Makakamit ba ng mga Nagpapalugod ng mga Tao ang Papuri ng Diyos?
Ni Liu Yi, TsinaBago ako naging mananampalataya, lagi akong nag-iingat na hindi makasakit ng damdamin ng ibang tao, at nakakasundo ko ang...
Tinatanggap namin ang lahat ng naghahanap na nasasabik sa pagpapakita ng Diyos!
Medyo mahirap makipagkapwa-tao sa lugar na dati kong tinitirhan. Kung may nasabi kang totoo o may naibahagi kang sikreto sa isang tao, lalaitin o baka hahamakin ka pa nila. Laging sinasabi sa akin ng nanay ko na hindi lahat ng katotohanan ay maaaring ipagsabi, dahil kung hindi, maaari kang masaktan. Ang diretsahang pagsasabi ng totoo ay lalo namang imposible sa lugar na pinagtatrabahuhan ko. Ipagpalagay nang hindi pumasok sa trabaho isang araw ang isang manager at tinanong ng boss kung nasaan siya, sasabihin ng lahat ng kawani na may binili lang siya sa labas o nakipagkita siya sa isang kliente, pero hindi ako kailanman naging sang-ayon sa ganitong uri ng pag-uugali. Isang araw sinabi ko sa boss ang totoo, na hindi pumasok sa trabaho ang manager. Pagkatapos noon, kinainisan na ako ng mga katrabaho ko at pinag-initan ako ng manager, hindi ako pinapansin gaya ng mga katrabaho ko. Dahil sa napahiya ako at naagrabyado, nagtago ako sa may banyo at patagong umiyak. Ang mamuhay nang ganoon sa isang kapaligirang puno ng kasinungalingan, unti-unti kong natutunang magkunwari at maging mapanlinlang. Para maprotektahan ang sarili ko, hindi ko na kaswal na ibinabahagi ang aking mga pananaw at kapag may nakita akong problema, hindi na lang ako nagsasalita tungkol dito. Pinipili kong mabuti ang bawat salitang sasabihin ko, sa takot na sumama ang loob ng isang tao o maging mababa ang tingin nila sa akin kung may nasabi akong mali. Marami rin akong natutunang diskarte para maibagay ko ang sarili ko. Halimbawa, ang maging tuso at hindi ipakita ang mga kahinaan ko para hindi makita ng iba ang totoo kong pagkatao o kaya’y para huwag maging mababa ang tingin nila sa akin. Ang mga taktikang ito ang naging mga tuntunin na siyang isinabuhay ko.
Noong 2019, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Matapos kong matuto ng ilang katotohanan, natuklasan kong mali ang mga pilosopiyang iyon sa buhay, at na hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga ito. Nakita kong ginagawa ng marami sa mga kapatid na maging mga tapat na tao, gaya ng hinihingi ng Diyos, at ang kanilang mga buhay ay payapa at malaya. Nagagawa nilang diretsahang pag-usapan ang tungkol sa mga bagay-bagay na nangyari sa kanila pati na ang mga tiwaling disposisyong naipakita nila. Pakiramdam ko’y maganda ang ganoong paraan ng pagsasagawa ng katotohanan at gusto kong magtapat sa mga tao gaya nila. Nagsikap ako, sinusubukang sabihin ang katotohanan at maging isang taong tapat, pero hindi ko talaga mapigilan na magsabi ng mga kasinungalingan para maprotektahan ang sarili kong imahe. Bago ko ibuka ang aking bibig, lagi kong isinasaalang-alang mabuti kung ano ang sasabihin ko at madalas na hindi ako nangangahas na ibahagi ang tunay nalaman ng aking isipan, sa takot na makikita ng lahat ang aking mga kahinaan at maging mababa ang tingin nila sa akin. Halimbawa, kapag nagkakatipon kami para talakayin ang tungkol sa isang bagay at kinailangang ibahagi ng lahat ang kani-kanyang pananaw, hindi muna ako magsasalita, hinihintay ko muna ang iba na makapagsalita at saka naman ako aayon sa kanila, na sinasabing, "sumasang-ayon ako sa iyo," kahit na iba naman talaga ang nasa isip ko. Paminsan-minsan, ang opinyon ko ay kabaligtaran ng naisip ng iba, pero hindi ko pa rin ito sasabihin, sa takot na kung may nasabi akong mali, sasabihin nilang katawa-tawa ang mga naisip ko. Talaga namang nakakahiya iyon. Kapag malapit nang matapos ang pagtitipon at tinanong ng lider ang lahat kung naunawaan ba nila ang talakayan sa pagbabahagi noong araw na iyon, kahit pa hindi malinaw sa akin kung minsan, nagsasabi pa rin ako ng “Amen! Naintindihan ko” para hindi maging mababa ang tingin ng iba sa akin; sumusunod lang ako sa agos ng karamihan. Minsan, habang nasa isang pagtitipon, nagkomento ang isang lider na hindi nagkakaroon ng magagandang resulta ang pagganap ng aming mga kapatid sa kanilang mga tungkulin at hiniling sa lahat na talakayin kung paano lulutasin ang isyu. Ibinabahagi ng lahat kung ano ang nasa isip nila, at noong una, gusto ko rin sanang ibahagi ang opinyon ko, kaso nang makita kong naroroon ang mga lider at katrabaho ko, nag-atubili ako. Sinabi ko sa sarili ko na kailangan kong maging maingat at huwag na lang magsalita, dahil magiging mababa ang tingin nila sa akin kung mali ako. Kaya nanahimik na lang ako. Hindi naging maganda ang pakiramdam ko pagkatapos ng pagtitipon dahil malinaw namang mayroon akong sariling perspektibo, pero ibinaon ko ito sa puso ko, sa takot na baka makita ng iba ang mga pagkukulang ko kapag may nasabi akong mali, o na isipin nilang ang opinyon ko’y isang kahangalan. Mabigat ito para sa akin at pakiramdam ko’y napipigilan ako.
Hindi lamang ako nagkukubli ng sarili ko at nagkukunwari sa panahon ng pagbabahagi, ganoon din ako sa pang-araw-araw kong buhay. Isang umaga, tinanghali ako ng gising at nahuli akong mag-online para makipag-usap sa mga kapatid. Sabi ng lider, “Ikaw ang namamahala sa grupong ito, kaya dapat maaga kang naka-online kung sakaling may tatalakayin ang mga kapatid sa iyo.” Alam kong sinabi ito ng lider dahil nagmamalasakit siya sa aming gawain—kung hindi ako online kapag may gawaing kailangang talakayin ang iba sa akin, magdudulot ito ng pagkaantala. Pero para huwag masira ang imahe ko sa aking lider at huwag niyang isiping tamad ako, nagsinungaling ako at sinabing, “Pagkabangong-pagkabangon ko sa umaga, kailangan kong kumain, uminom, at bulay-bulayin ang salita ng Diyos. Kapag hindi ko nagawa ang aking mga debosyonal bago mag-online, hindi ko mapapatahimik ang puso ko at hindi ko magagampanang mabuti ang tungkulin ko.” Wala na siyang iba pang sinabi pagkatapos nito, pero alam kong hindi ako nagiging tapat sa kanya at nagsisinungaling ako. Sa tuwing tinatanong din niya ako kung kumusta naman ang lagay ko, lagi akong umiiwas at hindi ko sinasabi sa kanya ang totoo, sumasagot lang ako ng, “Ayos naman.” Ang totoo, hindi maganda ang kalagayan ko, pero hindi ko sinabi sa kanya ang totoo, at ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para huwag niya itong mahalata. Kung minsan, itinatago ko kung ano ang lagay ko nang hindi man lang binabanggit kahit bahagya kung ano talaga ang nararamdaman ko sa loob ko. Ginawa ko ito dahil nangamba ako na pagkatapos malaman ng lider ko kung ano talaga ang lagay ko, hindi na niya ako pahahalagahan o baka iwasto niya ako, o tanggalin pa nga ako. Ayaw kong magkaroon siya ng hindi magandang opinyon sa akin. Natakot akong mawalan ng mukhang maihaharap sa kanya, kaya patuloy kong itinago ang aktwal kong sitwasyon.
Noong panahon iyon, palagi na lamang akong namumuhay sa isang negatibong kalagayan ng panlilinlang at pagtatanggol sa sarili, hindi ko hinahanap ang katotohanan sa mga bagay-bagay, hindi ako naliliwanagan ng pagbabahagi ng mga salita ng Diyos sa mga pagtitipon, at hindi ko naramdaman ang patnubay ng Diyos nang gampanan ko ang aking mga tungkulin. Wala akong nagagawang anuman, kaya kalaunan ay natanggal ako. Alam kong pagtutuwid at pagdidisiplina ito ng Diyos sa akin, dahil ayaw Niya ng mga taong mapanlinlang. Nagsikap ako nang husto na magkunwari, pero nakikita ng Diyos ang laman ng ating mga puso at isip. Nakikita Niya ang aking katiwalian, at ginamit Niya ang sitwasyong ito para tulungan akong makapagnilay-nilay sa aking sarili. Nanalangin ako, “O Diyos, ang pagkakatanggal pong ito ay pagkastigo at pagdisiplina Mo sa akin. Bagamat nasasaktan ako, alam kong ginagawa Mo po ito para sa aking kaligtasan. O Diyos, bigyan Mo nawa ako ng kaliwanagan upang maintindihan ko po ang Iyong kalooban at kilalanin ko ang aking pagiging suwail.”
Isang araw, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Ang pangunahing katangian ng isang taong mapanlinlang ay na hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso upang magbahagi kaninuman, at hindi siya nagtatapat kahit sa kanyang pinakamatalik na kaibigan. Lubha siyang imposibleng maintindihan. Maaaring hindi naman matanda ang taong iyon, ni hindi siya labis na nakikisali sa mga makamundong bagay, at maaaring wala siyang gaanong karanasan, pero imposible siyang maintindihan. Siya ay mas higit na demonyo kaysa isang tao. Hindi ba likas na mapanlinlang ang taong ito? Itinatago niya nang husto ang kanyang tunay na pagkatao na walang sinuman ang nakakahalata rito. Ilang salita man ang kanyang sabihin, mahirap matukoy kung alin ang totoo at alin ang hindi, at walang nakakaalam kung kailan siya nagsasabi ng totoo o kailan siya nagsisinungaling. Dagdag pa riyan, sanay na sanay siya sa pagpapanggap at paggamit ng maling argumento. Madalas ay itinatago niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling impresyon sa mga tao, kaya ang nakikita lang ng mga tao ay ang huwad niyang ipinapakita. Nagpapanggap siya bilang isang taong matayog, mabuti, matuwid, at tapat, bilang isang taong gusto at sinasang-ayunan ng iba, at sa huli, hinahangaan at tinitingala siya ng lahat. Gaano katagal mo man nakakasama ang gayong tao, hindi mo malalaman kailanman kung ano ang kanyang iniisip. Ang kanyang mga pananaw at saloobin sa lahat ng klase ng tao, usapin, at bagay ay nakatago sa kanyang puso. Hindi niya sinasabi ang mga bagay na ito kaninuman kahit kailan. Hindi siya nagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito kahit sa taong higit niyang pinagkakatiwalaan. Kapag nagdarasal siya sa Diyos, maaaring ni hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso o kung ano talaga ang kanyang iniisip. Hindi lang iyan, sinisikap niyang magpanggap bilang isang taong may pagkatao, na napaka-espirituwal at dedikado sa paghahanap sa katotohanan. Walang sinumang nakakakita kung anong klaseng disposisyon ang taglay niya at kung anong klase siyang tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabinlimang Aytem (Unang Bahagi)). Pakiramdam ko’y inilantad ako ng mga salita ng Diyos—nahiya ako sa ginawa kong panloloko. Sinasabi ng Diyos na hinding-hindi magtatapat o magsasabi ng totoo sa iba ang mga tusong tao, bagkus lagi nilang itinatago ang kanilang sarili. Ito’y para protektahan ang imahe nila sa iba, hindi hinahayaang makita nila ang tunay nilang pagkatao. Kung ikukumpara ko ang sarili ko sa mga salita ng Diyos, nakita ko kung gaano ako katuso at kamapanlinlang, hindi kailanman ibinabahagi ang nasasaloob ko. Magsasabi lang ako ng ilang di-totoong bagay para isipin ng iba na ayos lang ako. Lagi kong inaayunan ang mga perspektibo ng iba tuwing may mga pagtitipon, hindi nangangahas magsalita kapag may iba akong opinyon o kapag mayroon akong hindi naunawaan, sa takot na maging mababa ang tingin ng mga tao sa akin. Noong tinatamad ako at walang ganang gumanap ng aking tungkulin, nagsinungaling ako sa lider para hindi naman ako magmukhang masama sa harapan niya. Noong gusto sana niyang malaman kung nasa anong uri ako ng kalagayan, hindi ko sinabi sa kanya ang totoo, sinabi ko lang na “Ayos lang ako.” Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos kung gaano katindi ang aking likas na katusuhan. Pagkatapos niyon, ipinagpatuloy ko ang paghahanap kung paano ko malulutas ang problema kong ito.
Nabasa ko sa mga salita ng Diyos, “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga tapat. Sa diwa, matapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na tapat sa Kanya. Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga totoong impormasyon, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang magpalakas sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble ang hirap nito para sa inyo. Maraming tao ang mas nanaisin pang maparusahan sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang tapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi tapat” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). “Kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat. May tanda na nagtatakda sa kung sino ang makakamit ng Diyos sa huli. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Biblia: ‘At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis’ (Pahayag 14:5). Sino yaong ‘sila?’ Sila yaong mga naligtas, nagawang perpekto at nakamit ng Diyos. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapahayag ng kanilang mga kilos? Wala silang dungis. Hindi sila nagsasabi ng mga kasinungalingan. Marahil ay nauunawaan at naiintindihan ninyong lahat ang kahulugan ng hindi pagsasabi ng mga kasinungalingan: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. ‘Walang dungis’: ano ang tinutukoy nito? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng kasamaan. At anong pundasyon ang pinagbabatayan ng hindi paggawa ng kasamaan? Walang duda, nakabatay ito sa pundasyon ng pagkatakot sa Diyos. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng pagiging walang dungis ay ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Paano inilalarawan ng Diyos ang taong walang dungis? Sa mga mata ng Diyos, tanging ang mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang perpekto; sa gayon, ang mga taong walang dungis ay yaong mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at tanging ang mga perpekto ang walang dungis. Tama talaga ito” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Pinag-isipan ko ang tungkol sa mga salita ng Diyos at nakita kong gusto Niya ang mga taong tapat at kinamumuhian naman ang mga tuso. Hindi dinadaya ng mga taong tapat ang Diyos o ang ibang tao, kundi totoo at tapat talaga sila kung magsalita. Sinasabi lang nila kung ano talaga ito nang walang itinatagong katotohanan, at walang pagkukunwari o panloloko. Mga tapat na tao lamang ang maliligtas—ang iba ay tatanggihan at palalayasin ng Diyos. Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na hindi ako tapat, kundi lagi kong pinagtatakpan ang aking katiwalian at mga pagkakamali, nagsisinungaling ako at nandaraya. Hindi ko kailanman hayagang ibinahagi ang aking mga kahinaan o ang mga problema at hirap ko sa aking tungkulin, pero mahusay ako sa pagkukunwari. Nakikita ng Diyos ang laman ng aking puso at ang mga bagay na ginawa ko, at nawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi ako kailanman nagkaroon ng saloobing magsisi, kaya wala akong nakukuhang anumang resulta sa tungkulin ko, kaya naman tinanggal ako. Alam kong iyon ang pagiging matuwid ng Diyos, dahil nasuklam ang Diyos sa katusuhan ko. Nakita ko tuloy na mayroon akong seryosong problema—gusto ko sanang magsisi, na huwag nang gawin ang mga bagay-bagay sa ganoong paraan, na hahantong sa pagpapalayas ng Diyos sa akin. Nanalangin ako sa Diyos, “Makapangyarihang Diyos, nasa espirituwal na kadiliman po ako ngayon at ang lahat ng ito’y dahil po sa aking tiwaling disposisyon. Hindi ko po ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa hinihingi Mo, bagkus naging mapanlinlang at tuso ako, na humantong sa pagkakatanggal ko. Ito po ang pagiging matuwid Mo. Ayaw ko nang patuloy na magsinungaling, kundi gusto kong hangarin ang katotohanan, maging isang taong matapat, at isabuhay ang normal na pagkatao.”
Sa mga pagtitipon pagkatapos niyon, anuman ang tinatalakay namin, ibinahagi ko na ang talagang laman ng aking isipan at hindi na ako nag-aalalang magiging mababa ang tingin ng iba sa akin. Pinagtuunan ko na lang na maging isang taong tapat sa harap ng Diyos at sa aking mga kapatid, at nagpokus sa pagbibigay-lugod sa Diyos. Nang tanungin ako ng lider tungkol sa aking kalagayan, hindi ko na ito pinagtakpan gaya ng dati, kundi ipinagtapat ko na sa kanya kung ano talaga ang lagay ko. Pagkatapos ay tinulungan niya ako at nagawa kong itama ang mga negatibong kalagayan. Naramdaman kong magandang pagsasagawa iyon, at mas naging malaya at masaya ako. Hindi na ako ganoon kalungkot at kamiserable gaya ng dati. Pero malalim ang pagkakabaon ng tusong kalikasang iyon sa loob ko, kaya hindi ko pa rin mapigilan ang sarili kong magsinungaling at manlinlang. Isang araw sinabi sa amin ng lider na isulat namin ang mga problemang natuklasan namin sa aming mga tungkulin, kabilang na ang anumang isyung maaaring nakita namin sa mga tungkulin ng ibang kapatid. Napansin ko nga na tila hindi talaga kumikilos ang lahat, at hindi sila nakatuon sa paggamit ng mga salita ng Diyos sa pagninilay-nilay sa kanilang sarili kapag may ibinunyag silang katiwalian. Isinulat ko iyon, pero hindi ko ito ipinarating sa lider. Naisip ko na noong banggitin ko ang isyung ito dati, sinabi ng isang babaeng kapatid na, “Wala namang ibang nagsasabi niyan, ikaw lang. Dapat mong pag-isipang mabuti kung masyado bang mataas ang inaasahan mo mula sa mga tao.” Iniisip ko na baka ako lang ang nakaramdan nang ganoon, kaya kung ako lang ang magsasabi ng ganoong isyu, baka isipin ng lider na nagpapakahangal ako, nagpapatawa, at na wala itong matibay na basehan. Nag-alala ako na sisirain niyon ang imahe ko sa iba. Kaya binura ko ang isinulat ko at isinulat na lamang na, “wala akong napansing anumang problema.” Hindi ko na ito inisip pa pagkatapos noon.
Pero isang araw nabasa ko ang pahayag na ito ng mga salita ng Diyos sa aking mga debosyonal: “Hindi kailanman sinasabi ng ilang tao ang katotohanan kaninuman. Lahat ay pinag-iisipan at binabago-bago na sa kanilang isip bago pa sabihin iyon sa mga tao; hindi mo masasabi kung alin sa mga bagay na sinasabi nila ang totoo, at kung alin ang hindi. Nagsasabi sila ng isang bagay ngayon at iba naman bukas, nagsasabi sila ng isang bagay sa isang tao, at ng iba namang bagay sa ibang tao; lahat ng sinasabi nila ay magkakasalungat. Paano mapapaniwalaan ang gayong mga tao? Napakahirap maintindihan nang tumpak ang mga katunayan; wala kang makukuhang anumang eksakto mula sa kanila. Anong disposisyon ito? Ito ay katusuhan. Madali bang baguhin ang tusong disposisyon? Ito ang pinakamahirap baguhin. Anumang nauugnay sa mga disposisyon ay may kasamang likas na pagkatao ng mga tao, at wala nang iba pang mas mahirap baguhin kaysa mga bagay na may kinalaman sa likas na pagkatao ng mga tao. May kasabihan na hindi mababago ng leopardo ang mga batik nito. Totoo talaga ito. Anuman ang kanilang sinasabi o ginagawa, ang mga tusong tao ay palaging may kinikimkim na sariling mga pakay at motibo. Kapag wala silang mga pakay o motibo, wala silang sinasabi. Kapag sinubukan mong alamin kung ano ang kanilang mga pakay at motibo, tumatahimik sila; at kung may masabi nga silang totoo nang hindi sinasadya, gagawin nila ang lahat para makaisip ng paraan na baligtarin iyon, para lituhin ka at pigilan kang malaman ang katotohanan. Sa madaling salita, sa lahat ng kanilang ginagawa, hindi nila ipinapaalam kaninuman ang mga totoong impormasyon tungkol sa isang sitwasyon; gaano man sila katagal nang kilala ng mga tao, walang makakaalam kung ano talaga ang tumatakbo sa kanilang mga isipan. Gayon ang likas na pagkatao ng mga tusong tao. Gaano man katuso ang sinasabi ng mga tao, hindi mo malalaman kailanman kung ano ang kanilang mga motibo, ni kung ano talaga ang iniisip nila, o kung ano mismo ang pakay na sinisikap nilang makamtan. Kahit mga magulang nila ay nahihirapang malaman ito; ang pagsisikap na maunawaan ang isang tusong tao ay napakahirap. Ganito ang mga tusong tao: Kahit bago pa gumawa ng anumang bagay, naipakita na nila ang kanilang katusuhan. Isang uri ito ng disposisyon, hindi ba? Hindi mahalaga kung may nasabi ka o wala, o kung may nagawa ka o wala—ang disposisyong ito ay nasa iyong kalooban, sa lahat ng oras at lugar ito ang kumokontrol sa iyo, hinihikayat kang maglaro at manlinlang, paglaruan ang mga tao, pagtakpan ang katotohanan, at magpakitang-tao. Ito ang katusuhan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kaalaman Lamang Tungkol sa Anim na Uri ng Tiwaling Disposisyon ang Tunay na Pagkakilala sa Sarili). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na muli na naman akong nakapagpakita ng katusuhan sa kung paano ko hinarap ang pagsusulat ng feedback. Isinulat ko na may napansin akong problema, pero natakot ako na maging mababa ang tingin ng lider sa akin kung nagkamali ako, kaya may katusuhan kong binura ang tunay kong opinyon at nagsinungaling ako sa lider. Sinabi kong wala akong napansing anumang problema. Wala akong lakas ng loob na sabihin ang katotohanan sa pagsisikap kong maprotektahan ang sarili kong reputasyon at katayuan. Lagi ko na lang itinatago ang sarili ko, hindi hinahayaan ang ibang makita kung ano talaga ang nasasaloob ko. Binaluktot ko pa nga ang mga totoong nangyari, nagsasabi ng bagay na di-totoo para itago ang katotohanan. Nakita kong napakasama at tuso ng ugali ko, kagaya ng kay Satanas.
Nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos na tumulong sa akin para mas maunawaang mabuti ang diwa ng pagsisinungaling. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Sa uri ng mga tao na mga anticristo, ang isa sa kanilang mga pangunahing katangian ay nakagawiang panlilinlang. Sa pamamagitan ng kanilang wika, ng paraan ng kanilang pagsasalita, ng paraan ng kanilang pagpapahayag, ng kahulugan ng kanilang mga salita at ang motibasyon sa likod ng mga iyon, makikita ng isang tao na walang normal na pagkatao ang mga taong ito, na hindi nila taglay ang mga pamantayan para sa pagkato ng mga taong matapat. Ugali na talaga ng mga anticristo na magsinungaling. Higit na mas malala ang kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang kaysa sa karamihan ng mga tao; hindi ito ang karaniwan mong tiwaling disposisyon, kundi ito ay naging kawalan na ng konsensya at katinuan at ganap na pagkawala ng pagkatao. Sa diwa, ang mga taong ito ay mga demonyo; ang mga demonyo ay madalas magsinungaling at manlinlang ng mga tao sa ganitong paraan, walang totoo sa anumang sinasabi nila. Kapag nagsisinungaling ang karamihan sa mga tao, kailangan nilang imbentuhin ang kasinungalingan, kailangan nila iyong pag-isipang mabuti; ngunit ang isang anticristo ay hindi na kailangang mag-imbento ng kahit na ano, o pag-isipan itong mabuti: Ibinubuka nila ang kanilang bibig at lumalabas na ito—at bago mo pa mamalayan, nalinlang ka na. Ganoon na lang ang kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang na ang mga taong mabagal ang reaksyon ay maaaring abutin ng dalawa o tatlong araw bago mapagtanto ang mga bagay-bagay; saka lang nila napagtatanto kung ano ang ibig sabihin ng taong ito. Ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ay walang kakayahang makakilala. Ugali na ng mga anticristo ang pagsisinungaling: ano ang katangian ng kanilang pagkatao? Malinaw na hindi ito isang bagay na bahagi ng normal na pagkatao. Hindi ba’t may mala-demonyo dito? Upang maging mas tiyak, ito ang kalikasan ng isang demonyo. Ang kanilang nakagawiang panlilinlang, mga kasinungalingan, at pandaraya: natututuhan ba sa paaralan ang mga paraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay, o resulta ng impluwensiya ng kanilang pamilya? Parehong hindi. Ang mga bagay na ito ay kanilang likas na kalikasan, ipinanganak silang taglay na ang mga bagay na ito. Kapag tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak, walang nagtuturo sa kanilang anak na magsinungaling at manlinlang mula pagkabata, ni walang pumipilit sa kanila na magsinungaling o manlinlang, pero mayroon pa ring mga bata na puro mga kasinungalingan ang sinasabi sa kanilang paglaki, na hindi bakas sa kanilang mukha kahit ano pang kasinungalingan ang sabihin nila, at hindi kailanman nakararamdam ng pagsisisi, paghihirap, o pagkakonsensya sa mga kasinungalingang nasabi nila; sa halip, ang tingin ng mga batang ito sa kanilang sarili ay napakamautak nila, labis na matalino, pakiramdam nila ay masuwerte sila, mapagmalaki, at lihim na masaya na nagagawa nilang magmanipula at manlinlang ng iba gamit ang kanilang mga kasinungalingan at iba pang mga taktika. Ito ang kalikasan nila. Likas na ganito ang mga anticristo. Kalikasan at diwa nila na maging ubod ng sinungaling. Bagamat madalas silang nakikibahagi sa mga pagtitipon, at nakikinig sa mga sermon at pagbabahagi, hindi kailanman pinagninilayan o sinusubukang kilalanin ng mga anticristo ang kanilang sarili, at kahit gaano pa sila naging sinungaling at mapanlinlang, hindi sila inuusig ng kanilang konsensya, lalong hindi nila aktibong sinusubukang hanapin ang katotohanan para sa solusyon—na nagpapatunay na sa diwa ay walang pananampalataya ang mga anticristo. Kahit gaano pa karaming doktrina ang nagagawa nilang ituro sa mga tao, hindi nila kailanman ginagamit ang mga doktrinang ito sa kanilang sarili, hindi nila kailanman sinusuri ang kanilang sarili, at kahit gaano pa karaming kasinungalingan ang sabihin nila o mga tao ang lokohin nila, hindi nila ito kailanman ipagtatapat, sa halip ay magpapanggap, at magkukunwari, at hindi kailanman maglalakas-loob na aminin sa harap ng iba na sila ay mga tusong tao. Maliban dito, patuloy silang nagsisinungaling at nanlilinlang ng mga tao kung sa palagay nila ay kailangan. Hindi ba’t ito ang kanilang kalikasan? Ito nga, at walang paraan para baguhin iyon. Ang kalikasang ito ay hindi ang pagpapahayag ng normal na pagkatao; ang totoo, ito ang kalikasan ng isang demonyo, ito ang disposisyon ni Satanas, ang gayong mga tao ay mga diyablo, sila ay mga demonyong nagkatawang-tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaapat na Ekskorsus). Inilalantad ng Diyos ang mga anticristo bilang mga tuso at masasama at sinasabing nagiging kalikasan nila ang pagsasabi ng kasinungalingan. Hindi man lang nila ito namamalayan kapag may sinasabi silang kasinungalingan at hindi nila kailanman ipinapakita ang kanilang tunay na pagkatao o sinusuri nang mabuti ang kanilang sarili. Naalala ko tuloy ang ilang bagay na sinabi ng Panginoong Jesus: “Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37). “Kayo’y sa inyong amang diyablo, at ang mga nasa ng inyong ama ay inyong gagawin. Siya’y isang mamamatay-tao buhat pa no’ng una, at hindi nananatili sa katotohanan, sapagka’t walang katotohanan sa kanya. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya ng sa sarili niya: sapagka’t siya’y isang sinungaling, at ama nito” (Juan 8:44). Ang pagsisinungaling ay mula sa kasamaan, mula sa mga demonyo, at ang mga palaging nagsisinungaling ay mga demonyo. Lagi na lang akong nagsisinungaling at mapanlinlang, kaya hindi ba’t maituturing akong demonyo niyan, tulad ni Satanas? Ibinunyag ng mga salita ng Diyos ang kalikasan ko—naging kalikasan ko na ang pagsisinungaling, at sa tuwing sangkot na ang mga interes ko, magkukunwari ako at lilinlangin ang iba. Nang tanungin ako ng lider kung bakit masyado na akong huling mag-online, nagsinungaling ako sa kanya para protektahan ang aking imahe, at pagkatapos noon ay hindi ko sinabi ang totoo o sinuring mabuti ang aking sarili. Noong gustong hingin ng lider ang aming mga mungkahi para sa gawain ng iglesia, hindi ako nagsabi ng totoo para hindi maging mababa ang tingin ng iba sa akin. Habang nahaharap sa mga isyu, mga personal na interes ko lamang ang inisip ko, kinalkula kung ano ang maidudulot sa akin ng ilang partikular na aksyon, at inalala kung ano ang iisipin ng ibang tao tungkol sa akin. Lagi na lang akong nanlilinlang at nagsasabuhay ng likas na kademonyohan. Ipinagpapasalamat ko talaga ang ginawang paghatol at pagbubunyag ng mga salita ng Diyos na nakapagpakita ng tunay kong pagkatao. Ayaw ko nang magpatuloy na puno ng kawalang-katotohanan, nagpapanggap at nanlilinlang gaya ni Satanas. Gusto kong maging isang taong tapat, gusto kong sabihin ang totoo, at gawin ang mga bagay-bagay nang tapat, para makapamuhay gaya ng isang normal na tao. Kahit ano pa ang mangyari, gusto kong hayagang ilantad ang aking sarili at ibunyag ang satanikong disposisyon sa loob ko at ayaw ko nang makontrol at mapaglaruan pa ni Satanas. Pagkatapos noon, napansin kong nasa negatibo at pasibong kalagayan pa rin ang mga kapatid at hindi nila pinaghuhusayan ang kanilang mga tungkulin. Napakapangit ng pakiramdam ko dahil sa hindi ko pagiging isang tapat na tao, sa hindi ko pagtupad ng aking responsibilidad na banggitin ito sa lider noong una. Sa halip, naging tuso at mapanlinlang ako, na nakaapekto tuloy sa aming gawain. Pagkaraan nito, muling hiniling sa amin ng lider na isulat ang anumang problemang natuklasan namin sa aming gawain, at sa pagkakataong ito, nagtapat na ako. Isinulat ko ang problemang napansin ko. Pagkatapos ay ibinahagi ng lider kung paano haharapin ang isyung ito at dahil dito’y nagawa ng mga kapatid na baguhin ang kanilang mga kalagayan, at mas ginagampanan na nila ang kanilang mga tungkulin.
Pagkaraan noon, hinanap ko ang lider at hayagang sinabi sa kanya ang tungkol sa katusuhang ipinamalas ko noong panahong iyon pati na kung paanong nakapagsinungaling ako sa kanya. Sinabi ko sa kanya na hindi ko sinabi ang totoo sa kanya nang tanungin niya ako noon tungkol sa aking kalagayan dahil natakot akong maging mababa ang tingin niya sa akin kung malalaman niya ang tungkol sa katiwaliang ipinakita ko. Ibinahagi ko sa kanya na ang pagkukunwari sa ganoong paraan ang naging dahilan para maging miserable ako, madalas akong nasa isang madilim at negatibong kalagayan, at ayaw ko nang itago ang mga problema at paghihirap ko. Gusto kong sabihin sa kanya ang tungkol sa mga negatibo kong kalagayan, at pinakiusapan ko siyang tulungan akong alisin ang mga gapos ng sataniko kong disposisyon. Pagkatapos sabihin sa kanya kung ano talaga ang kalagayan ko, hindi naman naging mababa ang tingin niya sa akin, at kalaunan sa isang pagtitipon ay nagbahagi siya tungkol sa mga salita ng Diyos tungkol sa kung paano maging isang tapat na tao. Nakatulong iyon para mas maunawaan kong mabuti ang aspektong iyon ng katotohanan. Sabi ng mga salita ng Diyos, “Maraming aspeto ang saklaw ng pagsasagawa ng katapatan. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging matapat ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng iisang aspeto; dapat makaabot ka sa pamantayan sa maraming aspeto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang hindi pagsisinungaling lamang ba ang napapaloob sa pagiging matapat? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspeto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gampanan o isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong harapin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagharap sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng mga walang kabuluhang salita, opisyal na jargon, o mga salitang masarap pakinggan, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas sa pagsasagawa para maging isang tapat na tao. Mula ngayon, kahit ano pa mang uri ng sitwasyon ang kaharapin ko, sa tungkulin ko man ito o sa pang-araw-araw na buhay, hindi ako dapat maging mapanlinlang o magsalita ng masasarap-pakinggang bagay para magkunwari, kundi dapat kong lapitan ang lahat ng tao at bagay nang may simple at tapat na puso. Kung tinatanong ako ng isang tao tungkol sa aking opinyon o kalagayan, dapat kong sabihin ang buong katotohanan at payagan silang makita kung ano ang laman ng puso ko. Iyon lang ang tanging paraan para mapahiya si Satanas. Nanindigan akong anuman ang maging sakripisyo, kailangan kong lutasin ang tuso kong disposisyon at maging isang tapat na tao para malugod ang Diyos. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Ni Liu Yi, TsinaBago ako naging mananampalataya, lagi akong nag-iingat na hindi makasakit ng damdamin ng ibang tao, at nakakasundo ko ang...
Ni Zheng Xin, Tsina Isang araw noong Hulyo 2023, nabalitaan ko na isang brother mula sa aming iglesia, si Wang Hao, ay naaksidente at...
Ni Titie, TsinaNoong Hunyo ng 2013, umabot ng higit sampung araw ang aking regla, at may lumabas sa akin na malaki at namumuong dugo. Noong...
Ni Ye Xincao, Myanmar Noong Marso 2020, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at kalaunan, ginampanan ko...