Malulutas Lamang ang Isang Tiwaling Disposisyon sa Pagtanggap ng Katotohanan
Ang pananalig sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Pinili kayong lahat ng Diyos, at pinili ninyong lahat na sumunod sa Kanya at tumahak sa tamang landas sa buhay. Pinakamainam kung magagawa ninyong bigyang-kasiyahan ang mga layunin ng Diyos, gawin ang inyong mga tungkulin nang tama, kamtin ang katotohanan, at maperpekto ng Diyos. Hindi ba’t ito ang mithiin at inaasam ninyo? (Ito nga.) Isa itong magandang bagay, isang positibong bagay, para sa isang mananampalataya na magkaroon ng gayong mithiin, at tinutupad ng Diyos ang mga positibong mithiin at inaasam ng mga tao. Minsan ba ay mayroong mga negatibo o maling mithiin at inaasam ang mga tao? Posible ito, dahil hindi pa maayos ang kalagayan ng mga tao bago nila makamit ang katotohanan, bumabalik pa nga ito sa dati kung minsan. Kapag lumilitaw ang mga negatibong bagay na iyon, hindi ba’t nakakaapekto ang mga ito sa iyong buhay pagpasok at sa iyong normal na ugnayan sa Diyos? Kung namumuhay ang mga tao sa mga kalagayang iyon, hindi ba lalala at magiging negatibo at mahina ang lagay nila? Ano ang dapat nilang gawin sa gayong mga pagkakataon? (Humarap sa Diyos sa panalangin.) Gayunpaman, hindi ba’t may mga oras na ayaw ng mga tao na manalangin, kapag gusto nilang patuloy na mamuhay sa isang masamang kalagayan, hinahayaan si Satanas na manipulahin sila ayon sa gusto nito, habang nagpapakasasa sila at ginagawa ang anumang nais nila, nang hindi iniisip kung ano ang magiging kahihinatnan nila? Mayroon bang ganitong kalagayan? (Mayroon.) Anong problema ang ipinamamalas nito? (Tumalikod sila sa Diyos.) At ano ang nagsanhi ng pagtalikod nila sa Diyos? Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng kawalan nila ng tayog at kawalan nila ng katotohanan? Totoo ngang ito ay dahil sa kanilang hindi sapat na pagkaunawa sa katotohanan, at sa kanilang kulang na tayog. Sa tuwing nangyayari ang gayong sitwasyon, kapag nasusumpungan ng isang tao ang kanyang sarili sa ganoong kalagayan, dapat siyang manalangin sa Diyos, umasa sa Diyos, at maghanap sa katotohanan. Kung masyadong mababa ang tayog niya at kulang siya sa katotohanan, dapat siyang maghanap at makipagbahaginan sa isang taong nakauunawa sa katotohanan, at kumuha ng panustos at suporta mula sa taong ito. Minsan, kakailanganin din niyang mapungusan ng ibang tao, o madisiplina ng Diyos. Kung hindi niya kayang tumayo sa sarili niyang mga paa, ito ay dahil hindi sapat ang nauunawaan niyang katotohanan at kulang siya sa tayog. Ang kakulangan sa tayog ay nagdudulot sa tao na hindi magawang labanan ang lahat ng uri ng negatibo, masamang kalagayan at kaisipan. Hindi ba’t nakapapagod mamuhay nang ganito? Sa anong mga kalagayan karaniwang namumuhay yaong mga kulang sa tayog? Mayroon ba sa inyong may personal na karanasan dito? Anong uri ng mga kalagayan ang nagdudulot sa inyo na maging malungkot, miserable, nag-aalinlangan, at sobrang pagod at lutang, na parang walang landas pasulong, kaya nagiging malumbay kayo sa buong araw, walang ganang manalangin o hangarin ang katotohanan? Kapag nahaharap kayo sa isang problema na tila hindi malulutas, kahit minsan ba ay naisip na ninyong sumuko? (Oo.) Kaya ano ang nagsasanhing lumitaw ang mga kalagayang ito? Sadya ba itong pinag-iisipan at pinaplano sa utak ng mga tao? Tiyak na hindi. Kaya, pagnilayan ang katanungang ito—ano sa tingin ninyo ang sanhi ng mga ito? Sabihin ninyo sa Akin, kung nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, tunay niyang malalaman ang kanyang sariling tiwaling disposisyon, malinaw niyang makikita ang katotohanan ng sarili niyang katiwalian, malalaman niya kung anong mga katotohanan ang kailangan niyang isangkap sa sarili para maisabuhay ang wangis ng tao, at malalaman niya kung paano palugurin ang Diyos sa iba’t ibang sitwasyon, gayundin ang mga wastong pamamaraan upang mapangasiwaan ang ilang bagay at ang mga prinsipyo na dapat na maitaguyod habang ginagawa ang mga ito—kapag dumanas ng paghihirap ang isang taong may gayong tayog, ano kaya ang magiging kalagayan niya? Tiyak na medyo magiging negatibo at mahina pa rin siya, tama? (Tama.) Kaya, saan nanggagaling ang pagkanegatibo at kahinaang ito, at paano ito malulutas? Hindi ba ninyo napagnilayan o natuklasan kailanman ang mga isyung ito noon? (Bihira lang.) Kaya, nagawa ninyong magpadalos-dalos sa mga paghihirap at oras ng kahinaan at pagkanegatibo, nang hindi kailanman sineseryoso ang mga bagay na ito. Kung ganoon, napakasuwerte ninyong makaabot sa ganito, at ito ay dahil lamang sa biyaya ng Diyos, na umakay sa inyo sa gitna ng mga paghihirap na ito. Ngayon, ano ang katanungang kababanggit Ko lang? (Ano ang nagsasanhing mamuhay ang mga tao sa isang negatibo at mahinang kalagayan?) Pag-isipan ito saglit; may sagot ba kayo? Sa teorya, ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Kung ganoon, ano ang gumagabay sa buhay ng mga tao bago nila maunawaan ang katotohanan? (Ang kanilang tiwaling, mga satanikong disposisyon.) Oo, hindi ba’t iyon ang sagot ninyo? Naiintindihan na ba ninyo ito ngayon? Kapag dumaranas ng mga paghihirap ang mga tao, gusto nilang sumuko, nababalisa sila, nanghihina, miserable, nakararamdam na napipigilan at nakagapos, na parang walang daan pasulong, at pagkatapos ay nagiging negatibo sila, wala silang pananalig, at iniisip na walang kabuluhan ang pananalig sa Diyos. Ano ang nagsasanhi nito? (Ang kanilang tiwaling, mga satanikong disposisyon.) Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, anong uri ng disposisyon ang ipinamumuhay nila? Anong kalikasan ang ipinamumuhay nila? Ano ang gumagabay sa buhay nila? (Ang kanilang tiwaling, mga satanikong disposisyon.) Anong mga bagay ang maaaring lumitaw sa loob ng isang tao bilang resulta ng isang tiwaling, satanikong disposisyon? Kayabangan, paglaban sa Diyos at pagkakanulo sa Diyos, at pagsalungat sa Diyos. Ang lahat ng tiwaling disposisyong ito ay nagdudulot lang ng pagkamiserable, pagkanegatibo, at panghihina sa mga tao. Ngayon, bakit ang tiwaling, mga satanikong disposisyon ay nakapagdudulot sa mga tao ng pagkamiserable, pagkanegatibo, at panghihina, pero hindi nakapagbibigay ng kapayapaan, kagalakan, kaginhawahan, o kaligayahan sa isipan ng isang tao? Bakit nagagawang negatibo ng mga negatibong bagay na ito ang isang tao? Ang mga tiwaling disposisyon ay mga negatibong bagay, at salungat ang mga ito sa katotohanan, kaya’t hindi makagaganap ang mga ito ng anumang positibong gampanin, kundi ng mga negatibo lamang. Ang mga ito ay hindi makapagbibigay sa mga tao ng pagkapositibo, motibasyon, o ng mabuting pag-iisip, nagdudulot lamang ang mga ito sa mga tao ng kahinaan, pagkanegatibo, at pagkamiserable. Kapag nag-ugat na sa mga tao ang isang satanikong disposisyon at naging kalikasan na nila ito, sapat na ito upang magtanim ng kadiliman at kasamaan sa kanilang puso, at akayin silang hangarin at piliin ang maling landas. Sa malakas na udyok ng isang tiwaling satanikong disposisyon, ano ang mga mithiin, inaasahan, ambisyon, at layunin at direksyon sa buhay ng mga tao? Hindi ba sumasalungat ang mga ito sa mga positibong bagay? Halimbawa, palaging nais ng mga tao na maging sikat o maging mga kilalang tao; hinihiling nilang magtamo ng malaking katanyagan at mabuting pangalan, at magdala ng karangalan sa mga ninuno nila. Mga positibong bagay ba ang mga ito? Lubhang hindi kaayon ang mga ito ng mga positibong bagay; higit pa roon, taliwas ang mga ito sa batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ng pamamahala sa kapalaran ng sangkatauhan. Bakit Ko sinasabi iyan? Anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais ba Niya ng isang dakilang tao, isang kilalang tao, isang maharlikang tao, o isang taong yumayanig sa mundo? (Hindi.) Kaya, kung gayon, anong uri ng tao ang nais ng Diyos? (Isang taong may praktikal na saloobin na tumutupad sa tungkulin ng isang nilikha.) Oo, at ano pa? (Gusto ng Diyos ang isang matapat na tao na may takot sa Kanya at umiiwas sa kasamaan, at nagpapasakop sa Kanya.) (Isang taong nakikiisa sa Diyos sa lahat ng bagay, na nagsusumikap mahalin ang Diyos.) Tama rin ang mga sagot na iyon. Ito ay sinumang may parehong puso at isip sa Diyos. Sinasabi ba saanman sa mga salita ng Diyos na dapat panatilihin ng mga tao ang kanilang posisyon bilang tao? (Oo.) Ano ang sinasabi nito? (“Bilang isang bahagi ng nilikhang sangkatauhan, kailangang panaatilihin ng isang tao ang kanyang sariling posisyon, at kumilos nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakila, o maging superman, o mataas sa lahat, o maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilikha nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilikha; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I).) Yamang alam ninyo kung ano ang hinihingi ng mga salita ng Diyos sa mga tao, nagagawa ba ninyong sumunod sa mga hinihingi ng Diyos sa paghahangad ninyo sa asal ng tao? Gusto ba ninyo palaging ibuka ang inyong mga pakpak at lumipad, nais ba ninyong lumipad nang mag-isa, na maging isang agila sa halip na isang munting ibon? Anong disposisyon ito? Ito ba ang prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang inyong paghahangad sa pag-uugali ng tao ay dapat batay sa mga salita ng Diyos; ang mga salita ng Diyos lamang ang katotohanan. Lubha na kayong nagawang tiwali ni Satanas, at lagi ninyong itinuturing ang tradisyunal na kultura—ang mga salita ni Satanas—bilang katotohanan, bilang pakay ng inyong paghahangad, na ginagawang madali para sa inyo na tumahak sa maling landas, na tumahak sa landas ng paglaban sa Diyos. Ang mga kaisipan at pananaw ng tiwaling sangkatauhan, at ang mga bagay na pinagsusumikapan nila ay salungat sa mga pagnanais ng Diyos, sa katotohanan, at sa mga batas ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, sa Kanyang pangangasiwa sa lahat ng bagay, at sa Kanyang kontrol sa kapalaran ng sangkatauhan. Kaya gaano man kawasto at kamakatwiran ang ganitong klase ng paghahangad ayon sa mga kaisipan at kuru-kuro ng tao, hindi positibong bagay ang mga ito sa pananaw ng Diyos, at hindi naaayon sa Kanyang mga layunin ang mga ito. Dahil nilalabanan mo ang katunayan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng sangkatauhan, at dahil nais mong mag-solo, na inilalagay ang iyong kapalaran sa sarili mong mga kamay, lagi kang nauumpog sa pader, na sa lakas ay nagdurugo ang ulo mo, at walang magandang nangyayari sa iyo. Bakit walang nangyayaring maganda sa iyo? Dahil ang mga batas na itinakda ng Diyos ay hindi mababago ng sinumang nilalang. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay nangingibabaw sa lahat ng iba pa, hindi malalabag ng sinumang nilalang. Masyadong mataas ang tingin ng mga tao sa kanilang mga abilidad. Ano ba ang palaging nagpapanais sa mga tao na maging malaya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at palaging nagpapanais sa kanilang kontrolin ang sarili nilang kapalaran at planuhin ang sarili nilang kinabukasan, at nagpapanais na kontrolin ang kanilang mga inaasam, direksyon, at mithiin sa buhay? Saan nanggagaling ang simulang ito? (Sa isang tiwaling satanikong disposisyon.) Ano kung gayon ang idinudulot ng tiwaling satanikong disposisyon sa mga tao? (Pagsalungat sa Diyos.) Ano ang dumarating sa mga taong sumasalungat sa Diyos? (Pasakit.) Pasakit? Ito ay pagkawasak! Ang pasakit ay wala pa sa kalahati nito. Ang nakikita mismo ng iyong mga mata ay pasakit, pagiging negatibo, at kahinaan, at paglaban at mga reklamo—ano ang kalalabasan nito? Pagkalipol! Hindi ito maliit na bagay, at hindi ito biro. Hindi ito nakikita ng mga taong walang pusong may-takot-sa-Diyos.
Ang ilang tao ay nagiging negatibo at mahina sa sandaling maharap sila sa kaunting problema, pero kapag walang problema, puno sila ng mga ambisyon at pagnanais, palaging umaasang maging isang tanyag na tao o isang eksperto. Kapag namumuhay ang mga tao sa gayong pag-iisip, kinokontrol lang sila ng kanilang satanikong kalikasan. Kapag palaging puno ng mga ambisyon at pagnanais ang mga tao, magagawa ba nilang mamuhay nang masaya? Kung hindi mo iwawaksi ang mga bagay na ito, hindi huhupa ang pagdurusa mo. Palagi kang susundan ng pagdurusa; para itong isang kutsilyo na pinipilipit sa puso mo. Paano malulutas ang problemang ito? (Sa pamamagitan ng paghahanap at paghahangad sa katotohanan.) Lahat kayo ay hindi pa gaanong nakapagsasalita tungkol sa malawak na konsepto ng paghahanap sa katotohanan, at alam ninyong lahat ito. Kapag nahaharap sa isang problema, kailangan muna ninyong hanapin ang katotohanan. Ang mga tiwaling disposisyon ng tao ay malulutas lamang sa pamamagitan ng paghahanap, pag-unawa, at pagkakamit sa katotohanan. Pagkatapos malutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, saka lamang makakaranas ang mga tao ng tunay na kagalakan, kapayapaan, kaginhawahan, at kaligayahan, at saka lamang sila tunay na makakaharap sa Diyos. Malulutas nito ang problema mula sa mismong ugat nito. Ngayon, paano ba dapat simulang hanapin ng isang tao ang katotohanan? Anong mga detalye ang kakailanganin? Sino ang makapagpapaliwanag? (Kapag nararamdaman ninyong nag-iisip kayo tungkol sa katayuan at reputasyon o aktibong naghahangad ng mga ito, huwag balewalain ang mga kaisipan at pag-uugaling ito. Sikaping unawain ang mga ito at himay-himayin ang mga ito ayon sa salita ng Diyos. Kilalanin na ito ang pinsalang dulot sa tao ng satanikong, tiwaling mga disposisyon. Kilalanin ang maling landas na tinatahak ninyo, at pagkatapos ay kumain at uminom ng salita ng Diyos, manalangin sa Diyos, at umasa sa Kanya upang sirain ang kadenang ginagamit ni Satanas para gapusin ang tao.) (Ang pinakamahalagang bahagi ay ang pagkilala sa mga nakalilinlang na pananaw na kinikimkim ninyo tungkol sa kung ano ang dapat ninyong hangarin, pag-unawa sa pinsalang idinudulot ng satanikong, tiwaling disposisyon sa mga tao, at pagbago sa inyong mga pananaw sa mga bagay-bagay. Pagkatapos, kailangan ninyong mas humarap sa Diyos sa panalangin, maging mas malapit sa Kanya, at unti-unting bumuo ng isang normal na ugnayan sa Kanya.) May iba pa ba? (Kung mahina at negatibo ang pakiramdam ninyo minsan, at hindi ninyo matukoy ang sanhi o ang tiwaling disposisyon na pinagmumulan ng mga damdaming iyon, dapat manalangin muna kayo sa Diyos, at hilingin sa Kanya na bigyang-liwanag kayo. Maaari din ninyong ibunyag ang inyong sarili sa harap ng ilang kapatid at makipagbahaginan sa kanila. Sa pakikinig sa kanilang pagbabahagi tungkol sa kanilang mga karanasan, maaari ninyong linawin ang pagkaunawa ninyo sa kalagayang ito, pagkatapos nito ay dapat kayong maghanap ng mga nauugnay na sipi sa salita ng Diyos para malutas ito.) Magpatuloy lang. (Kung, kapag hindi umayon sa gusto ninyo ang isang bagay, palagi kayong nambubusisi, sinusuri kung sino ang tama at kung sino ang mali, kung gayon sa mga pagkakataong ito, dapat muna ninyong patahimikin ang inyong puso sa harap ng Diyos at magpasakop sa sitwasyon—manalangin sa Diyos at maghanap mula sa Diyos nang may pananalig sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Pagkatapos ay bibigyang-liwanag kayo ng Diyos at tutulutan kayong maunawaan ang Kanyang layunin. Tapos, kapag sinuri ninyong muli ang sitwasyon, mauunawaan ninyo kung anong uri ng katiwalian ang ipinapakita ninyo at kung ano ang layunin ng Diyos. Ganito ako pumasok sa katotohanan.) Kailangan kayong lahat na magsagawa ng pagbabahagi sa katotohanan—magbahagi ng inyong kaalaman, karanasan, at mga ideya, at matuto kung paano ibunyag ang inyong sarili sa pagbabahagi. Kung gagawin mo ito, darami nang darami ang makakamit mo, at darami nang darami ang mauunawaan mo. Ang ilan sa inyo ay kababahagi lang sa inyong mga personal na karanasan at kaalaman, at bawat isa sa inyo ay may ibang masasabi. Mahusay, nagbahagi kayong lahat ng isang bagay na napakapraktikal. Pagkatapos makinig sa inyong pagbabahagi, nakikita kong lumago na kayong lahat at nagkaroon ng kaunting pagpasok sa buhay sa nakalipas na ilang taon ng pagganap ng inyong mga tungkulin. Mayroon kayong kaunting kaalaman at karanasan tungkol sa mga usapin ng pananampalataya sa Diyos, hindi lamang mga simpleng deklarasyon, at nakapagtatag na kayo ng pundasyon. Napakagaling nito. Tila hindi ganoon kahirap ang manalig sa Diyos: Hangga’t sinsero ang isang tao, nakikinig sa mga salita ng Diyos, at ginagawa ang anumang sinasabi ng Diyos, at hangga’t naisasagawa niya ang katotohanan, matutupad niya ang mga hinihingi ng Diyos. Bilang konklusyon, sa inyong pananampalataya sa Diyos, may isang katotohanang dapat ninyong maunawaan nang higit sa lahat: Ang paniniwala sa Diyos ay hindi lamang nangangahulugan ng paniniwala sa pangalan ng Diyos, lalong hindi ito pagkakaroon ng pananampalataya sa malabong Diyos ng iyong imahinasyon. Ang paniniwala sa Diyos ay nangangahulugan na kailangan ninyong maniwala na praktikal ang Diyos: Dapat kang maniwala sa diwa ng Diyos, sa Kanyang disposisyon, at sa kung ano ang mayroon Siya at kung sino Siya; kailangan mong maniwala sa katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa iyong tadhana. Kaya ano ang ibig sabihin ng maniwala? Nangangahulugan ba ito na kailangan talaga ng mga tao na makipagtulungan at isagawa ito? Halimbawa, kapag naharap ang ilang tao sa hindi kanais-nais na sitwasyon, magsisimula silang magreklamo at manisi ng ibang tao. Hindi nila kailanman naisip na maaaring sila mismo ang nagdulot nito sa sarili nila, at sa halip ay palagi nilang ipinapasa ang responsabilidad sa ibang tao. Pagkatapos, nasisiyahan at lumuluwag ang pakiramdam nila, at iniisip nila na, “Nalutas na ang problema. Ang manalig sa Diyos nang ganito ay sobrang kaaya-aya at madali!” Ano ang palagay mo sa pamamaraang ito ng paglutas ng mga problema? Makakamit ba ng isang tao ang katotohanan sa ganitong pagsasagawa? Nagpapakita ba ito ng saloobin ng pagpapasakop sa Diyos? Sa anong pananaw, at sa paanong kaparaanan, naniniwala ang gayong mga tao sa Diyos? Nailapat na ba nila ang mga salitang “Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana ng sangkatauhan, lahat ng pangyayari at lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay” sa kanilang pang-araw-araw na buhay? Kapag sinuri nila ang problema gamit ang pag-iisip ng tao, kapag tinugunan nila ang usapin gamit ang kaparaanan ng tao, naniniwala ba sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Nagpapasakop ba sila sa kataas-taasang kapangyarihan at plano ng Diyos sa mga tao, pangyayari, at bagay-bagay? Hinding-hindi. Una, hindi sila nagpapasakop; isa na itong pagkakamali. Pangalawa, hindi nila matanggap mula sa Diyos ang sitwasyon, mga tao, pangyayari, at bagay-bagay na ipinaplano Niya para sa kanila; tinitingnan lamang nila ang hitsura nito. Tinitingnan lamang nila kung ano ang hitsura ng sitwasyon mula sa labas, pagkatapos ay sinusuri nila ito gamit ang kanilang pag-iisip bilang tao at sinusubukang lutasin ito gamit ang mga pamamaraan ng tao. Hindi ba’t isa na naman itong pagkakamali? Malaking pagkakamali ba ito? (Oo.) Paano nangyari iyon? Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Iniisip nila na ang lahat ay nagkataon lang. Sa mga mata nila, wala ni isang bagay ang pinamumunuan ng Diyos, at na karamihan sa mga bagay ay nangyayari dahil sa mga kilos ng mga tao. Ito ba ay pananampalataya sa Diyos? Mayroon ba silang tunay na pananalig? (Wala.) Bakit wala? Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Hindi sila naniniwala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng usapin at lahat ng bagay—na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa bawat sitwasyon. Kung hindi nangyayari ang isang bagay ayon sa kanilang inaakala, hindi nila ito matatanggap mula sa Diyos. Hindi sila naniniwalang kayang pangasiwaan ng Diyos ang mga sitwasyong ito. Dahil hindi nila nakikita ang Diyos, iniisip nila na nagkataon lang ang mga sitwasyong ito bilang resulta ng mga kilos ng mga tao, sa halip na resulta ng pangangasiwa ng Diyos. Hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung gayon, ano ang diwa ng kanilang pananampalataya? (Sila ay hindi mananampalataya.) Tama iyan, sila ay hindi mananampalataya! Hindi tumatanggap ng anuman mula sa Diyos ang mga hindi mananampalataya. Sa halip, pinipiga nila ang kanilang utak sa pagsisikap na harapin ang mga bagay-bagay gamit ang mga perspektibo, isipan at pamamaraan ng tao. Ito ang ugali ng mga hindi mananampalataya. Kapag nakatagpo kayo ng ganitong klaseng tao sa hinaharap, dapat kayong magkaroon ng kaunting paghiwatig tungkol sa kanila. Ang mga hindi mananampalataya ay mahusay sa paggamit ng kanilang utak at pagbubuo ng mga ideya kapag nagkaroon ng mga isyu; palagi nilang pinag-aaralan ang usapin, at sinisikap na lutasin ito gamit ang mga pamamaraan ng tao. Palagi nilang tinitingnan ang mga tao at mga bagay gamit ang pangangatwiran ng tao at ang mga satanikong pilosopiya, o batay sa batas, hindi naniniwala na ang salita ng Diyos ang katotohanan o na saklaw ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ang lahat. Ang lahat ng nangyayari ay pinahihintulutan ng Diyos, pero hindi magawang tanggapin ng mga hindi mananampalataya ang mga bagay na ito mula sa Diyos, at palagi nilang tinitingnan ang mga bagay batay sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Bagamat karaniwang sinasabi ng mga hindi mananampalataya na naniniwala silang nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng isang tao, at na handa silang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, kapag totoong nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, hindi nila magawang tanggapin ang mga bagay na iyon mula sa Diyos at nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Ito ang ugali ng mga hindi mananampalataya. Mayroon bang mga ganitong tao sa buhay ninyo? Kayo ba ay kumilos na nang ganito kahit minsan? (Oo.) Kumikilos kayo tulad ng mga hindi mananampalataya, pero talaga bang kayo ay mga hindi mananampalataya? Naniniwala ba kayo na ang Diyos ang pinakamakapangyarihan sa lahat ng bagay? Kinikilala ba ninyo ang katunayan na ang bawat tao, pangyayari, bagay, at sitwasyon ay nasa mga kamay ng Diyos? Ilang bagay ang kaya ninyong tanggapin mula sa Diyos? Ilang bagay ang nalutas ninyo gamit ang mga pamamaraan ng tao? At gaano kayo kadalas namumuhay ayon sa isang tiwaling disposisyon? Gaano kayo kadalas nakapagpapasakop sa Diyos? Pagnilayan ang mga katanungang ito, tiyak na alam ninyo ang mga kasagutan sa mga ito sa puso ninyo. Madali bang tumanggap ng mga bagay mula sa Diyos? (Magkakaroon ng agam-agam.) Totoo na magkakaroon ng agam-agam, pero ano ang resulta ng agam-agam na iyon? Ito ba ay tagumpay o kabiguan? (Minsan ay kabiguan, minsan ay tagumpay.) Kung magkapantay ang kabiguan at tagumpay, kung gayon, mayroon pa ring pag-asa para sa inyo, pero kung madalas kayong mabigo at bihirang magtagumpay, nagpapatunay ito na hindi kayo isang taong nagmamahal sa katotohanan. Normal ang kabiguan—huwag matakot sa kabiguan, huwag masiraan ng loob, huwag maging negatibo o umatras, at patuloy na magsikap. Ang kabiguan ay hindi isang masamang bagay; kahit papaano, maaaring makinabang ang mga tao mula sa kabiguan, na isang magandang bagay!
Ang proseso ng pagkamit ng mga tao sa katotohanan ay tulad ng isang matapang na mandirigma na tumuntong sa lugar ng labanan, na handang labanan ang lahat ng uri ng kaaway anumang oras. Ang mga kaaway ng mga naghahangad sa katotohanan ay ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ni Satanas. Ang mga taong ito ay nakikipaglaban sa kanilang tiwaling laman; sa diwa, nakikipaglaban sila kay Satanas. At anong sandata ang ginagamit sa pakikipaglaban kay Satanas? Siyempre, ito ang katotohanan, ito ay ang pagsunod sa salita ng Diyos. Para matalo si Satanas, anong aspeto ng katotohanan ang dapat munang isagawa? Ito ay ang pagpapasakop sa Diyos, sa Kanyang salita, at sa katotohanan. Ito ang aral na dapat munang pasukin ng isang tao kapag nakikipaglaban kay Satanas. Kung hindi mo magawang tanggapin ang mga bagay na sumasapit sa iyo mula sa Diyos, hindi mo magagawang magpasakop sa harap ng Diyos, at kaya, hindi mo mapatatahimik ang iyong sarili sa harap ng Diyos para manalangin o hanapin ang katotohanan. Kung hindi mo magawang manalangin sa Diyos o hanapin ang katotohanan, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, o kung bakit inilalagay ka ng Diyos sa mga sitwasyong iyon, kasama ang mga tao, pangyayari, at bagay na iyon—mababaon ka sa kalituhan. Kung hindi mo mahanap ang katotohanan, hindi mo madadaig ang iyong tiwaling disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng pagdaig sa iyong tiwaling disposisyon at tiwaling laman mo maaaring maipahiya ang diyablong si Satanas at ang mga diyablo ng espirituwal na mundo. Ang pakikipaglaban kay Satanas ay kadalasang nakasalalay sa paghahanap sa katotohanan; kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, maaari kang maging mahina at negatibo sa anumang problema o kuru-kuro na nanggagaling sa iyo. Kung hindi kailanman malulutas ang mga pagbubunyag mo ng tiwaling disposisyon, malamang na babagsak at mabibigo ka, at mahihirapan kang tumayong muli. Ang ilan ay natitisod kapag nakatatagpo sila ng tukso, ang ilan ay nagiging negatibo kapag nahaharap sa isang masakit na karamdaman, at ang ilan ay napapahiya nang husto kapag nahaharap sa isang pagsubok. Ito ang mga kahihinatnan ng hindi kailanman paghahangad sa katotohanan, at ng hindi paghahanap sa katotohanan para lutasin ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita ng isang tao. Ano sa palagay ninyo: Nagdudulot ba ng maraming problema sa mga tao ang mga satanikong disposisyon? (Oo.) Gaano karaming problema? (Hinahadlangan ng mga ito ang mga tao na makaharap sa Diyos, at dahil sa mga ito ay hindi makapagpasakop ang mga tao sa Diyos.) Kung hindi makapagpapasakop sa Diyos ang mga tao, paano sila mamumuhay? (Mamumuhay sila ayon sa satanikong, tiwaling disposisyon.) Kapag namumuhay ang mga tao sa satanikong, tiwaling disposisyon, madalas silang nagpapakita ng mga kuru-kuro at nagiging mainitin ang ulo. Halimbawa, kapag may ginawa kang mali at inilantad o pinungusan ka ng isang brother o sister, paano ka dapat magpasakop sa Diyos at maghanap sa katotohanan? May aral na mapupulot dito. Marahil ay sisimulan mong pagnilayan ito, iisipin na: “Madalas akong minamaliit ng taong iyon, at sa pagkakataong ito, nakahanap siya ng isang bagay na magagamit laban sa akin. Tinatarget niya ako, kaya hindi ako magpapakabait. Hindi ako ang taong kinakalaban!” Hindi ba’t ito ay pagkamainitin ng ulo? (Ganoon na nga.) Ano ang pagkamainitin ng ulo? (Ito ay kapag lumalabas ang satanikong disposisyon ng isang tao kapag naaapektuhan ang kanyang mga interes o napipinsala ang kanyang katanyagan, pakinabang at katayuan, at may sinasabi o ginagawa siya nang hindi pinag-iisipan. Iyon ang pagkaunawa ko sa ibig sabihin ng pagkamainitin ng ulo.) Tama ang pagkaunawang iyon. Sino ang makakapagdagdag doon? (Kapag may nangyayari sa isang tao, at hindi niya hinahanap ang katotohanan, at sa halip ay pinakakawalan ang mga bagay na likas na umiiral sa loob niya, iyon ay pagkamainitin ng ulo.) Ang salitang “likas” na ginamit niya ay angkop na angkop. Matapos gawing tiwali ni Satanas ang mga tao, kapag nalalantad ang kanilang pinakalikas, pinakaprimitibong disposisyon na nagmumula sa pinaka-ugat nila, ito ay tinatawag na pagkamainitin ng ulo. Ito ang bagay na hindi na napag-iisipan, napoproseso sa utak, napagninilayan o napipresenta nang maayos kundi basta-basta na lamang itong lumalabas. Iyon ang pagkamainitin ng ulo. Ang pagkamainitin ng ulo ang naipapamalas mula sa mga taong namumuhay sa loob ng mga tiwaling disposisyon. Kaya bakit hindi naaayon sa katotohanan ang mga bagay na likas na nabubunyag mula sa kalikasan ng tao? Bakit nagpapakita ng pagkamainitin ng ulo ang mga tao? Ano ang dahilan? Ito ay sanhi ng satanikong kalikasan ng tao. Ang likas na disposisyon ng tao ay kabilang sa pagkamainitin ng ulo. Kapag napinsala ang mga interes, banidad, karangalan, o pagpapahalaga sa sarili ng isang tao, kung hindi niya nauunawaan ang katotohanan o wala siyang katotohanang realidad, hahayaan niyang diktahan ng kanyang tiwaling disposisyon ang pakikitungo niya sa pinsalang iyon, at magiging pabigla-bigla siya at kikilos nang padalos-dalos. Ang ipinamamalas at ibinubunyag niya kung gayon ay pagkamainitin ng ulo. Positibo o negatibong bagay ba ang pagkamainitin ng ulo? Malinaw na isa itong negatibong bagay. Hindi mabuting bagay para sa isang tao na mamuhay nang mainit ang ulo; malamang na magdudulot ito ng sakuna. Kung nalalantad ang init ng ulo at katiwalian ng isang tao kapag may nangyayari sa kanya, isa ba siyang taong naghahanap sa katotohanan at nagpapasakop sa Diyos? Malinaw na siguradong hindi mapagpasakop sa Diyos ang gayong tao. Tungkol naman sa iba’t ibang tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran na isinasaayos ng Diyos para sa mga tao, kung hindi matanggap ng isang tao ang mga ito mula sa Diyos, sa halip ay pinangangasiwaan at nilulutas ang mga ito sa paraang pantao, ano ang magiging resulta niyon sa huli? (Itataboy ng Diyos ang taong iyon.) Kasusuklaman ng Diyos ang taong iyon, kung gayon, magiging nakakapagpatibay ba iyon sa mga tao? (Hindi.) Hindi lamang sila matatalo sa kanilang sariling buhay, bagkus ay hindi rin sila magiging magandang halimbawa sa iba. Higit pa riyan, ipapahiya nila ang Diyos at itataboy sila ng Diyos. Ang gayong tao ay nawalan na ng kanyang patotoo at inaayawan siya saan man siya magpunta. Kung miyembro ka ng sambahayan ng Diyos, pero laging mainit ang ulo mo sa iyong mga kilos, laging inilalantad kung ano ang likas sa iyo, at laging ipinapakita ang tiwali mong disposisyon, ginagawa ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao at nang may tiwaling, satanikong disposisyon, ang kahihinatnan sa huli ay ang paggawa mo ng masama at paglaban mo sa Diyos—at kung patuloy kang hindi magsisisi at hindi mo matatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, kakailanganin kang ibunyag at itiwalag. Hindi ba’t isang malubhang problema ang mamuhay na umaasa sa satanikong disposisyon at hindi maghanap sa katotohanan para malutas ito? Ang isang aspeto ng problema ay na hindi lumalago o nagbabago ang isang tao sa kanyang sariling buhay; bukod pa roon, masamang makakaimpluwensiya ang isang tao sa iba. Hindi siya maghahatid ng anumang mabuting pakinabang sa iglesia, at pagdating ng panahon, magdadala siya ng malaking kaguluhan sa iglesia at sa mga hinirang ng Diyos, tulad ng isang mabahong langaw na lumilipad pabalik-balik sa ibabaw ng hapag-kainan, nagsasanhi ng pandidiri at pagkasuya. Gusto ba ninyong maging ganitong uri ng tao? (Hindi.) Kung gayon, paano kayo dapat kumilos upang mapalugdan ang Diyos, at maging magandang halimbawa sa iba? Ano man ang ipinakita ninyong tiwaling disposisyon, kailangan muna ninyong pakalmahin ang inyong sarili, magmadaling makaharap sa Diyos sa panalangin, at maghanap sa katotohanan para lutasin ito. Talagang hindi ninyo dapat ipagpatuloy ang pagpapakita ng katiwalian sa pamamagitan ng pagsunod sa inyong sariling kagustuhan at init ng ulo. Sa bawat segundo ng bawat minuto ng bawat araw ng buhay mo, ano man ang ginagawa at iniisip mo, sinusuri at binabantayan ka ng Diyos. Ano ang inoobserbahan ng Diyos? (Ang iniisip ng isang tao at kung paano siya tumutugon kapag nahaharap siya sa mga tao, pangyayari, o bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanya.) Tama iyan, at ano ang layon ng Diyos sa pag-oobserba sa mga bagay na ito? (Upang makita kung ang taong ito ay may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan.) Iyon ay parte ng dahilan. Ano ang pangunahing dahilan? Pagnilayan itong mabuti. (Upang makita kung siya ay may puso para sa paghahanap ng katotohanan at pagpapasakop sa Diyos.) Kung ito man ay pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, o paghahanap sa katotohanan at pagkakaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos, ang lahat ng bagay na ito ay nauugnay sa katanungan ng kung anong landas ang piniling tahakin ng isang tao. Bakit patuloy na sinusuri ng Diyos ang mga tao? Ito ay para makita kung anong uri ng landas ang tinatahak mo, kung ano ang mga layon at direksyon mo sa buhay, kung pinili mo ang landas ng paghahangad sa katotohanan o ang landas ng mapagpaimbabaw na mga Pariseo. Ito ay upang makita kung alin sa mga landas na ito ang eksaktong tinatahak mo. Kung pinili mo ang tamang landas, gagabayan ka ng Diyos, bibigyang-liwanag ka, tutustusan at susuportahan ka. Kung pinili mo ang maling landas, ipinapakita nito na tuluyan mong tinalikuran ang Diyos, kaya natural lang na aabandonahin ka Niya.
May mga tao na palaging nangangaral ng mga salita at doktrina at lumalabag sa mga katotohanang prinsipyo sa lahat ng ginagawa nila, gumagawa pa ng mga bagay na nakapipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, pero bakit hindi sila dinidisiplina o sinasaway? Hindi maintindihan ng ilang tao ang isyung ito. Hayaang sabihin Ko sa inyo, sinukuan na ng Diyos ang ganitong mga tao. Kahit ilang taon nang mananampalataya ang isang tao, kung nagpasya ang Diyos na abandonahin ang taong ito, isa iyong seryosong bagay! Ano ang layunin at pagnanais ng Diyos, tungkol sa uri ng landas na ninanais Niyang tahakin ng mga tao? Kapag inilalagay ng Diyos ang mga tao sa partikular na mga sitwasyon, umaasa ba Siya na magpapasakop sila o maghihimagsik? Umaasa ba Siya na hahanapin at kakamtin nila ang katotohanan, o babalewalain ito at hihinto sila? Ano ang saloobin ng Diyos dito? Ano ang inaasahan Niya sa mga tao? Umaasa Siya na magagawa nilang magpasakop at aktibo silang makikipagtulungan sa Kanyang gawain, nang hindi nagiging negatibo, nagpapakatamad, o binabalewala ito. Ang ilang tao ay walang interes sa kanilang mga tungkulin: Kapag naatasan sila ng isang gawain, gagawin nila ito ayon sa kung ano sa tingin nila ang wasto, pero hindi nila hahanapin ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos. Pakiramdam nila ay walang mali sa pamamaraang ito—dahil hindi sila lumalabag sa anumang mga atas administratibo, hindi sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, o nanggagambala o nanggugulo sa gawain ng iglesia, at ginagawa pa rin nila ang kanilang tungkulin, pakiramdam nila ay hindi sila makokondena. Ano ang palagay mo sa ganitong uri ng pag-uugali? (Hindi ito mabuti. Ito ay isang negatibo, pasibo, walang interes na saloobin, na kinasusuklaman ng Diyos.) Ano ang isang walang interes na saloobin? Bakit kinasusuklaman ito ng Diyos? Ano ang diwa ng ganitong uri ng saloobin? (Maaari kong ibahagi ang kaunting karanasan ko tungkol dito. Sa tungkulin ko kamakailan, sinusunod ko ang sarili kong kagustuhan at nilalabag ang mga prinsipyo. Matapos mapungusan, hindi ako nagnilay-nilay sa sarili, at hindi ko naunawaan ang Diyos at naging mapagbantay ako laban sa Kanya. Naging sarado ang puso ko sa Diyos, ayaw kong mapalapit sa Kanya, at hindi ako nanalangin sa Kanya. Walang interes ang saloobin ko, at ginawa ako nitong negatibo, pasibo, at miserable noong panahong iyon. Dahil sa sandaling nagsara ang puso ko sa Diyos, parang gumuho ang pinakamahalagang haligi ng buhay ko at naiwan akong miserable. Sa panlabas, mukhang ginagawa ko ang tungkulin ko nang walang anumang mapaghimagsik na pag-uugali, pero wala akong natanggap na kaliwanagan mula sa Banal na Espiritu at hindi ko naisip na aktibong makipagtulungan sa Diyos. Ang pagpapanatili nitong walang interes, negatibo, at walang motibasyon na saloobin ay katulad ng dahan-dahang pagpatay sa sarili ko. Ang mga taong tumatalikod sa Diyos ay parang isang puno na patay na ang mga ugat. Dahil naputol ang nagbibigay-buhay rito, unti-unting nalalanta ang mga sanga at dahon hanggang sa mamatay ang buong puno.) Napakahusay ng paliwanag na iyan. Marahil, karamihan sa mga tao ay nasa ganitong kalagayan: Ginagawa nila ang anumang iniuutos sa kanila, nang hindi nagsasanhi ng problema, o gumagawa ng masama, o nanggugulo sa mga bagay-bagay—matamlay lang sila. Bakit kinasusuklaman ng Diyos ang ganitong uri ng saloobin? Ano ang diwa na ipinapakita ng gayong saloobin? Ito ay negatibo, suwail, at isang pagtanggi sa katotohanan. Masasabi mo ba na ang Diyos ang unang tumalikod sa mga tao, o ang mga tao ang unang tumalikod sa Diyos? (Ang mga tao ang nauna.) Kung ikaw ang unang tumalikod sa Diyos, magiging sarado ang puso mo sa Diyos, na isang seryosong problema. Pagiging “sarado” man ang tawag dito, ang tunay na nangyayari ay sineselyohan ng mga tao ang kanilang puso, hindi pinahihintulutang pumasok ang Diyos, na nangangahulugang: “Ayaw ko na sa Iyo. Pinuputol ko ang lahat ng ugnayan sa Iyo, at inihihinto ko na ang lahat ng pag-uugnayan natin.” Kapag may ganitong uri ng saloobin ang isang nilikha sa Lumikha, paano ito pinangangasiwaan ng Diyos? Ano ang saloobin Niya? Kapag nakikita Niya ang mga tao sa gayong kalagayan, nakararamdam ba Siya ng saya, pagkasuklam, o kalungkutan? Una, nakararamdam Siya ng kalungkutan. Kapag nakikita Niyang nagiging masyadong manhid ang mga tao at lubos na hindi handang tanggapin ang katotohanan, nadidismaya ang Diyos, at pagkatapos ay kinasusuklaman Niya ang mga ito. Kapag nakaselyo ang puso ng isang tao laban sa Diyos, paano ito haharapin ng Diyos? (Pamamatnugutan ng Diyos ang ilang sitwasyon na magbibigay-daan sa kanila na maunawaan ang Kanyang mga layunin at mabuksan ang kanilang puso sa Kanya.) Oo, isa ito sa mga aktibong pamamaraan ng Diyos, minsan ay ginagawa Niya ang ganoong mga bagay, pero minsan ay hindi. Minsan, itinatago Niya ang Kanyang mukha at tahimik na naghihintay, hinihintay ka na buksan ang iyong puso sa Kanya. Kapag tinanggap mo na Siya sa puso mo at nagawa mong tanggapin ang katotohanan, patuloy Siyang mahahabag sa iyo at bibigyang-liwanag ka. Gayunpaman, sa pangkalahatan, kung mayroon kang ganitong saloobin, na ganap na nakaselyo ang puso mo laban sa Diyos, tinatanggihan ang isang normal na relasyon sa Kanya, tinatanggihan ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa Kanya, kung gayon, tinatanggihan mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa iyo at ang Kanyang patnubay. Katulad ito ng pagtanggi sa Kanya bilang iyong Diyos, at hindi pagnanais na Siya ang iyong Panginoon. Kung tinatanggihan mo Siya bilang iyong Diyos at Panginoon, makagagawa pa rin ba Siya sa iyo? (Hindi.) Kung gayon, ang tanging magagawa Niya ay ang iwanan ka. Pagkatapos mong maunawaan kung ano ang nangyari, at mapagtanto ang pagkakamali ng mga pamamaraan mo, at matutong magsisi, saka lamang magsisimulang muli ang gawain ng Diyos sa iyo. Kaya, kapag nahaharap sa ganitong walang interes na saloobin, tiyak na hindi gagawa ang Diyos, isasantabi Niya ang ganitong mga tao. Mayroon ba kayong karanasan tungkol dito? Mapayapa at masaya ba ang ganitong lagay, o masyadong mahirap at miserable? (Masyadong mahirap at miserable.) Gaano kamiserable? (Katulad ito ng isang naglalakad na bangkay. Isa itong pag-iral na walang pag-iisip, walang damdamin na tulad ng sa isang halimaw.) Kung wala ang Diyos sa puso ng isang tao, kung gayon, hungkag ang kanyang puso; para na rin siyang walang espiritu. Hindi ba’t nangangahulugan ito na naging isa na siyang patay na tao na walang espiritu? Nakakikilabot! Maaaring ipagkanulo ng isang tao ang Diyos kahit saan at anumang oras. Sa kaunting kapabayaan, maaari niyang itanggi ang Diyos sa puso niya, pagkatapos ay agad na magbabago ang lagay niya: Biglang humihina ang kalagayan ng kanyang espiritu, hindi na niya nararamdaman ang presensiya ng Diyos, at tuluyan nang naglaho ang kanyang pagsandig sa Diyos at ugnayan sa Kanya, tulad ng isang pusong huminto na sa pagtibok. Ito ay isang mapanganib na sitwasyon. Ano ang maaaring gawin sa gayong kalagayan? Kailangan mong magtaglay ng tamang saloobin at agad na manalangin sa Diyos at magsisi. Kung palaging namumuhay ang isang tao sa negatibo, mapanlaban na kalagayan, isang kalagayan kung saan tuluyan na siyang iniwan ng Diyos at hindi niya maabot ang Diyos, mapanganib iyon! Napagtanto ba ninyo kung ano ang hindi kanais-nais na mga kahihinatnan na maaaring idulot ng panganib na ito? Hindi lamang ito usapin ng mga kawalan na maaaring maranasan ng isang tao—ano pa ang maaaring maging mga kahihinatnan? (Maaari silang sapian ng masasamang espiritu.) Isa na iyon. Marami pang ibang posibilidad. (Maaaring makagawa sila ng matinding kasamaan at mabunyag at matiwalag ng Diyos.) Posible rin ito. May iba pa ba? (Maaaring sila ay mas mapalayo nang mapalayo sa kanilang ugnayan sa Diyos.) Ngayon, kung magpapatuloy ang sitwasyong ito, sa palagay ba ninyo ay iisipin ng taong ito na hindi na manalig sa Diyos kalaunan? (Oo, iisipin niya ito.) Hindi ba’t nakatatakot iyon? (Nakatatakot nga.) Kung may ganitong masamang hangarin ang isang tao na talikuran ang kanyang pananampalataya, iyon ang pinakanakatatakot, sapagkat naipagkanulo na niya ang Diyos sa kanyang puso, at hindi ililigtas ng Diyos ang ganitong tao.
Bilang mananampalataya, dapat panatilihin ng isang tao ang isang normal na ugnayan sa Diyos; napakahalaga nito. Kapag normal ang ugnayan ng isang tao sa Diyos, magiging mabuti ang kalagayan niya; kapag masama ang kanyang kalagayan, hindi magiging normal ang ugnayan niya sa Diyos. Magiging ganap na magkaiba ang sitwasyon ng puso ng isang tao depende sa kung nasa mabuti o masamang kalagayan siya. Kapag nasa mabuting kalagayan ang isang tao, makararamdam siya ng partikular na lakas sa kanyang puso, isang lakas na nagtutulak sa kanya na huwag mag-asawa kailanman, na sundin ang Diyos hanggang sa huli gaano man siya magdusa, at manatiling tapat sa Diyos hanggang sa wakas, hanggang kamatayan. Paano nagkakaroon ng ganitong uri ng kapasyahan? (Nagmumula ito sa isang uri ng sigasig na taglay ng mga tao.) Katanggap-tanggap ba para sa Diyos ang ganitong sigasig? Positibo o negatibong bagay ba ang ganitong uri ng pagpapasya? (Positibo.) Katanggap-tanggap ba para sa Diyos ang mga positibong bagay? (Oo.) Sinusuri ng Diyos ang puso ng mga tao. Sinusuri Niya kung ano ang iniisip ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso at kung ano ang kalagayan nila roon. Kaya, kapag nagpapahayag ka ng ganitong uri ng pagnanais at pagpapasya sa puso mo, sinusuri din ito ng Diyos. Saan nagmumula ang kapasyahang ito? Nanggaling ba ito sa pagiging likas at mainitin ng ulo ng isang tao? (Hindi, itinanim ito sa mga tao ng gawain ng Banal na Espiritu.) Tama iyan. Kapag namumuhay ang mga tao sa tamang kalagayan, binibigyan sila ng Banal na Espiritu ng ganitong uri ng kapangyarihan, na nagbibigay-daan sa kanila na magkaroon ng kapasyahang iyon. Positibong bagay ito, at ibinibigay ito ng Banal na Espiritu sa mga tao dahil sa kanilang pakikipagtulungan at sakripisyo. Nagkaroon ba kahit minsan ang mga tao ng ganitong uri ng pananalig nang mag-isa? Siyempre hindi, diba? Kapag may kaunti lang na determinasyong makipagtulungan ang mga tao, binibigyan sila ng Banal na Espiritu ng napakalakas na motibasyon! Mula rito, ano na ang nakikita mo ngayon? (Dapat manatili ang mga tao na kasama ng Diyos. Kung wala ang Diyos, mayroon lamang kamatayan.) “Dapat manatili ang mga tao na kasama ng Diyos,” totoo iyan. Ito ay kaalamang nakamit mula sa karanasan. Kung bubuksan mo ang puso mo sa Diyos, kung mayroon ka nang maliit na determinasyon, at magagawa mong ihayag ang puso mo sa panalangin sa Diyos, ibibigay Niya sa iyo ang kapangyarihang ito. Ang kapangyarihang ito ay magtatagal sa buong buhay mo at magbibigay-daan sa iyo na magkaroon ng napakalalim na pagpapasya, at na sabihing, “Iniaalay ko ang buong buhay ko sa Diyos, gagamitin ko ang lahat ng ito sa paggugol sa sarili ko para sa Kanya at pamumuhay para sa Kanya!” Isa itong katunayan; ganito mag-isip ang mga tao, at kung ano ang gusto nilang gawin. Gayunpaman, kung sumusunod ang isang tao sa Diyos at ginagawa niya ang kanyang tungkulin nang umaasa sa kanyang sariling pag-iisip, sa kanyang sariling mga kaisipan, at sa kanyang sariling kakayahan at mga kaloob, kung gayon, magiging gaano siya kalakas? Kung wala kang pagnanais na hangarin ang katotohanan, hindi magtatagumpay ang anumang pagsusumikap mo. Hindi matatamo ng tao ang panloob na lakas na ito; ibinibigay ito ng Diyos. Paano nawawala ang lakas na ito sa mga tao? Ano ang sanhi nito? Kapag wala na ang Diyos sa puso nila, naglalaho ang kapangyarihang ito. Kapag may ganitong lakas ang mga tao, ito ang gawain ng Banal na Espiritu, ito ay kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa mga tao—lahat ito ay gawa ng Diyos. Kung nakaselyo ang puso mo laban sa Diyos, kung “hihindian” mo ang Diyos, at tatanggihan mo ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pamamatnugot sa buhay mo, gayundin ang lahat ng sitwasyon, tao, pangyayari, at bagay na isinaayos Niya sa paligid mo, kung gayon ay hindi ka man lang magkakaroon ng puso para hangarin ang katotohanan. Kapag nawala ang Diyos sa mga tao, talagang nakatatakot ito; isa itong katunayan. Ang mga walang Diyos ay walang kabuluhan. Kung iseselyo ng isang tao ang puso niya laban sa Diyos, maaari pa nga siyang magdalawang-isip tungkol sa pananalig sa Diyos, na maaaring maipakita niya sa anumang oras at lugar. Ang pinakanakatatakot na bahagi nito ay na lalakas nang lalakas ang mga kaisipan niyang ito, hanggang sa pagsisisihan niya ang lahat ng kanyang tinalikuran at iginugol, at pagsisisihan ang kapasyahang dating taglay niya at ang pagdurusang tiniis niya. Tuluyang maiiba ang kalagayan niya sa kung ano ito dati, na para bang ibang-ibang tao na siya. Paano ito nangyayari? Kung kayang magpasakop ng isang tao sa mga tao, pangyayari, bagay, at sitwasyon na isinaayos ng Diyos para sa kanya, maaari siyang mamuhay nang mapayapa at masaya. Kung palagi niyang sinisikap na takasan ang mga tao, pangyayari, at bagay na isinaayos ng Diyos, at ayaw magpasakop sa mga sitwasyong nasusumpungan niya, kung saan ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan, anong kalagayan ang magreresulta mula rito? (Paghihirap at kadiliman.) Mararanasan niya ang kadiliman, paghihirap, pagkaligalig, palagiang pagkabalisa, at kalungkutan. Hindi ba’t isa itong malinaw na pagkakaiba? (Oo.) Kapag namumuhay ang mga tao sa isang mabuting kalagayan, para itong pamumuhay sa langit, sa harap mismo ng Diyos. Kapag nasa masamang kalagayan sila, lalong nagdidilim ang kalagayan nila, at hindi pa rin nila naaabot ang Diyos. Ang pamumuhay sa isang madilim na kalagayan ay hindi naiiba sa pamumuhay sa impiyerno. Naramdaman na ba ninyo ang pagdurusa sa impiyerno? Ito ba ay kaaya-aya o sobrang masakit? (Sobrang masakit.) Paano ninyo ito ilalarawan sa isang pangungusap? (Mas malala pa ito sa kamatayan.) Tama, mas malala pa ito sa kamatayan. Mas kaaya-aya pa ang mamatay kaysa mabuhay, matinding pagpapahirap ito. Napakahusay ninyo itong naipaliwanag; ganoon nga ito.
Lahat ng paghihirap na kinakaharap ng mga tao, at lahat ng kanilang pagkanegatibo at kahinaan, ay direktang nauugnay sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Kung malulutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, masasabing lahat ng suliranin sa kanilang pananampalataya ay kayang malutas: Walang makapipigil sa kanila sa paghahanap sa katotohanan, hindi sila makatatagpo ng mga suliranin sa pagsasagawa ng katotohanan, at walang makapipigil sa kanila sa pagpapasakop sa Diyos. Kaya, ang paglutas sa mga tiwaling disposisyon ng isang tao ay napakahalaga. Ang paghiling ng Diyos sa mga tao na hangarin ang katotohanan at maging matapat ay nauugnay sa paglutas ng mga tiwaling disposisyon at sa pagkamit ng pagbabago sa disposisyon. Ang layon ng paghahanap sa katotohanan ay upang malutas ang problema ng isang tiwaling disposisyon, at ang paghahangad sa katotohanan ay ginagawa upang makamit ang pagbabago sa disposisyon. Kaya paano hinahanap ng isang tao ang katotohanan? Paano makakamit ng isang tao ang katotohanan? Ano ang sinabi Ko kanina? (Manalig na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at magpasakop sa mga sitwasyong itinakda Niya.) Oo, manalig, magpasakop, subukang matuto ng mga aral, hanapin ang katotohanan, at panghawakan ang iyong tungkulin sa mga sitwasyong nilikha ng Diyos. Kung kaya mong matuto ng mga aral mula sa mga kapaligirang nilikha ng Diyos, hindi ba’t magiging madali para sa iyo na magpasakop (Madali lang.) Kapag hinanap mo ang katotohanan at natutunan ang mga aral mo, hindi ba’t totoo na maiiwasan mo ang pagpapakita ng tiwaling disposisyon at mapipigilan ang sarili mo na ilantad ang iyong pagkamainitin ng ulo? Sa prosesong ito, hindi ba’t maiiwasan mong gumamit ng mga pamamaraan ng tao at pag-iisip ng tao para makitungo sa mga tao, pangyayari, at bagay na itinakda ng Diyos para sa iyo? Sa ganitong paraan, hindi ba’t magiging nasa normal kang kalagayan? At kapag nasa normal kang kalagayan, hindi ba’t magagawa mong palagiang mamuhay sa harap ng Diyos? Kung gayon, magiging ligtas ka. Kung makahaharap ka sa Diyos nang madalas, palagiang mamumuhay sa harap Niya, madalas na maghahanap sa Kanyang mga layunin sa mga kapaligirang itinakda Niya para sa iyo, at magpapasakop sa lahat ng mga tao, pangyayari, at bagay na isinaayos Niya, kung gayon hindi ba’t lagi kang mamumuhay sa ilalim ng pagbabantay at pangangalaga ng Diyos? (Oo.) Kapag ang kapalaran mo ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at binabantayan at pinamamahalaan Niya ito, kapag tinatamasa mo ang proteksiyon ng Diyos araw-araw, hindi ba’t ikaw ang magiging pinakamasayang tao? (Tama iyan.) Iyan ang katapusan ng ating pagbabahagi sa paksang ito. Simula ngayon, maaari kayong lahat na sama-samang magbahaginan tungkol dito, at ibuod at ibahagi ninyo ang inyong pagkaunawa rito. Pag-isipan kung paano mamuhay ng isang masayang buhay at kung paano matamo ang pagtanggap ng Diyos, tulad ng ginawa ni Job, nang sa gayon ay mapalapit ka sa puso ng Diyos at sabihing isa kang taong minamahal Niya; alamin kung paano humakbang sa tamang landas sa buhay, tulad ng ginawa ni Job, na ang matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan.
Enero 25, 2017