Nanghihingi ng Pera ang mga Pulis

Enero 16, 2022

Ni Gao Hui, Tsina

Isang araw noong Hulyo ng 2009, sumugod sa bahay ko ang isang kapatid para sabihin na naaresto ang lider ng iglesia namin at sinamsam ng mga pulis ang isang bahagi ng mga resibo mula sa pera ng iglesia. Nang marinig ko ito, sobrang nabalisa ako, iniisip na: “Hawak ng pamilya ko ang bahagi ng pera ng iglesia. Nakalista sa mga resibo ang pangalan ko at ang pangalan ng asawa ko. Kung mapasakamay ng mga pulis ang mga iyon, siguradong maaaresto kami at masasamsam ang pera.” Kaya dali-dali naming inilipat sa ibang lugar ang pera ng iglesia.

Makalipas ang ilang araw, pinangunahan ng hepe ng pampublikong seguridad ng barangay ang higit sa dalawampung pulis para lusubin ang aming bahay. Itinaas ng isa sa mga pulis ang isang resibo at nagtanong: “Ikaw ba ang nagsulat nito? Ibigay mo na ngayon ang 250,000 yuan na itinatago mo para sa iglesia!” Medyo nataranta ako, kaya agad akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, “Mahal na Diyos, pakiusap, bigyan Mo ako ng pananampalataya at lakas. Hindi ako magiging Hudas at hindi Kita ipagkakanulo.” Pagkatapos magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Naisip ko sa sarili ko: “Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, dapat akong umasa sa Diyos para harapin ang pagsubok na ito.” Pagkatapos ay mariin kaming tinanong ng pulis: “Sinong nagbigay sa iyo ng pondo para hawakan? Ibigay mo sa amin ang pera ngayon!” Masamang-masama ang loob ko na iniisip: “Ang pera ay mga handog para sa Diyos ng Kanyang mga hinirang na mga tao. Anong karapatan ninyo sa mga ito? Bakit ko ibibigay ang mga ito sa inyo?” Nakita ng isang pulis na hindi kami nagsasalita, tapos ay hinawakan niya sa ulo ang asawa ko at iniumpog sa pader habang tinatanong ulit kung nasaan ang pera. Nagalit at nabahala ako. May ilang problema sa kalusugan ang asawa ko na may kaugnayan sa pagkakaaksidente niya dati, kaya hindi talaga niya kaya ang ganoong klase ng pang-aabuso. Sinabi ng hepe ng pampublikong seguridad sa pulis: “Hindi mabuti ang lagay ng isang ito, at puwedeng madaling mahimatay.” Ayaw na makapatay ng tao, sa wakas ay tumigil ang pulis. Tapos ay dinala nila ako sa isa pang silid, ipinosas ako sa isang scooter at malupit akong tinanong: “Saan mo inilagay ang 250,000? Kung sasabihin mo sa amin, hindi ka namin aarestuhin at walang magiging pinsala sa reputasyon mo. Pero kung hindi mo sasabihin sa amin, malilintikan ka!” Nang hindi ako sumagot, higit sa sampung pulis ang nagkukumahog na nagsimulang halughugin ang aming bahay. Pinuntahan nila ang loob at labas ng aming bahay, lahat ng aparador at ilalim ng mga kama, at tinanggal pa ang takip sa likod ng TV at washing machine para tingnan ang loob ng mga ito. Ang ilang pulis ay gumapang sa sahig, tinutuktok ang floor tiles, habang ang iba ay naghiwa-hiwalay at kinatok ang lahat ng dingding. Kapag sa tingin nila ang isang bahagi ay hungkag ang tunog, bubuksan nila ito para suriin. Maya-maya lang, may narinig akong sabik na sumigaw: “Nakita na namin, nakita na namin!” Tumakbo ang isang pulis na may isang bag na puno ng pera sa kanyang mga braso at pagkatapos ay nagsimula silang magbilang. Sa kabuuan, 121,500 ang natagpuan nila. Sinabi ko sa mga pulis: “Ipon ng pamilya ko iyan.” Pero hindi ako pinansin ng mga pulis. Dahil hindi pa nila natagpuan ang lahat ng 250,000, nagpatuloy sila sa paghahalughog. Hinalughog nila ang bawat maliliit na sulok. Sinira nila ang bahay ng aso at binasag ang aming marmol na lamesa. Kahit ang tsimenea sa aming bubong ay nawasak. Hinila nila ang sahig sa ilang silid at hinukay ang lahat ng lupa sa ilalim ng mga puno sa patyo para lang mahanap ang pera. Walang magawang pinanood ko silang halughugin ang buong bahay namin. Galit na galit ako. Walang kasuklam-suklam na kilos ang napakababa para sa CCP sa hangarin nilang kamkamin ang pera ng iglesia. Isang grupo ng demonyo! Galit ako, pero kasabay niyon, nag-aalala ako. Pagkatapos ng aksidente niya, hindi na nagawa ng asawa ko ang paggawa ng mabibigat na manu-manong trabaho kaya ako ang naging pangunahing kumikita sa pamilya namin. Sa mga taong iyon, naging matipid kami hangga’t maaari at lubos na nagsumikap para ipunin ang perang iyon. Ano nang gagawin namin ngayong kinuha na itong lahat ng mga pulis? Matanda na ang anak namin at naghahanda nang magpakasal. Ngayon, ni wala kaming kapera-pera para ayusin ang kasal niya. Hindi ko talaga alam kung paano haharapin ang kabiguang ito. Ang nagawa ko na lang ay magdasal sa Diyos at hingin ang Kanyang patnubay. Matapos magdasal, naisip ko noong tinukso ni Satanas si Job. Sa isang magdamag, ang lahat ng alaga niyang hayop na pumuno sa mga kabundukan ay kinuha. Ang kayamanang kanyang naipon sa loob ng maraming taon ay nawala sa isang iglap at lahat ng kanyang sampung anak ay namatay. Ang buo niyang katawan ay pinigsa rin pero hindi siya nagreklamo kahit kailan, at sinabi pa ngang: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Dumaan si Job sa napakatinding pagsubok, at tumayo siyang saksi at ipinahiya si Satanas. Ang marahas na paghalughog ng mga pulis sa aming bahay at pagsamsam ng aming pera ay panunukso at pag-atake ni Satanas. Kailangan kong tularan ang halimbawa ni Job, umasa sa Diyos, at gamitin ang aking pananalig para malampasan ang mga sitwasyong ito. Kahit anong mangyari, hindi ko puwedeng ibigay ang pera ng iglesia at kailangan kong manindigan sa aking patotoo para sa Diyos.

Hinalughog ng mga pulis ang bahay ko hanggang alas dos o alas tres ng madaling araw ng sumunod na umaga. Gumugol sila ng mahigit pitong oras sa paghahalughog, pero wala nang nakita pang kahit anong pera. Ang asawa ko ay nawalan ng malay, at dinala ako sa armed police reception center para sa interogasyon. Mayroon nang apat o limang nakasibilyang pulis na naghihintay sa silid na pinagdalhan sa akin. Mabagsik sila, mukhang masasama, at tinitigan nila ako nang may malalaswang ngiti. Natakot ako at hindi makontrol ang panginginig ng mga kamay ko. Dali-dali akong nagdasal sa Diyos at hiniling na bigyan Niya ako ng pananampalataya. Matapos magdasal, naisip ko kung paanong pinagbintangan si Daniel at itinapon sa kulungan ng mga leon, pero, salamat sa proteksyon ng Diyos, hindi siya kinain ng mga leon. Lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Maaaring malupit at masama si Satanas, pero itinatakda ng Diyos ang mga hangganan nito. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi nila ako masasaktan. Kailangan kong sumandig sa Diyos at manindigan sa aking patotoo. Tapos isang political commissar mula sa Public Security Bureau ang dumating, may hawak na isang pirasong papel. Pinapirmahan niya iyon sa akin nang hindi man lang sinasabi sa akin kung anong nakasulat doon. Ayokong pumirma, kaya kumuha siya ng isang plastic na pamalo na isang talampakan ang haba at sinimulan akong hampasin sa aking mga kamay at bibig. Pagkatapos lang ng ilang hampas, ang mga kamay at bibig ko ay parehong namaga. Tapos sinabi niya sa dalawa sa mga pulis na nakabantay sa akin: “Huwag ninyo siyang patutulugin. Sa loob ng dalawang araw, manlulupaypay iyan at pagkatapos sasabihin niya sa atin ang lahat.” Tapos humarap siya sa akin at nagbanta: “Kung hindi mo sasabihin sa amin kung nasaan ang pera, gigibain ko ang bahay mo!” Labis akong nag-alala rito. Ang tahanang ito na pinaghirapan naming itayo ay sinira ng mga pulis sa loob lang ng ilang oras. Malupit ang mga pulis na ito at kayang gawin ang lahat—kapag hindi ko sinabi sa kanila kung nasaan ang pera ng iglesia, talaga bang gigibain nila ang bahay ko? Pahihirapan ba nila ako hanggang mamatay? Habang mas nag-iisip ako, mas natatakot ako. Tuloy-tuloy akong nagdasal sa Diyos, at pagkatapos ay sumagi sa isip ko ang mga salita ng Panginoong Jesus: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno(Mateo 10:28). Binigyan ako ng pananampalataya at tapang ng mga salita ng Diyos. Ang buhay ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Gaano man kalupit ang mga pulis, kaya lang nilang mapinsala ang aking katawan, at wala silang magagawa sa akin nang walang pahintulot ng Diyos. Kung pinahintulutan ng Diyos ang mga pulis na kitilin ang buhay ko at sirain ang bahay ko, handa akong magpasakop. Matapos mapagtanto ito, hindi na ako masyadong natakot. Tapos hinila ako ng mga pulis papunta sa isang upuan at ipinosas ako rito. Sa sandaling mapapikit ako, malakas nila akong sinisipa sa mga binti. Sa magdamag na iyon ay hindi ako nakatulog.

Noong umaga ng sumunod na araw, ilang pulis ang nagsalitan sa pagtatanong sa akin tungkol sa kinalalagyan ng pera ng iglesia. Mukhang naiinis nang tinanong ako ng commissar na iyon: “Anong nangyari sa perang tinatago mo? Malinaw na sinasabi sa resibo na 250,000 ito, bakit kaunti lang dito ang natagpuan? Nasaan ang natitirang pera?” Yumuko ako at walang anumang sinabi. Patuloy niya akong pinipilit: “Ginastos mo ba ang natitirang pera? Sabihin mo sa akin ngayon!” Naisip ko sa sarili ko: “Hindi namin kailanman lulustayin ang pera ng iglesia. Ito ang mga handog sa Diyos ng mga hinirang Niyang tao. Ang mga taong lumulustay sa mga handog sa Diyos ay mga demonyo at isusumpa at paparusahan sa impiyerno!” Tapos ay sinubukan akong hikayatin ng commissar sa mas malumanay na boses para ibigay ko ang kinalalagyan ng pera. Sinabi niya: “Sabihin mo na lang sa amin. Sa sandaling sabihin mo sa amin, puwede mo nang makasama ulit ang pamilya mo.” Tapos sinabi niya: “Nag-serbisyong militar ako malapit sa tinitirhan mo, para na rin tayong magkababayan. Sabihin mo na lang sa amin ngayon at wala ka nang magiging mga problema.” Naisip ko sa sarili ko na ang mga pulis na ito ay may lahat ng klase ng tusong pakana. Hindi ako maaaring mahulog sa mga panlilinlang nila. Tapos tinanong ako ng isa pang pulis: “Hindi ba’t tinatago mo ang 250,000? May 121,500 na lang na natitira, kaya ilang taon ang plano mong gugulin para ibalik sa amin ang natitirang pera? Basta’t magsulat ka ng isang liham ng garantiya, pauuwiin ka na namin ngayon. Anong masasabi mo?” Napuno ako ng galit at pagkamuhi nang marinig ito. Ang mga pulis na ito ay ninakaw ang lahat ng pera namin at gusto pa rin nila ng IOU? Kalokohan iyon!

Bandang ala-una ng umaga, paulit-ulit akong tinanong muli ng pulis tungkol sa kinalalagyan ng pera ng iglesia, na sinasabing: “Alam mo ba kung saan nanggaling ang perang iyon? Pinaghirapang pera iyon ng mga tao, at dapat iyong maibalik sa mga tao.” Masuka-suka ako habang tinitingnan ang pangit niyang mukha. Ang perang iyon ay malinaw na kinita sa pagsusumikap ng hinirang na mga tao ng Diyos na nakatanggap ng biyaya ng Diyos at pagkatapos ay inihandog iyon sa Kanya. Maliwanag na ang mga ito ay mga handog sa Diyos. Malinaw na walang kinalaman ang perang iyon sa “pinaghirapang pera ng mga tao.” Hindi ba’t isa lang itong lantarang kasinungalingan? Ang palabas na ito ng mga pulis ng CCP ay hinayaan akong makita nang mas malinaw ang kanilang masamang mukha. Pinandirihan at kinamuhian ko sila. Mas lalong ayaw ko silang pansinin no’n. Nang hindi pa rin ako nagsasalita, dalawang pulis ang nagsalitan sa pagsampal sa mukha ko na hindi ko na mabilang kung ilang beses. Sinampal nila ako hanggang sa napagod sila at pagkatapos ay pinaghahampas nila ako ng isang plastic folder. Hilong-hilo ako, nanlabo ang paningin ko at may matinding sakit sa mga pisngi ko. Tapos ay kinuryente nila ang posas ko gamit ang isang pamalong de-kuryente. Dumaloy sa buong katawan ko ang kuryente at bawat ugat ko ay parang namanhid. Pakiramdam ko’y mas mabuti pang mamatay ako. Pero hindi pa rin sila tumigil. Sinipa nila ang mga lulod ko gamit ang pang nakasapatos ng balat at inapak-apakan ang paa ko gamit ang takong nila, sobrang sakit niyon. Pagkatapos ng mga pambubugbog at pagpapahirap, lubos akong napagod at nararamdaman kong umiikot ang ulo ko na parang nasa bingit ako ng kamatayan. Walang tigil akong nagdasal sa Diyos, nagsusumamong bigyan Niya ako ng paninindigan na tiisin ang pagdurusa at manindigan sa aking patotoo. Matapos magdasal, isang himno ng mga salita ng Diyos “Paano Magawang Perpekto” ang pumasok sa isip ko: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t ikaw ay tatangis nang labis o nag-aatubili kang mawalay sa ilang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Totoo ito. Ang aking laman ay medyo nagdusa nga noong ako ay pinahirapan, pero ginamit ng Diyos ang pagdurusang ito para gawing perpekto ang aking pananalig. Paano man ako pahirapan at pagmalupitan ng mga pulis, kailangan kong sumandig sa Diyos at magpatotoo para sa Kanya. Tapos ay inutusan ako ng isang pulis na tumayo, pero nakaposas sa mga armrest ng upuan ang mga kamay ko, kaya hindi ako makatayo. Ang nagawa ko lang ay bumaluktot sa baywang habang nakabitin ang 60-librang upuan sa aking mga pulsuhan. Tapos marahas na inalog ng pulis ang upuan, dahilan para malalim na bumaon sa pulsuhan ko ang posas. Napakasakit nito. Nakatatakot siyang ngumiti sa akin at sinabing: “Kasalanan mo ito, hindi mo kami puwedeng sisihin.” Pumikit ako at sinubukang labanan ang sakit. Kinamuhian ko ang grupong iyon ng mga demonyo nang marinig ang baliw nilang halakhak!

Sa sandaling iyon, buong araw at gabi na akong nakaposas sa upuang iyon. Sobrang sakit ng ulo ko, nahihilo ako at sumasakit at namamaga ang likod ko. Malapit na akong bumigay at hindi ko alam kung hanggang kailan ko pa kakayanin. Tumawag ako sa Diyos sa aking puso: “Mahal na Diyos! Hindi ko alam kung hanggang kailan ko pa kakayanin. Bigyan Mo po ako ng pananampalataya at lakas para manindigan sa aking patotoo, gaano man katindi ang paghihirap.” Pagkatapos magdasal, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang pumasok sa isip ko: “Ang Aking gawain sa grupo ng mga tao ng mga huling araw ay isang proyektong hindi pa kailanman nangyari, at sa gayon, upang mapuno ng Aking kaluwalhatian ang kosmos, lahat ng tao ay dapat magdusa ng huling paghihirap para sa Akin. Nauunawaan mo ba ang Aking mga layunin? Ito ang huling hinihingi Ko sa tao, na ibig sabihin, umaasa Ako na lahat ng tao ay makapagpatotoo nang malakas at matunog sa Akin sa harap ng malaking pulang dragon, na maialay nila ang kanilang sarili sa Akin sa huling pagkakataon, at matupad ang Aking mga kinakailangan sa huling pagkakataon. Talaga bang magagawa ninyo ito?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 34). Nararamdaman ko ang pag-asa at pagpapalakas ng loob ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Sa gitna ng paghihirap na ito ako dapat magpatotoo sa harap ni Satanas. Dapat kong tiisin ang sakit at pagdurusa, manindigan sa aking patotoo at ipahiya si Satanas! Sa gabay ng mga salita ng Diyos, naramdaman kong parang palagi kong kasama ang Diyos at bahagyang nabawasan ang sakit. Makalipas ang isang gabi ng pagpapahirap at pambubugbog, ang buong katawan ko ay bugbog-sarado at puro pasa. Natakpan ng mga pasa ang mukha ko at ang mga paa ko ay namaga. Napakahina ng aking kondisyon. Ang pulis na nagtrabaho sa sumunod na relyebo ay hindi na natiis ang nakita niya, at sinabing: “Sumobra ang mga lalaking ito. Hirap na ngang maghanap-buhay ang mga magsasaka, at ngayon napakaraming pera nila ang ninakaw.”

Sa ikatlong araw, dumating ang commissar para tanungin ako ulit tungkol sa aking pananalig, pati na sa kinalalagyan ng 250,000 yuan. Sabi ko: “Nakuha na ang 250,000 yuan. Pera ng pamilya ko ang kinuha ninyo.” Dali-daling lumingon ang commissar at sinabi sa taong gumagawa ng nakasulat na rekord: “Huwag mong isulat iyon.” Tanong ko: “Bakit hindi?” Nagalit siya at tumayo sa kanyang upuan, hinampas ang lamesa at sumigaw: “Sinong nagtatanong dito? Anong pangalan ng taong kumuha ng pera? Saan sila pumunta?” Nang wala pa rin akong sinabing kahit ano, nananakot niyang sinabing: “Kung hindi mo sasabihin sa akin ngayon, sisiguraduhin kong hindi kailanman makakukuha ng trabaho ang mga anak mo. Ang iyong pamilya ay hindi kailanman makaliligtas dito!” Sobrang nag-alala ako nang marinig ko ito. Bata pa ang mga anak ko—kapag pinagkaitan talaga sila ng CCP ng trabaho, paano nila mabubuhay ang sarili nila sa hinaharap? Matapos magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nag-aabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling hinaharap, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, isa ka pa rin bang nilikha?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Matapos pagnilayan ang mga salita ng Diyos, mas napanatag ako. Ang kinabukasan ng mga anak ko ay nasa mga kamay ng Diyos. Ang malaking pulang dragon ay walang karapatang magdesisyon sa bagay na ito. Dapat akong sumandig sa Diyos para manindigan sa aking patotoo! Tungkol naman sa kinabukasan at kapalaran ng pamilya ko, matagal nang naitalaga ng Diyos ang lahat ng iyon. Handa akong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos.

Kinabukasan dinala nila ang anak ko kasama ang hepe ng pampublikong seguridad. Nang makita ng anak kong puno ng pasa at namamaga ang mukha ko, napaiyak siya at sinabing: “Mama, huwag kang mag-alala. Hindi na mangyayari ang kasal ngayon at hahanap ako ng paraan para makahiram ng pera para mailabas kita rito.” Nang marinig kong sabihin niya ito, nanginig ako at sobrang sumama ang loob ko. Pagkatapos niyon, inutusan ng commissar ang hepe ng pampublikong seguridad, sinasabing: “Kailangan mo ring tumulong na malutas ang isyu sa pera na ito.” Tapos, kakaiba niyang idinagdag: “May mga kamag-anak ba sila? Tingnan mo kung makahihiram sila ng pera mula sa mga kamag-anak.” Tumango at yumuko ang hepe ng pampublikong seguridad, sinasabing: “Pagbalik ko, kakausapin ko ang mga kapatid niya at sasabihan ang kanyang asawa na maghanap ng paraan.” Nang makita kung gaano sila kasakim, galit akong sumagot: “Hindi ako nakikipag-ugnayan sa mga kapatid ko. Huwag kayong makipag-ugnayan sa kanila.” Isa pang pulis ang sumigaw: “Hindi ba’t 250,000 ang nakalagay sa resibo? 120,000 lang ang nakita namin, kaya kahit anong mangyari, ibibigay mo ang natitirang balanse.” Napakasama ng sitwasyon ko at wala na akong ibang mapagpipilian, kaya sinabi kong: “Kung gayon, ibenta ninyo na lang ang bahay ko.” Nangungutyang tiningnan ako ng hepe ng pampublikong seguridad at sinabing: “Hindi ganoon kataas ang halaga ng bahay mo. Iniisip mo ba talagang kaya mong maibigay ang natitirang balanse sa pagbebenta nito?” Nang marinig ito ng pulis, pinilit niya ulit ang anak ko na manghiram ng pera. Wala nang nagawa ang anak ko kundi ang sumang-ayon. Umiiyak siyang umalis. Galit na galit ako noon—napakababa at kasuklam-suklam ng malaking pulang dragon. Palagi nilang inihahayag na sinusuportahan nila ang kalayaan sa relihiyon, pero sa totoo, pinipigilan, inaaresto at pinagmamalupitan nila ang mga mananampalataya. Ginagamit nila ang anumang paraang kinakailangan para nakawin ang pera namin, nakawin ang mga handog sa Diyos, iniiwang hikahos ang mga tao. Malinaw kong nakita na ang malaking pulang dragon ay isa lang demonyong lumalaban sa Diyos at pinagmamalupitan ang sangkatauhan. Pinalakas ng lahat ng ito ang pagpapasya kong sundin ang Diyos. Hindi ko napigilang kantahin sa isip ko ang isang himno: “Les épreuves et les tribulations m’ont enfin réveillé. Je vois que Satan est méprisable, cruel et diabolique. Des flammes de rage consument mon cœur. Isinusumpa ko ang buhay ko na maghimagsik laban sa malaking pulang dragon at magpatotoo sa Diyos” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Nanunumpa Ako ng Katapatan Hanggang Kamatayan para Sundin ang Diyos). Paano man ako pagmalupitan ni Satanas, maninindigan ako sa aking patotoo at ipapahiya si Satanas.

Sa loob ng sumunod na ilang araw, gumamit sila ng ibang anyo ng pagpapahirap. Ipinosas nila ako sa isang upuan at hindi pinatulog o pinakain habang paulit-ulit akong tinatanong tungkol sa kinalalagyan ng pera. Kabadong-kabado ako at balisa buong araw, araw-araw. Sa ikawalong araw, nang hindi pa rin ako napagsalita ng commissar, dinala niya ulit ang anak ko at sinabi sa anak ko na hindi nila ako pakakawalan hanggang malikom niya ang 130,000. Nag-aalalang nangunot ang noo, sinabi ng anak ko sa kanya na hindi niya kayang makalikom ng ganoong halaga. Galit akong nagsalita: “Simpleng pamilya lang kami ng mga magsasaka at ang asawa ko ay maraming taon nang may sakit, saan kami hahanap ng ganyan kalaking pera?” Pero hindi niya ako pinansin at, pinanlilisikan ng mga mata ang anak ko na sinabing: “Bumalik ka at maghanap ng paraan para makuha ang pera.”

Sa ikasampung araw, napagtanto nilang wala silang makukuhang anumang mahalaga mula sa akin, kaya pinauwi na nila ako. Habang paalis na ako, binalaan din nila ako na dapat kong ibigay sa kanila ang natitira sa 250,000 sa lalong madaling panahon. Sinabi rin nilang: “Tungkol sa taong nagpatabi sa iyo ng pera, kapag hinanap mo siya para sa amin, ibabalik namin ang pera mo.” Naisip ko sa sarili ko: “Alam nilang pera iyon ng pamilya ko, na hindi iyon pera ng iglesia, at gusto nilang gamitin ito para subukan akong pilitin na pagtaksilan ang mga kapatid ko. Hindi ko hahayaang mangyari iyon!” Kalaunan ko na lang nalaman na nagbigay ng mahigit sa 80,000 yuan ang anak ko para mapalaya ako.

Hindi naman kami mayaman sa simula pa lang, kaya nang kinuha ng mga pulis ang ipon namin, lalong humirap ang buhay namin. May dinaramdam akong panginginig ng mga kamay, at matapos mapahirapan ng mga pulis, lalong lumala iyon. Ni hindi ako makapaghanda ng pagkain, lalo na ang lumabas at magtrabaho, at lalong hindi maaasahan ang asawa ko. Nang walang pinagkakakitaan, halos wala kaming sapat na pera para bumili ng mga gulay, noodles, at pang-araw-araw na pangangailangan. Isang beses, gusto kong bumili ng toilet paper, pero wala akong kapera-pera. Nilimas kami ng CCP at ngayon ni wala kaming sapat na pera para makaraos. Paano kami mabubuhay nang ganito? Sa tuwing naiisip ko ito, sobrang nalulungkot ako. Bukod pa roon, maya’t-maya kaming tinatawagan ng mga pulis para ipatawag kami. Sobrang kinakabahan at nalulungkot ako sa tuwing naririnig kong tumunog ang telepono. Ang mas malala pa, iniwasan kami ng mga kamag-anak at kaibigan na para kaming mga salot dahil ayaw nilang madamay. At ang mga tao sa barangay ay palagi kaming hinuhusgahan. Sobrang nagdalamhati ako at nalungkot. Higit iyon sa kaya kong tiisin, at lumabas na lang akong mag-isa sa bukid at umiyak. Habang umiiyak ay nagdarasal ako sa Diyos, sinasabing: “Mahal na Diyos! Labis akong nanghihina sa sitwasyong ito at hindi ko alam kung paano ko ito malalampasan. Ipinagdarasal kong gabayan Mo ako at bigyan ako ng pananampalataya at lakas.” Matapos magdasal, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang landas kung saan ginagabayan tayo ng Diyos ay hindi diretso, bagkus ay isang paliku-likong daan na puno ng mga lubak; sinasabi ng Diyos, bukod dito, na habang mas mabato ang landas, mas maibubunyag nito ang ating mga pusong mapagmahal. Gayunman ay wala ni isa man sa atin ang makapagbubukas ng gayong landas. Sa Aking karanasan, lumakad na Ako sa maraming mabato, mapanganib na mga landas at dumanas na Ako ng matinding pagdurusa; may mga sandali na lubos Akong namimighati hanggang sa punto na gusto Kong maghumiyaw, ngunit nilakaran Ko na ang landas na ito hanggang sa ngayon. Naniniwala Ako na ito ang landas na pinangungunahan ng Diyos, kaya tinitiis Ko ang pagpapahirap ng lahat ng pagdurusa at nagpapatuloy na sumulong. Sapagkat ito ang naitalaga na ng Diyos, kaya sinong makatatakas dito? Hindi Ko hinihingi na makatanggap ng anumang mga pagpapala; ang hinihingi Ko lang ay makaya Kong lumakad sa landas na dapat Kong lakaran ayon sa mga layunin ng Diyos. Hindi Ko hinahangad na gayahin ang iba, na lumakad sa landas na kanilang nilalakaran; ang hinahangad Ko lang ay nawa matupad Ko ang Aking debosyon na lumakad sa itinalaga sa Aking landas hanggang sa katapusan(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 6). Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, umagos ang luha sa mukha ko. Napagtanto kong ang paniniwala at pagsunod sa Diyos sa isang bansa kung saan ang CCP ay nasa kapangyarihan ay tiyak na may kasamang lahat ng uri ng paghihirap at pang-aapi. Maaaring nawala ang ipon ng pamilya ko at ang paghihirap namin ay umabot sa yugtong ito dahil naaresto ako at inusig ng CCP. Pero ito ay pinahintulutan ng Diyos. Dapat akong magpasakop at manindigan sa aking patotoo para sa Diyos para ipahiya si Satanas sa sitwasyong ito.

Sa mga sumunod na araw, binigyan namin ng asawa ko ang isa’t isa ng maraming pampalakas ng loob, madalas na kumakanta ng mga himno nang magkasama. At kalaunan, nagsimula kaming tulungan ng mga kapatid sa iglesia. Binigyan kami ng pera ng ilan sa kanila, ang iba ay binibigyan kami ng mga bagay na kailangan namin. Ang iba naman ay nagbabahagi tungkol sa katotohanan kasama namin, na binibigyan kami ng tulong at suporta. Ang pagmamahal ng Diyos at ang Kanyang mga salita ang gumabay sa amin sa napakadilim na mga araw na iyon.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Dalawampung Araw ng Paghihirap

Ni Ye Lin, TsinaIsang araw noong Disyembre 2002, bandang alas kwatro ng hapon, habang nakatayo ako sa gilid ng isang kalsada at may...

Nang si Mama ay Makulong

Ni Zhou Jie, Tsina Labinlimang taong gulang ako nang tumakas kami ng mama ko mula sa aming bahay. Naaalala ko na malalim na ang gabi nang...