Ang mga Salita ng Diyos ay Lumilikha ng mga Himala sa Buhay

Nobyembre 4, 2019

Ni Yang Li, Jiangxi Province

Pumanaw ang aking ina noong bata pa ako, kaya ako ang nagdala ng mabigat na pasanin ng mga responsibilidad sa bahay simula sa pagkabata. Nang makapag-asawa ako, naging napakabigat ng aking mga responsibilidad kaya halos hindi ako makahinga sa bigat ng mga iyon. Dahil nakaranas na ako ng labis na hirap at kalungkutan sa buhay, sa paglipas ng panahon ay naging malungkot ako at mapanglaw, tahimik at walang kibo, at nagwaldas ako ng pera araw-araw. Noong 2002, nang ibahagi sa akin ng ilang kapatid ang ebanghelyo ng gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, masaya ko itong tinanggap at saka ko isinama ang aking asawa’t mga anak sa harap ng Diyos. Mula noon, madalas nang pumunta sa bahay namin ang mga kapatid para magtipun-tipon at magbahaginan tungkol sa salita ng Diyos, magkantahan, magsayawan at purihin ang Diyos; labis akong nagalak dito at hindi na ako nalungkot o nag-alala. Sabi ng mga anak ko, parang bumabata at mas masaya ako palagi. Madalas kaming magbasa ng mga salita ng Diyos nang sama-sama bilang pamilya at, sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, naunawaan namin ang maraming katotohanan, gayundin ang apurahang kalooban ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Naglakbay ako kung saan-saan, na nagpapalaganap ng ebanghelyo at nagpapatotoo sa Diyos para suklian ang Kanyang pagmamahal at bigyang-kakayahan ang mga katulad ko na nagdanas na ng pahirap ni Satanas na humarap sa Diyos at mailigtas Niya sa lalong madaling panahon. Hindi ko inakala kailanman na, dahil dito, magiging target ako ng malupit na pag-uusig ng gobyernong CCP …

Noong ika-23 ng Nobyembre, 2005, mga alas- 7 n.g. habang nagtitipon kami ng dalawang miyembrong babae, bigla akong nakarinig ng isang malakas na katok sa pinto at, natatanto na baka mga pulis iyon, dali-dali kong nilikom ang lahat ng aklat ng mga salita ng Diyos. Tulad ng inasahan ko, may sumipa nang napakabilis sa pinto sa harap; agad pumasok ang limang galit na galit na opisyal na pulis at pinaligiran kami. Sumigaw ang punong opisyal: “Wala kayong matatakasan! Halughugin ang lugar!” Hindi nagtagal, nagkalat na ang lahat ng laman ng bahay. Pagkatapos ay sinamsam nila ang lahat ng bag namin at ang isang aklat ng mga himno, at pinosasan kami at isinama sa istasyon ng pulis. Takot na takot ako sa harap ng pagpapakitang ito ng puwersa at desperado akong nanawagan sa Diyos na protektahan kami. Sa sandaling iyon, sumaisip ko ang isang talata ng mga salita ng Diyos: “Dapat mong malaman na lahat ng bagay sa iyong kapaligiran ay naroon dahil sa Aking pahintulot, Ako ang nagsasaayos nitong lahat. Tingnan mo nang malinaw at bigyang-kasiyahan ang Aking puso sa kapaligirang ibinigay Ko na sa iyo. Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Ang mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng labis na lakas at pananampalataya, pinalis ang aking pagkakimi at ikinintal sa aking kalooban ang tibay at katatagan. Tama! Lahat ng kaganapan at bagay ay nasa mga kamay ng Diyos at nasa mga kamay at pagsasaayos din Niya ang mga pulis. Dahil ang Diyos ang aking malakas na suporta, wala akong dapat ikatakot. Kinailangan ko lang magtuon sa paghahangad sa Kanyang kalooban at umasa sa Kanya para makatayo akong saksi sa anumang sitwasyon na maaari kong kaharapin.

Sa istasyon ng pulis, nagsalitan ang sampung opisyal mula sa Municipal Public Security Bureau at lokal na istasyon ng pulis sa pagtatanong sa amin nang dala-dalawa. Pilit nilang inalam ang aming pangalan, tirahan at kung sino ang mga lider ng aming iglesia. Nang ayaw naming sumagot ng kahit ano, nauwi sa galit ang kanilang pagkabigo at ipinosas kami nang nakataas ang mga paa sa mga bangkong bakal. Nakikita ang mababagsik na mukha ng mga pulis na iyon, nagkaroon ng kaunting takot sa puso ko; inisip ko kung anong klaseng masasakit na taktika ang gagamitin nila sa amin at hindi ko sigurado kung makakatagal ako. Nakikitang hindi ako nagsasalita, sinabi ng isa sa mga opisyal sa mapang-akit na tono: “Gumagabi na talaga. Sabihin n’yo lang sa ’min ang pangala’t tirahan n’yo at pauuwiin na namin kayo.” Malinaw na malinaw ang aking isipan noon dahil protektado ako ng Diyos, at naisip ko sa sarili ko, “Isa ito sa mga taktika ni Satanas. Kung ibibigay ko sa kanila ang pangalan at tirahan ko, siguradong pupunta sila at hahalughugin ang bahay ko, na lilikha ng malaking pinsala sa iglesia.” Dahil dito, paano man ako tinanong ng nakakatakot na mga pulis na iyon, hindi ako umimik, kundi nagdasal lang ako sa Diyos na ipagkaloob Niya sa akin ang mga tamang sasabihin. Kinabukasan, bumalik sila at itinanong ulit sa akin ang mga iyon at, muli, wala akong sinabi. Nang gabing iyon, pumasok ang isang babaeng opisyal na medyo masagwa ang bihis, pinandilatan ako at mabagsik na itinanong, “Ano’ng pangalan mo? Sa’n ka nakatira?” Hindi ko siya sinagot kaya galit niya akong sinigawan: “Kain lang kayo nang kain at patambay-tambay, wala kayong ginagawa para kumita. Bakit ba gusto n’yong maniwala sa kung anong Diyos?” Pagkasabi niyon, humakbang siya palapit sa akin at nagsimulang sipain ako ng takong ng kanyang mataas na sapatos sa aking mga binti at paa habang sumisigaw ng, “Manampalataya, ha! ’Pag di mo ’ko sinagot nang tapatan, ipapapatay kita!” Napakasakit ng mga binti at paa ko at nadaig ako ng panghihina ng puso ko, na hindi alam kung ano ang susunod na gagawin nila sa akin. Dali-dali akong nagsumamo sa Diyos, na hinihiling na pangalagaan Niya ang puso ko. Pagkatapos kong magdasal, nawala ang takot ko. Dahil bigo silang makakuha ng anumang sagot sa kanilang pagtatanong, dinala kaming tatlo ng mga pulis sa isang detention house.

Noong gabing iyon, malakas ang pag-ulan ng niyebe at napakaginaw. Kinumpiska ng baliw na mga pulis na iyon ang lahat ng aming damit-pangginaw na nasa bag namin, kaya napilitan kaming magsuot na lang ng manipis na damit, at nanginig kami sa ginaw sa buong biyahe. Pagdating namin sa detention house, dinala nila kami sa isang mapanglaw at nakakatakot na piitan sa ilalim ng lupa. Paminsan-minsan maririnig ang mga pagmumura at iyak ng ibang mga bilanggo, na nagpapataas ng balahibo ko—pakiramdam ko nakapasok ako sa kung anong impiyerno sa lupa. Isinalya kaming tatlo sa isang selda na may mga dalawampung iba pang bilanggo, at pinanggagalingan ng walang-katapusang panis na amoy. Nakalinya sa magkabilang panig ng selda ang mga sementadong tulugan at nakaupo ang lahat ng bilanggo sa isang mahabang mesa at nagtutuhog ng mga filament ng bombilya. Pagkapasok namin, sinabi ng opisyal sa punong bilanggo: “Siguruhin mong bigyan sila ng maayos na pagtanggap!” Ni wala pang treinta anyos ang punong bilanggo, na isang presong durugista; pagkarinig niya sa mga utos ng opisyal, bago pa ako nakatayo nang matatag, itinumba niya ako ng masasakit na sipa sa lupa. Napakasakit kaya nagpagulung-gulong ako sa lupa na sumisigaw. Pagkatapos niyon, pinagsisira nila ang lahat ng damit namin, kinaladkad kami papasok sa banyo at pinilit kaming maligo ng malamig na tubig. Nangisay ako sa sagad-sa-butong lamig ng tubig at walang-tigil ang pangangatal ng mga ngipin ko. Hindi ko matiis ang pananakit ng buong katawan ko na para bang nahiwa ako ng kutsilyo at nawalan ako kaagad ng malay. Nang magkamalay ako, natanto ko na kinaladkad na ako pabalik sa selda. Nang makita ng punong bilanggo na nagkamalay na ako, hindi siya nagpabaya, kundi patuloy niya akong pinagsisipa at pinagsusuntok. Inihagis lang niya ako sa isang tabi nang mapagod na siya nang husto. Dumating ang dalawang miyembrong kasama ko at niyakap ako, na tumutulo ang kanilang mga luha sa aking mukha. Damang hinang-hina ang puso ko, naisip ko sa sarili ko: “Bakit hindi na lang ako hayaan ng Diyos na mamatay? Kapag namatay ako, magiging malaya na ako, pero kung patuloy akong mabubuhay, sino’ng nakakaalam kung paano ako bubugbugin at pahihirapan ng mga demonyong ’yon, at kung matatagalan ko pang lahat iyon.” Nang lalo ko itong isipin, lalo akong nabalisa, at tumulo ang mga luha sa aking mukha. Sa gitna ng aking pagdurusa, niliwanagan ako ng Diyos na isipin ang isang himno ng Kanyang mga salita: “Sa ilalim ng paggabay ng liwanag ng Diyos, tiyak na makakawala kayo mula sa pagkasakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, tiyak na hindi ninyo maiwawala ang ilaw na gumagabay sa inyo. … Tiyak na magiging matatag at matibay kayo sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang pagpapalang nagmumula sa Diyos, at tiyak na sisinagan ng kaluwalhatian ng Diyos ang loob ng buong sansinukob(“Awit Ng Mga Mananagumpay” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Agad sumigla ang puso ko—labis akong inantig ng pangako at pagmamahal ng Diyos, kaya natanto ko na, kahit pinatawan ako ng kalupitan ni Satanas, basta’t tapat akong umasa at nagpitagan sa Diyos, siguradong aakayin ako ng Diyos na madaig ang pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at makalapit sa liwanag. Ang pagdurusang pinagdaraanan ko noon ay mahalaga at makabuluhan; isang pagpapala iyon ng Diyos, at pagdurusa ang kinailangan kong pagdaanan sa proseso ng pagsisikap na matamo ang katotohanan at pagliligtas ng Diyos. Malakas na patotoo rin iyon sa pagtalo ng Diyos kay Satanas. Pinahirapan at pinagdusa ako ni Satanas sa pagtatangkang hikayatin akong itanggi at itakwil ang Diyos; sa pananatiling matatag lamang sa aking debosyon sa Diyos, pagpasan sa lahat ng pagdurusang dapat kong pasanin at pagtayong saksi para sa Diyos ako makakaganti sa pakanang makipagsabwatan ni Satanas, na pinahihiya si Satanas upang maghatid ng kaluwalhatian sa Diyos. Nang mapag-isipan ko ang lahat ng ito, lubos akong nagsisi sa Diyos at gumawa ng pagpapasiya: “O Makapangyarihang Diyos! Nagdusa Ka nang higit kaysa matatagalan ng sinumang normal na tao para iligtas kami, na lubhang tiwaling mga tao. Nagsumikap ka para sa amin at talagang napakalaki ng pagmamahal Mo sa amin! Dapat kong suklian ang Iyong pagmamahal, ngunit ngayon, nang maharap ako sa isang pagsubok, sa halip na magpatotoo sa harap ni Satanas, pinili kong tumakas. Nang magdusa nang kaunti ang aking katawan, naging negatibo ako at lumaban ako, na nagnanais higit sa lahat na mamatay at matapos na ang lahat ng iyon. Napakaduwag at napakawalang-konsiyensya ko! Mula ngayon, anumang masamang sitwasyon ang makaharap ko, nangangako akong tumayong saksi para sa Iyo.” Nadama ko na lumakas ang aking pananampalataya sa sandaling iyon at hinawakan ko nang mahigpit ang mga kamay ng aking mga kapatid, na handang patuloy na mabuhay upang magpatotoo sa Diyos.

Matapos makulong sa detention house nang dalawampu’t isang araw, sinamahan ako ng mga pulis sa County Public Security Bureau. Itinali nila ako na nakataas ang mga paa sa isang bangkong bakal at tinanong. Dahil matatag akong tumangging sumambit ng kahit isang salita, nang gabing iyon pinosasan nila ako ng mga posas na may bukul-bukol at ibinitin ako mula sa barandilya ng isang bintana, na nakabitin ang katawan sa ere kaya nakakatapak lang ako sa lupa kapag nakatingkayad. Mayabang akong kinausap ng isang opisyal, na sinasabing, “Kung mayroon akong isang katangian, iyo’y ang pasensya. Pipilitin kitang magmakaawa sa akin at kusang sabihin sa akin kung sino ang lider n’yo!” Pagkasabi niyon, lumabas siya ng silid, ibinarandal ang pinto paglabas niya. Hindi nagtagal, unti-unti akong nakadama ng sagad-sa-butong sakit sa aking mga pulsuhan sa di-maipaliwanag na pagdurusa. Sa sandaling iyon, bigla kong naisip ang isang himno ng mga salita ng Diyos: “Natanggap na ba ninyo ang mga pagpapalang ibinigay sa inyo? Nahanap na ba ninyo ang mga ipinangako sa inyo? Sa ilalim ng paggabay ng liwanag ng Diyos, tiyak na makakawala kayo mula sa pagkasakal ng mga puwersa ng kadiliman. Sa gitna ng kadiliman, tiyak na hindi ninyo maiwawala ang ilaw na gumagabay sa inyo. Tiyak na kayo ang magiging panginoon ng lahat ng nilalang. Tiyak na kayo ay magiging mananagumpay sa harap ni Satanas. Sa pagbagsak ng kaharian ng malaking pulang dragon, tiyak na tatayo kayo sa kalagitnaan ng napakaraming tao upang sumaksi sa tagumpay ng Diyos. Tiyak na magiging matatag at matibay kayo sa lupain ng Sinim. Sa pamamagitan ng mga pagdurusang tinitiis ninyo, mamanahin ninyo ang pagpapalang nagmumula sa Diyos, at tiyak na sisinagan ng kaluwalhatian ng Diyos ang loob ng buong sansinukob(“Awit Ng Mga Mananagumpay” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). May mga luha sa aking mga mata, paulit-ulit kong kinanta ang himno. Nang lalo akong kumanta, lalo akong sumigla at nadama ko ang lakas na dulot ng makapangyarihang impluwensya ng mga salita ng Diyos na nagpatatag sa puso ko at nagbigay sa akin ng matibay na pananampalataya na tiyak na aakayin ako ng Diyos na madaig ang pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman, at tutulungan akong tiisin ang lahat ng malupit na pahirap na ito upang makatayo ako nang matatag sa aking pagsaksi. Sa paghihikayat ng mga salita ng Diyos, napawi ang sakit ng aking katawan at talagang nadama ko na mas napalapit ako at naging mas palagay ang loob ko sa Diyos. Pakiramdam ko parang katabi ko mismo ang Diyos, sinasamahan ako. Inantig ng Kanyang mga salita ang puso ko at nagpasiya ako na tatayo akong saksi para mapalugod ang Diyos at talagang hindi ako susuko kay Satanas kailanman!

Pagkatapos niyon, dinala ako sa interrogation room kung saan ang unang makikita ay isang buong set ng iba’t ibang kasangkapan sa pagpapahirap: Isang hanay ng mga baston ng pulis, malaki at maliit, ang nakasabit nang magkakasunod sa dingding, at nasa tabi ng dingding ang mga baston na katad, latigong katad at bangkong bakal. Nasa kalagitnaan mismo ng pambubugbog ang ilang opisyal sa isang mga dalawampung-taong-gulang na lalaking bilanggo gamit ang mga baston na may kuryente at mga latigong katad. Malubha ang mga hiwa at pasa nito at halos hindi na makilala sa dami ng sugat. Noon din ay pumasok ang isang babaeng opisyal at, walang sabi-sabing patuloy akong pinagsisipa nang ilang beses bago ako sinabunutan at inuntog ang ulo ko sa pader, na lumikha ng malakas na kalabog. Umikot ang ulo ko, nahilo ako at napakasakit ng ulo ko na akala ko’y bubuka iyon. Habang binubugbog niya ako, mabangis siyang umangil: “’Pag di ka pa nagtapat ngayon, sisiguraduhin ko na hindi ka na abutan ng bukas!” Sinegundahan ito ng dalawa pang lalaking opisyal, na nagbabantang: “Nagpatawag kami ng mga opisyal mula sa mga istasyon ng pulis sa buong paligid. Marami kaming panahon sa mundo para tanungin ka, isang buwan, dalawang buwan…. Gaano man katagal ang kailangan para makuha namin ang mga sagot na kailangan namin mula sa ’yo.” Nang marinig ko silang sabihin ito, at sa pag-iisip sa malulupit na taktikang ginamit na sa akin ng mga salbaheng iyon pati na ang tagpong katatapos pa lang mangyari sa lalaking bilanggong iyon, nagsimulang bumilis ang tibok ng puso ko at napuno ako ng takot at pangamba. Ang tanging nagawa ko ay magdasal kaagad sa Diyos. Sa sandaling iyon, ginabayan ako ng mga salita ng Diyos, “Kapag handang isakripisyo ng mga tao ang kanilang mga buhay, ang lahat ng bagay ay nagiging magaan, at walang makagagapi sa kanila. Anong maaaring maging higit na mahalaga kaysa buhay? Sa gayon, si Satanas ay nawawalan ng kakayahang gumawa pa sa mga tao, walang anumang magagawa ito sa tao. Bagaman, sa pakahulugan sa ‘laman’ sinasabi na ginawang tiwali ni Satanas ang laman, kung tunay na ibinibigay ng mga tao ang kanilang mga sarili, at hindi hinihimok ni Satanas, kung gayon walang sinuman ang makagagapi sa kanila—at sa sandaling ito, gagampanan ng laman ang isa pa nitong tungkulin, at magsisimulang opisyal na tanggapin ang patnubay ng Espiritu ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 36). Ipinaalam sa akin ng mga salita ng Diyos ang gagawin. Naisip ko, “Tunay ngang nasamantala ni Satanas ang kahinaan kong ito, ang takot ko sa kamatayan, para itakwil ko ang Diyos, at ginagamit ng Diyos ang sitwasyong ito para subukin ang katapatan ng pananampalataya ko sa Kanya. Kung talagang pag-iisipan ko ito, nasa mga kamay ng Diyos ang buhay ko, kaya bakit ako dapat matakot kay Satanas? Panahon na para magpatotoo ako para sa Diyos; sa paghahandog lamang ng buhay ko at hindi pagpapapigil sa kamatayan ako makakalaya mula sa impluwensya ni Satanas at makakatayong saksi para sa Diyos.” Nang mapag-isipan ko ito, hindi ko na kinatakutan ang kamatayan at nagpasiya na akong ialay ang buhay ko para mapalugod ang Diyos. Nang makita ng isa sa masasamang pulis na iyon na hindi ako takot, pagalit siyang sumigaw, “’Pag di ka namin tinuruan ng leksyon ngayon, aakalain mo na hindi namin alam kung ano’ng gagawin namin sa ’yo!” at pagkatapos ay agad nila akong ibinalik sa kulungan na may posas na may bukul-bukol, ibinitin ako sa mga iyon nang mataas sa barandilya ng bintana, at sinimulan akong sundutin ng baston na may kuryente. Agad dumaloy ang kuryente sa buong katawan ko, kaya tuluy-tuloy akong nanginig at nangatal. Nang lalo akong magpumiglas, lalong humigpit ang mga posas sa mga pulsuhan ko; napakasakit niyon kaya inakala ko na malalaglag ang mga kamay ko at napakasakit ng buong katawan ko. Patuloy na nagsalitan ang dalawang masasamang pulis na iyon sa pagpapahirap sa akin gamit ang mga baston na palaging sumasagitsit. Nang kuryentihin ako, kinalambre at nayanig ang buong katawan ko at dahan-dahan akong nawalan ng pakiramdam. Unti-unti akong nawalan ng malay at, sa huli, hinimatay ako. Pagkaraan ng ilang oras, hindi ko alam kung gaano katagal, nagising ako sa lamig. Nang makita ng grupong iyon ng masasamang opisyal na manipis lang ang suot kong damit, sadya nilang binuksan ang lahat ng bintana para manigas ako sa lamig. Patuloy na umihip ang malamig na hangin papasok sa bintana; ginaw na ginaw ako kaya nanigas ang katawan ko at nadama ko na nawawalan akong muli ng malay, pero malinaw kong naisip: “Hindi ako maaaring masiraan ng loob. Kailangan kong tumayong saksi para sa Diyos kahit mamatay pa ako!” Noon mismo, nakinita ko na ipinapako sa krus ang Panginoong Jesus para iligtas ang sangkatauhan: Binugbog ang Panginoong Jesus hanggang sa maging duguan at pagkatapos ay ipinako sa krus upang tapusin ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Kung nakayang isuko ng Diyos ang Kanyang buhay para iligtas ang sangkatauhan, bakit hindi ko masuklian kahit kaunti ang pagmamahal ng Diyos? Pinalakas ng pagmamahal ng Diyos ang loob ko at nagdasal ako sa Kanya: “Diyos ko! Naibigay Mo sa akin ang hiningang ito, kaya kung nais Mong bawiin ito, handa akong sumunod. Ipagmamalaki ko iyon nang husto at karangalan kong mamatay para sa Iyo!” Pagkatapos ay unti-unting bumalik ang malay ko. Nang maisip ko kung paano nagpakamartir sina Pedro, Esteban at iba pang mga disipulo, hindi ko mapigilang tahimik na kantahin ang himnong ito ng iglesia na kabisado ko: “Sa Kanyang banal na plano’t soberanya, hinaharap ko ang mga pagsubok sa ’kin. Paano ako susuko o magtatago? Ang una'y kaluwalhatian ng Diyos. Sa mga panahon ng kahirapan, salita ng Diyos gabay ko’t pananalig ko’y piniperpekto. Lubos at ganap akong nakalaan, nakalaan sa Diyos na walang takot sa kamatayan. Laging higit sa lahat, ang Kanyang kalooban. Hinaharap ko’y ’di alintana, magkaro’n man o mawalan, Nais ko lang na ang Diyos ay masiyahan. Taglay ko ang matibay na patotoo, hinihiya si Satanas sa kal’walhatian ng Diyos. Nangangakong pag-ibig ng Diyos suklian. Sa puso ko, pinupuri ko Siyang walang-humpay. Nakita ko na ang Araw ng katuwiran, lahat ng nasa lupa, saklaw ng katotohanan. Matuwid ang disposisyon ng Diyos karapat-dapat purihin ng sangkatauhan. Iibigin ko Makapangyarihang Diyos magpakailanman, at itataas ko ang Kanyang pangalan” (“Tanging Kahilingan Ko ay Masiyahan ang Diyos” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Nang lalo akong kumanta, lalo akong naantig at nagkalakas ng loob at nagbara ang boses ko dahil sa pagluha. Nadama kong katabi ko ang Diyos, matamang nakikinig nang magtapat ako sa Kanya. Nadama kong nag-init ang puso ko at alam ko na matagal na akong pinatibay ng Diyos ng Kanyang makapangyarihang kamay para hindi ako matakot sa ginaw o mangamba sa sarili kong kamatayan. Sa puso ko, ipinasiya ko ang sumusunod: Anumang klaseng pahirap at pagdurusa ang naghihintay, isinusumpa ko na mananatili akong tapat hanggang wakas at tatayo akong saksi upang suklian ang pagmamahal ng Diyos!

Kinabukasan ng umaga, mabalasik akong binantaan ng isang pulis, na sinasabing, “Suwerte mo’t hindi ka namatay sa ginaw kagabi, pero kung hindi ka magsasalita ngayon, sisiguraduhin kong hindi ka mailigtas ng Diyos mo!” Lihim akong natawa, nang walang pag-aalala. Naisip ko, “Ang Diyos ang Lumikha ng kalangitan at ng lupa at ng lahat ng bagay, Siya ang namamahala sa lahat, makapangyarihan sa lahat at puno ng awtoridad. ‘Sapagka’t Siya’y nagsalita, at nangyari; Siya’y nagutos, at tumayong matatag.’ Nasa kamay rin ng Diyos ang buhay ko; kung nais Niya akong iligtas ngayon, hindi ba napakadali Niyang magagawa iyon? Kaya lang gusto ka Niyang gamitin, demonyo ka, para pagsilbihan Siya.” Noon mismo, muli akong sinundot ng masamang pulis ng kanyang baston at dumaloy ang malakas na kuryente sa buong katawan ko, na nagdulot ng matinding sakit kaya nagpumiglas ako at napasigaw nang hindi ko sadya. Tumawa lang nang malakas ang pulis na iyon at nagsabi: “Sige, sigaw! Hilingin mo sa Diyos mo na iligtas ka! Kung magmamakaawa ka sa aking iligtas kita, ipinapangako kong pakakawalan kita!” Nang marinig ko ang napakatinding katapangan ng opisyal na iyon, napuno ako ng matinding galit at tahimik akong nagdasal sa Diyos: “Diyos ko! Napakabagsik ng diyablong si Satanas! Sinisiraan at nilalapastangan Ka nito; ito ang kaaway na hindi Mo makasundo at lalo nang ang isinusumpa kong kaaway. Gaano man ako pahirapan ni Satanas, hindi Kita itatakwil. Ang tanging nais ko ay makamtan Mo ang puso ko. Maaaring saktan ng mga demonyong ito ang katawan ko, pero hindi nila masisira kailanman ang pasiya kong mapalugod Ka. Gusto kong pagkalooban Mo ako ng lakas.” Walang-awang sinapok ako ng walang-puso at loko-lokong pulis na iyon ng kanyang baston; nang maubusan ng baterya ang unang baston na may kuryente, pinalitan niya iyon ng bago at patuloy akong kinuryente. Hindi ko na mabilang kung ilang baston ang ginamit niya. Pakiramdam ko malapit na akong mamatay at na wala na akong pag-asang mabuhay pa. Nadaig ng pagkanegatibo at kawalang-pag-asa, ang tanging nagawa ko ay desperadong manawagan sa Diyos, na pinakikiusapan Siyang protektahan at iligtas ako. Sa sandaling iyon, sumaisip ko ang isang talata ng salita ng Diyos: “Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay kayang manaig sa anumang kapangyarihan; bukod dito, nahihigitan nito ang alinmang kapangyarihan. Ang Kanyang buhay ay walang hanggan, ang Kanyang kapangyarihan ay pambihira, at ang puwersa ng Kanyang buhay ay hindi madaling madaig ng kahit na anong nilikhang nilalang o puwersa ng kaaway. Ang puwersa ng buhay ng Diyos ay umiiral, at nagniningning ang makinang na liwanag nito, kahit na saang panahon o dako. Ang kalangitan at lupa ay maaaring sumasailalim ng malalaking pagbabago, ngunit ang buhay ng Diyos ay pareho magpakailanman. Lahat ng bagay ay lumilipas, ngunit ang buhay ng Diyos ay nananatili pa rin, sapagkat ang Diyos ay ang pinagmulan ng pag-iral ng lahat ng bagay, at ang ugat ng kanilang pag-iral(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Pinuspos ako ng walang-katapusang lakas ng mga salita ng Diyos at agad akong binigyan ng napakalakas na pananampalataya sa gitna ng aking kahinaan. Naisip ko sa sarili ko: “Oo, nananalig ako sa kaisa-isang Makapangyarihang Diyos. Ang buhay ng Diyos ay walang hanggan at mahimala, at ang lakas na dulot ng impluwensya ng Diyos ay nakahihigit sa lahat at nilulupig ang lahat. Lahat ay nagkakatotoo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Lahat ng aspeto ng tao, pati na ang kanyang buhay at kamatayan ay sumasailalim sa pagpapasiya ng Diyos. Ang buhay ko, lalo na, ay nasa mga kamay ng Diyos kaya nga paano posibleng makokontrol ni Satanas ang aking mortalidad? Halimbawa, paano pinalabas ng Panginoong Jesus si Lazaro, na ang katawan ay nagsimula nang maagnas sa kanyang libingan, na sinasabing, “Lazaro, lumabas ka(Juan 11:43) at lumabas si Lazaro mula sa libingan, nagbangon mula sa mga patay. Ang mga salita ng Diyos ay nagtataglay ng awtoridad at kapangyarihan; Nilikha Niya ang mundo ng Kanyang mga salita at ginagamit ang mga ito upang gumabay sa bawat kapanahunan. Ngayon, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita para iligtas tayo at gawing perpekto. Hindi ko na kailangan pang bigyang-kahulugan ang mga bagay-bagay ayon sa sarili kong mga pagkaunawa at imahinasyon, kundi kailangan kong mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos. Ngayon, kung hindi ako tutulutan ng Diyos na mamatay, gaano man kabagsik ang kilos ni Satanas, hindi ako nito makikitlan ng buhay. Basta’t nakapaghahatid ako ng karangalan sa Diyos, mamamatay ako nang masaya at maluwag sa aking kalooban.” Nang magsimula akong mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos at hindi na ako nag-alala tungkol sa sarili kong mortalidad, nagkaroon ng himala: Gaano man ako kinuryente ng masamang pulis, wala na akong nadamang dusa o sakit at malinaw na malinaw ang aking isipan. Sigurado ako na iyon ang proteksyon at pangangalaga ng Diyos⁠—iyon ang makapangyarihang kamay ng Diyos na pinatitibay ako. Talagang naranasan ko mismo ang kahanga-hangang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, gayundin ang mahimala at di-pangkaraniwang lakas na dulot ng impluwensya ng Diyos. Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at realidad ng buhay. Ang lakas na dulot ng Kanyang impluwensya ay hindi masusugpo ng anumang puwersa ng kadiliman. Paano man ipinabata sa akin ng mga pulis ang lahat ng uri ng pahirap at kalupitan, na nagsasalitan sa paglalapat ng kanilang malupit na parusa, nagawa kong tiisin ang lahat ng iyon. Hindi ko sarili ang kakayahang iyon, kundi buong kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Kung hindi ako binigyan ng mga salita ng Diyos ng lakas at pananampalataya, matagal na sana akong nasiraan ng loob. Nagkaroon ako ng matinding pakiramdam na, kapag napakahina ng aking katawan at nakalubog ako sa kailaliman ng pagdurusa, palagi kong katabi ang Diyos, sinusuportahan ako ng Kanyang malakas at makapangyarihang mga salita ng buhay, at pinangangalagaan ako sa lahat ng oras, kaya mas lumakas ang aking pananampalataya sa aking kalooban at tumibay ang aking pagpapasiya.

Noong gabing iyon, gumamit sila ng ibang pamamaraan ng pagpapahirap sa akin. Ipinosas nila ako sa harap ng bintana, inilantad ako sa malamig na hangin sa labas at pagkatapos ay salit-salitan akong binantayan para masiguro na hindi ako makatulog. Kapag napipikit ako, sinasampal nila ang mukha ko. Dalawang araw na akong hindi nakainom ni isang patak na tubig o nakakain ni katiting, wala nang lakas ang buong katawan ko, at magang-maga ang mga mata ko kaya hindi ko na halos maimulat ang mga ito. Napuspos ako ng di-masambit na paghihirap at inisip ko kung gaano pa katagal magpapatuloy ang pahirap. Patuloy na umihip sa akin ang sagad-sa-butong malamig na hangin at patuloy akong nanginig sa ginaw. Ang mga pulis, na nakadamit ng parka na hanggang tuhod, ay naka-de-kuwatro ng upo sa mga silya sa harapan ko, at hinihintay na sumuko ako. Sa sandaling iyon, parang itinatanghal sa harapan ko ang isang tagpo na pinahihirapan ng mga demonyo ang isang tao sa Hades, at hindi ko mapigilan ang galit ko: Ang tao ay nilikha ng Diyos at natural at tama lang na sambahin Siya, pero ayaw payagan ng aba at walanghiyang gobyernong CCP ang mga tao na sambahin ang tunay na Diyos. Para makapagtatag ng isang pook ng ateismo sa mundo at matamo ang kanilang napakasamang mithiing kontrolin nang walang katapusan ang mga tao at pilitin silang sundin at sambahin sila, agresibo nilang kinalaban, pinutol at sinira ang gawain ng Diyos, gamit ang lahat ng kasuklam-suklam na pamamaraang magagamit nila para malupit na pahirapan ang mga alagad ng Makapangyarihang Diyos. Naisagawa ng matandang demonyong iyon ang pinakamalaking krimen⁠—dapat itong isumpa at ihulog sa impiyerno! Bigla, sumaisip ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos, “Sa loob ng libu-libong taon ito ang naging lupain ng kalaswaan, napakarumi, napakalungkot, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan, nagiging walang-awa at mabisyo, niyuyurakan itong bayan ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; puno ang lupain ng nakasusulasok na amoy ng pagkabulok at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Paano kayang makikita ang Diyos ng mga tao ang ganitong bayan ng multo kahit kailan? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? … Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang mga pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit tinugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo? Paano itong hindi magbubunsod ng matinding galit? Ang libu-libong taon ng poot ay naiipon sa puso, nauukit sa puso ang isang libong taon ng pagkamakasalanan—paanong hindi ito mapupukaw ng pagkasuklam? Ipaghiganti ang Diyos, ganap na lipulin ang Kanyang kaaway. Ngayon na ang oras: Matagal nang tinipon ng tao ang lahat ng kanyang lakas, nailaan na niya ang lahat ng kanyang mga pagsisikap para dito, upang basagin ang kahindik-hindik na mukha ng demonyong ito at hayaan ang mga tao, na nabulag na, at nagtiis na ng bawat uri ng pagdurusa at paghihirap, na tumayo mula sa kanilang sakit at talikuran itong masamang matandang diyablo(“Yaong mga Nasa Kadiliman ay Dapat Magbangon” sa Sumunod sa Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Paulit-ulit kong kinanta ang himno sa puso ko. Nang kumanta ako, kumulo ang dugo sa mga ugat ko at nadama ko ang nagniningas na galit sa aking kalooban; isinumpa ko na tatalikuran ko si Satanas, ang matandang demonyong iyon, at naghumiyaw ang puso ko: “Demonyo ka! Kung iniisip mo na itatakwil ko ang Diyos at tatalikuran ko ang tunay na daan, nagkakamali ka!” Alam na alam ko na ang Diyos ang nagkaloob sa akin ng lakas, na napalakas ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang aking espiritu.

Sa ikalimang araw, puno ng dugo, manhid at magang-maga ang mga kamay ko sa pagkakaposas. Pakiramdam ko naghihiwa-hiwalay ang katawan ko sa mga kasu-kasuan ko, na libu-libong insekto ang kumakain sa labas at loob ng katawan ko. Hindi maipaliwanag ng mga salita ang sakit at paghihirap. Walang tigil ang taos-pusong pagdarasal ko, na nagmamakaawa sa Diyos na bigyan ako ng lakas para madaig ang kahinaan ng aking katawan. Mabagal na nagdaan ang oras at, unti-unti, nagsimulang magdilim ang langit. Nauuhaw at nagugutom ako, nanlalamig at nanginginig ang buong katawan ko, at nasaid na ang kakatiting na huling lakas ko—pakiramdam ko hindi ko na matatagalan iyon. Kung nagpatuloy pa ito, tiyak na mamamatay ako sa gutom o uhaw. Noon ko lamang naunawaan ang ibig sabihin ng masamang opisyal na iyon nang sabihin niyang, “Pipilitin kitang magmakaawa sa akin.” Sinusubukan niyang gamitin ang kanyang kasuklam-suklam na mga taktika para pilitin akong itakwil ang Diyos. Hindi ako maaaring mahulog sa mga panloloko niya; kinailangan kong umasa sa Diyos. Sa gayon, paulit-ulit akong nanawagan sa Diyos: “O Makapangyarihang Diyos! nagmamakaawa ako na pagkalooban Mo ako ng lakas, para umasa ako sa Iyo na madaig ang malupit na parusa at pahirap ni Satanas. Kahit mangahulugan ito ng aking kamatayan, kailangan ay hindi Kita itakwil at hindi ako magsasa-Judas.” Sa sandaling iyon, niliwanagan ako ng mga salita ng Diyos: “Ang buhay ng tao ay nanggagaling sa Diyos, ang pag-iral ng kalangitan ay dahil sa Diyos, at ang pag-iral ng mundo ay nagmumula sa kapangyarihan ng buhay ng Diyos. Walang bagay na nagtaglay ng kasiglahan ang kayang malampasan ang kapangyarihan ng Diyos, at walang bagay na may lakas ang kayang humiwalay sa nasasakupan ng awtoridad ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan). Ang mga salita ng Diyos na may awtoridad ay nagbigay sa akin ng pananampalataya at lakas. “Totoo,” naisip ko sa sarili ko, “Ang Diyos ang nagbibigay-buhay sa akin: Hangga’t hindi ako binabawian ng hiningang ito ng Diyos, paano man ako pinahihirapan ni Satanas at hindi ako pinapayagang kumain o uminom, hindi pa rin ako mamamatay. Ang buhay ko ay nasa mga kamay ng Diyos, kaya ano ang dapat kong ikatakot?” Sa sandaling iyon nahiya ako at napahiya sa kawalan ng pananampalataya at pag-unawa sa Diyos. Natanto ko rin na ginagamit ng Diyos ang mahirap na sitwasyong ito para ikintal sa akin ang katotohanang ito: “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Dios(Mateo 4:4). Sa gayo’y nagdasal ako sa Diyos: “Makapangyarihang Diyos, Pinuno ng lahat! Ang buhay ko ay nasa Iyong mga kamay para pamahalaan at handa akong pasakop sa Iyong mga pagsasaayos at plano. Mabuhay man ako o mamatay, tatanggapin ko ang lahat ng Iyong pagsasaayos.” Pagkatapos kong magdasal, nadama ko na napuno ng lakas ang aking katawan at hindi na ako nagugutom at nauuhaw na katulad ng dati. Alas-8 na ng gabing iyon nang bumalik ang isa sa masasamang pulis na iyon. Kinurot niya ang baba ko at, may nakakatakot na ngisi, sinabi niya sa akin, “Kumusta naman, masaya ka ba? Handa ka na bang magmakaawa at sabihin sa akin ang gusto kong malaman? Kung hindi ka magsasalita, marami akong paraan ng pakikitungo sa iyo!” Ipinikit ko ang aking mga mata at hindi siya pinansin, at ikinagalit niya ito—ininsulto at pinagmumura niya ako nang pitserahan niya ako sa kuwelyo ng isa niyang kamay at mabangis na sinampal ako ng kanyang kabilang kamay sa magkabilang pisngi. Nadama kong namaga kaagad ang aking mukha, at nag-init ito sa sakit. Dahil sa kabagsikan ng masamang pulis, malinaw kong nahiwatigan ang kanyang kademonyohan; lalo ko pa siyang kinamuhian at mas nahikayat akong huwag sumuko sa paniniil ni Satanas. Matatag akong nagpasiya na tumayong saksi at magpalugod sa Diyos. Sa sandaling iyon, wala na akong pakialam sa sakit ng aking katawan, kundi galit na galit kong pinandilatan ang pulis, na iniisip sa sarili ko, “Akala mo ba mapupuwersa mo akong itakwil ang Diyos? Nangangarap ka!” Sa patnubay ng Diyos, napuspos ng pananampalataya at lakas ang puso ko; paano man ako binugbog ng opisyal, hindi ako sumuko sa kanya. Sa huli, tumigil lang ang opisyal nang mapagod na siya nang husto.

Pagkatapos niyon, mas binantayan ako ng mga pulis. Nagsalitan sila sa pagbabantay, binantayan akong mabuti sa lahat ng oras at kapag medyo napipikit na ako, hinahambalos nila ako ng nakabilot na magasin para magising ako. Malinaw kong naunawaan na ginagawa nila ito para masira ang determinasyon ko at samantalahin ang pagkasira ng aking pag-iisip para makapiga ng impormasyon sa akin tungkol sa iglesia. Sa puntong iyon, hinang-hina na ang katawan ko at nagsisimula na akong matuliro. Ang kumbinasyon ng lamig, gutom at pagod ay nakakapanghina hanggang sa naisin ko nang mamatay. Pakiramdam ko hindi ko na kaya; natakot ako na hindi ko matiis ang sakit at maitakwil ko ang Diyos nang di-sinasadya. Nasasaisip ito, inasam ko nang mamatay, iniisip na kahit paano kapag patay na ako, hindi ko na maipagkakanulo ang iglesia at maitatakwil ang Diyos. Kaya nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko, hindi ko na kaya. Natatakot ako na bumigay ako at itakwil Kita. Hinihiling ko na pangalagaan Mo ang puso ko. Mas gusto ko pang mamatay kaysa magsa-Judas.” Pagkatapos niyon, unti-unti akong nawalan ng malay, at sa pagkatulirong iyon biglang gumaan nang husto ang katawan ko, na para bang napatuyo iyon ng malamig na hangin. Parang lumuwag ang mga posas sa mga pulsuhan ko at hindi ko masabi kung buhay pa ako o patay na. Maaga pa noong ikaanim na araw, nagkamalay lang ako nang tampal-tampalin ako ng isa sa mga opisyal; natanto ko buhay pa ako at nakabitin lang doon sa mga posas ko. Umungol sa akin ang masamang pulis na iyon: “Talagang naisahan mo kami. Wala ni isa sa amin ang nakatulog nang maayos, dahil palagi kaming nakabantay sa iyo sa munting larong ito. ’Pag di ka nagbuka ng bibig ngayon, titiyakin ko na hindi mo na maibuka ang bibig mo kahit kailan!” Dahil gusto nang mamatay, paasik ko siyang sinagot nang walang takot: “Kung gusto mo akong patayin o pagtatagain, sige lang!” Gayunman, umirap lang ang masamang pulis na iyon at nagsabing: “Gusto mo nang mamatay? Wala kang suwerte! Masyadong madali ’yon para sa ’yo! Pahihirapan kita nang paunti-unti hanggang sa mabaliw ka, para alam ng lahat na mabababaliw ka kapag nanalig ka sa Makapangyarihang Diyos, pagkatapos ay tatalikuran ng lahat ang iyong Diyos!” Nang marinig kong sabihin niya ang kademonyohang ito, gulat na gulat ako at wala akong nasabi: Napakalupit at napakasama ng diyablong ito! Agad-agad pagkatapos niyon, inutusan ng masamang pulis ang isang tauhan na kumuha ng isang mangkok ng napakaitim na likido. Kinabahan ako nang makita ko iyon at agad akong nagdasal sa Diyos: “O Makapangyarihang Diyos! Paiinumin ako ng droga ng masamang pulis na ito para mabaliw ako. Nagsusumamo ako na pangalagaan Mo ako. Mas gusto ko pang malason hanggang sa mamatay kaysa mabaliw.” Sa sandaling iyon, lumutang ang mga salita ng Diyos sa aking isipan: “Ang Kanyang gawa ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang kapangyarihan ay nasa lahat ng dako, ang Kanyang karunungan ay nasa lahat ng dako, at ang Kanyang awtoridad ay nasa lahat ng dako. … Lahat ng bagay ay umiiral sa ilalim ng Kanyang pagmamasid, at higit pa rito, lahat ng bagay ay nabubuhay sa ilalim ng Kanyang kapangyarihan. Ang Kanyang gawa at ang Kanyang kapangyarihan ay pumipilit sa sangkatauhan na kilalanin ang katunayan na Siya ay talagang umiiral at may kapangyarihan sa lahat ng bagay. Wala nang iba pa bukod sa Kanya ang maaaring mag-utos sa sansinukob, at lalong walang makakatustos nang walang-humpay sa sangkatauhang ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). Muli akong pinagkalooban ng mga salita ng Diyos ng pananampalataya at lakas. Natanto ko na ang buong awtoridad, kapangyarihan at mga gawa ng Diyos ay nasa buong paligid. Siya ang namumuno sa buong sansinukob at, bukod pa riyan, Siya ang namamahala sa paglaganap ng lahat ng nilalang sa sansinukob. Ang Diyos ang walang-hanggang Pinuno ng lahat ng bagay at ang kapangyarihang ipinapakita Niya sa pamamahala sa lahat ng bagay ay higit pa sa pang-unawa ng isang tao lamang. Ang buhay na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao ay hindi limitado ng kalawakan o panahon. Masasaktan lamang ng diyablong si Satanas ang katawan ng mga tao, ngunit wala itong kontrol sa ating buhay at espiritu. Sa pagsubok kay Job, nagawa lamang na pahirapan ni Satanas si Job at saktan ang kanyang katawan, ngunit dahil hindi tinulutan ng Diyos na kitlin ni Satanas ang kanyang buhay, lubos na walang kakayahan si Satanas na gawin iyon. Naisip ko sa sarili ko: “Ngayon, sinusubukang gamitin ng mga diyablo ni Satanas ang kanilang nakakatakot na mga taktika para sirain ang katawan ko at itakwil at talikuran ko ang Diyos. Walang saysay nitong inaasam na magawa akong nagdidiliryong baliw o kulang-kulang para ilagay sa kahihiyan ang pangalan ng Diyos, ngunit anong awtoridad ang taglay ni Satanas? Kung walang pahintulot ng Diyos, walang epekto ang bawat kilos nito—tiyak na matatalo si Satanas sa kamay ng Diyos!” Ang pagkatanto rito ay nagbigay sa akin ng kapayapaan at katahimikan. Noon din, pinigilan ng loko-lokong pulis ang aking panga at pilit na isinaksak ang drogang iyon, na mapait at maasim, sa lalamunan ko. Mabilis itong umepekto; pakiramdam ko kinakalambre ang lahat ng minudensya ko, pinipiga ang isa’t isa, na para bang pinagpupunit-punit ang mga ito. Walang-katulad ang sakit na iyon. Unti-unti akong nahirapang huminga at ilang beses akong huminga nang malalim, na naghahabol ng hininga. Hindi ko maigalaw ang mga mata ko at nagsimula akong magduling. Hindi nagtagal, nawalan ako ng malay. Pagkaraan ng ilang oras, walang nakakaalam kung gaano katagal, nagkamalay rin ako sa wakas at parang narinig may nagsabing: “Mababaliw ang bruhang iyan o magiging kulang-kulang pagkainom niya ng drogang iyon.” Nang marinig ko iyon, nalaman ko na muli akong nakaligtas. Nagulat ako sa tuwa na ni hindi man lang ako nabaliw; bagkus, malinaw na malinaw ang isip ko. Tiyak na lahat ng ito ay dahil sa pagiging makapangyarihan sa lahat at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. Pakiramdam ko ito ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos na gumagana sa aking kalooban at na, muli, tinulungan ako ng Kanyang makapangyarihang kamay at binawi ako mula sa mga kuko ng diyablo, kaya nagkaroon ako ng kakayahang mabuhay pa sa mapanganib na sitwasyong ito. Sa sandaling iyon, personal kong naranasan ang katotohanan at pagiging tunay ng mga salita ng Diyos at nasaksihan ko ang Kanyang sukdulang kapangyarihan at awtoridad. Bukod pa riyan, nakita ko kung paanong ang Diyos ang Lumikha sa lahat ng bagay, at ang kaisa-isang Diyos Mismo, ang Pinuno ng lahat ng bagay. Nakita ko kung paano sumasailalim sa pamamahala ng Diyos ang buhay ko, ang lahat-lahat ko, pati na ang bawat huling ugat sa aking katawan. Kung walang pahintulot ang Diyos, ni isang buhok ay hindi malalaglag mula sa ulo ko. Ang Diyos ang aking suporta at aking kaligtasan sa lahat ng sandali, sa lahat ng lugar. Sa araw na iyon sa madilim na lungga ng demonyo, ipinakita ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang kamangha-manghang kapangyarihan ng mga ito, na nagpapakita sa akin kung paano paulit-ulit na naghihimala ang Diyos sa buhay, at tinulutan ako ng mga ito na makatakas mula sa bingit ng kamatayan. Marubdob akong kumanta ng mga papuri sa Diyos sa puso ko at sumumpa ako na aasa ako sa Diyos na tatayo akong saksi sa buong pakikibakang ito sa buhay at kamatayan.

Maghapon at magdamag akong pinahirapan ng mga pulis sa loob ng anim na araw. Hindi nabigyan ni isang subo ng pagkain o isang patak na tubig noon, patang-pata ako, at nang makita nila na halos hindi na ako humihinga, ikinulong nila ako sa isang selda sa bilangguan. Ang anim na araw na iyon ng pahirap ay parang isang biyahe papuntang impiyerno, at ang katotohanan na nabuhay ako ay lubos na dahil sa awa at proteksyon ng Diyos, at isang pagpapakita ng kapangyarihan at awtoridad ng Kanyang mga salita. Pagkaraan ng ilang araw dumating ang mga pulis at muli akong pinagtatanong. Dahil nasaksihan ko na ang mahimalang mga gawa ng Diyos sa maraming okasyon, at naranasan ko na mismo kung paano Niya ako sinuportahan at na lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay, napanatag ako at nawala ang takot ko sa harap ng isa pang interogasyon. Sa interrogation room, nalaman ko sa isang opisyal na nalaman na nila ang pangalan at tirahan ko at nagpunta sa bahay ko para maghalughog. Gayunman, dahil matagal nang kinuha ng asawa ko ang aming mga anak at umalis ng bahay, wala silang nakita. Pagkatapos ay muli niyang sinubukang puwersahin ako na magbunyag ng impormasyon tungkol sa iglesia, pero dahil hindi pa rin ako magsasalita, nagalit siya at nagsabing: “Isa kang lider at ang tigas ng kukote mo! Dahil sa ’yo, anim na araw na akong hindi nakakatulog at wala ka pa ring ibinibigay sa amin na makakatulong sa amin.” Nakikitang wala siyang makukuhang anuman sa akin, parang nawalan siya ng interes pagkatapos niyon at isinagawa na ang iba pang interogasyon nang mabilis at pabara-bara, pagkatapos ay wala siyang ibang nagawa kundi ibalik ako sa aking selda. Nakikitang nanaig na ang Diyos at nadaig na si Satanas, hindi maipaliwanag ang saya ko—pinasalamatan at pinuri ko ang Diyos. Alam ko na nagawa kong tumayong saksi sa harap ni Satanas dahil nagabayan ako ng Diyos sa paisa-isang hakbang, at paulit-ulit akong naliwanagan ng salita ng Diyos, binigyan ako ng lakas, pinagkalooban ng karunungan, at binigyan ako ng lakas na madaig si Satanas at hindi sumuko sa paniniil nito.

Ang mga Salita ng Diyos ay Lumilikha ng mga Himala sa Buhay

Matapos makulong sa detention house nang apat na buwan, nag-imbento ng paratang ang gobyernong CCP na paniniwala sa isang xie jiao at sinentensyahan ako ng isang taon at kalahati sa bilangguan. Ipinadala ako sa isang bilangguan ng mga babae noong Marso ng 2006 para pagdusahan ang sentensya ko. Habang nasa kulungan, kahit tinrato akong hayop at madalas akong makakita ng ibang mga bilanggo na binubugbog hanggang sa mamatay nang walang malinaw na dahilan, dahil sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos gayon din sa Kanyang mga salita, nalagpasan ko ang isang taon at kalahati ng pahirap at nakalaya nang buhay sa impiyernong bilangguan. Matapos akong pakawalan, patuloy na nagpadala ng mga opisyal ang masasamang pulis para subaybayan ako. Madalas silang magpunta sa bahay ko para takutin ako at, dahil dito, walang isa man sa pamilya ko ang normal na nakasamba ayon sa aming relihiyon o nakapagsagawa ng aming mga tungkulin. Kalaunan, salamat sa pag-aalaga at tulong ng aming mga kapatid sa iglesia, nagawa naming lisanin ang aming bahay at lumipat sa isang bagong bahay na pag-aari ng isa sa mga miyembrong babae. Umaasa sa karunungang ipinagkaloob sa amin ng Diyos, muli naming nagampanan ang aming mga tungkulin.

Ang pagdanas ng malupit na pag-uusig ng gobyernong CCP ay nagbigay sa akin ng malinaw at masusing pagtingin sa kademonyohan ng malupit na paniniil, nakakatakot na panloloko, at baliw na pagkalaban ni Satanas sa Diyos. Bukod pa riyan, naranasan ko mismo ang mahimala at kamangha-manghang kapangyarihan ng Diyos. Kahit isinailalim ako ng masasamang pulis sa walang-awang pambubugbog at pahirap, paulit-ulit na malupit na parusa at pananakit, na naghahangad na kitlan ako ng buhay, inihayag ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang mahimalang kapangyarihan ng mga ito, kaya himalang nabuhay ako. Sa gitna ng lahat ng paghihirap at pag-uusig na ito, talagang naranasan ko kung paanong ang Diyos ang nagkaloob sa akin ng buhay at ang biyaya at suporta ng Kanyang biyaya ang nagpapatuloy na ugat ng aking buhay. Kung wala ang pagpapatibay ng makapangyarihang kamay ng Diyos, matagal na siguro akong nilamon ng mga demonyong iyon. Buong panahon akong sinamahan ng Diyos, na paulit-ulit akong ginagabayan sa pagdaig kay Satanas at pagtayong saksi para sa Kanya! Bagama’t napailalim ako sa di-makataong pahirap ng mga demonyong iyon at labis na nagdusa ang aking katawan, lahat ng ito ay totoong napakalaking pakinabang sa buhay ko. Tinulutan ako nitong makita na hindi lamang ang Diyos ang nagkakaloob ng buhay sa sangkatauhan, kundi binibigyan din Niya tayo ng patuloy na tulong at suporta. Basta’t ipinamumuhay natin ang mga salita ng Diyos, madaraig natin ang anumang puwersa ng kadiliman ni Satanas. Ang mga salita ng Diyos talaga ang katotohanan, ang daan at ang buhay! Taglay ng mga ito ang pinakamataas na awtoridad at pinaka-kamangha-manghang kapangyarihan at makalilikha ng mga himala sa buhay! Nawa’y mapasa-Diyos ng makapangyarihang karunungan ang buong kaluwalhatian, karangalan at papuri!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pinaghahanap Ngunit Inosente

Ni Liu Yunying, TsinaNoong Mayo 2014, inimbento ng Partido Komunista ng Tsina ang Zhaoyuan Case sa Shandong para i-frame at siraan ang Ang...

Leave a Reply