala pa rin akong kahit katiting na pananalig? Tumangis ako sa Diyos sa puso ko na bigyan Niya ako ng pananalig. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nahahawakan; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang pananalig. Kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi mo mabitiwan ang iyong sariling mga kuru-kuro, kinakailangan ang pananalig. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pananalig at tumayo nang matatag at manindigan sa iyong patotoo. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, kapag may pananalig ka ay saka mo lamang makikita ang Diyos. Kapag mayroon kang pananalig, gagawin kang perpekto ng Diyos, at kung wala kang pananalig, hindi Niya ito magagawa. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasam mong makamtan. Kung wala kang pananalig, hindi ka magagawang perpekto at hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Kapag, sa mga tunay mong karanasan, may pananalig kang makita ang Kanyang mga gawa, magpapakita sa iyo ang Diyos, at bibigyang-liwanag at gagabayan ka Niya sa iyong kalooban. Kung wala ang pananalig na iyon, hindi iyan magagawa ng Diyos. Kung nawala na ang pag-asa mo sa Diyos, paano mo mararanasan ang Kanyang gawain? Kung gayon, kapag lamang mayroon kang pananalig at hindi ka nagkikimkim ng mga pagdududa sa Diyos, kapag lamang mayroon kang tunay na pananalig sa Kanya anuman ang gawin Niya, saka ka Niya bibigyang-liwanag at tatanglawan sa iyong mga karanasan, at saka mo pa lamang makikita ang Kanyang mga kilos. Nakakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pananalig. Ang pananalig ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pagpipino, at kapag walang pagpipino, hindi magkakaroon ng pananalig. Ano ang tinutukoy ng pananalig? Ang pananalig ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao, o kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananalig na binabanggit Ko(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Kahit gaano pa ‘kalabis na makapangyarihan’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, gaano pa kalaki ang abilidad nito na magdulot ng pinsala, gaano pa kalawak ang mga kapabilidad nito na gawing tiwali at akitin ang tao, gaano pa katalino ang mga panlalansi at mga pakana nito sa pananakot nito sa tao, gaano pa kaiba-iba ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman nakapamahala o nagkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang nagmula rito o na umiiral dahil dito; wala ni isang tao o bagay na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan nito, o pinamamahalaan nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang umiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, kundi kailangan din nitong sumunod sa lahat ng utos at tuntunin ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, hindi madali para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o isang butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi magagalaw ni Satanas ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, mas mababa pa si Satanas sa mga liryo ng kabundukan, sa mga ibon na lumilipad sa himpapawid, sa mga isda sa karagatan, at sa mga uod sa lupa. Ang papel nito sa lahat ng bagay ay para pagsilbihan ang lahat ng bagay, para pagsilbihan ang sangkatauhan, at para pagsilbihan ang gawain ng Diyos at ang Kanyang plano ng pamamahala(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at pangyayari. Kung walang pahintulot Niya, gaano man kalaganap o kabuktot si Satanas, hindi nito makukuha ang buhay ko. Tulad noong sinusubok si Job. Hindi pinahintulutan ng Diyos si Satanas na kunin ang buhay ni Job, at hindi nangahas si Satanas na labagin ang hangganang itinakda ng Diyos para dito. Pero napakaliit ng pananalig ko sa Diyos. Nang makita kong delikado ang kapaligiran, natakot akong maituro ng isang Hudas o manmanan at arestuhin ng mga pulis, kaya namuhay ako sa karuwagan at takot at hindi nangahas na ilipat ang mga handog. Sa pag-iisip nito, nakaramdam ako ng hiya. “Hindi ako puwedeng magtago na lang na parang duwag na pagong sa loob ng kanyang bao: Nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng bagay at pangyayari, kaya hindi ba’t nasa ilalim din ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos kung maaaresto ako o hindi? Kung ipahihintulot ng Diyos na maaresto ako, isa itong pagsubok para sa akin. Kailangan kong umasa sa Diyos at sumumpa na mamamatay muna ako kaysa maging isang Hudas o ipagkanulo ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.” Kaya nanalangin ako, “Makapangyarihang Diyos, napakaliit ng pananalig ko sa Iyo. Ayaw ko nang mamuhay sa karuwagan. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananalig at lakas. Handa akong ilagay ang sarili ko sa Iyong mga kamay, magpasakop sa Iyong mga pamamatnugot at pagsasaayos, at ilipat ang mga handog sa lalong madaling panahon.”

Pagkatapos noon, pumunta ako sa unang bahay-imbakan para ilipat ang mga handog. Isang beses pa lang akong nakapunta roon dati at hindi ko matandaan ang eksaktong unit o palapag. Kinailangan kong maghintay sa labas para bumalik ang tagapangasiwa. Pero may isang sister sa malapit na naaresto ilang buwan na ang nakalipas, at palihim na minamanmanan ng mga pulis ang mga kapatid kamakailan. Nag-alala akong baka makita ako kung magtatagal ako roon, kaya hindi ako nangahas na maghintay nang matagal. Nang paalis na sana ako, bumalik ang tagapangasiwa galing sa pamimili. Nang tanghaling iyon, matagumpay naming nailipat ang mga handog mula roon. Pagkatapos na pagkatapos noon, hinanap ko si Sister Xin Cheng para magtanong tungkol sa ibang mga tagapangasiwa. Pagkapasok na pagkapasok ko, takot siyang nagsabi, “Naaresto ako at ikinulong nang limang araw. Kagabi lang ako pinalaya. Ipinagkanulo ni Zhao Hui ang bawat kapatid na kilala niya. Kailangang mailipat kaagad ang mga aklat ng mga salita ng Diyos!” Naisip ko, “Kalalaya lang ni Xin Cheng. Palihim kayang minamanmanan ng pulisya ang bahay niya? Makikita kaya ako?” Nataranta ako at natakot, at nagmadali akong umalis pagkatapos ng ilang minutong pakikipag-usap. Kumakabog sa takot ang dibdib ko habang nasa daan. Paulit-ulit kong iniisip, “Nakita na kaya ako? Hindi ko ililipat ang mga aklat bukas ng gabi. Ipagagawa ko na lang iyon sa ibang mga kapatid.” Kinabukasan, patuloy na hindi mapakali ang puso ko. Alam kong napuntahan na ni Zhao Hui ang lahat ng bahay kung saan nakalagak ang mga aklat, at kailangang mailipat agad ang mga aklat. Walang ibang angkop na gumawa nito noong panahong iyon: Kinailangan kong pasanin ang gampaning ito. Naisip ko ang lahat ng kapatid na tinugis ng malaking pulang dragon at inilagay sa listahan ng mga pinaghahanap, pero umasa pa rin sa Diyos para gawin ang gawain ng iglesia. Kahit naaresto, nagawa nilang isugal ang kanilang buhay para manindigan sa kanilang patotoo para sa Diyos. Samantalang ako, ni hindi pa nga ako naaaresto, at heto ako’t umuurong sa karuwagan dahil lang mapanganib ang kapaligiran. Malayong-malayo ako sa kanila. Nakaramdam ako ng hiya at pagkakonsensiya. Pagkatapos, naalala ko ang mga salita ng Diyos na nabasa namin sa pagtitipon dalawang araw ang nakalipas: “May ilang iglesia na nasa mga mapanlaban na kapaligiran kung saan madalas na inaaresto ang mga tao, at dahil dito, may malaking tsansa na ang mga lokasyon ng mga tahanan na nangangalaga ng mga handog ay ipagkakanulo, at masasalakay at mahahalughog ng malaking pulang dragon—ang mga handog ay maaaring nakawin ng masasamang demonyo anumang oras. Angkop ba ang gayong mga lugar para pag-imbakan ng mga handog? (Hindi.) Kaya, kung nailagay na ang mga ito roon, ano ang dapat gawin? Kaagad ilipat ang mga ito. … Dapat may malinaw na pagkaunawa ang mga lider at manggagawa sa ganitong sitwasyon kapag nakaharap nila ito: ‘Ang isa sa mga lugar kung saan iniimbak ang mga handog ay hindi angkop. Napakamapanganib ng kapaligiran, at medyo maraming kapatid ang naaresto, natiktikan, o namanmanan sa paligid. Kailangang makaisip tayo ng paraan para mailabas ang mga handog mula roon. Ang paglipat sa mga ito sa isang medyo ligtas na lugar ay mas mabuting hakbang kaysa iwan ang mga ito kung saan naroroon ang mga ito at hintaying matangay ang mga ito.’ Kapag kalilitaw pa lang ng isang sitwasyon at nakikini-kinita nilang nasa panganib ang mga handog, dapat nilang agarang ilipat ang mga ito, para maiwasang masamsam at malamon ang mga ito ng malaking pulang dragon, ang masamang diyablo. Ito ang tanging paraan para matiyak ang seguridad ng mga handog at maiwasang mangyari ang anumang panganib o pagkakamali. Ito ang gawaing dapat gawin ng mga lider at manggagawa. Sa sandaling may kahit katiting na tanda ng panganib, sa sandaling may naaresto, sa sandaling may isang sitwasyon na lumitaw, ang unang iniisip dapat ng mga lider at manggagawa ay kung ligtas ba ang mga handog, kung maaari bang mapasakamay ang mga ito ng masasamang tao, o maangkin ng mga ito, o masamsam ng masasamang demonyo, at kung dumanas ba ng anumang kawalan ang mga handog. Dapat kaagad silang gumawa ng mga hakbang para protektahan ang mga handog. Ito ang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Maaaring sabihin ng ilang lider at manggagawa, ‘Ang paggawa ng mga bagay na ito ay nangangailangan na humarap kami sa mga panganib. Maaari ba naming hindi gawin ang mga ito? Hindi ba’t totoo na ang mga tao ang pangunahin naming priyoridad, na ibig sabihin ay hindi kailangang unahin ang mga handog at dapat unahin ang mga tao?’ Ano ang palagay mo sa tanong nila? May pagkatao ba ang mga taong ito? (Wala.) Ang mahusay na pangangalaga sa mga handog, mahusay na pamamahala sa mga ito, at mahusay na pagbabantay sa mga ito—ito ang mga responsabilidad na dapat isakatuparan ng isang mabuting katiwala. Sa mas seryosong pananalita, kahit kailanganin mo pang isakripisyo ang iyong buhay, sulit ito at ito ang dapat mong gawin. Responsabilidad mo ito(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (12)). Mula sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ngayong ipinagkanulo na ng isang Hudas ang mga lokasyon ng mga bahay-imbakan, maaaring kumpiskahin ng CCP anumang sandali ang mga handog at mga aklat ng mga salita ng Diyos. Kailangang mailipat agad ang mga ito, at ito ang aking nakatakdang tungkulin. Madalas akong nakikipagbahaginan sa mga kapatid tungkol sa pangangalaga sa mga interes ng Iglesia sa mga kritikal na sandali, pero nang dumating sa akin ang kapaligirang ito, ang una kong naisip ay pangalagaan ang sarili ko. Gusto kong ipasa ang gampaning ito sa iba at magtago na parang isang takas. Hindi ba’t pagkakanulo iyon sa Diyos? Ang pagprotekta sa mga handog ng Diyos at sa mga aklat ng Kanyang mga salita ay isang responsabilidad at obligasyon na dapat tuparin ng bawat mananampalataya sa Diyos. Kailangan kong umasa sa Diyos para matupad nang maayos ang aking responsabilidad, at agad na ilipat at protektahan ang mga handog ng Diyos. Kung maaaresto man ako o hindi, at anuman ang kapaligirang maranasan ko, magpapasakop ako sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.

Pagkatapos noon, nagnilay-nilay ako, “Bakit lagi kong iniisip ang sarili kong makalamang interes kapag nasa mapanganib akong kapaligiran? Ano ang pinakaugat nito?” Habang nagbubulay-bulay ako, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling seguridad lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo. Kaya, kapag may gayong mga pangyayari sa mga tapat sa Diyos at sa may tunay na pananalig sa Diyos, paano nila hinaharap ito? Paanong naiiba sa ginagawa ng mga anticristo ang kanilang ginagawa? (Kapag nangyayari ang mga gayong bagay sa mga tapat sa Diyos, mag-iisip sila ng kahit anong paraan para mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, para maiwasan ang mga kawalan sa mga handog ng Diyos, at gagawa sila ng mga kinakailangang pagsasaayos para sa mga lider at manggagawa, at sa mga kapatid, upang mabawasan ang mga kawalan. Samantala, sinisiguro muna ng mga anticristo na protektado ang kanilang sarili. Hindi nila iniintindi ang gawain ng iglesia o ang seguridad ng mga hinirang ng Diyos, at kapag nahaharap sa mga pang-aaresto ang iglesia, nagreresulta ito sa kawalan sa gawain ng iglesia.) Tinatalikuran ng mga anticristo ang gawain ng iglesia at ang mga handog ng Diyos, at hindi nila isinasaayos na pangasiwaan ng mga tao ang mga kasunod na gawain. Katulad ito ng pagpapahintulot sa malaking pulang dragon na kamkamin ang mga handog ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang. Hindi ba’t isa itong di-tuwirang pagkakanulo sa mga handog ng Diyos at sa Kanyang mga hinirang? Kapag malinaw na alam ng mga tapat sa Diyos na mapanganib ang isang kapaligiran, hinaharap pa rin nila ang panganib ng paggawa sa gawain ng pangangasiwa sa mga kasunod na gawain, at sinisikap nilang panatilihing kakaunti lang ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang kanilang sariling seguridad. Sabihin mo sa Akin, sa buktot na bansang ito ng malaking pulang dragon, sino ang makatitiyak na walang anumang panganib sa pananampalataya sa Diyos at sa paggawa ng isang tungkulin? Anuman ang tungkuling akuin ng isang tao, may nakapaloob na panganib dito—gayumpaman, ang paggampan sa tungkulin ay iniatas ng Diyos, at habang sinusunod ang Diyos, dapat akuin ng isang tao ang panganib sa paggawa ng kanyang tungkulin. Dapat gumamit ng karunungan ang isang tao, at kailangan niyang gumamit ng mga hakbang para matiyak ang kanyang seguridad, ngunit hindi niya dapat unahin ang pansarili niyang seguridad. Dapat niyang isaalang-alang ang layunin ng Diyos, unahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagkumpleto sa atas ng Diyos sa kanya ang pinakamahalaga, at ito ang prayoridad. Pangunahing prayoridad ng mga anticristo ang kanilang personal na seguridad; naniniwala sila na walang anumang kinalaman sa kanila ang iba pang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyayari sa ibang tao, kahit sino man ito. Hangga’t walang masamang nangyayari sa mismong mga anticristo, panatag ang pakiramdam nila. Wala silang anumang katapatan, na idinidikta ng kalikasang diwa ng mga anticristo. … Ang mga anticristo ay walang ipinapakitang katapatan sa Diyos. Kapag inaatasan sila ng gawain, masaya nila itong tinatanggap, at gumagawa sila ng ilang magagandang deklarasyon, ngunit kapag dumarating ang panganib, tumatakbo sila nang napakabilis; sila ang unang tumatakbo, ang unang tumatakas. Ipinapakita nito na ang kanilang pagiging makasarili at kasuklam-suklam ay talagang malala. Wala silang anumang pakiramdam ng responsabilidad o katapatan man lang. Kapag nahaharap sa isang problema, ang alam lang nila ay tumakas at magtago, at iniisip lang nila ang pagprotekta sa kanilang sarili, hindi kailanman isinasaalang-alang ang kanilang mga responsabilidad o tungkulin. Alang-alang sa kanilang pansariling seguridad, palaging ipinapakita ng mga anticristo ang kanilang makasarili at kasuklam-suklam na kalikasan. Hindi nila inuuna ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang kanilang sariling mga tungkulin. Lalong hindi nila inuuna ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa halip, inuuna nila ang sarili nilang seguridad(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). “May kaibahan sa kalikasan ng kung paano gumagawa ang mga taong may katapatan sa Diyos kumpara sa mga taong wala nito. Kapag kapwa sila nahaharap sa mga bagay na may kinalaman sa panganib, nagagawa ng mga taong may katapatan na humarap sa panganib at gawin ang kanilang gawain, gamit ang karunungan at mga pamamaraan para ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Gayumpaman, hindi nakikibahagi ang mga anticristo sa kongkretong gawain, may sangkot man na panganib o wala, at hindi nila kailanman naipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Iyan ang pagkakaiba. … Wala silang katapatan, makasarili at kasuklam-suklam sila, at isinasaalang-alang lang nila ang kanilang sariling seguridad sa lahat ng bagay. Hindi nila kailanman inuusisa ang tungkol sa kung naipapatupad ba ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, o ang tungkol sa pag-usad ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at wala silang pakialam sa mga bagay na ito. Hindi nila ibinigay ang kanilang katapatan, at hindi nila ipinapakita ang kanilang katapatan. Para sa kanila, sapat na ang iraos lang ang gawain tungkol sa mga bagay na ito; itinuturing nila ito na paggawa ng gawain. Kung maliit ang panganib, maaaring atubiling gagawa sila ng kaunting gawain. Pero kung malaki ang panganib, at may posibilidad na mahuli sila, hindi nila ito gagawin, gaano man kahalaga ang gampanin. Iyan ang diwa ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang mga taong tapat sa Diyos ay nagagawang hindi isaalang-alang ang personal na mga pakinabang o kawalan kapag dumarating ang panganib. Kapag nakikita nilang nanganganib ang mga handog, isusugal nila ang kanilang buhay para protektahan ang mga ito. Tapat sila sa Diyos hanggang kamatayan, at pinangangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero ang mga anticristo ay may sukdulang makasarili at mapanlinlang na kalikasan. Sa mapanganib na mga kapaligiran, ang sarili lang nilang kaligtasan ang iniisip nila at wala silang pagpapahalaga sa responsabilidad para sa kanilang tungkulin. Hindi ba’t naging katulad na ng sa isang anticristo ang inasal ko? Nalaman ko na naging isang Hudas si Zhao Hui at ipinagkanulo ang maraming lider, manggagawa, at mga kapatid, kaya nanganganib ang mga bahay kung saan nakaimbak ang mga handog. Kinailangang mailipat agad ang mga handog. Pero sa kritikal na sandaling iyon, ang una kong naisip ay para sa sarili kong kaligtasan, ang kinabukasan ko, at ang paraan para makatakas. Gusto kong magtago sa aking bao na parang isang duwag na pagong. Napakamakasarili at napakakasuklam-suklam ko! Kung dahil sa pagiging makasarili at iresponsable ko ay mapupunta sa mga kamay ng malaking pulang dragon ang mga handog, ano pa ang ipinagkaiba ko sa isang Hudas na inililigtas ang sarili sa pamamagitan ng pagkakanulo sa mga kasama niya? Naisip ko si Brother Zhong sa Ang Aking Nahuling Patotoo, na isinugal ang buhay niya para ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at panghawakan ang kanyang tungkulin. At sa video ng patotoong batay sa karanasan na Isang Pagpili sa Isang Mapanganib na Kapaligiran, isinugal ng bida ang kanyang buhay para asikasuhin ang mga natitirang gawain. Kahit mahina siya at takot, hinanap niya ang katotohanan para malutas ang kanyang tiwaling disposisyon at handa siyang ibigay ang kanyang buhay para pangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pareho silang nag-alay ng magaganda at matutunog na patotoo para sa Diyos. Nang maisip ko ito, labis akong napahiya at nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, napakaraming kapatid sa iglesia ang naaresto, at kailangang asikasuhin agad ang mga natitirang gawain. Pero takot akong maaresto at gusto ko lang takasan ang kapaligirang ito. Napakamakasarili ko at walang-wala akong pagkatao! O Diyos, handa akong magsisi. Aasa ako sa Iyo para maasikaso nang maayos ang mga natitirang gawain.”

Nagnilay-nilay din ako, “Bakit lagi na lang akong umuurong sa takot sa tuwing may nangyayari sa akin?” Ang pangunahing dahilan ay ang takot ko sa kamatayan; hindi ko pa talaga nauunawaan ang kahulugan nito. Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Paano namatay ang mga disipulo ng Panginoong Jesus? Sa mga disipulo, may mga pinukol ng bato, ipinakaladkad sa kabayo, ipinakong patiwarik, pinaghiwa-hiwalay ng limang kabayo ang katawan—iba’t ibang uri ng kamatayan ang sumapit sa kanila. Ano ang dahilan ng kanilang kamatayan? Ito ba ay dahil may ginawa silang masamang gawa at pagkatapos ay pinatay ng batas? Hindi. Ipinalaganap nila ang ebanghelyo ng Panginoon, pero hindi ito tinanggap ng mga tao ng mundo, at sa halip ay kinondena, binugbog, at binatikos sila, at pinatay pa nga sila—ganyan kung paano sila minartir. Huwag nating pag-usapan ang pangwakas na kalalabasan ng mga martir na iyon, o ang pagtatakda ng Diyos sa kanilang mga gawa, bagkus ay itanong ito: Nang sumapit ang mga martir na iyon sa kawakasan, umayon ba sa mga kuru-kuro ng tao ang mga paraan ng pagtatapos ng kanilang mga buhay? (Hindi, hindi umayon ang mga ito.) Mula sa perspektiba ng mga kuru-kuro ng tao, nagbayad ang mga martir na iyon ng gayon kalaking halaga upang ipakalat ang gawain ng Diyos, pero sa huli ay labis silang pininsala ni Satanas hanggang sa mamatay sila. Hindi ito umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Gayumpaman, ang mga bagay na iyon ang mismong sumapit sa kanila—ito ang tinulutan ng Diyos. Anong katotohanan ang mahahanap dito? Ang pagpapahintulot ba ng Diyos na mamatay sila sa ganitong paraan ay sumpa at pagkondena Niya, o ito ba ay Kanyang pagsasaayos at pagpapala? Kapwa hindi. Ano ito? Nagdudulot ng pighati sa mga tao ang pag-iisip sa mga pagkamatay ng mga martir na iyon, ngunit ang mga ito ay talagang mga katunayan. Anong paliwanag ang dapat ibigay tungkol sa mga mananampalataya sa Diyos na namamatay sa ganitong paraan? Kapag binabanggit natin ang paksang ito, inilalagay ninyo ang inyong sarili sa kanilang kalagayan, kaya sa inyong puso, nakakaramdam ba kayo ng bigat ng kalooban at ng kaunting nakatagong kirot? Iniisip ninyo, ‘Ginawa ng mga taong ito ang kanilang tungkulin na maipakalat ang ebanghelyo ng Diyos at dapat ituring na mabubuting tao, kaya’t paano sila umabot sa gayong wakas at sa gayong kinalabasan?’ Ang totoo, ganito namatay ang kanilang mga katawan at sumakabilang-buhay; ito ang paraan nila ng paglisan sa mundo ng tao, ngunit hindi iyon nangangahulugan na ganoon din ang kanilang kinalabasan. Anuman ang paraan ng kanilang pagkamatay at paglisan o kung paano man ito nangyari, hindi ito ang paraan ng Diyos sa pagtakda sa pangwakas na mga kinalabasan ng mga buhay na iyon, ng mga nilikhang iyon. Ito ay isang bagay na dapat mong malinaw na makita. Sa kabaligtaran, ito mismo ang paraan ng pagkondena nila sa mundong ito at sa pagpatotoo sa mga gawa ng Diyos. Ginamit ng mga nilikhang ito ang kanilang napakahalagang buhay—ginamit nila ang huling sandali ng kanilang buhay upang magpatotoo sa mga gawa ng Diyos, upang magpatotoo sa dakilang kapangyarihan ng Diyos, at upang ipahayag kay Satanas at sa mundo na tama ang mga gawa ng Diyos, na ang Panginoong Jesus ay Diyos, na Siya ang Panginoon, at ang nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kahit hanggang sa huling sandali ng kanilang buhay, hindi nila kailanman itinatwa ang pangalan ng Panginoong Jesus. Hindi ba ito isang anyo ng paghatol sa mundong ito? Ginamit nila ang kanilang mga buhay upang ipahayag sa mundo, upang patunayan sa mga tao na ang Panginoong Jesus ay ang Panginoon, na ang Panginoong Jesus ay Cristo, na Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, na ang gawain ng pagtutubos sa buong sangkatauhan na ginawa Niya ay nagpapahintulot sa sangkatauhang ito na patuloy na mabuhay—hindi nagbabago ang katunayang ito magpakailanman. Hanggang sa anong antas ginampanan ng mga naging martir sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoong Jesus ang kanilang tungkulin? Hanggang sa pinakahuling punto ba? Paano naipakita ang pinakahuling punto? (Inialay nila ang kanilang buhay.) Tama iyan, buhay nila ang kanilang naging kabayaran. Pawang panlabas na mga bagay ang pamilya, kayamanan, at ang materyal na mga bagay sa buhay na ito; ang tanging bagay na may kaugnayan sa sarili ay ang buhay. Sa bawat nabubuhay na tao, ang buhay ang bagay na pinakakarapat-dapat na pakaingatan, ang pinakamahalagang bagay at, sa katunayan, nagawa ng mga taong ito na ialay ang pinakamahalagang pagmamay-ari nila bilang patunay at patotoo sa pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Hanggang sa kanilang kamatayan, hindi nila itinatwa ang pangalan ng Diyos, at hindi rin nila itinatwa ang gawain ng Diyos, at ginamit nila ang kanilang mga huling sandali ng buhay upang magpatotoo sa pag-iral ng katunayang ito—hindi ba ito ang pinakamataas na anyo ng patotoo? Ito ang pinakamahusay na paraan ng paggampan ng isang tao sa kanyang tungkulin; ito ang pagtupad sa kanyang responsabilidad.” “Kung sa sandaling babawiin na ang iyong buhay, panatag ang loob mo, nakahanda ka, at nagpapasakop nang walang anumang reklamo, pakiramdam mo ay natupad mo na ang iyong mga responsabilidad, obligasyon, at tungkulin hanggang sa huli, at maligaya at payapa ang iyong puso—kung papanaw ka nang ganito—kung gayon, para sa Diyos, hindi ka talaga pumanaw. Sa halip, nabubuhay ka sa ibang mundo at sa ibang anyo. Ang tanging nangyari ay nagbago ang paraan ng iyong pamumuhay—hindi ka tunay na patay. Sa paningin ng tao, ‘Napakabata pang namatay ng taong ito, nakakaawa naman!’ Pero sa mga mata ng Diyos, hindi ka namatay o nagdusa; sa halip, humayo ka para tamasahin ang mga pagpapala at lalo kang napalapit sa Diyos. Ito ay dahil, bilang isang nilikha, pasok ka na sa pamantayan ng paggampan ng iyong tungkulin sa paningin ng Diyos, natapos mo na ang iyong tungkulin, at hindi na kailangan ng Diyos na gampanan mo pa ang tungkuling ito sa hanay ng mga nilikha. Para sa Diyos, ang ‘pagpanaw’ mo ay hindi tinatawag na ‘pagpanaw,’ ikaw ay ‘inakay,’ ‘dinala,’ o ‘kinuha,’ at isa itong mabuting bagay(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Hindi Mahihindian ng Lahat ng Mananampalataya). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pag-aalay ng buhay para tuparin nang maayos ang atas ng Diyos ay isang makabuluhan at mahalagang kamatayan, isa na tinatandaan ng Diyos. Bagama’t namamatay ang laman, bumabalik ang kaluluwa sa Diyos. Tulad ito ng mga banal sa buong kasaysayan na inusig dahil sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Panginoon. Ang ilan ay pinagpira-piraso ng limang kabayo, ang ilan ay kinaladkad sa likod ng mga kabayo hanggang mamatay, ang ilan ay binato hanggang mamatay, at ang iba ay ipinako sa krus. Ginamit nila ang kanilang mahahalagang buhay para magpatotoo sa mga gawa ng Diyos at sa Kanyang dakilang kapangyarihan. Bagama’t namatay ang kanilang mga katawan, bumalik ang kanilang mga kaluluwa sa Diyos at tinanggap ang Kanyang pagsang-ayon. Pero takot na takot akong mapahirapan hanggang mamatay, kaya tinanggihan ko ang tungkulin ko para maingatan ang sarili. Pagkakanulo iyon sa Diyos. Ang mabuhay sa ganitong kawalang-gulugod at kaduwagan ay walang-halaga at walang kabuluhan; ito ay parang pagiging isang gumagalaw na bangkay. Kung makukumpiska ng mga pulis ang mga handog dahil hindi ko nailipat sa oras ang mga ito, magiging walang hanggang pagsalangsang at mantsa iyon sa akin, at nararapat sa akin ang mga kaparusahan at sumpa ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, handa akong bitiwan ang lahat ng aking alalahanin at pag-aalinlangan at ilagay ang aking buhay at kamatayan sa mga kamay ng Diyos. Kung ipahihintulot ng Diyos na maaresto ako, magpapasakop ako sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos at aasa sa Kanya para manindigan sa aking patotoo. Pagkatapos noon, nang mailipat ko ang mga aklat, may mga alalahanin at pag-aalinlangan pa rin ako, pero nanalangin ako at bumaling sa Diyos sa puso ko at hindi na ako umurong sa takot. Nagbalatkayo ako nang lumabas at ginawa ko ang lahat para maiwasan ang mga surveillance camera. Sa pamumuno ng Diyos, nailipat sa ligtas na lugar ang mga handog at mga aklat ng mga salita ng Diyos mula sa tatlong bahay-imbakan sa iglesiang iyon.

Sa pamamagitan ng pag-aasikaso sa mga natitirang gawain sa pagkakataong ito, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa aking makasarili at kasuklam-suklam na satanikong disposisyon. Naunawaan ko rin nang kaunti pa ang kahulugan ng kamatayan at nagkaroon ako ng determinasyon na maghimagsik laban sa aking laman at panghawakan ang aking tungkulin. Nakita ko rin ang karunungan ng Diyos sa paggamit sa malaking pulang dragon para magserbisyo sa pagbubunyag at pagpeperpekto ng mga tao. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman