Lumalago sa Gitna ng Isang Bagyo

Enero 16, 2022

Ni Mixue, Tsina

Isang araw nang Marso, 2013, ako at dalawa pang sister ay pauwi ng bahay mula sa isang pagtitipon, at pagpasok namin, nakita naming gulong-gulo ito. Naisip naming malamang na hinalughog ng mga pulis ang lugar, kaya agad kaming lumipat. Pagkalipat na pagkalipat, sumugod ang ilang tao mula sa komunidad na iyon kasama ang mga pulis. Tinipon kami ng mga pulis sa sala at pagkatapos ay hinalughog ang lugar. Nang wala sa kanila ang nakatingin, nagawa kong putulin ang SIM card na nasa bulsa ko. Isa sa mga pulis ang nakapansin at pilit na binuksan ang kamay ko, at nang makita ang putol na card, galit na sumigaw ito, “Maaaring mukha siyang bata, pero mayroon siyang nalalaman. Dalhin siya para sa interogasyon.” Pinakapkapan niya rin ako sa isa sa mga babaeng pulis, at pagkatapos ay isinakay kami sa kanilang sasakyan. Takot na takot ako, kaya nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, hindi ko alam kung saan nila ako dadalhin o kung paano nila ako pahihirapan. Pakiusap, gabayan Mo ako at bigyan ako ng pananampalataya. Gaano man ako magdusa, hindi ako maaaring maging isang Judas. Hindi Kita maaaring pagtaksilan.” Unti-unti akong kumalma pagkatapos magdasal. Dinala ako ng mga pulis sa isang interrogation room sa loob ng himpilan at inutusan akong itaas ang mga braso ko at tumayo ng nakatingkayad. Makalipas ang ilang minuto sumusuko na ang mga braso ko, nanginginig ang mga binti ko at naninikip ang dibdib ko. Bumagsak ako. Tapos ay iniupo ako ng mga pulis sa isang tiger chair at sobrang higpit na itinali ang mga paa ko sa mga paa ng upuan. Maya-maya, may dinalang ilang dokumento sa silid ang isang babaeng pulis na medyo mataba at sinabi sa aking, “Nagsasagawa kami ng isang malaking operasyon ng pag-aresto sa buong bansa, pinapalis kayong mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos. Nasa amin ang lahat ng inyong lider at nasira na namin ang inyong iglesia. Ano pang silbi ng hindi mo pakikipagtulungan sa amin? Magsalita ka lang at makakauwi ka na.” Pagkarinig nito, napagtanto kong isa ito sa mga panlansi ni Satanas, at sinusubukan lang niyang gawin akong Judas. Hindi ako maaaring maniwala rito. Kahit na maraming kapatid ang naaresto, hindi nila gano’n kadaling masisira ang gawain ng Diyos. Sumagot ako, Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Nagtitiwala kami na walang bansa o kapangyarihan ang maaaring pumigil sa kung ano ang nais ng Diyos na makamit. Ang mga humahadlang sa gawain ng Diyos, lumalaban sa salita ng Diyos at nanggugulo at sumisira sa plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Umangil lang siya rito at naglakad palabas. Pagkatapos ay nagsimulang magtanong sa akin ang isa pang pulis: “Kailan ka naging relihiyoso? Gaano ka na katagal sa lugar na ito? Sino-sino ang lahat ng naka-ugnayan mo? Saan ka nakatira?” Nang hindi ako nagsalita, binantaan niya ako, “’Pag ’di ka nagsalita, bubugbugin ka na lang namin hanggang mamatay ka at itatapon ang iyong bangkay sa kabundukan.” Naalala ko na parang mga manok kung patayin ng mga taong iyon ang mga tao, na wala talaga silang pakialam sa buhay ng tao. Inisip ko kung talagang bubugbugin nila ako hanggang mamatay. Habang takot na takot, tahimik akong nagdasal sa Diyos at pagkatapos ay naisip ko ang mga salitang ito mula sa Kanya: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Alam kong totoo iyon, na ang Diyos ang aking panangga at pinaghaharian Niya ang lahat. Ang katawan at kaluluwa ko’y nasa Kanyang mga kamay, kaya hindi ang mga pulis ang magpapasya kung mabugbog ako hanggang mamatay. Binigyan ako ng pananampalataya at lakas ng isiping ito. Walang tigil akong tinanong ng mga pulis, pero wala akong anumang sinabi sa kanila.

Umagang-umaga ng ikatlong araw, sinabi ng isa sa kanila, “Handa ka nang magsalita?” Wala akong sinabi. Galit na galit niya akong hinawakan sa kuwelyo at sinampal sa mukha, na nagpa-ugong sa tenga ko at nagpainit sa aking mukha. Tapos no’ng hindi ko napapansin, nagrolyo siya ng ilang papel at pinalo ako sa mga mata, na napakasakit na para bang mahuhulog ang mga ito. Awtomatikong pumikit ako. Galit na sinabi ng isang pulis, “Buksan mo ang mga mata mo!” Dahan-dahan akong dumilat pero wala akong makitang kahit ano. Nakaaninag lang ako ng ilang bagay makalipas ang sampung minuto. Sobrang sakit ng mga mata ko at gusto ko lang ipikit ang mga ito, kaya sa pag-aakala ng mga pulis na inaantok ako, pinalo nila ang ulo ko ng bote ng tubig at kung minsan ay sinisipa nila ang ulo at mga braso ko. At para mapanatiling gising, itinali nila ang buhok at mga kamay ko gamit ang velcro sa likod ng tiger chair. Kinailangan kong panatilihing nakataas ang ulo ko. Sinusubukang mapawi ang sakit, pinipilit kong sumandal sa tiger chair. Nahihilo ako, masakit ang katawan, mabilis ang tibok ng puso at miserable ang pakiramdam. Natakot akong hindi ko kakayanin, kaya patuloy akong tumatawag sa Diyos, “Diyos ko, pakiusap, bigyan Mo ako ng paninindigang magdusa, pakiusap bigyan Mo ako ng pananampalataya. Hindi ako kailanman yuyuko kay Satanas!” Sa aking paghihirap, naisip ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Marahil ay naaalala ninyong lahat ang mga salitang ito: ‘Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan.’ Narinig na ninyong lahat dati ang mga salitang ito, subalit walang sinuman sa inyo ang nakaunawa sa tunay na kahulugan nito. Ngayon, alam na alam ninyo ang tunay na kabuluhan ng mga ito. Ang mga salitang ito ay isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw, at matutupad doon sa mga malupit na pinahirapan ng malaking pulang dragon sa lupain kung saan ito nakahimlay na nakapulupot. Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, yaong mga naniniwala sa Diyos ay isinasailalim sa panghihiya at pang-aapi, at natutupad ang mga salitang ito sa inyo, ang grupong ito ng mga tao, dahil dito. Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na kumokontra sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at matagal isakatuparan ang marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko na ang Partido Komunista ay kaaway ng Diyos, na kinamumuhian nila ang Diyos at ang katotohanan. Gusto nilang gawin ang lahat para pigilan tayong maniwala sa Diyos, para pagtaksilan natin Siya. Ipinanganak ako sa bansa ng malaking pulang dragon, kaya ito’y isang bagay na kailangan kong pagdusahan. Pero sa pamamagitan ng pang-aapi ng Partido Komunista, nakita ko kung gaano ito kasama, kung paanong talagang salungat ito sa Diyos. Mas lalo kong gusto na tanggihan si Satanas at bumaling sa Diyos, na magkaroon ng pananampalataya at tumayong saksi, na ipahiya si Satanas at makitang mabigo ito. Ang pagkakaroon ng pagkakataong iyon na tumayong saksi para sa Diyos ay Kanyang pagpapala, at isang espesyal na pabor. Ang pagkaunawa dito ay nagbigay sa akin ng pananampalataya at hindi na ito naging ganoon kahirap para sa akin.

Sinimulan ulit nila akong tanungin pagkatapos noon, at nang nanatili pa rin akong tahimik, binantaan nila ako, “Mas maaga kang magsalita, mas dadali ang mga bagay-bagay. Bibigyan ka namin ng limang minuto.” Tapos naglagay sila ng timer sa harapan ko, nagbibilang, at habang nakikita kong lumilipas ang oras, bawat minuto, bawat segundo, walang tigil akong nagdasal sa Diyos: “Diyos ko, hindi ko alam kung ano ang gagawin ng mga demonyong ito sa akin. Pakiusap, protektahan mo ako. Hindi ko tatraydurin ang mga kapatid ko anuman ang mangyari.” Lumipas ang limang minuto at nakikitang hindi ako magsasalita, ang isa sa kanila ay ipinosas ako sa aking likuran, hinawakan ako sa kuwelyo at talagang lumapit sa mukha ko, tapos ay nakakatakot akong tinanong kung sino ang lider ng iglesia at sinong mga nakaugnayan ko. Nanatili pa rin akong tahimik, kaya nagsindi siya ng sigarilyo, paulit-ulit na ibinuga ang usok sa mukha ko. Masuka-suka ako sa usok, at umaagos ang mga luha sa mukha ko. Tapos ay malakas niya akong sinampal sa mukha at tinamaan ang aking kanang tenga, nabingi ako. Nang makitang ’di pa rin ako magsasalita, nanlaki ang mga mata niya sa galit at sinakal niya ang leeg ko gamit ang pareho niyang kamay, sinasabing, “Magsasalita ka ba o ano? Kung hindi, sasakalin kita. Hindi mo ako makakalimutan kailanman, babangungutin ka na bawat gabi kitang binubugbog.” Sinakal niya ako hanggang sa hindi ako makahinga nang maluwag, at pakiramdam ko’y malapit na ako sa huling hininga ko. Sinabi ko sa kanyang wala akong sasabihin, kahit pa sakalin niya ako. Tapos dumating ang isang matangkad na pulis at sinenyasan ’yong sumasakal sa akin na may mga security camera kaya dapat dalhin ako nito sa isang sulok para bugbugin ako. Sa wakas ay nakahinga rin ako. Hinila niya ako paalis ng tiger chair, at binatak ang posas ko, itinutulak ako sa isang sulok, tapos ay iniumpog ang ulo ko sa pader. Paulit-ulit niyang ginawa ’yon, hindi ko na matandaan kung gaano katagal, at ’yong huling pagkakataon, inihampas niya ang ulo ko sa plakang nakasabit sa dingding. Parang bugbog na bugbog na ang ulo ko, at bumagsak na lang ako sa sahig. Parang umiikot ang paningin ko, na para bang sasabog ang ulo ko, at ang aking puso ay pinira-piraso. Hindi ako makamulat at pakiramdam ko’y ’di ako makahinga. Napakasakit noon. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko, pakiusap, kunin Mo na ako para hindi ko na pagdusahan ang pagpapahirap na ito.” Makalipas ang ilang oras, hindi ko na halos mabuksan ang mga mata ko, at naisip ko, “Bakit hindi pa ako patay?” Tapos napagtanto ko na hindi ko dapat hinihiling sa Diyos na kunin na Niya ako, na isa itong ’di makatwirang kahilingan. Gusto Niyang magpatuloy akong mabuhay, na tumayong saksi at ipahiya si Satanas. Pero umaasa akong matakasan ang pagdurusang iyon, na mamatay para matakasan ito. Hindi iyon pagpapatotoo. Medyo nakonsensya ako nang maisip ko ’yon.

Nang sandaling iyon, narinig kong sumisigaw ang isang pulis, “Tayo! Tayo!” Sinipa niya ako nang hindi ako kumibo at sinabing, “Nagpapanggap kang patay?” Tahimik akong nagdasal, “Diyos ko, pinapahirapan ako ng mga demonyong ito para pagtaksilan Kita. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananampalataya. Tatayo akong saksi para sa Iyo kahit na buhay ko ang maging kapalit.” Hinila ng isa sa kanila ang damit ko sa bandang balikat at hinatak ako patayo, tapos ay hinayaan akong malakas na bumagsak sa sahig. Ang mga kamay at likod ko ay talagang sumasakit mula sa pagkakaposas sa buong panahong iyon, kaya bumaluktot ako sa sahig para subukang ibsan nang kaunti ang sakit. Hinila ako ng isang pulis at isinandal ako sa pader, na nagpatayo sa akin nang tuwid, at sinipa ako sa kaliwang hita bago pa ako magkaroon ng pagkakataong mag-react. Napayuko ako sa sakit at sinigawan niya ako, “Tumayo ka!” Pero ang lahat ay sobrang sakit na hindi ko talaga kayang tumayo. Tapos ay sinipa niya ako sa baywang, na saglit akong nawalan ng hininga. Pakiramdam ko’y sinasaksak ako. Hinila ako ng isa pa pabalik sa sulok at sinampal ako sa mukha, na nagpadugo sa gilid ng bibig ko. Tapos ay nagsindi siya ng sigarilyo at sinabing, “Kung hindi ka magsasalita susunugin ko ang mukha mo gamit ang sigarilyong ito, masisira ang mukha mo.” Tapos ay inilapit niya ito nang sobra sa mukha ko. Nang naramdaman ko ang init mula sa sigarilyo, natakot talaga ako at naisip na, “Kung papasuin niya ako, mag-iiwan ito ng mga pangit na peklat at pagtitinginan at kukutyain ako saan man ako pumunta.” Ang isiping itinuturo ako ng mga tao at pinag-uusapan ako sa aking likuran ay napakasama. Tapos, naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Ang mabubuting kawal ng kaharian ay hindi sinanay na maging isang grupo ng mga tao na kaya lamang magsalita tungkol sa realidad o magyabang; sa halip, sinanay silang isabuhay ang mga salita ng Diyos sa lahat ng oras, manatiling hindi sumusuko anumang mga dagok ang kinakaharap nila, at patuloy na mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos at huwag bumalik sa mundo. Ito ang realidad na sinasabi ng Diyos; ito ang kinakailangan ng Diyos sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan ang Pagtataglay ng Realidad). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para sa isang tunay na mananampalataya, ano man ang mangyari, nananatili silang matatag sa kanilang pananampalataya sa Diyos nang hindi bumibigay sa mga puwersa ng kadiliman, nang hindi pinagtataksilan ang Diyos. Gusto akong takutin ng pulis na masisira ang mukha ko para pagtaksilan ko ang Diyos, at hindi ako puwedeng maniwala rito. Bukod doon, kahit masira ang mukha ko, kung hindi ako isang Judas bagkus ay tumayong saksi, makakamit ko ang pagsang-ayon ng Diyos at mapapayapa ako sa aking puso. Kung pinagtaksilan ko ang Diyos para protektahan ang sarili ko, patatagalin ko ang isang walang dangal na pag-iral at ang konsensya ko’y ’di kailanman mapapayapa. Hindi ko kakayanin iyon. Naisip ko ang bahagi ng isang himno ng iglesia: “Kahit na maaaring mabagok ang ating ulo at dumaloy ang ating dugo, hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos” (“Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Nakaramdam ako ng bugso ng pananampalataya at ng tapang para harapin ang pagpapahirap ng mga pulis. Pumikit ako at tahimik na nagdasal, “Diyos ko! Paano man nila ako pahirapan, kahit pa sunugin nila ang mukha ko, tatayo akong saksi. Pakiusap, bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas para tiisin ito.” Tapos ay pinagtagis ko ang mga ngipin ko at kinuyom ang aking mga kamay. Sa pag-aakalang ito’y dahil sa takot, nagsimulang tumawa na parang baliw ang pulis. Binuksan ko ang mga mata ko at diretsong tumingin sa kanya, sinabi niya ng may malamig na ngiti, “Nagbago ang isip ko. Susunugin ko ang dila mo, at susunugin ito para hindi ka na makapagsalita.” Habang sinasabi iyon, sinubukan niyang buksan ang bibig ko, pero hindi niya magawa gaano man niya ito subukan. Galit na galit niyang hinawakan ang balikat ko at tinadyakan ang aking paa, tapos ay tumalon at tinadyakan ako at inipit ang mga paa ko. Tapos hinila niya ang posas at pabalik-balik na hinatak ito, na dahilan para mapatingkayad ako. Sobrang sakit ng mga pulsuhan ko at ang mga braso ko’y parang mababali. Nang-iinis niyang sinabi, “Hindi ba’t makapangyarihan ang Diyos mo? Magpaligtas ka sa Kanya!” Nagdasal ako sa Diyos, walang tigil Siyang tinatawag, at punong-puno ako ng galit para sa mga halimaw na iyon.

Nang mapagod na siya, sumandig siya sa lamesa habang naninigarilyo. Inisip ko kung ano pang pamamaraan ng pagpapahirap ang gagamitin nila sa akin at kung mamamatay ako sa huli. Kung gayon nga, sana magiging mabilis ito, dahil hindi ko na kaya ang impyernong pinararanas nila sa akin noon. Hindi ko alam kung kailan matatapos ang lahat ng iyon. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo akong natatakot, at naisip ko, “Hindi ko kayang traydurin kailanman ang mga lider ng iglesia o ang mga kapatid, kaya baka puwedeng sabihin ko na lang sa kanila kung paano ako naging mananampalataya at nang matapos na ito, para hindi na nila ako bugbugin.” Tapos naisip ko, “Ang mga magulang ko ay mananampalataya. Kapag kinausap ko sila, masasangkot sila at pati na rin ang ilang kapatid. Magiging isang Judas ako at parurusahan ako ng Diyos.” Tapos naalala ko ang himnong ito ng mga salita ng Diyos: “Ang pananampalataya ay parang isang trosong tulay: Yaong mga nakakapit nang mahigpit sa buhay ay mahihirapang tumawid dito, ngunit yaong mga handang isakripisyo ang kanilang sarili ay makakatawid, nang hindi nahuhulog at walang pangamba. Kung ang tao ay nagkikimkim ng mga mahiyain at matatakuting kaisipan, iyon ay dahil nalinlang sila ni Satanas, natatakot na tatawirin natin ang tulay ng pananampalataya upang makapasok sa Diyos. Sinusubukan ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan para ipadala sa atin ang mga ideyang ito. Dapat nating ipanalangin sa Diyos sa bawat sandali na tanglawan tayo ng Kanyang liwanag, umasa sa Diyos sa bawat sandali na alisin ang lason ni Satanas mula sa ating kalooban, magsagawa sa ating espiritu sa bawat sandali kung paano mapalapit sa Diyos, at hayaang magkaroon ang Diyos ng kapamahalaan sa ating buong katauhan(“Ang Pagsapit ng Karamdaman ay Pag-ibig ng Diyos” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Napagtanto ko na ang pag-iisip na kausapin sila dahil sa kaduwagan ay pagsuko sa mga panlansi ni Satanas. Nakita kong kulang talaga ang pananampalataya ko sa Diyos, na kulang ako sa paninindigang tiisin ang pagdurusa. Kinaya ko hanggang sa puntong iyon, hindi dahil sa aking tayog, kundi dahil ginagabayan ako ng mga salita ng Diyos sa bawat hakbang. Sa puntong iyon, kinailangan ko talagang sumandal sa Diyos at magkaroon ng pananampalataya, at paano man nila ako pahirapan, hindi ko kailanman mapagtataksilan ang Diyos. Nagsambit ako ng dasal sa aking puso: “O Diyos ko, inilalagay ko ang buhay ko sa Iyong mga kamay at tatanggapin ko ang Iyong mga pagsasaayos. Hindi ako magiging Judas kahit na pahirapan nila ako hanggang mamatay.” Tapos sa gulat ko, tinawag ang mga pulis ng amo nila. Tahimik akong nagpasalamat sa Diyos.

Makalipas ang ilang sandali, isang pulis ang pumunta sa may pinto at kinunan ako ng litrato, at sinabing, “Ipo-post ko ang litrato mo online at pasisikatin kita para makita ng lahat ng iyong mga kaibigan, kamag-anak, at ng lahat kung anong hitsura mo, at makita nila na kayong mga mananampalataya ay mga baliw.” Hindi naman ako natakot doon, at sumagot ako, “Hindi ba’t kayo ang gumawa sa akin na ganito? Ang pagpo-post ng litrato ko online ay magpapakita lang sa lahat ng katotohanan tungkol sa kung paano ninyo inuusig ang mga Kristiyano.” Sinabi ng babaeng pulis, “Kung gayon, kumbinsido ako. Hindi ko talaga alam kung ano ang Diyos mong iyon o kung saan nanggagaling ang lahat ng lakas mo. Matapos ang lahat ng ito, ipinagpipilitan mo pa ring panatilihin ang iyong pananampalataya. Hindi ko kailanman naisip na ang isang kasing bata mo ay ganito katibay.” Nagpasalamat ako sa Diyos sa aking puso nang marinig kong sabihin niya ito. Tapos naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, bukod-tangi ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway ang Kanyang buhay na puwersa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Lahat ng mga araw na iyon na sinisira nila ako, pinahihirapan, nakaramdam ako ng kaduwagan at kahinaan, at ginusto pa ngang takasan ito sa kamatayan, pero kasama ko ang Diyos, pinoprotektahan ako, at ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas, inaakay ako para malagpasan ang lahat ng brutal na pagpapahirap na ’yon. Taos-puso akong nagpasalamat sa Diyos.

Nang dalhin ako ng isang pulis sa banyo maya-maya, sinabi niya sa akin, “Tatanungin ka ulit nila mayamaya, at dapat magsalita ka na lang. Kung hindi, makukulong ka sa loob ng maraming taon, at lalabas kang baldado pagkatapos mong maglagi roon. Alam mo ba kung paano tinatrato ang mga bilanggo? Binubugbog ng mga babae ang ibang babae, at papaluin ka nila sa pagitan ng iyong mga hita gamit ang kahoy na pamalo. Pag napunta ka sa mga kamay nila, mawawasak ka.” Namuhi at natakot ako nang marinig na sabihin niya iyon, at ang posibilidad na maging baldado sa edad na dalawampu, hindi ko talaga alam kung paano ako mabubuhay pagkatapos noon. Bilang nag-iisang anak, walang ibang aasahan ang mga magulang ko kung maging baldado ako. Tapos naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Inialay ni Abraham si Isaac—ano na ang naialay ninyo? Inialay ni Job ang lahat-lahat—ano na ang naialay ninyo? Napakarami nang taong nag-alay ng kanilang buhay, nagyuko ng kanilang ulo, nagpadanak ng kanilang dugo upang hanapin ang tunay na daan. Nagawa na ba ninyo ang sakripisyong iyan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). Inialay nga ni Abraham ang nag-iisa niyang anak, at nang subukin si Job, nawala ang lahat ng mayroon siya at nagkaroon siya ng pigsa sa buong katawan, pinagtawanan siya ng kanyang mga kaibigan at kinutya siya ng kanyang asawa, pero hindi niya kailanman sinisi ang Diyos. Tumayo siyang saksi. Sina Job at Abraham ay may tunay na pananampalataya sa Diyos at nagbigay sila ng matunog na patotoo sa pamamagitan ng mga pagsubok. Kailangan kong sundan ang kanilang halimbawa at tumayong saksi gaano man ako magdusa, para ipahiya si Satanas. Binigkas ko ang tahimik na dasal na ito sa Diyos, “Diyos ko, naniniwala ako na ang lahat ng bagay ay ganap na nasa Iyong pamamahala, kaya kung maging baldado man ako ay nasa Iyong mga kamay. Anumang mangyari sa akin o gaano ako magdusa, handa akong tumayong saksi at mapalugod Ka.” Kaya sinabi ko sa pulis, “Hindi ’yan magiging katanggap-tanggap. Hindi matatahimik ang konsensya ko kapag trinaydor ko ang mga kapatid ko. Kahit na masintensyahan pa ako, hindi ko kailanman gagawin ang isang bagay na alam kong mali.” Napahiya siya sa sinabi ko, dinala niya ako pabalik sa interrogation room nang walang imik. Umagang-umaga ng Abril 1, dumating ang pulis para tanungin ako, pero wala pa rin akong sinasabi. Bandang alas-dos ng hapon, inilagay nila ako sa kariton ng palay para dalhin ako sa isang brainwashing base. Palihim kong kinanta sa puso ko ang himnong ito ng mga salita ng Diyos habang papunta kami roon: “Kung ang mga tao ay walang anumang tiwala, hindi madali para sa kanila na magpatuloy sa landas na ito. Nakikita ng lahat ngayon na ang gawain ng Diyos ay hindi kaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao kahit kaunti. Napakarami nang nagawa ng Diyos at bumigkas na Siya ng napakaraming salita, na lubos na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Sa gayon, kailangang magkaroon ang mga tao ng tiwala at determinasyon na manindigan sa nakita na nila at sa natutuhan na nila mula sa kanilang mga karanasan. Anuman ang gawin ng Diyos sa mga tao, kailangan nilang panindigan ang taglay nila mismo, maging taos sa harap ng Diyos, at manatiling tapat sa Kanya hanggang sa pinakahuli. Ito ang tungkulin ng sangkatauhan. Kailangang panindigan ng mga tao yaong dapat nilang gawin(“Kailangan Mong Tumupad sa Iyong Tungkulin” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Alam ko nang ang pagkakaroon ng pananampalataya ay nangangahulugang maaapi at kakailanganing magdusa, at nagpasya akong tumayong saksi at palugurin ang Diyos anumang klase ng pang-aapi o pagdurusa ang harapin ko, pero nang talagang harapin ko ito, napagtanto ko na ang tumayong saksi ay hindi kasing simple ng naisip ko. Hindi lang ito basta pagiging masigasig, pero nangangailangan ito ng pagkakaroon ng kumpiyansa at ng pagpapasyang magdusa. Sinusubukan ako ng Diyos sa pamamagitan ng malupit na kapaligirang ito para gawing perpekto ang pananampalataya ko, para linisin at iligtas ako. Naniwala akong gagabayan ako ng Diyos anuman ang mangyari. Habang kinakanta ko ang himno, lumago ang pananampalataya ko, at alam kong kahit paano man nila ako pahirapan, kailangan kong sumandal sa Diyos at sundin Siya hanggang sa pinakawakas.

Nang makarating kami sa bakuran ng legal education, inatasan ng mga pulis ang dalawang pulis para bantayan ako bente kuwatro oras kada araw, para tanungin ako tungkol sa iglesia at i-brainwash ako, at pasulatin ako ng kung anong pagtalikod sa pananampalataya ko. Sa ikatlong umaga, sinabi nilang may ipapakita sila sa aking video na kinunan nila sa aking bayan. Dito’y talagang kinabahan ako at inisip ko kung nahalughog nila ang bahay ko, kung ang mga magulang ko’y nasa kapahamakan. Nag-alala akong baka naapektuhan ang ilang kapatid mula sa iglesia. Mas lalo akong natakot. Hindi ko mapigilang nerbiyosin sa aking upuan at pakiramdam ko’y namanhid ang mga paa at kamay ko. Nagdasal ako sa Diyos sa aking puso. Sa video, mukhang naninilaw ang Papa ko at may ilang bagay siyang sinabi sa akin, bahagyang hinihimok akong sumandal sa Diyos at tumayong saksi. Nang marinig ito, bumuhos na lang ang mga luha ko sa aking mukha at sumama ang pakiramdam ko. Napagtanto ko ring sinusubukang paglaruan ng mga pulis ang damdamin ko para pagtaksilan ko ang Diyos at kinamuhian ko ang Partido Komunista nang lahat ng mayroon ako. Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Nagbibigay ng kunwaring pagsuporta ang Partido Komunista sa kalayaan sa relihiyon, pero ang totoo, walang habas nitong inaaresto at inuusig ang mga Kristiyano at malupit silang pinahihirapan, sinesentensyahan sila sa walang batayang paratang. ’Di mabilang na mga Kristiyano ang napilitang manatiling nagtatago, hindi nakikita ang kanilang mga magulang o napapalaki ang kanilang mga anak. Ang lahat ng iyon ay kagagawan ng Partido Komunista. Ang Partido ang punong salarin sa pagwasak ng mga Kristiyanong tahanan. Tumabi sa gilid ang mga pulis at nangutya nang makita nila akong umiiyak, at inisip na siguradong magsasalita na ako pagkatapos noon. Pero nang hindi pa rin ako nagsalita, hinampas nila ang lamesa at minura ako, tapos ay tumalikod at umalis.

Pagkalipas ng isang buwan, dalawang pulis ang bumalik para tanungin ulit ako at nagpakita ng mga litrato sa akin, inuutusan akong kilalanin ang mga kapatid. Sinabi ng isa sa akin, “Kung wala kang aamining kahit ano, mapaparusahan ka para sa mga krimen ng ibang tao, at titingnan ko kung gaano katagal ang puwede naming ibigay sa iyo. Makukulong ka ng walo o sampung taon, tapos makikita natin kung gaano ka katibay!” Sabi pa nung isa, sinusubukang tuksuhin ako, “Makisama ka na lang sa amin at magsulat ng pahayag na isinuko mo na ang iyong relihiyon at gagawin namin ang anumang gusto mo.” Hindi ako kumibo, kaya sinubukan niyang hikayatin ulit ako: “Alam kong walang ibang anak ang mga magulang mo, at nagsikap sila para palakihin ka. Hindi mo pa siguro inaalala ang pagkakaroon ng mahabang sentensya sa ngayon, pero magiging miserable ka kapag dumating na ang araw na iyon at magiging huli na para magsisi. May dalawa kang pagpipilian: 1. Isuko mo ang iyong relihiyon at itatwa ang Makapangyarihang Diyos at diretso ka naming iuuwi sa iyong bahay. 2. Ipagpilitang panatilihin ang iyong pananampalataya at makulong. Siguraduhin mong pag-iisipan mo ito nang mabuti.” Medyo nagtatalo ang loob ko. Kapag isinulat ko ang pahayag ng hindi pagkakaroon ng pananampalataya, magiging pagtataksil iyon sa Diyos, pero pag pinili ko ang pananampalataya ko, makukulong ako. Makikita ko pa bang muli ang mga magulang ko? Kapag nakulong ako, siguradong magiging masama ang tingin ng mga tao sa mga magulang ko, at pipintasan sila ng kanilang mga mahal sa buhay na ’di mananampalataya. Magiging napakahirap noon para sa kanila. Sa video, mukhang naninilaw at namamaga ang mukha ng Papa ko. Mayroon ba siyang mga problema sa kalusugan? Mas lalo akong naging miserable sa isiping ito at talagang nagtatalo ang loob ko, kaya nagdasal ako, “Diyos ko, hindi Kita kayang pagtaksilan pero hindi ko kayang pabayaan ang aking mga magulang. Diyos ko, anong dapat kong gawin?” Ang mga salitang ito mula sa Diyos ay pumasok sa isip ko nang sandaling iyon: “Sinuman ang lumayas, hindi mo kayang gawin iyon. Hindi naniniwala ang ibang mga tao, ngunit kailangan mong maniwala. Tinatalikdan ng ibang mga tao ang Diyos, ngunit kailangan mong manindigan sa Diyos at magpatotoo sa Kanya. Sinisiraan ng iba ang Diyos, ngunit hindi mo kayang gawin iyon. … Dapat mong suklian ang Kanyang pagmamahal, at kailangang magkaroon ka ng konsiyensya, dahil ang Diyos ay walang sala(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab). “Kailangang magkaroon ka ng konsiyensya,” patuloy na umaalingawngaw ang mga salitang ito sa tenga ko. Sa mga taon ko ng pananampalataya, lubos kong tinamasa ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. May natutunan din akong ilang katotohanan, at kung anong klaseng tao dapat ako. Sobrang dami kong nakamit mula sa Diyos. Ang pagtaksilan Siya’y isang bagay na hindi katanggap-tanggap gawin. Pero ang pag-iisip tungkol sa Diyos sa isang banda, at mga magulang ko sa kabila, napakahirap magdesisyon. Ito’y isang partikular na napakatinding labanan sa aking puso. Tahimik akong umusal ng dasal, hinihiling sa Diyos na gabayan ako at bigyan ako ng pananampalataya. Ang mga salitang ito ng Diyos ay sumagi sa isip ko pagkatapos ng aking dasal: “Hindi ba marami sa inyo ang pabagu-bago ng pagpili sa pagitan ng tama at mali? Sa mga paligsahan sa pagitan ng positibo at ng negatibo, ng itim at ng puti, siguradong alam ninyo ang mga pagpiling nagawa ninyo sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng kapayapaan at ng pagkagambala, ng kayamanan at ng kahirapan, ng katayuan at ng pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maipagtabuyan, at iba pa. Sa pagitan ng tahimik na pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip;[a] sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, muli ninyong pinili ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo. Talagang manghang-mangha Ako sa katigasan ng puso ninyo. … Kung papipiliin kayong muli, ano kaya ang pipiliin ninyo? Ang una pa rin kaya? Bibiguin at palulungkutin pa rin kaya ninyo Ako nang husto? May kaunting pag-aalab pa rin kaya sa puso ninyo? Hindi pa rin kaya ninyo malalaman kung paano aaliwin ang puso Ko? Sa sandaling ito, ano ang pipiliin ninyo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Pakiramdam ko’y nasa tabi ko ang Diyos, hinihintay ang aking kasagutan. Alam kong hindi ko kayang pagtaksilan ang Diyos para sa aking mga ugnayan ng laman, para magkaroon ng pagkakaisa ng pamilya. Makapangyarihan ang Diyos, at ang kalusugan at buhay ng mga magulang ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang palaging pag-aalala sa kanila ay nagpapakita lang na nagkukulang ako ng pananampalataya sa Diyos. Maaaring hindi namin makita ang isa’t isa, pero alam kong hangga’t sumasandal kami sa Diyos, gagabayan Niya kami. Ibinalik ng isiping ito ang pananampalataya ko at naramdaman kong handa akong talikdan ang aking laman para mapalugod ang Diyos. Nagdasal ako: “O Diyos, handa akong ilagay ang aking mga magulang sa Iyong mga kamay at magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos.” Kaya ikinuyom ko ang aking mga kamao, tumayo, at sinabing, “Nakapagdesisyon na ako, pipiliin ko ang Makapangyarihang Diyos. Siya ang nag-iisang tunay na Diyos na lumikha sa kalangitan, daigdig, at lahat, at Siya ang Panginoong Jesus na nagbalik. Hindi ko kailanman itatatwa ang Diyos.” Lubos akong napayapa nang sabihin ko ito. Kung hindi dahil sa patnubay ng mga salita ng Diyos, siguradong mahihirapan akong pagtagumpayan ang mga panlansi ni Satanas. Ipinakita ng pulis ang kanyang kabangisan pagkakita niya kung gaano ako kadesido. Ibinagsak niya ang isang makapal na bungkos ng papel sa lamesa at malakas akong sinampal sa mukha, tapos ay sinigawan ako, “Wala ka na talagang pag-asa! Akala mo wala kaming malalamang kahit ano dahil lang hindi ka nagsasalita? Hayaan mong linawin ko ito sa’yo—tatlong buwan na namin kayong sinusundan, kaya sa tingin mo ba hindi namin alam ang lahat ng tungkol sa’yo? Gusto lang naming makita kung magkakaroon kayo ng magandang pag-uugali, kaya pag-isipan mo ito.” Sabi ko, “Hindi ko itatatwa ang Diyos, hindi ko Siya pagtataksilan kahit pa nangangahulugan ito ng pagkakakulong.” Dinala nila ako sa isang municipal detention house pagkatapos noon.

Madalas akong magkaroon ng mataas na lagnat at ang mga kamay at paa ko ay namaga, at pinaupo nila ako nang naka-cross legs sa loob ng dalawang oras araw-araw. Sinipa ako sa baywang noong interogasyon, na gumawa ng pinsala sa bato ko, kaya sobrang sakit ng baywang ko na hindi ako makaupo nang diretso. Araw-araw, napakahirap talagang malampasan ito hanggang sa puwede na akong matulog, at madalas akong ginigising para sa night shift. Makalipas ang dalawang linggo, nagsimula akong mahirapang umihi, namamaga at masakit ang tiyan ko, at masakit din ang baywang ko. Tapos araw-araw, bandang ala-sais o alas siyete ng gabi, tataas ang lagnat ko at mamumula ang mukha ko. Sinuri ako ng isang doktor, na nagsabing mayroon akong bukol sa kaliwang bato na halos isang pulgada ang laki, at ito’y namamaga. Kapag ito’y talagang sumasakit, nagdadasal ako sa Diyos at lumalapit sa Kanya, at kumakanta ng mga himno ng papuri sa Kanya, tapos makakalimutan ko ang sakit.

Minsan, nasa detention house ako sa loob ng 27 na araw, pinagpiyansa nila ako habang nakabinbin ang paglilitis, at akala ko puwede na talaga akong umuwi. Pero sa gulat ko, ang mga pulis sa bayan namin at lokal na opisyal ng gobyerno ay idineretso ako sa brainwashing base para sa 48 na araw ng pagpapaniwala at pagpapabago ng isip, at pagkatapos ay dinala ako sa lokal na istasyon ng pulis para magparehistro. Tinawag ako ng police chief sa kanyang opisina at sinabing, “Piniyansahan ka ngayon, kaya ang kaso mo ay nakabinbin. Sa loob ng isang taon, bawal kang lumabas sa mga hangganan ng siyudad, at kahit na may mga kailangan kang gawin sa kalapit na lugar, kailangan mo pa ring pumunta muna rito para mag-report sa amin at humingi ng permiso, at kailangan mong maging handa na mag-report sa amin kaagad pagkasabi namin.” Nakauwi ako, pero wala akong anumang kalayaan, at may sumusunod sa akin sa tuwing pumupunta ako sa siyudad. Makalipas ang ilang buwang ganito, wala akong napagpilian kundi iwan ang aking bahay para gampanan ang isang tungkulin. Nagpadala ang mga pulis ng isang tao para hanapin ako sa bahay at magtanong tungkol sa katayuan ng aking pagiging relihiyoso, at sinabihan ang pamilya ko na pag ipinagpatuloy ko ang pagsasagawa ng aking pananampalataya, aarestuhin ulit nila ako, at na kailangan kong mag-report sa istasyon ng pulis. Galit na galit ako nang marinig ko ito. At naisip ko, “Siyempre mayroon akong pananampalataya, at hindi lang ’yon, ibabahagi ko rin ang ebanghelyo at magpapatotoo sa kabila ng lahat! Siguradong magpapatuloy ako pasulong sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos.” Salamat sa Diyos!

Talababa:

a. Magbago ng isip: isang Chinese idiom na ang ibig sabihin ay “tumalikod sa masasamang gawi.”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Mga Kayamanan ng Buhay

Wang Jun Lalawigan ng Shandong Sa paglipas ng mga taon mula nang tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, ang...

Dalawampung Araw ng Paghihirap

Ni Ye Lin, TsinaIsang araw noong Disyembre 2002, bandang alas kwatro ng hapon, habang nakatayo ako sa gilid ng isang kalsada at may...

Leave a Reply