Pagtakas sa Pagkulong ng Pamilya Ko

Oktubre 24, 2022

Ni Lin Xi, China

Tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong 2005. Nung panahong iyon, sa pamamagitan ng mga pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, natutunan ko ang maraming katotohanan at misteryo na hindi ko pa kailanman narinig: nalaman ko kung paano pinamamahalaan at inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, at natutunan ko ang layunin, halaga at kabuluhan ng buhay ng tao, pati ang kalalabasan at hantungan ng tao. Sa pagbabasa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos, nalutas ko ang maraming isyu at suliranin sa buhay ko. Masarap ang pakiramdam na manalig sa Diyos. Pero nang malaman ito ng asawa ko, naging determinado siyang kontrahin ang pananampalataya ko. Minsang inaresto ng mga pulis ng CCP ang tiyuhin ko dahil sa kanyang pananalig sa Panginoon. Alam ng asawa ko na pinagbabawalan ng CCP ang lahat na manalig sa Diyos, at nag-alala siya na maaaresto rin ako at madadawit nito ang buong pamilya, kaya tutol na tutol siya sa pananampalataya ko. Isa pa, substitute teacher ako noon at nag-alala siya na malalaman ng paaralan at sisisantehin ako, kaya masyado niya akong ginipit at hinadlangan.

Hindi niya ako hinayaang magbasa ng mga salita ng Diyos o makinig ng mga himno, lalong hindi niya ako pinayagang dumalo sa mga pagtitipon o tumupad ng tungkulin ko. Naalala ko minsan, nahuli niya akong nagbabasa ng mga salita ng Diyos at talagang nagalit siya. Sabi niya: “Pinagbabawalan ka ng gobyerno natin na manalig, pero nananalig ka pa rin! Kung mahuhuli ka ng isang miyembro ng education committee, hindi ka lang mawawalan ng trabaho, makukulong ka pa. Wala akong pera para makapagpiyansa, kaya mas mabuti pang tumigil ka na sa pananalig bago pa mahuli ang lahat!” Pagkatapos nun, nang patuloy akong manalig, binantaan niya ako, sinasabing: “Hangga’t humihinga pa ako, ni ‘wag mong pangaraping makapanampalataya!” Nang marinig ko ito, humina ang determinasyon ko. Naisip ko: “Ayaw akong payagan ng asawa ko na manampalataya kahit anong mangyari ngunit iginigiit ko pa ring manalig. Kaya anong gagawin niya sa akin?” Nung oras na ‘yon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kailangan mong taglayin ang Aking katapangan sa iyong kalooban at kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo kapag humaharap ka sa mga kamag-anak na hindi naniniwala. Gayunman, para sa Aking kapakanan, hindi ka rin dapat na sumuko sa kahit anong mga puwersa ng kadiliman. Manalig ka sa Aking karunungan upang makalakad sa perpektong daan; huwag hayaang ang mga pakikipagsabwatan ni Satanas na makapangyari. Ibuhos ang lahat ng iyong pagsisikap sa paglalagay ng iyong puso sa Aking harapan, at pagiginhawahin kita at bibigyan ka ng kapayapaan at kaligayahan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Labis na nagbibigay-motibasyon sa’kin ang mga salita ng Diyos. Naisip ko kung paano nalinlang ng CCP ang asawa ko na pagbantaan ako, para pilitin akong talikuran ang pananampalataya ko. Sa panlabas, tila ba ang asawa ko ang gumigipit at humahadlang sa akin sa pagsunod sa Diyos, pero ang totoo, ginagamit siya ni Satanas para pilitin akong ipagkanulo ang Diyos at mawalan ng pagliligtas ng Diyos. Hindi ako pwedeng mahulog sa pakana ni Satanas o makipagkompromiso kay Satanas. Naniniwala ako na hangga’t umaasa ako sa Diyos at kumikilos ayon sa Kanyang mga salita, aakayin Niya ako para malampasan ang pamumuwersa ng asawa ko. Pagkatapos nun, itinago ko ang aking mga aklat ng mga salita ng Diyos at nagbabasa lang ako, dumadalo sa mga pagtitipon o nagpapalaganap ng ebanghelyo kapag wala siya. Noon lang Hulyo ng 2008, na nalaman ng asawa ko na nananampalataya pa rin ako at ginagawa ang tungkulin ko, at bigla siyang nagalit nang sobra sa’kin. Hinalughog niya ang buong bahay para hanapin ang aking mga aklat ng salita ng Diyos at ang MP5 player na ginagamit ko para makinig ng mga himno. Tinapakan niya ang player, dinurog-durog ito. Para pigilan akong manampalataya, nagpahinga siya sa kanyang trabahong may malaking suweldo para masubaybayan niya ang mga aktibidad ko sa bahay buong araw. Hindi ako nakadalo sa mga pagtitipon at talagang nahirapan ako, kaya, nang magkaroon ako ng pagkakataon, tumakas ako para makita ang mga kapatid ko. Pero sa gulat ko, tumawag siya ng pulis para isumbong kami. Sa kabutihang palad ay wala silang nakitang anumang mga aklat ng mga salita ng Diyos o iba pang ebidensya kaya hindi nila kami hinuli. Kalaunan, nang matuklasan niya na ang bahay ng aking sister na katabi ng bahay namin ay isang lugar ng pagtitipon, kinunan niya ng litrato ang mga kapatid na nagtitipon at nagbanta na isusumbong sila. Dahil dito, hindi na nangahas ang mga kapatid na ituloy ang pagtitipon doon. Sa tuwing nahuhuli niya akong nakikipag-ugnayan sa mga kapatid ko, binubugbog o pinagagalitan niya ako. Binugbog niya ako nang napakaraming beses, at umugong ang isang tainga ko nang ilang buwan.

Nung mga panahong iyon, madalas akong humuhuni ng himnong ito: “Iaalay ko ang aking pagmamahal at katapatan sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin Siya. Determinado akong manindigan sa aking pagpapatotoo sa Diyos, at hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Kahit na maaaring mabagok ang ating ulo at dumaloy ang ating dugo, hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Sa mga pangaral ng Diyos na nakakabit sa puso ko, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas. Itinatadhana ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap. Magiging matapat at masunurin ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin ang Diyos at hinding-hindi na Siya muling bibigyan ng alalahanin” (Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos). Naisip ko kung paanong dahil lang sa napakalaking pagmamahal ng Diyos kung kaya’t ako, bilang isang nilikha, ay maswerteng makasalubong sa Diyos at mailigtas Niya. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa sumuko kay Satanas at hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos. Habang mas ginigipit ako ng asawa ko, mas dapat akong sumunod sa Diyos, manindigan at ipahiya si Satanas. Kalaunan ay nag-alala ang iglesia na patuloy akong bubugbugin ng asawa ko kung dadalo ako sa mga pagtitipon o gagawa ng aking tungkulin, at na isusumbong niya ang iba pang mga kapatid, kaya pinahinto nila ako sa pagdalo sa mga pagtitipon at pinagbasa na lang ng salita ng Diyos sa bahay.

Sa sumunod na tatlong taon, nagagawa ko lang na palihim na magbasa ng mga salita ng Diyos sa mga oras na nasa labas ang asawa ko, paminsan-minsan ay nakikipagkita ako sa sister na kapitbahay namin para makipagbahaginan at ipalaganap ang ebanghelyo sa mga kaibigan at pamilya. Pinaghihigpitan ako tulad ng isang ibong nakakulong. Naalala ko ang mga panahong kasama ko ang iba pang mga kapatid, nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, umaawit ng mga himno ng papuri sa Diyos, napakasaya at napakaganda ng mga panahong iyon! Naisip ko rin kung paanong ang gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa mga huling araw ay minsan lang sa buhay na mangyayari, at mawawala sa isang kisap-mata ang pagkakataong ‘yon, kaya hindi ko ito pwedeng palampasin. Inasam kong mamuhay ng normal na buhay-iglesia, na ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos kasama ng iba, pero ang lahat ng ito ay naging mga pangarap lang. Labis akong nanlumo at naagrabyado at madalas na nagtatagong mag-isa at umiiyak. Gusto kong sumigaw: “Ang pananalig sa Diyos ay pagtahak sa tamang landas. Tama ang pinili ko. Bakit hindi maayos ang nangyayari sa akin?” Tapos ay naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan,[1] walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan.[2] Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na kalooban ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal din? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunud-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nandarambong sila at nanloloob, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng katwiran. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Sa pamamagitan ng paghahayag ng mga salita ng Diyos, nakita ko ang katotohanan ng paglaban ng mga demonyong CCP sa Diyos. Naisip ko kung paanong mula nang mamuno ang CCP, walang pakundangan nilang ipinalaganap ang ateismo, sinasabing “Lahat ng bagay ay natural na lumaki at nagbago,” “Nagmula sa mga unggoy ang tao,” “Hindi pa nagkaroon kailanman ng sinumang Tagapagligtas,” at iba pa. Ginamit nila ang mga katawa-tawang teoryang ito para linlangin ang mga tao, naglalayong gawin ang mga tao na itatwa at ipagkanulo ang Diyos, labanan ang Diyos kasama nila, at sa huli ay wasakin ng Diyos at maging mga bagay na kasama sa libingan nila. Sa mga huling araw, ngayong nagkatawang-tao na ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, galit na galit na tinutugis ng CCP si Cristo at walang pakundangang inaaresto at inuusig ang mga Kristiyano na may layong sugpuin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw at magtatag ng isang ateistang kapamahalaan sa China. Ang CCP ay isang demonyong hukbo na itinuturing ang Diyos bilang kaaway nito. Isa itong mamamatay-tao at lumalaban sa Diyos na kinatawan ni Satanas. Ang dahilan kung bakit ginigipit at hinahadlangan ako ng asawa ko sa aking pananampalataya, ay dahil na-brainwash na siya ng ateistang pilosopiya ng CCP. Hindi siya nananalig sa Diyos at natatakot siyang madawit kung aarestuhin ako ng CCP, kaya mahigpit niyang tinututulan ang pananalig ko sa Diyos. Ang lahat ng paghihirap na pinagdaraanan ko ay kagagawan ng demonyong-hari na CCP. Buong puso kong kinasusuklaman ang demonyong grupong iyon. Mula nang magsimula akong manalig sa Diyos, sumama na ang asawa ko sa CCP sa pang-aapi sa akin, hindi ako pinapayagang basahin ang mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon o gawin ang aking mga tungkulin, hindi na mabilang kung ilang beses niya akong binugbog at isinumbong pa ako at ang mga kapatid ko sa pulis. Nang mapagtantong ang kalikasan at diwa ng asawa ko ay napopoot sa katotohanan at nasusuklam sa Diyos, at na lagi niya akong aapihin kung susubukan kong manampalataya sa bahay, maraming beses kong inisip na hiwalayan siya at umalis ng bahay para talagang makapanampalataya ako at magawa ang tungkulin ko. Pero sa tuwing naiisip kong umalis sa bahay, nag-aalala ako para sa anak ko. Teenager pa lang siya—magiging napakahirap sa kanya na mawalan ng ina! Sa bahay, pwede ko siyang basahan ng mga kuwento sa Bibliya, bahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, at dalhin sa harap ng Diyos. Kung aalis ako, sino ang gagabay sa kanya sa kanyang pananampalataya? Sa tuwing naiisip ko ito, lalo akong nanghihina, nawawalan ng lakas ng loob na hiwalayan ang asawa ko, at tahimik ko na lamang na tinitiis ang buhay ko sa pagkabilanggo. Kapag nalulugmok sa pagdurusa, lumalapit ako sa harap ng Diyos sa panalangin at palihim na binabasa ang mga salita ng Diyos. Saka lang ako nakararamdam ng kaunting ginhawa.

Noong Oktubre ng 2011, tumakas ako para palihim na dumalo sa ilang pagtitipon. Pinagbantaan ng asawa ko ang mga kapatid, sinasabing kung tatanggapin nila ako, hindi na siya magiging ganun kagalang sa kanila sa susunod. Binantaan din niya ako, sinasabing: “Hangga’t nananatili ka rito, hindi kita hahayaang manalig sa Diyos! Kung gusto mong manalig, kailangan mong umalis sa bahay na ito!” Sobrang nakakadismayang marinig na sabihin niya ito. Isipin mo ‘yun, palalayasin niya ako dahil lang sa pananalig sa Diyos, nang walang katiting na konsiderasyon para sa lahat ng taon namin ng pagsasama. Nung panahong iyon, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit masunurin ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit mahal na mahal ng mga magulang ang kanilang mga anak? Anong uring mga layon ang tunay na kinikimkim ng mga tao? Ang layon ba nila ay hindi upang matugunan ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanasa?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Napakamakatotohanan ng mga salita ng Diyos. Walang tunay na pag-ibig sa pagitan ng mga tao. Ang pag-ibig sa pagitan ng mag-asawa ay nakabatay sa palagay na kapwa sila makikinabang. Bago ako manalig sa Diyos, hindi ako kailanman tinrato ng asawa ko nang ganoon. Pero nang mag-alala siya na madadawit siya kung aarestuhin ako dahil sa pananalig sa Diyos, hindi man lang niya inisip ang lahat ng taon namin ng pagsasama bilang mag-asawa, binugbog niya ako at pinagbantaan pa na paaalisin ng bahay. Hindi ba’t napakalupit niya para lang protektahan ang sarili niyang interes? Nang mapagtanto ko iyon, naisip ko: “Dahil sinusubukan niya akong itulak palayo, mabuti pang umalis na lang ako at maging malaya na manalig sa Diyos at gawin ang aking tungkulin.” Kalaunan, habang nasa tutoring session ang anak ko kasama ang kanyang tiyahin, umalis ako papunta sa isang iglesia na mga 50 kilometro ang layo, at sa wakas ay nakasali ako sa buhay-iglesia at nagawa ang tungkulin ko. Pero, nung oras na iyon, nag-aalala pa rin ako sa anak ko. Sa tuwing may pahinga ako o tuwing bakasyon kapag nakikita ko ang mga bata na umuuwi sa kanilang ina at ama pagkatapos ng klase, naiisip ko kung gaano kalungkot ang anak ko nang wala ako sa bahay, at ninanais kong umuwi para makita siya. Pero nag-aalala ako na baka bugbugin, apihin at pagalitan ako ng asawa ko, kaya hindi na ako nangahas na bumalik. Ang tanging nagawa ko ay umiyak nang palihim.

Pagkatapos, isang araw noong Setyembre 2012, nasalubong ko sa kalye ang bayaw ko at pinilit niya akong umuwi. Pagkauwi ko, nagpatawag ang asawa ko ng isang malaking pagpupulong ng buong pamilya. Tinawag niya ang kanyang nakababata at nakatatandang kapatid, ang amain ko at ang bayaw ko para subukang pigilan ako. Binantaan ako ng bayaw ko, sinasabing: “Kung hindi lang kita hipag, tatawag ako at ipapadala kita sa Public Security Bureau.” Ginatungan pa ‘to ng amain ko, hinihimok ang asawa ko na supilin ang mga kilos ko. Nang makita ang takbo ng mga bagay-bagay, nag-alala ako na dahil sa napakaraming taong tutol sa pananalig ko sa Diyos, lalo pa akong aapihin ng asawa ko sa hinaharap, kaya listo kong sinabing umuwi lang ako para ayusin ang buhay ko. Noon lang natahimik ang mga kamag-anak ko. Sa ikatlong araw ko sa bahay, nakita ko na ang lider ng iglesia ko ay binibisita ang sister sa katabing bahay kaya tuwang-tuwa akong pumunta sa kanya para tanungin siya tungkol sa mga pagtitipon ng iglesia. Sa gulat ko, sinundan ako ng asawa ko at mabagsik akong sinigawan na umuwi. Ayokong malagay sa gulo ang mga sister ko, kaya dali-dali akong umuwi. Nang lumabas ang lider ng iglesia mula sa bahay ng sister ko, pinagbantaan siya ng asawa ko gamit ang isang pala, sinasabing: “Kung pupunta ka ulit dito, hindi na ako magiging ganun kabait sa susunod!” Pagkatapos, kumuha siya ng kutsilyo sa kusina at pumasok sa bahay ng sister ko, balak itong saksakin, at dali-dali namin siyang kinailangang pigilan ng asawa ng sister ko. Pagkatapos nun, hindi na ako nakipagkita sa mga kapatid ko sa takot na malagay sila sa kapahamakan.

Nung panahong ‘yon, dumanas ako ng matinding paghihirap ng isipan, at madalas akong nagtatagong mag-isa at umiiyak. Isang beses, lumabas ako ng bahay para makipag-usap sa isang sister pagkatapos umalis ng asawa ko, pero nang pabalik na ako, nakita ako ng asawa ko sa kalsada habang nagmamaneho pauwi. Sininghalan niya ako, sinasabing: “Alam mo bang pwede kitang sagasaan ng kotseng ito?” Nang marinig ko ‘yon, nanlamig ang puso ko. Gusto niya akong sagasaan ng kotse niya dahil lang sa nananalig ako sa Diyos. Dahil dito, mas malinaw ko pang nakita na ang asawa ko ay isang demonyong napopoot sa Diyos at hinding-hindi niya tatantanan ang pang-aapi sa’kin. Hindi ako makakapanampalataya sa bahay na iyon, kaya wala na akong ibang magagawa pa kundi ang umalis. Pero nang maisipan kong umalis, labis akong nalungkot. Ngayon ko pa lang ulit nakasama ang anak ko at kung aalis na naman ako, mahihirapan siya! Kung aalis ako, sino ang gagabay sa kanya para manalig sa Diyos at tumahak sa tamang landas? Habang mas pinag-iisipan ko ‘to, mas lalong ‘di ko kayang iwan ang anak ko. Ang tanging nagawa ko ay patuloy na lumapit sa Diyos sa panalangin: “Mahal na Diyos! Patuloy akong inaapi at hinahadlangan ng asawa ko. Gusto kong umalis dito para makapanampalataya ako, pero hindi ko kayang bitawan ang anak ko. Mahal kong Diyos! Hindi ako makapagpasya kung ano ang gagawin ko at ipinagdarasal ko po na sana ay liwanagan at gabayan Mo ako.” Pagkatapos nun, nakita ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Wala bang kakayahan ang mga tao na isantabi ang kanilang laman sa maikling panahong ito? Anong mga bagay ang makakasira sa pagmamahalan sa pagitan ng tao at ng Diyos? Sino ang makapaghihiwalay sa pagmamahalan sa pagitan ng tao at ng Diyos? Ang mga magulang ba, mga asawang-lalaki, magkakapatid na babae, mga asawang-babae, o ang masakit na pagpipino? Mapapawi ba ng mga damdamin ng konsiyensya ang larawan ng Diyos sa kalooban ng tao? Sariling kagagawan ba ng mga tao ang pagkakautang at mga kilos nila tungo sa isa’t isa? Malulunasan ba ng tao ang mga iyon? Sino ang makakaprotekta sa kanilang sarili? Natutustusan ba ng mga tao ang kanilang sarili? Sino ang malalakas sa buhay? Sino ang nagagawang iwan Ako at mabuhay sa kanilang sarili? Paulit-ulit, bakit hinihingi ng Diyos na isagawa ng lahat ng tao ang gawaing pagsusuri-sa-sarili? Bakit sinasabi ng Diyos na, ‘Kaninong paghihirap ba ang naiplano ng sarili nilang kamay?’(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Hindi Ba Kayang Isantabi ng Tao ang Kanilang Laman sa Maikling Panahong ito?). Naantig ako nang husto ng mga salita ng Diyos at labis akong nakonsensya. Naisip ko kung paanong nagkatawang-tao ang Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, at nagpapahayag Siya ng katotohanan at ginagampanan ang Kanyang gawain sa piling ng mga tao nang may matinding pagtitimpi, nagtitiis ng napakalaking kahihiyan, at iniaalay ang lahat ng Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan, ang layon ng Kanyang pagliligtas. Nang maisip ang lahat ng pagdurusa na tiniis ng Diyos para iligtas ang tao, natanto ko kung gaano labis na praktikal ang pagmamahal ng Diyos. Umaasa ang Diyos na maninindigan tayo at isasaalang-alang ang Kanyang kalooban, isasantabi ang lahat para ipalaganap ang ebanghelyo at magpatotoo sa Kanya. Ito ang pagtataas at pagmamahal ng Diyos sa atin. Pero makasarili ako, iniisip lamang kung paanong walang mag-aalaga sa anak ko kung ako’y aalis, pero nabibigong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Kinasuklaman ko ang sarili ko sa pagiging mahina, walang silbi, walang konsensya, at hindi kayang isantabi ang lahat para sumunod sa Diyos. Dahil hindi ko kayang bitawan ang anak ko, kinailangan kong magtiis sa pagkabilanggo sa bahay, binubugbog ng asawa ko, ikinukulong at kinokontrol nang walang pagkakataong magbasa ng mga salita ng Diyos, lalo na ng pagkakataong gawin ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Wala akong kahit katiting na paninindigan na hangarin ang katotohanan at mahalin ang Diyos. Handang ibigay ni Abraham ang kanyang kaisa-isang anak bilang handog sa Diyos, kaya bakit hindi ko kayang pansamantalang mawalay sa anak ko para gawin ang tungkulin ko bilang isang nilikha, hangarin ang katotohanan, at tanggapin ang pagliligtas ng Diyos? Hindi ko pwedeng balewalain ang napakahalagang layunin ng Diyos na iligtas ang tao dahil hindi ko na kayang bitawan ang anak ko. Alam kong matatapos na ang gawain ng pagliligtas ng Diyos at malapit nang mangyari ang malalaking sakuna. Sa bahay, hindi ko magawang magbasa ng mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon o gawin ang tungkulin ko; kung magpapatuloy ito, hindi ko makakamit ang katotohanan at hindi ako makapaghahanda ng mabubuting gawa. Malamang na mamamatay ako sa alinmang darating na mga sakuna. Kung gayon paano ko magagabayan ang anak ko sa tamang landas? Hindi ba’t nasa mga kamay rin ng Diyos ang kapalaran ng aking anak? Wala akong kontrol sa kung gaano siya nakatakdang magdusa o kung magagawa niyang tumapak sa tamang landas. Nang mapagtanto ito, medyo nabawasan ang pagkabalisa ko.

Pagkatapos nun, nagbasa pa ako ng ilang salita ng Diyos, higit kong natutunan ang katotohanan at sa huli ay binitawan ang pag-aalala sa anak ko. Nabasa ko ang siping ito. “Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang tungkulin ng mga magulang sa buhay ng isang bata ay ang bigyan lang sila ng isang pormal na kapaligiran na kalalakihan nila, sapagkat walang makaiimpluwensya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay nauna nang naitadhana, at hindi mababago kahit na ng sariling mga magulang ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, ang bawat isa ay nagsasarili, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kung kaya walang magulang ang makakapagpaiwas sa kapalaran sa buhay ng isang tao o makakaimpluwensya sa papel na gagampanan ng isang tao sa buhay. Maaaring sabihin na ang pamilya kung saan naitadhanang maisilang ang isang tao, at ang kapaligiran na kinalalakihan niya, ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang sarili niyang misyon sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan ay matutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na akuin ang sarili niyang papel sa buhay. Kung paano isinasagawa ng isang tao ang sariling misyon at sa anong uri ng pamumuhay sa kapaligiran niya ginagampanan ang sarili niyang papel ay ganap na itinatadhana ng sariling kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, walang iba pang patas na mga kondisyon ang makakaimpluwensya sa misyon ng isang tao na itinadhana ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay nagkakahustong pag-iisip ayon sa kanilang sariling kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na binalak para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga katungkulan bilang mga nilalang para sa kapakanan ng pagtatadhana ng Lumikha, para sa kapakanan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang kapalaran ng isang anak ay hindi nauugnay sa kanyang mga magulang, kundi tinutukoy ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng anak ko. Hindi ko makokontrol kung gaano magdurusa ang anak ko o kung tatapak ba siya sa tamang landas—lahat ito ay napapasailalim sa mga utos ng mga pagsasaayos ng Diyos. Naalala ko si Jose: Ipinagbili siya para maging alipin sa Ehipto sa murang edad at nawalan siya ng pangangalaga at patnubay ng kanyang mga magulang, pero ang Diyos na si Jehova ay tumayong kasama niya. Kahit paano siya akitin ng asawa ng kapitan ng bantay ng paraon, hindi siya kailanman nalinlang. Dumanas din si Jose ng maraming paghihirap sa Ehipto, pero sa aktwal ay pinatibay nito ang determinasyon niya at tinuruan siyang umasa sa Diyos. Kung pagninilayan ang mga kapatid na hindi umaalis sa kanilang mga tahanan para gawin ang kanilang mga tungkulin—madalas nilang hinihikayat ang mga anak nila na manampalataya at tumahak sa tamang landas, at ang ilan sa mga anak na ito ay nananampalataya at sumusunod sa Diyos sa tamang landas, pero ang iba ay naaakit sa masasamang kalakaran ng mundo at nagiging pasama nang pasama. Nakita ko na ang nagbigay-daan sa isang anak na tumahak sa tamang landas ay hindi ang pagsama sa kanya ng kanyang mga magulang, bagkus ay kung likas ba sa kanya ang mahalin ang katotohanan at kung paunang itinalaga ng Diyos na gawin niya iyon. Kung ang anak ko ay may pagkatao at isang layon ng pagliligtas ng Diyos, kung gayon, kahit hindi ako manatili sa tabi niya, lalaki pa rin siyang malusog at mananalig sa Diyos. Ang lahat ng ito ay nasa kamay ng Diyos—hindi ko kailangang mag-alala tungkol dito. Sa aking mga taon bilang mananampalataya, labis kong natamasa ang pagdidilig at pagtustos ng mga salita ng Diyos, pero hindi ko nagawa ang tungkulin ko bilang nilikha dahil sa pagkagiliw ko sa anak ko. Napakamakasarili nito! Kailangan kong suklian ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, pagpapatotoo para sa Kanya at pagdadala ng mas maraming tao sa sambahayan ng Diyos. Noong Pebrero 2013, iniwan ko ang pamilya ko at sumakay ng tren patungo sa isang iglesia sa malayong bayan.

Nang dumaan ang tren sa paaralan ng anak ko, napatitig ako sa gusali kung saan nag-aaral ang anak ko at naisip ko: “Sinong nakakaalam kung kailan ko siya makikita ulit.” Hindi ko napigilan ang mga luha ko. Dahil dito, lalo ko pang kinasusuklaman ang diktatoryal na pamumuno ng diyablong si Satanas. Inihiwalay ako nito sa pamilya ko at patuloy akong pinigilan na malayang makapanampalataya at magawa ang aking tungkulin. Nung sandaling ‘yon, lalo ko pang inasam ang darating na panahon ng kagalakan at kalayaan kung kailan si Cristo ay kataas-taasang maghahari, at lalo akong naging masigasig na hangarin ang katotohanan at magsikap para sa liwanag. Umawit ako ng isang himno ng mga salita ng Diyos sa isipan ko: “Isa kang nilalang—mangyari pa ay dapat mong sambahin ang Diyos at mamuhay nang makahulugan. Dahil isa kang tao, dapat mong gugulin ang sarili mo para sa Diyos at tiisin ang lahat ng pagdurusa! Dapat mong tanggapin nang masaya at may katiyakan ang kaunting pagdurusang pinagdaraanan mo ngayon at mamuhay ka nang makahulugan, kagaya nina Job at Pedro. Kayo ay mga taong patuloy na naghahanap sa tamang landas, yaong mga naghahangad ng paglago. Kayo ay mga taong naninindigan sa bansa ng malaking pulang dragon, yaong mga tinatawag na matuwid ng Diyos. Hindi ba iyon ang pinakamakahulugang buhay?(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Ang Pinakamakabuluhang Buhay). Nang pagnilayan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na pauna nang itinakda ng Diyos na dapat ko Siyang sundin at gawin ang tungkulin ko sa masamang kapaligirang ito—ito ang landas kung saan ginagabayan ako ng Diyos. Bilang isang nilikha, handa na akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, hanapin ang katotohanan, masunuring isakatuparan ang gawain ko upang palugurin ang Diyos at ipahiya ang diyablo na si Satanas. Nang mapagtanto ko ito, mas naging payapa at maluwag ang pakiramdam ko. Nagpasalamat ako sa Diyos sa pag-akay sa akin na makalaya mula sa pagkabilanggo sa akin ng asawa ko, na nagbibigay-daan sa akin na magawa ang tungkulin ko bilang nilikha at matahak ang tamang landas.

Pagkatapos nun, hindi na ako bumalik sa bahay at nagpatuloy ako sa paggawa ng tungkulin ko sa isang iglesiang malayo sa bahay. Sa mga taong ito, naranasan ko ang mga salita at gawain ng Diyos, naunawaan ang ilang katotohanan, at nadama na marami akong nakamit. Salamat sa Diyos sa Kanyang patnubay!

Mga Talababa:

1. Ang “nagpaparatang nang walang batayan” ay tumutukoy sa mga paraan kung paano pinipinsala ng diyablo ang mga tao.

2. Ang “mahigpit na binabantayan” ay nagpapahiwatig na ang mga paraan kung saan pinahihirapan ng diyablo ang mga tao ay lalo nang malupit, at kontrolado nang labis ang mga tao na wala na silang makilusan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagtakas sa mga Usap-usapan

Ni William, USANoong Oktubre ng 2016, dumating ako sa New York, at kalaunan ay bininyagan sa ngalan ng Panginoong Jesus sa isang simbahang...