Bilanggo ng Sarili Kong Pamilya

Oktubre 30, 2022

Ni Jingxun, Thailand

Tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw noong 2019. Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, nakita ko kung paano inihahayag ng Makapangyarihang Diyos ang katotohanang napapaloob sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, ang misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang kahulugan ng gawain ng paghatol, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, kung paano inililigtas ng Diyos ang mga tao, at kung paano malilinis ang mga tao at magkakaroon ng magandang hantungan. Ang mga salitang ito ay may awtoridad, at hindi ko pa ito narinig dati. Pakiramdam ko ay bago ito at praktikal, at tinustusan ako nito, pinawi ang espirituwal kong pagkauhaw. Natiyak ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, at tuwang-tuwa ako. Hindi ko akalain na makasasalubong ako sa pagbabalik ng Panginoong Jesus sa buhay ko. Alam kong masuwerte ako. Pagkatapos nun, madalas akong dumadalo sa mga pagtitipon, nangangaral ng ebanghelyo, at ang bawat araw ay nakakapuspos at nakakatuwa. Pero makalipas ang dalawang buwan, nalaman ng nakababata kong kapatid na lalaki at ng hipag ko ang tungkol sa pananalig ko sa Diyos. Ang hipag ko ay Chinese at nagtatrabaho siya sa isang departamento ng gobyerno, kaya pumunta sa China ang kapatid ko kasama niya. Tumawag ang kapatid ko at pinagalitan ako, sinabing, “Inuusig ng gobyerno ng China ang mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos. Hindi ko tinututulan ang pananalig mo sa Panginoong Jesus, pero hindi ka pwedeng manalig sa Makapangyarihang Diyos. Nananalig ka sa isang tao, hindi sa Diyos.” Nung marinig ko iyon, alam kong inuulit ng kapatid ko ang isang tsismis, dahil sa paghahanap at pagsisiyasat ko, marami akong napanood na video ng mga mananampalataya mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos na inuusig ng CCP, at alam ko na ang tunay na daan ay inuusig na mula pa noong unang panahon. Pagdating ng Diyos upang gumawa, tiyak na uusigin Siya ng mga puwersa ni Satanas. Tulad nung dumating ang Panginoong Jesus upang gumawa, galit na galit Siyang nilabanan at inusig ng mga lider ng relihiyon at ng rehimeng Romano. Sinabi ko sa kanya, “Nananalig ako sa Diyos, hindi sa isang tao. Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa upang gumawa at iligtas ang sangkatauhan, kailangan Niyang magkatawang-tao bilang ang Anak ng tao bago tayo makalapit sa Kanya. Dahil ang Diyos ay nagiging tao, kailangan Siyang isilang sa isang pamilya at mamuhay bilang isang normal na tao. Ang Makapangyarihang Diyos ay tila isang ordinaryong tao, ngunit taglay Niya ang Espiritu ng Diyos sa loob Niya, at ang Kanyang diwa ay ang diwa ng Diyos. Ang Makapangyarihang Diyos ay nagpahayag ng maraming katotohanan at gumagawa upang dalisayin at iligtas ang sangkatauhan, isang bagay na walang ibang makagagawa. Ang Panginoong Jesus ay mukhang isang ordinaryong tao, ngunit ang Kanyang diwa ay ang diwa ng Diyos, at kaya Niyang magpahayag ng katotohanan at tubusin ang sangkatauhan. Ito ay isang bagay na hindi kayang gawin ng mga ordinaryong tao. Masasabi mo bang ang pananalig sa Panginoong Jesus ay pananalig sa isang tao? Huwag kang gumawa ng mga hangal na hula tungkol sa hindi mo naiintindihan. Ang kasalanan ng paglapastangan sa Banal na Espiritu ay hindi kailanman mapapatawad. Nilapastangan ng mga Pariseo ang Panginoong Jesus sa pagsasabing tinulungan Siya ni Beelzebub na magpalayas ng mga demonyo. Sa huli, pinarusahan at isinumpa sila ng Diyos. Hindi kita pinipilit na manalig, kaya huwag mo akong pigilang manalig sa Diyos!” Hindi man lang niya ako pinakinggan. Habang lalo ko siyang pinabubulaanan, mas lalo niya akong pinapagalitan. Nang makita kong nalinlang siya ng mga tsismis ng CCP at nilapastanganan niya ang Diyos, nadismaya ako sa kanya. Kinabukasan, tumawag din ang hipag ko para hikayatin akong huwag manalig, at sinubukan niya akong takutin, “Ang pananalig mo sa Makapangyarihang Diyos ay labag sa batas sa China. Maaari kang mabaril dahil dito. Kung nananalig ka sa Diyos sa China, matagal ka nang inaresto. Inaaresto ng gobyerno ng China ang bawat mananampalataya sa inyong simbahan na matatagpuan nila. Walang nakakatakas.” Ang mga sinabi ng hipag ko ay nagpakita sa akin ng katotohanan kung paano nilalabanan ng CCP ang Diyos at inuusig ang mga Kristiyano, at naunawaan ko ang mahirap na sitwasyon ng mga kapatid na Chinese na nananalig sa Diyos. Kasabay nito, kakaiba rin sa pakiramdam. Walong taon na akong nananalig sa Panginoon, pero hindi ako pinakialamanan kahit kailan ng pamilya ko. Bakit nila ako inusig nung sandaling manalig ako sa Makapangyarihang Diyos at bakit sila nawalan ng malasakit sa akin? Noon ko naalala na ibinahagi ng mga kapatid ko na mula pa nung unang panahon ay inuusig na ang tunay na daan, at saanman kumikilos ang Diyos, nakikialam si Satanas. Naunawaan ko na ang pag-usig sa akin ng pamilya ko ay panggugulo ni Satanas, kaya habang lalo akong inuusig, mas ginugusto kong sundin ang Makapangyarihang Diyos at iwasan ang mga panlilinlang ni Satanas.

Pagkatapos, ibinahagi sa akin ng mga kapatid ko ang mga salita ng Diyos, “Sa bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa kalooban ng mga tao, sa panlabas ay mukha itong pag-uugnayan sa pagitan ng mga tao, na para bang mula sa pagsasaayos ng tao, o mula sa panghihimasok ng tao. Ngunit sa likod ng mga eksena, ang bawat hakbang ng gawain, at lahat ng nangyayari, ay isang pustahan na ginawa ni Satanas sa harap ng Diyos, at hinihingi sa mga tao na manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos. Gaya nang si Job ay sinubukan, halimbawa: Sa likod ng mga eksena, nakikipagpustahan si Satanas sa Diyos, at ang nangyari kay Job ay mga gawa ng tao, at panghihimasok ng mga tao. Sa likod ng bawat hakbang ng gawaing ginagawa ng Diyos sa inyo ay ang pakikipagpustahan ni Satanas sa Diyos—sa likod ng lahat ng ito ay isang labanan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Sa pagbabasa ng salita ng Diyos, naunawaan ko na ito ay isang espirituwal na labanan. Kapag inililigtas ng Diyos ang isang tao, sinisikap ni Satanas ang makakaya nito upang gambalain at hadlangan siya at kaladkarin siya pababa sa impiyerno kasama nito. Ang nangyari nung araw na iyon, ay tila ba paghadlang sa akin ng kapatid ko at ng hipag ko, pero ang totoo, ito ay panggugulo ni Satanas. Maganda ang relasyon ko sa kanila noon, at kadalasang nakikinig sa akin ang kapatid ko, ngunit pagkatapos nilang pakinggan ang mga tsismis ng CCP, parang ibang tao na sila. Gumamit sila ng lahat ng uri ng panloloko para pilitin akong iwanan ang Diyos, at nanlamig ang puso ko sa mga salitang sinabi nila. Nananalig ako sa Diyos sa Thailand, at gusto nila akong kontrolin. Kung nasa China ako, ipinakulong na nila ako. Nakita ko na si Satanas ay tunay na masama, at na hindi pareho ang tinatahak naming landas. Sa panlabas, sila ay mga kamag-anak ko, ngunit talagang hindi kami magkatugma sa espiritu. Magkaiba kami ng wika, hindi kami magkauri, at wala na ang dating pagmamahalang namagitan sa amin. Nung gabing iyon, nanood ako ng isang video ng patotoo tungkol sa mga kapatid na pinahirapan ng CCP. Gaano man ang paghihirap ng kanilang laman, determinado silang sumunod sa Diyos. Sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos at sa patnubay ng salita ng Diyos, kaya nilang daigin ang kahinaan ng laman, at ang ilan ay nag-alay pa nga ng kanilang buhay upang panindigan ang kanilang patotoo. Naging inspirasyon ko ang mga karanasan nila. Sa ganitong mahihirap na kalagayan, napanatili pa rin nila ang kanilang pananalig sa Diyos at hindi sila nakipagkompromiso kay Satanas. Ang pag-uusig na pinagdusahan ko ay ni hindi maikukumpara. Nagbigay ito sa akin ng higit na pananampalataya para harapin ang anumang maaaring mangyari.

Nung hindi nila ako makumbinsi, hinimok nila ang asawa ko na pigilan ako, sinabi nila na kung nananalig ako sa Diyos, hindi ko gugustuhin na magkaroon ng anak o pamilya. Nagpakalat din ang pastor ng mga paninirang-puri para linlangin ang asawa ko, na nagsasabing nananalig ako sa isang tao. Matapos marinig ng asawa ko ang mga bagay na ito, tinularan niya sila sa pagtutol sa akin. Kapag nakita niya akong dumadalo sa mga pagtitipon online o tumitingin sa website ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, madalas niyang binubunot ang kable ng internet sa bahay, saka isinasara ang pinto at hindi ako pinapapasok sa kuwarto. Ginawa niya ang lahat para guluhin ako at pigilan akong dumalo sa mga pagtitipon o magbasa ng salita ng Diyos. Alam kong panghihimasok ito ni Satanas, kaya hindi ako pwedeng makipagkompromiso. Nang makita ng asawa ko na hindi niya ako mapipigilan, sinabi niya, “Kung patuloy kang mananalig sa Makapangyarihang Diyos, maghihiwalay tayo! Kailangan mong umalis sa bahay na ito. Magdesisyon ka na ngayon!” Sabi ko, “Kung hindi ako nananalig sa Diyos, matagal na kitang hiniwalayan. May kalaguyo ka noon, pero pinalampas ko ‘yon dahil nananalig ako sa Diyos. Wala akong ginagawang masama sa pananalig sa Diyos, kaya bakit mo ako pinipigilan? Kung gusto mo akong hiwalayan at paalisin, wala akong magagawa. Kahit pa umalis ako sa bahay na ito, mananalig ako sa Diyos!” Kaya nag-impake ako ng aking mga damit at pumunta sa bahay ng isang kaibigan. Nung panahong iyon, hindi ko alam kung ano ang susunod kong gagawin. Kapag naiisip ko ang bata kong anak, nag-aatubili talaga akong umalis. Kaya nakipag-ugnayan ako sa mga kapatid ko para sabihin sa kanila ang kalagayan ko, at pinadalhan ako ng sister ko ng isang sipi ng salita ng Diyos. “Sa kabuuan ng gawain ng Diyos, mula pa sa simula, nagtakda na ng mga pagsubok ang Diyos para sa bawat tao—o maaari ninyong sabihing, bawat taong sumusunod sa Kanya—at iba-iba ang bigat ng mga pagsubok na ito. May mga taong nakaranas ng pagsubok na maitakwil ng kanilang pamilya, may mga nakaranas ng pagsubok na masasamang kapaligiran, may mga nakaranas ng pagsubok na maaresto at mapahirapan, may mga nakaranas ng pagsubok na maharap sa mga pagpipilian, at may mga naharap sa mga pagsubok na pera at katayuan. Sa pangkalahatan, bawat isa sa inyo ay naharap na sa lahat ng uri ng mga pagsubok. Bakit ganito kung gumawa ang Diyos? Bakit Niya tinatrato ang lahat sa ganitong paraan? Anong klaseng resulta ang hinahanap Niya? Narito ang puntong nais Kong iparating sa inyo: Nais makita ng Diyos kung ang taong ito ang uri na may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan. Ang ibig sabihin nito ay na kapag binibigyan ka ng Diyos ng isang pagsubok, at inihaharap ka sa ilang sitwasyon, layon Niyang suriin kung isa kang taong may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan o hindi(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Paano Malalaman ang Disposisyon ng Diyos at ang mga Resultang Makakamtan ng Kanyang Gawain). Matapos kong basahin ang salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pang-uusig sa akin ng pamilya ko ay isang pagsubok din para sa akin upang makita kung pinalulugod ko ba ang Diyos o si Satanas. Napagtanto ko na kailangan kong pumili. Pero may bakas pa rin ng pag-asa sa puso ko. Gusto ko pa ring magbago ang isip ng asawa ko. Pero pagkatapos, natagpuan ako ng asawa ko at ng nakababata kong kapatid na babae, at sinabi nilang, “Kailangan mong huminto na sa pananalig sa Makapangyarihang Diyos. Hindi mo ba nakikita? Maging ang anak at pamilya mo, hindi mo na gusto!” Galit kong sinabi sa asawa ko, “Hindi ko kailanman sinabing ayaw ko sa anak o pamilya ko. Ikaw ang umuusig sa ‘kin, pinipigilan mo akong manalig sa Diyos, at nagbanta ka pa ng diborsiyo. Kalabisan ba ang humingi ng kaunting kalayaan sa pananampalataya?” Tinawagan din ako ng aking ama at sinabing, “Nasaan ang Diyos na ito? Huwag kang manalig dito. Umuwi ka na lang kasama ang asawa mo at mamuhay nang maayos!” Nagalit ako dahil dito, kaya nakipagtalo ako sa kanila, “Hindi masamang manalig sa Diyos. Bakit ba ninyo ako pinipigilan?” Nang makita ng ama ko na matatag ako, sa telepono, hiniling niya sa asawa ko na igapos ako at bugbugin, sinabi niyang aakuin niya ang sisi kapag namatay ako. Hindi niya ako sinaktan, pero kinumpiska niya ang bank card ko, at pagkatapos ay sinira ang telepono at computer ko. Pagkatapos noon, pilit akong pinasakay sa kotse ng asawa ko at ng kapatid ko at inuwi sa bahay. Sa daan, umupo sila sa tabi ko, at pareho silang galit na galit sa akin. Dahil dito, naunawaan ko kung ano ang pakiramdam ng mga Chinese na kapatid nang arestuhin sila ng mga pulis. Hindi ko naramdaman ni paano man na pamilya ko sila, at hindi na ako umasa pa na magbabago sila. Hindi ko alam kung paano ako sunod na uusigin ng pamilya ko, kaya tahimik akong nanalangin sa puso ko, humiling sa Diyos na gabayan akong gumawa ng tamang pasya. Nung gabing iyon, sobra akong nalungkot. Kadalasan, nung panahong ‘yon, ipinangangaral ko ang ebanghelyo, pero ngayon, wala na akong magawa. Dahil alam ng pamilya ko na nananalig ako sa Makapangyarihang Diyos, nagkaisa sila para usigin ako. Dahil ang hipag ko ay nagtatrabaho sa gobyerno ng China at may pera siya, sinunod siya ng pamilya ko, at sinulsulan niya silang gamitin ang lahat ng paraan para usigin ako, hanggang sa puntong bubugbugin nila ako hanggang mamatay kaysa hayaan akong manalig sa Diyos. Sa puntong ito, malinaw kong nakita ang tunay na mukha ng kanilang paglaban sa Diyos. Sila ay walang iba kundi mga diyablo, mga kaaway ng Diyos. Naisip ko rin kung paano hinarap ni Job ang ganito kasakit na pagsubok, ngunit hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Sa halip, tahimik siyang nanalangin sa harap ng Diyos at hinangad ang kalooban ng Diyos, kaya dapat din akong umasa sa Diyos para makapanindigan ako, at huwag kailanman makipagkompromiso kay Satanas, anuman ang mga sitwasyon.

Kinabukasan, dinala ako ng asawa ko at ng ama ko sa bahay ng aking mga magulang. Ang ina ko at ang asawa ng kuya ko ay natakot na baka tumakas ako, kaya pagkakita nila sa akin, kinapkapan nila ako at hiningi ang ID ko. Hindi nila ako binigyan ng pagkakataong mapag-isa kahit kailan. Kapag naliligo ako o nagpupunta sa banyo, nakabantay sa labas ang aking ina. Pinatabi pa nga nila sa aking matulog ang pamangkin ko para bantayan ako, at kung bubuksan ko ang ilaw sa gabi, agad na kumakatok ang nanay ko para tingnan kung anong ginagawa ko at sinasabihan akong patayin ang ilaw at matulog na. Ang mas lalong nagpapabigat dito ay pagdating ng alas-tres o alas-kuwatro ng madaling-araw, mag-iingay ang aking ina, sisigaw, at kakatok sa pinto. Labis itong ikinabigat ng loob ko. Sa maghapon ay mas binabantayan nila ako nang mabuti. Hindi ako pinayagang makipag-usap sa iba, kahit pa sa babae kong kapitbahay, at tinrato ako ng mga kapitbahay na parang hindi nila ako kilala. Araw-araw, wala akong magawa kundi gawin ang itinakda ng pamilya ko para sa akin. Itinuring nila akong parang bilanggo, at binantayan ako araw-araw. Pakiramdam ko ay nasa kulungan ako. Ganito ang pakikitungo sa akin ng pamilya ko dahil nakinig sila sa mga tsismis ng CCP at sa hipag ko. Gusto nilang putulin ang ugnayan ko sa mga kapatid ko, at dahan-dahang mawalan ng pananampalataya sa Diyos. Araw-araw akong nakaramdam ng matinding kalungkutan. Na-miss ko ang mga pagtitipon kasama ang mga kapatid ko. Patapos na ang gawain ng Diyos, ngunit hindi ako makapunta sa mga pagtitipon, makapagbasa ng salita ng Diyos, o makatupad ng aking tungkulin. Palalayasin ba ako? Labis akong naging balisa, at ang gusto ko lang ay makatakas sa kapaligirang ito at malayang makapanalig sa Diyos. Nagtago ako sa banyo at nanalangin sa Diyos, humiling sa Diyos na pagbuksan ako ng daan palabas. Kalaunan, hiniling sa akin ng mga magulang ko na magtrabaho ako sa orange orchard kasama ang kuya ko at ang asawa niya, kung saan masusubaybayan nila ako. Hindi naging malupit ang nakatatanda kong hipag sa pagpigil sa ‘king manalig sa Diyos, kaya kapag nagtatrabaho ako sa araw, ginagamit ko ang cellphone niya para makinig sa salita ng Diyos online. Pinasalamatan ko ang Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko dahil sa pagbukas ng Diyos ng isang daan para sa akin.

Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nabasa ko na partikular na nakakaantig. “Matapos maranasan ang dalawang pagsubok na ito, nagkaroon si Job ng mas mayamang karanasan, at dahil sa karanasang ito, naging mas husto ang kanyang pag-iisip at mas marunong siya, naging mas malakas siya, nagkaroon ng mas matibay na paniniwala, at mas nagtiwala siya sa pagiging tama at pagiging karapat-dapat ng integridad na pinanghahawakan niya. Binigyan si Job ng pagsubok ng Diyos na si Jehova ng malalim na pagkaunawa at kamalayan sa pagmamalasakit ng Diyos sa tao, at ipinaramdam nito sa kanya ang kahalagahan ng pag-ibig ng Diyos, at magmula noon ay naidagdag ang pagsasaalang-alang at pag-ibig para sa Diyos sa kanyang takot sa Diyos. Ang mga pagsubok ng Diyos na si Jehova ay hindi lamang hindi naglayo kay Job mula sa Kanya, kundi mas naglapit ng kanyang puso sa Diyos. Nang umabot sa sukdulan ang sakit sa laman na tiniis ni Job, ang pag-aalalang nadama niya mula sa Diyos na si Jehova ay nagtulak sa kanya na sumpain ang araw ng kanyang kapanganakan. Ang ganitong asal ay hindi matagal na pinagplanuhan, kundi isang natural na paghahayag ng pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos mula sa kaibuturan ng kanyang puso, ito ay isang likas na paghahayag na nagmula sa kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa Diyos. Ibig sabihin, dahil kinasuklaman niya ang kanyang sarili, at hindi niya nais, at hindi niya matitiis na pahirapan ang Diyos, umabot ang kanyang pagsasaalang-alang at pag-ibig sa punto na hindi na niya iniisip ang kanyang sarili. Sa oras na ito, itinaas ni Job ang kanyang matagal nang pagsamba at pananabik sa Diyos at katapatan sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Kasabay nito, itinaas din niya ang kanyang pananampalataya at pagsunod sa Diyos, at takot sa Diyos sa antas ng pagsasaalang-alang at pagmamahal. Hindi niya hinayaan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang bagay na magdudulot ng pinsala sa Diyos, hindi niya pinahintulutan ang kanyang sarili na gumawa ng anumang asal na makakasakit sa Diyos, at hindi niya pinayagan ang kanyang sarili na magdala ng anumang dalamhati, pighati, o kahit na kalungkutan sa Diyos dahil sa sarili niyang mga kadahilanan. Sa paningin ng Diyos, bagama’t si Job ay ang dati pa ring Job, ang kanyang pananampalataya, pagsunod, at takot sa Diyos ay nagdala ng ganap na kaluguran at kasiyahan sa Diyos. Noong oras na ito, nakamit ni Job ang pagiging perpekto na inasahan ng Diyos na makakamit niya; siya ay naging isang tao na tunay ngang karapat-dapat na tawaging ‘perpekto at matuwid’ sa paningin ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II). Hinarap ni Job ang mga tukso at pag-atake ni Satanas, nawala ang lahat ng kanyang anak at ari-arian, ang buong katawan niya ay napuno ng mga pigsa, at ang sakit ay halos hindi na niya matiis, ngunit dahil may takot siya sa Diyos, hindi siya nagsalita o kumilos nang basta-basta. Sa halip, lumapit muna siya sa Diyos para manalangin at hanapin ang kalooban ng Diyos. Napagtanto niya na ang puso ng Diyos ay kasama niya sa kanyang pagdurusa, at nadama niya ang pangangalaga ng Diyos sa mga tao. Hindi kaya ni Job na hayaang magdusa ang Diyos, kaya mas gugustuhin pa niyang sumpain ang araw na isinilang siya kaysa sisihin ang Diyos. Sa huli, nanindigan siya, at bumigkas ng mga salitang nagpahiya kay Satanas: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Gaano man kutyain si Job ng mga kaibigan at ng asawa niya, napanatili ni Job ang kanyang tunay na pananampalataya sa Diyos, at ang kanyang patotoo ay nagpahiya kay Satanas, na hindi na siya kayang akusahan. Napagtanto ko na sa karanasang ito, hindi ako umasa sa Diyos para makita ang mga pakana ni Satanas o hinanap ang mabubuting layunin ng Diyos sa kapaligirang ito. Sa halip, lumaban ako, nagreklamo, at hinayaan si Satanas na pagtawanan ako. Habang pinag-iisipan ko ang salita ng Diyos, nanalangin ako sa Diyos, at ang pananampalataya ko ay lumago: Anuman ang susunod na kapaligirang kalalagyan ko, tutularan ko si Job, maninindigan ako sa aking patotoo para sa Diyos, at ipapahiya si Satanas.

Araw-araw ay nagtatrabaho ako sa bukid kasama ang kuya ko at ang asawa niya. Sa nakita kong pagmamahalan ng kuya ko at ng asawa niya, kung paano sila umaalis at bumabalik nang magkasama, hindi ko maiwasang mainggit sa kanila. Bakit hindi ako magkaroon ng normal na buhay pamilya? Sa pag-iisip nito, parang gusto kong makipagkompromiso. Lalo na kapag naghahanda sila ng hapunan, at nakikita ko ang pamilya nila na magkakasama at masaya, habang ako ay nag-iisa, nanghihina ang puso ko, at hindi ko mapigilan ang sarili kong umiyak. Napagtanto kong nag-aalala ako para sa laman, at naisip ko na ang Diyos ay naging tao sa mga huling araw at nagpapahayag ng katotohanan upang dalisayin at iligtas ang mga tao. Ito ay isang kritikal na panahon upang hanapin ang katotohanan, ngunit pinilit ako ng asawa kong huminto sa pananalig sa Diyos. Wala kaming pagkakapareho, at kahit na noong may pag-aalinlangan kaming nagsasama, hindi kami masaya. Nung maisip ko ito, hindi ako masyadong nalungkot. Hiniram ko ‘yung telepono ng hipag ko at tahimik akong nakinig ng mga himno. Nagsimulang tumugtog ang “Dapat Mong Iwan ang Lahat para sa Katotohanan”:

1 Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng iyong buhay para sa pansamantalang kasiyahan.

2 Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat sayangin ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!

—Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin

Salamat sa Diyos para sa pagpaparinig sa akin ng kantang ito nung sandaling ito. Alam kong hindi ko pwedeng talikuran ang paghahangad ng katotohanan para sa kaunting kasiyahan ng laman. Ngayon, ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol sa mga huling araw upang ganap na wakasan ang kapanahunang ito. Kung hindi natin matatamo ang katotohanan, mawawalan tayo ng pagkakataong maligtas, at sa huli, hahantong tayong lahat sa kapahamakan at wawasakin. Ano ang mahalaga sa pagkakaroon natin ng masayang buhay-pamilya? Hindi ba’t pansamantala lang ang lahat ng ito? Wala nang mas hihigit pang sakit at kawalan kaysa sa hindi pagkamit ng katotohanan. Sa pag-iisip nito, nakaramdam ako ng matinding kaginhawahan, na para bang nakaharap ko ang Diyos. Nakadama ako ng katiyakan at kagalakan sa puso ko, at hindi ko na naramdamang mag-isa ako.

Matapos manirahan sa bahay ng mga magulang ko sa loob ng tatlong linggo, isang araw, nakatakas ako habang ang pamilya ko ay hindi masyadong nakabantay at nagawa kong manatili sa isang hotel, pero mabilis akong nahanap ng pamangkin ko at ni kuya at ibinalik ako. Pagkatapos, pinapunta ng mga magulang ko sa bahay namin ang buong nayon para maghapunan at hiniling sa kanila na bantayan ako, at hulihin ako kung may makakita mang tumakas ako. Dumating ang asawa ko kasama ang limang taong gulang naming anak na lalaki para hilingin sa akin na huwag nang manalig at umuwi na kasama niya. Ang anak ko ay hindi nangahas na lumapit sa akin, at nang tanungin ko siya kung bakit, sabi niya, “Baliw ka raw sabi ni papa at baka patayin mo ako.” Labis akong nagalit nang marinig ko ‘to. Hindi ako makapaniwala na tuturuan niya ang isang bata ng ganung bagay. Pagkatapos nun, hindi na kami nagkaroon ng anak ko ng normal na relasyon. Nung binilhan ko siya ng kendi, saka lamang nagkaroon ang anak ko ng lakas ng loob na kausapin ako. Nakaramdam ako ng labis na kalungkutan, at hiniling kong ihinto na ng pamilya ko ang pagpupumilit sa akin, pero napagtanto kong mali ito. Lahat sila ay napopoot sa Diyos, at hindi na sila magbabago kahit kailan. Sinubukan pa rin akong hikayatin ng asawa ko, at patuloy na hiniling ng mga magulang kong huwag na akong manalig. Sabi ko, “Hindi ko kayang tumigil na manalig sa Diyos.” Nang makita niyang desidido pa rin ako, inuwi ng asawa ko ang aking anak.

Isang umaga, makalipas ang isang linggo, bumalik ang kapatid ko na nagpunta sa ibang bayan, dala niya ang isa sa mga damit ko. Sabi niya, “Nagpunta ako sa isang exorcist kaninang umaga para linisin ka.” Tapos lumabas din ng kwarto ang tatay ko at inutusan akong agad na isuot ang damit, at sinabing, “Kung isusuot mo ito, gagaling ka.” Sabi ko, “Hindi ko isusuot ‘yan. Hindi ako sinapian, at wala akong sakit, nananalig ako sa nag-iisang tunay na Diyos.” Nang makita ng aking ama na hindi ko tatanggapin ang kanilang “paggamot,” pinaupo niya ako sa isang upuan. Hawak ang isang patpat na kasingkapal ng bisig ko, sumimangot siya at sinabing, “Dahil napakasuwail mo, tingnan natin kung matuturuan kita ng leksyon ngayon! Kahit kailan ay hindi kita sinaktan noon, pero ngayon ay ipapakita ko sa iyo kung ano ang mangyayari kapag ginawa ko ‘to. At papaluin kita hanggang sa mamatay ka o huminto sa pananalig sa Diyos!” Hindi ko pa nakitang magalit nang ganun ang ama ko. Natakot akong mapalo, at napakakapal ng patpat na malamang ay mababali nito ang mga buto ko. Nang hilingin sa ‘kin ng aking ama na magbihis, agad akong nanalangin sa Diyos, sinabing kahit anong mangyari, hindi ako pwedeng makipagkompromiso kay Satanas. Naisip ko kung paano paulit-ulit na tinukso at inatake ni Satanas si Job, ngunit pinanatili ni Job ang integridad niya, nanindigan siya sa kanyang patotoo, at sa huli, si Satanas ay napahiya, nabigo, at tuluyang bumitiw. Kahit na mas mababa ako kaysa kay Job, alam kong darating din si Satanas para sa akin, magsusumikap na sirain ang pananampalataya ko sa Diyos nang paunti-unti, pahinain ang loob ko at ipadamang binigo ako ng Diyos, at sa huli ay gawin akong ipagkanulo ang Diyos. Hindi ako pwedeng mahulog sa mga panlilinlang ni Satanas. Kaya nanalangin ako sa Diyos para mangako, “Diyos ko, kahit bugbugin ako hanggang mamatay, hindi ako makikipagkompromiso kay Satanas. Hindi ko tatalikuran ang pananalig ko sa Iyo, at maninindigan ako sa patotoo ko para sa Iyo.” Pagkatapos manalangin, hindi na ako nakaramdam ng takot, at itinaya ko na ang lahat. Isang linya mula sa isang himno ang malinaw na lumutang sa isipan ko, “Hindi ko dapat talikdan ang aking hangarin at paninindigan; ang pagsuko ay katumbas ng pakikipagkompromiso kay Satanas, katumbas ng pagwasak sa sarili, at katumbas ng pagtatatwa sa Diyos(Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Ang Paninindigang Kinakailangan sa Paghahanap ng Katotohanan). Ang linyang ito ng salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng lakas ng loob at lakas. Hinding-hindi ako makikipagkompromiso kay Satanas. Lumapit sa akin ang aking ama na hawak ang patpat, at akmang hahampasin ako. Mukha siyang demonyo, pero hindi man lang ako natakot. Sa sandaling ito, kakabalik lamang mula sa bukid ng asawa ko at ng nanay ko. Agad na pumunta sa harapan ko ang aking ina upang harangan ang aking ama, at pagkatapos ay hinikayat ako na huwag nang manalig. Sinabi ko, “Ang pananalig sa Diyos ay hindi pagnanakaw, at hindi ko sinisira ang pamilya ng ibang tao. Ang ginagawa ko lang naman ay pumunta sa mga pagtitipon. Ano ba ang mali kong nagawa at gusto mo akong paluin hanggang mamatay? Pamilya ko pa rin ba kayo?” Naiinis na sinabi ng pamangkin ko, “Tita, tingnan mo ang mga taong may mga sasakyan at pera. Nananalig ka sa Diyos, pero ano ba ang naibigay sa iyo ng iyong Diyos?” Sabi ko, “Anong silbi ng mga bagay na iyon? Pagdating ng sakuna, ililigtas ba ng mga bagay na ito ang mga tao? Ang Diyos lamang ang makapagliligtas sa mga tao. Kung gusto mong hangarin ang mga bagay na iyon, hindi kita pipigilan. Nananalig ako sa Diyos, kaya bakit mo ako pinakikialaman?” Galit na sabi ng pamangkin ko, “Kung hindi ka titigil sa pananalig sa Diyos, hindi mo kami masisisi sa pagiging walang awa. Ibibitin ka namin nang tatlong araw at tatlong gabi, at pagkatapos ay tingnan natin kung mananalig ka pa rin!” Tapos ay nagkasundo ang buong pamilya na ibitin ako, at huwag ibaba hangga’t hindi ko isinusuko ang pananalig sa Diyos. Nagalit ako. Paanong naging ito ang pamilya ko? Mga diyablo lang sila. Nung panahong iyon, medyo natatakot ako, kaya nanalangin ako sa Diyos at hiniling ko sa Diyos na pamunuan ako. Sinubukan akong hikayatin ng asawa ko, “Ang pananalig ko sa Panginoong Jesus ay isang pananalig lang. Bakit ang seryoso mo dito? Huwag ka nang manalig.” Sabi ko, “Kung hindi mo tatanggapin na nagbalik na ang Panginoong Jesus para iligtas ka, hindi kita pipilitin, kaya itigil mo na ang pamimilit sa ‘kin. Susunod ako sa Makapangyarihang Diyos!” Pagkatapos kong magpakatatag sa deklarasyon ko sa aking pamilya, tumahimik sila, at alam kong natalo si Satanas. Nakaramdam ako ng tamis sa aking puso na hindi ko pa naramdaman, at wala akong ibang maisip kundi pasasalamat sa Diyos!

Pagkatapos nun, kinulong pa rin ako ng pamilya ko sa bahay. Pero hindi na ako nakaramdam ng hinanakit, at handa akong sumunod at matuto ng mga aral sa kapaligirang ito. Kadalasan, kapag hindi sila nakatutok, kinukuha ko ang telepono ng hipag ko at nakikinig ako online sa Araw-Araw na mga Salita ng Diyos. Madalas akong manalangin sa Diyos, at handa akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Bahala na ang Diyos kung kailan ako makakaalis, at handa akong maghintay. Unti-unti, hindi na ako masyadong binabantayan ng pamilya ko. Minsan, nagdaos ng piging sa kasal ang isang pamilya sa nayon, at pumunta ang lahat ng miyembro ng pamilya ko. Sinamantala ko ang pagkakataon para makatakas. Pagkatapos nito, nakipag-ugnayan ako sa mga kapatid at umalis ako sa bayang kinalakhan ko. Ngayon, sa wakas ay malaya na akong manalig sa Diyos at gawin ang aking tungkulin. Sa panahong ito, nakaranas ako ng pag-uusig mula sa aking pamilya, at kahit na nagdusa ako nang kaunti, marami akong nakamit. Mas malinaw kong nakikita ang kasamaan ng CCP at ang diwa ng paglaban sa Diyos ng pamilya ko, at naranasan ko sa praktikal na paraan na ang Diyos ay nasa tabi ko at sinusuportahan ako. Sa tuwing ako ay negatibo at mahina, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang bigyang-liwanag ako, akayin ako, at bigyan ako ng lakas ng loob at karunungan, para magkaroon ako ng lakas ng loob na manindigan. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman