Siyam na Araw at Gabi sa Interrogation Room
Isang tanghali noong Marso 2008 nang nasa isang pagtitipon ako kasama si Brother Liu at tatlong sister, bigla kaming nakarinig ng mabilis na pagkatok sa pinto, tapos mga isang dosenang pulis ang biglang sumugod papasok. Bago kami nagkaro’n ng pagkakataong tumugon, sumigaw ang isa sa kanila, “Walang kikilos! Harap sa dingding!” Lumapit ang dalawa sa kanila at kinuha ang mga sinturon namin ni Brother Liu, tapos ay itinali ang mga kamay namin sa harap namin at itinulak kami sa dingding. Ang iba pa’y nagsimulang pumunta sa bawat kuwarto, hinahalughog ang lahat. Hindi nagtagal nahalughog na nila ang buong lugar, naghanap sila kahit sa ilalim ng mga kutson. Nakakita sila ng isang kahong puno ng mga libro ng mga salita ng Diyos. Kabadung-kabado talaga ako at kumakabog ang puso ko. Wala akong ideya kung anong klase ng pagpapahirap ang inihanda nila para sa ’min, kaya nanalangin ako sa Diyos, “Diyos ko, bigyan Mo po ako ng pananalig at tapang, at bantayan Mo po ako para makatayo akong saksi.” Medyo kumalma ako matapos manalangin.
Dinala nila kami sa National Security Brigade, kung saan inutusan ako ng isang punong opisyal na tumayo sa dingding at pagalit niya ’kong tinanong, “Ano’ng pangalan mo? Ano’ng tungkulin mo? Sino’ng lider ng iglesia?” Hindi ako umimik, kaya sinampal niya ’ko sa mukha. Nagsimulang umugong ang tainga ko at kumikirot ang mukha ko dahil sa sakit. Habang naglalakad siya nang pabalik-balik nang nasa likod ang mga braso niya, sinabi niya, “Isa kang diyakono ng iglesia. Akala mo hindi namin alam? Anim na buwan ka na naming sinusundan. Mas mabuting maging tapat ka sa amin, kung hindi talagang pahihirapan ka namin.” Tapos dinala nila ’ko sa isang opisina sa ika-apat na palapag, kung saan nakita ko si Brother Liu, nakaposas, at naka-squat sa sahig. Pinatalikod kami ng mga pulis sa isa’t isa, magkatabi ang mga kamay namin, at ipinosas kami nang magkasama, tapos inutusan kami na tumayo nang naka-squat. Hindi nagtagal, nagsimulang manginig ang mga binti namin at gumegewang-gewang na kami, at habang lalong gumagalaw ang mga katawan namin, mas humihigpit ang posas. Talagang masakit na bumabaon ang mga ’yon sa laman. Bumibigay na ang mga binti ko matapos ang dalawampung minuto na nakagano’nat puno na ’ko ng pawis. Muntik nang matumba si Brother Liu. Isang pulis ang lumapit, sinipa siya nang napakalakas, at inutusan kaming mag-squat. Mas malala pa sa pagkakataong ito, magkadikit ang mga likod namin at hindi kami nangangahas na igalaw ang mga kamay namin. Pakiramdam ko malapit-lapit na akong maghabol ng hininga, at namanhid na ang mga kamay at paa ko, nawalan na ng pakiramdam ang mga ito. Lubusan nang naubos ang lakas namin pagkatapos ng mga kalahating oras, at bumagsak na lang kami sa sahig. Ginamit namin ang pagkakataong ’yon para mabilis na hawakan ang kamay ng isa’t isa at mahigpit na pisilin bilang pagpapalakas ng loob.
Lumipas ang mahigit isang oras, at pagkatapos ay pinaghiwalay nila kami at dinala akong mag-isa sa isang opisina sa tapat ng pasilyo. Ipinosas nila ang isa sa mga kamay ko sa patungan ng braso ng isang upuan, tapos ay natulog sila. Hindi talaga ako nakatulog noong gabing ’yon. Inisip ko lang nang inisip na kinamumuhian ng CCP ang mga mananampalataya nang higit sa anuman. Pinahihirapan nila tayo at buong layang binubugbog tayo hanggang sa mamatay kapag nahuhuli nila tayo. Alam na nila na isa akong diyakono ng iglesia at hindi taga-roon, kaya wala akong ideya kung ano ang gagawin nila sa ’kin, o kung magagawa ko itong malampasan. Mas lalo akong natakot sa mga isiping ito, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, patnubayan Mo po ako at bigyan ako ng pananalig at ng paninindigang matagalan ang pagdurusa, para mapagtagumpayan ko ang pagpapahirap ng masasamang pulis na ’yon.” Tapos may naalala ako mula sa mga salita ng Diyos: “Hindi ka dapat matakot dito at doon; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin; … Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang bitawan ang lahat ng pag-aari mo at gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sumunod sa Akin, at maging handang gugulin ang lahat ng mayroon ka. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Binigyan ako ng pananalig at lakas ng mga salita ng Diyos. Ganap na ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang Partido Komunista ay isa lang sa Kanyang mga gamit sa pagseserbisyo. Pagsubok ng Diyos ang pag-aresto at pag-uusig na ito, pagsubok ng Diyos sa akin, para makita kung meron akong tunay na pananalig sa Kanya. Nanalangin ako sa puso ko, “O Diyos ko, gaano man ako magdusa sa laman, hinding-hindi ako magiging isang Judas, hinding-hindi Kita ipagkakanulo.”
Pinanatili nila akong nakaposas do’n mula mga alas-diyes nang gabing ’yon hanggang alas-dos nang sumunod na hapon. Tapos pinosas ng isang pulis ang mga kamay ko sa likod ko at dinala ako sa baba, nagmumura habang ginagawa ’yon. Bumaba kami sa isang patyo kung saan bigla niya akong itinulak nang malakas mula sa likuran, dahilan para magpasuray-suray ako nang higit sa anim na talampakan sa unahan, tapos ay malakas akong bumagsak sa simento at gumulong. Sumakit nang todo ang mga braso ko dahil sa pagkakabagsak. Tapos ay hinila niya ako patayo at patuloy na naglakad kasabay ko, nagmamaktol, “Pasasayahin ko ang araw mo ngayon!” Palagi niya akong tinutuhod nang malakas sa hita, na talagang napakasakit na hindi ako makalakad nang diretso. Dinala nila ako sa administrative building ng isang detention house para sa pagtatanong, kung saan nakita ko sa sahig ang ilang bakal na kadena na kasing-lapad ng mga daliri, ilang lubid, na kasing-kapal din ng isang daliri, at isang baretang bakal. May lima o anim na pulis na nakatitig lang sa ’kin, at napagtanto kong pahihirapan nila ako para pilitin akong magtapat. Bigla akong nataranta at agad na nanalangin sa Diyos: “Diyos ko, imposibleng manatili akong malakas sa lahat ng ito nang ako lang. Manatili Ka po sa tabi ko, at pagkalooban ako ng pananalig at lakas.” Naging mas mahinahon ako matapos ang panalangin ko. Mayamaya, pumasok ang isang Officer Liu mula sa provincial Public Security Department, tiningnan ako mula ulo hanggang paa, at pagkatapos ay inutusan ang ibang pulis, “Bumuo kayo ng tatlong pares. Bawat pares may walong oras na shift sa interogasyon. Huwag na huwag ninyo siyang patutulugin.” Pinaupo ako ni Officer Liu sa isang upuang bakal pagkasabi niya no’n, ipinosas ang mga pulsuhan ko sa patungan ng braso, at ikinadena ang mga bukung-bukong ko. Sinimulan niya ang pagtatanong sa ’kin, “Ilan kayong nando’n na nagbabahagi ng ebanghelyo? Sino’ng nag-ayos sa inyo sa isang grupo? Paano ninyo pinapanatili ang pakikipag-ugnayan? Sino ang lider?” Sabi ko, “Hindi ko alam.” Dalawang pulis ang sumugod at sinimulan akong paulanan ng suntok sa ulo at sa batok, tumitigil lang kapag pagod na sila. Ipinagpatuloy nila ang interogasyon pagkatapos no’n. Talagang inaantok na ’ko dahil wala pa ’kong tulog sa loob ng isang buong araw at gabi, pero sinisigawan nila ’ko sa sandaling ipikit ko ang mga mata ko, o kaya ay hinahampas nila ang mga tubo gamit ang isang pamalong bakal, o hinahampas nang napakalakas ang lamesa gamit ang mga kamay nila. Nang makita nila ’kong natatakot, nagtawanan sila at sinabing, “Ayaw mong magsalita pero gusto mo pa ring matulog? Ni huwag ka nang umasa na makalalabas ka pa rito nang buhay kung hindi ka magsasalita.” Tapos pinatayo nila ako at pinag-squat ulit. Mahigpit pa ring nakagapos sa upuan ang mga kamay at paa ko, kaya kailangan kong mag-squat na nasa likod ko ang upuan. Nang mag-squat ako pababa, nasa pwetan ko na ang upuan at mas humigpit ang posas, at hindi nagtagal, manhid na ang mga kamay at paa ko, kumikirot ang apat na ’yon, at hindi ako makatayo nang matatag. Nang makitang hindi matatag ang pagkakatayo ko, lumapit ang isang pulis at sinipa ako sa binti, dahilan para bumagsak ako kasama ang upuan. Tapos ay hinila niya akong patayo at ipinatuloy sa’kin ang pag-ii-squat. Minsan ’pag natutumba ako, bumabagsak ang upuan sa ibabaw ko. Ilang beses ’yong nangyari, iniwan akong pagod na pagod at masakit ang bawat bahagi ng katawan. Namamaga at puno ng pasa ang mga pulsuhan ko dahil sa posas, at hindi ko maigalaw ang mga binti ko. Natumba ako at hindi makabangon muli, tapos pinatigil na nila ako sa wakas. Nang gusto kong gumamit ng banyo nang gabi na ’yon, tinanggal lang ng pulis ang isa sa posas ko at hinayaan akong buhatin ang upuan sa likod ko. Kinailangan kong maghubad ng pantalon gamit lang ang isang kamay. Talagang ang hirap no’n. Dalawa sa kanila ang nakatayo sa entrada ng banyo, pinagtatawanan ako, na talaga namang nakakahiya. Galit na galit ako.
Sa ikatlong araw ko ro’n, isa pang mataas na ranggong opisyal ang dumating para magtanong sa ’kin. “Gaano karaming tao ang napasampalataya mo rito? Kaninong mga bahay na ang napuntahan mo? Zhang Lin ba ang pangalan ng lider ninyo?” Habang sunud-sunod ang mga tanong niya sa ’kin, nagmadali akong nanalangin, hinihiling sa Diyos na protektahan ang puso ko at pigilan akong mahulog sa mga panlansi ni Satanas. Nang hindi niya nakuha ang impormasyong gusto niya, sinabi niya sa mga tauhan niya, “Bantayan ninyo siyang mabuti at huwag ninyo siyang patutulugin. Tingnan natin kung hanggang kailan siya tatagal.” Kalaunan nang makita nilang hindi ko na makayanan ang kakulangan ko sa tulog, pinag-squat ulit ako ng isang pulis kasama ang bakal na upuan habang kumuha ang isa pa ng isang kaldero ng kakukulo pa lang na tubig, pinuno ang isang paper cup, at inilagay ’yon sa ibabaw ng ulo ko. Napapaso sa kirot ang anit ko at awtomatiko kong naigalaw ang ulo ko para maalis ’yon. Sinuntok at sinipa nila ako, pinatumba ako, pagkatapos ay hinila ako patayo, pinahawak sa ’kin ang upuan sa likod ko at ang baso ng tubig sa ulo ko, at sinabing, “Papatayin ka namin sa gulpi pag hinulog mo ulit ’yan.” Masyado ’yong mainit at hindi ko talaga ’yon matiis. Gumalaw nang kaunti ang katawan ko at nahulog ulit ang baso. Muli nila akong binugbog, pinagsusuntok at pinagsisipa. Paulit-ulit nila akong pinahirapan sa ganitong paraan. Nagkaro’n ako ng lahat ng uri ng paltos sa anit ko dahil sa paso, tapos pumutok ang mga paltos na ’yon dahil sa lalong pagkakapaso. Tumutulo sa noo ko ang likido na nagmula sa paltos, at talagang napakasakit kapag humahalo sa pawis ang lahat ng ’yon. Nagpakulo sila nang nagpakulo ng tubig at patuloy nilang inilalagay ang mga basong ’yon sa ulo ko, ipinagpatuloy ito sa loob ng dalawa o tatlong oras. Sa wakas, mahina at nanlalambot ang buong katawan, bumagsak na lang ako at hindi na makabangon. Inilabas nila ang mga cellphone nila, kinukunan ako ng mga litrato at kinukutya ako, sinasabing, “Ilalagay namin ang mga litratong ’to online para makita ninyong lahat na mga relihiyosong tao. Tingnan natin kung mangangahas silang patuloy na maniwala.” Tuluy-tuloy silang tumatawa nang nakakaloko paminsan-minsan.
Naisip ko ang mga salitang ito ng Diyos noong oras na ’yon: “Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinutulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga pandarayang lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang pagsisikap at binayaran ang bawat halaga para dito, upang punitin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at tulutan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na bumangon mula sa kanilang pasakit at talikuran ang masama at matandang diyablong ito” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Hibang na gumagawa ang CCP laban sa Diyos at pinagmamalupitan ang mga mananampalataya. Isang grupo sila ng mga demonyong laban sa Diyos na namumuhi sa katotohanan. Habang lalo nila akong pinapahirapan, mas malinaw kong nakikita ang mala-demonyo nilang diwa, at talagang tinanggihan at sinumpa ko ang CCP mula sa puso ko at gusto ko lang na tumayong saksi para sa Diyos, hindi Siya ipagkakanulo kailanman o tatraydurin ang mga kapatid. Nang pinagtibay ko ang pagpapasiyang ito, ’yong upuan sa likod ko, labinlimang libra o higit pa, ay hindi na mabigat. Narinig kong sinabi ng isa sa mga pulis, “Ni hindi na nga natin ’to kaya. Hindi gaanong naaapektuhan ng upuang ’yan ang lalaking ito.” Tahimik kong pinuri ang Diyos nang marinig ko ’yon: “Diyos ko, talagang makapangyarihan Ka! Kung wala ang paggabay ng Iyong mga salita, hinding-hindi ko matatagalan nang mag-isa ang pagpapahirap ni Satanas.”
Sa ika-apat na araw, napakatagal ko nang nakaposas at nakakadena na ganap nang manhid ang mga binti at paa ko, puno ng pasa ang mga kamay at paa ko, namamagang parang mga lobo, at malalim na bumabaon sa laman ang mga posas. Pagod na pagod din ako na hindi ko na mapilit na maimulat muli ang mga mata ko matapos pumikit ang mga ito. Hinahampas nila ang lamesa at kinakalampag ang mga tubo para hindi ako makatulog, at paulit-ulit nilang sinisipa ang mga binti ko. Talagang napakasakit no’n. Tapos, pumasok ang isang pulis na mukhang ang namamahala, sinuri ako, tinanggal ang mga posas at kadena ko, at inutusan akong tumayo at tumalon. Ilang araw na akong hindi kumakain at walang tigil ang pagpapahirap nila sa ’kin, kaya wala talaga akong anumang lakas. Halos hindi ako makatayo. Kailangan kong suportahan ang sarili ko sa patungan ng braso ng upuan, at natumba ako matapos lang ang ilang pagtalon. Nagtatawanan sila nang malakas sa gilid. Nagpatuloy ’yon nang ganito nang mahigit sa isang oras, na tumatalon ako at natutumba. Tapos ay ipinosas ulit nila ako sa upuan at tinanong ako nang tinanong. Tinanong ako ng isa, “Kaninong mga bahay ang nabisita ninyo? Sa’n sila nakatira? Hindi mo kailangang pumasok, ituro mo lang ’yong mga lugar. Bigyan mo lang kami ng isang lokasyon at pakakawalan ka na namin.” Sabi ko, “Hindi ko alam.” Paulit-ulit nila akong tinanong, pero umalis sila nang may pagsuko nang tumanggi akong sumagot.
Lumipas na ang limang araw n’on at hinang-hina na ’ko sa katawan at isip. Hindi ko mapigil ang mga mata ko sa pagpikit. Palaging hinahampas ng dalawang pulis na nagbabantay sa ’kin ang lamesa at kinakalampag ang mga tubo, pero napakabigat na ng ulo ko at hindi ko na ’to maiangat. Lumapit ang isa sa kanila at pilit na ibinuka ang mga talukap ko habang ang isa ay pinasiritan ng katas ng balat ng kahel ang mga mata ko, sumisigaw ng, “Sa tingin mo makakatulog ka? Gusto mong matulog?” Agad na nagkaroon ng tumutusok na sakit sa mga mata ko at nagsimulang dumaloy sa mukha ko ang mga luha. Sinubukan kong itingala ang ulo ko, desperadong nakikipagbuno, pero mahigpit nilang hinawakan ang ulo ko at patuloy na pinasiritan ang mga mata ko ng katas ng balat ng kahel. Gustung-gusto kong kusutin ang mga mata ko, pero mahigpit na nakaposas ang mga kamay ko sa upuan at hindi ko maigalaw ang mga ito. Kahindik-hindik ito. Sobrang sakit ng mga mata ko pakiramdam ko mabubulag na ako. Inuutusan ako ng mga pulis na imulat ang mga mata ko, pero hindi ko ’yon magawa. Tumawag ako sa Diyos gamit ang lahat ng meron ako, “O Diyos ko, hindi ko na po talaga kaya ang pagpapahirap na ito. Patnubayan Mo po ako.” Hindi ko alam kung ga’no katagal ang inabot, pero napilit ko ring imulat ang mga mata ko sa wakas. Tapos ay nagdala sila sa kuwarto ng isang espesyal na upuan na gawa sa isang steel plate. Ang plate na ’yon ay higit sa sangkapat ng isang pulgada ang kapal at may bigat ’yon na mga pitumpung libra, at mayroon ’yong metal rings para sa mga kamay at paa. Inilagay nila ako ro’n at ipinosas do’n ang mga kamay at paa ko. Nakasuot ako ng manipis na koton na kamiseta at isang pares ng manipis na thermal pants, kaya talagang malamig ang maupo sa metal na upuan. Hindi ko mapigilang mag-alala, takot na kung kailangan kong manatili sa bakal na upuang ’yon, hahantong akong paralisado dahil sa kawalan ng sirkulasyon. At sa hindi pagpapatulog sa ’kin araw man o gabi, baka pahirapan nila ako hanggang sa mamatay kapag nagpatuloy ’yon. Kaya umusal ako ng isang panalangin, “Diyos ko, bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas para mapagtagumpayan ko ang pagpapahirap ng mga demonyong ’yon at makatayong saksi.” Naalala ko ang mga salita ng Diyos matapos ang panalangin ko: “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging walang halaga, at walang makagagapi sa kanila. Ano ang maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa ganitong paraan nawawalan si Satanas ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Tapos naunawaan ko na kinakabahan ako dahil takot ako sa kamatayan, dahil pinahahalagahan ko ang buhay ko, at sinasamantala ni Satanas ang kahinaang ito sa loob ko para ipagkanulo ko ang Diyos. Hindi ko dapat hayaang magtagumpay ang karumal-dumal nitong panlansi. Nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko, kaya kung humantong man akong paralisado at kung pahirapan man nila ako hanggang sa mamatay, nasa mga kamay ng Diyos ang lahat ng ’yon. Handa na akong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi ako susuko kay Satanas kahit nangangahulugan pa ’yon ng kamatayan ko. Mas nakaramdam ako ng pananalig mula sa mga salita ng Diyos at hindi na ’ko gaanong takot na mamatay. Nakaramdam ako ng biglaang lakas at hindi na gaanong hindi komportable ang pag-upo sa upuang ’yon.
Sa tanghali nang ika-anim na araw ilang araw at gabi na akong hindi umiinom ng tubig, at tuyung-tuyo na ang mga labi ko na natutuklap na ang balat nito. Ilang beses lang nila akong binigyan ng kaunting pagkain, kaya nababaliw na ako sa gutom at talagang nanghihina na. Hindi pa naglalangib ang mga paltos sa anit ko kung saan nila ako pinaso kaya talagang mahapdi kahit ang pinakakaunting pawis. Bumalik ang opisyal na ’yon na mula sa Public Security Department, at nang makitang hindi pa rin ako nagsasalita ng kahit ano, lumapit siya sa harap ko at nanghihimok na sinabing, “Sabihin mo lang sa ’min ang tungkol sa iglesia ninyo, at hindi mo na kailangang magdusa pa. Sige na. Sino ang lider? Sa’n nakatago ang pera? Makipagtulungan ka na lang sa ’min at bibigyan ka namin ng trabaho bilang isang pulis, tapos siguradong magkakaro’n ka ng isang magandang buhay. Hindi ba mas magandang kinabukasan ’yon kaysa pagsunod sa Diyos mo?” Nagpatuloy siya, “Magkakaro’n ng gantimpala kung tutulungan mo kaming mahanap ang nakatataas na lider sa iglesia ninyo, at hindi namin sasabihin na ikaw ang nagsabi sa ’min. Sino’ng makakaalam?” Galit na galit, ni hindi ko siya pinansin. Nakita niyang hindi ako napukaw, kaya nagpatuloy siya, nagpapanggap na nag-aalala, “Kahit hindi mo iniisip ang sarili mo, isipin mo ang mga magulang mo. Tumatanda na sila. Makakaya ba nila kung alam nila kung ano’ng nangyayari sa ’yo? Magiging maayos ang lahat kung makikipag-usap ka lang sa ’min, at makakapamuhay ng isang magandang buhay ang pamilya mo.” Nakikita kong isa ’to sa mga panlalansi nila, kaya marahas akong sumagot, galit, “Wala akong alam. Kalimutan na ninyo ang tungkol sa pagkuha ng anumang impormasyon mula sa ’kin.” Nagpupuyos siyang sumunggab ng isang bote ng tubig at nagsimulang paluin ako sa buong mukha at ulo gamit ’yon. Nahilo ako, lumabo ang mga mata ko, at namanhid ang mukha ko habang umuugong ang mga tainga ko. Hindi ko alam kung gaano katagal ’yon nagpatuloy, tapos ay galit niyang sinabi, “Dadalhin namin bukas ang mga magulang mo.” Sumagot ako, “Kahit na, hindi ako magsasalita. Puwede ninyo ’kong bugbugin hanggang mamatay, hinding-hindi ko ipagkakanulo ang Diyos!” Pasigaw siyang sumagot, “Hindi ka na talaga makukumbinsi! Wala kang pag-asa! Isa kang lubos na baliw na relihiyoso!” Labis akong nagpasalamat sa Diyos nang nakita kong napahiya ang diyablong ’yon sa kanyang kabiguan.
Sa ika-pitong araw, patuloy nila akong pinahirapan at pinanatili akong gising. Ang walang tigil na pagpapahirap, araw at gabi, ay nagpahina sa ’kin. Pakiramdam ko umiikot ang mundo at malabo ang paningin ko. Naghahalusinasyon pa nga ako, at minsan ang mga bagay na nakikita ko sa harap ko ay magkapatong o baluktot. Pakiramdam ko nasa isang kumpol ako ng magkakaibang lugar. Sa pagkatuliro ko, may pumingot sa tainga ko at sumigaw, “Nagpapanggap ka bang patay? Magsalita ka na o hindi ka magtatagal nang isa pang araw. Magpaligtas ka sa Diyos mo!” Pero sakit lang ang nararamdaman ko, at hindi ko maimulat ang mga mata ko. Tapos ay nawalan ako ng malay. Matapos ang hindi ko alam kung gaano katagal, nagkamalay ako at natuklasan kong basang-basa ang damit ko. Napagtanto kong binubuhusan ako ng malamig na tubig ng mga pulis para magising ako. Sa ika-siyam na araw, sa anim na pulis na nagsasalitan sa pagbabantay sa ’kin, tatlo ro’n ang sinipon. Nilapitan ako ng isang pulis, walang sigla, at sinabing. “Hindi na namin kaya. Mag-imbento ka na lang at isulat mo ’yon para hindi na kami magdusa kasama mo.” Tumanggi ako. Matapos no’n nagsulat sila ng ilang kung ano na lang na mga pangalan at tirahan at tumigil na sa pagtatanong sa ’kin. Nang makita kong napahiya at natalo si Satanas, lubos akong nagpasalamat sa Diyos. Nagawa kong matiis ang lahat ng mga araw na ’yon ng pagpapahirap dahil lahat sa proteksyon ng Diyos. Binibigyan ako ng pananalig at lakas ng Kanyang mga salita, kung hindi, matagal na akong namatay dahil sa pagpapahirap. Personal kong naranasan ang ibig sabihin ng Diyos nang sinabi Niyang: “Hindi kailanman nawawala ang Diyos sa puso ng tao, at naninirahan Siyang kasama ng tao sa lahat ng oras. Siya ang puwersang nag-uudyok sa pamumuhay ng tao, ang ugat ng pag-iral ng tao, at isang mayamang lagak para sa pag-iral ng tao pagkatapos ng kapanganakan. Siya ang sanhi upang muling isilang ang tao, at binibigyang-daan siyang isabuhay nang masigasig ang bawat papel niya. Salamat sa Kanyang kapangyarihan at sa Kanyang di-mapapawing puwersa ng buhay, nabuhay ang tao sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi, kung saan sa kabuuan nito ang kapangyarihan ng buhay ng Diyos ang pangunang sandigan sa pag-iral ng tao, at binayaran ng Diyos ang isang halagang wala pang isang karaniwang tao ang nakapagbayad. Kayang manaig ang puwersa ng buhay ng Diyos sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Walang hanggan ang Kanyang buhay, bukod-tangi ang Kanyang kapangyarihan, at hindi magagapi ng anumang nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway ang Kanyang buhay na puwersa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan).
Noong Oktubre, binigyan ako ng Partido ng isang taon ng paggawa para sa “paggamit ng ilegal na organisasyong xie jiao para gambalain ang kaayusang panlipunan, at panlalawigan na pagpapalaganap ng isang xie jiao.” Matapos akong palayain, natuklasan ko na ginamit ng pamilya ko ang mga koneksiyon nila at gumastos ng mahigit sa $3,000 para mapalaya ako nang maaga, kung hindi, mas magtatagal sana ako sa labor camp. Nakita ko mula sa pagkaaresto at pag-uusig ng Partido Komunista na isa ’tong kaaway ng Diyos, hibang nitong nilalabanan ang Diyos, inaaresto at inuusig ang mga mananampalataya, na isa ’tong reinkarnasyon ng masasamang espiritu at mga demonyo. Sagad sa buto ko ’tong kinamumuhian at ganap kong pinutol ang ugnayan ko rito. Kasabay no’n, talagang ramdam ko ang pagmamahal ng Diyos. Nang pinahihirapan ako, ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa ’kin ng pananalig at lakas at tinulutan akong makalagpas sa kahindik-hindik na pag-uusig ni Satanas. Isa itong tunay na karanasan ng awtoridad at lakas ng mga salita ng Diyos at mas pinalakas nito ang pananalig ko sa Diyos.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.