30. Napakaliwanag at Napakaaliwalas ng Langit sa Araw na Iyon

Ni Tian Ying, Tsina

Dati akong mananampalataya sa Three-Self Church sa China. Nang una akong magsimulang sumali sa mga pagtitipon, madalas sabihin sa amin ng mga pastor na, “Mga kapatid, nakatala sa Biblia na, ‘Sapagka’t sa puso’y nananampalataya ang tao sa ikatutuwid; at ang ginagawang pagpapahayag sa bibig ay sa ikaliligtas’ (Roma 10:10). Napawalang-sala na tayo dahil sa ating pananampalataya, at dahil naniniwala tayo kay Jesus, tayo ay naligtas na. Kung naniwala tayo sa iba pang bagay, hindi tayo maliligtas….” Palagi kong isinasaisip ang mga salitang ito na sinambit ng mga pastor. Inudyukan ako ng mga ito nang masigasig akong nagsikap at aktibong dumalo sa mga pagtitipon, na naghihintay na dumating ang Panginoon at tanggapin ako sa kaharian ng langit. Nang maglaon, sunud-sunod na paglabag sa batas ang nagawa sa iglesia, at dahil dito ay nagsimula akong magsawa sa mga pagtitipon doon. Hindi lamang watak-watak ang mga pastor, na bawat isa ay sinusubukang mangibabaw sa iba at magtatag ng sarili nilang lupain, kundi maging ang mga sermon na ibinigay ng mga pastor ay napilitang umayon sa mga patakaran ng United Front Work Department (UFWD). Hindi tinulutan ng UFWD ang aming mga pastor na mangaral mula sa Aklat ng Pahayag dahil sa takot na “mag-udyok ito ng kaguluhan sa mga tao,” kaya nga, hindi sila nangaral mula sa Aklat ng Pahayag. Madalas mangaral ang mga pastor tungkol sa mga donasyon, na sinasabing kapag mas maraming ibinigay na donasyon ang isang tao, mas maraming pagpapala ang matatanggap nila mula sa Diyos. Nang makita ko ang iglesia sa ganitong kalagayan, nalito ako: Paano nagkaganito ang iglesia? Hindi ba nanalig ang mga pastor sa Panginoon? Bakit hindi nila sinunod ang salita ng Panginoon? Bakit wala sila ni katiting na pagpipitagan sa Panginoon? Mula noon, hindi ko na ginustong magpunta sa mga pagtitipon sa Three-Self Church dahil naramdaman ko na hindi sila totoong nanalig sa Diyos, at na sila ay mga bulaang pastol na nagkunwang nananalig sa Diyos upang makuha ang perang pinaghirapang kitain ng mga kapatid.

Noong huling bahagi ng 1995, walang-pag-aalinlangang tumalikod ako sa iglesia at sumapi sa isang bahay-iglesia (ang Sola Fide Church). Noong una, akala ko ay hindi sakop ng mga paghihigpit ng pamahalaan ng bansa ang kanilang mga sermon, at isinama pa nila ang Aklat ng Pahayag sa kanilang mga sermon at tinalakay ang mga huling araw, ang pagbabalik ng Panginoon, at kung anu-ano pa. Kaya inakala ko na mas maganda ang kanilang pangangaral kaysa sa mga pastor sa Three-Self Church, at na mas masayang dumalo sa mga pagtitipon dito kumpara sa mga pagtitipon sa Three-Self Church kaya masayang-masaya ako. Ngunit makalipas ang kaunting panahon, natuklasan ko na sa mga kapwa-manggagawa rito, mayroon ding ilang nag-away-away dahil sa inggit at lumikha ng mga grupu-grupo. Wala ni isa sa mga kapatid ang sumusunod noon sa mga ipinagagawa ng Panginoon, at hindi sila mapagmahal na katulad noon…. Nang makita ko na wala talagang ipinagkaiba ang iglesiang ito sa Three-Self Church, lungkot na lungkot ako, ngunit hindi ko rin alam kung saan ako maaaring makatagpo ng isang iglesia na may gawain ng Banal na Espiritu. Sa kawalan ng mas mainam na pagpipilian, ang tangi ko lang magagawa noon ay manatiling kaanib ng Sola Fide Church, kaya nga patuloy akong dumalo sa kanilang mga pagtitipon. Sinabi ng lahat ng pastor at mangangaral na “kapag naligtas nang minsan, naligtas nang palagian” at “hangga’t nagtitiis ka hanggang wakas, nagpapagod at gumagawa para sa Panginoon at patuloy na tumatahak sa landas ng Panginoon, magagawa mong pumasok sa kaharian ng langit.” Kaya naisip ko sa sarili ko noon: “Anuman ang mangyari sa ibang mga tao, basta’t masigasig akong sumasampalataya sa Panginoong Jesus at hindi ako lumilihis mula sa landas ng Panginoon, kapag bumalik ang Panginoon magkakaroon ako ng pagkakataon na madala sa kaharian ng langit.”

Sa isang kisap-mata malapit nang matapos ang 1997, at ang ebanghelyo ng kaharian ng Diyos ay nakarating na sa amin, at nagkagulo sa aming iglesia. Sabi sa amin ng aming pinunong si Li, “Sa panahong ito isang grupo ang lumitaw na nagpapalaganap ng Kidlat ng Silanganan, ninanakaw ang mabubuting tupa mula sa iba’t ibang denominasyon, at sinasabi nila na nagbalik na ang Panginoong Jesus at isinasakatuparan Niya ang isang bagong yugto ng gawain. Ipinako sa krus ang Panginoong Jesus para sa atin, at ipinalit ang Kanyang buhay upang tubusin tayo. Tayo ay naligtas na. Kailangan lang nating magtiis hanggang wakas, at kapag nagbalik ang Panginoon siguradong madadala tayo sa kaharian ng langit. Samakatwid ay kailangan tayong mag-ingat, at talagang hindi natin maaaring tanggapin ang mga taong ito sa Kidlat ng Silanganan. Sinuman ang tumanggap sa kanila ay matitiwalag sa iglesia! Gayundin, kailangan mong tiyakin na hindi ka makinig sa anumang sasabihin nila, at kailangan mong tiyakin na hindi basahin ang kanilang mga aklat….” Mukhang pinag-uusapan ng mga kapwa-manggagawa sa lahat ng antas ang mga bagay na ito sa halos bawat pagtitipon. Pagkatapos marinig ang sinabi nila, hindi sinasadyang nagsimulang lumaban at mag-ingat ang mga kapatid sa Kidlat ng Silanganan. Lalo pa akong naging maingat, dahil natakot akong manakaw ng Kidlat ng Silanganan at sa gayon ay mawala ang pagkakataon kong pumasok sa kaharian ng langit.

Gayunman, kasisimula pa lang ng bagong taon noong 1998, isang araw, hindi ko inasahang makasalubong ang isang tao mula sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at naging mapalad akong makinig sa paraan ng Kidlat ng Silanganan sa unang pagkakataon. Nang araw na iyon, tinawagan ako ng ate ko at pinapunta ako sa bahay niya. Pinapunta rin niya si Sister Hu mula sa kanyang nayon. Nang makita ako ni Sister Hu ngumiti siya at sinabi, “Naku, mabuti’t dumating ka. Bibisitahin ako ng isang malayo kong kamag-anak na nananalig sa Panginoon. Bakit hindi tayo magtipun-tipon?” Masaya akong sumang-ayon. Hindi nagtagal, bumalik si Sister Hu na kasama ang kanyang kamag-anak. Nang makita kami ng sister na ito, masigla niya kaming binati. Bagama’t noon ko lang siya nakilala, medyo naging malapit ako sa kanya. Sabi niya, “Mayroong malawak na kapanglawan sa iglesia sa panahong ito. Walang maibigay na sariwa o bagong sermon ang mga mangangaral. Sa bawat pagtitipon, kapag hindi sila nagsesermon kung paano labanan ang Kidlat ng Silanganan, puro pakikinig lang sa mga tape at pagkanta ng mga himno. Ito lang ang nangyayari sa mga pagtitipon. Abala ang mga kapwa-manggagawa sa pag-aaway-away dahil sa inggit, nagsasabwatan at nagsasapakatan sila, lubha silang mapagmagaling na lahat at walang nakikinig sa kahit kanino. Negatibo at mahina ang mga kapatid, at nawalan na sila ng pananampalataya at pagmamahal. Marami nang tumalikod sa Panginoon upang balikan ang kamunduhan para kumita ng pera.” Sa aking kalooban gayon din ang pakiramdam ko, at habang tumatango, sinabi ko sa sister: “Ganito rin sa aking iglesia. Dati-rati, mayroon kaming 20 hanggang 30 katao sa bawat lugar ng pulong sa aming mga buwanang pagpupulong, ngunit ngayon may iilang matatanda na lang, at maging ang mga mangangaral ay binalikan na ang kamunduhan upang kumita ng pera! Wala nang kasiyahang makukuha sa mga pagpupulong.” Tumango ang sister at sinabi, “Ang ganitong uri ng sitwasyon ay hindi lang sa ilang iglesia umiiral, kundi isang di-pangkaraniwang bagay na laganap sa buong relihiyosong mundo. Ipinapakita nito na ang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi na matatagpuan sa loob ng iglesia, kaya nga maraming ginagawang labag sa batas palagi—tanda ito ng pagbabalik ng Panginoon. Katulad lang ito ng pagwawakas ng Kapanahunan ng Kautusan, nang ang templo ay naging lugar ng bentahan ng mga baka at palitan ng pera. Ito ay dahil tumigil na ang Diyos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain sa templo, at sa halip ay nagkatawang-tao bilang Panginoong Jesus upang isagawa ang isang bagong yugto ng gawain sa labas ng templo.” Nakinig akong mabuti, na tumatango paminsan-minsan. Patuloy na nagsalita ang sister, na sinasabi, “Sister, sa Lucas 17:24–26 sinasabi: ‘Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa Kanyang kaarawan. Datapuwa’t kailangan muna Siyang magbata ng maraming bagay at itakwil ng lahing ito. At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao.’ Paano mo ipinapakahulugan ang mga linyang ito ng Banal na Kasulatan?” Sandali ko itong pinag-isipang mabuti, at pagkatapos ay asiwa akong tumawa at sinabi ko: “Sister, hindi ba ang tinutukoy ng mga linyang ito sa Banal na Kasulatan ay ang pagdating ng Panginoon?” Tumugon ang sister, “Tinatalakay ng mga linyang ito ng Banal na Kasulatan ang pagdating ng Panginoon. Gayunman, hindi ito tumutukoy sa pagdating ng Panginoong Jesus noong araw. Bagkus, tumutukoy ang mga ito sa pagbalik ng Panginoon sa mga huling araw dahil, dito, napakalinaw na ipinopropesiya ng Panginoon kung ano ang mangyayari kapag nagbalik Siya sa mga huling araw. Sister, ngayon mismo nanlamig na ang pananampalataya ng mga mananampalataya sa iglesia, at sila ay negatibo at mahina. Ito ay dahil sa ang Diyos ay muling naging tao upang isagawa ang isang bagong yugto ng gawain. Sumulong na ang gawain ng Diyos, at lahat ng hindi sumusunod sa bagong gawain ng Diyos ay mawawalan ng gawain ng Banal na Espiritu.” Nang marinig kong sinabi ng sister na nagbalik na ang Panginoong Jesus, agad kong nahulaan na kabilang siya sa Kidlat ng Silanganan, at agad nanlumo ang puso ko. Naglaho ang ngiti sa aking mukha nang biglang pumasok sa aking isipan ang mga salita mula sa aking mga pinuno na nagsara ng iglesia: “Ang manalig kay Jesus ay ang maligtas, at kapag naligtas nang minsan, naligtas nang palagian! … Huwag mong tanggapin ang mga iyon mula sa Kidlat ng Silanganan! …” Nang sumaisip ko ang mga salitang ito mula sa aking mga pinuno, ninais kong magmadaling umuwi. Ngunit nang pumasok ang ideyang ito sa aking isipan, niliwanagan ako ng Panginoon sa pamamagitan ng pagpapaalala sa akin ng isang talata mula sa isang himno: “Si Jesus ang ating kanlungan, kapag may problema ka magtago sa piling Niya, kapag magkasama kayo ng Panginoon, ano’ng ikakatakot mo?” Iyon na nga! naisip ko. “Kung nasa tabi ko ang Panginoon, ano ang kailangan kong ikatakot? Ang mga bagay na aking kinatatakutan ay hindi nagmumula sa Diyos, nagmumula ito kay Satanas.” Pagkatapos nito, sinabi ng sister, “Kung may tanong ang sinuman, itanong lang ninyo. Kayang lutasin ng salita ng Diyos ang lahat ng problema at paghihirap natin.” Nang marinig kong sabihin ito ng sister, naisip ko sa sarili ko: “Maaaring hindi mo masagot sa mga tanong ko! Kailangan ko ngayong alamin kung ano ba talaga ang ipinapangaral ng Kidlat ng Silanganan, at kung paano nito nagawang nakawin ang napakaraming mabubuting tupa.”

Habang iniisip ko ito, nagdesisyon akong makilahok kaagad at magkusa, at sinabi ko: “Laging sinasabi ng ating mga pinuno na ipinako sa krus ang Panginoong Jesus para sa atin, at na naipalit na Niya ang Kanyang buhay upang tubusin tayo, at sa gayon ay naligtas na tayo. Nakatala sa Banal na Kasulatan: ‘Sapagka’t sa puso’y nananampalataya ang tao sa ikatutuwid; at ang ginagawang pagpapahayag sa bibig ay sa ikaliligtas’ (Roma 10:10). Dahil naligtas na tayong minsan naligtas na tayo magpakailanman, at hangga’t nagtitiis tayo hanggang wakas, kapag bumalik ang Panginoon siguradong madadala tayo sa kaharian ng langit. Ito ang pangako ng Panginoon sa atin. Samakatwid ay hindi natin kailangang tanggapin ang anumang bagong gawaing isinasagawa ng Diyos.”

Ngumiti ang sister at sinabi niya sa akin: “Iniisip ng maraming mananampalataya na ipinako sa krus ang Panginoong Jesus para sa atin, at na dahil ipinalit na Niya ang Kanyang buhay para tubusin tayo, naligtas na tayo. Naniniwala ang mga tao na ang maligtas nang minsan ay ang maligtas magpakailanman, na ang kailangan lang nating gawin ay magtiis hanggang wakas, at kapag bumalik ang Panginoon ay siguradong madadala tayo sa kaharian ng langit, at hindi natin kailangang tanggapin ang anumang bagong gawaing isinasagawa ng Diyos. Ngunit tama ba talaga ang paraang ito ng pag-iisip? Talaga bang naaayon ito sa kalooban ng Panginoon? Ang totoo, ang ideyang ito na ‘ang maligtas nang minsan ay ang maligtas magpakailanman, at kapag bumalik ang Panginoon ay madadala tayo sa kaharian ng langit’ ay pagkaintindi at imahinasyon lamang ng tao, at hindi talaga sang-ayon sa sinabi ng Panginoon. Ni minsan ay hindi sinabi ng Panginoong Jesus na yaong mga naligtas ng kanilang pananampalataya ay maaaring pumasok sa kaharian ng langit, kundi bagkus, sinabi Niya, ‘Kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit(Mateo 7:21). Ang maligtas at ang gawin ang kalooban ng Ama na nasa langit ay magkaiba. Kapag ang pinag-uusapan natin ay ang maligtas ng pananampalataya ng isang tao, itong maligtas ay tumutukoy sa pagpapatawad sa iyong mga kasalanan. Ibig sabihin, kung ang isang tao ay nararapat patayin ayon sa batas, ngunit lumapit sila sa Panginoon at nagsisi, at tinanggap nila ang pagliligtas ng Panginoon, patatawarin sila ng Panginoon sa kanilang mga kasalanan, at iwawaksi ng taong iyon ang parusa ng batas, at hindi na papatayin ayon sa batas. Ito ang totoong kahulugan ng maligtas. Ngunit ang maligtas ay hindi nangangahulugan na ang isang tao ay napalaya mula sa kasalanan at nalinis. Malalim ang karanasan nating lahat dito. Bagama’t maraming taon na tayong nananalig sa Panginoon, at madalas nating ikinukumpisal ang ating mga kasalanan sa Panginoon at nagsisisi tayo, at nagagalak at napapayapa rin na mapatawad sa ating mga kasalanan, madalas pa rin tayong nagkakasala nang di-sinasadya, at nakagapos tayo sa ating mga kasalanan. Totoo ito. Halimbawa, ang ating mga tiwaling disposisyon tulad ng kayabangan, panlilinlang, pagkamakasarili, kasakiman, kasamaan at iba pa ay patuloy pa ring umiiral; nawiwili pa rin tayong makisabay sa mga uso sa mundo, at naghahangad ng yaman at kasikatan, at ng mga kaluguran ng laman, at nag-iimbot tayo ng mga makasalanang kasiyahan. Upang maprotektahan ang ating mga personal na interes, kaya rin nating madalas na magsinungaling at manlinlang ng ibang tao. Samakatwid, ang maligtas ay hindi nangangahulugan na natamo na ng isang tao ang ganap na kaligtasan. Totoo ito. Nakatala sa Banal na Kasulatan: ‘Kayo nga’y magpakabanal, sapagka’t Ako’y banal(Levitico 11:45). Ang Diyos ay banal, kaya tutulutan ba Niya ang mga madalas magkasala at lumalaban sa Diyos na makapasok sa kaharian ng langit? Kung naniniwala ka na yaong mga naligtas ng kanilang pananampalataya ay maaaring makapasok sa kaharian ng langit, bakit sinasabi ng Panginoong Jesus ang sumusunod na mga salita? ‘Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan(Mateo 7:21–23). Bakit sinabi na kapag bumalik ang Panginoon, ihihiwalay Niya ang mga kambing sa mga tupa at ang mga panirang damo sa trigo? Samakatwid ay hindi makatwirang sabihin na yaong mga naligtas ng kanilang pananampalataya ay maaaring makapasok sa kaharian ng langit! Ganap na salungat ito sa mga salita ng Panginoong Jesus, at sinusuway nito ang mga salita ng Panginoon! Kaya, kung hindi natin tinatanggap at pinaniniwalaan ang salita ng Panginoon, kundi bagkus ay nakakapit tayo sa mga kamaliang ikinalat ng mga pastor at elder, at umaasa tayo sa sarili nating mga pagkaintindi at imahinasyon sa ating pananalig sa Diyos, hindi natin matutugunan kailanman ang hinihiling ng Panginoon, at hindi tayo madadala sa kaharian ng langit kailanman.”

Pinag-isipan ko ang mga salita ng sister at nadama ko na may malaking katuturan ang sinabi niya, kaya naupo ako roon at tahimik na nakinig. Patuloy na nagsalita ang sister: “Nahayag na ng salita ng Makapangyarihang Diyos ang hiwaga ng maligtas at magtamo ng ganap na kaligtasan, kaya tingnan natin ang salita ng Makapangyarihang Diyos at alamin kung ano ang sinasabi Niya tungkol dito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: ‘Sa panahong iyon, ang gawain ni Jesus ay ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Ang mga kasalanan ng lahat ng naniwala sa Kanya ay pinatawad; basta’t ikaw ay naniniwala sa Kanya, ikaw ay Kanyang tutubusin; kung ikaw ay naniniwala sa Kanya, wala ka na sa pagkakasala, ikaw ay pinawalang-sala na sa iyong mga kasalanan. Ito ang kahulugan ng maligtas, at mapawalang-sala ng pananampalataya. Ngunit sa mga naniwala, mayroon pa ring nanatiling mga mapanghimagsik at sumalungat sa Diyos, at kailangan pa ring dahan-dahang alisin. Ang kaligtasan ay hindi nangahulugan na ang tao ay lubusan nang nakamit ni Jesus, kundi na ang tao ay wala na sa kasalanan, na siya ay pinatawad na sa kanyang mga kasalanan. Basta’t ikaw ay naniniwala, hindi ka na kailanman nasa kasalanan pa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 2). ‘Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libu-libong taon ng pagtiwali ni Satanas sa kanya, nasa kanyang kalooban ang matatag na kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatuwid, kapag natubos na ang tao, ito ay walang iba kundi isang kaso ng pagtubos kung saan ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang may lason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi pa naaalis. Ang tao na lubhang nadungisan ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging malinis. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng luklukan ng Diyos. … Kahit na ang tao ay maaaring natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pag-alala ng Diyos sa mga paglabag ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga paglabag nito. Subalit, kapag ang tao na namumuhay sa katawang tao, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay maaaring magpatuloy lamang sa pagkakasala, inihahayag nang walang katapusan ang kanyang satanikong disposisyon. Ito ang buhay ng tao, isang walang-katapusang pagpapaulit-ulit ng kasalanan at kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw upang magtapat ng kasalanan sa gabi. Dahil dito, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakumpleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring tiwaling disposisyon. … Mas malalim kaysa kasalanan, ito ay itinanim ni Satanas at malalim na nag-ugat sa loob ng tao. Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan; wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim, at kailangan niyang umasa sa paghatol ng salita upang makamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao 4). ‘Ang alam mo lang ay bababa si Jesus sa mga huling araw, ngunit paano ba talaga Siya bababa? Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa nabago, o nagawang perpekto ng Diyos, makakaayon ka ba ng puso ng Diyos? Para sa iyo, na ang dating ikaw pa rin, totoo na ikaw ay iniligtas ni Jesus, at na ikaw ay hindi itinuturing na isang makasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay hindi makasalanan, at hindi marumi. Paano ka magiging banal kung hindi ka pa nababago? Sa iyong kalooban, puno ka ng karumihan, sakim ka at masama, ngunit ninanais mo pa ring bumaba na kasama ni Jesus—hindi ka ganoon kasuwerte! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananalig sa Diyos: Natubos ka pa lang, ngunit hindi pa nabago. Para maging kaayon ka ng puso ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain ng pagbabago at paglilinis sa iyo; kung ikaw ay tinubos lamang, wala kang kakayahang magtamo ng kabanalan. Dahil dito hindi ka magiging karapat-dapat na makibahagi sa magagandang biyaya ng Diyos, dahil nalaktawan mo ang isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na isang mahalagang hakbang sa pagbabago at pagperpekto. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang manahin ang pamana ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Pangalan at sa Pagkakakilanlan).”

Pagkatapos ay nagpatuloy ang sister sa kanyang pagbabahagi: “Mula sa salita ng Makapangyarihang Diyos, makikita natin na bawat yugto ng gawaing isinasagawa ng Diyos ay isinasagawa alinsunod sa mga pangangailangan ng tiwaling lipi ng tao. Sa pagtatapos ng Kapanahunan ng Kautusan, mas lalong ginawang tiwali ni Satanas ang tao at mas lalo silang nagkasala. Nilabag na ng tao ang mga kautusan ni Jehova at nanganib na batuhin hanggang sa mamatay at sunugin ng mga apoy ng langit. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan. Nagkatawang-tao Siya upang maging katulad ng makasalanang laman, at ipinako sa krus upang tubusin ang tao mula sa kasalanan. Kaya, hangga’t nananalig tayo sa Panginoong Jesus, maliligtas tayo, at hindi na maaalala ng Panginoon ang ating mga kasalanan. Maaari tayong dumiretso sa Diyos at manalangin sa Kanya, at magtamasa ng kasaganaan ng biyayang ipinagkakaloob Niya. Ngunit kahit natubos na tayo, hindi niyan pinapatunayan na wala tayong kasalanan. Tayo, ang lipi ng tao, ay nagawang tiwali ni Satanas sa loob ng libu-libong taon, at nag-ugat na nang malalim ang lason ni Satanas sa ating kalooban—naging buhay na natin ito at naging likas na sa atin. Kontrolado tayo ng ating likas na kasamaan, tulad ng kahambugan at kayabangan, panlilinlang at kabaluktutan, pagkamakasarili at kawalanghiyaan, at kasakiman at pagiging kasuklam-suklam. Nagagawa pa rin nating magsinungaling nang madalas, manlinlang, magkasala, at lumaban sa Diyos. Ito ang ugat ng ating paulit-ulit na pamumuhay na patuloy na nagkakasala at pagkatapos ay ikinukumpisal ang mga ito. Samakatwid, batay sa mga pangangailangan ng tiwaling lipi ng tao at plano ng pamamahala ng Diyos para sa pagliligtas ng sangkatauhan, naparito ang Diyos upang isagawa ang isang yugto ng gawain sa mga huling araw na hatulan at kastiguhin ang tao upang linisin tayo at baguhin ang ating mga tiwaling disposisyon, at sa huli ay aakayin ng Diyos sa Kanyang kaharian yaong mga nagtamo ng lubos na kaligtasan at nagawang perpekto. Kung kumakapit pa rin tayo sa pagkaintindi na ‘kapag naligtas nang minsan, naligtas nang palagian,’ at tumatanggi tayong tanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, hindi malilinis kailanman ang lason ni Satanas na nasa ating dugo, hindi natin matatamo kailanman ang lubos na pagliligtas ng Diyos, at hindi na pag-uusapan pa kung tayo ay maiaangat sa kaharian ng langit. Napakaseryoso ng mga kahihinatnang ito. Kaya, ngayon, sa mga huling araw na ito, sa pagtalikod lamang sa Kapanahunan ng Biyaya at pagtanggap sa gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw lubusang malilinis ang tao, magtatamo ng lubos na pagliligtas ng Diyos, at makakapunta sa isang magandang hantungan.”

Nang makinig ako sa pagbabahagi ng sister, naisip ko sa sarili ko: “Oo, napakapraktikal ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos. Nitong nakaraang ilang taon, hindi ba palagi akong nagkakasala sa araw at pagkatapos ay ikinukumpisal ko ang mga ito sa gabi. Talagang napatawad lang tayo sa ating mga kasalanan dahil sa ating pananampalataya sa Panginoon, ngunit naroon pa rin ang ating pagiging likas na makasalanan. Maaari pa rin tayong magkasala at lumaban sa Diyos. Ang Panginoon ay banal, kaya paano madadala sa kaharian ng langit yaong mga madalas magkasala at lumalaban sa Kanya? Nalutas ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang mga isyung ito na nakabigat sa aking isipan nang napakaraming taon. Talaga ngang nasa mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang mga katotohanang hinahangad natin. Maaari kaya na ang Makapangyarihang Diyos nga ang nagbalik na Panginoon? Talagang kailangan kong pag-aralan ito nang husto.”

Unti-unti akong naging kampante sa sister na ito, ngunit habang iniisip kong suriin ang mga bagay na napag-usapan namin, biglang may kumatok nang malakas at nag-aapura sa pinto. Humangos si Sister Hu para buksan ang pinto, at galit na pumasok ang aking pastor sa kuwarto. Tumingin siya sa akin, at pagkatapos ay sa sister na nagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos, at saka niya sinabi sa akin na may tono ng pagtataka at galit: “Ano ang ginagawa mo rito? Hindi ba sinabi ko sa iyo na huwag kang makinig sa mga sermon ng mga estranghero? Paano mo pa nagagawang magpunta rito at makinig sa kanila? Umuwi ka ngayon din, at huwag ka nang makinig ulit sa kanila. Kapag nalinlang ka, magiging huli na ang lahat para magsisi ka!” Nang makatapos ang pastor na pagalitan ako, saka siya lumingon upang takutin ang sister: “At kayong mga tao na nagpapalaganap ng Kidlat ng Silanganan, wala kayong ginagawa kundi magpunta sa aming iglesia at nakawin ang aming mga tupa! Umalis na kayo ngayon din! Kung hindi kayo aalis, hindi ko kayo igagalang!” Nang makita kong tratuhin ng pastor ang sister sa ganitong paraan, medyo nainis ako, kaya sinabi ko sa kanya, “Pastor, talagang may mga bagay na sinasabi ang sister na ito na talagang maganda, at ang sinabi niya ay naaayon sa Biblia. Pakiramdam ko talagang posible nga na ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoon. Bakit hindi mo ito pakinggan, at saka tayo magdesisyon. Bukod diyan, hindi ba sinasabi sa Biblia na, ‘Huwag maging makakalimutin sa pagpapatuloy sa mga estranghero: sapagkat sa pamamagitan nito ang iba’y walang malay na nakapagpatuloy ng mga anghel’ (Mga Hebreo 13:2)? Tayo na nananalig sa Panginoon ay kailangang magpakita ng kaunting habag, at hindi natin maaaring tratuhin ang mga tao sa ganitong paraan. Hindi ba labag sa mga turo ng Panginoon ang pagpapalayas nang ganito sa sister na ito?” Pagkatapos ay sinigawan ako ng pastor, “Ano ba ang nauunawaan mo? Naligtas na tayo na nananalig kay Jesus. Hindi na tayo kailangang iligtas ulit! Naparito sila upang nakawin ang ating kawan, kaya nga hindi natin sila dapat tanggapin!” Sa oras na ito ngumiti ang sister na nagpapalaganap ng ebanghelyo at nagsabi, “Naghihintay tayong lahat sa pagbabalik ng Panginoon, kaya bakit hindi tayo maupo at mag-usap? Kapag nakalagpas sa atin ang pagbalik ng Panginoon pagsisisihan natin ito nang lubusan—” Hindi na hinintay ng pastor na makatapos ng pagsasalita ang sister, at sinimulan niya itong itulak palabas, na sinasabing, “Tumigil ka na! Gaano ka man kahusay magsalita, hindi pa rin kita pakikinggan! Umalis ka na ngayon din!” At ganoon lang, itinulak, hinila at minura pa ng pastor ang sister para paalisin ito sa bahay. Nang makaalis ang sister, nilingon at binantaan ako ng pastor, na sinasabing, “Bilisan mong umuwi. Mula ngayon hindi ka na puwedeng makipag-ugnayan sa mga tao mula sa Kidlat ng Silanganan. Kung hindi, ititiwalag ka sa iglesia, at kapag nangyari iyan kailanma’y hindi ka na magkakaroon ng pagkakataong matanggap ang papuri ng Diyos at pumasok sa kaharian ng langit.” Dahil narinig ko na ang pagbabahagi ng sister, naunawaan ko na ang gawain ng Panginoong Jesus ay ang pagtubos, ngunit hindi ang pagdadalisay sa tao, at na kapag nagbalik ang Panginoon upang isagawa ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw, saka lamang Niya lubos na lilinisin at ililigtas ang tao. Kapag hindi tinanggap ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, hindi magbabago ang mga tiwaling disposisyon ng tao, at hindi niya matatamo ang lubos na pagliligtas ng Diyos, at hindi siya makakapasok sa kaharian ng langit. Samakatwid, walang gaanong epekto sa akin ang mga salita ng pastor, kaya nakisama na lang ako at tumango sa pakunwaring pag-ayon, at pagkatapos ay umuwi na ako.

Nang makauwi ako, patuloy kong inisip ang pagbabahaging ibinigay ng sister, at naisip ko sa sarili ko: “Lahat ng sinabi ng sister na iyon ay umaayon sa Biblia. Talagang wala akong katwirang maniwala na ‘kapag naligtas nang minsan, naligtas nang palagian’!” Ginunita ko ang lahat ng taon na nanalig ako sa Panginoon at napagtanto ko na patuloy akong namuhay sa isang kalagayan na magkakasala ako at pagkatapos ay ikukumpisal ko ang mga iyon, ngunit hindi ko nagawang lutasin ang problemang ito, at personal kong pinagdaanan ang maraming paghihirap. Pakiramdam ko patuloy akong nanalig nang ganito, pagkatapos sa huli ay hindi ko nagawang matamo ang papuri ng Diyos. Matapos makinig sa pagbabahagi ng sister, mas nakatiyak ako na kung gusto ng mga taong nananalig sa Panginoon na magtamo ng lubos na kaligtasan at makapasok sa kaharian ng langit, kailangan nga nila talagang tanggapin ang gawain na humahatol at naglilinis sa tao na isinasagawa ng nagbalik na Panginoong Jesus. Kaya nag-isip ako: Ano ba talaga ang gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw? At paano nililinis at binabago ng Makapangyarihang Diyos ang tao? Habang iniisip ko ang mga bagay na ito, binuklat-buklat ko ang Biblia hanggang sa makita ko ang isang sipi kung saan sinasabi ng Panginoong Jesus: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung Siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang Sarili; kundi ang anumang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating(Juan 16:12–13). Nabasa ko rin ito sa Biblia: “Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Diyos(1 Pedro 4:17). “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia(Pahayag 2:7). Nang mabasa ko ito, parang nagising ako sa wakas mula sa isang panaginip: Lumalabas na ipinropesiya ng Panginoong Jesus noong araw na sa mga huling araw ay magpapahayag ang Diyos ng mas marami tungkol sa katotohanan at magsasagawa ng isang bagong yugto ng gawain. Hindi ba ito ang Makapangyarihang Diyos na dumarating upang isagawa ang gawain ng paghatol at paglilinis sa tao? “Ah,” naisip ko, “kung hindi dumating ang pastor at nagsanhi ng malaking kaguluhan ngayon, patuloy sana akong nakapakinig na mabuti tungkol sa paraan ng Makapangyarihang Diyos. Dati-rati, palagi akong nakinig sa sinabi ng mga pastor at elder, at hindi ko hinanap o siniyasat kailanman ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Ginawa ko lang ang anumang sinabi ng mga pastor at elder. Ngayon ko lang napansin na wala akong puwang sa puso ko para sa Panginoon. Tungkol naman sa pagsisiyasat ko sa pagbalik ng Panginoon, hindi ko hinangad ang kalooban ng Panginoon kundi sa halip ay nakinig ako sa mga salita ng mga pastor at elder. Napakatanga ko! Tayo na nananalig sa Panginoon ay dapat Siyang purihin, at kailangan nating aktibong sundan ang mga yapak ng Diyos patungkol sa pagbalik ng Panginoon, sapagkat sa ganitong paraan lang tayo makakaayon sa kalooban ng Diyos. Nakita ko ngayon na ang mga kilos ng pastor ay talagang hindi naaayon sa kalooban ng Panginoon. Hindi ko na kayang pikit-matang makinig na lang sa sinasabi nila, kundi kailangan kong hanapin at siyasatin ang paraan ng Makapangyarihang Diyos.”

Kinabukasan ng umaga, ang una kong ginawa ay nagdesisyon akong magpunta sa bahay ni Sister Hu at hanapin ang sister na nagpalaganap ng ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos para patuloy siyang makapagbahagi. Sa gulat ko, bago pa man ako nakalabas ng pinto, dinala na ni Sister Hu ang sister sa bahay ko. Talagang ginabayan ito ng Panginoon. Tinanong muna niya ako nang may pag-aalala kung niligalig ako ng pastor kahapon o hindi, at sumagot ako nang buong katiyakan ng, “Hindi. Pagkatapos ng pagbabahagi kahapon, bumalik ako rito at pinag-isipan kong mabuti ang lahat, at napagtanto ko na hindi talaga tayo basta malilinis sa pamamagitan ng pananalig sa Panginoong Jesus. Naroon pa rin ang ating likas na katiwalian, at dahil doon ay hindi natin matatamo ang lubos na pagliligtas ng Diyos. Bukod pa riyan, nabasa ko rin ang isang sipi sa Biblia na talagang nagpopropesiya na babalik ang Panginoon upang isagawa ang Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw. Ang pinakanais kong malaman ngayon ay tungkol saan ba talaga ang gawain ng paghatol na isasagawa ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at kung paano kapwa lilinisin at babaguhin ng gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos ang tao?”

Natutuwang sinabi ng sister na, “Salamat sa Diyos! Ang iyong itinanong ay talagang napakahalaga, sapagkat may kinalaman ito sa mahalagang paksa kung ang pananampalataya natin sa Diyos ay bibigyan tayo ng kakayahang magtamo ng lubos na kaligtasan at makapasok sa kaharian ng langit o hindi. Tingnan muna natin kung ano ang sinasabi sa salita ng Makapangyarihang Diyos. ‘Ang gawain ng Diyos sa kasalukuyang pagkakatawang-tao ay upang ipahayag ang Kanyang disposisyon una sa lahat sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol. Batay sa pundasyong ito, naghahatid Siya ng dagdag na katotohanan sa tao at nagtuturo sa kanya ng iba pang mga paraan ng pagsasagawa, sa gayon ay nakakamit ang Kanyang layuning lupigin ang tao at iligtas siya mula sa kanyang sariling tiwaling disposisyon. Ito ang nasa likod ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita). ‘Pagdating sa salitang “paghatol,” malamang na maiisip mo ang mga salitang sinabi ni Jehova para turuan ang mga tao sa bawat rehiyon at ang mga salitang sinabi ni Jesus para tuligsain ang mga Fariseo. Bagamat matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao, mga salita lamang ito na sinabi ng Diyos sa loob ng magkakaibang mga kapaligiran, iyon ay, sa magkakaibang konteksto. Ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinabi ni Cristo ng mga huling araw habang hinahatulan Niya ang tao. Ang Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Partikular na, yaong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinasabi patungkol sa kung paano kinakatawan ng tao si Satanas, at naging puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang likas na pagkatao ng tao sa iilang salita lamang; inilalantad, pinakikitunguhan, at tinatabas Niya nang pangmatagalan. Ang lahat ng ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita, kundi ng katotohanang hindi man lang taglay ng tao. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay makamtan ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagkasuwail. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na magtamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin para matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan).”

Matapos basahin ang salita ng Diyos, nagbahagi ang sister, na sinasabing, “Sa pamamagitan ng salita ng Diyos nauunawaan natin na sa oras ng gawain ng paghatol ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, ginagamit ng Makapangyarihang Diyos ang maraming aspeto ng katotohanan upang ilantad at suriin ang tao. Gumagamit Siya ng mga salita upang ihayag ang tiwaling diwa at ang katotohanan tungkol sa katiwalian ng tao, para hatulan ang likas na kasamaan ng tao na lumalaban at nagtataksil sa Diyos, para linisin ang lahat ng uri ng katiwalian sa ating kalooban. Kabilang sa mga halimbawa ng gayong katiwalian ang pagiging puspos ng mga pagkaintindi at imahinasyon tungkol sa gawain ng Diyos, pagsukat sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng pagturing sa ating sariling mga pagkaintindi bilang katotohanan, at paghusga, pagtuligsa at paglaban sa Diyos ayon sa gusto natin. Ang isa pang halimbawa ay na, bagama’t maaaring nananalig tayo sa Diyos, wala talaga tayong ipinagkaiba sa mga hindi nananampalataya; lahat tayo ay nagsisikap na magtamo ng katanyagan at kayamanan, at handa tayong magbayad ng anumang halaga para dito, ngunit wala ni isang tao ang nabubuhay upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ang ating pananaw sa maraming bagay ay hindi rin naaayon sa Diyos, gaya ng ating paniniwala na hangga’t nananalig tayo sa Panginoon tayo ay maliligtas, at na kapag dumating ang Panginoon tayo ay madadala sa kaharian ng langit, samantalang ang totoo ay sinabi talaga ng Diyos na sa pagsunod lamang sa kalooban ng Diyos magagawang pumasok ng tao sa kaharian ng langit. Ilang halimbawa lamang ang mga ito ng katiwalian sa ating kalooban. Sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, ang mga tiwaling disposisyon na ito, ang mga maling pananaw at paraan ng pag-iisip na ito, at ang mga tuntunin ni Satanas sa buhay ay malilinis at mababago, at tunay tayong magiging masunurin sa Diyos. Kasabay nito, sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Diyos, makikita rin natin na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi pinalalagpas ang pagkakasala ng tao, malalaman natin kung anong klaseng tao ang mahal ng Diyos, anong klaseng tao ang kinasusuklaman ng Diyos, nauunawaan natin ang layon ng Diyos na iligtas ang tao, nagkakaroon tayo ng pagpipitagan sa Diyos, at nalalaman natin kung paano sisikaping matamo ang katotohanan at angkop na gampanan ang ating mga tungkulin para mapuri tayo ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagdanas at pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, mauunawaan natin ang maraming katotohanan. Halimbawa, nalalaman natin kung ano ang ibig sabihin ng magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, kung ano ang ibig sabihin ng tunay na makamit ang kaligtasan, kung ano ang ibig sabihin ng sundin at mahalin ang Diyos, at kung ano ang ibig sabihin ng sundin ang kalooban ng Diyos, at kung anu-ano pa. Ang ating mga tiwaling disposisyon ay magbabagong lahat sa iba’t ibang antas, at magbabago rin ang ating mga pananaw sa buhay at mga pinahahalagahan. Ito ang gawain ng paghatol at pagkastigo na isinasagawa ng Diyos sa atin, at masasabi mo rin na ito ang pagliligtas ng pagmamahal ng Diyos. Kaya, sa pagtanggap lamang ng paghatol sa harap ng luklukan ni Cristo ng mga huling araw—ang Makapangyarihang Diyos—natin matatamo ang katotohanan, at doon lamang tayo makakaalpas mula sa kasalanan, malilinis at magtatamo ng lubos na kaligtasan. Sister, nauunawaan mo ba ang pagbabahaging ito?”

Sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sa pagbabahagi ng sister, naunawaan ko ang gawain ng Diyos at ang Kanyang kalooban. Tumango ako, na lubhang naantig, at sinabi ko, “Salamat sa Diyos! Sa pakikinig sa salita ng Makapangyarihang Diyos, naunawaan ko na, sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang katotohanan ng Kanyang salita upang isagawa ang gawain ng paghatol at paglilinis sa tao. Lubhang malabo at hindi makatotohanan ang nakaraan kong mga pagsisikap. Nauunawaan ko na ngayon na sa pamamagitan lang ng pagtanggap sa gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw malilinis ng Diyos ang tao, magtatamo ng lubos na kaligtasan, at makakapasok sa kaharian ng langit. Ang Makapangyarihang Diyos ang nagbalik na Panginoong Jesus! Handa akong tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos upang mabago kaagad ang aking mga tiwaling disposisyon balang araw.” Matapos akong marinig na sabihin ito, masayang ngumiti ang sister, at patuloy na nagpasalamat sa Diyos.

Pinalaya ako ng mga salita ng Makapangyarihang Diyos sa mga pagkaintinding itinanim ko sa aking isipan, at ipinakita nila sa akin ang paraan para maiwaksi ko ang aking mga tiwaling disposisyon at malinis ako. Naramdaman ko na malinaw na ang aking direksyon at mithiin sa pagsisikap na magtamo ng lubos na kaligtasan, masaya at matatag, at napalaya ang aking espiritu. Nang tumingin ako sa labas ng bintana, napansin ko kung gaano kaliwanag at kaaliwalas ang langit sa araw na iyon. Napaluhod ako sa lapag at nanalangin sa Diyos: “Diyos ko, nagpapasalamat ako sa Iyo. Ang maging mapalad nang sapat para makasalubong ako sa Iyong pagbalik at makasaksi sa Iyong pagpapakita habang buhay pa ako ay napakalaking pagpapala! Ngunit ako ay bulag at mangmang, sapagkat naniwala ako sa mga tsismis na ikinalat ng mga pastor at elder, kumapit ako sa aking mga pagkaintindi at imahinasyon, at muntik na akong mawalan ng walang-hanggang kaligtasan! Diyos ko, napakamangmang at napakamanhid ko! Handa akong magsisi, at pinahahalagahan ko ang napakabihirang pagkakataong magtamo ng lubos na kaligtasan. Handa rin akong magdala ng mas maraming kapatid sa Iyong presensya upang matamo nila ang Iyong pagliligtas! Amen!”

Sinundan: 29. Ang Mainit na Liwanag Pagkaraan ng Madilim na Lagusan

Sumunod: 31. Isang Maliit na Dahon ng Damong Tumubo Kasama ng mga Palumpong

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito