Ang mga Salita ng Diyos ay Inakay Ako Palabas ng isang Impiyerno sa Lupa

Enero 16, 2022

Ni Qiuzhen, Tsina

Agosto ’yon ng taong 2002, nasa lungsod ako kasama ang limang iba pang mananampalataya para ibahagi ang ebanghelyo. Isang gabi bandang hatinggabi, humigit-kumulang isang dosenang pulis ang biglang sumambulat sa bahay namin, at may dalawa sa kanila na lampas trenta ang edad na sumisigaw, “Huwag kayong gagalaw! Mga pulis kami, kaya umayos kayo!” Tapos nagsimula silang maghalughog sa buong bahay, sa ilalim ng kama at sa loob ng mga aparador, at kinuha nila ang lahat ng materyales namin para sa pagbabahagi ng ebanghelyo at ang aming mga libro ng mga salita ng Diyos. Kinuha pa nila ang ID ko at ang mga bag na nakapatong sa mesa, tapos ipinasok kaming lahat sa mga sasakyan ng pulis. Pagdating namin sa himpilan, pinaghiwa-hiwalay nila kami para sa pagtatanong. Nagtagal ’yon hanggang madaling araw. Dumating ang hepe ng pulisya at nang makitang hindi ako nagsasalita ay marahas na sinabing, “Habang lalo kang nananahimik, lalo kaming nakukumbinsing isa kang lider. Hahanap kami ng bagong lugar para sa ’yo na pusta kong ‘ikasisiya’ mo. Pagdating ng oras na ’yon, ’di na ikaw ang masusunod. Magsasalita ka gusto mo man o hindi.” Medyo natakot ako nang marinig ’yon. Saan nila ako dadalhin? Kung napagkamalan nila akong isang lider, pahihirapan ba nila ako hanggang mamatay ako? Tahimik akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bantayan ang puso ko nang sa gayon anuman ang mangyari, hindi ko Siya pagtataksilan at ’di ako magiging isang Judas.

Pasado ala una ng hapon kinabukasan, inilipat kami ng mga pulis sa isang detention house. Pagdating namin sa entrada ng isang selda, nakita ko ang higit sa dalawampung bilanggo sa loob, na may mababagsik na ekspresyon sa kanilang mukha. Nanayo lahat ng balahibo ko at walang tigil akong tumawag sa Diyos, “Diyos ko, takot na takot po ako ngayon. Pakiusap, gabayan Mo po ako.” Naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos matapos kong magdasal: “Hindi ka dapat matakot dito at doon; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin; …. Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Binigyan ako ng pananampalataya at lakas ng mga salita ng Diyos. Nasa likod ko ang Diyos, at kung kasama ko ang Diyos, anong dapat katakutan? Ang lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay, alam kong paano man ako maaaring pahirapan, malalampasan ko ito sa pamamagitan ng pag-asa sa Diyos. Unti-unti akong huminahon. Tapos isang guwardiya ng bilangguan ang marahas akong itinulak papasok sa selda at sinabi sa mga bilanggo, “Naniniwala ang munting kaibigan nating ’to sa Kidlat ng Silanganan at walang sinabi sa amin kahit isang bagay. Puwede ninyo siyang bugbugin nang husto hanggang ipagtapat niya ang lahat.” Pagkasabi niya no’n, apat o lima sa kanila ang pinalibutan ako at sinimulan akong sipain at suntukin, at hinablot ako sa buhok ng taong namamahala at napakalakas akong inuntog sa pader nang dalawa o tatlong beses, hanggang sa puntong nagdilim ang paningin ko. Namuo ang isang bukol na may dugo at napakasakit nito. Walang tigil akong tumatawag sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananampalataya at lakas, at ng paninindigang matagalan ito. Pinagngalit ko ang mga ngipin ko at nanahimik. Mga lima o anim na minuto na nila akong binubugbog nang mabagsik na sabihin ng pinuno, “Magsasalita ka ba o ano?” Tumanggi pa rin akong magsalita, kaya pinaluhod nila ako sa isang bakal na tubo nang kalahating oras, tapos pinag-pose ako na parang isang eroplano. Matapos ang isang oras ng paghihirap na ’to, bumagsak ako sa sahig, hindi makagalaw. Nang makitang hindi ako makabangon, lumipat sila sa isang mas nakaririmarim na paraan. Ilang bilanggo ang hinila ako patayo mula sa sahig, tapos dalawa o tatlo sa kanila ang hinawakan ako para ’di ako makagalaw habang may naglagay ng nakasinding sigarilyo sa kuko ko sa kaliwang hinliliit, hinihipan ’yon at pinapaso ako. Naririnig ko ang tunog ng nasusunog. Naamoy ko ang sangsang ng nasusunog na kuko at nadama ang matinding sakit. Sa sobrang sakit ay tagaktak ako ng pawis at gusto kong tumalon sa ere, itinitiim ang mga ngipin at umuungol. Hindi ko na talaga kinakaya ang sakit, kaya tumawag ako sa Diyos gamit ang lahat ng mayroon ako, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananampalataya at lakas. Pagkatapos ng panalangin, sumagi sa isip ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Dapat kang magdusa ng kahirapan alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Ang Kanyang mga salita ay binigyan ako ng pananampalataya at lakas na hiniling ko. Alam kong kakailanganin kong magdusa para maisagawa ang katotohanan at makatayong saksi, at hindi ko puwedeng pagtaksilan ang Diyos kailanman. Dahil tumanggi pa rin akong magsalita, paulit-ulit nilang pinaso ang hita ko gamit ang mga nakasinding sigarilyo, at may ilang nabuong paltos. Tapos itinaas nila ang mga paa ko at ginamit ang isang lighter para pasuin ang bawat isang hinlalaki ko sa paa. Napaso at namaga ang mga hinlalaki ko sa paa. Tapos pinaso nila ang arko ng mga paa ko. Nakadama ako ng matinding sakit at nagsimula akong mangisay. Halos mahimatay ako. Wala silang pakialam kung mabuhay ako o mamatay at tumigil lang matapos mapaso nang husto ang arko ng mga paa ko. Basang-basa ako ng pawis, at kasing tuyo ng disyerto ang lalamunan ko. Uhaw na uhaw ako, pero hindi nila ako hinahayaang uminom ng tubig. Gusto kong magpahinga nang kaunti, pero sumigaw ang pinuno, “Huwag n’yo siyang hahayaang umupo, saktan siya! Panatilihin siyang nakatayo, pagurin n’yo siya!” Sumugod sa akin ang isang bilanggo at sinuntok ako. Kinailangan kong manatiling nakatayo. Sa oras ng pagkain, nang subukan kong kumuha ng pagkain, nakita ako ng pinuno at sumigaw, “Gusto mong kumain? Makakakain ka pagkatapos mong magsalita.” Nang gabing ’yon pinatayo niya ako sa may banyo at hindi ako hinayaang makatulog. Isa pang bilanggo ang nagbantay sa akin. Nakakasulasok ang mabahong amoy mula sa banyo. Kapag hindi ko mapigilan ang sarili kong maidlip, sinusuntok ako sa dibdib ng bilanggo na ’yon. Wala akong ideya kung gaano karaming beses akong nasuntok. Pagkasikat ng araw, nahihilo ako at sobrang sakit ng ulo ko. Nang maglakad ako pakiramdam ko umaapak ako sa bulak—talagang gumigewang ako. Inutos ulit ng pinuno na sabihin ko sa kanila ang tungkol sa iglesia, at sinabi kong, “Nasabi ko na ang lahat ng sasabihin ko. Wala nang iba pang mapag-uusapan.” Galit na pinagngalit niya ang kanyang mga ngipin at sinabing, “Matigas ka talaga, ha? Alam mo ba kung anong tawag nila rito? Brute Block ang tawag dito.” Doon nila inilalagay ang mga pinakabayolenteng kriminal. Pinapabugbog ng mga pulis sa mga kriminal na ’yon ang mga taong tinatapon nila ro’n hanggang sa magtapat sila, tapos kung magtagumpay ang mga kriminal na ’yon ay mababawasan ang haba ng sentensiya nila. Isa ’yon sa pinakamasasamang taktika ng malaking pulang dragon. Kahit na bugbugin hanggang sa mamatay ang isang bilanggo, hindi nananagot ang mga pulis. Ginagawa ang lahat nang ligtas sa parusa. Pagkatapos no’n, may masamang hangaring sinabi ng pinuno, “Walang pagpipilian ang mga tao rito. Kailangan nilang sumunod. Kung hindi, makikita mong hinahanap mo! Hindi ako kumbinsidong hindi ka namin kakayanin. Heto, patitikimin kita ng aking ‘nilagang siko ng baboy.’” Inutusan niya ang ilang iba pang bilanggo na ipitin ako sa pader, tapos, gamit ang lahat ng lakas na mayroon siya, tumakbo siya papunta sa akin at pinatama ang kanyang siko sa dibdib ko, tapos tumayo siya sa mismong harapan ko at napakalakas akong pinagsusuntok. Matapos masuntok ng dalawang magkasunod na beses, sobrang sakit ng puso ko, pakiramdam ko madudurog na ito. Dahil sa sakit, tinakpan ko ang dibdib ko ng kamay ko nang hindi ko namamalayan. Pakiramdam ko malalagot na ang hininga ko. Hindi nagtagal, tumalon siya at napakalakas na ibinagsak ang siko niya sa likod ko, tapos inulit niya ’yon. Pakiramdam ko parang lahat ng lamang-loob ko’y lalabas na mula sa akin. Lubos na ’di ko na kinakaya, bumagsak ako sa sahig, hindi makahinga sa sakit sa dibdib at likod ko. Talagang napakabilis na kitang-kita na talaga ang pamamaga ng dibdib ko. Sukdulan ang paghihirap ko at hindi ko na kaya ang higit pa rito. Alam ko na kung magpapatuloy ’yon, sa malao’t madali ay mabubugbog nila ako hanggang mamatay ako. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Nagmamakaawa po ako sa Inyo na iligtas ako.” Tapos naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao. … Ang mga nakikibahagi sa Aking kapaitan ay tiyak na makikibahagi sa Aking katamisan. Iyan ang Aking pangako at Aking pagpapala sa inyo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Talagang pinasigla ako ng mga salita ng Diyos at alam ko na hindi hinahayaan ng Diyos ang mga demonyong ’yon na abusuhin at pahirapan ako para lang pagdusahin ako, ’yon ay para maunawaan ko ang katotohanan at magkaroon ng pagkakilala, para malinaw na makita kung paano nilalabanan ni Satanas ang Diyos at sinasaktan ang mga tao, at kung paano nito nilalabanan at kinokondena ang gawain ng Diyos para kamuhian at tanggihan ko ito. Ito’y para rin gawing perpekto ang pagmamahal ko sa Diyos. Isa itong espesyal na pagpapala mula sa Diyos. Gaano man ako magdusa sa araw na ’yon, kahit isang hininga na lang ang natitira sa akin, kailangan kong tumayong saksi at mapalugod ang Diyos, para paginhawahin ang Kanyang puso. Kahit na pahirapan ako ng mga demonyong ’yon hanggang mamatay ako, hindi ko puwedeng traydurin ang iglesia o ang aking mga kapatid. Tapos, nagsimula kong tahimik na kantahin sa sarili ko ang himno ng iglesia na ’to: “Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos.” “Ngayo’y tinatanggap ko ang paghatol at pagdadalisay ng Diyos, at bukas ay tatanggapin ko ang Kanyang mga pagpapala. Handa akong ibigay ang aking kabataan at ialay ang aking buhay upang makita ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Ah, pag-ibig ng Diyos—naakit nito ang puso ko. Ginagawa at ipinapahayag Niya ang katotohanan, pinagkakaloob sa tao ang daan ng buhay. Handa akong tunggain ang mapait na saro at magdusa upang matamo ang katotohanan. Titiisin ko ang kahihiyan nang hindi dumaraing. Nais kong gugulin ang buhay ko na ginagantihan ang biyaya ng Diyos. Iaalay ko ang aking pagmamahal at katapatan sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon upang luwalhatiin Siya. Determinado akong manindigan sa aking pagpapatotoo sa Diyos, at hinding-hindi ako susuko kay Satanas. Ah, kahit na maaaring mabagok ang ating ulo at dumaloy ang ating dugo, hindi mawawala ang tapang ng mga tao ng Diyos. Sa mga pangaral ng Diyos na nakakabit sa puso ko, determinado akong pahiyain ang diyablong si Satanas. Itinatadhana ng Diyos ang pasakit at mga paghihirap. Magiging matapat at masunurin ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin ang Diyos at hinding-hindi na Siya muling bibigyan ng alalahanin” (Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin).

Nang gabing ’yon pinabantayan ako ulit ng pinuno para hindi ako makatulog. Sa puntong ’yon tatlong gabi na akong walang tulog, pero nakadama ako ng bugso ng lakas sa puso ko nang pagnilayan ko ang mga salita ng Diyos at nalampasan ko ang gabing ’yon nang gano’n. Sinimulan akong tanungin ng mga pulis pagkatapos ng agahan sa ikaapat na araw. Ang isa sa kanila ay nakakatakot akong nginitian at sinabing, “Nasisiyahan ka ba sa buhay do’n? Magsalita ka! Sino ang lider na nakatataas sa ’yo? Saan matatagpuan ang iglesia ninyo? Sino ang lahat ng nakipag-ugnayan sa ’yo? Saan nakatago ang mga handog sa iglesia? Sabihin mo sa amin at ilalabas ka namin agad dito. Ayaw mo bang makauwi at makasamang muli ang asawa at anak mo? Lahat ng nahuli kasama mo ay matagal nang nagtapat at nakalabas na silang lahat. Ikaw na lang ang natitira. Sabihin mo na lang sa amin kung anong nalalaman mo.” Nang marinig ito, naisip ko, “Totoo kaya talaga ’yon? Ako na lang ba talaga ang natitira? Natatakot talaga akong bumalik sa selda at napakalupit na mapahirapan. Siguro hindi naman masyadong masama kung magsasabi lang ako sa kanila ng isang bagay na ’di mahalaga….” Nagsisimula na akong mag-alinlangan nang sumagi sa isip ko ang mga salita ng Diyos at binigyang-liwanag ako: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking bahay para sa Akin; … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Natauhan ako dahil dito, at napagtanto kong panlalansi ito ni Satanas. Pinakamahusay si Satanas sa pagsisinungaling at panlilinlang, at paghimok sa mga taong sumalungat sa Diyos. Sinusubukan nitong linlangin at tuksuhin ako gamit ang mga kasinungalingang ito para pagtaksilan ko ang Diyos. Kung naniwala ako sa basurang ’yon at tinraydor ang aking mga kapatid, ’di ba’t magiging isang Judas ako? Kung ginawa ko ’yon, kahit na pansamantala akong makalaya sa pagpapahirap ng diyablo, uusigin ako ng aking konsiyensiya at hindi ako magiging payapa kailanman. Higit pa riyan, hahantong akong isinumpa at pinarusahan ng Diyos. Salamat na lang at ginising ako ng mga salita ng Diyos sa tamang oras at pinrotektahan ako, tinutulungan akong mahalata ang pakana ni Satanas. Matatag akong tumugon, “Wala akong ideya tungkol sa alinman sa mga ’yan.” Talagang galit na galit sila na hindi nila makuha ang gusto nila mula sa akin kaya ibinalik nila ako sa selda.

Nasa bakuran ako ng bilangguan kinabukasan, nagtatrabaho, nang sabihin ng pinuno sa ilang bilanggo na malupit akong pakitunguhan. Habang nakikita ang masasamang pulis na ’yon na nakikipagsabwatan sa mga bilanggo, sinusubukan ang lahat para magawa akong pagtaksilan ang Diyos, kinamuhian ko ang mga demonyong ’yon sa bawat himaymay ng aking pagkatao. Nagpasya ako na anuman ang gawin nila para pahirapan ako hindi ko kailanman pagtataksilan ang Diyos at hindi ako kailanman magiging isang Judas. Mas labis akong pinahirapan ng mga bilanggo pagkatapos no’n. Kinailangan kong gumawa ng mano-manong trabaho sa araw, higit kaysa sa karamihan ng iba pa, at nakahahanap sila ng kamalian sa lahat ng bagay, naghahanap ng mga dahilan para sabihing hindi maganda ang pagkakagawa ko sa isang bagay, o napakabagal, para mabugbog nila ako. Kung nagkamali ako sa pagbigkas ng mga patakaran, bubugbugin nila ako at hindi patutulugin. Para sa panggabing roll call, kung nag-atubili ako nang bahagya sa pagtugon sa pangalan ko, nabubugbog din ako. Ibinubunton ng iba sa akin kapag may anumang nakagagalit sa kanila. Ako’y naging isang punching bag para sa dose-dosenang tao, sinuntok at sinipa araw-araw. Puno ng sugat ang buo kong katawan. Hindi nabawasan ang pamamaga ng dibdib ko. Bawat paghinga’y masakit, at ni hindi ako nangahas na umubo. Doon nagsimula ang mga problema ko sa pamamaga ng puso. Kinailangan kong patuloy na gumawa ng mano-manong trabaho sa araw, at maraming beses na pinaako nila sa akin ang panggabing shift ng ibang bilanggo para magbantay, nang hanggang apat na oras. Sa unang dalawang buwan, kinailangan kong matulog nang naka-squat sa labas mismo ng banyo na naaamoy ang mapaminsalang amoy na ’yon gabi-gabi, at sa tuwing may gumagamit ng banyo’y sasaktan nila ako para gisingin ako. Maraming beses akong nasaktan gabi-gabi. Dagdag pa na nakayapak ako sa buong panahon nang unang dalawang buwan na ’yon. Hindi nila ako pinapayagang magsuot ng sapatos, at dahil palaging may tubig sa sahig, naimpeksiyon ang mga paa ko at nagnanana matapos mapaso nang husto. Nagkaroon din ako ng mga problema sa panunaw mula sa napakatagal na pagiging nakayapak sa nagyeyelo sa lamig na kongkretong sahig. Hindi nila ako binibigyan ng kumot o anumang dagdag na kasuotan. Halos Nobyembre na no’n, pero nakasuot pa rin ako ng T-shirt at shorts na suot ko nang ako’y maaresto. Lumalamig na ang panahon at nagkaka-frostbite na ang mga kamay at paa ko. Puno ang mga kamay ko ng mga bitak na dumudugo kapag nahahawakan. Nilalamig ako, nagugutom, at punong-puno ng sugat. Nagpatuloy ang napakarami kong nakaatang na trabaho at binubugbog ako kapag masyado akong mabagal magtrabaho. Ang pinakamalalang parte ay kapag nagsasabi ako sa pinuno na kailangan kong gumamit ng banyo, pagkakitang ako ang nagsabi, susuntukin niya ako at hindi ako papapasukin. Kailangan ko na lang magpigil. Ilang araw na nagpatuloy ’yon. Miserable at galit na galit ako. Pinagkaitan ako kahit ng karapatang umihi. Mga demonyo ang mga taong ’yon! Matapos pagdusahan ang hindi makataong pagpapahirap na ’yon nang mahabang panahon, namayat ako nang husto. Napakahina ko at maaaring matangay ng ihip ng hangin. Minsan, natutumba na lang ako habang naglalakad. Ipinakita talaga no’n sa akin kung paanong ang mga pulis na ’yon ay mga demonyo at hayop na kumakain ng tao, at ang mga bilanggo na ’yon na ginamit nila bilang kasangkapan para sa kanilang karahasan ay mas mabababang demonyo lang na sumusunod sa mga utos nila at nagtatrabaho nang husto. Nasisiyahan sila sa pagpapahirap at pananakit ng mga tao, at walang pagiging tao sa kanila, kademonyohan lang. Sa mala-impiyernong lugar na ’yon, tunay kong nakita ang masama’t reaksiyonaryong diwa ng Partido Komunista, bilang isang kaaway ng Diyos. Ito’y napakasama, hinihimok ang kasamaan, nilalabanan ang pagiging matuwid, at inaatake ang mga inosente. Ito ang pinakareaksiyonaryo’t masamang puwersa ni Satanas. Ito ang hari ng mga diyablo! Kinamuhian ko ito mula sa kaibuturan ng aking puso at mas naging determinado akong sumunod sa Diyos hanggang sa huli.

Isang araw ng Disyembre, napakalamig at mahangin, nagyeyelo, manipis ang suot ko’t nakaupo ako sa kongkretong plataporma, nanginginig sa lamig. Nang makita ito, tumawa ang pinuno, sinasabi sa iba, “Dumudumi na ang kaibigan natin dito, hugasan siya!” Inutusan niya ang isa sa kanila na punuin ng tubig ang isang balde at dalawang iba pang bilanggo ang lumapit para tanggalin ang lahat ng damit ko. Tapos unti-unti nilang ibinuhos sa akin ang tubig, mula ulo hanggang paa, gamit ang dalawang punong balde. Pakiramdam ko’y tumatagos ang malamig na tubig sa laman ko. Nanginginig ang buong katawan ko at nangangatal ang mga ngipin ko habang lahat sila, humigit-kumulang isang dosena, ay pinagtawanan ako. Habang naririnig ang lahat ng mapang-uyam na pahayag mula sa ibang bilanggo at iniisip ang sarili kong sitwasyon, nagsimula akong manghina sa puso ko. Nagugutom ako, naninigas sa lamig, binugbog, kinutya, at pinahirapan ang isip. Bawat araw ay lumipas na parang isang taon. Hindi ko alam kung gaano katagal pa akong mananatili sa madilim na kailaliman na ’yon. Mukhang hindi ako tatantanan ng mga taong ’yon hanggang sa mapatay nila ako! Wala akong ideya kung makakalabas ako sa impiyerno sa lupa na ’yon nang buhay o hindi … Habang lalo akong nag-iisip, mas sumasama ang pakiramdam ko, at hindi ko matiis ang isipin na manatili sa impiyernong ’yon nang isa pang sandali. Kalaunan, sinabi sa akin ng isa pang bilanggo, “Dapat magsalita ka na lang. Kung hindi, pahihirapan ka lang dito hanggang mamatay ka. Nakikita mo kung anong panahon ngayon. Ang lahat ng iba pa’y nakasuot ng makakapal na jacket, pero napakanipis ng kasuotan mo. Magyeyelo ka lang hanggang mamatay kung ganito!” Nakadama ako ng kawalang pag-asa nang marinig ko siyang sabihin ’yon. Palamig na nang palamig, at kahit pa hindi ako pahirapan ng iba, magyeyelo ako hanggang mamatay sa malao’t madali. At kung hindi ko makayanan ang higit na paghihirap at pagtaksilan ko ang Diyos bilang isang Judas, mapupunta ako sa impiyerno. Lubos akong nawalan ng pag-asa at nagsimulang mag-isip ng mga paraan para tapusin ang buhay ko at makatakas mula sa katatakutang ito. Pero narinig ko na noong sinubukan ng mga tao na tapusin ang kanilang buhay doon at nabigo sila, mas lalo silang pinahirapan ng mga guwardiya ng bilangguan. Natakot ako na mas magiging malala pa ang mga bagay kung umabot ako sa puntong ’yon. Pakiramdam ko walang paraan para mabuhay ako, pero kahit ang kamatayan ay nakatakas sa kamay ko. Ako’y nasa napakatinding paghihirap—ganap na akong bumibigay. Sa sandaling ito, nagsaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para gabayan ako.

Minsan nang ako’y nasa panggabing duty, isang bilanggo ang nagkuwento sa akin tungkol sa isang taong umibig sa iba at nagbayad ng malaking halaga para dito. Isang pampagising sa akin ang kuwentong ’yon. Handa tayong magbayad ng malaking halaga para ibigin ang isang tao, at sumusunod ako sa nag-iisa at tanging Diyos, ang Lumikha ng langit at lupa, kaya dapat akong maging mas handang ipakita ang tunay kong pag-ibig para sa Diyos. Hindi ba’t dapat akong maging masaya na magbayad ng anumang halaga para ibigin ang Diyos at tumayong saksi? Naisip ko kung paanong ipinako sa krus si Pedro nang pabaligtad dahil sa kanyang pag-ibig sa Diyos, kaya dapat akong maging tulad ni Pedro, handang magdusa para sa pag-ibig ko sa Diyos at tiisin ang kung anong isinaayos Niya nang walang reklamo. Iyon lang ang tunay na patotoo, at makapagdadala ng kaginhawahan sa puso ng Diyos. Sa sandaling ’yon, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Tahimik kong sinabi sa loob ng aking puso, “Hindi ko puwedeng hanapin ang kamatayan. Kailangan kong harapin ang buhay nang may lakas. Nananampalataya ako sa Diyos sa loob ng mga taon nang hindi ko talaga Siya iniibig, at hindi ko nasuklian ang pag-ibig Niya sa akin. Umaasa ang Diyos na tatayo akong saksi, kaya kailangan kong magkaroon ng pananampalataya at sumandal sa Diyos para mapagtagumpayan si Satanas. Hindi ko Siya puwedeng biguin. Ang kapalaran ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung walang pahintulot Niya, hindi ako mamamatay, gaano man ako karahas na bugbugin ng mga demonyong ’to.” Isang sipi ng mga salita ng Diyos ang sumagi sa isip ko nang sandaling ’yon: “Kapag nilalamon nang buung-buo ng mga tubig ang mga tao, inililigtas Ko sila mula sa mga tubig na iyon na hindi dumadaloy at binibigyan sila ng pagkakataong mabuhay na muli. Kapag nawawala ang tapang ng mga tao na mabuhay, inaahon Ko sila mula sa bingit ng kamatayan, pinagkakalooban sila ng lakas ng loob na magpatuloy sa buhay upang magamit nila Ako bilang pundasyon ng kanilang pag-iral. Kapag sinusuway Ako ng mga tao, nagpapakilala Ako sa kanila mula sa kanilang pagsuway. Dahil sa dating likas na pagkatao ng sangkatauhan, at dahil sa Aking awa, sa halip na patayin ang mga tao, tinutulutan Ko silang magsisi at magsimulang muli. Kapag nagdaranas sila ng taggutom, bagama’t isang hininga na lamang ang natitira sa kanilang katawan, inaagaw Ko sila mula sa kamatayan, pinipigilan silang mahulog sa bitag ng panlilinlang ni Satanas(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 14). Talagang naantig ako ng mga salita ng Diyos, at nagparamdam din sa akin ng pagkakonsiyensiya. Kung iisipin, mula nang maaresto ako, sa tuwing pinahihirapan ako ng mga pulis o ng mga bilanggo, kapag ako’y itinutulak sa aking huling hininga, kapag nasa bingit na ako ng kamatayan, palaging ang mga salita ng Diyos ang nagbibigay sa akin ng pananampalataya at lakas at pinapanatili akong buhay. Naranasan ko talaga na ang ating sukdulang limitasyon ay kung saan nagsisimula pa lang ang Diyos. Nasaksihan ko ang napakaraming gawa ng Diyos at nagpakasasa sa labis na pag-ibig Niya, kaya hindi ba’t ang pag-asam sa kamatayan dahil sa pisikal na sakit ay lubos na kaduwagan? Sa puntong ’to, talagang naunawaan ko na isinaayos ito ng Diyos para makita ko ang kalikasan at diwa ng malaking pulang dragon, tunay itong kapootan, at talikuran ito. Ito’y para gawing perpekto ang pag-ibig ko sa Diyos at maging ang aking kahandaang magdusa. Kailangan kong magpasakop, tanggapin ang gawain ng Diyos para gawin akong perpekto, at matunog na magpatotoo para sa Kanya. Inalis ko sa isip ko ang lahat ng saloobin ng kamatayan mula noon, at kahit na hindi nagbago ang sitwasyon ko, hindi na ako masyadong nagdurusa o nag-iisip na makalabas sa lalong madaling panahon. Araw-araw akong nagdasal at naging malapit sa Diyos, at sumumpa sa harap Niya na gaano katagal man akong naroon, gaano karaming taon man ang ibigay nila sa akin, handa akong magpasakop sa Diyos. Mas gugustuhin ko pang gugulin ang natitirang mga araw ko sa bilangguan kaysa maging isang Judas, at handa akong mamatay para tumayong saksi at mapalugod ang Diyos. Sa sandaling nadama kong handa ako mula sa loob ng puso ko na matagalan ang kapaligirang ’yon at sumunod sa pamamahala at pagsasaayos ng Diyos, napuno ako ng kapayapaan at kagalakan. Nararamdaman ko kung gaano kasukdulang makapangyarihan ang mga salita ng Diyos, na kaya ng mga itong buhayin akong muli mula sa bingit ng kamatayan. Tapos, ang mga bilanggo na ’yon na palagi akong binubugbog ay nalipat sa ibang selda. Binigyan ako ng ilan pang bilanggo ng kanilang damit bago mismo ang kanilang paglaya, at alam kong ito’y ganap na isinaayos ng Diyos. Naawa ang Diyos sa akin, at tinulungan Niya ako sa napakaraming paraan. Labis ang pasasalamat ko sa Diyos.

Sinubukan ng mga pulis na tanungin akong muli. Isa sa kanila ang talagang walang sinseridad na sinabi sa akin, “Tingnan mo ang sarili mo, kailangan bang magdusa ka nang husto? Alam na namin ang tungkol sa ’yo sa simula pa lang, kaya makipag-usap ka na lang sa amin. Sino ang lider mo? Nasaan ang iglesia ninyo? Gaano karaming pera ang mayroon ang iglesia?” Mahinahon akong tumugon, “Nasabi ko na sa inyo ang lahat ng kailangan kong sabihin. Wala akong kasagutan para sa inyo.” Isa pang pulis ang kaagad na tumayo, nandilat nang husto at sumigaw, “Umamin ka na! Hinihintay ka ng mga kapatid mo sa labas ngayon mismo! Kausapin mo lang kami at puwede mo na silang makita kaagad, puwede ka nang umuwi!” Napakahirap talaga para sa akin na marinig silang partikular na binabanggit ang pamilya ko. Halos kalahating taon na mula nang makita ko sila, at mahirap para sa akin ang makinita ang matandang kulubot na mukha ng tatay ko, puno ng luha. Naisip kong sabihin lang sa kanila ang tungkol sa sarili kong paniniwala para makasama kong muli ang pamilya ko. Nang sandaling nagagapi ako ng mga damdamin ko, naisip ko ito na mula sa mga salita ng Diyos: “Aking mga tao! Kailangan kayong manatili sa loob ng Aking pagmamahal at proteksyon. Huwag magpakasama kailanman! Huwag kumilos nang walang-ingat kailanman! Dapat mong ialay ang iyong katapatan sa Aking tahanan, at sa katapatan mo lamang malalabanan ang panlilinlang ng diyablo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 10). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ito’y isang panlalansi ni Satanas, na gusto nitong paglaruan ang damdamin ko para himukin akong pagtaksilan ang Diyos. Hindi ako puwedeng mahulog dito—hindi ko kailanman pagtataksilan ang Diyos! Tumawag ako sa Diyos sa puso ko at sumumpa sa Kanya, “Makapangyarihang Diyos, kung pagtaksilan Kita ngayon dahil sa mga emosyon ko, traydurin ang iba bilang isang Judas, nagmamakaawa po ako sa Inyo na patayin ako, na kunin ang katawan at kaluluwa ko.” Mas naging mahinahon ako pagkatapos magdasal at sinabi kong, “Wala akong alam.” Isang pulis ang agad na tumayo mula sa kanyang kinauupuan at lumapit sa mismong harapan ko, tapos tumalon na parang baliw at sinipa ako sa tiyan, na nagpatilapon sa akin sa sahig habang sinisigawan niya ako ng masasamang bagay at sinasabing walang makapipigil sa kanila na patayin ako. Tapos dalawang pulis ang puwersahang ipinasok ang ilang sili sa bibig ko at pinanguya sa akin ang mga ’yon nang sampung minuto at pagkatapos ay pinalunok sa akin. Hindi nagtagal bago parang nasusunog ang sikmura ko, lubha akong nasasaktan. Pero paano man nila ako pahirapan, hindi ako nagsasalita. Sa huli wala silang pagpipilian kundi ibalik ako sa selda.

Bumalik ang mga pulis para tanungin ako ulit makalipas ang limang araw, nagpupumilit humingi ng impormasyon tungkol sa iglesia at iginigiit na magsabi ako ng mga bagay na kalapastanganan. Wala akong sinasabing anuman, kaya sa bugso ng galit, idiniin nila ang kaliwang kamay ko sa mesa, tapos dumampot ng isang patpat, hahampasin ang kamay ko. Sa sandaling nakita ko na hahampasin nila ang kamay ko gamit ang patpat na ’yon, nagdasal ako sa Diyos, “O, Diyos ko, kung hahampasin nila ako gamit ’yon, mapipinsala ang kamay ko. Pakiusap, protektahan Mo po ako.” Nagulat akong makita na pagkatapos nila akong hampasin nang apat o limang beses, nabali sa dalawa ang patpat at hindi man lang nasaktan ang kamay ko. Ganap na nasira ang patpat, pero hindi talaga napinsala ang balat ng kamay ko. Tapos naalala ko ang mga bersikulong ito sa Biblia: “At kayo’y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa Aking pangalan. Ngunit hindi mawawala kahit isang buhok ng inyong ulo(Lucas 21:17–18). Ang mga salita ng Diyos ay nagtataglay ng gayong awtoridad. Nagpasalamat ako sa Diyos mula sa puso ko at nakadama ako ng higit na lakas na harapin ang anumang darating. Kumuha ang mga pulis ng isang patpat na kawayan at hinampas ang puwitan ko, hinahampas ito hanggang sa mamaga ito. Hindi sila tumigil hanggang sa mabali ang patpat nila. Tapos tinanong ako ng isa sa kanila, “Magsasalita ka ba o ano? Sabihin mo sa amin ang gusto naming malaman—ito na ang huli mong pagkakataon.” Tinitiis ang sakit, itinuwid ko ang likod ko at matatag na sinabing, “Wala akong anumang masasabi sa inyo.” Nagalit siya at sumigaw, “Ayaw mo talagang magsalita, pero ’di ako naniniwalang ’di kita kayang pilitin. May mga paraan kami!” Habang sinasabi niya ito, dalawang pulis ang hinila ako sa harap ng kanilang generator, pinuwersa akong umupo sa sahig, at inalis ang mga sapatos at medyas ko. Kumuha sila ng dalawang wire mula sa generator, pinaikot ang isa sa hinliliit ko sa kaliwang paa ko, at ang isa pa’y paikot sa hinliliit sa kaliwang kamay ko. Tapos sinimulan nilang pihitin ang generator mula sa mabagal hanggang sa mabilis. Nakadama ako ng pamamanhid at sakit sa buong katawan ko at nagsimula akong mangisay. Awtomatiko akong namaluktot na parang bola at sumigaw. Pagkakitang nakapamaluktot ako na parang bola, tumigil ang mga pulis, pero patuloy akong tinatanong. Pinagngalit ko ang mga ngipin ko at hindi nagsalita. Nang makita ’yon, isa sa kanila ang sinimulang pihitin ’yong generator nang paulit-ulit. Pagkakitang hindi pa rin ako nagsasalita, inilipat niya ang mga wire sa kanang kamay at paa ko, tapos, patay-sindi ’yong pinihit nang anim o pitong beses, kinukuryente ako hanggang sa puntong lubusan na akong namanhid. Kumakabog ang puso ko at halos hindi ako makahinga. Tumigil lang sila dahil natatakot silang mamatay ako. Hindi gumagalaw na humiga ako sa sahig nang wala talagang anumang lakas, na para akong isang bangkay. Nakita ng mga pulis na hindi ako magtatapat, kaya inalis nila ang mga wire mula sa kanang kamay at paa ko, hinagis ang mga ’yon sa sahig, bumubuntong-hininga sa pagkabigo, at ibinalik ako sa selda. Nang makita ’to, alam kong lubos na napahiya at natalo si Satanas, at naluwalhati ang Diyos. Nagdusa ako nang kaunti sa laman, pero ang espiritu ko’y napaginhawa, napalugod, at labis na humupa ang aking pisikal na sakit.

Pagbalik sa selda, nang malaman ng dalawang bilanggo na hindi ako nagsalita, binigyan nila ako ng thumbs up at sinabing, “Ibang klase ka talaga. Walang sinuman sa selda natin ang makakapantay sa ’yo! Binubugbog ka nila, pinapahirapan ka sa lahat ng oras, pero hindi ka sumuko. Bilib ako!” Binigyan din ako ng isa pa ng thumbs up at sinabing, “Tunay kang lalaki. Tinitingala ka naming lahat!” Nang marinig ito’y nagpasalamat ako sa Diyos, at ibinigay ko ang lahat ng kaluwalhatian sa Kanya. Alam ko na ito’y ganap na dahil sa nagawa ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa loob ko, na ginabayan ako ng Diyos para mahalata ang mga panlalansi ni Satanas at mapagtagumpayan ang pangwawasak ng diyablo para maaari akong tumayong saksi. Matapos akong ilegal na ikulong at pahirapan ng mga pulis sa loob ng limang buwan, nang walang natagpuang anumang ebidensiya ng pagkakasala, pinakawalan nila ako. May mga sugat ako sa buong katawan at payat na payat. Mula sa mahigit 180 pounds ay naging mas magaan pa ako sa 110. Hindi pa rin talaga ako pinakawalan ng mga pulis, kundi patuloy na nilimitahan ang kalayaan ko, iginigiit na kung pupunta ako sa ibang bayan, kailangan kong kumuha ng sertipiko at isang sulat ng pagpapakilala, at na hindi ako puwedeng umalis nang walang pahintulot ng probinsiya.

Matapos ang mahigit limang buwan ng buhay-bilangguan at pagiging labis na pinagmalupitan ng mga demonyong ’yon, medyo nagdusa ako, pero marami rin akong natutunan. Sa lahat ng ’yon, nakita ko talaga kung paanong kinapopootan ng Partido Komunista ang katotohanan, at ang masama, reaksiyonaryo’t namumuhi sa Diyos na diwa nito. Tinanggihan ko ito mula sa aking puso. Lumalim din ang pananampalataya ko sa Diyos, at tunay kong naranasan ang Kanyang pag-ibig at pagliligtas para sa sangkatauhan. Nakita ko ang pagiging makapangyarihan sa lahat at pamamahala ng Diyos, ang awtoridad at kapangyarihan ng Kanyang mga salita, nadama ko kung gaano kahalaga ang Kanyang mga salita, kung paanong ang mga ito talaga ang ating mismong buhay—binibigyan tayo ng mga ito ng pananampalataya at pinagkakalooban tayo ng lakas. Tinutulungan tayo ng mga ito na makatakas sa anumang puwersa ng kadiliman! Katulad ito ng sinabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan Siyang kasama ng tao sa lahat ng oras. Siya ang puwersang nag-uudyok sa pamumuhay ng tao, ang ugat ng pag-iral ng tao, at isang mayamang lagak para sa pag-iral ng tao pagkatapos ng kapanganakan. … Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, bukod-tangi ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway ang Kanyang buhay na puwersa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan).

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman