Mga Pagninilay-Nilay sa Pagsusulat ng Ebalwasyon

Marso 28, 2023

Ni Tiantian, Tsina

Noong nakaraang Abril, pinangangasiwaan ko ang tekstuwal na gawain ng iglesia. Isang araw, nakatanggap ako ng sulat mula sa nakatataas na lider, hinihiling sa akin na magsulat ng ebalwasyon sa isang lider, si Liu Li, at ipadala iyon sa loob ng tatlong araw, Hindi ko maiwasang mag-isip-isip: Inihiling sa akin na suriin si Liu Li, kaya, marahil ay hindi siya gumagawa ng praktikal na gawain, at ang plano ay tanggalin siya? O baka may mahusay siyang kakayahan at karapat-dapat linangin, kaya ang plano ay itaas ang ranggo niya? Sa pangkalahatan, umako ng pasanin si Liu Li sa kanyang tungkulin at maagap na nakakalutas ng mga problema tungkol sa pagiging epektibo ng gawain. Kaya lang hindi siya gaanong sanay, at sa sandaling nagiging abala ang trabaho, natataranta siya, at hindi niya naiaayos kung ano ang dapat unahin. Patuloy akong nag-isip-isip: Kung plano ng lider na itaas ang ranggo ni Liu Li at linangin siya at marami akong isulat tungkol sa mga kapintasan niya, sasabihin ba ng lider na wala akong pagkakilala at hindi tinatrato nang patas ang iba? Ano ang iisipin niya sa akin pagkatapos niyon? Pero kung balak niyang tanggalin si Liu Li at marami akong isulat tungkol sa mga kalakasan niya, baka isipin niyang wala akong kakayahan at hindi man lang makapagsulat ng tumpak na pagtatasa, kaya paano ko maipagpapatuloy ang pangangasiwa sa tekstuwal na gawain? Malamang magkakaroon siya ng masamang impresyon sa akin pagkatapos niyon. Sa isiping ito, hindi na ako naglakas-loob na magsulat.

Kinabukasan, dumalo si Sister Wang Jie, ang kapareha ni Liu Li, sa isang pagtitipon kasama namin. Nagka-ideya ako—pwede ko siyang makuhaan ng impormasyon nang hindi nahahalata. Kaya, mausisa ko siyang tinanong: “Madalas kang nakikipagtipon sa amin kamakailan. Bakit hindi namin nakikita si Liu Li? Sobrang abala ba siya?” Sinabi ni Wang Jie, “Abala siya sa ibang gawain.” Napansin kong napakababa ng boses niya nang tumugon siya, at ipinagpalagay ko na baka matatanggal si Liu Li, at nakokonsensya si Wang Jie dahil hindi niya ito natulungan. Pero hindi pa rin ako sigurado, kaya nagtanong pa ako: “Nakakaya niyo naman ba na kayo lang dalawa ang nangangasiwa sa gawain ng iglesia?” Tinuunan ko ng pansin ang ekspresyon ng mukha niya at kung paano siya magsalita, sinusubukang makakita ng munting mga pahiwatig, pero sa huli ay wala akong makuhang anumang malinaw na tanda. Nabalisa ako nang makitang papalapit na ang deadline ng ebalwasyon, pero patuloy ko itong pinagpapaliban, hindi nakakasiguro kung ano ang isusulat. Sa huli, hindi ko na lang ito sinulat para hindi makita ng lider na wala akong pagkakilala. Kung tatanungin niya ako tungkol dito, maaari kong sabihin na masyado akong abala noong mga araw na iyon at wala akong oras. Kaya naman, iniwasan ko ang isyu sa pamamagitan ng hindi pagsulat ng ebalwasyon. Kalaunan, sa tuwing naiisip ko iyon, nakokonsensya talaga ako. Hiniling sa akin ng lider na suriin si Liu Li para pangunahing maunawaan kung gumagawa siya ng praktikal na gawain o hindi, at kung pwede siyang linangin. May direktang kinalaman ito sa gawain ng iglesia. Napakadaling bagay na isulat ang anumang nalalaman ko, kaya bakit ko ipinagpaliban ito? Ano ang pumipigil sa akin? Nagdasal ako: “Diyos ko! Masyado akong nag-iingat at nag-aalinlangan tungkol sa ebalwasyong iyon. Napakarami kong alalahanin at ayaw kong makipagtulungan. Pakiusap, gabayan Mo po ako para maunawaan ang problema ko.”

Nabasa ko ito sa aking mga debosyonal. “Ang mga anticristo ay bulag sa Diyos, wala Siyang puwang sa kanilang mga puso. Kapag nakakaharap nila si Cristo, itinuturing lang nila Siya bilang ordinaryong tao, palagi silang nakikiramdam sa Kanyang mga ekspresyon at tono, iniaangkop ang kanilang sarili batay sa hinihingi ng sitwasyon, hindi kailanman sinasabi kung ano talaga ang nangyayari, hindi kailanman nagsasalita ng anumang taos sa puso, nagsasalita lamang ng mga hungkag na salita at doktrina, at sinusubukang linlangin at lansihin ang totoong Diyos na nakatayo sa harapan ng kanilang mga mata. Wala silang ni bahagya mang takot sa Diyos. Sila ay lubos na walang kakayahang magsalita sa Diyos nang mula sa puso, na magsabi ng anumang totoo. Nagsasalita sila na parang isang gumagapang na ahas, ang galaw ay paliku-liko at hindi tuwiran. Ang paraan at gawi ng mga salita nila ay tulad ng isang baging ng melon na umaakyat sa isang poste. Halimbawa, kapag sinasabi mong ang isang tao ay may mahusay na kakayahan at maaaring itaas ng ranggo, kaagad silang nagsasalita tungkol sa kung gaano kahusay ang taong ito, at kung ano ang nakikita at naihahayag sa kanya; at kung sasabihin mong ang isang tao ay masama, mabilis sila sa pagsasalita kung gaano ito kasama at kamakasalanan, kung paano niya ginagambala at inaabala ang iglesia. Kapag ninanais mong malaman ang katotohanan tungkol sa isang bagay, wala silang masasabi; nagpapaliguy-ligoy sila, naghihintay na gumawa ka ng konklusyon, nakikinig para sa kahulugan ng mga salita mo, para masabi nila kung ano ang gusto mong marinig. Ang lahat ng sinasabi nila ay pambobola, pagpapakasipsip, at pagbibigay ng labis na papuri; wala kahit isang salitang may katotohanan ang lumalabas sa kanilang mga bibig. Ganito sila makipag-ugnayan sa mga tao at kung paano nila tratuhin ang Diyos—ganyan talaga sila kamapanlinlang. Ito ang disposisyon ng isang anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)). Inihahayag ng mga salita ng Diyos na ang mga anticristo ay nanlilinlang sa tuwing nakakaharap nila si Cristo. Sila ay nambobola, sumisipsip, at gumagaya lang sa Kanyang mga pagpapahayag. Hindi sila nagsasabi ng katotohanan sa harap ni Cristo; mahusay sila sa panlilinlang at pagpapanggap. Sobra silang tuso at masama, at kinasusuklaman sila ng Diyos. Bagamat hindi ko nakakaharap si Cristo, kumikilos at nabubunyag sa akin ang isang disposisyon na tulad ng sa anticristo. Hiniling sa akin ng lider na magsulat ng ebalwasyon kay Liu Li dahil sa mga pangangailangan ng gawain ng iglesia. Hindi iyon isang komplikadong bagay. Kailangan ko lang na tapat na isulat ang lahat ng nalalaman ko, at ibahagi ang nauunawaan nang patas at obhektibo. Pero ginawa kong masyadong kumplikado ang mga bagay-bagay dahil sa paghahaka-haka tungkol sa mga layunin ng lider, natatakot na kung hindi ko ito isusulat nang maayos, iisipin niya na wala akong pagkakilala at mamaliitin niya ako. Para protektahan ang imahe at puwang ko sa puso niya, inusisa ko ang mga layunin niya sa pagkukunwaring nag-aalala ako sa mga sister ko. Kung gusto niyang itaas ang ranggo ni Liu Li, marami sana akong isinulat tungkol sa mga kalakasan nito. Kung gusto niya itong tanggalin, marami sana akong isinulat tungkol sa mga pagkukulang ni Liu Li para hangaan ako ng lider. Hindi ko siya sinusubukang suriin batay sa mga katunayan o mga prinsipyo, pinagmamasdan ko ang mga reaksyon ni Wang Jie para mahulaan ang mga layunin ng lider. Nabubunyag sa akin ng disposisyon na tulad ng sa isang anticristo—tuso at mapanlinlang! Para matuklasan ang mga layunin ng lider, tinanong ko si Wang Jie ng ilang hindi direktang tanong, sinusubukang makakuha ng impormasyon sa kanya. Para akong isang hamak na kriminal, na walang anumang dignidad o dangal. Sa totoo lang, lahat ay may mga kalakasan at kapintasan, at kailangan nating magsulat ng mga ebalwasyon nang patas at obhektibo, alinsunod sa mga katunayan. Kung magsusulat ako ng positibong ebalwasyon tungkol sa isang masamang tao, at pagkatapos ay makagawa ng maling desisyon ang lider, magagambala ko ang gawain ng iglesia, makakagawa ng masama, at malalabanan ang Diyos. Kung magsusulat ako ng masyadong mapanghamak na ebalwasyon tungkol sa isang taong naghahangad sa katotohanan, hindi iyon patas at maaaring lubhang makapinsala sa kanila. Kung dahil sa mali kong ebalwasyon ay mailipat o matanggal si Liu Li, makakagawa ako ng masama at tiyak na magkakasala sa Diyos. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang katapatan ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga totoong impormasyon, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang magpalakas sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging tapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Hindi masyadong humihingi sa atin ang Diyos, Umaasa lang siya na magiging prangka tayo sa salita at gawa, na sasabihin natin ang totoo, at magiging patas at matapat na mga tao na hindi nanloloko o nagkukubli ng mga bagay-bagay. Kailangan lang nating maging prangka, isulat ang ating nalalaman, at tratuhin ang mga tao nang patas sa ating mga ebalwasyon. Pero hindi ko man lang iyon magawa. Gustong malaman ng lider kung ano ang tingin ko sa isang tao, pero wala siyang nakuhang ni isang matapat na salita mula sa akin. Ang paulit-ulit na pagiging madaya at mapanlinlang ay hindi talaga pagkilos na gaya sa isang matapat na tao. Kinamuhian ko ang sarili ko nang mapagtanto ko iyon.

Kalaunan, nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos. “Ano ang pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? Kapag sinusuri mo ang isang tao, halimbawa—nauugnay ito sa pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Paano mo sila kinikilatis? (Dapat tayong maging matapat, makatarungan, at patas, at hindi dapat nakabatay sa emosyon ang ating mga salita.) Kapag sinasabi mo kung ano mismo ang iniisip mo, at kung ano mismo ang nakita mo, nagiging matapat ka. At higit sa lahat, ang ibig sabihin ng pagiging matapat ay pagsunod sa daan ng Diyos. Ito ang itinuturo ng Diyos sa mga tao; ito ang daan ng Diyos. Ano ang daan ng Diyos? Pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Ang pagiging matapat ba ay bahagi ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan? At ito ba ay pagsunod sa daan ng Diyos? (Oo.) Kung ikaw ay hindi matapat, ang nakita mo at ang naiisip mo ay hindi tugma sa lumalabas sa bibig mo. May nagtatanong sa iyo, ‘Ano ang opinyon mo sa taong iyon? Tumatanggap ba siya ng responsibilidad para sa gawain ng iglesia?’ at sumasagot ka, ‘Medyo magaling siya, at tumatanggap siya ng mas maraming responsibilidad kaysa sa akin, mas mahusay ang kakayahan niya kaysa sa akin, at mabuti rin ang pagkatao niya, nasa kahustuhan siya at matatag siya.’ Pero ito ba talaga ang iniisip mo sa puso mo? Ang talagang iniisip mo ay na bagama’t may kakayahan nga ang taong ito, hindi naman siya maaasahan, at medyo tuso, at napakamapagpakana. Ito talaga ang iniisip mo, pero noong oras nang magsalita, naisip mo na, ‘Hindi ko puwedeng sabihin ang totoo, hindi ko dapat mapasama ang loob ng sinuman,’ kaya mabilis kang nagsabi ng ibang bagay, pinili mong magsalita ng mabubuting bagay tungkol sa kanya, at wala ni isa sa sinabi mo ang talagang nasa isip mo, ang lahat ng ito ay kasinungalingan at pagpapaimbabaw. Ipinapakita ba nito na sinusunod mo ang daan ng Diyos? Hindi. Ang tinatahak mo ay ang landas ni Satanas, ang daan ng mga demonyo. Ano ang daan ng Diyos? Ito ang katotohanan, ito ang batayan ng pag-uugali ng mga tao, ito ang daan ng pagkakaroon ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan. Bagama’t nakikipag-usap ka sa ibang tao, nakikinig rin ang Diyos, at pinagmamasdan ang iyong puso, sinisiyasat Niya ang puso mo. Nakikinig ang mga tao sa sinasabi mo, pero sinisiyasat ng Diyos ang puso mo. Kaya ba ng mga tao na siyasatin ang puso ng mga tao? Ang pinakamagagawa nila ay ang makita na hindi ka nagsasabi ng totoo. Nakikita nila ang kung ano ang nasa panlabas. Ang Diyos lamang ang nakakakita ng nasa pinakakaibuturan ng puso mo, ang Diyos lamang ang nakakakita ng iniisip mo, ng pinaplano mo, ng maliliit na pakana na nasa loob ng puso mo, ng mga mapandayang paraan, at ng masasamang iniisip. At nakikitang hindi ka nagsasabi ng totoo, ano ang opinyon sa iyo ng Diyos, ano ang pagsusuri Niya sa iyo? Na sa bagay na ito, hindi mo sinunod ang daan ng Diyos, dahil hindi ka nagsabi ng totoo(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Natutunan ko mula sa mga salita ng Diyos na kailangan nating matakot sa Diyos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat habang nagsusulat ng mga ebalwasyon. Sa ganoong paraan, magiging maingat tayo at haharap sa Diyos habang ginagawa iyon, dahil sa takot na kung mayroon tayong maling intensyon, makakasulat tayo ng mali at may kinikilingang ebalwasyon at sa gayon ay magkakasala sa Diyos. At kapag nagsusulat ng ebalwasyon, dapat tayong magdasal, tumuon sa paghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan, at obhektibong ibahagi ang tunay nating pagkaunawa at mga pananaw sa taong iyon nang hindi nagkikimkim ng mga sarili nating intensyon. Dapat totoo ang lahat ng sinasabi natin, nang hindi ito pinapalabnaw. Iyon ay tanda ng pagkatakot sa Diyos. Pero ang mga hindi natatakot sa Diyos ay nagsasalita at kumikilos ayon sa kanilang mga kapritso, minsan ay sinasabi ang anumang naiisip nilang makakabuti sa kanila, o binabago pa nga ang realidad at binabaluktot ang mga katunayan. Sila ay mga taong tunay na may mga tusong disposisyon. Kumikilos sila tulad ng mga hindi mananampalataya at hindi sila mapagkakatiwalaan. Inilantad ako ng pagsusulat ng ebalwasyong iyon. Pagkatapos ng maraming taon sa pananampalataya, mayroon pa rin akong masasamang layunin at gusto ko munang malaman ang sitwasyon bago isulat ito, at sabihin ang anumang makakabuti sa akin. Wala man lang akong takot sa Diyos. Masyado akong tuso, at kinasusuklaman ito ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, pakiramdam ko magiging mapanganib ang magpatuloy nang ganito, kaya’t nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na gabayan ako para pagnilayan at kilalanin ang sarili ko.

Pagkatapos niyon, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos. “Ano ang tunay na kasamaan? Aling mga kalagayan ang masama kapag namamalas ang mga iyon? Masamang disposisyon ba kapag gumagamit ang mga tao ng tila mahahalagang pahayag para itago ang masasama at kahiya-hiyang layon na nasa kaibuturan ng kanilang puso, at pagkatapos ay paniwalain ang iba na napakabuti, walang kapintasan, at lehitimo ang mga pahayag na ito, at sa huli ay makamtan ang kanilang mga lihim na motibo? Bakit ito tinatawag na pagiging masama at hindi pagiging mapanlinlang? Pagdating sa disposisyon at diwa, hindi ganoon kasama ang maging mapanlinlang. Ang pagiging masama ay mas mabigat kaysa pagiging mapanlinlang, ito ay isang pag-uugaling mas tuso at masama kaysa pagiging mapanlinlang, at mahirap para sa karaniwang tao na mahalata ito. Halimbawa, anong klaseng mga salita ang ginamit ng ahas para akitin si Eba? Paimbabaw na mga salita, na tama sa pandinig at tila sinambit para sa kabutihan mo. Wala kang malay na may anumang mali sa mga salitang ito o anumang masamang layon sa likod ng mga ito, at kasabay nito, hindi mo malimutan ang mga mungkahing ito ni Satanas. Ito ay tukso. Kapag natutukso ka at nakikinig sa ganitong klaseng mga salita, hindi mo mapipigilang maakit at malamang na mahulog ka sa bitag, sa gayon ay makakamtan ni Satanas ang kanyang mithiin. Ang tawag dito ay kasamaan. Ginamit ng ahas ang pamamaraang ito para akitin si Eba. Ito ba ay isang uri ng disposisyon? (Oo.) Saan nanggagaling ang ganitong uri ng disposisyon? Nanggagaling ito sa ahas at kay Satanas. Ang uring ito ng masamang disposisyon ay umiiral sa kalikasan ng tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging ang Pagkakilala sa Sarili ang Makakatulong sa Paghahangad ng Katotohanan). Sinasabi ng Diyos na kapag makatwiran pakinggan ang mga tao, ngunit nagkikimkim ng mga panlilinlang sa puso nila, at gumagamit ng mga salita na magagandang pakinggan para makamit ang kanilang mga lihim na pakay, hindi lang iyon pagiging tuso, iyon ay masamang disposisyon. Pinakakinamumuhian ng Diyos ang gayong uri ng tao. Para makuha ang pagsang-ayon at paggalang ng lider, hinulaan ko ang mga layunin niya habang isinusulat ang ebalwasyon ko, gustong umayon sa mga layuning iyon, nagkukunwari pa nga akong nag-aalala para kay Liu Li para malaman kung ano ang iniisip nila, tinatanong kung abala ba ito sa gawain dahil matagal-tagal ko na itong hindi nakita, kung nakakayanan ba nila ang gawain, at iba pa, sinusubukang alamin kung ano ang nangyayari at kung mananatili ba ito o aalis. Sa panlabas, mukhang nag-aalala at nagmamalasakit ako tungkol kay Liu Li, pero puno ng panlilinlang ang mga salita ko at hindi talaga ako naging totoo. Masyado talaga akong mapanlinlang at masama. Ang kalikasan ng kung paano ako nagsalita ay katulad ng sa ahas na tumukso kay Eba na kainin ang bunga ng kaalaman gamit ang magaganda-pakinggan at mapanlinlang na mga salita. Tuso ako sa mga salita at kilos ko, nililinlang at pinaglalaruan ang iba. Nagpapakademonyo ako. Kung hindi ako magbabago, malamang na magkakasala ako sa mga salita ko at malalabag ang Diyos at ang Kanyang disposisyon. Nang mapagtanto ko ito, nagdasal ako, gustong magsisi at magbago, at huminto sa pamumuhay ayon sa masamang disposisyon.

Kalaunan, nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hinihingi ng Aking kaharian ang mga matapat, ang mga hindi mapagkunwari o mapanlinlang. Hindi ba’t ang mga tunay at tapat na tao ay hindi sikat sa mundo? Mismong kabaligtaran Ako. Katanggap-tanggap na lumapit sa Akin ang matatapat na tao; nalulugod Ako sa ganitong uri ng tao, at kailangan Ko rin ang ganitong uri ng tao. Ito mismo ang Aking pagiging matuwid(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 33). “Ang pagiging matapat na tao ay hinihingi ng Diyos sa tao. Ito ay isang katotohanan na kailangang isagawa ng tao. Ano, kung gayon, ang mga prinsipyong dapat sundin ng tao sa mga pakikitungo nila sa Diyos? Maging tapat: Ito ang prinsipyo na dapat sundin kapag nakikisalamuha sa Diyos. Huwag gayahin ang pagsasagawa ng mga hindi nananalig na pagsisipsip o pambobola; hindi kailangan ng Diyos ang pambobola at pagsisipsip ng tao, sapat na ang maging tapat. At ano ba ang ibig sabihin ng maging tapat? Paano ba ito dapat isagawa? (Buksan lamang ang iyong puso sa Diyos, nang walang halong pagpapanggap o walang ikinukubling anuman o itinatagong anumang sikreto, makipag-usap sa Diyos nang may tapat na puso, at magsalita nang diretsahan, nang walang anumang panlilinlang o panloloko.) Tama iyan. Upang maging matapat, dapat mo munang isantabi ang iyong mga pansariling pagnanasa. Sa halip na magtuon ng pansin sa kung paano ka itinuturing ng Diyos, sabihin mo kung ano ang nasa puso mo, at huwag pag-isipan o isaalang-alang kung ano ang mga magiging kahihinatnan ng mga salita mo; sabihin kung anuman ang iniisip mo, isantabi ang mga motibasyon mo, at huwag magsalita ng mga bagay upang makamtan lamang ang ilang layunin. Kapag mayroon kang masyadong maraming mga personal na layunin at lason, palagi kang nagtatantiya sa paraan ng iyong pagsasalita, isinasaalang-alang ang, ‘Dapat ko itong sabihin, at hindi iyon, dapat akong mag-ingat tungkol sa aking sasabihin. Gagawin ko ito sa paraang nakikinabang ako, at natatakpan ang aking mga pagkukulang, at mag-iiwan ng magandang impresyon sa Diyos.’ Wala ka bang mga motibasyon? Bago mo ibuka ang iyong bibig, puno ang isip mo ng mga buktot na isipan, makailang beses mong binabagu-bago ang gusto mong sabihin, nang sa gayon kapag lumabas na ang mga salita mula sa iyong bibig hindi na napakadalisay ng mga ito, at hindi na tunay kahit bahagya man lamang, at naglalaman na ng sarili mong mga motibo at mga pakana ni Satanas. Hindi ito ang pagiging tapat; ito ay ang pagkakaroon ng masasamang motibo at layunin. Dagdag pa rito, kapag nagsasalita ka, lagi mong pinakikiramdaman ang mga ekspresyon ng mukha ng Diyos at ang tingin sa Kanyang mga mata: Kung may positibo Siyang ekspresyon sa Kanyang mukha, tuloy ka sa pagsasalita; kung hindi naman, sinasarili mo ito at wala kang sinasabi; kung hindi maganda ang tingin ng mga mata ng Diyos, at tila hindi Niya nagugustuhan ang Kanyang naririnig, pinag-iisipan mo itong mabuti at sinasabi mo sa iyong sarili, ‘Sige, may sasabihin akong isang bagay na magiging interesado Ka, na makapagpapasaya sa Iyo, na magugustuhan Mo, at kung saan kagigiliwan Mo ako.’ Ganito ba ang pagiging tapat? Hindi(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikalawang Bahagi)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao. Nagsasalita nang simple at hayagan ang matatapat na tao, at sila ay prangka sa Diyos at sa ibang tao, walang panlilinlang o pagkukunwari. Sinasabi nila ang totoo sa lahat ng bagay, malinaw sila at tuwiran. Gayon dapat ang isang normal na tao. Nakita ko na marami sa mga kapatid ang nagsisikap na maging matatapat na tao. Kapag may nakikita silang lumalabag sa mga prinsipyo ng katotohanan, nagbabahagi sila at tinutulungan ang mga ito, o tinatabasan at iwinawasto ang mga ito. Prangka sila, at tinutulungan at sinusuportahan ang isa’t isa. Nagtatapat sila sa pagbabahagi sa mga pagtitipon at napakamalaya nila. Hinahangaan ko sila at gusto kong magsikap na maging matapat na tao gaya ng hinihingi ng Diyos. May ilang bagay na hindi ko nauunawaan at maaaring mali ang ilang pananaw ko, pero kahit papaano, hindi ako dapat magkimkim ng anumang panlilinlang, at kailangan kong magkaroon ng tamang mga layunin. Iyon ang susi. Sumigla ang puso ko sa pagkaunawang ito, at nagkaroon ako ng kalinawan sa isang landas ng pagsasagawa.

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, sumulat ako ng ebalwasyon sa isa pang lider, si Sister Chen Xiao. Naisip ko: “Hindi ko siya gaanong kilala. Kung hindi ako magiging malinaw sa ebalwasyon ko, sasabihin ba ng lider na wala akong pagkilatis at mamaliitin ako? Baka dapat mas magsulat ako tungkol sa mga kalakasan niya?” Nang maisip ko iyon, napagtanto ko na sinusubukan ko na namang maglaro. Hindi maliit na bagay ang mga ebalwasyon—nakakaapekto ito sa mga promosyon at pagtatanggal. Pagkakasala sa Diyos ang pagsisinungaling tungkol doon. Hindi ako pwedeng magsulat batay sa sarili kong mga interes, kaya nagmadali akong magdasal sa Diyos at talikdan ang sarili ko. Nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos. “Para maprotektahan ang iyong katanyagan at reputasyon, paliguy-ligoy kang nagsasalita, at pinag-iisipan mong mabuti ang bawat salitang sinasambit mo. Nakapapagod talaga ang buhay mo! Kung ganito ka mamuhay, magiging masaya ba ang Diyos? Ang mga taong mapanlinlang ay ang mga lubos na kinasusuklaman ng Diyos. Kung nais mong iwaksi ang impluwensya ni Satanas at maligtas, dapat mong tanggapin ang katotohanan. Dapat kang magsimula sa pagiging isang matapat na tao, na nagsasabi ng mga bagay na tunay at totoo, hindi napipigilan ng damdamin, inaalis sa iyong sarili ang pagkukunwari at panloloko, at nagagawang magsalita at kumilos nang may mga prinsipyo. Ang ganitong pamumuhay ay malaya at masaya, at nagagawa mong mamuhay sa harap ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagsasagawa Lamang ng Katotohanan Maiwawaksi ng Isang Tao ang mga Gapos ng Isang Tiwaling Disposisyon). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas ng pagsasagawa. Hindi ako pwedeng maging hindi matapat para lang protektahan ang reputasyon at katayuan ko. Hindi iyon tunay na wangis ng tao. Hinihingi sa atin ng Diyos na maging matatapat tayong tao, dapat tayong maging makatotohanan at huwag isipin ang sarili nating reputasyon at katayuan. Kailangan kong isulat ang anumang nalalaman ko at huwag isama ang anumang hindi malinaw sa akin, at huwag mag-alala kung ano ang iniisip ng iba sa akin. Kaya, obhektibo at patas kong isinulat ang pagkaunawa ko kay Chen Xiao alinsunod sa mga katunayan at ipinadala ang sulat ko. Sa paggawa nito, naging kalmado at mapayapa ang pakiramdam ko. Salamat sa Diyos sa Kanyang patnubay!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman