Napakasakit Maging Mapagpaimbabaw

Enero 26, 2022

Ni Su Wan, Tsina

Noong Agosto 2020, natanggal ako dahil iniraraos ko lang ang tungkulin ko nang hindi gumagawa ng anumang totoong gawain. Pagkatapos noon, nakonsensya ako at napuno ng panghihinayang, at gusto kong magsisi at maayos na gawin ang tungkulin ko sa hinaharap.

Kalaunan, itinalaga akong gumawa ng mga video kasama ang ilan pang sister. Isang araw, nakausap ko si Sister Yang Fan tungkol sa ilan kong napagnilayan at naunawaan pagkatapos kong matanggal. Labis siyang naantig ng sinabi ko at magmula noon, napansin kong nagbago na ang pag-uugali niya sa akin. Kapag nagsasalita ako tungkol sa mga karanasan ko sa mga pagtitipon, talagang nakikinig siya nang mabuti at patuloy na tumatango-tango, at kadalasan ay sumasasang-ayon siya sa aking mga opinyon. Tila naging mas mapagmalasakit din siya sa akin sa araw-araw. Naisip ko: “Mukhang tinitingala niya ako. Nagkwento ako tungkol sa natutuhan ko at nagpahayag ako ng taos-pusong pagsisisi, kaya dapat ko iyong isagawa. Ano ang iisipin niya kung wala siyang makitang anumang pagbabago sa akin? Iisipin ba niyang puro salita lang ako at na hindi ko isinasagawa ang katotohanan? Mawawala ba ang magandang pagtingin niya sa akin?” Nang maisip ko ito, medyo nabalisa at nag-alala ako, at ayoko nang basta na lang gawin nang maayos ang tungkulin ko. Minsan matagal akong nakaupo at gumagawa ng mga video, at sumasakit ang likod ko. Nais kong medyo magpahinga, pero natatakot akong iisipin ng mga sister ko na nagpapabaya ako. Naisip ko: “Sinabi kong maayos kong gagawin ang tungkulin ko at hindi na ako magpapabaya, kailangan kong ipakita sa kanila na isinasagawa ko ang mga sinabi ko.” Kaya hindi ako nangangahas na magpahinga kapag pagod na ako, sa takot na iisipin nila na sinusunod ko ang mga pangangailangan ng laman ko at na hindi ako nagdadala ng anumang pasanin para sa tungkulin ko. Hindi ako nangangahas matulog nang maaga kapag inaantok ako. Kahit pa natapos ko na ang gawain ko, pipilitin ko ang sarili ko na magpatuloy at hindi ko papatayin ang computer ko hanggang alas-onse y media o alas-dose ng gabi. Minsan, nagpupuyat ako at hindi halos makabangon sa umaga, pero makikita kong maagang bumabangon ang mga sister ko, at hindi ako nangangahas na matulog pa, sa takot na mabigyan ko sila ng hindi magandang impresyon sa akin. Minsan, nakita kong may dalawang video na gagawin si Yang Fan, pero wala sa plano ko na tulungan siya kasi mahirap ang mga ito, at ayokong mag-abalang gawin iyon. Pero naisip ko na wala naman akong anumang sariling proyekto, kaya kung hindi ako mag-aalok ng tulong, tiyak na iisipin niyang puro salita lang ako, at nagsasabi lang ako ng mga salita at doktrina nang hindi hinahangad ang katotohanan. Kaya tinulungan ko si Yang Fan sa mga video.

Noong panahong iyon, bagamat tila iginugugol ko ang sarili ko sa aking tungkulin, alam ko sa puso ko na ang lahat ng iyon ay para maprotektahan ang imahe at katayuan ko. Labis akong hindi mapakali dahil dito at gusto kong magtapat sa aking mga sister tungkol sa aking kalagayan, pero natatakot akong malaman nila na may mga lihim akong motibo noong buong panahong iyon, at iisipin nilang hindi pa talaga ako nakapagsisisi at na hindi ko isinagawa ang katotohanan. Malamang na isang mapanlinlang na mapagpaimbabaw ang magiging tingin nila sa akin at hindi pa nila paniniwalaan ang lahat ng sinabi kong natutuhan ko pagkatapos kong matanggal. Nag-atubili akong magtapat sa lahat dahil sa mga kaisipang ito. Sa mga pagtitipon, nagsasalita lang ako tungkol sa mga katiwalian na madalas ibinubunyag ng lahat, pati na ang ilang positibong kaalaman na batay sa karanasan, habang patuloy na itinatago sa kaibuturan ko ang mga iniisip ko. Dahil nagbabahagi ako tungkol lang sa mga positibong karanasan, lalo pa akong tiningala ng aking mga sister, at sa isang pagtitipon, pinuri ako ni Yang Fan dahil nagawa kong isagawa ang katotohanan at napakalinaw kong magbahagi tungkol sa katotohanan. Kalaunan, narinig kong sinabi ng dalawang iba pang kapatid na hinahangad ko ang katotohanan, na tahasan akong nagtapat tungkol sa katiwalian ko, at na napakaaktibo ko sa tungkulin ko. Medyo nasiyahan ako, pero higit pa roon, nakaramdam ako ng kahihiyan at pagkabalisa, dahil alam kong ang sinasabi nila ay hindi man lang malapit sa realidad. Hindi ako deretsahan ni paano man, hindi pa ako kailanman nagtapat tungkol sa katiwalian na nasa kalooban ko at may iba pang mga motibo sa likod ng sigasig ko sa aking tungkulin. Naisip ko: “Sobrang sama nito. Ang lahat ay nalinlang sa palabas ko—ano’ng dapat kong gawin?” Talagang nakonsensya ako at gusto kong magtapat sa aking mga sister, na itigil na ang panloloko sa kanila, pero kapag ginawa ko iyon, malalaman nila iyong mga kaisipan at motibo ko, at iisipin nilang isa akong mapanlinlang na tao. Masisira ang magandang imahe ko at wala nang titingala sa akin. Nang maisip ko ito, nawalan ako ng lakas ng loob na magtapat sa iba.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Alam ba ninyo kung ano talaga ang isang Pariseo? Mayroon bang mga Pariseo sa paligid ninyo? Bakit tinatawag na ‘mga Pariseo’ ang mga taong ito? Paano inilalarawan ang mga Pariseo? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa. Anong pagpapanggap ang ginagawa nila? Nagkukunwari silang mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Hinding-hindi. Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Saan nakatago ang tunay nilang mukha? Nakatago ito sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi makikita ng iba kahit kailan. Ang lahat ng nakikita ay isang palabas, lahat ng ito ay hindi totoo, ngunit maaari lamang nilang maloko ang mga tao; hindi nila maloloko ang Diyos. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi nila tunay na mauunawaan ang katotohanan, at kaya gaano man kabulaklak ang kanilang mga salita, ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanang realidad, kundi mga salita at doktrina. Ang ilang tao ay nakatuon lamang sa pag-uulit ng mga salita at doktrina, ginagaya nila ang sinumang nangangaral ng pinakamatataas na mga sermon, na ang resulta ay sa loob lamang ng ilang taon, ang kanilang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay lalo pang humuhusay, at hinahangaan at iginagalang sila ng maraming tao, pagkatapos nito ay nagsisimula silang ikubli ang kanilang sarili, at labis na binibigyang-pansin ang sinasabi at ginagawa nila, ipinapakita ang kanilang sarili bilang mga katangi-tanging banal at espirituwal. Ginagamit nila ang mga tinaguriang espirituwal na teoryang ito para ikubli ang kanilang sarili. Ang mga ito lamang ang tinatalakay nila saanman sila magtungo, paimbabaw na mga bagay na akma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit walang alinman sa katotohanang realidad. At sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na ito—mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng mga tao—marami silang taong nililihis. Para sa iba, ang mga ganoong tao ay tila napakataimtim at mapagpakumbaba, pero hindi talaga ito totoo; tila mapagparaya, matiisin, at mapagmahal sila, pero pagkukunwari talaga ito; sinasabi nilang mahal nila ang Diyos, ngunit ang totoo ay palabas lamang ito. Iniisip ng iba na ang mga ganoong tao ay banal, pero huwad talaga ito. Saan matatagpuan ang isang taong tunay na banal? Ang kabanalan ng tao ay pawang huwad. Palabas lang ang lahat, isang pagpapanggap. Sa tingin, mukha siyang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang siya para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi siya matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa niya ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos at tinalikuran na niya ang kanyang pamilya at propesyon. Pero ano ang ginagawa niya nang palihim? Nagsasagawa siya ng sarili niyang gawain at nagpapatakbo ng sarili niyang operasyon sa iglesia, kumikita mula sa iglesia at palihim na nagnanakaw ng mga handog sa pagkukunwaring gumagawa para sa Diyos…. Ang mga taong ito ang makabagong-panahong mga mapagpaimbabaw na Pariseo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Habang pinagninilayan ko ang salita ng Diyos, naalala ko kung paanong ang mga Pariseo ay mukhang napakarelihiyoso, mapagpakumbaba, at mapagmahal. Palagi silang nagdarasal habang nakatayo sa mga kalye at ipinapaliwanag ang kasulatan sa mga sinagoga, pero hindi nila tunay na sinusunod ang mga salita ng Diyos. Kumikilos sila na para bang mababait sila para makapagbalatkayo sila at makapagpanggap. Gumamit sila ng ilang pamamaraan at panloloko para linlangin ang mga tao at bigyan sila ng huwad na impresyon, nang sa gayon ay titingalain at hahangaan sila. Kung ihahambing ang sarili kong mga pag-uugali, hindi ba’t kasingmapagpaimbabaw lang ako ng mga Pariseong iyon? Para magawa ang aking mga sister na isiping tunay na akong nagsisi, na hindi lang ako puro salita, at para mapangalagaan ang maganda kong imahe, palagi akong nagpapanggap para maitago at maipagbalatkayo ko ang tunay kong sarili. Hindi ako naglakas-loob na magpahinga kapag napagod ako ng aking tungkulin o matulog kapag pagod na ako sa gabi, at pinipilit ko ang sarili ko na bumangon nang hindi pa sapat na nakapagpapahinga. Malinaw na ayokong tulungan si Yang Fan sa mga video, pero gusto kong maging mataas ang tingin niya sa akin, kaya mabigat sa loob ko siyang tinulungan. Pero sa realidad, wala akong tapat na pasanin para sa tungkuling ito. Sa panlabas, nagkunwari akong aktibo at nagkukusa, at kahit na alam na alam kong mali ang mga layunin ko sa aking tungkulin, na dinadaya ko ang iba, at na dapat akong magtapat sa kanila, itinago ko ang lahat ng kasuklam-suklam na motibong iyon at wala akong sinumang sinabihan tungkol sa mga ito para mapangalagaan ang aking imahe. Dahil dito, medyo hinangaan ako ng aking mga sister. Hindi ko ba ito pagiging mapanlinlang at madaya? Talagang mapanlinlang ako at nasa parehong landas ako ng mga mapagkunwaring Pariseo. Palagi akong nagpapanggap. Hindi lang nakapapagod ang mamuhay nang ganito, nakokonsensya ako dahil dito, at nakasusuklam at nakaririmarim ito sa Diyos. Matapos kong mapagtanto kung gaano kalubha ang problemang ito, nag-ipon ako ng lakas ng loob sa isang pagtitipon para ipagtapat sa aking mga sister kung ano ang mga motibong nasa likod ng mga ikinilos ko noong panahong iyon at kung paano naipamalas ang pagpapaimbabaw ko. Gumaan nang todo ang pakiramdam ko pagkatapos noon, at bumuti ang kalagayan ko. Pero naramdaman ko rin na magiging mahirap talaga para sa akin na itama ang mga layuning kinikimkim ko sa likod ng aking tungkulin, kaya lumapit ako sa harap ng Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanyang gabayan ako para malutas ko ang problemang ito at magawa ang tungkulin ko nang may dalisay at tapat na puso.

Pagkatapos, isang araw, nabasa ko ang ilang salita ng Diyos: “Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi tapat—kung hindi ka isang tapat na tao—kung gayon hindi ka makakamit ng Diyos. Hindi mo rin makakamit ang katotohanan, at hindi rin makakayang makamit ang Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Talagang masakit na mabasa ito. Ako ay napakamapanlinlang, punong-puno ng tusong kaisipan ang aking isip, hindi ng kung paano isagawa ang katotohanan at maayos na gampanan ang aking tungkulin, kundi kung paano magkamit ng paghanga, at kung paano gumawa ng mabuting impresyon sa iba. Walang tigil pa nga ako sa pag-aalala at pagkalkula kung kailan ako matutulog. Gusto ng Diyos ang mga simple at tapat na tao, at tanging mga tapat na tao lang ang pwedeng magkamit ng Kanyang pagsang-ayon at karapat-dapat sa Kanyang pagliligtas. Pero ang motibo ko ay palaging mapanlinlang. Gaano kaayos ko man iyon pagtakpan, o kahit pa makuha ko ang paghanga at mataas na pagtingin ng lahat, hindi ako ililigtas ng Diyos. Sa huli, kasusuklaman at isusumpa ako ng Diyos tulad ng mga mapagpaimbabaw na Pariseong iyon. Nang maisip ko ito, dismayadong-dismayado ako sa sarili ko. Sa buong panahong iyon ng pananampalataya, hindi ako pumasok sa katotohanang realidad na kasinghalaga ng katapatan, at naging mapanlinlang lang ako gaya ng dati. Nakita kong malayung-malayo ako sa kung ano ang hinihingi ng Diyos.

Nabasa ko rin ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay, dapat mong ilantad ang lahat sa Diyos at dapat kang maging bukas—ito ang tanging kondisyon at kalagayan na dapat panatilihin sa harap ng Diyos. Kahit kapag hindi ka nagtatapat, lantad ka sa harap ng Diyos. Mula sa perpektiba ng Diyos, alam Niya ang mga katunayan, ipinagtatapat mo man ang tungkol dito o hindi. Hindi ba’t napakahangal mo kung hindi mo iyon makita? Kaya paano ka magiging isang matalinong tao? Sa pamamagitan ng pagbubukas ng iyong sarili sa Diyos. Alam mong sinisiyasat at alam ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya huwag mong isiping matalino ka, at isiping maaaring hindi Niya alam; dahil tiyak na lihim na pinagmamasdan ng Diyos ang puso ng mga tao, ang matatalinong tao ay dapat na maging mas bukas, mas dalisay, at maging matapat—iyan ang matalinong bagay na gawin(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi)). Tama iyon. Nakikita ng Diyos ang ating puso’t isipan, kaya alam Niya ang aking mga motibo at kung anong klaseng tao talaga ako. Gaano ko man itago ang katiwalian ko mula sa lahat, malalaman ng Diyos ang lahat ng ito. Nananalig ako sa Diyos pero hindi ko matanggap ang Kanyang pagsusuri. Upang makuha ang paghanga at papuri ng iba, nagpanggap akong isang taong naghahangad sa katotohanan at tunay nang nagsisi. Pinahirapan ko ang sarili ko hanggang sa puntong pagod na ako, napakahangal at kaawa-awa ako! Sa realidad, basta’t hindi tayo nagiging tuso o nagpapalayaw sa laman, normal lang na mangailangan ng pahinga kapag tayo ay pagod o inaantok, pero tinanggihan ko pa ang mga batas na ito ng paggawa at pagpapahinga ng mga tao. Lahat ng ginawa ko ay para lang magawa ang mga tao na tingalain ako. Nakakapagod nang husto ang mabuhay nang ganito. Sinasabi ng Diyos na kailangang matuto ang matatalinong tao na maging bukas ang puso, na tanggapin ang pagsusuri ng Diyos at maging simple at tapat. Tanging sa pamumuhay nang ganito mo lang mapalalaya ang iyong sarili. Nang malaman ko ito, ayoko nang magpanggap pa. Pagkatapos noon, nagpapahinga ako kapag pagod na ako sa tungkulin ko, at sa gabi, natutulog ako pagkatapos ng trabaho kapag inaantok na ako. Sa mga pagtitipon, nagtatapat ako at nagbabahagi tungkol sa tunay kong kalagayan, at maagap kong tinutupad ang mga responsibilidad ko sa aking tungkulin. Kapag mahirap ang mga bagay-bagay, sinasabi ko sa sarili ko na tungkulin ko ito at na hindi ko ito ginagawa para makita ng sinumang iba pa. Sa tuwing natutukso akong magpanggap, iniisip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Yaong mga may kakayahang isagawa ang katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa mga bagay na kanilang ginagawa. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, maitutuwid ang puso mo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Tinutulungan ako ng mga salitang ito ng Diyos na mas maging dalisay at handang tumanggap ng pagsisiyasat ng Diyos.

Kalaunan, tinuturuan ko si Yang Fan ng isang bagong kasanayan. Noong una, nagawa kong maging pasensyosa sa kanya, pero noong nakita kong mabagal siyang matuto at maraming ginagawang pagkakamali, nagsimula akong mainis at hamakin at maliitin siya. Natakot akong baka sabihin niyang hindi ako mapagmahal, kaya pinigilan ko ang init ng ulo ko at nagpatuloy ako sa pagtuturo. Alam kong umiinit na ang ulo ko, pero hindi ako masyadong nagtapat tungkol sa tunay kong nararamdaman sa mga pagtitipon, dahil nag-aalala akong kapag may sinabi ako ay iisipin ng aking mga sister na kulang ako sa pagmamahal at pasensya, at sisirain nito ang imahe ko. Dagdag pa rito, kapag nakikita kong nagpapakita ng katiwalian o nagiging negatibo at mahina ang aking mga sister, medyo hinahamak ko sila at ayoko silang pansinin, kahit na nagpapanggap akong mapagmalasakit at maunawain. Wala sa plano ko na ibahagi ang lahat ng iyon sa takot na sabihin nilang hindi ako maawain at mahirap akong pakisamahan.

Isang araw noong Nobyembre, isinaayos ng isang lider na gumanap ako ng tungkulin sa ibang lugar. Sinabi ng mga sister ko na malungkot silang makita akong umalis. Sinabi ni Sister Li Zhi kung gaano nakapagpapatibay at nakatutulong sa kanya ang pagbabahagi ko tungkol sa katotohanan, na patas ako sa iba at hindi kailanman nanghamak ng mga tao, at na ang mga nakakaunawa at naghahanap sa katotohanan ay malugod na tatanggapin kahit saan. Medyo naasiwa akong marinig ang ganoon kataas na papuri mula sa kanya. Sinabi ko sa kanyang huwag purihin o sambahin ang iba, na hindi ito mabuti para sa kanila. Bagamat hindi ako direktang pinupuri ni Yang Fan, naririnig ko sa boses niya na kapareho ng kay Li Zhi ang pagtingin niya sa akin. Pakiramdam ko’y may nakadagan sa puso ko. Napaisip ako kung nailigaw ko ba sila at kung may problema ako. Pero kung titingnan ito sa ibang anggulo, kahit na mayroon akong tiwaling disposisyon, binigyang-pansin ko na pagnilayan ang sarili ko, at kapag nakakatagpo ako ng mga problema, hinahanap ko ang katotohanan para malutas ang mga iyon. Baka nga mas magaling ako sa kanila, kaya mataas ang tingin nila sa akin. Nang maisip ko iyon, inalis ko ang mga alalahaning iyon sa isip ko at hindi ko na ulit ito inisip.

Kalaunan, nakakita ako ng isang video ng patotoo, Ang Pagsisisi ng Isang Mapagpaimbabaw, kung saan ang isang sister ay nagsalita tungkol sa kung paano siya nagbahagi ng mga positibong karanasan lamang sa kanyang pagbabahagi sa mga pagtitipon, at kung paanong ang iba ay humangang lahat sa kanya. Natanggal siya sa kanyang posisyon, pero noong panahon na para maghalal ng isa pang tao para pumalit, nagkakaisa pa rin siyang ibinoto ng mga kapatid para mamahala, dahil pakiramdam nila’y hindi sila makakagawa nang wala siya. Labis nila siyang nirespeto at tiningala na halos itinuring na siya na parang Diyos ng ilan sa kanila. Talagang nahimasmasan ako rito: Isa itong malubhang problema. Naisip ko kung paanong labis akong hinahangaan at pinupuri ng iba nitong mga nakaraang araw at naisip ko na baka katulad ako ng sister na iyon, na laging nagsasalita tungkol sa positibong pagpasok, at na baka kailangan kong magnilay-nilay. Tapos nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga anticristo ay partikular na sanay magpanggap kapag kasama ng ibang tao. Katulad ng mga Pariseo, sa panlabas ay mukha silang napakamatiisin sa mga tao at mapagpasensiya, mapagpakumbaba at mabait—tila masyado silang maluwag at matiisin sa lahat ng tao. Kapag humaharap sa mga problema, lagi nilang ipinapakita kung gaano sila kamatiisin sa mga tao mula sa katayuan nila, at sa bawat aspekto, mukha silang may magandang kalooban at may malawak na pag-iisip, hindi naghahanap ng mali sa iba, at nagpapakita sa mga tao kung gaano sila karangal at kabait. Sa katunayan, may ganito ba talagang taglay na mga diwa ang mga anticristo? Kumikilos sila para sa ikakabuti ng iba, matiisin sila sa mga tao, at kaya nilang tumulong sa mga tao sa lahat ng sitwasyon, ngunit ano ang nakatago nilang motibo sa paggawa ng mga bagay na ito? Gagawin pa rin ba nila ang mga bagay ito kung hindi nila sinusubukang makuha ang loob at ang pabor ng mga tao? Ganito ba talaga ang mga anticristo kapag walang nakakakita? Ganito ba talaga sila kapag kasama ng ibang tao—mapagpakumbaba at mapagpasensiya, matiisin sa iba, at tumutulong sa iba nang may pagmamahal? Nagtataglay ba sila ng ganitong diwa at disposisyon? Ganito ba ang karakter nila? Talagang hindi. Pagpapanggap ang lahat ng ginagawa nila at ginagawa ang mga ito upang ilihis ang mga tao at makuha ang pabor ng mga tao, nang sa gayon ay mas marami pang tao ang magkaroon ng magandang impresyon sa mga anticristo sa puso nila, at nang sa gayon ay sila ang unang iisipin at hihingan ng tulong ng mga tao kapag may problema. Para makamit ang pakay na ito, sadyang nagpapakana ang mga anticristo para magpakitang-gilas sa harap ng iba, para magsabi at gumawa ng mga tamang bagay. Bago sila magsalita, walang nakakaalam kung ilang beses nilang sinasala o pinoproseso ang mga salita nila sa kanilang isipan. Sadya silang magpapakana at pipigain nila ang kanilang utak, pag-iisipan ang kanilang salita, ekspresyon, tono, boses, at maging ang tingin na ipinupukol nila sa mga tao at ang tono ng kanilang pagsasalita. Pag-iisipan nila kung sino ang kausap nila, kung matanda ba o bata ang taong iyon, kung mas mataas ba o mas mababa ang katayuan ng taong iyon kaysa sa kanila, kung iginagalang ba sila ng taong iyon, kung lihim bang may sama ng loob sa kanila ang taong iyon, kung ang personalidad ba ng taong iyon ay katugma ng sa kanila, kung ano ang tungkuling ginagawa ng taong iyon, at kung ano ang posisyon nito sa iglesia at sa puso ng mga kapatid nito. Maingat nilang oobserbahan at masigasig na pag-iisipan ang mga bagay na ito, at kapag napag-isipan na nila ang mga ito, nakakaisip sila ng mga paraan kung paano lapitan ang iba’t ibang uri ng tao. Anuman ang paraan ng pagtrato ng mga anticristo sa iba’t ibang uri ng tao, ang tanging pakay nila ay ang mahimok ang mga tao na igalang sila, na hindi na sila ituring bilang mga kapantay, bagkus ay tingalain sila, para mas maraming tao ang humanga at tumingala sa kanila kapag nagsasalita sila, tangkilikin at sundin sila kapag may ginagawa sila, at patawarin at ipagtanggol sila kapag nagkamali sila, at mahimok ang mas maraming tao na makipaglaban para sa kanila, magreklamo nang matindi para sa kanila, at manindigan para makipagtalo sa Diyos at kontrahin Siya kapag sila ay ibinunyag at itinakwil. Kapag nawawalan sila ng kapangyarihan, nagagawa nilang magkaroon ng napakaraming tao na tutulong, magpapahayag ng suporta, magtatanggol sa kanila, na nagpapakita na ang katayuan at kapangyarihan na sadyang binalak na palaguin ng mga anticristo sa iglesia ay malalim nang nag-ugat sa puso ng mga tao, at na hindi nasayang ang kanilang ‘puspusang pagsisikap’(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikasampung Bahagi)). Sa pamamagitan ng paghahayag ng Diyos tungkol sa mga anticristo, natutunan ko na nagpapanggap silang mapagpakumbaba, matiyaga, at mapagmahal para makamit ang mataas na pagtingin at paghanga ng iba, at ganito inililigaw ng mga anticristo ang iba at nakukuha ang loob ng mga ito. Umaasta ako na tulad ng isang anticristo. Noong sinasanay ko si Yang Fan, kahit na naubos na ang pasensya ko, nagpapanggap pa rin akong pasensyosa para makamit ang paghanga ng iba. Nang makita kong naghahayag ng katiwalian ang mga sister ko, sa loob ko ay minaliit ko sila at ayoko silang pansinin, pero nagpanggap pa rin ako na nagmamalasakit at nakauunawa, at kailanman ay hindi talaga ako nagtapat sa kahit kanino sa kanila, sa takot na masisira nito ang magandang imahe nila sa akin. Binulag at nilinlang ko sila para lagi nila akong pupurihin at hahangaan. Nakita kong mapanlinlang talaga ako.

Nagsimula kong pag-isipan kung bakit hindi ko mapigilan ang pagpapanggap. Anong disposisyon ito? Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang panlilinlang ay kadalasang nakikita sa panlabas: May isang taong nagpapaligoy-ligoy o gumagamit ng mabulaklak na pananalita, at walang nakakabasa ng kanyang iniisip. Iyon ay panlilinlang. Ano ang pangunahing katangian ng kabuktutan? Ito ay na sadyang masarap sa pandinig ang kanyang mga salita, at ang lahat ng bagay ay parang tama sa panlabas. Mukhang walang anumang problema, at mukhang maayos ang mga bagay sa bawat anggulo. Kapag may ginagawa siya, hindi mo siya makikitang gumagamit ng anumang partikular na diskarte, at sa panlabas, walang anumang tanda ng mga kahinaan o kapintasan, pero naisasakatuparan niya ang kanyang mithiin. Ginagawa niya ang mga bagay sa isang masyadong malihim na paraan. Ganito inililihis ng mga anticristo ang mga tao. Ang ganitong mga tao at bagay ang pinakamahirap kilatisin. May ilang tao na madalas na nagsasabi ng mga tamang bagay, gumagamit ng mga magagandang palusot, at gumagamit ng mga partikular na doktrina, kasabihan, o kilos na umaayon sa pagkagiliw ng tao upang manlinlang ng mga tao. Nagkukunwari silang gumagawa ng isang bagay habang gumagawa ng iba pa upang maisakatuparan ang kanilang lihim na layunin. Ito ay kabuktutan, pero itinuturing ng karamihan ng mga tao ang mga pag-uugaling ito bilang mapanlinlang. Ang mga tao ay mayroong medyo limitadong pang-unawa at paghimay sa kabuktutan. Ang totoo, mas mahirap kilatisin ang kabuktutan kaysa sa panlilinlang dahil mas palihim ito, at mas sopistikado ang mga paraan at kilos nito. Kung ang isang tao ay may isang mapanlinlang na disposisyon, kadalasan, nahahalata ng iba ang kanyang panlilinlang sa loob ng dalawa o tatlong araw ng pakikisalamuha sa kanya, o nakikita nila ang pagbubunyag ng kanyang mapanlinlang na disposisyon sa kanyang mga kilos at salita. Gayunpaman, ipagpalagay nating buktot ang taong iyon: Hindi ito isang bagay na makikilatis sa loob lang ng ilang araw, dahil kung walang anumang mahalagang pangyayari o espesyal na sitwasyong magaganap sa isang maikling panahon, hindi madaling makakilatis ng anumang bagay mula lang sa pakikinig sa kanyang magsalita. Palaging tama ang mga sinasabi at ginagawa niya, at naglalahad siya ng sunud-sunod na tamang doktrina. Pagkalipas ng ilang araw ng pakikisalamuha sa kanya, puwede mong isipin na ang taong ito ay medyo magaling, nagagawang tumalikod sa mga bagay-bagay at gumugol ng kanyang sarili, may espirituwal na pang-unawa, may mapagmahal-sa-Diyos na puso, at parehong may konsensiya at katwiran sa paraan ng kanyang pagkilos. Pero pagkatapos niyang mangasiwa ng ilang usapin, makikita mong ang kanyang pananalita at mga kilos ay nahahaluan ng napakaraming bagay, ng napakaraming mala-diyablong layunin. Napapagtanto mong ang taong ito ay hindi matapat kundi mapanlinlang—isang buktot na bagay. Madalas siyang gumagamit ng mga tamang salita at magagandang parirala na naaayon sa katotohanan at nagtataglay ng pagkagiliw ng tao upang makisalamuha sa mga tao. Sa isang banda, itinatatag niya ang kanyang sarili, at sa isa pa, inililihis niya ang iba, nagkakamit ng katanyagan at katayuan sa mga tao. Ang ganoong mga indibidwal ay labis na mapanlihis, at sa sandaling magkamit sila ng kapangyarihan at katayuan, kaya na nilang manlihis at maminsala ng maraming tao. Lubhang mapanganib ang mga taong may mga buktot na disposisyon(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililihis, Inaakit, Tinatakot, at Kinokontrol Nila ang mga Tao). Matapos kong mabasa ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na sa likod ng pagpapanggap na ito, kinokontrol ako ng isang buktot na disposisyon, na mas mahirap makita kaysa sa isang mapanlinlang na disposisyon. Sinusubukan ng mga taong may mga buktot na disposisyon na gawin ang mga bagay na mukhang mabuti at tila umaayon sa katotohanan upang iligaw ang mga tao at makuha ang loob nila para sa mga pansarili nilang natatagong motibo, at hindi namamalayan ng mga tao na nalilihis sila nito. Ganoon ako mismo. Alam kong gusto ng aking mga kapatid ang mga taong naghahangad sa katotohanan at mapagmahal, na ang mga taong ito ay iginagalang at hinahangaan sa iglesia, kaya nagkunwari ako na ganoong klase ng tao. Mukhang handa akong magdusa, magbayad ng halaga, aktibong gawin ang aking tungkulin, at maging mapagmahal sa iba, at umasta ako sa panlabas na para bang kumikilos ako nang naaayon sa katotohanan. Pero ang pakay ko ay hindi ang isagawa ang katotohanan, ito ay ang hangaan ng iba at makuha ang kanilang loob. Talagang buktot ako at kasuklam-suklam. Kung hindi dahil sa paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos, iisipin ko na sa pagbabalatkayo ay medyo nagiging mapanlinlang lamang ako, hindi na pinangingibabawan na ako ng isang buktot na disposisyon o na ang panlilinlang sa mga tao at pagkuha ng loob nila nang ganoon ay nangangahulugang tumatahak ako ng landas na laban sa Diyos. Tayo ay mga nilikha ng Diyos at ang Diyos lamang ang karapat-dapat sambahin, pero napakalalim akong nagawang tiwali ni Satanas, pero lagi kong gustong magkaroon ng mataas na posisyon sa mga kapatid ko at hangaan at sambahin ako. Hindi ba’t umaasta ako na mismong tulad ng arkanghel. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi palalampasin ang paglabag ng tao, kaya kung hindi ako magsisisi, sa huli ay isusumpa at kamumuhian ako ng Diyos tulad ng mga Pariseo. Natakot ako rito. Alam kong magiging napakatindi ng mga kahihinatnan kung patuloy akong magiging ganoon. Nagpasya akong maghimagsik laban sa laman at maging isang simple at tapat na tao.

Pagkatapos noon, nagsumikap akong maghimagsik laban sa sarili ko, at nagsimula akong magtapat sa iba. Minsan, hindi ako masyadong nag-ingat habang gumagawa ng isang video, na nangahulugang nagkaroon ng maraming problema rito at nagdulot ng malaking pagkaantala sa aming gawain ang pag-ulit dito. Nang sabihin sa akin ng isang sister na naging iresponsable ako at hindi maaasahan, nadismaya ako, tumutol, at gusto kong makipagtalo sa kanya. Sa isang pagtitipon kalaunan, isang lider ang nangamusta sa kalagayan ko, at naisip ko: “Kung ibabahagi ko talaga ang lahat, baka isipin ng mga kapatid na hindi ko kayang tanggapin ang katotohanan, na patuloy ko lang na dinedepensahan ang sarili ko. Kung gayon, ano na lang ang iisipin ng iba sa akin? Mas makabubuting hindi na lang ako magsalita.” Tapos malinaw kong nakita na iniisip ko na namang magpanggap, kaya nagdasal ako, at isang sipi ng mga salita ng Diyos ang pumasok sa isip ko. Sabi ng Diyos: “Sa tuwing natatapos mong gawin ang isang bagay, kahit pa sa palagay mo ay nagawa mo iyon nang tama, maaaring hindi naman talaga ito naaayon sa katotohanan. Kailangan din itong mahimay, at kailangang maihambing, makumpirma, at makilatis alinsunod sa mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, magiging malinaw kung tama man ito o mali. Bukod dito, kailangan ding mahimay ang mga bagay na sa palagay mo ay nagawa mo nang mali. Hinihingi nito sa mga kapatid na gumugol ng mas maraming panahon nang magkakasama sa pagbabahaginan, paghahanap, at pagtutulungan. Habang mas nagbabahaginan kayo, lalong sisigla ang inyong puso, at lalo ninyong mauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang pagpapala ng Diyos. Kung wala sa inyong magbubukas ng inyong puso, at pagtatakpan ninyong lahat ang inyong mga sarili, sa pag-asang mag-iwan ng magandang impresyon sa isipan ng iba at sa kagustuhang tumaas ang tingin nila sa inyo at hindi kayo kutyain, hindi kayo makararanas ng tunay na pag-unlad. Kung palagi kang nagpapanggap at hindi kailanman nagtatapat sa pagbabahaginan, hindi mo matatanggap ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Kung ganoon ay ano ang magiging resulta? Habambuhay kang mamumuhay sa kadiliman, at hindi ka maliligtas. Kung gusto mong matamo ang katotohanan at mabago ang iyong disposisyon, kailangan mong magbayad ng halaga upang matamo ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan, at kailangan mong buksan ang iyong puso at makipagbahaginan sa iba. Kapaki-pakinabang ito kapwa sa iyong pagpasok sa buhay at sa pagbabago ng iyong disposisyon(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Dapat kong tanggapin ang pagsusuri ng Diyos, at anuman ang isipin ng ibang tao tungkol sa akin, kailangan kong magtapat at isagawa ang katotohanan. Ito lang ang paraan para malutas ang aking problema. Sa puntong iyon, nag-ipon ako ng lakas ng loob para ipagtapat sa lahat ang kalagayan ko at ibunyag ang aking katiwalian. Labis na gumaan ang pakiramdam ko pagkatapos kong gawin iyon, at ang pagbabahagi sa iba ay nakatulong sa akin na maunawaan ang problema ko.

Ipinakita sa akin ng mga katunayang naibunyag noong panahong iyon na mayroon akong mapanlinlang, buktot na disposisyon. Palagi akong nagpapanggap para hangaan at tingalain ng iba. Kung wala ang paghatol at paghahayag ng mga salita ng Diyos, ni hindi ko makikilala ang sarili ko at hindi ko magagawang magbago. Nauunawaan ko na rin ngayon kung gaano kaimportante ang ating mga motibo sa paggawa ng mga bagay-bagay, at na ang magawang tanggapin ang pagsusuri ng Diyos at itama ang mga motibo natin sa mga tungkulin natin, at ang maging bukas at tapat ang tanging paraan para makamit ang pagsang-ayon ng Diyos at maghatid ng kasiyahan sa Kanya.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman