Ang Pagbabahaginan ay Dapat Bukas-puso
Sa simula ng 2021, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Aktibo akong dumadalo sa mga pulong at nagbabasa ng salita ng Diyos, at pagkaraan ng mahigit dalawang buwan, nahalal ako bilang diyakono ng pagdidilig. Mayroon kaming pulong ng mga diyakono tuwing Sabado’t Linggo para talakayin ang mga problema at suliranin na nararanasan namin sa aming mga tungkulin at magbahaginan sa aming nakamit, kung anong katiwalian ang inilantad namin, at kung paano namin ito pinagnilayan at naunawaan sa pamamagitan ng salita ng Diyos. Bago ang bawat pulong, labis akong kinakabahan at nag-iisip nang matagal, dahil hindi ko alam kung ano ang sasabihin sa mga lider ng iglesia at iba pang mga diyakono. Nag-aalala ako tungkol sa paglalahad ng aking katiwalian at mga pagkukulang, dahil natatakot akong sasama ang tingin nila sa akin. Halimbawa: Kakasimula ko lang magdilig ng mga baguhan. Wala akong maraming alam, at wala akong karanasan. Nag-aalala ako na hindi ako magugustuhan ng mga baguhan at iisipin nilang hindi ko sila madidiligan nang maayos, kaya ayaw ko na sa tungkuling ito. Pero ayaw kong magtapat tungkol sa kalagayan ko sa pulong ng mga diyakono, dahil nag-aalala ako na kung magtatapat ako, iisipin ng mga kapatid na kulang ako sa abilidad na makipagbahaginan sa mga bagong mananampalataya. Tsaka, wala rin akong pasensya sa ilang baguhan, at ayaw kong sabihin ito, dahil nag-aalala ako na kung sasabihin ko sa kanila, iisipin nilang masama ang pagkatao ko. Pero kung wala akong sasabihin sa pulong, baka isipin nilang mas mahina ang kakayahan ko kaysa sa iba. Ayokong ipahiya ang sarili ko o hamakin nila ako. Matapos pag-isipan ito, sa huli nakapagpasya akong magsabi na lang ng walang katuturan at hindi gaanong kahiya-hiyang bagay, gaya ng tamad ako, na problema ng karamihan sa mga tao. Sa ganoong paraan, hindi ako magmumukhang mas mababa sa iba.
At kaya, sa pulong, tinanong ako ng isang lider ng iglesia tungkol sa mga karanasan ko noong panahong ito, at kung anong kaalaman ang natamo ko tungkol sa aking mga tiwaling disposisyon, at nakipagbahaginan ako ayon sa pinlano ko. Nang matapos ako, nakahinga ako nang maluwag, pero hindi ako napalagay sa kaalamang hindi ko sinabi ang totoo, at na labag sa kalooban ng Diyos ang ginawa ko. Naisip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus, “Datapuwa’t ang magiging pananalita ninyo’y, ‘Oo, oo; Hindi, hindi’: sapagka’t ang humigit pa rito ay buhat sa masama” (Mateo 5:37). “Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, ‘Malibang kayo’y magsipanumbalik, at maging tulad sa maliliit na bata, sa anumang paraan ay hindi kayo magsisipasok sa kaharian ng langit’” (Mateo 18:3). Nang maisip ang sinasabi ng Diyos, labis akong nakonsensya. Ang mga kasinungalingan ay nagmumula kay Satanas, at ito ay masasama. Mahal ng Diyos ang matatapat, at ang mga tapat na tao lamang ang makakapasok sa kaharian ng langit. Ang mga sinungaling at mapagpaimbabaw ay hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang mga ganung tao ay kinasusuklaman ng Diyos, at tiyak na palalayasin sila ng Diyos sa bandang huli. Labis akong nabalisa, at natatakot akong kamuhian ako ng Diyos. Nanalangin ako sa Diyos at hiniling na gabayan Niya ako sa pagiging isang matapat na tao. Napagpasyahan kong sabihin ang totoo sa susunod na pagpupulong at magtapat tungkol sa aking katiwalian. Pero nang dumating ang oras, wala pa rin akong lakas ng loob na sabihin iyon. Nag-alala ako na kung magsalita ako tungkol sa aking katiwalian at mga pagkukulang, iisipin ng mga kapatid ko na mas tiwali ako sa kanila. Parang napakahirap sa’kin na sabihin ang totoo at ginusto ko pang huminto sa pagdalo sa mga pulong ng diyakono sa kadahilanang iyon. Pero nag-alala ako na tatanungin ako ng mga kapatid kung bakit hindi ako pumunta, at tapos hindi ko alam kung anong sasabihin. Habang mas iniisip ‘to, mas lalong nagtalo ang kalooban ko at lalo akong naging miserable. Hindi ko alam ang gagawin. Sa isang pulong, nagbabahaginan ang mga kapatid tungkol sa mga karanasan at kaalaman nila gaya ng dati, at hindi ko talaga alam kung anong sasabihin, kaya tahimik na lang akong nakinig. Dismayado ako sa sarili ko, palagi akong nagkukunwari at nabibigong isagawa ang katotohanan nang paulit-ulit. Ni hindi ako makapagsalita ng isang matapat na salita. Naging miserable ako, kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na akayin ako palabas ng kalagayang ito.
Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng salita ng Diyos, “Dapat ninyong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang inyong mga kamalian, inyong mga kakulangan, inyong mga kasalanan, inyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag ninyong itago ang mga ito. Ang pagkatutong buksan ang inyong sarili ang unang hakbang tungo sa pagpasok sa katotohanan, at ito ang unang sagabal, na siyang pinakamahirap daigin. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at tapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang susuriing mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mapapalagpas mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, hindi ka talaga mapapagod, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (“Yaon Lamang mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Naunawaan ko mula sa salita ng Diyos na hinding-hindi natin dapat pagtakpan ang sarili nating mga tiwaling kalagayan. Dapat nating dalhin ito sa harap ng Diyos at manalangin, magnilay-nilay, subukang unawain ang ating sarili, at buksan ang ating mga puso upang ilantad ang ating katiwalian sa mga kapatid para hanapin ang katotohanan. Makakatulong ito sa’tin na mas maunawaan ang ating sarili at malutas ang ating mga tiwaling disposisyon. Pero para mapanatili ang aking reputasyon, ayaw kong magtapat tungkol sa katiwalian at mga suliranin ko, ni hindi ko ginustong hanapin ang katotohanan kasama ang mga kapatid. Lagi kong isinasara ang puso ko para walang makahalata sa’kin, pero wala akong nahanap na kaginhawahan sa pamumuhay sa dilim. Natanto kong hindi na ako pwedeng magpatuloy nang ganito, at na dapat kong isagawa ang salita ng Diyos, magtapat tungkol sa aking kalagayan sa mga kapatid, at humingi ng kanilang tulong. Pagkatapos lang ng pulong, isang sister ang lumapit sa akin para ikuwento ang kanyang karanasan kamakailan. Naisip kong maganda itong pagkakataon para magtapat at hanapin ang katotohanan, pero medyo nahihiya pa rin ako, dahil hindi ko alam kung ano ang iisipin niya sa’kin. Nag-alala akong baka sabihin niya na isa akong hindi tapat na tao. Kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, ayoko na pong ikubli ang sarili ko. Ayoko nang itago ang totoo kong iniisip. Pagod na pagod na ako. Oh Diyos, gusto kong maging tapat na tao, kaya pakiusap gabayan Mo ako.” Pagkatapos kong magdasal, sinabi ko sa sister ang lahat ng bagay na hindi ako naglakas-loob na ipagtapat sa pulong. Pagkatapos kong magsalita, labis akong naginhawahan. Ibinahagi ng sister sa’kin ang kanyang pagkaunawa, at pinadalhan ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Ang pangunahing katangian ng isang taong mapanlinlang ay na hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso upang magbahagi kaninuman, at hindi siya nagtatapat kahit sa kanyang pinakamatalik na kaibigan. Lubha siyang imposibleng maintindihan. Maaaring hindi naman matanda ang taong iyon, ni hindi siya labis na nakikisali sa mga makamundong bagay, at maaaring wala siyang gaanong karanasan, pero imposible siyang maintindihan. Hindi ba likas na mapanlinlang ang taong ito? Itinatago niya nang husto ang kanyang tunay na pagkatao na walang sinuman ang nakakahalata rito. Ilang salita man ang kanyang sabihin, mahirap matukoy kung alin ang totoo at alin ang hindi, at walang nakakaalam kung kailan siya nagsasabi ng totoo o kailan siya nagsisinungaling. Dagdag pa riyan, sanay na sanay siya sa pagpapanggap at paggamit ng maling argumento. Madalas ay itinatago niya ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng maling impresyon sa mga tao, kaya ang nakikita lang ng mga tao ay ang huwad niyang ipinapakita. Nagpapanggap siya bilang isang taong matayog, mabuti, matuwid, at tapat, bilang isang taong gusto at sinasang-ayunan ng iba, at sa huli, hinahangaan at tinitingala siya ng lahat. Gaano katagal mo man nakakasama ang gayong tao, hindi mo malalaman kailanman kung ano ang kanyang iniisip. Ang kanyang mga pananaw at saloobin sa lahat ng klase ng tao, usapin, at bagay ay nakatago sa kanyang puso. Hindi niya sinasabi ang mga bagay na ito kaninuman kahit kailan. Hindi siya nagbabahagi tungkol sa mga bagay na ito kahit sa taong higit niyang pinagkakatiwalaan. Kapag nagdarasal siya sa Diyos, maaaring ni hindi niya ipinagtatapat ang nilalaman ng kanyang puso o kung ano talaga ang kanyang iniisip. Hindi lang iyan, sinisikap niyang magpanggap bilang isang taong may pagkatao, na napaka-espirituwal at dedikado sa paghahanap sa katotohanan. Walang sinumang nakakakita kung anong klaseng disposisyon ang taglay niya at kung anong klase siyang tao. Ito ang katangian ng isang taong mapanlinlang” (“Hindi Sila Naniniwala na Mayroong Diyos, at Itinatanggi Nila ang Diwa ni Cristo (Unang Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Mula sa salita ng Diyos, napagtanto kong ang mga taong mapanlinlang ay hindi nakikipag-usap sa iba nang mula sa puso, ni hindi sila nagtatapat tungkol sa kanilang tunay na kalagayan sa iba. Sa halip, madalas silang nagtatago at nagkukunwari. Nakita kong tulad ako mismo ng ibinubunyag ng Diyos. Mula nang maging isang diyakono ng pagdidilig, nakita kong marami akong pagkukulang, at marami rin akong inilalantad na tiwaling disposisyon, at wala akong pagmamahal at pasensya para sa mga baguhan. Kailangan kong buksan ang aking puso at humanap ng mga solusyon sa mga problemang ito kasama ang mga kapatid. Pero nag-alala ako na kung sasabihin ko ang totoo, hahamakin nila ako at makikita nilang mas mababa ako, kaya ayaw kong sabihin sa kanila ang totoo kong kalagayan. Iniwasan ko ang mahahalagang bagay at sinabi sa kanila ang mga bagay na walang katuturan, o mga problemang sa tingin ko’y meron ang maraming tao. Ginawa ko ito para itago ang madilim kong pagkatao at ang aking kaloob-loobang iniisip. Para magkaroon ng magandang opinyon ang iba sa akin, nagpanggap ako at nagbigay ng maling impresyon. Nililinlang ko ang mga kapatid. Napakatuso ko at mapagpaimbabaw!
Kalaunan, pinadalhan ako ng sister ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos, “Sa katunayan, alam naman ng lahat ng tao kung bakit sila nagsisinungaling: Para ito sa kapakanan ng kanilang mga interes, karangalan, banidad, at katayuan. At sa pagkukumpara ng kanilang sarili sa iba, pinalalabis nila ang kanilang kakayahan. Bunga nito, nalalantad at nahahalata ng iba ang kanilang mga kasinungalingan, na nagreresulta sa pagkapahiya, pagkawala ng pagkatao, at pagkawala ng dignidad. Ito ang bunga ng napakaraming kasinungalingan. Kapag masyado kang nagsisinungaling, bawat salitang sinasabi mo ay may halong dumi. Lahat ng iyon ay kabulaanan, at walang isa man doon ang maaaring totoo o makatotohanan. Bagama’t maaaring hindi ka napapahiya kapag nagsisinungaling ka, sa loob-loob mo’y nadarama mo nang nakakahiya ka. Madarama mo na inuusig ka ng iyong konsiyensya, at kamumuhian at hahamakin mo ang iyong sarili. ‘Bakit labis na kaawa-awa ang pamumuhay ko? Talaga bang napakahirap magsabi ng isang matapat na bagay? Kailangan ko bang sabihin ang mga kasinungalingang ito para lang sa karangalan? Bakit nakakapagod mamuhay nang ganito?’ Maaari kang mamuhay sa isang paraang hindi nakakapagod. Kung magsasanay kang maging matapat na tao, maaari kang mamuhay nang madali at malaya, ngunit kapag pinipili mong magsinungaling para maprotektahan ang karangalan at banidad mo, masyadong nakakapagod at masakit ang buhay mo, na ibig sabihin ay sinasaktan mo ang sarili mo. Ano ba ang karangalang napapala mo sa pagsasabi ng mga kasinungalingan? Isa itong hungkag na bagay, isang bagay na ganap na walang kabuluhan. Kapag nagsisinungaling ka, ipinagkakanulo mo ang sarili mong pagkatao at dignidad. Ang kapalit ng mga kasinungalingang ito ay ang dignidad ng mga tao, ang kanilang pagkatao, at hindi nalulugod at namumuhi ang Diyos sa mga ito. Sulit ba ang mga iyon? Hindi talaga. … Kung ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan, makakaya mong tiisin ang lahat ng uri ng pagdurusa para isagawa ang katotohanan, at wala kang pakialam kung masira ang iyong reputasyon, katayuan, pagkatao o dignidad. At wala nang ibang makakakuntento sa iyo kaysa sa isagawa ang katotohanan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Para sa mga nagmamahal sa katotohanan, ang pinipili nila ay isagawa ang katotohanan, maging matatapat na tao. Ito ang tamang landas, at pinagpala ng Diyos. Para sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan, ano ang pinipili nilang gawin? Gumagamit sila ng mga kasinungalingan para maprotektahan ang kanilang reputasyon, katayuan, dignidad, at pagkatao. Mas gusto pa ng gayong mga tao na maging mapanlinlang at kamuhian at itakwil ng Diyos. Ayaw nila sa katotohanan o sa Diyos. Ang pinipili nila ay ang sarili nilang reputasyon at katayuan. Gusto nilang maging mapanlinlang na mga tao, at wala silang pakialam kung nagpapalugod ba iyon sa Diyos o kung ililigtas ba sila ng Diyos, kaya maaari pa rin bang iligtas ng Diyos ang gayong mga tao? Siguradong hindi, dahil tinatahak nila ang maling landas. Maaari lang silang mabuhay sa pamamagitan ng pagsisinungaling at pandaraya, at kaya lang nilang mamuhay ng masakit na buhay ng pagsisinungaling at pagtatakip sa mga iyon at pag-iisip nang husto para maipagtanggol ang kanilang sarili araw-araw. Maaaring iniisip mo na mapoprotektahan ng paggamit ng mga kasinungalingan ang iyong hinahangad na reputasyon, katayuan, banidad at karangalan, ngunit malaking pagkakamali ito. Ang mga kasinungalingan ay hindi lamang nabibigong protektahan ang iyong banidad at personal na dignidad, kundi nagiging dahilan din para mapalampas mo ang mga pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging matapat na tao. Kahit na ipagtanggol mo ang iyong reputasyon at banidad sa oras na iyon, ang nawawala sa iyo ay ang katotohanan, at pinagtataksilan mo ang Diyos, na nangangahulugan na lubos na nawawala sa iyo ang pagkakataong mailigtas at magawang perpekto ng Diyos. Ito ang pinakamalaking kawalan at walang-hanggang pagsisisi. Hindi ito malinaw na nakikita ng mga mapanlinlang na tao kahit kailan” (“Sa Pamamagitan Lamang ng Pagiging Matapat Maaaring Makapamuhay na Tulad ng Isang Tunay na Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang salita ng Diyos, pinagnilayan ko ang aking sarili. Para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan at maiwasang maliitin ng iba, bago ang bawat pagpupulong, labis-labis kong pinag-iisipan kung paano magbahagi sa pulong. Kung ipagtatapat ko ang tunay kong kalagayan, natatakot akong magkaroon ng masamang impresyon sa akin ang mga kapatid. Pero kung wala akong sasabihin, nag-aalala rin akong baka isipin ng mga kapatid ko na masama ako at hamakin ako. Desperado kong ginustong takasan ang sitwasyong ito. Nakita ko na para mapanatili ang aking reputasyon at katayuan, labis-labis akong nag-iisip at piniling gawing miserable ang sarili ko kaysa magtapat, maging isang tapat na tao, at sabihin sa mga kapatid ang totoo kong kalagayan at mga suliranin. Sobrang mapanlinlang at sama ko talaga! Napanatili ko man ang aking imahe sa puso ng mga tao sa maikling panahon, nawala naman ang dignidad ko, ang aking pagkakataong maging isang tapat na tao, at ang pagkakataon kong hanapin ang katotohanan. Pagod na pagod ako sa bawat pagpupulong, at wala akong maramdamang kaginhawahan. Ganap akong nakagapos sa aking tiwaling disposisyon. Ang mga kapatid ay dapat kumakain at umiinom ng salita ng Diyos sa mga pulong, at nagbabahaginan ng kanilang karanasan at kaalaman sa salita ng Diyos. Kung meron kaming mga problema o suliranin, maaari naming talakayin ang mga ito at lutasin nang sama-sama, at matuto mula sa mga kalakasan ng bawat isa. Sa ganitong paraan, madaling matamo ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang katotohanan. Pero sa mga pulong, lagi kong iniisip kung ano ang sasabihin para hindi ako hamakin, para magkaroon ng magandang opinyon ang mga tao sa akin. Lahat ng iniisip ko ay nakatuon dito. Napakahirap at nakakapagod na mamuhay sa ganitong paraan.
Kalaunan, nabasa ko ito sa salita ng Diyos, “Nagagawa ba ninyong magtapat at sabihin kung ano talaga ang nasa puso ninyo kapag nakikipagbahaginan kayo sa iba? Kung laging sinasabi ng isang tao kung ano ang tunay na nilalaman ng puso niya, kung hindi siya kailanman nagsisinungaling o nagpapalabis, kung siya’y matapat, at hindi talaga pabaya o walang gana habang gumaganap sa kanyang tungkulin, kung kaya niyang isagawa ang katotohanang nauunawaan niya, may pag-asa ang taong ito na matamo ang katotohanan. Kung laging pinagtatakpan ng isang tao ang kanyang sarili at itinatago ang nilalaman ng kanyang puso para hindi iyon makita nang malinaw ninuman, kung nagbibigay siya ng maling impresyon para linlangin ang iba, siya ay nasa matinding panganib, napakagulo, at sa malao’t madali, mahahalata siya at malalantad. Makikita ninyo sa pang-araw-araw na buhay ng isang tao at sa kanyang mga salita at gawa kung ano ang kanyang mga inaasam. Kung ang taong ito ay laging nagkukunwari, laging mahangin, hindi siya isang taong tumatanggap ng katotohanan, at ibubunyag siya at palalayasin sa malao’t madali. … Ang mga taong hindi nagtatapat kahit kailan, laging may itinatago, laging nagkukunwaring matuwid, laging nagsisikap na pahangain sa kanila ang iba, ayaw ipaalam sa mga tao kung ano talaga ang kanilang iniisip at kung ano ang kanilang tunay na kalagayan at likas na pagkatao—hindi ba hangal ang mga taong ito? Napakahangal ng mga taong ito! Anong landas ang kanilang tinatahak? Ang landas ng mga Pariseo. Nanganganib ba ang mga mapagpaimbabaw o hindi? Sila ang mga taong pinakakinamumuhian ng Diyos, kaya iniisip mo ba na hindi sila nanganganib? Lahat ng Pariseong iyon ay tumatahak sa landas tungo sa kapahamakan!” (“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na nais ng Diyos na tayo ay maging tapat na mga tao, magsalita nang simple at diretso, hindi magsinungaling o manlinlang, at kapag nagbubunyag tayo ng katiwalian, dapat tayong magtapat at magsalita tungkol dito, para makita ng iba ang tunay nating iniisip. Ang pamumuhay sa ganitong paraan ay hindi nakakapagod, at mas madaling pumasok sa katotohanan at lumakad sa landas ng kaligtasan. Pero para sa mga laging nagkukunwari, nagtatago, nagkukubli, at hindi ipinapakita sa iba ang kanilang kalagayan, lumalakad sila sa maling landas, lalo lamang nagiging mapagpaimbabaw, at kaya hindi kailanman magagawang lutasin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ito ang daan patungo sa kapahamakan. Naisip ko ang mga Pariseo dalawang libong taon na ang nakararaan. Sa panlabas, sila ay banal, at ginugol ang kanilang mga araw sa pagpapaliwanag ng kasulatan para sa iba sa mga sinagoga. Sinadya rin nilang tumayo sa mga sangang-daan at nanalangin para isipin ng mga tao na mahal nila ang Diyos. Pero wala silang takot sa Diyos, hindi inuna ang Diyos sa lahat, o sinunod ang mga utos ng Diyos. Nang magpakita at gumawa ang Panginoong Jesus, malinaw nilang alam na ang Kanyang mga salita ay may awtoridad at kapangyarihan, at nagmumula sa Diyos, pero para mapanatili ang kanilang katayuan at kinikita, galit na galit nilang nilabanan at kinondena ang Diyos at sa huli’y ipinako sa krus ang Panginoong Jesus. Nakita ko na ang mga Pariseo ay banal sa anyo, ngunit mapanlinlang at tuso sa diwa. Bihasa sila sa pagkukunwari at panlilinlang. Lahat ng ginawa nila ay para linlangin at kontrolin ang mga tao, at para dayain ang mga tao sa kanilang pagpapahalaga at pagsamba. Ang landas na kanilang tinahak ay ang paglaban sa Diyos. Sa huli, nilabag nila ang disposisyon ng Diyos at isinumpa at pinarusahan ng Diyos. Nagnilay ako sa sarili ko. Para magkaroon ng magandang imahe sa puso ng iba, itinago ko ang aking katiwalian at tinalakay lamang ang pangkaraniwang katiwalian na aking inilantad. Hindi lamang nito pinrotektahan ang aking reputasyon, kundi ipinakita nito sa iba na isa akong simple at tapat na tao. Hindi ba mapanlinlang at masama ako tulad ng mga Pariseo? Natakot ako nito. Hindi ko na kaya ‘to. Kailangan kong maging tapat na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos.
Pagkatapos nun, pinadalhan ako ng sister ng isa pang sipi ng salita ng Diyos. “Bago ang lahat, kung nais mong mahanap ang katotohanan, kung nais mong magkaroon ng maramihang pagbabago sa iba’t ibang aspeto, tulad ng iyong mga maling motibasyon, mga kalagayan at mga timpla ng isip, dapat kang matutong magtapat at makipagbahaginan. … Huwag mong pigilan ang mga bagay-bagay sa pagsasabing ‘Ito ang aking mga motibasyon, ito ang aking mga paghihirap, mayroon akong masamang kalagayan, negatibo ako, ngunit hindi ko pa rin sasabihin kanino man, sasarilinin ko na lang ang lahat ng ito.’ Kung hindi mo kailanman ipinagtatapat ang iyong sariling kalagayan kapag nananalangin ka, magiging mahirap matanggap ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at sa katagalan ay hihinto ka sa pagnanais na manalangin, hihinto ka sa pagnanais na kumain at uminom ng salita ng Diyos, bubulusok nang bubulusok ang kalagayan mo at magiging mahirap nang ibalik sa dati ang mga bagay-bagay. Kaya’t kung anuman ang iyong kalagayan, negatibo ka man o naghihirap, anuman ang iyong mga personal na mga motibasyon o mga plano, anuman ang nabatid mo na o napagtanto sa pamamagitan ng pagsusuri, dapat kang matutong magtapat at makipagbahaginan, at habang nakikipagbahaginan ka, gumagawa ang Banal na Espiritu. At paano gumagawa ang Banal na Espiritu? Binibigyan ka Niya ng kaliwanagan at pinahihintulutan kang makita ang kalubhaan ng suliranin, ipinapaalam Niya sa iyo ang ugat at diwa ng suliranin, pagkatapos ay binibigyan ka ng kaliwanagan upang unti-unting ipaunawa sa iyo ang katotohanan at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, upang maisagawa mo ang katotohanan, at mula roon ay makapasok sa mga realidad ng katotohanan. Ito ang epektong nakakamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Kapag nakapagbabahagi nang hayagan ang isang tao, nangangahulugan itong may tapat siyang saloobin sa katotohanan. Kung tapat ba ang isang tao, at kung isa ba siyang matapat na tao, ay nasusukat batay sa kanyang saloobin sa katotohanan at sa Diyos, pati na rin kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan at sundin ang Diyos. Ito ang pinakamahalaga” (“Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa Ukol sa Pagpapasakop sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos basahin ang salita ng Diyos, nagbahagi ang sister: “Upang maging tapat na tao, kailangan muna nating matutunang buksan ang ating mga puso sa paghahanap at pagbabahaginan. Kung palagi nating itinatago at pinagtatakpan ang ating mga tiwaling kalagayan, at kung ayaw nating manalangin o magtapat sa pagbabahaginan sa iba, magiging mahirap lutasin ang ating mga problema. Halimbawa, kung ang isang tao ay may sakit, maghahanap siya ng doktor o magtatanong sa taong may karanasan. Sa ganoong paraan, mauunawaan niya ang kanyang kalagayan, makakakuha ng tamang gamot, at makokontrol ang sakit sa tamang oras. Pero ang ilang tao ay itinatago ang kanilang kalagayan, kaya dahil sa hindi nagagamot sa tamang oras, lumalala ang kondisyon, o nagiging banta pa sa kanilang buhay. Kung gusto nating lutasin ang ating mga kalagayan at suliranin, kailangan nating magbahagi nang hayagan at maging tapat na tao. Ito ang tamang paraan ng pagsasagawa.” Nakita ko na ang pagiging isang tapat na tao at ang paghahayag ng ating sarili ay napakahalaga. Maiksing panahon pa lamang akong naniniwala sa Diyos at hindi naunawaan ang katotohanan. Kahit na nalaman kong naglantad ako ng isang tiwaling disposisyon, hindi ko ito malutas. Dapat akong magsanay na maging isang tapat na tao, magtapat tungkol sa aking kalagayan, at hanapin ang katotohanan. Sa ganitong paraan ko lamang makakamit ang patnubay ng Diyos, at makakatulong din ito sa paglutas ng aking tiwaling disposisyon. Kakasimula ko lang magdilig ng mga baguhan, kaya normal lang na hindi ko pa nauunawaan ang maraming bagay. Kapag hindi ako nakakaunawa, dapat akong magtapat para maghanap kasama ang mga kapatid. Sa ganoong paraan, makakabisado ko ang mga prinsipyo ng aking tungkulin nang paunti-unti at magagampanan nang maayos ang aking tungkulin. Pagkatapos nun, sinabi ko sa isa pang sister ang tungkol sa kalagayan ko sa panahong ito at ang mga suliranin sa tungkulin ko. Hindi niya ako minaliit, at pinadalhan niya ako ng salita ng Diyos at nagbahagi tungkol sa kanyang karanasan para tulungan ako. Nagbigay-daan ito sa akin para makamit ang kaunting kaalaman sa kalagayan ko at sa katiwaliang inilantad ko, at binigyan ako ng landas ng pagsasagawa. Nakaramdam ako ng labis na kaligayahan at kaginhawahan. Mula noon, sinasadya ko nang maging isang tapat na tao at magtapat tungkol sa kalagayan ko.
Isang gabi, nag-host ako ng pulong ng grupo. Isang lider ng iglesia ang nagsaayos na mag-host kasama ko ang isang lider ng grupo. Mas nauunawaan ng sister na ito ang katotohanan kaysa sa akin. Habang nagpupulong, nakipagbahaginan siya at napakabisang nilutas ang mga problema ng iba, at medyo nainggit ako. Nag-alala ako na baka isipin ng iba na mas mababa ako sa kanya. Pagkatapos ng pulong, tinanong ng lider ng iglesia kung meron ba akong saloobin na gustong ibahagi. Alam kong dapat akong maging tapat na tao, magtapat tungkol sa katiwalian ko, at maghanap ng solusyon. Kaya, sinabi ko sa kanya kung ano ang nabunyag ko sa aking puso tapos pinadalhan niya ako ng salita ng Diyos at sinabi sa’kin ang tungkol sa kanyang karanasan. Natanto kong naiinggit ako sa sister dahil pinahahalagahan ko ang katayuan, may mayabang na disposisyon, at gustong tingalain. Natanto ko rin na para mawala ang inggit ko, kailangan kong mas magdasal sa Diyos, tingnan ang kalikasan at kahihinatnan ng pagkainggit, isaalang-alang ang gawain ng sambahayan ng Diyos at ang aking tungkulin, at unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ito ang naaayon sa kalooban ng Diyos. Kasabay nito, kailangan ko ring harapin nang maayos ang sarili kong mga pagkukulang at kakapusan at matuto pa sa kalakasan ng iba para mapunan ang mga pagkukulang ko. Sa ganoong paraan, mas mauunawaan ko ang katotohanan. Masayang-masaya ako nang mapagtanto ito. Naramdaman ko talaga na kapag nagtatapat ako sa mga kapatid, sa halip na hamakin nila ako, malaki ang naitutulong nila sa’kin.
Matapos itong maranasan, naramdaman ko kung gaano kahalaga ang maging isang tapat na tao. Sa pagiging isang tapat na tao lamang at paghahayag nang tapat natin matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at mauunawaan ang katotohanan. Nakikita ko rin na ang pagiging matapat na tao ay makapagbibigay sa atin ng ginhawa at kalayaan, hinahayaan tayong mamuhay bilang mga tao. Salamat sa Diyos!
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.