Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay
Sa kasalukuyan, lahat ba kayo ay may landas at paglago kaugnay sa inyong pagpasok sa buhay? Alam ba ninyo kung ano ang mga palatandaan ng paglago sa pagpasok sa buhay? Aling mga pagbabago sa espirituwal ninyong kalagayan, o aling mga pagpapamalas na iba sa dati mong taglay ang nagpaparamdam sa iyo na mayroon kang paglago sa buhay, o nagpapakita sa mga kapatid na lumago ka na, at na nagsimula nang magbago ang disposisyon mo? Kung titingnan ang espirituwal na kalagayan, kapag nararanasan ng isang tao ang paglago sa kanyang pagpasok sa buhay, hindi na siya nalalabuan tungkol sa pananampalataya sa Diyos, hindi siya nag-aalinlangan, at may landas siyang susundan; alam niyang para sa kaligtasan ang pananampalataya sa Diyos, at alam niya na tanging ang mga naghahangad sa katotohanan ang makapagtatamo ng kaligtasan. Nakapagdudulot ng kapayapaan at kaginhawahan sa puso ng mga tao ang makita nang malinaw at matahak muna ang landas na ito. Mayroon ba kayo ng kapayapaan at kaginhawahang ito sa inyong mga puso ngayon? (Oo. Kapag may nakakaharap kaming mga tao, pangyayari, o bagay, at nagagawa naming maarok ang mga layunin ng Diyos at makita na isinaayos ang mga sitwasyong ito nang partikular para sa mga bagay na wala kami—na ito ang mga bagay na kailangan namin—sa pagkakataong iyon, nakakaramdam kami ng kapanatagan ng isip. Pero kapag nakakatagpo kami ng mga paghihirap at hindi namin alam kung paano harapin ang mga ito, naaalarma kami.) Kahit ano pang kalagayan ang karaniwang mayroon kayo sa loob ninyo kapag nasusuong kayo sa mga paghihirap, lawakan muna ninyo ang inyong paningin: Sa puso ninyo, hindi ba ninyo naiisip na tama ang pagpili sa landas ng pananalig sa Diyos, na ito ay ganap na likas at may katwiran? Hindi pa ba ninyo natukoy na ang landas na ito ang siyang tama para sa buhay? Wala ba kayong paninindigan at tibay ng loob na magpatuloy, nang hindi nagdadalawang-isip? Hindi ba’t ganito ang kalagayan ninyo? (Ganito nga.) Ito’y isang nagbabagong aspeto, kung saan ito ang unang pahiwatig na lumalago ang inyong buhay. Dagdag pa rito, kung pag-uusapan ang maraming bagay—halimbawa, ang mga tao, ang mundo, ang lipunang ito, ang landas ng buhay, ang mga mithiin at direksyon sa buhay, ang kahulugan at mga prinsipyong mayroon ka sa buhay—may anumang pagbabago ba sa inyong mga isipan at pananaw? (May ilan namang pagbabago.) Kapag regular na nakikinig ang mga tao sa mga sermon, nagkakaroon ng ilang pagbabago sa pagganap ng kanilang tungkulin, sa kanilang asta at pag-uugali, at sa kanilang mga kaisipan; pero tunay ba silang nagbabago sa kanilang mga pananaw sa mga tao, bagay-bagay, at mga mithiin at direksyon sa buhay? Kung magbago man sila sa aspetong ito, may kaugnayan dito ang pagpasok sa buhay. Ang antas ng iyong pagbabago ay katibayan ng kung gaano kalaki ang pagpasok sa buhay na mayroon ka. Marami pa ring tao ang naguguluhan tungkol sa aspetong ito ng mga bagay-bagay. Hindi nila alam kung paano tingnan ang mga tao o ang mga bagay-bagay, ni hindi nila alam kung paano danasin ang mga bagay-bagay at ang mga sitwasyong nakakaharap nila. Kumpara noong bago sila manampalataya sa Diyos, sa panlabas tila tinanggap nila ang ilang tamang pananaw, na nakaayon sa katotohanan, pero hindi nila alam kung paano gamitin ang mga ito kapag may nasasagupa silang mga isyu, at hindi nila maiugnay ang mga ito sa mga naturang isyu. Tunay bang pagbabago ito? (Hindi.) Hindi ito tunay na pagbabago. Gaano karami na bang pahiwatig ang nabanggit para malaman kung nakaranas ba o hindi ang isang tao ng paglago sa kanyang pagpasok sa buhay? (Dalawa.) Ito ang unang dalawang pahiwatig, na may kinalaman sa katotohanan ng mga pangitain at teorya.
Kapag pinagpapasyahan kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang pagpasok sa buhay o hindi, may ilan pang pahiwatig na may kinalaman sa pagsasagawa. Unang-una, ang pinakapanimula at pinakapangunahing pahiwatig ay ito: Sa araw-araw, kahit ano pa ang pinagkakaabalahan mo o anumang tungkulin ang ginagawa mo, gaano katagal na kalmado ang puso mo sa harapan ng Diyos, at namumuhay sa Kanyang presensiya. Napakahalaga ng proporsyong ito. Kung ginugugol mo halos ang buong maghapon mo sa pagiging abala sa mga panlabas na bagay at sa pagtatrabaho para sa iyong pamumuhay, nang hindi naglalaan ng ilang oras para magbasa ng mga salita ng Diyos o manalangin sa Kanya, at nang hindi inilalaan ang iyong isipan sa pagninilay-nilay sa katotohanan, kung gayon, hindi normal ang ugnayan mo sa Diyos; walang puwang ang Diyos sa puso mo, at hindi mo itinuturing na isang mahalagang bagay ang pananampalataya sa Diyos. Kung palaging namumuhay ang iyong puso sa ganoong kalagayan, lalo kang malalayo sa Diyos, mababawasan nang mababawasan ang pananalig mo sa Kanya, at magiging negatibo at mahina ka kapag may mga bagay na nangyayari sa iyo. Kapag nangyari ito, lalong magiging hindi normal ang panloob mong kalagayan. Ibig sabihin, nasa isang kondisyon ka man ng pananampalataya sa Diyos o wala, taglay mo man o hindi ang normal na kalagayang dapat mayroon ang isang mananampalataya sa Diyos, kung gaano karaming oras kang namumuhay sa ganitong normal na kalagayan, at bukod pa sa maraming isyu ng pisikal na buhay na umuukopa sa iyong puso, kung gaano karaming oras ang ginugugol mo sa harap ng Diyos—ito ang unang pahiwatig sa pagsasagawa. Bukod sa pisikal nilang buhay, napakakaunting oras lamang ang ginugugol ng ilang tao sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos o sa pagbabahagi ng katotohanan. Kadalasan, ginugugol nila ang kanilang buhay sa mga panlabas na gawain, at namumuhay sa kalayawan. Hindi ba’t pamumuhay ito sa tiwaling disposisyon? Kung madalas namumuhay ang isang tao sa tiwaling disposisyon, titindi ang paglaban at pagrerebelde niya sa Diyos, na hahantong sa isang hindi normal na ugnayan sa Diyos, na katumbas ng hindi pagkakaroon ng ugnayan sa Kanya. Kaya, mahalaga ba ang pagpapanatili at pagtataguyod ng normal na ugnayan sa Diyos o hindi? (Mahalaga ito.) Gaano ito kahalaga? Saan ito mahalaga? (Kung walang puwang ang Diyos sa puso ng isang tao habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, kung gayon ay umaasa siya sa kanyang sarili, at hindi ito pagsasagawa ng katotohanan. Hindi siya magkakaroon ng pagpasok sa buhay sa ganitong paraan.) Marahil nauunawaan ninyo ito sa teoretikal na antas, pero hindi kayo makapagsalita nang malinaw sa praktikal na aspeto; ibig sabihin niyon, hindi ito masyadong malinaw sa karamihan ng mga tao at hindi nila nauunawaang mabuti ang aspetong ito ng katotohanan, at kaunting kaalaman lang din ang mayroon ka ukol dito, tama ba? (Tama.) Kung gayon, tatanungin Ko kayong lahat, kung malimit na walang kaugnayan ang isang nananalig sa pananampalataya sa Diyos o sa Diyos Mismo sa kanyang mga kilos, salita, inaasal, o sa pagganap ng kanyang tungkulin, magkakaroon ba ng anumang kinalaman sa katotohanan ang lahat ng ginagawa niya? (Wala.) Para kanino niya ginagawa ang lahat ng ito? Sa anong pundasyon ito nabuo? Saan galing ang kanyang pinagmumulan, mga motibasyon, mithiin, at prinsipyo? Kung walang kakayahan ang isang tao na magkaroon ng normal na ugnayan sa Diyos, at walang kinalaman sa Diyos ang anumang bagay na ginagawa niya, sa ano siya umaasa para kumilos? Ano ang pinagmumulan ng kanyang mga kilos? (Ang mga satanikong pilosopiya.) Umaasa siya sa mga satanikong pilosopiya para kumilos, napakalinaw niyon. Kung walang kinalaman sa Diyos ang ikinikilos at isinasabuhay ng isang tao habang siya ay kumikilos at gumagawa ng kanyang tungkulin—ipinapahiwatig nito na wala siyang kaugnayan sa katotohanan—kung gayon, sa anong bagay siya umaasa habang nagpapakaabala siya araw-araw? Umaasa siya sa mga lason ni Satanas at sa kanyang sataniko at tiwaling disposisyon para kumilos, gumanap ng kanyang tungkulin, mamuhay, at umasal. Ito ang pangatlong pahiwatig para masukat kung may paglago ba sa pagpasok sa buhay ang isang tao o wala—sa madaling salita, ito ay kung may normal na ugnayan ba sa Diyos ang isang tao o wala.
May isa pang pahiwatig ng pagsasagawa na magagamit para matukoy kung naranasan ba ng isang tao ang paglago at pagbabago sa kanyang pagpasok sa buhay. Maiisip ba ninyo kung ano ito? (Hindi ba’t kapag may nangyayari sa kanya, naniniwala siyang pinangangasiwaan at isinasaayos ito ng Diyos, at siya’y may mapagpasakop na puso?) Tama iyon, pagkakaroon ito ng mapagpasakop na puso; napagpapasyahan ito sa pamamagitan ng pagtingin sa kung gaano mapagpasakop ang isang tao sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap niya, at kung hanggang saan niya kayang magpasakop. Kaya man ng isang taong magpasakop o hindi kapag may nangyayari sa kanya, kung hanggang anong antas siya nakapagpapasakop, at pagkatapos niyang makapagpasakop sa lahat ng pangangasiwa ng Diyos, anong katotohanan ang natatamo niya—aling aspeto ng pagpasok sa buhay ng isang tao ang sinusubok nito? (Sinusubok nito kung may tunay ba siyang pananalig o wala.) Sinusubok nito kung tunay ba siyang nananampalataya sa Diyos, at sinusubok nito kung gaano kalaki ang kanyang pananalig sa Diyos; iyon ay isang parte nito. May iba pa ba? (Ang pagkatakot sa Diyos.) Sinusubok nito kung ang mga tao ay mayroong pusongtakot sa Diyos o wala, isa pang parte nito iyon. Ano pa? (Kung mahal ba nila ang katotohanan o hindi.) Tama iyon, sinusubok din nito kung mahal nila ang katotohanan o hindi, kung nagagawa ba nilang isagawa ang katotohanan o hindi. Lahat-lahat, tatlong aspeto iyon. Nagagawa mo mang magpasakop o hindi ay nakadepende sa kung anong saloobin ang mayroon ka kapag may nangyayari sa iyo, kung nilalabanan mo ba o tinatanggap; iyon ang pinakapangunahing bagay. May mga pagkakataon na kapag may nangyari, maaaring may mapagpasakop kang saloobin, pero kung hindi umaayon ang naturang bagay sa iyong mga kuru-kuro, medyo hindi madali para sa iyo na magpasakop; kung umaayon ito sa iyong panlasa at maaaring makinabang ka mula rito, mas madali para sa iyo na magpasakop. Hindi ba’t nangangahulugan itong hindi sapat ang iyong pagpapasakop? Ang paminsan-minsan o pansamantalang pagpapasakop ba’y tunay na pagpapasakop sa Diyos? Kaugnay sa kung ano ang nagmumula sa Diyos at sa mga pagsasaayos ng Diyos, may ilang bagay na nagagawa mong tanggapin, at ibang mga bagay naman na hindi mo kayang tanggapin. Problema ito. Hindi ba’t malinaw na pagrerebelde ito laban sa Diyos? Halimbawa, sabihin na nating sinabihan ka ng Diyos na magulo ang isip, ano ang magiging reaksyon mo? Iisipin mo saglit, “Siguradong hindi nagkakamali ang mga salita ng Diyos,” at tatanggapin mo ito sa iyong puso, at mag-a-amen sa salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, nasa mga walumpu o siyamnapung porsiyento kang mapagpasakop, pero habang nasa prosesong nararanasan mo ito, maaaring nararamdaman mo paminsan-minsan na matalino ka naman, at hindi magulo ang isip—ito iyong sampung porsiyentong natitira, na pumipigil sa iyo na tuluyang magpasakop. Normal ang ganitong uri ng kalagayan. Sa anong punto ng karanasan ganap mong mauunawaan ang kasabihang ito? (Balang araw, kapag nabunyag na tayo, mapagtatanto natin na magulo ang isip natin, at may tunay na pagkakilala sa ating sarili.) Tama iyon. Kapag may kaunti kang pagkakilala sa sarili mong kalikasan, disposisyon, at mga prinsipyo ng kilos, pati na sa kalidad ng iyong pagkatao at iyong kakayahan, atbp., mapagtatanto mo na: “Magulo ang isip ko! Hindi man lang malinaw ang mga iniisip ko, ni hindi ako nagsasalita nang malinaw; hindi ko hinaharap nang maayos ang mga bagay-bagay, at iniraraos ko lang ang mga bagay-bagay na nangyayari sa akin sa magulong paraan; wala akong sineseryosong bagay, at kung magseryoso man ako, hindi ko ito maunawaan—ganoon ang isang taong magulo ang isip!” Habang mas dumaranas ka, lalo mong mararamdaman na tama ang mga salita ng Diyos, na nagsasalita Siya sa iyo; lalo kang magpapasakop sa mga salitang ito. May proseso ng pagtanggap ang mga tao patungkol sa mga salitang ito, pero ano ang unang bagay na nais ng Diyos? Kapag sinabi ng Diyos na magulo ang isip mo, nais ba Niya ng isang saloobing lumalaban, at pabasta-basta, o ng isang saloobing marunong tumanggap mula sa iyo? (Isang saloobing marunong tumanggap.) Nais ng Diyos na ang mga tao ay magkaroon ng saloobing marunong tumanggap. Dapat magkaroon ang mga tao ng ganoong kalagayan, na kung saan kahit gaano pa karami ang nalalaman nila, dapat muna silang matutong tumanggap at magpasakop. Bagamat maaari mong isipin na medyo magulo lang ang isip mo, hindi naman lubos na magulo gaya ng sinasabi ng Diyos sa iyo, gayunpaman ay dapat mong tanggapin ito. Sa proseso ng pagdanas, sa proseso ng paghahangad ng pagbabago sa disposisyon, unti-unti kang magkakaroon ng pagkakilala tungkol sa sarili mong pagkatao, sa mga pagbubunyag ng tiwali mong disposisyon, sa iyong mga saloobin at sa mga resulta ng iyong mga kilos, at sa lahat ng kalagayang mayroon ka habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin. Mapagtatanto mo na hindi ka lang pala medyo magulo ang isip, kundi talagang magulo ang isip mo, at hindi medyo hangal lang. Sa pagkakataong ito, hindi ka magkakaroon ng mga kaisipan o paglaban sa magulo ang isip na inilantad ng Diyos, ni hindi ka magkakaroon ng anumang kuru-kuro, at magagawa mong tanggapin ito. Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Tinatanggap mo ba bilang katunayan ang paglalantad ng Diyos, o tinatanggap ito bilang pagsumpa sa iyo? (Bilang katunayan.) Kung gayon, tinatanggap mo ba ito bilang katotohanan? Sa realidad, umaayon sa mga katunayan ang mga paglalantad ng Diyos sa tao, ito ang katotohanan, at dapat tanggapin ito ng mga tao bilang ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na: “Ang salitang ‘magulo ang isip’ ba ay katotohanan?” Paano ba ipaliwanag ito? Sa realidad, hindi naman ang salitang ito ang katotohanan, kundi ito ang diwa ng salitang ito—ang depinisyon at pagsusuri ng Diyos sa ganitong uri ng disposisyon ang katotohanan. Iyon ang katunayan ukol sa bagay na ito. Ang sabihing magulo ang isip ninyo, matatanggap naman ninyo ito batay sa kasalukuyan ninyong tayog. Nakakasama ba ng loob ang mga salitang “magulo ang isip”? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil totoo naman ito.) Maaaring hindi ganoon ang iniisip ng ilang tao sa kanilang puso, at sinasabi nila na: “Ang mga salitang ‘magulo ang isip’ ay halos elegante at sibilisado, at hindi ito isang sumpa, kaya bakit hindi natin ito tatanggapin? Marami na kaming narinig na mas mararahas na salita kaysa rito—kaya naming tanggapin ang mga iyon, kaya gaano pa kaya namin matatanggap ang ganito kaeleganteng salita?” Hindi ba’t ang ipinapahiwatig nito’y hindi madaling sumama ang loob ninyo, kaya naman tila hindi nakakasakit sa inyo ang ganito kaelegante, at kasibilisadong salita? Ganoon ba talaga iyon? Ang totoo, hindi. Elegante man o marahas ang isang salita, kung iniisip mong hindi ka ganoong tao, kung hindi mo alam kung tama ba o mali ang mga salita ng pagsusuri, kung iyon ba ang diwa mo o hindi, kahit kaaya-aya pa at elegante ang salita, hindi mo magagawang tanggapin ito. Ito ay may kinalaman sa problema ng kung kaya bang tanggapin ng isang tao ang katotohanan o hindi, at gayundin sa problema ng kung may tunay ba siyang pagkakilala sa sarili niyang kalikasang diwa o wala. Nakarinig na kayo ng mas mararahas na salita noon, at tinanggap, tiniis, at sinang-ayunan ninyo ang mas mararahas pa, kaya wala na lang sa inyo ang hindi gaanong marahas na salitang “magulo ang isip,” pero sa realidad, hindi talaga ninyo ginagamit ang salita sa inyong sarili. Hindi ito isang saloobin ng tunay na pagpapasakop at pagtanggap. Kung talagang matatanggap mo ang salitang ito bilang ang katotohanan at ginagamit mo ito sa iyong sarili, lalong lalalim ang pagkakilala mo sa iyong sarili. Kapag tinatawag ka ng Diyos na magulo ang isip, hindi Niya hinihingi sa iyo na tanggapin ang isang pahayag, o salita, o pakahulugan—hinihingi Niya na unawain mo ang katotohanang nakapaloob dito. Kaya kapag may tinawag nga ang Diyos na magulo ang isip, anong katotohanan ang nakapaloob dito? Nauunawaan ng lahat ang mababaw na kahulugan ng salitang “magulo ang isip.” Ngunit pagdating sa mga pagpapamalas at disposisyon ng isang taong magulo ang isip, kung alin sa mga bagay na ginagawa ng mga tao ang dulot ng magulong isipan at alin ang hindi, kung bakit inilalantad ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan, kung maaari bang humarap sa Diyos ang mga magulo ang isip o hindi, kung kaya bang kumilos ng mga magulo ang isip ayon sa prinsipyo o hindi, kung kaya ba nilang maunawaan o hindi kung ano ang tama at ano ang mali, kung kaya ba nilang makilatis o hindi kung ano ang minamahal ng Diyos at ano ang kinasusuklaman ng Diyos—kadalasan, hindi malinaw sa mga tao ang mga bagay na ito; para sa kanila ay malabo ang mga ito at hindi maliwanag, ganap na hindi malinaw. Halimbawa: Kadalasan ay hindi alam ng mga tao—hindi malinaw sa kanila—kung ang paggawa ba ng isang bagay sa isang partikular na paraan ay pagsunod lamang sa mga regulasyon, o pagsasagawa ng katotohanan. Ni hindi nila alam—ni hindi malinaw sa kanila—kung ang isang bagay ba ay minamahal ng Diyos o kinasusuklaman ng Diyos. Hindi nila alam kung ang pagsasagawa sa isang partikular na paraan ay nakakalimita sa mga tao, o normal na pagbabahagi ng katotohanan at pagtulong sa mga tao. Hindi nila alam kung ang mga prinsipyo ba sa likod ng paraan ng pagkilos nila sa mga tao ay tama, at kung sinusubukan ba nilang magkaroon ng mga kakampi, o tumulong sa mga tao. Hindi nila alam kung ang pagkilos ba sa isang partikular na paraan ay pagsunod sa isang prinsipyo at paninindigan sa kanilang posisyon, o pagiging mayabang at mapagmagaling, at pagpapakitang-gilas. Kapag wala silang ibang magawa, mahilig tumitig sa salamin ang ilang tao; hindi nila alam kung ito ba ay narsisismo at banidad, o kung ito ay normal. Ang ilang tao ay mainitin ang ulo at ang mga personalidad nila ay medyo kakatwa; masasabi ba nila kung ito ba ay may kaugnayan sa pagkakaroon nila ng masamang disposisyon? Ni hindi makita ng mga tao ang kaibhan sa pagitan ng mga bagay na ito na karaniwang nakikita, karaniwang nakakaharap—subalit sinasabi pa rin nila na napakarami nilang nakamit sa pananalig sa Diyos. Hindi ba’t ito ay pagiging magulo ng isipan? Kaya matatanggap ba ninyong matawag na magulo ang isip? (Oo.) Sa kasalukuyan, mukhang kaya naman itong tanggapin ng karamihan sa mga tao. Ano ang dapat ninyong gawin pagkatapos na tanggapin ito? Dapat ninyong ikumpara ito sa sarili ninyong kalagayan at partikular na suriin kung sa aling mga bagay nagiging magulo ang isip ninyo, at kung sa alin nagiging malinaw ang inyong pag-iisip. Ikumpara ninyo ito sa sarili ninyong kalagayan, hukayin ang sarili ninyong katiwalian, at pagkatapos ay kilalanin ang inyong sarili sa mga bagay na ito, at pagsumikapang mahanay sa mga magulo ang isip. Ano ang masasabi ninyo sa ganitong uri ng pagsasagawa? Ang kaalamang ito ba ay kabuuan? (Hindi. Dapat naming hanapin ang katotohanan, at makaranas ng pagbabago sa aspetong ito.) Tama iyan. At nais ba ninyong maging magulo ang isip sa buong buhay ninyo? (Hindi.) Walang sinuman ang nais na maging magulo ang isip. Sa katunayan, ang pagbabahagi at pagsusuri sa ganitong paraan ay hindi para pasubukan sa iyo na iklasipika ang sarili mo na isang taong magulo ang isip; paano ka man ilarawan ng Diyos, ano man ang ilantad Niya tungkol sa iyo, paano ka man Niya hatulan, kastiguhin, at pungusan, ang sukdulang layunin ay tulutan kang matakasan ang mga kalagayang iyon, maunawaan mo ang katotohanan, matamo ang katotohanan, at sikaping hindi maging magulo ang isip. Kaya ano ang dapat mong gawin kung ayaw mong maging magulo ang isip? Kailangan mong hangarin ang katotohanan. Una sa lahat, kailangan mong malaman kung saang mga bagay nagiging magulo ang isip mo, kung saang mga bagay ka palaging nangangaral ng doktrina, palaging nagpapaligoy-ligoy tungkol sa teorya at mga salita at doktrina, at natutulala kapag nahaharap ka sa mga katunayan. Kapag nilutas mo ang mga problemang ito at naging malinaw sa iyo ang bawat aspeto ng katotohanan, mababawasan ang mga pagkakataon na nagiging magulo ang isip mo. Kapag mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa bawat katotohanan, kapag malaya kang nakakakilos sa lahat ng ginagawa mo, kapag hindi ka napipigilan o nahihigpitan—kapag, may nangyari sa iyo, kaya mong matagpuan ang mga tamang prinsipyo ng pagsasagawa at talagang kaya mong kumilos ayon sa prinsipyo matapos magdasal sa Diyos, hanapin ang katotohanan, o makatagpo ng isang taong makapagbabahagi sa iyo, hindi na magiging magulo ang isip mo. Kung malinaw sa iyo ang isang bagay, at kaya mong isagawa nang tama ang katotohanan, hindi na magiging magulo ang isip mo pagdating sa bagay na iyon. Kailangan lamang maunawaan ng mga tao ang katotohanan para natural na maliwanagan ang kanilang puso.
Sinasabi ng Diyos na magulo ang isip ng ilang tao, at sa simula, maaaring hindi nila magawang tanggapin ito, pero pagkalipas ng ilang panahon, napagtatanto nilang wala nga talaga silang malinaw na nauunawaan; hindi sila marunong kumilatis ng mga huwad na lider at anticristo; pakiramdam nila ay napakagulo ng isip nila, at mababa ang kanilang kakayahan, kaya tinatanggap nila ito at nagpapasakop sila. Medyo kaaya-aya namang pakinggan, at elegante ang salitang “magulo ang isip,” at kailangan lumipas muna ang ilang panahon bago ito matanggap ng mga tao; maaaring mas mahirap para sa kanila na tanggapin ang hindi gaanong kaaya-ayang pakinggan, at hindi eleganteng mga salita. Sa mga salita ng Diyos, ang ilan ay talaga namang tumpak na naglalantad at humahatol sa mga tao; mas marahas pa ang mga ito. Masyadong maliit ang tayog ng karamihan sa mga tao para matanggap ang mga ito. Pagkatapos na marinig ang mga ito, nasasaktan sila at hindi natutuwa; pakiramdam nila ay napinsala ang kanilang dignidad, na naagrabyado at nasugatan ang kanilang pusong kulang pa sa gulang. Aling mga salita ang talagang hindi komportable para sa inyo na marinig, dahilan para mapaisip kayo na hindi dapat sabihin ng Diyos ang mga salitang ito, at hindi ninyo makakayang tanggapin? Halimbawa: basura, uod, masagwang demonyo, mababa pa kaysa sa baboy o mga aso, halimaw, atbp. Tila hindi madali para sa karamihan sa mga tao na tanggapin ang mga salitang ito. Madalas bang nagsasabi ng gayong mga salita ang mga sibilisadong tao? May pinag-aralan kayong lahat. Binibigyang-pansin ninyong lahat ang pagiging pino at payak sa inyong pananalita, at maging sa paraan ng inyong pagsasalita: Maingat kayong magsalita, at natuto na kayong hindi sirain ang dignidad at dangal ng iba. Sa inyong mga salita at kilos, tinutulutan ninyo ang mga tao na makakilos nang malaya. Ginagawa ninyo ang lahat ng makakaya ninyo para mapanatag ang mga tao. Hindi ninyo inilalantad ang kanilang mga pilat o pagkukulang, at sinisikap ninyong huwag silang masaktan o mapahiya. Gayon ang interpersonal na prinsipyong pinagbabatayan ng kilos ng karamihan sa mga tao. At anong klaseng prinsipyo ito? (Ito ang pagiging mapagpalugod sa mga tao; ito ay mapanlinlang at madulas.) Ito ay tuso, madulas, mapanlinlang, at mapanira. Nakatago sa likod ng nakangiting mukha ng mga tao ang maraming malisyoso, mapanira, at kasuklam-suklam na bagay. Halimbawa, kapag nakikihalubilo sa iba, ang ilang tao, pagkakita na may kaunting katayuan ang taong iyon, iniisip nila sa kanilang puso: “Kapag nakikipag-usap ako sa kanila, kailangan kong pumili ng kaaya-ayang pakinggang mga salita, kung hindi, baka mapinsala ko ang kanilang reputasyon—paano kung parusahan nila ako?” Hindi na lang tuloy sila nagsasalita, o kung magsalita man sila, ginagawa nila ito sa mataktika, kaaya-ayang pakinggan, at nambobolang paraan. Kapag nagkikita sila, sinasabi nilang: “Aba! Wala pa akong nakitang kasingganda mo. Diwata ka ba? Napakaganda mo, hindi mo na kailangan ng makeup; kung maglalagay ka ng makeup, lalo ka pang mamumukod-tangi. Tingnan mo ang tindig mo, lahat ng suotin mo ay bagay na bagay sa iyo! Dinisenyo yata talaga para sa mga taong kagaya mo ang ganyang kagandang-tingnan, at kaakit-akit na mga damit!” Talagang nagsasalita sila nang kaaya-aya, kaya sinumang makakarinig sa kanila ay mapapanatag ang loob, pero iniisip ba nila ang mga bagay na iyon sa kanilang puso? (Hindi.) Ano talaga ang iniisip nila? Siguradong may mga intensyon at lihim silang motibo, na tiyak namang kahiya-hiya; maaaring sadyang nakakatakot, buktot, o kasuklam-suklam ang mga ito, dahilan para kamuhian sila ng iba. Sa sandaling maghiwa-hiwalay na sila, nagsasalita sila ng masama sa iba tungkol sa taong iyon, sinasabi ang anumang masasakit at nakakapoot na bagay na maiisip nila tungkol sa taong iyon. Naglalaman ng pambabatikos ang kanilang mga salita, isang kamandag! Ang mga salita ng pambobola na kasasabi lang nila ay nagiging sanhi para maasar sila at hindi pumayag; ikinasisiya nilang maliitin at siraang-puri ang ibang tao. May kadiliman sa puso ng gayong mga tao; makasarili at nakakasuklam sila. Kasuklam-suklam at kamuhi-muhi ang ganitong uri ng asal. Anong uri ng tao ito? Isang mapanlinlang na tao. Masyadong maraming ganoong tao sa gitna ng mga walang pananampalataya, at may ilan pa nga na nasa loob ng sambahayan ng Diyos. Kapag sinasabi nila ang mga kaaya-ayang pakinggang salitang iyon, mayroon silang kahiya-hiya at kasuklam-suklam na intensyon at lihim na motibo; sinasabi nila ang anumang makakatulong sa kanila para makamit ang kanilang layon. Hindi sila nagsasalita alinsunod sa mga katunayan, at pinapalaki nila ang isyu; may mga intensyon at layon sila sa likod ng kanilang kaaya-ayang pakinggang mga salita. Kapag nagsasalita sila nang nakasasama ng loob, nagsasalita sila ng anumang nakakapoot na bagay na kaya nila, at kaya nilang salitain ang lahat ng uri ng makamandag na salita. Anong uri ng tao ito? Higit sa panlabas na mga pagbubunyag ng kanilang mga disposisyon, na mapagpaimbabaw, tuso, at mapanlinlang, ano pa ang mayroon sa kanilang kalikasan? Makamandag sila—masyadong makamandag! Kapag pinupuri nila ang iba, hinihingi ba ito ng iba? (Hindi.) Bakit nila pinupuri ang iba? (May layon sila.) Tama iyan. Patas man o sa maruming paraan, pinaglalaruan nila ang mga tao upang makamit ang kanilang mga intensyon at layon; sasabihin nila ang anumang bagay, kahit gaano pa ito nakakasuka. Hindi ba’t makamandag ito? Pagkatapos, para lutasin ang kawalang balanse sa kanilang puso, tinatraydor nila ang mga tao kapag nakatalikod, sinusumpa, at sinisiraang-puri sila, at sinasabi nila ang anumang masasakit at nakakapoot na bagay na kaya nilang sabihin. Hindi ba’t makamandag ito? Napakamakamandag nito! Mula sa bagay na ito, makikita mo ang kalikasan ng tao. Walang bagay na ginagawa nila sa harap ng mga tao o sa likod man ng mga ito ang totoo o matapat, ni hindi alinsunod sa katotohanan o sa pagkatao ang alinman sa mga ito; pawang masama at nakakalason ang lahat ng ito. Wala bang nakakalasong elemento sa lahat ng sinasabi ng tiwaling sangkatauhan? (Mayroon.) Kaya, maaasahan ba ang mga salita ng mga tao? Mapagkakatiwalaan ba ang kanilang mga salita? Lubhang hindi maaasahan, at lubhang hindi mapagkakatiwalaan ang mga tao! Bakit? Dahil habang nabubuhay sila, ang mga bagay na nabubunyag mula sa kanilang mga kilos at pananalita, sa kanilang bawat gawa at kilos, sa kanilang bawat kaisipan at idea, ay lahat sa isang satanikong disposisyon, na lubusang kumakatawan sa satanikong kalikasang diwa.
Bakit nananampalataya ang mga tao sa Diyos, ngunit hindi naniniwala na ang Kanyang mga salita ang katotohanan? Ito ay dahil bulag ang kanilang mga mata, hindi nila nauunawaan kung ano ang katotohanan, at wala silang pagkakilala sa Diyos. Maraming tao ang nagbabasa ng mga salita ng Diyos at kaya nilang tanggapin na ang Kanyang mga salita ang katotohanan, pero may mga kuru-kuro at pagtutol sila sa mga sinabi ng Diyos tungkol sa “mga uod,” “basura,” “mga diyablo,” at “mga hayop,” hanggang sa puntong hindi nila lubos na matanggap ang mga bagay na ito. Ito ay dahil hindi nila kilala ang sarili nilang kalikasan. Paano ba nakikita ng mga tao ang kalikasang diwa ng tao? (Kinikilala nila ang sarili nilang mga satanikong disposisyon, pero iniisip nila na may mabuting parte pa rin sa kanila, at hindi nila nakikita na sila mismo ay mga buhay na Satanas.) Nauunawaan ba ng mga tao ang sarili nilang kalikasang diwa nang tumpak, malinaw at totoo gaya ng Diyos? (Hindi.) Sa katunayan, ang kalikasang diwa ng tao ay ganap na salungat sa Diyos. Tinitingnan ng Diyos ang diwa at kalikasan ng tao. Hindi Niya tinitingnan kung ano ang sinasabi o ginagawa ng mga tao sa panlabas, tinitingnan Niya ang kanilang puso, diwa, at kalikasan. Saan galing ang mga depinisyon at paraang iyon ng pananalita ng Diyos para sa tao? Natutukoy ang mga ito batay sa kalikasang diwa ng tao, pati na sa mga tiwaling disposisyong ibinubunyag ng tao. Matapos magsalita sa puntong ito, nauunawaan na ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng “sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao”? Laging sinasabi ng mga tao na “sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao,” kaya anong mga karanasan ang mayroon kayo sa mga salitang ito? Naranasan na ba talaga ninyo ang mga ito? Anong kaalaman at pagkaunawa ang mayroon kayo sa mga salitang ito? Ang ilang tao ay naguguluhan; inaakala nilang nangangahulugan ito na alam ng Diyos ang mga kaisipan at ideyang lumalabas mula sa kanila, na alam Niya ang mga bagay na ginagawa nila na hindi nakaayon sa katotohanan, na alam Niya ang karumihan, katiwalian, at magagarbong hangarin ng kanilang puso; kahit gumagawa pa sila ng masasamang bagay nang hindi binabanggit ang mga ito, alam ito ng Diyos. Habang sinisiyasat ng Diyos ang mga tao, sinisiyasat lang ba talaga Niya ang panlabas, ang mga bagay na batid ng mga tao? Matatawag ba iyon na pagsisiyasat ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng mga tao? (Hindi.) Ano ang pinakamalalim na bahagi ng puso ng isang tao? (Ang kanyang kalikasang diwa.) May kakayahan ba ang mga tao na magkaroon ng kabatiran sa sarili nilang kalikasang diwa? Kaya ba nilang maramdaman ito? Kaya ba nilang malaman ito? (Hindi nila kaya.) Kung hindi ito maramdaman ng mga tao, paano nila tunay na makikilala ang kanilang sarili? (Makikilala lamang nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos at ng Kanyang pagbubunyag sa kanila.) Sinisiyasat ng Diyos ang kalikasang diwa ng mga tao na hindi nila maramdaman ni malaman; kapag inilalantad ng Diyos ang kalikasang diwa ng mga tao, kapag ibinubunyag ito ng mga katunayan, nagiging kumbinsido talaga sila. Ang mga kaisipan, ideya, at pananaw ng mga tao ay pawang mabababaw na bagay lamang. Minsan ay malakas na binibigkas ang mga ito, at minsan naman, ang mga ito’y isang panandaliang ideya lamang, isang kaisipang mula sa puso, o isang pansamantalang aktibong kaisipan, ngunit lahat ito’y mabababaw na bagay lamang. Kayang impluwensiyahan at gabayan ng mga aktibong kaisipang ito ang iyong mga kilos, ngunit maiimpluwensiyahan o magagabayan ba ng mga ito ang direksyon at mga mithiin ng iyong buhay? Hindi. Kaya, ano ang maaaring makaimpluwensiya o gumabay sa iyong mga kilos, at gumabay sa direksyon at mga mithiin ng buhay mo? Kaya mo bang makita nang malinaw ang bagay na ito? Ito ang nakatago sa pinakamalalalim na bahagi ng puso ng mga tao, at nakatago sa kanilang mga isipan. Ito ang bagay na kumokontrol sa mga iniisip at ikinikilos ng mga tao, ang bagay na nagiging sanhi ng kanilang mga pananaw. Hindi nauunawaan ng ilang tao ang kahulugan ng pariralang “sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao.” Ano ang ibig sabihin dito ng “ang kaibuturan ng puso ng mga tao”? Anong mga bagay ang lumilitaw sa kailaliman ng puso ng isang tao? Ito ba ay ang pinakamalalalim nilang saloobin? Kung titingnan, parang ganoon nga, pero ano ito sa realidad? Ito ang mga bagay-bagay ng kalikasang diwa ng tao na hindi natitinag ng sinuman sa kinalalagyan nito, ang mga pinakatotoong iniisip ng mga tao, na hindi nila kailanman sinasabi kaninuman; may mga pagkakataong kahit sila mismo ay hindi alam kung ano ang mga ito. Nabubuhay ang mga tao ayon sa mga bagay na ito. Iniisip nila na kung mawawala ang mga bagay na ito sa kanila, kung mawawalan sila ng motibasyong dulot ng mga bagay na ito, baka hindi na nila magawang manampalataya pa sa Diyos. Kaya, alam ba ninyo kung ano ang nakapaloob sa kaibuturan ng puso ng mga tao? (Ang pananalig sa Diyos upang magtamo ng mga pagpapala; isa itong bagay na nakahimlay sa puso ng mga tao.) Tama iyan, nananalig ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t may ganito sa puso ng lahat? Totoo na mayroon nga. Bagamat hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at hangaring magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay hindi matinag-tinag noon pa man. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang karanasan o kaalaman ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang isinasakripisyo nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagpapakapagod para dito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung mawawala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang paniniwala sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Marahil, habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin o ipinamumuhay ang buhay ng iglesia, nararamdaman nilang nagagawa nilang talikdan ang kanilang mga pamilya at masayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na mayroon na silang kaalaman ngayon tungkol sa kanilang motibasyon na tumanggap ng mga pagpapala, at naisantabi na nila ang motibasyong ito, at hindi na sila napamumunuan o napipigilan nito. Pagkatapos, iniisip nilang wala na silang motibasyon pa na mapagpala, pero kabaligtaran ang pinaniniwalaan ng Diyos. Mababaw lang kung tingnan ng mga tao ang mga bagay-bagay. Kapag walang mga pagsubok, maganda ang pakiramdam nila sa kanilang sarili. Basta’t hindi sila umaalis sa iglesia o hindi itinatatwa ang pangalan ng Diyos, at nagpupursigi silang gumugol para sa Diyos, naniniwala silang nagbago na sila. Pakiramdam nila ay hindi na personal na kasiglahan o pabugso-bugsong damdamin ang nagtutulak sa kanila sa pagganap ng kanilang tungkulin. Sa halip, naniniwala silang kaya na nilang hangarin ang katotohanan, at kaya na nilang patuloy na hanapin at isagawa ang katotohanan habang ginagampanan ang kanilang tungkulin, nang sa gayon ay nadadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nakakamit nila ang ilang tunay na pagbabago. Gayunpaman, kapag may mga nangyayari na tuwirang may kinalaman sa hantungan at kalalabasan ng mga tao, paano sila umaasal? Nahahayag ang katotohanan sa kabuuan nito. Kaya sa bandang huli, kung ang mga tao ang tatanungin, isa bang pagliligtas at pagpeperpekto ang sitwasyong ito, o isang pagbubunyag at pagtitiwalag? Isa ba itong mabuting bagay o masamang bagay? Para sa mga naghahangad ng katotohanan, nangangahulugan ito ng pagliligtas at pagpeperpekto, na isang mabuting bagay; para naman sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, nangangahulugan ito ng pagbubunyag at pagtitiwalag, na isang masamang bagay. Sa paglipas ng panahon, hindi ba’t nahaharap naman ang lahat ng tao sa mga sitwasyon ng pagsubok at pagpipino? Bakit ito ginagawa ng Diyos? Tiyak na may kahulugan ito, dahil sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao; alam Niya ang totoong kalagayan ng kaloob-loobang bahagi ng mga tao, nauunawaan Niya ang mga tao, at nakikita Niya nang malinaw at lubusan ang kanilang kalikasang diwa. Paglipas ng panahon, maaaring magtagumpay ang isang tao, maaaring nakagawa siya ng ilang mabubuting bagay, hindi nakagawa ng anumang malalaking pagkakamali, at maaaring magawa niyang tanggapin ang pagpupungos. Kapag may mga nangyayari sa kanya, maaaring mayroon siyang kaunting mapagpasakop na saloobin. Kaya’t iniisip niyang napakahusay na niya, na nasa tamang landas siya ng pananampalataya sa Diyos, na nailigtas at nagawa na siyang perpekto. Kapag kampanteng-kampante na siya at nalulugod sa sarili, darating ang disiplina, paghatol, at pagkastigo ng Diyos. Ibinubunyag ng mga sitwasyong ito ang mga tao, ang kanilang tayog, kanilang mga tiwaling disposisyon, kalikasang diwa, at mga saloobin sa Diyos. Ang totoo, mabuti para sa mga tao ang pagbubunyag na ito. Kung hahangarin nila ang katotohanan, lilinisin sila ng pagbubunyag, at ng sitwasyong ito. Lilinisin sila mula saan? Lilinisin ka nito mula sa iyong mga di-makatwirang hinihingi sa Diyos at sa iyong magagarbong hangarin, at magiging dahilan ito para magkaroon ka ng tamang pananaw; hindi mo na susubukan pang makipagkasundo sa Diyos o humingi ng kung ano-ano mula sa Kanya para sa magagarbo mong hangarin; sa halip, mas lalo kang magkakaroon ng pusong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Hindi ka na hihingi ng kahit ano, hahangarin mo lang na hanapin ang katotohanan at palugurin ang puso ng Diyos, na lalong ikadadalisay mo, hanggang sa bandang huli, magagawa mong matamo ang kaligtasan. Hindi ba’t isa itong resultang nakamit ng gawain ng Diyos? (Oo.) Wala bang pakahulugan ang Diyos sa likod ng paggawa nito? Hindi ba nito nalilinis ang mga tao? Kailangan bang linisin ang mga tao sa ganitong paraan? (Oo, kailangan.) Kung hindi ilalantad at lilinisin ng Diyos nang ganito ang mga tao, matatamo ba ng mga tao ang katotohanan? (Hindi.) Hindi nila matatamo ang katotohanan. Batay sa kanilang satanikong kalikasan, anong uri ng daan ang maaaring lakaran ng mga tao? (Ang sundan si Satanas at labanan ang Diyos.) Maaari bang pagpalain ang gayong tao? Hindi maaari, maaari lamang siyang itiwalag.
Alam ba ninyo kung ano talaga ang isang Pariseo? Mayroon bang mga Pariseo sa paligid ninyo? Bakit tinatawag na “mga Pariseo” ang mga taong ito? Paano inilalarawan ang mga Pariseo? Sila ay mga taong ipokrito, ganap na huwad, at nagpapanggap sa lahat ng kanilang ginagawa. Anong pagpapanggap ang ginagawa nila? Nagkukunwari silang mabuti, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Hinding-hindi. Dahil mga ipokrito sila, lahat ng nakikita at nalalantad sa kanila ay huwad; lahat ito’y pagkukunwari—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Saan nakatago ang tunay nilang mukha? Nakatago ito sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi makikita ng iba kahit kailan. Ang lahat ng nakikita ay isang palabas, lahat ng ito ay hindi totoo, ngunit maaari lamang nilang maloko ang mga tao; hindi nila maloloko ang Diyos. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi nila tunay na mauunawaan ang katotohanan, at kaya gaano man kabulaklak ang kanilang mga salita, ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanang realidad, kundi mga salita at doktrina. Ang ilang tao ay nakatuon lamang sa pag-uulit ng mga salita at doktrina, ginagaya nila ang sinumang nangangaral ng pinakamatataas na mga sermon, na ang resulta ay sa loob lamang ng ilang taon, ang kanilang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay lalo pang humuhusay, at hinahangaan at iginagalang sila ng maraming tao, pagkatapos nito ay nagsisimula silang ikubli ang kanilang sarili, at labis na binibigyang-pansin ang sinasabi at ginagawa nila, ipinapakita ang kanilang sarili bilang mga katangi-tanging banal at espirituwal. Ginagamit nila ang mga tinaguriang espirituwal na teoryang ito para ikubli ang kanilang sarili. Ang mga ito lamang ang tinatalakay nila saanman sila magtungo, paimbabaw na mga bagay na akma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit walang alinman sa katotohanang realidad. At sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na ito—mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng mga tao—marami silang taong nililihis. Para sa iba, ang mga ganoong tao ay tila napakataimtim at mapagpakumbaba, pero hindi talaga ito totoo; tila mapagparaya, matiisin, at mapagmahal sila, pero pagkukunwari talaga ito; sinasabi nilang mahal nila ang Diyos, ngunit ang totoo ay palabas lamang ito. Iniisip ng iba na ang mga ganoong tao ay banal, pero huwad talaga ito. Saan matatagpuan ang isang taong tunay na banal? Ang kabanalan ng tao ay pawang huwad. Palabas lang ang lahat, isang pagpapanggap. Sa tingin, mukha siyang matapat sa Diyos, ngunit ang totoo ay gumagawa lamang siya para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, hindi siya matapat ni katiting, at lahat ng ginagawa niya ay hindi pinag-isipan. Sa panlabas, ginugugol niya ang kanyang sarili para sa Diyos at tinalikuran na niya ang kanyang pamilya at propesyon. Pero ano ang ginagawa niya nang palihim? Nagsasagawa siya ng sarili niyang gawain at nagpapatakbo ng sarili niyang operasyon sa iglesia, kumikita mula sa iglesia at palihim na nagnanakaw ng mga handog sa pagkukunwaring gumagawa para sa Diyos…. Ang mga taong ito ang makabagong-panahong mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Saan nagmumula ang mga Pariseo? Lumilitaw ba sila sa gitna ng mga walang pananampalataya? Hindi, lahat sila ay lumilitaw sa mga mananampalataya. Bakit naging mga Pariseo ang mga taong ito? May tao bang dahilan kaya sila nagkaganyan? Malinaw na hindi. Ano ang dahilan? Ito ay dahil ganito ang kanilang kalikasang diwa, at ito ay dahil sa landas na kanilang tinahak. Ginagamit lang nila ang mga salita ng Diyos bilang kasangkapan upang mangaral at mapakinabangan ang iglesia. Sinasandatahan nila ang kanilang isip at bibig ng mga salita ng Diyos, nangangaral sila ng mga huwad na espirituwal na teorya, at ipinepresenta ang kanilang sarili na banal, at pagkatapos ay ginagamit nila itong kapital upang makamit ang layong mapakinabangan ang iglesia. Nangangaral lamang sila ng mga doktrina, subalit hindi kailanman isinagawa ang katotohanan. Anong uri ng mga tao ang mga patuloy na nangangaral ng mga salita at doktrina kahit hindi nila nasundan ang daan ng Diyos kailanman? Sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang kanilang kapos, diumano’y mabubuting pag-uugali at mabuting asal, at ang kaunting naisuko at naigugol nila, ay ganap na natupad sa pamamagitan ng pagpipigil at pagtatago sa sarili nilang kagustuhan. Ganap na huwad ang mga kilos na iyon at lahat iyon ay pagkukunwari lamang. Sa puso ng mga taong ito, wala ni katiting na pagkatakot sa Diyos, ni wala silang anumang tunay na pananampalataya sa Diyos. Higit pa riyan, sila ay mga hindi mananampalataya. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, lalakaran nila ang ganitong uri ng landas, at magiging Pariseo sila. Hindi ba nakakatakot iyon? Ang lugar na panrelihiyon kung saan nagtitipon ang mga Pariseo ay nagiging isang pamilihan. Sa mga mata ng Diyos, ito ay relihiyon; hindi ito ang iglesia ng Diyos, ni hindi ito isang lugar kung saan Siya ay sinasamba. Sa gayon, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, gaano man karami ang mga literal na salita at mabababaw na mga doktrina tungkol sa mga pagbigkas ng Diyos na isinasangkap nila sa kanilang sarili, ito ay walang silbi. Sinasabi ng ilang tao na: “Walang silbi kahit gaano pa karami ang isangkap ko, kaya hindi ko na lang sasangkapan ang aking sarili.” Ano ba ang pinagsasasabi nila? Hindi ba’t walang katuturan iyon? Hindi ba’t kalokohang pananalita iyon? Ano ang layon Ko sa pagbabahagi tungkol sa mga salitang ito? Ito ba ay para pigilan kang sangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos? (Hindi.) Dapat mong sangkapan ang iyong sarili ng mga salita ng Diyos, pero ang pinakamahalagang bagay na dapat malinaw sa iyo ay na hindi mo dapat gamitin ang mga salita ng Diyos para ipresenta ang iyong sarili sa anupamang paraan, ni hindi mo ito dapat gamitin bilang puhunan para makinabang ka mula sa iglesia, lalong hindi dapat gamitin ang mga ito bilang sandata para atakihin ang iba. Ano ba ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na lumulutas sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Kung ganap mong gagamitin at isasagawa mo ang mga salitang ito, makakamit mo ang katotohanan; ang katotohanan ay hindi magiging mga doktrina o mga salita lamang para sa iyo, kundi magiging ang buhay realidad mo. Sa sandaling makamit mo na ang katotohanan, nakamit mo na ang buhay.
Tungkol sa paksang sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao, na kasasabi Ko lang, magbabahagi Ako ng isang kuwento: May isang magandang babae noon na ikinasal sa isang mayamang lalaki. Paano ba karaniwang tinitingnan ng mundo ang gayong mga pagpapakasal? Pera lang ng mayamang lalaki ang habol ng magandang babae, at ang angking kagandahan naman ng babae ang habol ng mayamang lalaki; kinukuha ng bawat isa kung ano ang kailangan nila, at walang totoong pagmamahalan—isa itong transaksyonal na pagpapakasal. Ayon sa mga imahinasyon ng mundong ito, tiyak na maglulustay ng pera ang magandang babaeng ito, mamumuhay nang marangya, pero hindi iyon ang ginawa niya. Namuhay siya nang gaya ng isang ordinaryong maybahay, inaasikaso ang mga gawaing-bahay; sa araw-araw, naging masipag at matiyaga siya, naging mabuti siya sa kanyang asawang lalaki at sa kanyang pamilya, na anupa’t matatawag siyang mabait at may magandang loob. Pero paano siya tinrato ng mayamang lalaki? Unang-una, nag-alala siya na hindi totoong magagawa ng magandang babaeng ito na mamuhay kasama niya, at nag-alala siya na hindi magtatagal ang kanilang pagsasama, kaya’t sinarili niya ang kanyang mga kayamanan at mahahalagang bagay. Inilagay niya ang lahat sa ilalim ng sarili niyang pangalan, sa halip na sa ilalim ng kontrol ng kanyang asawa. Pero balewala lang sa magandang babae ang lahat ng ito. Kahit gaano pa siya tinrato ng kanyang asawang lalaki—hindi man siya pinagkatiwalaan nito, o nilimitahan man siya nito sa pinansiyal—hindi siya nagpamalas ng anumang bigat sa kalooban o pagkadismaya. Sa halip, lalo pa siyang naging masipag. Pagkalipas ng ilang taon, nagkaroon ng ilang anak ang magandang babae, at patuloy niyang inalagaan ang kanyang buong pamilya gaya ng dati, bilang isang mabuting asawa at mapagmahal na ina; naging masunurin, mahinahon, at maalalahanin siya sa kanyang asawa. Hanggang sa isang araw, naramdaman ng mayamang lalaki na ang kanyang asawa ay hindi gaya ng inakala niya: Hindi kayamanan niya ang habol nito, ni ang mga materyal na bagay. Wala itong hiningi higit pa sa isang normal na buhay, at bukod doon, gumugol ito nang husto para asikasuhin ang pamilya—ang kabataan nito, ang angkin nitong ganda, at ang oras nito. Naging masipag at matiyaga ito para sa pamilya, hindi kailanman nagreklamo. Naantig ang puso ng mayamang lalaki. Matapos niyang maantig, ano ang unang naisip niya? Hindi ba niya iisiping: “Ah, talagang maaasahan ang asawa ko, pero pinagdudahan ko siya at nag-ingat ako laban sa kanya. Hindi makatarungan na tinrato ko siya nang ganoon. Dapat kong ibigay sa kanya ang lahat ng aking yaman at mga bagay na iingatan, dahil siya ang tunay kong pag-ibig, ang taong pinakanararapat kong pagkatiwalaan, at siyang pinakakarapat-dapat para sa aking pagtitiwala. Kung hindi ako nagtitiwala sa kanya, kung nag-iingat ako laban sa kanya, hindi ako nagiging patas sa kanya. Walang dangal ang gayong pag-uugali. Marami na siyang pinagdaanang pagsubok sa loob ng napakaraming taon, hindi ko na siya maaaring pagdudahan pa.” Hindi ba’t lumitaw ang kaisipang ito matapos makita ang lahat ng katunayan? (Oo.) Ang ganitong uri ng kaisipan ay mula sa pagpapasya ng tao. Ang pag-oobserba sa ugali ng kanyang asawa habang nangyayari dito ang mga bagay-bagay ang naging dahilan ng kanyang pagtukoy rito, na nagbunga sa kanyang depinisyon sa asawa niya. Samakatuwid, nang matauhan ang mayamang lalaki, inilagay niya ang lahat ng kanyang kayamanan sa pangalan ng kanyang asawa, nagpapakita ng kanyang lubos na pagtitiwala rito, at sinusuklian ang maraming taon ng katapatan nito at pagkakaloob nito sa kanya. Para sa karamihan ng tao, nakaayon ito sa konsiyensiya, paghusga, mga moral, at etika ng tao. Natapos na ba ang usaping ito? (Hindi.) Pagkatapos dumaan sa mga legal na hakbang, inilagay ng mayamang lalaki ang lahat ng kanyang kayamanan sa ilalim ng pangalan ng babae. Isang araw, umuwi ng bahay ang mayamang lalaki para kumain, at pagkapasok na pagkapasok pa lang niya sa pintuan, naramdaman niyang parang may mali sa paligid. Hindi siya sinalubong o kinausap ng kanyang asawa, at walang sigla ang bahay. Bakit ang mesa, na karaniwang puno na dapat ng pagkain ngayon, ay walang laman? Lumingon siya sa kanyang likuran, at may nakita siyang isang papel sa ibabaw ng hapag-kainan, kung saan nakasulat ang dalawang malaking salita—Paalam na!
Tapos na ngayon ang kuwento. Kahit papaano ay nauunawaan na siguro ninyong lahat ang punto, kaya, ano ang layon sa likod ng paglalahad ng kuwentong ito? (Para ipaalam sa amin na hindi mapagkakatiwalaan ang mga tao, at masyado silang mahusay magpanggap.) Nalinlang ang mayamang lalaki sa pamamagitan ng isang huwad na anyo. Mahusay na nagpanggap ang magandang babaeng ito; sa loob ng maraming taong iyon, hindi siya kailanman nagpakita ng anumang kapintasan, at sa buong panahong iyon ng pagsasama nila, hindi kailanman nakahalata ni katiting ang mayamang lalaki. Anong uri ng tao ang magandang babaeng ito? (Masama siya at mapanlinlang, at talagang tuso.) May ganito na ba siyang intensyon sa simula pa lang, o binalak lang niyang gawin ito sa bandang huli, matapos niyang makuha ang lahat ng kayamanan? (Sa simula pa lang.) Ano ang mga kauna-unahan niyang intensyon nang pakasalan niya ang mayamang lalaki? Ipinamalas ba niya ang mga ito? (Hindi, itinago niya ang mga ito.) Kaya ano ang hinayaan niyang makita sa panlabas? (Isang huwad na anyo.) Isang ganap na pagpapanggap. Ano ang nasa likod ng huwad na anyong ito, sa kaibuturan nito? (Ginusto niyang magtamo ng kayamanan at pakinabang.) Hindi niya taos sa pusong pinakasalan ang mayamang lalaki, ginusto lamang niya ang kayamanan nito. Kahit abutin pa ng sampu o dalawampung taon, hangga’t magagawa niyang dayain ang mayamang lalaki sa mga kayamanan nito, walang problema sa kanya na kinailangan niyang pakasalan ito, o gugulin ang maraming taong iyon ng kanyang kabataan at pagsusumikap. Iyon ang pinakamalalim na saloobin ng kanyang puso. Ano ang kalikasan ng mga bagay na ginawa niya alang-alang sa saloobing ito? (Pagpapanggap at panlilinlang.) Marapat bang alalahanin ang mga bagay na ginawa niya, o kasuklam-suklam ang mga iyon sa mga tao? (Kasuklam-suklam.) Mabuti ba ito, o masama? (Masama.) Lahat ito ay masama. Ano ang batayan para matukoy na masama ang lahat ng kanyang mga ikinilos at lahat ng panlabas na halagang binayaran niya? Saan nanggagaling ang konklusyong ito? (Batay ito sa mga intensyon at pinagmumulan ng kanyang mga kilos.) Kaya, ano ang nauunawaan ninyo mula sa kuwentong ito? (Tumitingin ang mga tao sa panlabas na kaanyuan, pero tumitingin ang Diyos sa diwa ng mga tao.) Tiyak iyon. Bakit tumitingin ang mga tao sa panlabas na kaanyuan? Malalaman ba ng mga tao ang mga intensyon at motibasyon ng iba mula sa kanilang mga salita at kilos? Alam ba ninyo kung paano kilatisin ang mga ito? (Nakikita namin ang ilang hayag, at mabababaw na bagay.) Makikita ninyo ang ilang panlabas na pagpapamalas, pero kapag nauunawaan mo ang katotohanan at nagtataglay ka ng kaunting katotohanang realidad, hindi ba’t mas malinaw mong makikita ang diwa ng mga tao? (Oo.) Bakit malinaw na malinaw na nakikita ng Diyos ang puso ng mga tao? Ito ay dahil ang Diyos ang katotohanan, Siya ay makapangyarihan, at sinisiyasat Niya ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Sa tingin ba ninyo may tamang pamantayan ng paghatol ang mga tao na kung saan ay magagawa nilang hatulan ang iba gaya ng ginagawa ng Diyos? (Wala, dahil pare-pareho lang ang uri ng mga tao, at ang Diyos naman ang Lumikha.) Pare-pareho ng uri ang lahat ng tao, kaya may pagkakaiba ba sa pagitan ng mga tao? May pagkakaiba ba sa pagitan ng isang taong may katotohanan at isang taong walang katotohanan? May pagkakaiba ba sa pagitan ng isang taong nakakakilala sa Diyos at isang taong hindi? May pagkakaiba ba sa pagitan ng isang taong may takot sa Diyos at sa isang taong wala? (Mayroon.) Anong uri ng tao ang kayang makakita sa diwa ng isa pang tao? (Isang taong nakakakilala sa Diyos at may takot sa Kanya.) Sa huling pagsusuri, paano makakakita ang isang tao sa diwa ng isa pang tao? Sa panig ng mga tao, tanging kapag naunawaan nila ang katotohanan at may katotohanang realidad ay saka nila makikilatis ito. Sa panig naman ng Diyos, bakit Niya nagagawang makita ang diwa ng mga tao? Paano ninyo ipapaliwanag ang bagay na ito? Masasabi bang ang Diyos ang pamantayan sa kung paano huhusgahan ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay, na Siya ang batayan ng paghusga sa lahat ng positibo at negatibong bagay? (Oo.) Ano ang praktikal na elemento ng mga salitang ito? Maaaring mabuti at perpekto ang panlabas na pag-uugali ng isang tao, pero kung mayroon kang katotohanang realidad, makikilala mo kung isinasagawa ba niya ang katotohanan o hindi. Ngunit kung wala kang katotohanang realidad, kapag nakakakita ka ng isang taong may perpektong asal, na magaling magbalatkayo sa kanyang panlbas na anyo, isang mahusay na pagbabalatkayo, makikita mo ba kung isinasagawa niya o hindi ang katotohanan? Hindi mo malalaman kung paano siya kikilatisin. Kung wala ang katotohanang realidad, hindi ka magkakaroon ng pamantayan sa kung saan mahuhusgahan mo ang iba, at hindi mo malalaman kung paano sila husgahan. Kung may nakikita kang isang taong may mabuting ugali sa panlabas, na napakagiliw magsalita, na nagdurusa at gumugugol nang husto, na kung titingnan ay walang mga problema, at walang masasabing anumang kamalian, paano mo susukatin kung mabuti ba siya o masamang tao, kung mahal ba niya ang katotohanan o tutol siya rito? Paano mo kinikilatis ito? Kung wala kang pamantayan sa iyong pagpapasya, madali kang mabubulag ng kanyang panlabas na pag-uugali at mga kilos. Kung nabubulag at nalilinlang ka ng mga ito, makikilatis mo ba kung mabuti siya o masama, kung may magandang loob ba siya o wala? Hindi. Sinasabi ng ilang tao na: “Nagagawa bang siyasatin ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan ang puso ng iba katulad ng Diyos?” Walang ganitong kakayahan ang mga tao. Kahit magkaroon pa sila ng mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, hindi ibig sabihin niyon na nagtataglay na sila ng realidad ng katotohanan. Ngunit, kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, makikilatis niya kung mabuti o masama ba ang isang tao, kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi, kung matapat ba ito o mapanlinlang, kung may takot ba ito sa Diyos o nagrerebelde at kalaban ng Diyos, at kung taos-puso ba itong sumusunod sa Diyos o isang mapagpaimbabaw. Makikilala mo ang lahat ng bagay na ito. Sa huling pagsusuri, ano ang pinakamahalaga? (Ang pagkakaroon ng katotohanang realidad.) Hindi magagawa ng mga taong walang katotohanang realidad na lubusang maunawaan ang anumang bagay; lagi silang kumikilos na parang hangal, at kumikilos sa mga paraang salungat sa katotohanan, at lumalaban sa Diyos. Kaawa-awa ang gayong mga tao. Tinatalakay nito ang kahalagahan ng kung matatamo ba ng isang tao ang katotohanan at makapapasok sa katotohanang realidad. Paano ba nakikita ng mga tao ang iba kapag sila mismo ay hindi nakakaunawa sa katotohanan? Maaari lamang nilang tingnan ang iba sa pamamagitan ng sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon. Kapag hinuhusgahan at inuuri nila ang isa pang tao, tinitingnan lang nila ang kakayahan at kaalaman nito; tinitingnan lang nila kung wasto ba ang panlabas nitong ugali, kung nakaayon ba ito sa tradisyunal na kultura at moralidad ng tao, at kung nakikinabang ba ang iba sa mga kilos nito o hindi. Kung nakikita nilang makatwiran naman ang mga salita at gawa ng isang tao, na lubos na umaayon ang mga ito sa mga kuru-kuro ng tao sa etika at moralidad, at umaayon ang mga ito sa gusto ng lahat, uuriin nila ang taong iyon bilang mabuting tao. Pero paano ba inuuri ng Diyos ang mga tao? Ang lahat ba ng pamamaraang ito na ginagamit ng mga tao para makabuo ng mga konklusyon at makarating sa kanilang pinagmumulan ay mga pamantayan kung saan natutukoy ng Diyos ang diwa ng isang tao? (Hindi.) Saan ibinabatay ng Diyos ang kanyang pagtukoy sa diwa ng isang tao? Ibinabatay ng Diyos ang kanyang pagtukoy sa kalikasang diwa ng isang tao sa mga kaisipan at ideya ng puso nito, at sa motibo ng mga salita at gawa nito, na mga motibo at layon nito. Ito ang pinakadahilan kung bakit sinasabing ang Diyos ang Nag-iisang nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng mga tao. Kaya ba ng isang tao na siyasatin ang kaibuturan ng puso ng ibang tao? (Hindi.) Nakikita lamang ng mga tao ang panlabas na pagpapamalas ng iba, at ang mga layuning ibinubunyag ng mga ito sa pamamagitan ng pananalita o sa pamamagitan ng paghinuha sa ipinapahiwatig nito; ang pinakamasama pa, nakikita ng mga tao ang mga bagay na ito, kaya’t maaari lamang nilang ibatay ang kanilang pagtukoy sa pag-uugali ng iba sa kung ano ang kanilang nakikita at naririnig. Sa kabilang dako, kapag tinutukoy ng Diyos ang mga tao, hindi lang Siya tumitingin sa kanilang mga kilos, sa direksyong tinutungo nila, o sa kalidad ng isang partikular na kilos. Gusto ng Diyos na makita ang kanilang pinakatotoong saloobin, makita kung ano talaga ang kanilang mga intensyon at layon habang gumagawa sila, kung anong mga idinudulot ng kanilang kalikasang diwa, at kung aling landas ang pilit na pinatatahak sa kanila ng mga bagay na iyon. Ito ang mga bagay na tinitingnan ng Diyos. Kaya tinatanong Ko kayo, sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao—ano ang tinutukoy ng “kaibuturan ng puso ng mga tao”? Sa madaling salita, ito ang pinakatotoong saloobin ng puso ng mga tao. Kaya sa harap ng Diyos, gaano ka man magbalatkayo, gaano mo man ikubli ang iyong sarili, o anuman ang ikatha mo para sa sarili mo, malinaw na nauunawaan ng Diyos ang lahat ng pinakatotoo mong saloobin at ang mga bagay na nakatago sa pinakamalalalim, at kaloob-loobang parte mo; walang kahit isang taong may itinatagong saloobin ang makakatakas sa masusing pagsisiyasat ng Diyos. Nauunawaan mo ba ang sinasabi Ko? Sa ilang dekada ng kanyang buhay at pag-uugali, nilinlang ng magandang babaeng iyon ang taong pinakamalapit sa kanya—kung mangyari sa inyo ang ganoon ding bagay, hindi rin kaya kayo malilinlang? (Malilinlang din kami.) Kaya, hindi ba ninyo masasabing hindi lamang niya nilinlang ang kanyang asawa, kundi nilinlang din niya kayo at ang iba? (Oo.) Hindi niya isiniwalat ang pinakatotoong saloobin ng kanyang puso sa sinuman—wala siyang sinumang pinagsabihan—at higit pa roon, napakahusay ng ginawa niyang pagbabalatkayo, at walang sinumang nakahalata nito. Gayunpaman, nakalimutan niya ang isang bagay—nakamasid ang Diyos sa lahat ng ginagawa ng mga tao. Maaaring nalinlang niya ang lahat, pero hindi niya malilinlang ang Diyos. Tila matalino ang mayamang lalaking iyon sa panlabas, nagawa nitong kumita ng maraming pera, pero nabiktima ito ng isang babae. Saglit ba na kapabayaan iyon sa panig nito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang nagsanhi nito? Ito ay dahil hindi nakita ng mayamang lalaki ang tunay na pagkatao ng babae. Anong mga katunayan ang inilalahad Ko sa inyo sa pamamagitan ng kuwentong ito? Sinasabi Ko sa inyo na dapat ninyong tahakin ang tamang landas habang nananampalataya kayo sa Diyos at umaasal, at huwag kayong makisangkot sa mga buktot at masasamang paraan. Ano ang mga buktot at masasamang paraan? Laging gusto ng mga mananampalataya sa Diyos na umasa sa mga munting pakana, sa mga mapanlinlang at tusong laro, at sa panlalansi, para pagtakpan ang sarili nilang katiwalian, mga depekto at kapintasan, at mga problema tulad ng sarili nilang mahinang kakayahan; palagi nilang hinaharap ang mga bagay-bagay ayon sa mga satanikong pilosopiya, iniisip nilang hindi naman ito masyadong masama. Sa mga mabababaw na bagay, binobola nila ang Diyos at ang kanilang mga lider, pero hindi nila isinasagawa ang katotohanan, ni hindi sila kumikilos alinsunod sa mga prinsipyo. Maingat nilang tinitimbang ang mga salita at pagpapahayag ng iba, palaging nag-iisip nang malalim: “Kumusta ang naging pagganap ko nitong mga nakaraan? Sinusuportahan ba ako ng lahat? Alam ba ng Diyos ang lahat ng mabubuting bagay na ginagawa ko? Kung alam Niya, pupurihin ba Niya ako? Ano ang posisyon ko sa puso ng Diyos? Mahalaga ba ako roon?” Ipinapahiwatig nito na, bilang isang taong nananampalataya sa Diyos, magtatamo ba siya ng mga pagpapala, o matitiwalag ba siya? Hindi ba’t buktot at masamang paraan ang laging pag-isipan nang malalim ang mga bagay na ito? Isa nga itong buktot at masamang paraan, at hindi ito ang tamang paraan. Ano kung gayon ang tamang paraan? (Ang hangarin ang katotohanan at maghangad ng pagbabago sa disposisyon.) Tama iyan. Para sa mga nananampalataya sa Diyos, ang tanging tamang paraan ay ang hangarin ang katotohanan, kamtin ang katotohanan, at tamuhin ang isang pagbabago sa disposisyon. Tanging ang daan kung saan inaakay ng Diyos ang mga tao para maligtas ang tunay na daan, at ang tamang daan.
Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao; nakikita Niya ang pinakamalalalim na bahagi ng puso ng mga tao, ang pinakatotoo nilang mga saloobin. Kapag sinasabi ng Diyos na “Ang mga tao ay uod,” ano ang batayan Niya sa pagsasabi nito? (Batay sa kalikasang diwa ng tao.) Ni minsan ba ay nasuri ninyo ang diwa, kalagayan, at mga pagpapamalas ng “mga uod” na sinasabi at nakikita ng Diyos? Anong mga elemento ng diwa ng tao ang nagiging dahilan para sabihin ito ng Diyos sa kanila? Bakit sinasabi ng Diyos na ang mga tao ay uod? Sa paningin ng Diyos, ang tiwaling sangkatauhan ay malinaw na nilikha Niya; pero tinutupad ba ng mga tao ang mga responsabilidad at tungkuling nararapat tuparin ng mga nilikha? Maraming tao ang gumaganap ng kanilang tungkulin, pero kumusta naman ang kanilang pagganap habang ginagawa ito? Wala silang pagkukusa sa paggawa ng kanilang tungkulin; kung hindi sila pinupungusan o dinidisiplina, hindi sila nagpapatuloy na sumulong; kailangan pa nilang laging magkita-kita, magbahaginan at matustusan upang magkaroon ng kahit kaunting pananalig, at ilang munting aktibong elemento—hindi ba’t ito ang kanilang tiwaling disposisyon? (Ito nga.) Hindi alam ng mga tao ang sarili nilang posisyon, ni hindi nila alam kung ano ang dapat nilang gawin, kung ano ang dapat nilang hangarin, o ang landas na dapat nilang takahin; kadalasan, kumikilos pa nga sila ayon sa sarili nilang mga kagustuhan, at naghuhuramentado sila. Kung hindi dahil sa madalas na pagdidilig at pagpupungos, kung hindi dahil sa palaging pagsasaayos ng Diyos ng mga sitwasyon para gabayan ang mga tao pabalik sa Kanya, ano na kaya ang gagawin ng mga tao? Masasabi mong hindi lamang sa hindi magagawa nang maayos ng gayong tao ang kanyang tungkulin, mabubulok din siya hanggang sa puntong magiging negatibo siya, magpapakatamad, kikilos nang pabasta-basta, at lilinlangin ang Diyos. Kung hindi kayang gawin ng isang tao ang tungkuling marapat niyang gawin, ano kung gayon ang kalidad ng lahat ng kanyang kilos? Masasabi mo na ang lahat ng ito ay masasamang gawa—pawang kasamaan lang ang ginagawa niya! Sa buong maghapon, walang kaugnayan sa katotohanan ang mga naiisip niya, walang kinalaman sa pagsunod sa daan ng Diyos. Araw-araw, kumakain siya nang tatlong beses nang hindi nag-iisip o nagsisikap, kahit pa nga may naiisip siya, hindi ito nakaayon sa mga katotohanang prinsipyo, ni wala itong kahit anumang kaugnayan sa mga hinihingi ng Diyos sa tao. Gumagawa siya ng mga bagay na nakakagambala at nakakagulo, nang hindi nagpapatotoo man lang sa Diyos. Ang kanilang puso ay punong-puno ng mga kaisipan ng kung paano maghangad para sa pisikal nilang kapakanan, kung paano magsikap para sa katayuan at kasikatan, paano manindigan sa gitna ng ibang tao, para magkaroon ng katayuan at kabantugan. Kinakain nila ang pagkaing ipinagkakaloob ng Diyos at tinatamasa ang lahat ng bagay na tinutustos ng Diyos, nang hindi nakikilahok sa mga gawain ng tao. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao—kinasusuklaman Niya ang mga ito. Ginagawa ng ilang tao ang kanilang tungkulin bilang pormalidad lang. Pumupunta sila sa iglesia para obserbahan ang gawain na parang isang walang pananampalatayang lider; nag-iikot sila nang isang beses, bumibigkas ng ilang kasabihan, pinangangaralan ang mga kapatid, pinapakinig ang lahat sa kanila nang masunurin, at pagkatapos ay iyon na. Kapag may nakikita silang isang taong pabasta-basta at iresponsableng gumaganap sa kanyang tungkulin, iniisip nila na: “Walang kinalaman iyon sa akin, at hindi ito isang banta sa aking katayuan, kaya wala akong pakialam dito.” Sa araw-araw, nagpapatangay lang sila nang ganito, hindi kailanman gumagawa ng totoong gawain, hindi kailanman lumulutas ng anumang aktuwal na problema. Anong uri ng tao ito? (Isang taong kumakain nang sapat tatlong beses sa isang araw nang hindi nag-iisip o wala man lang ginagawa.) Hindi niya alam kung ano ang dapat niyang gawin sa bawat araw, kaya walang ingat na sumasabay na lang siya sa agos, nang hindi alam kung nasisiyahan o nasusuklam ba ang Diyos sa kanya, o kung sinusuri ba siya ng Diyos. Nakaayon ba sa katotohanan ang mga bagay na ginagawa niya? Tinutupad ba niya ang kanyang mga responsabilidad? Tapat ba siya? Nagiging pabasta-basta ba siya? Itinataas ba niya ang kanyang sarili sa mga bagay na ginagawa niya? Nagpapatotoo ba siya sa Diyos? Wala siyang alam dito. Ang isang taong kumakain nang sapat tatlong beses isang araw nang hindi nag-iisip o wala man lang ginagawa ay karaniwang inilalarawan bilang isang “pabigat.” Wala siyang ginagawang anumang totoong gawain; sobrang tamad niya na hindi man lang niya mabigyan ang sarili niya ng pagkain, at gusto niyang pagsilbihan pa siya ng mga tao. Anong uri ng tao ito? Nananatili siya saanman siya mapapadpad bawat araw, kumakain siya saanman masarap ang pagkain, pumupunta siya saanman may komportableng matutulugan, at nagpupunta siya saanman may mga taong pupuri sa kanya. Walang pagkakaiba sa pagitan ng gayong tao at ng isang uod, hindi ba? (Wala.) Walang pagkakaiba. Batay sa mga pag-uugaling ito ng tao, mali bang tawaging “uod” ang mga tao? (Walang mali.) Palaging namumuhay ang mga tao sa ganitong uri ng masamang kalikasan; pagkatapos nilang gumawa ng kaunting totoong gawain, gusto nilang kilalanin ang kanilang mga nagawa. Sinasabi ng ilang tao na: “Lima o anim na taon ko nang ginagawa ang tungkulin ko. Nagpupursigi akong gampanan ang aking tungkulin araw-araw, at pumuputi na nga ang buhok ko.” Hindi ba’t nakakasuklam ito na paraan ng pagsasalita? Paano mo nagagawang magsalita gaya ni Pablo? Ano ang layon sa likod ng pagsisikap na umani ng pagkilala para sa iyong mga nagawa? Hindi ba’t iyon ay na gusto mo ng gantimpala mula sa Diyos? Ano ang karaniwang tawag natin sa mga taong gustong makatanggap ng gantimpala? Hindi ba’t “mga manlilimos?” Hindi ba’t walang kahihiyan ang gayong mga tao? Ginagawa mo ang tungkulin ng isang nilikha, at para kanino ang mga pinaghihirapan mo? Para ba ito sa Diyos? Walang halaga sa Diyos ang gayon. Sa katunayan, kumikilos ka lang para sa sarili mong kapakanan, kumikilos nang sa gayon magtamo ka ng kaligtasan, kaya anong pagkilala ang gusto mo, at anong gantimpala ang hinihingi mo? Kaunting biyaya, o kaunting pagpapala lang ba ang ibinigay sa iyo ng Diyos? Ibinigay ba sa iyo ng Diyos ang buhay na ito upang makahingi ka ng gantimpala? Ito ay para ba iunat mo ang iyong kamay para manlimos ka ng pagkain sa Diyos? Sa kasalukuyan, ginagawa mo ang sarili mong tungkulin. Obligasyon at responsabilidad mo ito. Pinagkatiwalaan ka ng Diyos ng isang tungkulin, na kabutihang-loob sa panig Niya, kaya hindi ka dapat manlimos ng anumang bagay; kung gagawin mo ito, kasusuklaman at aayawan ka ng Diyos. Palaging gusto ng mga tao na manlimos ng biyaya at mga gantimpala mula sa Diyos. Anong uri sila ng tao? Hindi ba’t sila ay mga taong walang kahihiyan at may mababang pagkatao? Lahat ba kayo ay nasa gayong kalagayan? (Oo.) Paano ninyo dapat lutasin ang kalagayang ito? Dapat mong makilala kung aling mga salita at gawa mo ang nasa ganitong kalagayan, at pagkatapos, agad kang manalangin sa Diyos, at tanggapin ang Kanyang masusing pagsisiyasat; suriin mong mabuti ang iyong pangit na ugali at kalikasang diwa. Pagkatapos mong magkaroon ng kaunting kaalaman at pagkaunawa, ilapit mo ito sa iyong mga kapatid at magbahaginan kayo tungkol sa mga ito, at ilantad mo ang iyong sarili sa harap nila. Kasabay ng pagbabahagi mo at paglalantad sa iyong sarili sa ganitong paraan, tatanggapin mo ang masusing pagsisiyasat ng Diyos, at sa ganitong paraan, unti-unting malulutas ang iyong kalagayan. Para malutas ang sarili mong tiwaling disposisyon, dapat mo munang malinaw na malaman kung gaano kasama at kasuklam-suklam ang tiwali mong disposisyon; saka mo lamang magagawang kasuklaman at kamuhian ang iyong sarili sa puso mo—kung hindi mo kamumuhian ang sarili mo, hindi mo malulutas ang problema. Kung lagi mong iniisip na hindi masamang mamuhay ayon sa isang tiwaling disposisyon, na magiging ayos lang ito sa ibang tao, at hangga’t wala kang ginagawang anumang masama, wala kang magiging problema—hindi ba’t kalokohan ito? Makakamit ba ng gayong mga tao ang katotohanan? Matatamo ba nila ang pagliligtas ng Diyos? Bakit ba inilalantad ng Diyos ang mga tiwaling kalagayan ng mga tao? Dapat kayong taos-pusong magbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, pag-ugnayin ninyo ang mga tiwaling kalagayan at ang mga pagbubunyag ng katiwalian ng mga tao, at pagkatapos ay ikumpara ang mga ito sa mga salita na kung saan inilalantad ng Diyos na ang tiwaling sangkatauhan ay mga uod—nakikita ba ninyong napakaseryoso ng problemang ito? Magagawa ba ninyong tanggapin ito? (Oo.) Kapag sinabi ng Diyos na ang mga tao ay uod, sino ang pangunahing pinatutungkulan Niya? Alin sa mga kalagayan at tiwaling disposisyon ng tao ang pangunahing tinutukoy Niya? Aling bahagi ng tiwaling kalikasan ng tao ang inilalantad Niya? Unang-una, ang isang taong uod ay walang halaga, wala siyang kahihiyan sa sarili; sa mga mata ng Diyos, wala siyang kakwenta-kwenta! Bakit Ko sinasabing wala siyang kakwenta-kwenta? Nilikha ka ng Diyos at binigyan ka ng buhay, at hindi mo man lang magawa ang pinakamaliit na dapat gawin sa iyong tungkulin; isa kang pabigat. Sa perspektibo ng Diyos, wala kang silbi, at walang saysay ang buhay mo! Hindi ba’t mga uod ang gayong mga tao? (Oo.) Kaya ano ang dapat gawin ng mga tao kung ayaw nilang maging mga uod? Unang-una, dapat mong hanapin ang sarili mong lugar at, sa anumang paraang posible, gumawa ka ng paraan para magampanan mo ang iyong tungkulin, nang sa gayon ay makabuo ka ng normal na ugnayan sa Lumikha, at para makapagpaliwanag ka sa Diyos. Ang susunod, pag-isipan mong mabuti kung paano ka magkakaroon ng katapatan sa pagganap mo ng iyong tungkulin, nang hindi ka nagiging pabasta-basta; dapat mong buong-buong isapuso ito. Huwag mong subukang harapin ang Lumikha nang pabasta-basta. Gawin mo ang anumang hinihingi sa iyo ng Diyos, makinig ka, at magpasakop. Ngayon, may iba pa ba kayong iniisip o pagtutol sa mga salita ng Diyos na tumatawag sa mga tao na uod? Maiuugnay ba ninyo ito sa sarili ninyo? Sinasabi ng ilang tao na: “Matagal ko nang ginagawa ang tungkulin kong ito, kaya hindi naman siguro ako isang uod, hindi ba?” Tama ba sila? (Hindi.) Bakit sila mali? Walang kaugnayan ang ginagawa mo sa panlabas sa kung uod ka man o hindi. Gustong makita ng Diyos kung paano mo ginagawa ang iyong tungkulin, kung nasa anong kalagayan ka habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung saan ka umaasa para magawa mo ang iyong tungkulin, kung nagkakamit ka ba ng mga resulta habang ginagawa mo ang iyong tungkulin o hindi, kung tinutupad mo ba ang iyong mga responsabilidad o hindi, at kung nagagawa mo ba ang iyong trabaho o hindi. Kung ginagawa mo ang iyong tungkulin nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, nagkakaroon ka ng katapatan, nagagawa mo ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan, at napapalugod mo ang Diyos, matatakasan mo na ang katawagang “uod.”
Habang nararanasan mo ang gawain ng Diyos, dapat mo munang tanggapin ang mga salita Niya na naglalantad ng kalikasang diwa ng tao. Kung nagagawa mong makita nang malinaw ang tiwaling disposisyon ng mga tao at ang katotohanan ng kanilang katiwalian, at kung tunay mong nakikilala ang iyong sarili, hindi ba’t ito ang daan pasulong para magtamo ka ng kaligtasan? Napakahalaga ng paraan ng kung paano mo hinaharap ang mga salita ng Diyos na humahatol at naglalantad sa tao. Una sa lahat, dapat mong pag-isipan nang malalim at unawain ang mga salita ng Diyos na naglalantad sa kalikasan ng tao; kung nakikita mo nang malinaw na ang inilantad ng Diyos ay ganap na alinsunod sa totoo mong kalagayan, aanihin mo ang bunga. Ang ilang tao, matapos nilang basahin ang mga salita ng Diyos, ay laging ikinukumpara ang kanilang sarili sa iba; lagi nilang iniisip na ang iba ang pinatatamaan ng mga ito, at na ang mga salitang sinabi ng Diyos ay walang kinalaman sa kanila, gaano man kahigpit ang mga ito. Problema ito—hindi tinatanggap ng ganitong uri ng tao ang katotohanan. Kung gayon, paano mo ba dapat harapin ang mga salita ng Diyos? Tuwing nagbabasa ka ng alinman sa mga salita ng Diyos, dapat mong ikumpara ang mga ito sa iyong sarili, ikumpara mo ang mga ito sa sarili mong kalagayan, sa sarili mong mga kaisipan at pananaw, at ikumpara ang mga ito sa sarili mong pag-uugali. Kung talagang maikukumpara ka sa mga ito at hinahanap mo ang katotohanan para lutasin ang sarili mong mga problema, kung gayon, aanihin mo ang bunga. Pagkatapos ay dapat mong gamitin ang realidad ng katotohanang nauunawaan mo para puntahan at tulungan ang iba; tulungan silang maunawaan ang katotohanan at lutasin ang mga problema, tulungan silang lumapit sa Diyos, at tanggapin ang Kanyang mga salita at ang katotohanan. Nagpapakita ito ng pagmamahal para sa iba, at maaari kang umani mula rito; kapaki-pakinabang ito sa iyo at sa iba, isang dobleng ani. Kapag ganito ka kumilos, magiging kapaki-pakinabang kang tao sa loob ng sambahayan ng Diyos; kung taglay mo ang gayong katotohanang realidad, magagawa mong magpatotoo sa Diyos. Hindi ba’t makukuha mo ang pagsang-ayon ng Diyos kung gayon? Dapat mong gamitin ang ganoon ding mga pamamaraan para tanggapin at magpasakop sa nalalabing mga salita kung saan inilantad ng Diyos ang mga tao, at pagkatapos ay susuriin mong mabuti ang iyong sarili at kikilalanin ang iyong sarili. Alam mo ba kung paano ikumpara ang iyong sarili sa ganitong paraan? (Medyo.) Kung sasabihin ng Diyos na ikaw si Satanas, na ikaw ay isang diyablo, na mayroon kang tiwaling disposisyon, at na nilalabanan mo Siya, baka maikukumpara mo ang sarili mo sa mas malalaking bagay na ito; pero kapag tinutukoy ng Kanyang mga salita ang iba pang partikular na kalagayan at pagpapamalas para tiyakin kung anong uri kang tao, hindi mo maikukumpara ang mga ito sa sarili mo, at hindi mo matatanggap ang mga ito—napakalaking problema nito. Ano ang ibig sabihin nito? (Ibig sabihin nito ay hindi namin tunay na kilala ang aming sarili.) Hindi mo tunay na kilala ang iyong sarili, at hindi mo tinatanggap ang katotohanan, hindi ba’t ganoon ang kaso? (Ganoon nga.) Kailangang unti-unting maunawaan ng mga tao ang mga salitang ginagamit ng Diyos para ilantad ang mga tao, gaya ng “mga uod,” “maruming demonyo,” “walang kakwenta-kwenta,” “basura,” at “walang silbi.” Ang layon ba ng Diyos sa paglalantad sa mga tao ay para kondenahin sila? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? (Para makilala ng mga tao ang kanilang sarili, at para maiwaksi ang kanilang katiwalian.) Tama iyon. Ang layon ng Diyos sa paglalantad ng mga bagay na ito ay para tulutan kang makilala mo ang iyong sarili, para matamo ang katotohanan habang ginagawa mo ito, at para maunawaan ang Kanyang mga layunin. Kung inilalantad ka ng Diyos bilang isang uod, bilang isang mababang-uring tao, bilang walang silbi, paano ka dapat magsagawa? Maaaring sasabihin mo na, “Sinasabi ng Diyos na isa akong uod, kaya magiging uod ako. Sinasabi ng Diyos na wala akong silbi, kaya magiging walang silbi ako. Sinasabi ng Diyos na wala akong kakwenta-kwenta, kaya magiging walang kakwenta-kwentang basura ako. Sinasabi ng Diyos na isa akong maruming demonyo, na ako si Satanas, kaya magiging maruming demonyo ako, magiging Satanas ako.” Ito ba ang paraan para matamo ang katotohanan? (Hindi.) Ang layon ng Diyos sa pagsasabi ng mga salitang ito, ang pinakalayon Niya sa lahat ng Kanyang paghatol, pagkastigo, at paglalantad, ay para tulutan ang mga tao na maunawaan ang Kanyang mga layunin, para tahakin ang landas ng pagsasagawa ng katotohanan, ng pagkilala sa Diyos, at pagpapasakop sa Kanya. Kung laging may maling pagkaunawa ang mga tao sa Diyos habang tinatahak nila ang landas na ito, kung madalas na hindi nila ganap na matanggap ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at kung masyadong matindi ang kanilang paghihimagsik, ano ang maaari nilang gawin? Dapat madalas kang lumapit sa harap ng Diyos, tanggapin ang Kanyang masusing pagsisiyasat, tulutan Siyang gabayan ka sa paulit-ulit na mga pagsubok at pagpipino, at tulutan Siyang magsaayos ng mga sitwasyon para linisin ka. Napakalalim ng katiwalian ng mga tao, kailangan nila ang Diyos para linisin sila! Kung walang lakas ng loob ang mga tao na gawin ito, kung lagi silang nagpapasasa sa kaginhawahan, kung laging magulo ang isip nila, at kung hindi man lang nila hinahanap ang katotohanan, kung gayon, napakaliit ng pag-asa nilang matamo ang katotohanan. May maraming praktikal na pagpapamalas ng masusing pagsisiyasat ng Diyos sa kaibuturan ng puso ng mga tao, na makikita sa maraming bagay ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao na inilalantad ng Diyos. Tanging ang Diyos ang nakakakita ng mga bagay na ito sa loob ng kalikasang diwa ng tao. Kaya, kung hindi ka nakikinig sa mga salita ng Diyos, hindi namumuhay sa paraang sinabi sa iyo ng Diyos, at hindi ka nananampalataya sa Kanya o hindi mo ginagawa ang iyong tungkulin sa paraang sinabi Niya sa iyo, hinding-hindi mo matatahak ang landas ng pagtugon sa mga layunin ng Diyos; hinding-hindi mo matatahak ang tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at magiging napakahirap para sa iyo na matamo ang kaligtasan. Tama ba ang sinasabi Ko? (Tama.) Mapapalugod ba ng mga tao ang Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanya ayon sa sarili nilang mga pamamaraan? (Hindi.) Ang mga pamamaraan, imahinasyon, at ang mga paraan at kaparaanang naiisip ng mga tao ay hindi alinsunod sa katotohanan, kaya ang ganitong uri ng pananampalataya sa Diyos ay hindi kailanman makalulugod sa Kanya.
Kasasalita Ko lang tungkol sa ikaapat na pahiwatig ng kung paano susukatin kung nakaranas ba o hindi ng paglago sa pagpasok sa buhay ang isang tao, na siyang antas kung saan nagagawa ng isang tao na magpasakop sa Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila. Ano ang nagpapasya ng antas kung saan nagagawa mong magpasakop sa Diyos? Kung hindi mo maarok o maunawaan ang mga salita ng Diyos, kung hindi mo man lang maintindihan ang mga bagay na sinasabi at hinihingi ng Diyos, makapagpapasakop ka ba sa Kanya? (Hindi.) Masyado itong mahirap. Kaya’t sa pinakahuling pagsusuri, ano ang kailangan ng isang tao upang makapagpasakop? (Ang maunawaan ang katotohanan.) Kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi ba’t katumbas iyon ng pag-unawa sa mga layunin ng Diyos? (Oo.) Sa sandaling maunawaan na nila ang mga layunin ng Diyos, saka lang sila unti-unting makapagpapasakop sa Diyos at makakatugon sa Kanyang mga layunin.
Sa pagpapasya kung nagkaroon ba ang isang tao ng paglago sa kanyang pagpasok sa buhay o hindi, may isa pang mahalagang tagapagpahiwatig nito, ito ay kung nauunawaan mo ba o hindi ang mga layunin ng Diyos at natatamo ang katotohanan sa gitna ng mga bagay-bagay na nakahaharap mo. Ngayon, kapag nahaharap ang karamihan sa inyo sa isang bagay o sitwasyon, gaano karaming katotohanan ang nauunawaan ninyo mula rito? Natatamo ba ninyo ang katotohanan mula rito? Natatamo ba ninyo ang katotohanan sa karamihan ng mga bagay-bagay, o kadalasan ba ay hindi ninyo natatamo ang katotohanan, laging kumikilos nang magulo ang isip at nag-iiwan ng hindi tapos na gawain? (Kadalasan, nag-iiwan kami ng hindi tapos na gawain.) Ito ang tunay ninyong kalagayan: Kadalasan ay hindi ninyo natatamo ang katotohanan. Ano ang ipinakikita nito? Ipinakikita nitong napakaliit ng inyong tayog, at kapag nahaharap kayo sa maraming bagay, hindi ninyo taglay ang kinakailangang tayog o katotohanang realidad para lutasin ang mga problema. Maharap ka man sa mga pagsubok o tukso, hindi ka naninindigan sa iyong patotoo, kaya hindi mo taglay ang katotohanang realidad. Kung hindi mo nakikita nang mabuti ang sarili mong mga problema, at hindi mo alam kung paano hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili mong mga problema, lubusan ka nang nabigo. Kung muli kang mahaharap sa parehong uri ng pagsubok, magiging magulo pa rin ang isip mo, at gagamitin mo ang parehong pamamaraan para lutasin ito at ang parehong saloobin sa pagharap mo rito. Hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng paglago? (Oo.) Sa anong antas namamalagi ang inyong tayog ngayon? Kapag may mga nangyayari sa inyo, nalilito kayo, at pagkatapos ay naghahanap kayo ng mga salita ng Diyos, ng mga himno, at mga sermon at pagbabahagi, pati na ng iba’t ibang prinsipyong karaniwang ginagamit ninyo, o kung hindi ay naghahanap kayo ng mga taong makababahaginan ninyo—ito ba ang tayog ninyo sa kasalukuyan? (Oo.) Kung gayon ay malaki ba o maliit ang tayog ninyo? (Maliit.) Kaya ba ninyong mamuhay nang nakapagsasarili sa ganitong uri ng tayog? Kaya ba ninyong lutasin nang mag-isa ang mga problema ninyo? (Hindi.) Kung ganito ang inyong tayog sa kasalukuyan, sa sandaling iwanan ninyo ang buhay-iglesia, iwanan ang inyong mga kapatid, iwanan ang mga sitwasyon at lugar kung saan ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, makasusunod pa rin ba kayo sa Diyos? Kaya ba talaga ninyong sumunod sa Kanya hanggang sa kahuli-hulihan? Hindi pa nalalaman ang bagay na ito. Posible ring pagkalipas ng tatlo o limang taon, maaaring sumusunod pa rin kayo sa Diyos, pero ang ugali at asal ninyo, ang mga minimithi ninyo, ang direksyon ng inyong buhay, ang inyong mga perspektibo sa mga bagay-bagay, ang paraan ng inyong pakikitungo sa iba, at ang saloobin kung paano ninyo tinatrato ang mga bagay-bagay, wala sa mga ito ang nagbago, at wala kayong ipinagkaiba sa isang walang pananampalataya. Ang magiging pagkakaiba lamang ay na tinatawag ninyo ang sarili ninyong mananampalataya, sumasampalataya pa rin kayo sa Diyos sa pangalan lamang, at tinatawag pa rin ninyo ang inyong sarili na isa sa Kanyang mga tagasunod. Gayunpaman, sa diwa, wala na ang Diyos sa puso ninyo, hindi na ninyo pinanghahawakan ang Kanyang daan sa inyong puso, at wala na kayong kaugnayan sa Kanya. Dahil madalas kang lumalapit sa harap ng Diyos nang hindi nalalaman kung ano ang sasabihin mo sa panalangin sa Kanya o kung ano ang hahanapin, at wala kang gustong sabihin sa Kanya sa iyong puso, nagsisimula ka nang mapalayo sa Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga bagay-bagay, hindi nagsisilbing gabay sa iyo ang mga salita ng Diyos, hindi mo rin alam kung paano hanapin ang katotohanan, at kumikilos ka ayon sa sarili mong mga imahinasyon. Sa gayon, hindi ba’t lubusan ka nang naging isang hindi mananampalataya? Ano ba ang ibig Kong sabihin sa mga salitang ito? Bago matamo ng isang tao ang katotohanan, lagi siyang nalilito kapag may mga bagay na nangyayari sa kanya, hindi niya alam kung paano gamitin ang katotohanan, at hindi niya alam kung paano harapin ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga layunin ng Diyos. Nasa maayos o magulong sitwasyon ka man, tinutukso o sinusubok ka man, laging hindi mo alam kung ano ang gagawin; pasibo mo na lang itong hinaharap, at hindi mo nagagamit ang isang positibong saloobin o ang katotohanan para lutasin ang mga bagay-bagay. Anumang sitwasyon ang makahaharap mo, lubos kang walang kakayahang tiisin ang mga iyon, at hindi ka makapagkukusang gamitin ang katotohanan para lutasin ang mga problema. Kahit pa hanapin mo ang katotohanan sa mismong sandaling iyon para lutasin ang mga ito at subukang tugunan ang mga layunin ng Diyos tungkol sa bagay na ito, hindi mo ito magagawa. Kaya anong porsiyento ng asal at buhay mo ang may kaugnayan sa Diyos, ang may kaugnayan sa asal at buhay na dapat taglayin ng isang mananampalataya? Kung isang porsiyento lang ng pormalidad at mga pansariling pagnanais ng iyong puso ang may kaugnayan sa Diyos, at siyamnapu’t siyam na porsiyento naman ang walang kaugnayan sa katotohanan, kung gayon, katulad ka nga ng sinabi ng Diyos: “Marami kayong ginawang walang kinalaman sa katotohanan.” Hindi ba’t nakatatakot at mapanganib ito? (Oo.) Lubhang nakatatakot ito, at napakamapanganib. Kaya ano ang mga problemang kinahaharap ng mga tao? Kung iiwanan ng mga tao ang mga sitwasyong isinaayos ng Diyos, mawawalan sila ng oportunidad na magawang perpekto ng Diyos, hindi sila magiging karapat-dapat sa maingat na pagsasaalang-alang ng Diyos, at sinusukuan nila ang mga aral na sadyang isinasaayos ng Diyos para sa kanila. Ito ang bagay na pinaka-ikinalulungkot ng Diyos. Nagsasaayos ang Diyos ng mga angkop na sitwasyon para sa mga tao nang sa gayon ay magawa nilang hangarin ang katotohanan. Kung ititigil ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, ititigil ang paghahangad sa katotohanan, hindi babasahin ang mga salita ng Diyos, at makakayang lumayo sa Diyos sa anumang oras at lugar, tapat ba silang tagasunod ng Diyos? Talagang hindi. Nakikita na siguro ninyo ito nang malinaw—ito ang tunay ninyong tayog sa ngayon. Ang mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ay hindi talaga nakauunawa sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos para sa kanila, at hindi rin nila alam kung paano manalangin o makipagbahaginan sa Diyos, anong uri ng tayog mayroon ang mga taong ito? Hindi ba’t masyadong maliit ang tayog nila, at hindi nila alam kung paano hangarin ang katotohanan? Kung hindi nila alam kung paano hangarin ang katotohanan, paano nila ito matatamo? Mula sa isang pansariling perspektibo, maaaring isipin mong naiwaksi mo na ang lahat ng bagay at na tunay ang pananampalataya mo sa Diyos, pero ang totoo, hindi mo tinatanggap ang katotohanan, at hindi nakamit ng Diyos ang puso mo—hindi ba’t totoo ito? (Totoo nga.) Hindi nakamit ng Diyos ang iyong puso, na ibig sabihin, sa maraming bagay, may kakayahan ka pa ring lumaban at magtaksil sa Diyos, at lumayo sa Diyos, hanggang sa puntong tatanggihan mo pa nga ang pag-iral ng Diyos. Bukod sa hindi ka makapagpasakop sa Diyos, hindi mo magawang maging tapat sa Kanya, at wala kang takot sa Diyos, kaya mo ring labanan at pagtaksilan ang Diyos sa lahat ng pagkakataon at lugar. Nasa ganitong sitwasyon ang mga tao bago nila natamo ang katotohanan. Ano ang Aking layon sa pagsasabi ng lahat ng ito sa inyo? Bakit Ko sinasabi ang mga salitang ito? Para ba buhusan kayo ng malamig na tubig? (Hindi, ito ay para tulutan kaming malaman ang sarili naming tunay na tayog.) Ang mga salitang ito ay pampagising para sa inyo at mapakikinabangan ninyo. Bilang isang mananampalataya, kung hindi mo matatamo ang katotohanan, kailanman ay hindi mo makakamit ang Diyos, at imposible para sa Kanya na makamit ka. Samakatuwid, ang paghahangad sa katotohanan sa pananampalataya mo sa Diyos ang pinakamahalagang bagay.
Sa paghahangad ng katotohanan, dapat magtuon ang isang tao sa pagsasagawa ng katotohanan, ngunit saan siya dapat magsimulang magsagawa ng katotohanan? Walang mga regulasyon para dito. Dapat mong isagawa ang alinmang mga aspeto ng katotohanan na nauunawaan mo. Kung nasimulan mo ang isang tungkulin, dapat magsimula kang isagawa ang katotohanan sa paggampan ng iyong tungkulin. Sa paggawa ng iyong tungkulin, maraming aspeto ng katotohanan ang dapat isagawa, at dapat mong isagawa kung aling mga aspeto ng katotohanan ang nauunawaan mo. Halimbawa, maaari kang magsimula sa pagiging isang matapat na tao, sa pagsasalita nang tapat, at pagbubukas ng iyong puso. Kung may isang bagay na hiyang-hiya kang sabihin sa mga kapatid mo, dapat kang lumuhod at sabihin iyon sa Diyos sa panalangin. Ano ang dapat mong sabihin sa Diyos? Sabihin mo sa Diyos kung ano ang nasa puso mo; huwag kang sumambit ng mga salitang walang katuturan o magtangkang lokohin Siya. Magsimula sa pagiging matapat. Kung naging mahina ka, sabihin mong naging mahina ka; kung naging buktot ka, sabihin mong naging buktot ka; kung nanloko ka, sabihin mong nanloko ka; kung nagkaroon ka ng masasama at walang-kabuluhang kaisipan, sabihin mo iyon sa Diyos. Kung lagi kang nakikipagkompetensya para sa katayuan, sabihin mo rin iyan sa Kanya. Hayaan mong disiplinahin ka ng Diyos; hayaan mong magsaayos Siya ng mga kapaligiran para sa iyo. Hayaan mong tulungan ka ng Diyos na malampasan ang lahat ng paghihirap mo at tulungan kang lutasin ang lahat ng problema mo. Dapat mong buksan ang iyong puso sa Diyos; huwag mo itong panatilihing nakasara. Kahit pagsarhan mo pa Siya, nasisisyasat pa rin Niya ang kalooban mo. Ngunit kung bubuksan mo ang iyong puso sa Kanya, matatamo mo ang katotohanan. Aling landas ang dapat mong piliin? Dapat mong buksan ang puso mo at sabihin sa Diyos kung ano ang nasa loob nito. Hindi ka dapat magsalita ng anumang hindi totoo sa anumang paraan o magpanggap. Dapat kang magsimula sa pagiging isang matapat na tao. Maraming taon na tayong nagbabahaginan sa katotohanan tungkol sa pagiging isang matapat na tao, subalit sa kasalukuyan ay marami pa ring tao ang nananatiling walang pakialam, na nagsasalita at kumikilos lamang ayon sa sarili nilang mga intensyon, hangarin, at layunin, at hindi kailanman naisipang magsisi. Hindi ito ang saloobin ng mga taong matapat. Bakit ba hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat? Para ba mas padaliin ang pangangasiwa sa mga tao? Siguradong hindi. Hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao dahil minamahal at pinagpapala ng Diyos ang matatapat na tao. Ang ibig sabihin ng pagiging matapat na tao ay pagiging isang taong may konsiyensiya at katwiran. Ang ibig sabihin nito ay pagiging isang taong mapagkakatiwalaan, isang taong mahal ng Diyos, at isang taong kayang magsagawa ng katotohanan at mahalin ang Diyos. Ang pagiging matapat na tao ang pinakapangunahing pagpapamalas ng pagtataglay ng normal na pagkatao at pagsasabuhay ng isang tunay na wangis ng tao. Kung ang isang tao ay hindi naging matapat kailanman, o hindi inisip na maging matapat, hindi niya mauunawaan ang katotohanan, lalong hindi niya makakamit ang katotohanan. Kung hindi ka naniniwala sa Akin, humayo ka at tingnan mo mismo, o kaya ay humayo ka at ikaw mismo ang makaranas nito. Sa pamamagitan lamang ng pagiging isang matapat na tao maaaring maging bukas ang puso mo sa Diyos, maaari mong matanggap ang katotohanan, maaaring maging iyong buhay sa puso mo ang katotohanan, at maaari mong maunawaan at makamit ang katotohanan. Kung palaging sarado ang puso mo, kung hindi ka nagtatapat o nagsasabi ng kung ano ang nasa puso mo sa sinuman, sa puntong walang nakakaunawa sa iyo, kung gayon ay masyadong matibay ang depensa mo, at ikaw ang pinakamapanlinlang sa mga tao. Kung nananalig ka sa Diyos ngunit hindi mo kayang tunay na buksan ang sarili mo sa Diyos, kung kaya mong magsinungaling sa Diyos o magpalabis upang linlangin ang Diyos, kung hindi mo kayang buksan ang puso mo sa Diyos, at kaya pa ring magpaliguy-ligoy sa pagsasalita at itago ang iyong mga layunin, mapipinsala mo lamang ang iyong sarili, at hindi ka papansinin ng Diyos at hindi gagawa sa iyo. Hindi mo mauunawaan ang alinman sa katotohanan, at hindi mo makakamit ang alinman sa katotohanan. Ngayon, nakikita na ba ninyo ang kahalagahan ng paghahangad at pagtatamo ng katotohanan? Ano ang unang bagay na dapat mong gawin para hangarin ang katotohanan? Dapat kang maging isang matapat na tao. Kung hahangarin ng mga tao na maging matapat, saka lang nila malalaman kung gaano sila katiwali, kung mayroon ba talaga silang anumang wangis ng tao o wala, at malinaw na makakagawa ng sarili nilang hakbang o makakakita ng kanilang mga kakulangan. Kapag nagsasagawa sila ng katapatan, saka lang sila magkakaroon ng kamalayan kung gaano karaming kasinungalingan ang sinasabi nila at kung gaano kalalim nakatago ang panlilinlang at pandaraya nila. Tanging sa pagkakaroon ng karanasan sa pagsasagawa ng pagiging matapat unti-unting malalaman ng mga tao ang katotohanan ng kanilang sariling katiwalian at makikilala ang kanilang sariling kalikasang diwa, at saka lamang tuloy-tuloy na madadalisay ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Tanging sa takbo ng palagiang pagdadalisay ng kanilang mga tiwaling disposisyon magagawang makamit ng mga tao ang katotohanan. Huwag kayong magmadali sa paglasap ng mga salitang ito. Hindi pineperpekto ng Diyos yaong mga mapanlinlang. Kung ang puso mo ay hindi tapat—kung hindi ka isang tapat na tao—kung gayon hindi ka makakamit ng Diyos. Hindi mo rin makakamit ang katotohanan, at hindi rin makakayang makamit ang Diyos. Ano ang ibig sabihin kung hindi mo makakamit ang Diyos? Kung hindi mo makakamit ang Diyos at hindi mo naunawaan ang katotohanan, hindi mo makikilala ang Diyos, kaya’t mawawalan ng paraan na maaari kang maging kaayon ng Diyos, kung magkagayon ay ikaw ang kaaway ng Diyos. Kung hindi ka kaayon ng Diyos, hindi mo Diyos ang Diyos; at kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, hindi ka maaaring maligtas. Kung hindi mo hinahangad na matamo ang kaligtasan, bakit ka naniniwala sa Diyos? Kung hindi mo matatamo ang kaligtasan, magiging matinding kaaway ka ng Diyos magpakailanman, at itatakda na ang iyong kahihinatnan. Kaya, kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat. Sa huli, ang mga nakakamit ng Diyos ay minamarkahan ng isang tanda. Alam ba ninyo kung ano ito? Nasusulat ito sa Pahayag, sa Bibliya: “At sa kanilang bibig ay walang nasumpungang kasinungalingan: sila’y mga walang dungis” (Pahayag 14:5). Sino yaong “sila”? Sila yaong mga naligtas, nagawang perpekto at nakamit ng Diyos. Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong ito? Ano ang mga katangian at mga pagpapahayag ng kanilang pag-asal? Wala silang dungis. Hindi sila nagsasabi ng mga kasinungalingan. Marahil ay nauunawaan at naiintindihan ninyong lahat ang kahulugan ng hindi pagsasabi ng mga kasinungalingan: Nangangahulugan ito ng pagiging matapat. Ano ang tinutukoy ng “walang dungis”? Ang ibig sabihin nito ay hindi paggawa ng kasamaan. At anong pundasyon ang pinagbabatayan ng hindi paggawa ng kasamaan? Walang duda, nakabatay ito sa pundasyon ng pagkatakot sa Diyos. Samakatuwid, ang ibig sabihin ng pagiging walang dungis ay ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Paano inilalarawan ng Diyos ang taong walang dungis? Sa mga mata ng Diyos, tanging ang mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan ang perpekto; sa gayon, ang mga taong walang dungis ay yaong mga may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at tanging ang mga perpekto ang walang dungis. Tama talaga ito. Kung araw-araw na nagsisinungaling ang isang tao, hindi ba iyon isang dungis? Kung nagsasalita at kumikilos siya nang ayon sa sarili niyang kalooban, hindi ba iyon isang dungis? Kung lagi siyang naghahanap ng papuri kapag kumikilos siya, laging humihingi sa Diyos ng gantimpala, hindi ba iyon isang dungis? Kung hindi siya kailanman nagbigay-papuri sa Diyos, laging nagpapatotoo sa kanyang sarili, hindi ba iyon isang dungis? Kung pabasta-basta niyang ginagawa ang kanyang tungkulin, nagiging oportunista, nagkikimkim ng masasamang layunin, at nagpapakatamad, hindi ba iyon isang dungis? Lahat ng pagbubunyag na ito ng mga tiwaling disposiyon ay mga dungis. Hindi lang ito alam ng mga tao bago pa nila maunawaan ang katotohanan. Sa kasalukuyan, alam ninyong lahat na ang mga pagbubunyag ng katiwalian na ito ay mga dungis at karumihan; sa sandaling maunawaan ninyo nang kaunti ang katotohanan, saka lamang kayo magkakaroon ng ganitong uri ng pagkakilala. Lahat ng mga tumutukoy sa mga pagbubunyag ng katiwalian ay may kaugnayan sa mga kasinungalingan; ang mga salita ng Bibliya, na “walang nasumpungang kasinungalingan,” ang mahalagang elemento sa pagninilay-nilay kung may mga dungis ka ba o wala. Kaya, kung susukatin kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o wala, may isa pang pahiwatig, ito ay: kung nakapasok ka ba o hindi sa pagiging isang matapat na tao, kung gaano ba karaming kasinungalingan ang masusumpungan sa mga bagay na sinasabi mo, at kung unti-unti bang nababawasan ang iyong mga kasinungalingan o kung katulad pa rin ba ito ng dati. Kung ang mga kasinungalingan mo, kabilang na ang mapagbalatkayo at mapanlinlang mong mga salita, ay unti-unting nababawasan, pinatutunayan niyon na nagsimula ka nang pumasok sa realidad, at lumalago na ang iyong buhay. Hindi ba’t isa itong praktikal na paraan para tingnan ang mga bagay-bagay? (Oo.) Kung pakiramdam mo ay nakaranas ka na ng paglago, pero hindi man lang nabawasan ang mga kasinungalingan mo, at katulad ka lang din ng isang taong walang pananampalataya, kung gayon, isa ba itong normal na pagpapamalas ng pagpasok sa katotohanang realidad? (Hindi.) Kapag nakapasok ang isang tao sa katotohanang realidad, kahit papaano ay magsasalita siya ng mas kaunting kasinungalingan; magiging isang matapat na tao siya. Kung masyado kang nagsisinungaling at masyadong nadungisan ang mga salita mo, pinatutunayan nito na wala kang anumang ipinagbago, at hindi ka pa isang matapat na tao. Kung hindi ka isang matapat na tao, wala kang pagpasok sa buhay, kaya naman, anong paglago ang maaari mong maranasan? Buong-buo pa rin ang tiwali mong disposisyon, at isa kang walang pananampalataya at isang diyablo. Ang pagiging isang matapat na tao ay isang pahiwatig kung saan masusukat kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang buhay o hindi; dapat malaman ng mga tao kung paano ikumpara ang mga bagay na ito sa kanilang sarili at malaman kung paano nila susukatin ang kanilang sarili.
Sa kabuuan, ilang pahiwatig ng kung nakaranas ba ang isang tao ng paglago sa kanyang pagpasok sa buhay ang napagbahaginan natin? (Anim.) Ibuod kung ano-ano ang anim na bagay na ito. (Ang una ay kung naniniwala ba ang isang tao sa kanyang puso na ang landas ng pananalig sa Diyos ay tama, at ganap na likas at may katwiran, kung natukoy na ba niya na ang landas na ito ang tamang landas sa buhay, at kung mayroon ba siyang determinasyon at kagustuhan na sumunod sa Diyos nang hindi nagdadalawang-isip tungkol dito. Ang ikalawa ay kung binago na ba niya ang kanyang mga pananaw tungkol sa mga tao, sa mundo, sa lipunang ito, sa landas ng buhay, mga mithiin, at direksyon ng buhay, at sa kahulugan at halaga ng buhay. Ang ikatlo ay kung may normal bang ugnayan sa Diyos ang mga tao o wala. Ang ikaapat ay kung nagagawa ba nilang magpasakop sa Diyos o hindi sa mga tao, pangyayari, bagay, at sitwasyong nakakaharap nila, at sa kung hanggang saan nila nagagawang magpasakop. Ang ikalima ay kung magagawa ba ng mga tao o hindi na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at matamo ang katotohanan kapag may mga nangyayari sa kanila. Ang ikaanim ay kung nakapasok ba sila o hindi sa pagiging isang matapat na tao.) Dapat madalas ninyong suriin ang inyong sarili para makita kung nakapasok ba kayo sa mga bagay na ito o hindi, at nakapagbahaginan sa mga ito sa inyong mga pagtitipon. Kung hindi mo laging pinagtutuunan ang mga bagay na ito, hinding-hindi lalago ang buhay mo, at hinding-hindi magbabago ang disposisyon mo. Nakakakuha ng mga resulta ang mga tao sa alinmang bagay na pinagtutuunan nila, sa kung saanman ibinubuhos ang kanilang pagsisikap. Kung lagi kang nakatuon sa doktrina, doktrina lang ang matatamo mo; kung pinagtutuunan mong makakuha ng katayuan at kapangyarihan, maaaring maging matatag ang katayuan at kapangyarihan mo, pero hindi mo matatamo ang katotohanan, at matitiwalag ka. Kahit ano pa ang tungkuling ginagawa mo, ang pagpasok sa buhay ang mahalagang bagay. Hindi ka maaaring magpahinga ukol sa bagay na ito, ni hindi ka maaaring maging mapagpabaya.
Enero 31, 2017