Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Karamihan sa mga tao ay naniniwala sa Diyos alang-alang sa kanilang hantungan sa hinaharap, o para sa pansamantalang kaluguran. Para sa mga hindi pa napasailalim sa kahit anong pagpupungos, naniniwala sila sa Diyos upang makapasok sa langit, upang magkamit ng mga gantimpala. Hindi sila naniniwala sa Diyos upang magawang perpekto, o para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha. Na ibig sabihin ay na karamihan sa mga tao ay hindi naniniwala sa Diyos upang tuparin ang kanilang mga responsibilidad, o tapusin ang kanilang tungkulin. Bihirang maniwala ang mga tao sa Diyos upang mamuhay nang makabuluhan, ni walang mga naniniwala na, dahil buhay ang tao, dapat niyang mahalin ang Diyos dahil ganap na likas at may katwiran na gawin ito, at ito ang likas na misyon ng tao. Sa ganitong paraan, bagama’t pinagsisikapan ng bawat isa sa iba’t ibang mga tao ang sarili nilang mga mithiin, ang layunin ng kanilang pagsisikap at ang motibo sa likod nito ay magkakaparehong lahat, at, bukod pa riyan, para sa karamihan sa kanila ang mga layon ng kanilang pagsamba ay malaki ang pagkakapareho. Sa nakaraang ilang libong taon, maraming mananampalataya ang nangamatay na, at marami nang namatay at muling isinilang. Hindi lamang isa o dalawang tao ang naghahanap sa Diyos, ni hindi isa o dalawang libo, subalit karamihan sa mga taong ito ay nagsisikap para sa kapakanan ng sarili nilang mga inaasam o kanilang maluluwalhating pag-asa para sa hinaharap. Yaong matatapat kay Cristo ay iilan lamang at malalayo ang agwat sa isa’t isa. Namatay pa nga ang maraming debotong mananampalataya na nabitag sa sarili nilang mga patibong, at ang bilang ng mga taong naging matagumpay, bukod pa riyan, ay lubhang kakaunti. Hanggang sa araw na ito, hindi pa rin alam ng mga tao kung bakit sila nabibigo, o ang mga lihim ng kanilang tagumpay. Yaong mga nahuhumaling sa paghahanap kay Cristo ay hindi pa rin nagkaroon ng kanilang sandali ng biglang kabatiran, hindi pa nila narating ang kailaliman ng mga hiwagang ito, dahil hindi talaga nila alam. Bagama’t pinagsisikapan nila ang kanilang hinahangad na matamo, ang landas na kanilang tinatahak ay ang landas ng kabiguan na minsang tinahak ng kanilang mga ninuno, at hindi ang landas ng tagumpay. Sa ganitong paraan, paano man sila naghahanap, hindi ba nila tinatahak ang landas patungong kadiliman? Hindi ba mapait na bunga ang kanilang natatamo? Mahirap mahulaan kung ang mga taong tumutulad sa mga nagtagumpay sa nakalipas na mga panahon ay hahantong sa mabuting kapalaran o sa kapahamakan sa huli. Gaano pa kaya kasahol ang mga posibilidad, kung gayon, para sa mga taong naghahangad sa pamamagitan ng pagsunod sa mga yapak ng mga nabigo? Hindi ba mas malaki ang posibilidad na sila ay mabigo? Ano ang halaga ng landas na kanilang tinatahak? Hindi ba sila nag-aaksaya ng kanilang panahon? Tagumpay man o bigo ang mga tao sa kanilang pinagsisikapan, may isang dahilan, sa madaling salita, kaya nila iyon ginagawa, at hindi totoo na ang kanilang tagumpay o kabiguan ay matutukoy sa paghahangad kung paano nila gusto.

Ang pinakamahalagang kailangan sa pananampalataya ng tao sa Diyos ay na mayroon siyang matapat na puso, at na lubos niyang inilalaan ang kanyang sarili, at tunay siyang magpasakop. Ang pinakamahirap para sa tao ay ibigay ang kanyang buong buhay kapalit ng tunay na pananampalataya, at sa pamamagitan nito ay matamo niya ang buong katotohanan, at magampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Ito ang hindi kayang matamo ng mga nabibigo, at lalo pang hindi ito natatamo ng mga hindi makasumpong kay Cristo. Dahil ang tao ay hindi magaling sa buong paglalaan ng kanyang sarili sa Diyos, dahil ang tao ay hindi handang gampanan ang kanyang tungkulin sa Lumikha, dahil nakita na ng tao ang katotohanan ngunit iniiwasan ito at tumatahak sa kanyang sariling landas, dahil laging naghahanap ang tao sa pamamagitan ng pagsunod sa landas ng mga nabigo na, dahil laging naghihimagsik ang tao sa Langit, sa gayon, laging nabibigo ang tao, laging natatangay sa panlilinlang ni Satanas, at nabibitag sa sarili niyang patibong. Dahil hindi kilala ng tao si Cristo, dahil hindi sanay ang tao sa pag-unawa at pagdanas ng katotohanan, dahil masyadong sinasamba ng tao si Pablo at masyadong mapag-imbot sa langit, dahil laging hinihiling ng tao na sundin siya ni Cristo at inuutus-utusan niya ang Diyos, sa gayon yaong mga dakilang tao at yaong mga nakaranas na ng mga pagbabagong nangyayari sa mundo ay mortal pa rin, at namamatay pa rin sa gitna ng pagkastigo ng Diyos. Ang masasabi Ko lamang tungkol sa gayong mga tao ay na namamatay sila sa kalunus-lunos na paraan, at na ang bunga para sa kanila—ang kanilang kamatayan—ay hindi walang katwiran. Hindi ba ang kanilang kabiguan ay lalo pang hindi mapapalampas sa batas ng Langit? Ang katotohanan ay nagmumula sa mundo ng tao, subalit ang katotohanang nasa tao ay ipinapasa ni Cristo. Ito ay nagmumula kay Cristo, ibig sabihin, mula sa Diyos Mismo, at hindi ito isang bagay na kaya ng tao. Subalit si Cristo ay naglalaan lamang ng katotohanan; hindi Siya pumaparito upang magpasiya kung ang tao ay magiging matagumpay sa kanyang paghahangad na matamo ang katotohanan. Sa gayon nangangahulugan ito na ang tagumpay o kabiguan sa katotohanan ay dahil lahat sa pinagsisikapang matamo ng tao. Ang tagumpay o kabiguan ng tao sa katotohanan ay hindi nagkaroon ng kinalaman kay Cristo kailanman, kundi sa halip ay nalalaman sa pamamagitan ng kanyang paghahangad. Ang hantungan at tagumpay o kabiguan ng tao ay hindi maaaring isisi sa Diyos, para ang Diyos Mismo ay magpasan nito, dahil hindi ito isang bagay na para sa Diyos Mismo, kundi direkta itong nauugnay sa tungkuling dapat gampanan ng mga nilikha. Karamihan sa mga tao ay mayroon talagang kaunting kaalaman tungkol sa pinagsisikapan at hantungan nina Pablo at Pedro, subalit wala ibang alam ang mga tao bukod sa mga kahihinatnan nina Pedro at Pablo, at wala silang alam tungkol sa lihim sa likod ng tagumpay ni Pedro, o sa mga kakulangang humantong sa kabiguan ni Pablo. Kaya nga, kung kayo ay lubos na walang kakayahang makakita sa kakanyahan ng kanilang pinagsisikapan, mabibigo pa rin ang pinagsisikapan ng karamihan sa inyo, at kahit may kaunti sa inyo na magtatagumpay, hindi pa rin sila makakapantay ni Pedro. Kung ang landas ng iyong pagsisikap ang siyang tama, may pag-asa kang magtagumpay; kung ang landas na iyong tinatahak sa paghahangad ng katotohanan ay mali, hindi mo makakayang magtagumpay magpakailanman, at hahantong sa katapusang katulad ng kay Pablo.

Si Pedro ay isang taong ginawang perpekto. Matapos makaranas ng pagkastigo at paghatol, at sa gayo’y magtamo ng dalisay na pusong mapagmahal sa Diyos, saka lamang siya lubos na nagawang perpekto; ang landas na kanyang tinahak ay ang landas para magawang perpekto. Na ibig sabihin ay, sa simula pa lamang, ang landas na tinahak ni Pedro ay yaong tama, at ang nagganyak sa kanya para manampalataya sa Diyos ay yaong tama, kaya nga siya ay naging isang taong ginawang perpekto at tumahak siya sa isang bagong landas na hindi pa dating natahak ng tao kailanman. Gayunman, ang landas na natahak ni Pablo sa simula pa lamang ay ang landas na pasalungat kay Cristo, at dahil lamang sa ninais ng Banal na Espiritu na kasangkapanin siya, at samantalahin ang kanyang mga talento at lahat ng kanyang kakayahan para sa Kanyang gawain, gumawa siya para kay Cristo sa loob ng ilang dekada. Isa lamang siyang tao na kinasangkapan ng Banal na Espiritu, at hindi siya kinasangkapan nang dahil sa maganda ang tingin ni Jesus sa kanyang pagkatao, kundi dahil sa kanyang mga talento. Nakagawa siya para kay Jesus dahil siya ay pinabagsak, hindi dahil masaya siyang gawin iyon. Nagawa niya ang gayong gawain dahil sa kaliwanagan at patnubay ng Banal na Espiritu, at ang gawaing kanyang ginawa ay hindi kumakatawan sa anumang paraan sa kanyang pinagsisikapang matamo, o sa kanyang pagkatao. Ang gawain ni Pablo ay kumatawan sa gawain ng isang lingkod, na ibig sabihin ay na ginawa niya ang gawain ng isang apostol. Si Pedro, gayunpaman, ay kaiba: Gumawa rin siya ng ilang gawain; hindi ito kasindakila ng gawain ni Pablo, ngunit gumawa siya habang pinagsisikapan ang kanyang sariling pagpasok, at ang kanyang gawain ay kaiba sa gawain ni Pablo. Ang gawain ni Pedro ay ang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha. Hindi siya gumanap sa papel ng isang apostol, kundi gumawa habang pinagsisikapang mahalin ang Diyos. Ang gawain ni Pablo ay naglaman din ng personal na pinagsisikapan niyang matamo: Ang kanyang pinagsisikapan ay walang iba kundi para sa kapakanan ng kanyang mga inaasam para sa hinaharap, at ng kanyang paghahangad sa isang magandang hantungan. Hindi siya tumanggap ng pagpipino sa panahon ng kanyang gawain, ni hindi siya tumanggap ng pagpupungos. Naniwala siya na basta’t ang gawaing kanyang ginawa ay nakatupad sa naisin ng Diyos, at lahat ng kanyang ginawa ay nakalugod sa Diyos, isang gantimpala ang naghintay sa kanya sa huli. Walang personal na mga karanasan sa kanyang gawain—lahat ng iyon ay para sa sariling kapakanan nito, at hindi isinagawa sa gitna ng paghahangad ng pagbabago. Lahat sa kanyang gawain ay isang transaksyon, hindi ito naglaman ng anuman sa tungkulin o pagpapasakop ng isang nilikha. Habang patuloy ang kanyang gawain, walang nangyaring pagbabago sa dating disposisyon ni Pablo. Ang kanyang gawain ay paglilingkod lamang sa iba, at hindi kayang magdulot ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon. Isinagawa ni Pablo ang kanyang gawain nang tuwiran, nang hindi siya nagagawang perpekto o napupungusan, at siya ay naganyak ng gantimpala. Iba si Pedro: Isa siyang taong sumailalim na sa pagpupungos at pagpipino. Ang layunin at pangganyak ng gawain ni Pedro ay talagang naiiba kaysa kay Pablo. Bagama’t hindi gumawa si Pedro ng maraming gawain, ang kanyang disposisyon ay sumailalim sa maraming pagbabago, at ang kanyang hinanap ay ang katotohanan, at tunay na pagbabago. Ang kanyang gawain ay hindi isinagawa para lamang sa kapakanan ng gawain mismo. Bagama’t maraming gawaing ginawa si Pablo, lahat ng iyon ay gawain ng Banal na Espiritu, at kahit nakipagtulungan si Pablo sa gawaing ito, hindi niya ito naranasan. Kaya gumawa si Pedro ng mas kakaunting gawain ay dahil lamang sa hindi gumawa ng maraming gawain ang Banal na Espiritu sa pamamagitan niya. Ang dami ng kanilang gawain ay hindi tinukoy kung sila man ay ginawang perpekto; ang pinagsikapan ng isa ay upang tumanggap ng mga gantimpala, at ng isa naman ay upang magkaroon ng sukdulang pagmamahal sa Diyos, at gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha, hanggang sa maaari na niyang isabuhay ang isang kaibig-ibig na imahe upang mapalugod ang kalooban ng Diyos. Sa panlabas na anyo sila ay magkaiba, gayundin ang kanilang mga kakanyahan. Hindi mo matutukoy kung sino sa kanila ang ginawang perpekto batay sa kung gaano karami ang ginawa nilang gawain. Hinangad ni Pedro na isabuhay ang larawan ng isang taong nagmamahal sa Diyos, maging isang taong nagpasakop sa Diyos, maging isang taong tumanggap ng pagpupungos, at maging isang taong gumanap sa kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Nagawa niyang italaga ang kanyang sarili sa Diyos, ilagak ang kanyang kabuuan sa mga kamay ng Diyos, at magpasakop sa Kanya hanggang kamatayan. Iyon ang kanyang ipinasiyang gawin at, bukod pa riyan, iyon ang kanyang nakamit. Ito ang pangunahing dahilan kaya iba ang kanyang kinahinatnan sa kinahinatnan ni Pablo. Ang gawaing ginawa ng Banal na Espiritu kay Pedro ay upang gawin siyang perpekto, at ang gawaing ginawa ng Banal na Espiritu kay Pablo ay ang kasangkapanin siya. Iyan ay dahil ang kanilang likas na pagkatao at kanilang mga pananaw tungo sa paghahangad ay hindi pareho. Pareho nilang taglay ang gawain ng Banal na Espiritu. Inangkop ni Pedro ang gawaing ito sa kanyang sarili, at ibinigay rin ito sa iba; samantala, si Pablo naman ay nagkaloob lamang ng kabuuan ng gawain ng Banal na Espiritu sa iba, at walang natamo mismo mula rito. Sa ganitong paraan, matapos niyang maranasan ang gawain ng Banal na Espiritu sa loob ng maraming taon, halos walang ipinagbago si Pablo. Nanatili pa rin siya halos sa kalagayan ng kanyang likas na pagkatao, at siya pa rin ang dating Pablo. Kaya lamang, matapos magtiis ng paghihirap sa maraming taon ng paggawa, natuto siyang “gumawa,” at natutong magtiis, ngunit ang kanyang dating likas na pagkatao—ang likas niyang hilig na makipagpaligsahan at pumatay—ay nanatili pa rin. Matapos gumawa sa loob ng napakaraming taon, hindi niya alam ang kanyang tiwaling disposisyon, ni hindi niya naalis sa kanyang sarili ang kanyang dating disposisyon, at malinaw pa rin iyong nakita sa kanyang gawain. Mas marami lamang siyang karanasan sa paggawa, ngunit hindi siya kayang baguhin ng gayon katiting na karanasan at hindi kanyang baguhin ang kanyang mga pananaw tungkol sa pag-iral o sa kabuluhan ng kanyang pinagsisikapang matamo. Bagama’t gumawa siya sa loob ng maraming taon para kay Cristo, at hindi na muling inusig ang Panginoong Jesus kailanman, sa kanyang puso ay walang pagbabago sa kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Nangangahulugan ito na hindi siya gumawa upang ilaan ang kanyang sarili sa Diyos, kundi sa halip ay napilitan siyang gumawa para sa kapakanan ng kanyang hantungan sa hinaharap. Sapagkat, sa simula, inusig niya si Cristo, at hindi siya nagpasakop kay Cristo; siya ay likas na isang rebelde na sadyang kumontra kay Cristo, at isang taong walang alam tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu. Nang halos patapos na ang kanyang gawain, hindi pa rin niya alam ang gawain ng Banal na Espiritu, at kumilos lamang sa sarili niyang kusa batay sa kanyang sariling pagkatao, nang hindi nagbibigay ni kaunting pansin sa kalooban ng Banal na Espiritu. Kaya nga ang kanyang likas na pagkatao ay napopoot kay Cristo at hindi nagpapasakop sa katotohanan. Ang isang taong kagaya nito, na tinalikdan na ng gawain ng Banal na Espiritu, na hindi alam ang gawain ng Banal na Espiritu, at kumontra din kay Cristo—paano kaya maililigtas ang gayong tao? Maaari mang mailigtas ang tao o hindi ay hindi nakasalalay sa kung gaano karaming gawain ang kanyang ginagawa, o kung gaano siya nakalaan, kundi sa halip ay natutukoy sa kung alam niya o hindi ang gawain ng Banal na Espiritu, kung kaya niya o hindi na isagawa ang katotohanan, at kung nakaayon o hindi ang kanyang mga pananaw sa pagsisikap na matamo ang katotohanan.

Bagama’t naganap ang likas na mga paghahayag nang magsimula nang sundan ni Pedro si Jesus, sa simula pa lamang, isa na siyang tao na likas na handang magpasakop sa Banal na Espiritu at maghanap kay Cristo. Ang kanyang pagpapasakop sa Banal na Espiritu ay dalisay: Hindi siya naghangad ng katanyagan at yaman, kundi sa halip ay naganyak siya ng pagpapasakop sa katotohanan. Bagama’t tatlong beses ikinaila ni Pedro na kilala niya si Cristo, at bagama’t tinukso niya ang Panginoong Jesus, ang gayong maliit na kahinaan ng tao ay walang kinalaman sa kanyang likas na pagkatao, at hindi ito nakaapekto sa kanyang pinagsikapang matamo sa hinaharap, at hindi nito mapatunayan nang sapat na ang kanyang panunukso ay gawa ng isang anticristo. Ang normal na kahinaan ng tao ay isang bagay na karaniwan sa lahat ng tao sa mundo—inaasahan mo ba na maiiba si Pedro kahit paano? Hindi ba may ilang pananaw ang mga tao tungkol kay Pedro dahil gumawa siya ng ilang hangal na pagkakamali? At hindi ba labis na hinahangaan ng mga tao si Pablo dahil sa lahat ng gawaing kanyang ginawa, at lahat ng liham na kanyang isinulat? Paano makakaya ng tao na matukoy ang diwa ng tao? Siguro naman ang mga totoong matitino ay may nakikitang isang bagay na gayon kawalang-halaga? Bagama’t hindi nakatala sa Bibliya ang maraming taon ng masasakit na karanasan ni Pedro, hindi nito pinatutunayan na hindi nagkaroon ng mga tunay na karanasan si Pedro, o na hindi ginawang perpekto si Pedro. Paano lubos na maaarok ng tao ang gawain ng Diyos? Ang mga nakatala sa Bibliya ay hindi personal na pinili ni Jesus, kundi pinagsama-sama ng mga sumunod na henerasyon. Dahil doon, hindi ba pinili ang lahat ng nakatala sa Bibliya ayon sa mga ideya ng tao? Bukod pa riyan, ang mga kinahinatnan nina Pedro at Pablo ay hindi lubos na nakalahad sa mga liham, kaya hinuhusgahan ng tao sina Pedro at Pablo ayon sa kanyang sariling mga pananaw, at ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan. At dahil napakaraming gawaing ginawa si Pablo, dahil napakarami ng kanyang mga “ambag,” nakuha niya ang tiwala ng masa. Hindi ba nagtutuon lamang ang tao sa mga kababawan? Paano makakayang matukoy ng tao ang diwa ng tao? Bukod pa riyan, dahil inidolo si Pablo nang ilang libong taon, sino ang mangangahas na padalus-dalos na tanggihan ang kanyang gawain? Si Pedro ay isa lamang mangingisda, kaya paano magiging kasindakila ng kay Pablo ang kanyang ambag? Pagdating sa mga ambag na ginawa nila, dapat ay unang ginantimpalaan si Pablo bago si Pedro, at siya dapat ang higit na karapat-dapat na magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos. Sino ang makakaisip na, sa Kanyang pagtrato kay Pablo, pinagawa lamang siya ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga talento, samantalang ginawang perpekto ng Diyos si Pedro. Hindi nangyari na nakagawa ang Panginoong Jesus ng mga plano para kina Pedro at Pablo sa simula pa lamang: Sila, sa halip, ay ginawang perpekto o pinagawa ayon sa kanilang likas na pagkatao. Kaya nga, ang nakikita ng mga tao ay panlabas lamang na mga ambag ng tao, samantalang ang nakikita ng Diyos ay ang diwa ng tao, gayundin ang landas na tinatahak ng tao sa simula pa lamang, at ang pangganyak sa likod ng pinagsisikapang matamo ng tao. Sinusukat ng mga tao ang isang tao ayon sa kanilang mga kuru-kuro, at ayon sa sarili nilang pang-unawa, subalit ang huling kahihinatnan ng isang tao ay hindi natutukoy ayon sa kanyang mga panlabas na katangian. Kaya nga sinasabi ko na kung ang landas na iyong tinatahak sa simula pa lamang ay ang landas ng tagumpay, at ang iyong pananaw tungo sa pagsisikap ay yaong tama sa simula pa lamang, katulad ka ni Pedro; kung ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan, anuman ang halagang iyong binabayaran, ang iyong katapusan ay magiging katulad pa rin ng kay Pablo. Ano’t anuman, ang iyong patutunguhan, at magtagumpay ka man o mabigo, ay kapwa natutukoy sa kung ang landas na iyong hinahangad ay yaong tama o hindi, sa halip na ang iyong debosyon, o ang halaga na iyong binabayaran. Ang mga kakanyahan nina Pedro at Pablo, at ang mga layuning kanilang pinagsisikapang matupad, ay magkaiba; hindi kaya ng tao na tuklasin ang mga bagay na ito, at ang Diyos lamang ang maaaring makaalam sa kabuuan ng mga iyon. Sapagkat ang nakikita ng Diyos ay ang diwa ng tao, samantalang walang alam ang tao tungkol sa sarili niyang kakanyahan. Walang kakayahan ang tao na mamasdan ang kakanyahan ng kalooban ng tao o ng kanyang totoong tayog, at sa gayon ay wala siyang kakayahang tukuyin ang mga dahilan ng kabiguan at tagumpay nina Pablo at Pedro. Ang dahilan kaya sinasamba ng karamihan ng tao si Pablo at hindi si Pedro ay dahil kinasangkapan si Pablo para sa gawaing pampubliko, at nahihiwatigan ng tao ang gawaing ito, kaya nga kinikilala ng tao ang “mga tagumpay” ni Pablo. Ang mga karanasan ni Pedro, samantala, ay hindi nakikita ng tao, at yaong kanyang hinangad ay hindi kayang matamo ng tao, kaya nga walang interes ang tao kay Pedro.

Ginawang perpekto si Pedro sa pamamagitan ng pagdanas ng pagpupungos at pagpipino. Sabi niya, “Kailangan kong bigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos sa lahat ng oras. Sa lahat ng aking ginagawa, ang hangad ko lamang ay mabigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos, at kung ako man ay kinakastigo o hinahatulan, masaya pa rin akong gawin iyon.” Ibinigay ni Pedro ang lahat-lahat niya sa Diyos, at lahat ng kanyang gawain, mga salita, at buong buhay ay alang-alang sa pagmamahal sa Diyos. Isa siyang taong naghangad ng kabanalan, at nang lalo siyang nakaranas, lalong lumago ang kanyang pagmamahal sa Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso. Si Pablo, samantala, ay gumawa lamang ng panlabas na gawain, at bagama’t nagsumikap din siya nang husto, ang kanyang mga pagpapagal ay para magawa nang wasto ang kanyang gawain at sa gayon ay magtamo ng gantimpala. Kung nalaman lamang niya na hindi siya tatanggap ng gantimpala, isinuko na sana niya ang kanyang gawain. Ang pinahalagahan ni Pedro ay ang tunay pagmamahal sa kanyang puso, at yaong praktikal at maaaring makamit. Hindi niya pinahalagahan kung tumanggap man siya ng gantimpala, kundi kung ang kanyang disposisyon ay maaaring mabago. Ang pinahalagahan ni Pablo ay ang magsumikap pa nang husto, pinahalagahan niya ang panlabas na gawain at debosyon, at tungkol sa mga doktrinang hindi naranasan ng normal na mga tao. Hindi niya pinahalagahan ang mga pagbabago sa kanyang kaibuturan ni sa tunay na pagmamahal sa Diyos. Ang mga karanasan ni Pedro ay upang magkamit ng tunay na pagmamahal at totoong kaalaman tungkol sa Diyos. Ang kanyang mga karanasan ay upang higit siyang mapalapit sa Diyos, at magkaroon ng isang praktikal na pamumuhay. Ang gawain ni Pablo ay ginawa dahil doon sa ipinagkatiwala sa kanya ni Jesus, at upang matamo ang mga bagay na kanyang inasam, subalit walang kaugnayan ang mga ito sa kanyang kaalaman tungkol sa kanyang sarili at sa Diyos. Ang kanyang gawain ay para lamang matakasan ang pagkastigo at paghatol. Ang hinangad ni Pedro ay dalisay na pagmamahal, at ang hinangad naman ni Pablo ay ang korona ng katuwiran. Naranasan ni Pedro ang maraming taon ng gawain ng Banal na Espiritu, at nagkaroon ng isang praktikal na kaalaman tungkol kay Cristo, gayundin ang isang malalim na kaalaman tungkol sa kanyang sarili. Kaya nga, ang kanyang pagmamahal sa Diyos ay dalisay. Ang maraming taon ng pagpipino ay nagpayaman sa kanyang kaalaman tungkol kay Jesus at sa buhay, at ang kanyang pagmamahal ay isang pagmamahal na walang kundisyon, isa iyong pagmamahal na kusang-loob, at wala siyang hiniling na anuman bilang kapalit, ni hindi siya umasa sa anumang mga pakinabang. Gumawa si Pablo nang maraming taon, subalit hindi siya nagkaroon ng malaking kaalaman tungkol kay Cristo, at ang kanyang kaalaman tungkol sa kanyang sarili ay napakaliit. Wala talaga siyang pagmamahal kay Cristo, at ang kanyang gawain at ang daan na kanyang tinahak ay upang magkamit ng huling putong. Ang kanyang hinangad ay ang pinakamagandang korona, hindi ang pinakadalisay na pagmamahal. Hindi siya aktibong naghangad, kundi wala lamang siyang kibo; hindi niya ginampanan ang kanyang tungkulin, kundi napilitan sa kanyang pagsisikap matapos mahuli ng gawain ng Banal na Espiritu. Kaya nga, ang kanyang pagsisikap ay hindi nagpapatunay na siya ay isang kuwalipikadong nilikha; si Pedro ang kuwalipikadong nilikha na gumanap ng kanyang tungkulin. Iniisip ng tao na lahat ng nag-aambag sa Diyos ay dapat tumanggap ng gantimpala, at na kapag mas malaki ang ambag, mas iniisip nila na dapat silang makatanggap ng paglingap ng Diyos. Ang diwa ng pananaw ng tao ay transaksyonal, at hindi siya aktibong naghahangad na gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Para sa Diyos, kapag mas naghahangad ang mga tao na tunay na mahalin ang Diyos at lubos na magpasakop sa Diyos, na nangangahulugan din ng paghahangad na gampanan ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha, lalo nilang nagagawang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Ang pananaw ng Diyos ay upang hilingin na mabawi ng tao ang kanyang orihinal na tungkulin at katayuan. Ang tao ay isang nilikha, kaya nga hindi dapat magmalabis ang tao sa paghingi ng anuman sa Diyos, at wala na siyang dapat gawin maliban sa gampanan ang kanyang tungkulin bilang isang nilikha. Ang mga hantungan nina Pablo at Pedro ay nasukat ayon sa kung kaya nilang tuparin ang kanilang tungkulin bilang mga nilikha, at hindi ayon sa laki ng kanilang ambag; ang kanilang mga hantungan ay natukoy ayon doon sa kanilang hinangad sa simula pa lamang, hindi ayon sa kung gaano karaming gawain ang kanilang ginawa, o sa pagtantiya ng ibang mga tao sa kanila. Kaya nga, ang paghahangad na aktibong gampanan ang tungkulin ng isang tao bilang isang nilikha ay ang landas tungo sa tagumpay; ang paghahangad sa landas ng tunay na pagmamahal sa Diyos ang pinakatamang landas; ang paghahangad sa mga pagbabago sa dating disposisyon ng isang tao, at paghahangad ng dalisay na pagmamahal sa Diyos, ang landas tungo sa tagumpay. Ang landas na iyon tungo sa tagumpay ang landas ng pagbawi sa orihinal na tungkulin gayundin sa orihinal na anyo ng isang nilikha. Ito ang landas ng pagbawi, at ito rin ang layunin ng lahat ng gawain ng Diyos mula simula hanggang katapusan. Kung ang paghahangad ng tao ay nababahiran ng personal na maluluhong paghiling at hindi makatwirang mga pag-asam, ang epektong natatamo ay hindi ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao. Salungat ito sa gawain ng pagbawi. Walang duda na hindi ito ang gawaing ginawa ng Banal na Espiritu, kaya nga nagpapatunay ito na ang ganitong klaseng paghahangad ay hindi sinang-ayunan ng Diyos. Ano ang kabuluhan ng isang paghahangad na hindi sinang-ayunan ng Diyos?

Ang gawaing ginawa ni Pablo ay ipinakita sa harap ng tao, ngunit kung gaano kadalisay noon ang kanyang pagmamahal sa Diyos at gaano niya minahal ang Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso—ang mga bagay na ito ay hindi nakikita ng tao. Namamasdan lamang ng tao ang gawaing kanyang ginawa, kung saan nalalaman ng tao na tiyak na siya ay kinasangkapan ng Banal na Espiritu, kaya nga iniisip ng tao na mas mabuti si Pablo kaysa kay Pedro, na mas dakila ang kanyang gawain, sapagkat nagawa niyang tustusan ang mga iglesia. Umasa lamang si Pedro sa kanyang mga personal na karanasan at iilang tao lamang ang natamo sa kanyang panaka-nakang gawain. Mula sa kanya iilan lamang ang di-gaanong kilalang mga sulat, ngunit sino ang nakakaalam kung gaano kadakila ang kanyang pagmamahal sa Diyos sa kaibuturan ng kanyang puso? Araw-araw, gumawa si Pablo para sa Diyos: Basta’t may gawaing gagawin, ginawa niya iyon. Nadama niya na sa ganitong paraan ay magkakamit siya ng korona, at mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, subalit hindi siya naghanap ng mga paraan para baguhin ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang gawain. Anuman sa buhay ni Pedro na hindi nagbigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos ay nakaligalig sa kanya. Kung hindi iyon nakalugod sa kalooban ng Diyos, nakadama siya ng taos na pagsisisi, at naghanap ng angkop na paraan para mapagsikapan niyang mapalugod ang puso ng Diyos. Kahit sa pinakamaliit at pinaka-walang-kabuluhang mga aspeto ng kanyang buhay, kusa pa rin niyang pinalugod ang kalooban ng Diyos. Gayon din siya katindi pagdating sa kanyang dating disposisyon, laging mahigpit sa kanyang mga hinihingi sa kanyang sarili upang sumulong nang mas malalim sa katotohanan. Hinangad lamang ni Pablo ang mababaw na reputasyon at katayuan. Hinangad niyang ipagyabang ang kanyang sarili sa harap ng tao, at hindi naghangad na sumulong nang mas malalim sa kanyang pagpasok sa buhay. Ang kanyang pinahalagahan ay ang doktrina, hindi ang realidad. Sabi ng ilang tao, “Napakaraming ginawa ni Pablo para sa Diyos, bakit hindi siya naalaala ng Diyos? Gumawa lamang si Pedro ng kaunting gawain para sa Diyos, at hindi malaki ang iniambag sa mga iglesia, kaya bakit siya ginawang perpekto?” Minahal ni Pedro ang Diyos kahit paano, na siyang kinailangan ng Diyos; ang gayong mga tao lamang ang may patotoo. At ano naman ang kay Pablo? Gaano minahal ni Pablo ang Diyos? Alam mo ba? Para saan ba ginawa ang gawain ni Pablo? At para saan ginawa ang gawain ni Pedro? Hindi gaanong marami ang ginawang gawain ni Pedro, ngunit alam mo ba kung ano ang nasa kaibuturan ng kanyang puso? Ang gawain ni Pablo ay ukol sa pagtustos sa mga iglesia, at sa suporta ng mga iglesia. Ang naranasan ni Pedro ay mga pagbabago sa kanyang disposisyon sa buhay; naranasan niyang mahalin ang Diyos. Ngayong alam mo na ang mga pagkakaiba sa kanilang mga kakanyahan, makikita mo kung sino, sa bandang huli, ang tunay na naniwala sa Diyos, at sino ang hindi tunay na naniwala sa Diyos. Ang isa sa kanila ay tunay na nagmahal sa Diyos, at ang isa pa ay hindi tunay na nagmahal sa Diyos; ang isa ay sumailalim sa mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at ang isa pa ay hindi; ang isa ay mapagpakumbabang naglingkod, at hindi madaling napansin ng mga tao, at ang isa pa ay sinamba ng mga tao, at naging dakila sa paningin nila; ang isa ay naghangad ng kabanalan, at ang isa pa ay hindi, at bagama’t hindi siya marumi, hindi siya nag-angkin ng isang dalisay na pagmamahal; ang isa ay nag-angkin ng totoong pagkatao, at ang isa pa ay hindi; ang isa ay nag-angkin ng katinuan ng isang nilikha, at ang isa pa ay hindi. Gayon ang mga pagkakaiba sa mga kakanyahan nina Pablo at Pedro. Ang landas na tinahak ni Pedro ay ang landas ng tagumpay, na siya ring landas ng pagkakamit ng pagbawi sa normal na pagkatao at pagbawi sa tungkulin ng isang nilikha. Kinakatawan ni Pedro ang lahat ng taong tagumpay. Ang landas na tinahak ni Pablo ay ang landas ng kabiguan, at kinakatawan niya ang lahat ng nagpapasakop lamang at ginugugol ang kanilang sarili nang paimbabaw, at walang tunay na pusong mapagmahal sa Diyos. Kinakatawan ni Pablo ang lahat ng hindi nagtataglay ng katotohanan. Sa kanyang paniniwala sa Diyos, hinangad ni Pedro na bigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay, at hinangad na magpasakop sa lahat ng nagmula sa Diyos. Wala ni katiting na reklamo, nagawa niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol, gayundin ang pagpipino, kapighatiankanyang buhay, at walang isa man dito na maaaring magpabago sa kanyang pusong mapagmahal sa Diyos. Hindi ba ito ang sukdulang pagmamahal sa Diyos? Hindi ba ito ang katuparan ng tungkulin ng isang nilikha? Sa pagkastigo man, paghatol, o kapighatian, lagi kang may kakayahang maging mapagpasakop hanggang kamatayan, at ito ang dapat makamit ng isang nilikha, ito ang kadalisayan ng pagmamahal sa Diyos. Kung makakamtan ng tao ang ganito, siya ay isang kuwalipikadong nilikha, at wala nang ibang mas nagbibigay-kasiyahan sa kalooban ng Lumikha. Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka nagpapasakop sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilikha, kundi ikokondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang magpasakop sa Diyos, at naghihimagsik sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang paggawa para sa Diyos, at hindi mo pinahahalagahan ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili. Hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, at hindi ka nagpapasakop o nagmamahal sa Lumikha. Ikaw ay isang taong likas na mapaghimagsik laban sa Diyos, kaya nga ang gayong mga tao ay hindi minamahal ng Lumikha.

Sabi ng ilang tao, “Gumawa si Pablo ng napakaraming gawain, at bumalikat siya ng mabibigat na pasanin para sa mga iglesia at nag-ambag nang malaki sa mga iyon. Pinagtibay sa labintatlong sulat ni Pablo ang 2,000 taon ng Kapanahunan ng Biyaya, at pumapangalawa lamang sa Apat na Ebanghelyo. Sino ang maikukumpara sa kanya? Walang sinumang makaintindi sa Pahayag ni Juan, samantalang ang mga sulat ni Pablo ay nagbibigay-buhay, at ang gawaing kanyang ginawa ay kapaki-pakinabang sa mga iglesia. Sino pa ang maaaring makagawa ng gayong mga bagay? At ano ang gawaing ginawa ni Pedro?” Kapag sinusukat ng tao ang iba, ginagawa niya iyon ayon sa kanilang naging ambag. Kapag sinusukat ng Diyos ang tao, ginagawa Niya iyon ayon sa likas na pagkatao ng tao. Sa mga naghahangad ng buhay, si Pablo ay isang taong hindi alam ang sarili niyang diwa. Hindi siya mapagpakumbaba o mapagpasakop, sa anumang paraan, ni hindi niya alam ang kanyang kakanyahan, na salungat sa Diyos. Kaya nga, siya ay isang taong hindi pa sumailalim sa mga detalyadong karanasan, at isang taong hindi nagsagawa ng katotohanan. Iba si Pedro. Alam niya ang kanyang mga pagkakamali, kahinaan, at tiwaling disposisyon bilang isang nilikha, kaya nga nagkaroon siya ng isang landas ng pagsasagawa na naging daan upang magbago ang kanyang disposisyon; hindi siya isa sa mga mayroon lamang doktrina ngunit hindi nagtaglay ng realidad. Yaong mga nagbabago ay mga baguhan na naligtas na, sila yaong mga karapat-dapat sa pagsisikap na matamo ang katotohanan. Ang mga taong hindi nagbabago ay kabilang sa mga natural na laos na; sila yaong mga hindi naligtas, ibig sabihin, yaong mga itinaboy ng Diyos. Hindi sila maaalaala ng Diyos gaano man kadakila ang kanilang gawain. Kapag ikinumpara mo ito sa sarili mong pagsisikap, kapareho ka man ni Pedro o ni Pablo sa huli ay dapat maging malinaw. Kung wala pa ring katotohanan sa iyong hinahanap, at kung kahit ngayon ay mayabang ka pa rin at walang-pakundangan na kagaya ni Pablo, at magaling ka pa ring magsalita at mayabang na katulad niya, walang duda na isa kang masamang tao na nabibigo. Kung hinahangad mo ang hinangad ni Pedro, kung hinahangad mo ang mga pagsasagawa at tunay na mga pagbabago, at hindi ka mayabang o matigas ang ulo, kundi hinahangad mong gampanan ang iyong tungkulin, ikaw ay magiging isang nilikha na kayang magtagumpay. Hindi alam ni Pablo ang sarili niyang kakanyahan o katiwalian, lalong hindi niya alam ang sarili niyang paghihimagsik. Hindi niya binanggit kailanman ang kanyang kasuklam-suklam na paglaban kay Cristo, ni hindi siya masyadong nagsisi. Nag-alok lamang siya ng maikling paliwanag at, sa kaibuturan ng kanyang puso, hindi siya lubusang sumuko sa Diyos. Bagama’t nahulog siya sa daan patungong Damasco, hindi siya tumingin sa kanyang sariling kaibuturan. Kuntento na siyang patuloy lamang na gumawa, at hindi niya itinuring na pinakamahalaga sa mga problema ang kilalanin ang kanyang sarili at baguhin ang kanyang dating disposisyon. Masaya na siya sa pagsasalita lamang ng katotohanan, sa pagtustos sa iba bilang pampalubag sa sarili niyang konsiyensya, at sa pagtigil sa pag-usig sa mga disipulo ni Jesus upang aliwin ang kanyang sarili at patawarin ang kanyang sarili para sa kanyang nakaraang mga kasalanan. Ang mithiing kanyang pinagsikapang matamo ay walang iba kundi isang korona sa hinaharap at panandaliang gawain, ang mithiing kanyang pinagsikapang matamo ay saganang biyaya. Hindi siya naghangad ng sapat na katotohanan, ni hindi siya naghangad na maunawaan nang mas malalim ang katotohanang hindi niya naunawaan noon. Samatuwid ay masasabi na ang kanyang kaalaman tungkol sa kanyang sarili ay mali, at hindi siya tumanggap ng pagkastigo o paghatol. Hindi komo nakaya niyang gumawa ay mayroon siyang kaalaman tungkol sa kanyang sariling likas na pagkatao o kakanyahan; ang kanyang tuon ay nasa panlabas na mga pagsasagawa lamang. Ang kanyang pinagsumikapan, bukod pa riyan, ay hindi pagbabago, kundi kaalaman. Ang kanyang gawain ay ang lubos na resulta ng pagpapakita ni Jesus sa daan patungong Damasco. Hindi iyon isang bagay na orihinal niyang naipasiyang gawin, ni hindi ito gawaing naganap matapos niyang matanggap ang pagtatabas ng kanyang dating disposisyon. Paano man siya gumawa, hindi nagbago ang kanyang dating disposisyon, kaya nga ang kanyang gawain ay hindi naging bayad para sa dati niyang mga kasalanan kundi gumanap lamang ng isang papel sa mga iglesia noong panahong iyon. Para sa isang taong tulad nito, na ang dating disposisyon ay hindi nagbago—ibig sabihin, hindi nagkamit ng kaligtasan, at lalo pang walang taglay na katotohanan—talagang wala siyang kakayahang maging isa sa mga tinanggap ng Panginoong Jesus. Hindi siya isang taong puno ng pagmamahal at takot kay Jesucristo, ni hindi siya isang taong bihasa sa paghahanap sa katotohanan, lalong hindi siya isang taong naghanap sa hiwaga ng pagkakatawang-tao. Isa lamang siyang taong sanay sa panlilinlang, at hindi susuko sa sinumang nakatataas sa kanya o taglay ang katotohanan. Kinainggitan niya ang mga tao o ang mga katotohanang taliwas sa kanya, o laban sa kanya, na mas gusto yaong mga taong may talento na nagpakita ng magandang imahe at nagtataglay ng malalim na kaalaman. Ayaw niyang makihalubilo sa mga taong maralita na naghanap sa tunay na daan at walang ibang pinahalagahan kundi ang katotohanan, at sa halip ay pinagkaabalahan lamang niya ang nakatatandang mga tao mula sa mga relihiyosong organisasyon na nagsalita lamang tungkol sa mga doktrina, at may saganang kaalaman. Wala siyang pagmamahal sa bagong gawain ng Banal na Espiritu at hindi niya pinahalagahan ang paggalaw ng bagong gawain ng Banal na Espiritu. Sa halip, pinaburan niya yaong mga panuntunan at doktrina na mas nakatataas kaysa mga pangkalahatang katotohanan. Sa kanyang likas na diwa at sa kabuuan ng kanyang hinangad, hindi siya karapat-dapat na matawag na isang Kristiyano na naghanap sa katotohanan, lalong hindi siya isang tapat na lingkod sa bahay ng Diyos, sapagkat masyado siyang mapagpaimbabaw, at napakatindi ng kanyang paghihimagsik. Bagama’t kilala siya bilang isang lingkod ng Panginoong Jesus, hindi man lamang siya akmang pumasok sa tarangkahan ng kaharian ng langit, sapagkat ang kanyang mga kilos mula simula hanggang katapusan ay hindi matatawag na matuwid. Maaari lamang siyang ituring na mapagpaimbabaw, at gumawa ng kasamaan, subalit gumawa rin para kay Cristo. Bagama’t hindi siya matatawag na masama, maaari siyang angkop na tawagin na isang taong gumawa ng kasamaan. Marami siyang ginawang gawain, subalit hindi siya kailangang hatulan batay sa dami ng gawaing kanyang ginawa, kundi sa kalidad at kakanyahan lamang nito. Sa paraang ito lamang posibleng malaman ang pinag-ugatan ng bagay na ito. Naniwala siya noon pa man: “Kaya kong gumawa, mas mahusay ako kaysa sa karamihan ng mga tao; isinasaalang-alang ko ang pasanin ng Panginoon nang higit kaninuman, at walang sinumang nagsisisi nang lubos na katulad ko, sapagkat ang nasinagan ako ng dakilang liwanag, at nakita ko na ang dakilang liwanag, kaya nga mas malalim ang aking pagsisisi kaysa kaninuman.” Sa panahong iyon, ito ang nasasaloob ng kanyang puso. Sa katapusan ng kanyang gawain, sinabi ni Pablo: “Pinagbuti ko ang paglaban, natapos ko na ang aking lakbayin, at may nakalaan sa akin na isang korona ng katuwiran.” Ang kanyang laban, gawain, at lakbayin ay lubos na para sa kapakanan ng korona ng katuwiran, at hindi siya aktibong sumulong. Bagama’t hindi siya pabigla-bigla sa kanyang gawain, masasabi na ang kanyang gawain ay ginawa para lamang punan ang kanyang mga pagkakamali, punan ang mga panunumbat ng kanyang konsiyensya. Inasam lamang niyang kumpletuhin ang kanyang gawain, tapusin ang kanyang lakbayin, at pagbutihin ang kanyang paglaban sa lalong madaling panahon, upang matamo niya ang kanyang inaasam na korona ng katuwiran nang mas maaga. Ang kanyang inasam ay hindi upang makilala ang Panginoong Jesus sa kanyang mga karanasan at tunay na kaalaman, kundi upang tapusin ang kanyang gawain sa lalong madaling panahon, upang matanggap niya ang mga gantimpalang nakamit ng kanyang gawain para sa kanya nang makilala niya ang Panginoong Jesus. Ginamit niya ang kanyang gawain upang aliwin ang kanyang sarili, at makipagkasunduan kapalit ng isang korona sa hinaharap. Ang kanyang hinanap ay hindi ang katotohanan o ang Diyos, kundi ang korona lamang. Paano makakaabot sa pamantayan ang gayon pagsisikap? Ang kanyang pangganyak, kanyang gawain, ang halagang kanyang ibinayad, at lahat ng kanyang pagsisikap—lumaganap sa lahat ng iyon ang kanyang kamangha-manghang mga pantasya, at gumawa siya ayon lamang sa kanyang sariling mga hangarin. Sa kabuuan ng kanyang gawain, wala ni katiting na pagkukusa sa halagang kanyang ibinayad; pumasok lamang siya sa isang kasunduan. Ang kanyang mga pagsisikap ay hindi kusang ginawa upang gampanan ang kanyang tungkulin, kundi kusang ginawa upang makamit ang layunin ng kasunduan. May anumang halaga ba ang gayong mga pagsisikap? Sino ang pupuri sa kanyang maruruming pagsisikap? Sino ang may interes sa gayong mga pagsisikap? Ang kanyang gawain ay puno ng mga pangarap para sa hinaharap, puno ng kamangha-manghang mga plano, at walang anumang landas para mabago ang disposisyon ng tao. Napakalaking bahagi ng kanyang kabutihan ay pagkukunwari; ang kanyang gawain ay hindi tumustos ng buhay, kundi isang paimbabaw na kabutihan; pakikipagkasunduan iyon. Paano maaakay ng gawaing gaya nito ang tao tungo sa landas ng pagbawi sa kanyang orihinal na tungkulin?

Lahat ng hinangad ni Pedro ay kaayon ng kalooban ng Diyos. Hinangad niyang tugunan ang kalooban ng Diyos, at kahit nagdusa at nahirapan, naging handa pa rin siyang tugunan ang kalooban ng Diyos. Wala nang hihigit pang paghahangad ng isang mananampalataya ng Diyos. Ang hinangad ni Pablo ay may bahid ng kanyang sariling laman, ng kanyang sariling mga kuru-kuro, at ng kanyang sariling mga plano at pakana. Hindi siya karapat-dapat na nilikha sa anumang paraan, hindi siya isang taong naghangad na tugunan ang kalooban ng Diyos. Hinangad ni Pedro na bigyang-daan ang mga pamamatnugot ng Diyos, at bagama’t ang gawaing kanyang ginawa ay hindi malaki, ang pangganyak sa likod ng kanyang pagsisikap at ang landas na kanyang tinahak ay tama; bagama’t hindi siya nakakuha ng maraming tao, nagawa niyang sundan ang daan ng katotohanan. Dahil dito masasabi na siya ay isang kuwalipikadong nilikha. Ngayon, kahit hindi ka isang manggagawa, dapat mong magawang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha at hangaring magbigay-daan sa lahat ng pamamatnugot ng Diyos. Dapat kang makapagpasakop sa anumang sinasabi ng Diyos, at maranasan ang lahat ng klase ng mga kapighatian at pagpipino, at bagama’t ikaw ay mahina, sa puso mo ay dapat mo pa ring magawang mahalin ang Diyos. Yaong mga nananagot para sa sarili nilang buhay ay handang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at ang pananaw ng gayong mga tao tungkol sa paghahangad ang siyang tama. Sila ang mga taong kailangan ng Diyos. Kung marami kang ginawang gawain, at nakamit ng iba ang iyong mga turo, ngunit ikaw mismo ay hindi nagbago, at hindi nagbahagi ng anumang patotoo, o nagkaroon ng anumang tunay na karanasan, sa gayo’y sa katapusan ng iyong buhay, wala pa rin sa iyong mga nagawa ang nagpapatotoo, nagbago ka na nga ba? Isa ka bang taong naghahangad na matamo ang katotohanan? Sa pahanong iyon, kinasangkapan ka ng Banal na Espiritu, ngunit nang kasangkapanin ka Niya, ginamit Niya ang bahagi mo na maaaring gamitin para gumawa, at hindi Niya ginamit ang bahagi mo na hindi magagamit. Kung hinangad mong magbago, unti-unti kang magagawang perpekto habang kinakasangkapan ka. Subalit walang tinatanggap na responsibilidad ang Banal na Espiritu kung makakamit ka o hindi sa huli, at depende ito sa pamamaraan ng iyong paghahangad. Kung walang mga pagbabago sa iyong personal na disposisyon, iyan ay dahil mali ang iyong pananaw tungo sa paghahangad. Kung hindi ka gantimpalaan, sarili mo nang problema iyon, at dahil hindi mo mismo naisagawa ang katotohanan at hindi mo matugunan ang kalooban ng Diyos. Kaya nga, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa personal mong mga karanasan, at walang mas mahalaga kaysa sa personal mong pagpasok! Sa huli ay sasabihin ng ilang tao, “Napakarami kong nagawang gawain para sa Iyo, at bagama’t maaaring wala akong nagawang naging tanyag, naging masigasig pa rin ako sa aking mga pagsisikap. Hindi Mo ba ako maaaring papasukin na lamang sa langit para kainin ang bunga ng buhay?” Kailangan mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga sumisipsip sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at tuparin ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling disposisyon sa buhay, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!

Mula sa pagkakaiba sa mga kakanyahan nina Pedro at Pablo dapat mong maunawaan na lahat ng hindi naghahangad ng buhay ay gumagawa nang walang saysay! Naniniwala ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, kaya kailangan na mayroon kang pusong mapagmahal sa Diyos. Kailangan mong isantabi ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mong hangaring tugunan ang kalooban ng Diyos, at kailangan mong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha. Dahil naniniwala at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o paghingi, at dapat mong makamit ang katugunan ng kalooban ng Diyos. Dahil ikaw ay nilikha, dapat kang magpasakopPanginoong lumikha sa iyo, sapagkat ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang kakayahang kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong naniniwala sa Diyos, dapat kang maghangad ng kabanalan at pagbabago. Dahil ikaw ay isang nilikha, dapat kang sumunod sa iyong tungkulin, at manatili sa iyong lugar, at huwag kang lumampas sa iyong tungkulin. Ito ay hindi upang pigilan ka, o supilin ka sa pamamagitan ng doktrina, kundi sa halip ay ang landas na makakatulong upang magampanan mo ang iyong tungkulin, at makakamit ito—at dapat makamit—ng lahat ng gumagawa ng katuwiran. Kung pagkukumparahin mo ang mga kakanyahan nina Pedro at Pablo, malalaman mo kung paano ka dapat maghangad. Sa mga landas na tinahak nina Pedro at Pablo, ang isa ay ang landas para magawang perpekto, at ang isa pa ay ang landas ng pag-aalis; sina Pedro at Pablo ay kumakatawan sa dalawang magkaibang landas. Bagama’t bawat isa ay tumanggap ng gawain ng Banal na Espiritu, at bawat isa ay nagtamo ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at bawat isa ay tinanggap yaong naipagkatiwala sa kanila ng Panginoong Jesus, hindi pareho ang naging bunga sa bawat isa: Ang isa ay totoong nagbunga, at ang isa pa ay hindi. Mula sa kanilang mga kakanyahan, sa gawaing kanilang ginawa, yaong ipinahayag nila nang tahasan, at sa kanilang naging katapusan, dapat mong maunawaan kung aling landas ang dapat mong tahakin, aling landas ang dapat mong piliing lakaran. Nilakaran nila ang dalawang malinaw na magkaibang landas. Sina Pablo at Pedro, sila ang perpektong halimbawa ng bawat landas, kaya nga mula pa sa simula ay itinalaga na sila upang sumagisag sa dalawang landas na ito. Ano ang mahahalagang punto ng mga karanasan ni Pablo, at bakit hindi siya nagtagumpay? Ano ang mahahalagang punto ng mga karanasan ni Pedro, at paano niya naranasan ang magawang perpekto? Kung pagkukumparahin mo kung ano ang pinahalagahan ng bawat isa sa kanila, malalaman mo kung anong klaseng tao talaga ang nais ng Diyos, ano ang kalooban ng Diyos, ano ang disposisyon ng Diyos, anong klaseng tao ang gagawing perpekto sa huli, at anong klaseng tao rin ang hindi gagawing perpekto; malalaman mo kung ano ang disposisyon ng mga gagawing perpekto, at ano ang disposisyon ng mga hindi gagawing perpekto—ang mga isyung ito ng kakanyahan ay makikita sa mga karanasan nina Pedro at Pablo. Nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay, kaya nga ginagawa Niyang sumailalim ang lahat ng nilikha sa Kanyang kapamahalaan at magpasakop sa Kanyang kapamahalaan; uutusan Niya ang lahat ng bagay, para lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Lahat ng nilikha ng Diyos, pati na ang mga hayop, halaman, sangkatauhan, kabundukan at mga ilog, at mga lawa—lahat ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Lahat ng bagay sa kalangitan at sa lupa ay kailangang sumailalim sa Kanyang kapamahalaan. Hindi sila maaaring magkaroon ng anumang pagpipilian at kailangang magpasakop ang lahat sa Kanyang mga pagsasaayos. Ito ay iniutos ng Diyos, at ito ang awtoridad ng Diyos. Inuutusan ng Diyos ang lahat, at inaayos at inihahanay ang lahat ng bagay, na bawat isa ay nakabukod ayon sa uri, at pinaglaanan ng sarili nilang posisyon, ayon sa kalooban ng Diyos. Gaano man iyon kalaki, walang anumang bagay ang makakahigit sa Diyos, lahat ng bagay ay nagsisilbi sa sangkatauhang nilikha ng Diyos, at walang anumang bagay ang nangangahas na sumuway sa Diyos o humingi ng anuman sa Diyos. Kaya ang tao, bilang isang nilikha, ay kailangan ding tuparin ang tungkulin ng tao. Siya man ang panginoon o tagapag-alaga ng lahat ng bagay, gaano man kataas ang katayuan ng tao sa lahat ng bagay, maliit na tao pa rin siya sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, at isang tao lamang na walang kabuluhan, isang nilikha, at hindi mangingibabaw sa Diyos kailanman. Bilang isang nilikha, dapat hangaring tuparin ng tao ang tungkulin ng isang nilikha, at hangaring mahalin ang Diyos nang hindi pumipili ng iba pa, sapagkat ang Diyos ay karapat-dapat sa pagmamahal ng tao. Yaong mga naghahangad na mahalin ang Diyos ay hindi dapat maghangad ng anumang personal na mga pakinabang o hangarin yaong personal nilang inaasam; ito ang pinakatamang paraan ng paghahangad. Kung hinahangad mo ang katotohanan, kung isinasagawa mo ang katotohanan, at kung nagtatamo ka ng pagbabago sa iyong disposisyon, tama ang landas na iyong tinatahak. Kung hinahangad mo ang mga pagpapala ng laman, at isinasagawa mo ang katotohanan ng sarili mong mga kuru-kuro, at kung walang pagbabago sa iyong disposisyon, at hindi ka mapagpasakop kailanman sa Diyos na nasa katawang-tao, at nabubuhay ka pa rin sa kalabuan, siguradong dadalhin ka sa impiyerno ng iyong hinahangad, sapagkat ang landas na iyong tinatahak ay ang landas ng kabiguan. Kung gagawin kang perpekto o aalisin ay depende sa iyong sariling paghahangad, na ibig ding sabihin ay ang tagumpay o kabiguan ay depende sa landas na tinatahak ng tao.

Sinundan: Ang Diyos ang Panginoon ng Lahat ng Nilikha

Sumunod: Gawain ng Diyos at Gawain ng Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito