Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito
Paano kayo kasalukuyang nananalangin sa Diyos? Paano ito naging mas mabuti kaysa sa mga panrelihiyosong panalangin? Ano ba talagang nauunawaan ninyo tungkol sa kahalagahan ng panalangin? Napagnilayan na ba ninyo ang mga katanungang ito? Ang lahat ng hindi nananalangin ay malayo sa Diyos, at ang lahat ng hindi nananalangin ay sumusunod sa sarili nilang kagustuhan. Ang kawalan ng panalangin ay nagpapahiwatig ng pagiging malayo sa Diyos at pagkakanulo sa Diyos. Ano ang aktuwal ninyong karanasan sa panalangin? Ang ugnayan sa pagitan ng Diyos at ng mga tao ay makikita sa mga panalangin ng mga tao. Paano ang inaasal mo kapag hinahangaan at pinupuri ka ng mga kapatid dahil sa mga resultang naidulot mo sa iyong gawain? Ano ang reaksyon mo kapag nagbibigay sa iyo ng mga mungkahi ang mga tao? Nananalangin ka ba sa harap ng Diyos? Lahat kayo ay naglalaan ng oras para manalangin kapag nahaharap kayo sa mga problema o paghihirap, pero bumabaling ba kayo sa Diyos sa panalangin kapag wala kayo sa mabuting kalagayan? Nananalangin ba kayo kapag nagpapakita kayo ng katiwalian? Tunay ba kayong nananalangin? Kung hindi kayo tunay na nananalangin, hindi kayo uusad. Dapat kayong mag-alay ng mga panalangin at papuri lalo na sa mga pagtitipon. Ang ilang tao ay maraming taon nang nananalig sa Diyos, pero sa kasamaang-palad, hindi sila madalas na nananalangin. Nauunawaan nila ang ilang salita at doktrina at nagiging mayabang sila, iniisip na naunawaan na nila ang katotohanan, na nagkaroon na sila ng tayog, at labis silang nasisiyahan sa kanilang sarili. Bilang resulta, nasasadlak sila sa ganitong hindi normal na kalagayan, at sa susunod nilang pananalangin, nasusumpungan nila ang kanilang sarili na walang masabi, at nang walang gawain ng Banal na Espiritu. Kapag hindi makontrol ng isang tao ang kanyang kalagayan, maaari niyang matamasa ang mga bunga ng trabaho pagkatapos gumawa nang kaunti—o maaari siyang maging negatibo, magsimulang magpakatamad sa kanyang tungkulin, at huminto sa paggawa ng kanyang tungkulin kapag naharap sila sa kaunting paghihirap, na lubhang mapanganib. Ganito ang mga taong walang konsiyensiya o katwiran. Karamihan sa mga tao ay naglalaan lamang ng oras para manalangin kapag nahihirapan sila, o kapag hindi nila lubos na maunawaan ang isang bagay. Nananalangin lamang sila kapag ginugulo sila ng mga pagdududa at pag-aalinlangan, o kapag nagpapakita sila ng tiwaling disposisyon. Nananalangin lamang sila kapag nangangailangan sila. Ito ay normal. Gayunpaman, kailangan mo ring manalangin at magpasalamat sa Diyos kapag nakakakuha ka ng mga resulta sa gawain mo. Kung iniisip mo lang ang pagiging masaya at hindi ka nananalangin, laging nagagalak, laging nagpapakasaya sa mga ganitong pakiramdam, ngunit nakakalimutan mo ang biyaya ng Diyos, ito ay lubos na kawalan ng katwiran. Kapag masyado kang lumayo sa Diyos, minsan ay daranas ka ng disiplina; o marahil ay mahaharap ka sa isang balakid habang sinisikap mong gawin ang mga bagay-bagay; o magkakamali ka at mapupungusan, at maririnig mo ang mga salitang tumatagos sa puso, at titiisin mo ang kagipitan o paghihirap, dadanasin mo ang lahat ng ito nang hindi nalalaman kung ano mismo ang ginawa mong pagkakasala sa Diyos. Sa katunayan, madalas na ginagamit ng Diyos ang mga panlabas na sitwasyon para disiplinahin ka, magdulot ng pasakit sa iyo, at pinuhin ka, at kapag sa wakas ay lumapit ka na sa Diyos para manalangin at magnilay-nilay, mapagtatanto mo na hindi tama ang kalagayan mo—marahil ay kampante, mapagmalaki, at puno ng paghanga sa sarili—masusuklam ka na sa sarili mo, at lubos na magsisisi. Sa sandaling manalangin ka sa Diyos at magtapat, magsisimula kang mamuhi sa sarili mo at nanaisin mong magsisi, at sa oras na ito, kusang maitutuwid ang iyong maling kalagayan. Kapag tunay na nananalangin ang mga tao, ginagawa ng Banal na Espiritu ang gawain Niya, nagbibigay ng isang partikular na pakiramdam, o kaliwanagan, na nagbibigay-daan sa kanila na makalabas mula sa isang di-normal na kalagayan. Ang pananalangin ay hindi lamang para maghanap nang kaunti, para sumunod sa ilang pormalidad, at pagkatapos ay iyon na iyon. Hindi ito pagbigkas ng ilang salita ng panalangin kapag kailangan mo ang Diyos, at pagkatapos ay hindi ka mananalangin kapag hindi mo Siya kailangan. Kung matagal kang hindi nananalangin, kahit na mukhang normal ang kalagayan mo sa panlabas, aasa ka sa sarili mong kagustuhan sa pagganap ng iyong tungkulin, ginagawa ang anumang nais mo, at sa ganitong paraan, hindi mo magagawang kumilos alinsunod sa mga prinsipyo. Kung matagal kang hindi nananalangin sa Diyos, hinding-hindi ka mabibigyang-liwanag o mabibigyang-tanglaw ng Banal na Espiritu. Kahit na gawin mo ang tungkulin mo, sinusunod mo lamang ang mga patakaran, at ang pagganap ng iyong tungkulin sa ganitong paraan ay hindi magbubunga ng mga patotoo sa Diyos.
Sinabi Ko na noon na maraming tao ang nag-aasikaso ng personal nilang mga isyu at nagsasagawa ng kanilang sariling mga gawain habang gumagampan sa kanilang mga tungkulin, at ganito pa rin hanggang ngayon ang mga tao. Pagkaraan ng ilang panahong paggawa, humihinto sila sa pananalangin, at wala na ang Diyos sa puso nila. Iniisip nila, “Gagawa lang ako batay sa mga pagsasaayos ng gawain. Ano’t anuman, hindi naman ako nakagawa ng anumang mga pagkakamali, at hindi ako nagdulot ng anumang paggambala o panggugulo….” Kapag ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang hindi nananalangin, at kung hindi ka nagpapasalamat sa Diyos kapag maayos na nagagawa ang mga bagay-bagay, may problema sa kalagayan mo. Kung alam mong mali ang kalagayan mo, pero hindi mo ito magawang ayusing mag-isa, palagi kang aasa sa sarili mong kagustuhan sa mga ikinikilos mo, at kahit kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi mo ito maisasagawa. Patuloy mong iniisip na tama ang paraan ng pag-iisip mo at palagi kang kumakapit dito, ginagawa mo ang gusto mo, binabalewala mo kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu, isinusubsob mo ang sarili sa iyong mga pagsisikap, at bilang resulta, tinatalikuran ka ng Banal na Espiritu. Kapag tinatalikuran ka ng Banal na Espiritu, malulumbay ka at manghihina. Hindi ka man lang makakaramdam ng anumang pagtustos o kasiyahan. Maraming tao ang hindi tunay na nananalangin kahit isang beses sa kalahating taon. Ang ganitong uri ng tao ay wala nang Diyos sa puso nila. Ang ilang tao ay hindi karaniwang nananalangin, at nananalangin lamang sila kapag nanganganib sila o dumaranas ng paghihirap. Bagamat ginagampanan pa rin nila ang kanilang tungkulin, nanghihina sila sa espirituwal, kaya’t hindi maiiwasang nagkakaroon sila ng mga negatibong kaisipan. Minsan naiisip nila, “Kailan ko ba matatapos sa wakas ang mga tungkulin ko?” Kahit ang mga ganitong kaisipan ay maaaring lumitaw, at lahat ng ito ay dahil matagal na silang hindi nananalangin, at napalayo na sila sa Diyos. Kung nagdudulot ito ng isang pusong masama at kawalang-pananalig, lubhang mapanganib ito. Ang panalangin ay mahalaga! Ang buhay na walang panalangin ay kasingtuyo ng alikabok, at hindi nito makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu; ang gayong mga tao ay hindi namumuhay sa harap ng Diyos, at sila ay nasadlak na sa kadiliman. Samakatuwid, kailangan mong madalas na manalangin at makipagbahaginan sa mga salita ng Diyos, para matamasa mo ang gawain ng Banal na Espiritu at purihin ang Diyos mula sa iyong puso. Sa ganitong paraan lamang mapupuno ng kapayapaan at kagalakan ang iyong buhay. Ang Banal na Espiritu ay gumagawa lalo sa mga nag-aalay ng panalangin at papuri sa lahat ng bagay. Ang kapangyarihang ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao ay walang hanggan, at hinding-hindi ito mauubos ng mga tao. Maaaring nagsasalita at nangangaral ang mga tao nang walang katapusan, at maaaring nakauunawa sila ng maraming doktrina, pero kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, wala itong silbi at walang halaga. Maraming pagkakataon kung saan maaaring ginugugol ng mga tao ang kalahating araw nila sa pananalangin, pero nakakapagsabi lang ng ilang salita habang ginagawa ito, tulad ng, “Diyos ko, pinasasalamatan Kita at pinupuri Kita!” Pagkaraan ng ilang panahon, maaaring sasabihin na naman nila ang parehong pangungusap. Wala na silang maisip pang sasabihin sa Diyos, wala silang malalalim na kaisipang masasabi sa Kanya. Lubha itong mapanganib! Kung ang mga taong nananalig sa Diyos ay hindi man lang makapagbigkas ng mga salita para purihin, pasalamatan, at luwalhatiin Siya, masasabi pa bang may lugar para sa Kanya sa puso nila? Maaaring sinasabi mo na nananalig ka sa Diyos at nakikilala Siya sa puso mo, pero hindi ka lumalapit sa Kanya, hindi mo masabi sa Kanya kung ano ang nasa puso mo kapag nananalangin ka, at masyadong malayo ang puso mo sa Diyos, kaya naman hindi gagawin ng Banal na Espiritu ang gawain Niya. Kapag gumigising kayo tuwing umaga, dapat ninyong taimtim na buksan ang inyong puso sa panalangin, basahin ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay pagnilayan ang mga ito hanggang sa makakita kayo ng liwanag at magkaroon ng landas ng pagsasagawa. Gawin ito, at lalong magiging maganda at kasiya-siya ang araw mo, at mararamdaman mong lagi mong kasama ang Banal na Espiritu, pinoprotektahan ka.
Napansin Ko na maraming tao ang may parehong problema. Kapag mayroon silang mga isyu, lumalapit sila sa Diyos upang manalangin, pero kapag walang bumabagabag sa kanila, binabalewala nila ang Diyos. Kumakapit sila sa mga kasiyahan ng laman gaya ng gusto nila, pero hindi kailanman namumulat. Ito ba ay pananalig sa Diyos? Ito ba ay pagkakaroon ng tunay na pananalig? Ang kawalan ng tunay na pananalig ay kawalan ng landas na tatahakin. Kung walang tunay na pananalig, hindi malalaman ng isang tao kung anong mga kilos ng pananampalataya sa Diyos ang naaayon sa mga layunin ng Diyos o kung sa aling mga kilos maaaring makapagkamit ng katotohanan o lumago sa buhay ang isang tao. Kung walang pananalig, ang isang tao ay bulag, nagtataglay ng pagnanais na maghangad pero walang direksiyon at mga layon. Kaya paano nabubuo ang pananalig? Nabubuo ang pananalig sa pamamagitan ng panalangin at pagbabahagi sa Diyos, at mas lalo na sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagkakaroon ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kapag mas nauunawaan mo ang katotohanan, mas magkakaroon ka ng pananalig. Yaong mga walang pagkaunawa sa katotohanan ay wala talagang pananalig, at kahit na makihalubilo sila sa iglesia, sila ay mga hindi mananampalataya. Hindi makakaya ng mga taong nananalig sa Diyos na hindi manalangin at magbasa ng mga salita ng Diyos. Kung patuloy lang silang dumadalo sa mga pagpupulong, pero bihirang manalangin nang taimtim, masusumpungan nila ang kanilang sarili na palayo nang palayo sa Diyos. Lahat kayo ay bihirang manalangin nang taos-puso, at ang ilang tao ay hindi pa rin alam kung paano manalangin. Ang totoo, ang panalangin ay pangunahing pagsasalita mula sa iyong puso. Ito ay pagbubukas ng iyong puso sa Diyos at simpleng pagtatapat sa harapan Niya. Kung tama ang klase ng puso ng isang tao, kaya niyang magsalita mula sa puso, at sa ganitong paraan, dinirinig at tinatanggap ng Diyos ang panalangin niya. May mga taong marunong lamang magmakaawa kapag nananalangin sila sa Diyos. Patuloy silang nagsusumamo sa Diyos para sa biyaya, walang ibang sinasabi, at kaya habang mas nananalangin sila, mas nanghihina sila. Kapag nananalangin ka, hinahangad mo man ang isang bagay, hinahanap ang isang bagay mula sa Diyos, hinihiling sa Diyos na pagkalooban ka ng karunungan at lakas sa isang bagay na inaasikaso mo na hindi mo malinaw na nakikita, o humihingi ka sa Diyos ng kaliwanagan, dapat kang magtaglay ng katwiran ng normal na pagkatao. Kung walang katwiran, luluhod ka at sasabihing, “Diyos ko, nakikiusap ako na bigyan Mo ako ng pananalig at lakas, nawa’y bigyang-liwanag Mo po ako at tulutan akong makita ang aking kalikasan, nagmamakaawa po ako na gumawa Ka at bigyan ako ng biyaya at mga pagpapala.” Mayroong sapilitang tono sa “pagmamakaawa” na ito. Paraan ito para gipitin ang Diyos, para sabihin sa Kanya na dapat gawin ang bagay na ito, na parang pauna na itong naitakda. Hindi ito sinserong panalangin. Sa Banal na Espiritu, kapag naitakda mo na ang mga tuntunin at napagpasyahan mo na kung ano ang gagawin mo, hindi ba’t gumagawa ka lang nang wala sa loob? Hindi ba ito panloloko sa Diyos? Dapat manalangin ang sinuman nang may naghahanap, at mapagpakumbabang puso. Kapag may bagay na dumarating sa iyo, halimbawa, at hindi ka sigurado kung paano ito harapin, maaaring masabi mo na, “O Diyos, hindi ko alam kung ano ang gagawin tungkol dito. Nais kong mabigyan Ka ng kaluguran sa bagay na ito at hanapin ang Iyong mga layunin. Nais kong gawin ang Iyong pagnanais, hindi ang pagnanais ko. Nalalaman Mo na ang mga pagnanais ng tao ay ganap na salungat sa Iyong mga layunin, at ganap na lumalaban sa Iyo, at hindi naaayon sa katotohanan. Nawa ay bigyan Mo ako ng kaliwanagan, bigyan Mo ako ng paggabay sa bagay na ito, at tulutan akong hindi magkasala sa Iyo….” Iyan ang angkop na tono para sa isang panalangin. Kung sinasabi mo na, “O Diyos, hinihiling ko na tulungan Mo ako, gabayan Mo ako, maghanda Ka ng tamang kapaligiran at mga tamang tao, at hayaan Mo akong magawa nang mabuti ang aking gawain,” kung gayon, pagkatapos ng iyong panalangin, hindi mo pa rin mauunawaan ang mga layunin ng Diyos, dahil hinihiling mo sa Diyos na kumilos ayon sa iyong mga pagnanais. Ngayon, dapat mong tiyakin kung ang mga salitang ginagamit mo sa panalangin ay may katwiran, at kung ang mga ito ay nagmumula sa puso. Kung walang katwiran ang iyong mga panalangin, hindi gagawa ang Banal na Espiritu sa iyo. Samakatuwid, kapag nananalangin ka, dapat kang magsalita nang may katwiran, at nang may naaangkop na tono. Sabihin mo, “O Diyos! Nababatid Mo ang aking mga kahinaan at aking pagiging mapaghimagsik. Hinihiling ko lamang na bigyan Mo ako ng lakas at tulungan Mo akong makayanan ang aking kinalalagyan, subalit nang ayon lamang sa Iyong mga pagnanais. Hindi ko alam kung ano ang Iyong mga pagnanais, at ito ay kahilingan ko lang. Gayunpaman, nawa ay matupad ang Iyong mga pagnanais. Kahit pa pagserbisyuhin ako, o maging isang hambingan, maluwag sa loob ko itong gagawin. Hinihiling ko na bigyan Mo ako ng lakas at karunungan, at tulutan akong mabigyan ka ng kaluguran sa bagay na ito. Nais ko lamang na magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos….” Pagkatapos ng gayong panalangin, lubos na mapapanatag ang iyong puso. Kung ang ginagawa mo lamang ay magmakaawa, gaano man karami ang sabihin mo, lahat ng ito ay magiging mga salitang walang-laman; hindi gagawa ang Diyos bilang pagtugon sa iyong pagsamo, dahil nakapagpasya ka na kung ano ang gusto mo sa una pa lang. Kapag lumuluhod ka sa panalangin, sabihin mo, “O Diyos, nababatid Mo ang kahinaan ng tao, at nababatid Mo ang mga kalagayan ng tao. Hinihiling ko na bigyan Mo ako ng kaliwanagan sa bagay na ito. Hayaan Mo akong maunawaan ang Iyong mga pagnanais. Nais ko lamang na magpasakop sa lahat ng Iyong isinasaayos, at handa ang puso kong magpasakop sa Iyo….” Manalangin nang gayon, at aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung mali ang layunin mo kapag nananalangin ka, at palagi kang humihingi sa Diyos batay sa sarili mong kagustuhan, magiging mahina at walang kabuluhan ang mga panalangin mo, at hindi ka aantigin ng Banal na Espiritu. Kung basta ka lang pumipikit at naglilitanya ng ilang napakakaraniwang kasabihan para magsabi lang ng kung ano-ano sa Diyos, aantigin ka ba ng Banal na Espiritu kung ganoon ka? Kapag humaharap ang mga tao sa Diyos, dapat silang kumilos nang masunurin at magtaglay ng maka-Diyos na saloobin. Humaharap ka sa nag-iisang tunay na Diyos, nakikipag-usap sa Lumikha. Hindi ba’t dapat kang maging maka-Diyos? Hindi simpleng bagay ang manalangin. Kapag humaharap ang mga tao sa Diyos, lumalabas ang kalupitan nila, hinding-hindi sila maka-Diyos; at kapag nananalangin sila, nakahilata sila sa kanilang tahanan, nagbibigkas ng ilang simple, mabababaw na salita, at iniisip nila na nananalangin sila at na naririnig sila sa Diyos—hindi ba ito panlilinlang sa sarili? Ang layon Ko sa pagsasabi nito ay hindi ang hingin sa mga tao na sumunod sa ilang partikular na patakaran. Gayunpaman, ang pinakasimpleng magagawa ng isang tao ay ang magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos at ang lumapit sa Diyos nang may maka-Diyos na saloobin. Napakadalas na wala sa katwiran ang inyong mga panalangin. Lagi kayong nananalangin sa ganitong tono, “Diyos ko! Yamang ibinigay Mo sa akin ang tungkuling ito upang gampanan ko, gawin Mong angkop ang lahat ng ginagawa ko, para hindi magambala ang Iyong gawain at hindi mapinsala ang mga interes ng pamilya ng Diyos. Kailangan Mo akong protektahan….” Ang gayong panalangin ay walang katwiran, hindi ba? Gagawa ba ang Diyos sa iyo kung lumalapit ka sa Kanya at nananalangin sa ganoong paraan? Makikinig ba Ako kung lumapit ka sa harapan Ko at nagsalita nang walang katwiran? Kung ginawa mong kasuklaman kita, direkta kitang palalayasin! Iba ka ba kapag kaharap mo ang Espiritu kung ikukumpara kapag nasa harapan ka ni Cristo? Kapag lumalapit ka sa Diyos upang manalangin, dapat mong isaalang-alang kung paano ka makakapagsalita nang may katwiran, at kung paano mo maiaayos ang iyong panloob na kalagayan upang makamit mo ang kabanalan at magawa mong magpasakop. Kapag nagawa mo na ito, magiging maganda ang manalanging muli at mararamdaman mo ang presensya ng Diyos. Sa maraming pagkakataon, lumuluhod ang mga tao sa panalangin; ipinipikit nila ang kanilang mga mata, at ang nagagawa lang nila ay ang humiyaw, “O Diyos! O Diyos!” Bakit sila sumisigaw nang walang sinasabing salita, sa ganitong paraan sa loob ng matagal na panahon? Ito ay dahil sa maling mentalidad at di-normal na kalagayan ng mga tao. Kapag hindi naaabot ng isang tao sa kanyang puso ang Diyos, walang salita ang kanyang mga panalangin. Ginagawa ba ninyo ito kahit minsan? Alam na ninyo ngayon ang sarili ninyong kakayahan, ngunit kapag hindi normal ang inyong kalagayan, hindi kayo nagninilay-nilay sa inyong sarili o naghahanap ng katotohanan, at ayaw ninyong lumapit sa Diyos sa panalangin, o kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Napakamapanganib nito. Normal man o hindi ang kalagayan ng isang tao, o kung ano mang mga problema ang lumilitaw, hindi siya dapat tumigil sa pananalangin. Kung hindi kayo nananalangin, kahit na normal ang kalagayan ninyo ngayon, pagkaraan ng mahabang panahon, magiging hindi normal ito. Ang pananalangin at pagbabasa ng salita ng Diyos ay dapat normal. Ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos para hanapin ang katotohanan ay maaaring humantong sa tunay na panalangin, nakakamit ng panalangin ang kaliwanagan ng Diyos, at nakapagbibigay-daan ito sa isang tao na maunawaan ang salita ng Diyos. Sa pananalangin sa Diyos, ang pinakamahalaga ay itama muna ang inyong mentalidad. Ito ang prinsipyo ng panalangin. Kung mali ang inyong mentalidad, hindi kayo magiging maka-Diyos, wala sa loob kayong gagawa, at dadayain ninyo ang Diyos. Kung mayroon kayong takot sa Diyos at pagpapasakop sa Diyos sa inyong puso, at nananalangin kayo sa Diyos, saka lamang magiging mapayapa ang inyong puso. Kaya nga, kapag nananalangin kayo, dapat mayroon kayong tamang mentalidad, at magbubunga ang inyong mga panalangin. Kung madalas kayong magsasagawa nang ganito, sinasabi sa Diyos kung ano ang tunay na nasa puso ninyo kapag nananalangin kayo, at sinasabi kung ano ang pinakagustong sabihin ng inyong puso sa Diyos, kung gayon, nang hindi ninyo napapansin, magagawa ninyong manalangin sa Diyos, at makapagbabahagi kayo nang normal sa Diyos.
Hindi kinakailangan sa panalangin na kayo ay may pinag-aralan o madunong, at hindi ito paggawa ng isang sanaysay. Magsalita lamang nang taos sa puso, nang may katwiran ng isang normal na tao. Gawing halimbawa ang mga panalangin ni Jesus. Sa Halamanan ng Getsemani, idinalangin Niya, “Kung maaari….” Ibig sabihin, “Kung magagawa.” Sinabi ito bilang bahagi ng isang talakayan; hindi Niya sinabing, “Nagsusumamo Ako sa Iyo.” Taglay ang puso at kalagayang nagpapasakop, idinalangin Niya, “Kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito: gayon man hindi ayon sa pagnanais Ko, kundi ang ayon sa pagnanais Mo.” Ganito pa rin ang panalangin Niya sa pangalawang pagkakataon, at sa pangatlong pagkakataon idinalangin Niya, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.” Nauunawaan ang mga pagnanais ng Diyos Ama, sinabi Niya, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.” Nagawa Niyang lubos na magpasakop, nang walang anumang personal na pagpili. Sa panalangin, sinabi ni Jesus, “Kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito.” Ano ang ibig sabihin niyon? Nanalangin Siya sa ganitong paraan dahil naisip Niya ang malaking pagdurusa ng pagdurugo sa krus hanggang sa Kanyang huling hininga—patungkol ito sa kamatayan—at dahil hindi pa Niya lubos na naunawaan ang mga pagnanais ng Diyos Ama. Ang manalangin nang gayon, sa kabila ng naisip na pagdurusa, ay nagpapakita ng pagkalalim ng Kanyang pagpapasakop. Ang Kanyang paraan ng panalangin ay normal. Hindi Siya nagmungkahi ng anumang mga kundisyon sa Kanyang panalangin, ni hindi Niya sinabing kailangang alisin ang saro. Sa halip, ang Kanyang layunin ay hanapin ang pagnanais ng Diyos sa isang sitwasyong hindi Niya nauunawaan. Nang una Siyang manalangin, hindi Niya naunawaan, at sinabi Niya, “Kung maaari … kundi ang ayon sa pagnanais Mo.” Nanalangin Siya sa Diyos nang nasa kalagayang nagpapasakop. Sa pangalawang pagkakataon, nanalangin Siya sa gayon ding paraan. Sa kabuuan, tatlong beses Siyang nanalangin, at sa Kanyang huling panalangin, lubos na Niyang naunawaan ang pagnanais ng Diyos, pagkatapos niyon ay hindi na Siya nagsumamo pa. Sa Kanyang unang dalawang panalangin, naghahanap lamang Siya, at ginawa Niya ito sa kalagayang nagpapasakop. Gayunman, hindi talaga gayon manalangin ang mga tao. Sa kanilang mga panalangin, palaging sinasabi ng mga tao, “Diyos ko, hinihiling ko na gawin Mo ito at iyon, at hinihiling ko na gabayan Mo ako sa ganito at ganoon, at hinihiling ko na ihanda Mo ang mga kondisyon para sa akin….” Marahil ay hindi maghahanda ang Diyos ng angkop na mga kondisyon para sa iyo at papagdusahin ka Niya ng paghihirap na ito at turuan ka ng aral. Kung palagi kang nananalangin nang ganito—“Diyos ko, hinihiling ko na gumawa Ka ng mga paghahanda para sa akin at bigyan Mo ako ng lakas”—lubha itong hindi makatwiran! Kapag nananalangin ka sa Diyos, dapat kang maging makatwiran, at dapat kang manalangin sa Kanya nang may pusong nagpapasakop. Huwag subukang tukuyin kung ano ang iyong gagawin. Kung susubukan mong tukuyin kung ano ang gagawin bago ka manalangin, hindi ito pagpapasakop sa Diyos. Sa panalangin, dapat na mapagpasakop ang iyong puso, at kailangan mo munang maghanap sa Diyos. Sa ganitong paraan, natural na sisigla ang iyong puso kapag nananalangin, at malalaman mo kung ano ang nararapat gawin. Mula sa iyong plano bago ang panalangin hanggang sa pagbabagong nangyayari sa iyong puso pagkatapos ng panalangin ay resulta ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung nakagawa ka na ng sarili mong desisyon at napagpasyahan kung ano ang gagawin, at pagkatapos ay nanalangin ka para humingi sa Diyos ng pahintulot o hilingin sa Diyos na gawin kung ano ang iyong gusto, hindi makatwiran ang ganitong uri ng panalangin. Maraming beses na hindi tumpak na sinasagot ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao dahil nakapagdesisyon na sila kung ano ang gagawin, at humihingi na lamang ng pahintulot sa Diyos. Sinasabi ng Diyos, “Yamang nakapagpasya ka na kung ano ang gagawin, bakit hihingi ka pa sa Akin?” Ang ganitong uri ng panalangin ay parang pandaraya sa Diyos, at kaya, nagiging walang kabuluhan ang kanilang mga panalangin.
Kahit na nakikipag-usap sa Diyos ang mga tao kapag lumuluhod sila para manalangin, dapat malinaw mong makita na: Ang panalangin ay isang paraan para makagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao. Ang Banal na Espiritu ay laging nagbibigay-liwanag, nagtatanglaw, at umaakay sa mga tao habang nananalangin ang mga ito. Kung nananalangin at naghahangad ang mga tao habang nasa tamang kalagayan sila, kasabay nito na gagawa ang Banal na Espiritu. Isa itong di-nasaad na kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng mga tao; maaari mo ring sabihin na tinutulungan ng Diyos ang mga tao na pangasiwaan ang mga bagay-bagay. Ang panalangin ay isang paraan para sa mga tao na makaharap ang Diyos at makipagtulungan sa Kanya. Isa rin itong paraan para sa Diyos na mailigtas at madalisay ang mga tao. Bukod dito, isa itong landas sa pagpasok sa buhay; hindi ito isang ritwal. Ang panalangin ay hindi lamang isang paraan para hikayatin ang mga tao, at hindi rin ito isang pormula ng pagbibigay-kasiyahan sa Diyos. Mali ang gayong mga kaisipan. Ang panalangin ay lubhang makabuluhan! Kung nananalig ka sa Diyos, hindi ka pwedeng lumayo sa panalangin lalo pa sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan ng panalangin, gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao, binibigyang-liwanag sila, at inaakay sila. Kung hindi mananalangin ang mga tao sa Diyos, mahihirapan silang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung madalas kang nagdarasal, nagsasagawa ng madalas na panalangin, at madalas na nananalangin nang may pusong nagpapasakop sa Diyos, kung gayon ay normal ang kalagayan mo sa loob. Kung, kapag nananalangin ka ay kadalasang ilang pangungusap lamang ito ng doktrina, at hindi mo binubuksan ang puso mo sa Diyos o hinahanap ang katotohanan, ni hindi mo pinagninilayan ang mga layunin at mga hinihingi ng Diyos, kung gayon ay hindi ka tunay na nananalangin. Yaong mga taong madalas na nagninilay-nilay sa katotohanan, na may pusong madalas na malapit sa Diyos, at na madalas na namumuhay sa mga salita ng Diyos ang tanging may tunay na panalangin, may mga salita sa puso nila na masasabi nila sa Diyos, at may kakayahan silang hanapin ang katotohanan mula sa Diyos. Upang matutunan kung paano magdasal, dapat madalas mong pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Kung nauunawaan mo ang mga layunin ng Diyos, magkakaroon ka ng maraming masasabi sa kanya sa puso mo at maiintindihan mo kung aling mga salita ang makatwirang mga panalangin, at alin ang hindi; aling mga panalangin ang tunay na pagsamba at alin ang hindi; aling mga panalangin ang naghahangad na maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at aling mga panalangin ang napagpasyahan mo na at inihihingi mo lamang ng pahintulot sa Diyos. Kung hindi mo seseryosohin ang mga bagay na ito kahit kailan, hindi kailanman magtatagumpay ang mga panalangin mo, at palaging magiging di-normal ang kalagayan mo sa loob. Tungkol naman sa kung ano ang normal na katwiran, ang tunay na pagpapasakop, ang tunay na pagsamba, at ang posisyon na dapat gampanan ng isang tao kapag nananalangin—lahat ng aral na ito ay kinapapalooban ng mga katotohanan ng panalangin. Lahat ng ito ay mga detalyadong usapin. Dahil karamihan ng mga tao ay hindi Ako aktuwal na makikita, nalilimitahan sila sa pananalangin sa harap ng Espiritu. Sa sandaling nagsimula kang manalangin, kailangang masuri kung ang mga salitang sinasabi mo ay makatwiran, kung ang iyong mga salita ay tunay na may pagsamba, kung nakatutugon ang mga hinihingi mo sa pagsang-ayon ng Diyos, kung may transaksyonal na elemento ba sa iyong panalangin, o ito ba ay nababahiran ng mga karumihan ng tao, kung umaayon ba sa mga layunin ng Diyos ang iyong mga panalangin at pananalita, kung ikaw ay may natatanging pagkatakot, paggalang, at pagpapasakop sa Diyos, at kung tunay mong itinuturing ang Diyos bilang Diyos. Dapat maging seryoso ka sa sinasabi mo sa panalangin, damhin mo ang mga layunin ng Diyos, at maging kaayon ka sa mga hinihingi Niya. Sa pamamagitan lamang ng pananalangin sa ganitong paraan mo malalaman ang kapayapaan at kagalakan sa iyong puso. Saka ka lamang magkakaroon ng normal na katwiran kapag humarap ka kay Cristo. Kung hindi ka nananalangin o nagsasabi ng kung ano ang nasa puso mo sa harap ng Espiritu, kung gayon kapag humarap ka kay Cristo, malamang na makabubuo ka ng mga kuru-kuro, maghihimagsik at lalaban sa Kanya, o makikipag-usap ka nang di-makatwiran, magsasalita nang hindi matapat, o palaging magdudulot ng pagkagambala sa pamamagitan ng iyong pananalita at mga kilos, at pagkatapos ay palagi mong madarama na nakakadismaya ka. Bakit palagi mong madarama na nakakadismaya ka? Dahil sa pangkaraniwan ay wala ka ni katiting na kaalaman sa mga katotohanan ng kung paano sasambahin o itatrato ang Diyos, at kaya, kapag may nakakaharap kang isang isyu, nalilito ka, hindi mo alam kung paano magsasagawa, at palagi kang nagkakamali. Paano ba dapat lumapit sa presensiya ng Diyos ang mga taong naniniwala sa Kanya? Siyempre, dapat na sa pamamagitan ng panalangin. Kung naitama mo na ang iyong saloobin kapag nananalangin ka at payapa ang puso mo, kung gayon ay nakalapit ka na sa Diyos. Pagkatapos manalangin, dapat mong suriin kung makatwiran ba ang mga salitang binigkas sa panalangin, kung itinalaga ka ba sa isang angkop na posisyon, kung nagtataglay ka ba ng pusong nagpapasakop sa Diyos, at kung nagtataglay ka ba ng karumihan ng tao o kawalan ng katapatan. Kapag nakakita ka ng ilang problema, dapat kang magpatuloy sa pananalangin sa Diyos, at dapat mong aminin ang iyong mga karumihan at mga kapintasan sa harap ng Diyos. Sa pamamagitan ng pagsasabi sa Diyos kung ano ang nasa puso mo sa ganitong paraan, magiging mas normal ang kalagayan mo, mas lalo kang magtataglay ng konsensiya at katwiran, at mababawasan nang mababawasan ang iyong mga maling kalagayan. Pagkatapos mong magsagawa nang ganito sa loob ng ilang panahon, patuloy na bubuti ang mga panalangin mo, at sa maraming pagkakataon ay diringgin at tatanggapin ng Diyos ang mga ito. Yaong kayang madalas na manalangin sa Diyos sa ganitong paraan ay yaong mga nakapamuhay na sa harap ng Diyos. Kung hindi mo seseryosohin ang panalangin o hindi babaguhin ang iyong mga maling paraan sa panalangin, hindi ka matututo kung paano manalangin. Ang magiging resulta kapag hindi mo alam kung paano manalangin, ay mahihirapan kang mamuhay sa harap ng Diyos. Ang ganitong uri ng tao ay hindi magkakaroon ng anumang pagpasok sa buhay at magiging labas sila sa salita ng Diyos. Kung hindi ka marunong manalangin o magsalita sa harap ng Diyos, kung hindi ka seryoso kapag nagsasalita ka, sinasabi ang kahit anong gusto mo, at hindi mo nararamdamang may problema kapag mga maling bagay ang nasasabi mo, at kung palagi kang pabaya at magulo ang isip, kung gayon ay bilang resulta, kapag pumunta ka sa presensiya ni Cristo, matatakot kang may masabi o magawang mali. Habang mas natatakot kang magkamali, lalong dadami ang mga pagkakamali mo, at hinding-hindi ka makakabawi sa mga ito. At dahil hindi naman maaaring palaging nakikipag-ugnayan ang mga tao kay Cristo o naririnig si Cristo na kausapin sila nang harapan, dahil hindi Ko kayo maaaring makapiling nang madalas, ang magagawa lamang ninyo ay ang hanapin at sabihin ang nasa puso ninyo sa harap ng Espiritu sa madalas na panalangin, at sapat na kung magkamit kayo ng pagpapasakop sa Diyos at kamtin ang isang may-takot-sa-Diyos na puso. Kahit na kausapin Ko kayo nang harapan, depende pa rin sa inyo kung tatanggapin at hahangarin ninyo ang katotohanan at tatahakin ang landas ng pagsunod sa Diyos. Mula ngayon, dapat ninyong mas pagtuunan ng atensiyon ang sinasabi ninyo kapag kayo ay nananalangin. Huwag kayong magmadali sa pananalangin, pagninilay-nilay, at pagdama. Pagkatapos, sa sandaling bigyan kayo ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, makakausad kayo. Ang mararamdaman mo kapag binibigyan ka ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu ay sadyang banayad. Matapos magkaroon ng ilan sa banayad na pakiramdam at banayad na kaalaman na ito, kung may ginagawa kang partikular na mga bagay, o kung makakaugnayan mo si Cristo para pangasiwaan ang ilang bagay, magagawa mo nang makilala kung aling mga salita ang sinalita nang may katwiran at kung alin ang wala, kung aling mga bagay ang ginawa nang may katwiran at kung alin ang wala. Kung magkagayon, nakamit mo na ang mga layunin ng panalangin.
Naitala ng Bibliya ang mga panalangin ng maraming tao na, sa mga panalanging iyon, ay hindi pa nagtakda ng kanilang sariling mga tuntunin. Sa halip, ginamit nila ang panalangin para hanapin at arukin ang mga layunin ng Diyos, at tulutan ang Banal na Espiritu na gumawa ng mga desisyon. Halimbawa, sinalakay ng mga Israelita ang Jerico sa pamamagitan ng panalangin. Ang mga tao ng Ninive ay nagsisi rin at nakakuha ng kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Ang panalangin ay hindi isang uri ng ritwal. Isa itong tunay na pagniniig sa pagitan ng isang tao at ng Diyos, at mayroon itong malalim na kahalagahan. Mula sa mga panalangin ng mga tao, makikita ng isang tao na direktang naglilingkod sa Diyos ang mga ito. Kung itinuturing mo ang panalangin bilang isang ritwal, hindi magiging epektibo ang panalangin mo, at hindi ito magiging isang tunay na panalangin dahil hindi mo sinasabi sa Diyos ang nararamdaman mo sa loob o binubuksan ang puso mo sa Kanya. Para sa Diyos, walang katuturan ang panalangin mo. Hindi ka umiiral sa puso ng Diyos. Paano gagawa ang Banal na Espiritu sa iyo kung gayon? Dahil dito, pagkatapos gumawa nang ilang panahon, mahahapo ka. Mula ngayon, kung walang panalangin, hindi ka na makakagawa ng gawain. Panalangin ang nagdudulot ng gawain, at panalangin ang nagdudulot ng paglilingkod. Kung isa kang lider, isang taong naglilingkod sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman inilaan ang sarili mo sa panalangin o sineryoso ang pananalangin, wala kang mga kaisipang maipapahayag sa Diyos, at sa ganitong paraan, malamang na magkakamali ka habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at malamang na madadapa ka habang patuloy kang umaasa sa iyong sariling mga layunin at kilos. Hindi katanggap-tanggap na manalig sa Diyos nang walang sapat na pananalangin. Bihirang manalangin ang ilang tao, iniisip na yamang nagkatawang-tao ang Diyos, sapat na ang direktang basahin ang mga salita ng Diyos. Kapag ganito, masyado kang simpleng mag-isip. Mabibigyang-liwanag at matatanglawan ka ba ng Banal na Espiritu sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng salita ng Diyos nang hindi nananalangin sa Kanya? Kung hindi kailanman nananalangin ang isang tao sa Diyos, at hindi siya nakikipag-usap o tunay na nakikipagbahaginan sa Diyos, kung gayon ay mahihirapan siyang iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon at palugurin ang Diyos sa pagganap ng kanyang mga tungkulin. Maging ang Diyos na nagkatawang-tao ay nananalangin minsan! Nang si Jesus ay nagkatawang tao, nanalangin din Siya pagdating sa mga kritikal na bagay. Nanalangin Siya sa bundok, habang nakasakay sa bangka, at sa hardin; pinangunahan din Niya ang Kanyang mga disipulo sa panalangin. Kung madalas kang humaharap sa Diyos at nananalangin sa Kanya, pinapatunayan nito na itinuturing mo ang Diyos bilang Diyos. Kung madalas kang kumilos ayon sa sarili mong mga pagnanasa, at madalas mong nakakaligtaan ang panalangin at ginagawa mo ang mga bagay-bagay nang hindi ipinapaalam sa Kanya, hindi mo pinaglilingkuran ang Diyos; ginagawa mo lamang ang sarili mong mga hangarin. Kung magkagayon, hindi ka ba isusumpa? Sa tingin, parang wala ka namang nagawa na nagdudulot ng kaguluhan, at parang hindi mo naman nalapastangan ang Diyos, pero aasikasuhin mo lang ang sarili mong alalahanin. Magiging abala ka sa personal mong mga inaasam, at maghahangad ka ng katanyagan, pakinabang, katayuan, at mga pansariling benepisyo. Hindi ba’t nakagagambala ito sa gawain ng iglesia? Kahit na, sa panlabas, mukhang hindi ka naman nakagagambala, sa diwa ay lumalaban sa Diyos ang mga kilos mo. Kung hindi ka kailanman magsisisi o magbabago, ikaw ay manganganib.
Lahat ay naharap na sa kalagayan ng pasakit at pagkamiserable kapag may nangyayaring hindi kanais-nais, at ayaw makipag-usap sa sinuman. Pagtagal-tagal, bumubuti ang pakiramdam nila, pero hindi nalulutas ang kalagayang ito. Minsan, nagpapakita sila ng tiwaling disposisyon sa pagganap sa kanilang mga tungkulin at inaantala nila ang gawain, o pinupungusan sila, nasasaktan at nababagabag sila, pero kung hindi hahanapin ng isang tao ang katotohanan para malutas ito, hindi malulutas ang di-normal na kalagayang ito. Ilang beses na kayong lumapit sa Diyos sa inyong pasakit at paghihirap para manalangin? Lahat kayo ay hindi nababahala at nagpapadalos-dalos lang kayo rito. Sa ganitong paraan, marami ang nagsasabing nananalig sila sa Diyos, pero wala ang Diyos sa puso nila. Ano man ang tungkuling ginagampanan nila, sa tuwing nahaharap sila sa anumang problema, hindi sila kailanman nananalangin o naghahanap sa katotohanan. Umaasa sila sa sarili nilang kagustuhan para gawin ang mga bagay-bagay nang parang bulag, na tila nagtitiis sila ng paghihirap at gumugugol ng lakas, at iniisip nilang ginagawa nila nang maayos ang kanilang tungkulin, kahit na wala silang naidudulot at walang saysay ang kanilang pagsisikap. Madalas na umaasa ang mga tao sa kanilang sariling mga kagustuhan at naliligaw habang naglalakad sila. Sa sandaling gumawa sila ng kaunting trabaho, nagiging mayabang sila, pakiramdam nila ay may kapital sila, at pagkatapos ay wala silang puwang para sa Diyos sa puso nila. Sa bagay na ito, makikita na kalikasan ng mga tao ang magtaksil. Iniisip pa nga ng mga tao na, “Paanong walang puwang para sa Diyos sa puso ko kung nananalig ako sa Kanya? Hindi ba’t gumagawa ako para sa iglesia ngayon? Bakit ako tinalikuran ng Diyos?” Hindi naman sa gusto ng Diyos na talikuran ka, sadyang wala kang puwang para sa Diyos sa puso mo. Gaano man karami ang gawaing ginawa mo, hindi mo matutubos ang sarili mo gamit ito, hinding-hindi mo makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu, at kahit anong gawin mo, patuloy mong mailalayo ang sarili mo sa Diyos at patuloy kang magtataksil sa Kanya. Ang aral ng panalangin ang pinakamalalim. Kung ginagawa mo ang iyong tungkulin nang hindi man lang nananalangin, hindi magiging pasok sa pamantayan ang pagganap mo, at magiging walang saysay ang pagsisikap mo. Kung mas hindi normal ang kalagayan mo, mas lalong dapat kang manalangin. Kung walang panalangin, patuloy lang na lalala ang kalagayan mo, at hindi magiging epektibo ang tungkulin mo. Hindi nakasalalay ang panalangin sa kung gaano kaganda pakinggan ang mga bagay na sinasabi mo. Sa halip, hinihingi nitong magsalita ka mula sa puso mo, magsalita nang totoo tungkol sa sarili mong mga paghihirap, magsalita mula sa posisyon ng isang nilikha at sa perspektiba ng pagpapasakop: “O Diyos, alam Mo kung gaano katigas ang mga tao. Pakiusap, gabayan Mo po ako sa bagay na ito. Alam Mong mahina ako, na lubha akong nagkukulang, na hindi ako angkop para gamitin Mo, na mapaghimagsik ako, at na sa tuwing kumikilos ako, nakagagambala ako sa gawain Mo at nakagagawa ng mga bagay na hindi alinsunod sa mga layunin Mo. Hinihiling ko na gawin Mo ang Iyong gawain, nais ko lamang na magpasakop at makipagtulungan….” Kung hindi mo man lang masabi ang mga salitang ito, walang pag-asa para sa iyo. Iniisip ng ilang tao, “Kapag nananalangin ako, kailangan ko pa ring matukoy kung nananalangin ako nang may katwiran o wala. Kung ganoon, paano ako dapat manalangin?” Matagal ba bago matukoy kung makatwiran ka? Pagkatapos ng bawat panalangin, taimtim na magnilay-nilay, at makakahanap ka ng kalinawan. Habang ginagawa mo ito, magiging mas makatwiran ka sa mga susunod na panalangin, dahil kapag nananalangin ka, malalaman mo na hindi tama ang ilang salita. Kapag nananalangin ang tao, ang kanyang ugnayan sa Diyos ang pinakadirekta, at ang pinakamalapit. Karaniwan ka bang nakaluluhod at nakakapanalangin kaagad kapag gumagawa ka ng mga bagay-bagay? Hindi palagi; depende ito sa kapaligiran. Kapag nag-iisa ka sa bahay at lumuluhod ka at nananalangin sa Diyos, pinakamalapit ito na ugnayan mo sa Diyos. Masasabi mo kung ano man ang nasa puso mo, at madarama mo ang pinakamalaking kagalakan. Kapag binabasa mo ang salita ng Diyos, kung mananalangin ka muna, magiging iba ang pakiramdam ng pagbabasa ng Kanyang salita. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, manalangin at maghanap muna, magiging seryoso ang puso mo, at kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, iba ang magiging epekto. Kung nagbabasa ka ng salita ng Diyos at natatagpuan mo ang liwanag, manalangin ka sa Diyos at matatagpuan mo ang higit na kagalakan. Kung hindi ka kailanman nananalangin, hindi mo mararamdaman ang presensiya ng Diyos kapag binabasa mo ang salita ng Diyos at ginagampanan ang iyong tungkulin. Kung minsan, hindi ka mabibigyang-liwanag ng pagbabasa ng salita ng Diyos, at pagkatapos basahin ang Kanyang salita, walang makikitang epekto. Walang gawain sa pananalig mo sa Diyos ang magagawa kung walang panalangin. Kung madalas kang mananalangin sa Diyos, at magiging normal ang ugnayan mo sa Diyos, magkakaroon ka ng pagpasok sa buhay, at titibay ang iyong pananalig. Kung hindi ka nananalangin nang mahabang panahon, mawawalan ka ng pananalig, at kung gayon, paano ka magkakamit ng pagpasok sa buhay? Ang mga taong may tunay na pananalig ay nakakamit ito sa pamamagitan ng pamumuhay sa harap ng Diyos sa panalangin, at sa paghahanap sa katotohanan sa panalangin. Maraming tao ang padalos-dalos lang habang nananalangin sila, at hindi nila hinahanap ang katotohanan. Lumalapit lamang sila sa Diyos upang manalangin at magmakaawa kapag may nangyayari at wala na silang magawa. Palagi nilang pinipilit ang Diyos na gawin ang gusto nila at bigyang-kasiyahan sila. Ito ba ay tunay na panalangin? Dinirinig ba ng Diyos ang mga panalanging tulad nito? Ang pananalangin at paghahanap habang nasa presensiya ng Diyos ay hindi pamimilit sa Diyos na gawin ang gusto mo, lalong hindi ito paghiling sa Kanya na gawin ang kung ano-ano. Ang lahat ng ito ay mga pagpapamalas ng kawalan ng katwiran. Ano ang isang makatwirang panalangin? Ano ang hindi makatwirang panalangin? Malalaman mo ang mga bagay na ito pagkatapos magtamo ng karanasan sa loob ng ilang panahon. Halimbawa, pagkatapos mong manalangin, maaaring maramdaman mo na ang Banal na Espiritu ay hindi ginagawa ang ipinagdasal mo, ni hindi gumagabay gaya ng ipinagdasal mo. Sa susunod na manalangin ka, hindi ka mananalangin kagaya niyon. Hindi mo pipilitin ang Diyos kagaya ng iyong sinubukan noong nakaraan o hindi hihiling sa Diyos alinsunod sa iyong sariling ninanais. Sasabihin mo, “Diyos ko! Nawa’y ang lahat ay magawa alinsunod sa Iyong mga pagnanais.” Hangga’t nakatuon ka sa ganitong paraan, kung gayon, pagkatapos mangapa nang ilang panahon, malalaman mo kung ano ang makatwirang panalangin at kung ano ang hindi makatwirang panalangin. Mayroon ding isang kalagayan kung saan kapag nananalangin ka alinsunod sa iyong sariling mga kagustuhan, nararamdaman mo sa iyong espiritu na nagiging walang buhay ang iyong mga panalangin, at hindi magtatagal ay makikita mo ang iyong sarili na wala nang masabi. Habang mas sinusubukan mong magsabi, mas lalo itong nagiging nakakaasiwa. Pinatutunayan nito na kapag nananalangin ka gaya nito, ikaw ay lubos na sumusunod sa laman, at ang Banal na Espiritu ay hindi gumagawa o gumagabay sa iyo sa gayong paraan. Ito rin ay isang usapin ng paghahanap at karanasan. Habang mas dinaranas mo ang gayong mga usapin, likas mong mauunawaan ang mga ito.
Ang panalangin ay pangunahing tungkol sa pakikipag-usap nang tapat sa Diyos at pagsasabi sa Kanya ng nasa puso mo. Sinasabi mo, “Diyos ko! Nababatid Mo ang katiwalian ng tao. Sa araw na ito ay nakagawa ako ng isa pang hindi makatwirang bagay. Nagkaroon ako ng intensyon sa kalooban ko—ako ay isang mapanlinlang na tao. Hindi ako kumilos alinsunod sa Iyong mga layunin o sa katotohanan. Kumilos ako ayon sa aking sariling pagnanais, at sinubukang bigyang-katwiran ang aking sarili. Ngayon ay napagtatanto ko ang aking katiwalian. Hinihiling ko sa Iyo na mas liwanagan Mo ako at tulutan akong maintindihan ang katotohanan, maisagawa ito, at maiwaksi ang katiwaliang ito.” Manalangin nang ganito; mga tunay na bagay na sinasaad at sinasalita sa totoong paraan. Kapag ang karamihan sa mga tao ay lumalapit sa Diyos para manalangin, karamihan sa kanilang mga salita ay mula sa doktrina. Ang mga ito ay hindi tunay na mga panalangin mula sa puso. Sa pag-iisip lamang sila mayroong kaunting kaalaman, at handang magsisi ang puso nila, pero hindi sila nagsikap na pagnilayan o lubos na unawain ang katotohanan. Nakakaapekto ito sa pag-usad ng kanilang buhay. Kung kaya mong pagnilayan ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan kapag nananalangin ka, at naliliwanagan ka ng Banal na Espiritu, kung gayon ay higit itong mas kapaki-pakinabang kaysa sa simpleng pag-iisip at pag-unawa rito; mauunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo. Inaantig ng Banal na Espiritu ang mga tao habang gumagawa Siya, at binibigyang-liwanag at tinatanglawan Niya ang mga tao sa mga salita ng Diyos, upang magkaroon ang mga tao ng totoong pagkaunawa at tunay na pagsisisi, na higit na malalim kaysa sa mga iniisip at pang-unawa ng mga tao. Dapat mong lubusang maunawaan ito. Kung mababaw at gulu-gulong pag-iisip at pagsusuri lamang ang ginagawa mo, wala kang angkop na landas ng pagsasagawa pagkatapos, at magkakamit ka ng kaunting pagpasok sa katotohanan, kung gayon ay mananatili kang walang kakayahang makapagbago. May mga sandali, halimbawa, kapag nagpapasya ka na taimtim na gugulin ang sarili para sa Diyos, at suklian ang Kanyang pagmamahal nang taimtim. Subalit, kahit na may ganitong hangarin sa iyong isipan, maaaring hindi ka gumugol ng maraming enerhiya, at maaaring hindi determinadong-determinado ang iyong puso sa gawain. Datapuwat, kung matapos manalangin at maantig, gumawa ka ng isang panata at sinabing, “O Diyos, handa akong magdusa ng paghihirap. Handa akong tanggapin ang Iyong mga pagsubok; at handa akong ganap na magpasakop sa Iyo. Gaano man kabigat ang aking pagdurusa, handa akong suklian ang Iyong pagmamahal. Tinatamasa ko ang Iyong dakilang pag-ibig, at itinaas Mo ako. Dahil dito, nagpapasalamat ako sa Iyo mula sa kaibuturan ng aking puso, at ibinibigay ko ang lahat ng kaluwalhatian sa Iyo,” matapos makapag-alay ng gayong panalangin, lumalakas ang buo mong katawan, at magkakaroon ka ng landas ng pagsasagawa. Ito ang bisa ng panalangin. Pagkatapos manalangin ng isang tao, nagsisimula nang gumawa ang Banal na Espiritu sa kanila, nililiwanagan, tinatanglawan, at ginagabayan sila, binibigyan sila ng pananampalataya at tapang, at binibigyan sila ng kakayahan na maisagawa ang katotohanan. May mga tao na nagbabasa ng mga salita ng Diyos araw-araw nang walang natatamong gayong resulta. Gayunpaman, matapos nilang mabasa ang mga ito, nagbabahagi sila tungkol dito, at sumisigla ang kanilang mga puso, at nakakahanap sila ng paraan. Karagdagan pa, kung inaantig ka ng Banal na Espiritu, at binibigyan ka ng kaunting pasanin, pati na ng kaunting patnubay, tiyak na magiging ibang-iba ang mga resulta. Kapag binabasa mo ang mga salita ng Diyos, maaaring medyo maantig ka lang, at maaaring maiyak ka sa oras na iyon. Ngunit makalipas ang ilang sandali, lilipas ang pakiramdam na iyon. Ngunit kung ang panalanging inialay mo ay nakakaluha, taimtim, totoo at taos sa puso, at inantig ka ng Banal na Espiritu, magkakaroon ng kagalakan ang puso mo sa loob ng maraming araw. Ito ang bisa ng panalangin. Ang layon ng panalangin ay para lumapit sa Diyos at tanggapin ang mga ibibigay Niya sa mga tao. Kung madalas kang nananalangin, kung madalas kang lumalapit sa Diyos upang makipagbahaginan sa Kanya, at magkaroon ng normal na kaugnayan sa Kanya, lagi kang maaantig ng Diyos. Kung palagi mong tinatanggap ang Kanyang mga pagtustos, at tinatanggap ang katotohanan, ikaw ay mababago, at ang iyong mga kondisyon ay patuloy na bubuti. Lalo na, kapag sama-samang nananalangin ang mga kapatid, isang lalong malaking enerhiya ang pumapailanlang pagkaraan nito, at pakiramdam nila ay may malaking bagay silang natamo. Sa katunayan, maaaring hindi naman sila gaanong nakapagbahagi sa panahong magkakasama sila, ngunit ang panalangin ang nakapagpasigla sa kanila, sa puntong hindi na sila makapaghintay pa na talikuran ang kanilang mga pamilya at ang mundo, at wala silang anupamang gusto, at sapat nang mayroon silang Diyos. Napakadakilang pananampalataya! Ang lakas na ibinibigay ng gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao ay matatamasa nang walang-katapusan! Hanggang saan ka makakarating sa iyong pagmamatigas at pagtitiwala sa iyong pagpupursige, sa halip na umasa sa lakas na ibinibigay sa iyo ng Diyos? Lalakad ka lang nang lalakad at mauubusan ka ng lakas, at pagkatapos ay kapag nakatagpo ka ng problema o paghihirap, wala kang mapupuntahan. Babagsak ka at mabubulok bago mo marating ang dulo. Napakaraming tao ang nabigo at bumagsak sa landas ng pagsunod sa Diyos; kung wala ang katotohanan, hindi sila makatatayo. Samakatuwid, dapat palaging manalangin sa Diyos ang mga tao, umasa sa Diyos, at panatilihin ang isang normal na ugnayan sa Diyos hanggang sa huli. Subalit habang nagpapatuloy sa paglakad ang mga tao, lumilihis sila papalayo sa Diyos. Ang Diyos ay Diyos, ang sangkatauhan ay sangkatauhan. Ang bawat isa ay tinatahak ang sariling landas nito. Ang Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, at ang sangkatauhan ay lumalakad sa sarili nitong landas, na hindi kapareho ng sa Diyos. Kapag ang tao ay nawawalan ng lakas ng pananalig sa Diyos, lumalapit sila sa Diyos upang magsabi ng ilang salita ng panalangin at humiram ng kaunting lakas. Pagkatapos nilang magkaroon ng kaunting enerhiya, muli silang umaalis. Pagkalipas ng ilang sandali, nauubusan sila ng lakas, at bumabalik sa Diyos para makakuha pa. Kung magpapatuloy ang isang tao sa ganitong paraan, hindi sila makakakapit nang matagal. Kung iiwan ng isang tao ang Diyos, wala siyang paraan para makasulong.
Natuklasan Ko na ngayon na mahina ang abilidad ng maraming tao na kontrolin ang kanilang sarili. Ano ang dahilan? Ito ay dahil sa simula pa lang ay hindi na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at kung hindi sila mananalangin, malamang na magpapakasasa sila. Naiintindihan lamang nila ang mga salita at doktrina, na hindi gumagana, at sadyang hindi nila makontrol ang kanilang sarili. Sa gayong kalagayan, makakamit mo lamang ang kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu sa pamamagitan ng panalangin, at saka ka lang magkakaroon ng kontrol sa sarili at kaunting wangis ng tao kung mauunawaan mo ang ilang katotohanan. Dapat madalas na basahin ng mga mananampalataya sa Diyos ang Kanyang mga salita, bigyang-diin ang katotohanan, at manalangin nang madalas. Sa gayon lamang mapapabuti ang mga tao, magkakaroon ng pagbabago, at maisasabuhay ang kaunting wangis ng tao. Kung magsasalita ka lamang tungkol sa pagkilala sa iyong sarili at pagsasabuhay ng normal na pagkatao, hindi iyon ayos lang; kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, wala itong magiging epekto. Kung makakaligtaan mo kung paano mismo gumagawa ang Banal na Espiritu at umaantig ng mga tao, at kung paano dapat maghanap at magsagawa ang mga tao sa katotohanan sa kanilang pang-araw-araw na buhay, paano mo magagawang manalig sa Diyos kung gayon? Anong tungkulin ang magagawa mo? Kung sa puso nila ay nananalig lamang ang mga tao sa pag-iral ng Diyos, kung ang natira na lamang sa kanilang pananalig ay isa lamang pagkilala sa Diyos, at kung ang mga salita at katotohanan Niya ay isinasantabi, kung gayon ay hindi sila magkakaroon ng pagpasok sa buhay, at ang Diyos o ang katotohanan ay wala sa puso nila. Ang mga kaisipan at kuru-kuro ng mga tao ay mapupuno lamang ng materyal na mundo. Ang ganitong uri ng pananalig sa Diyos ay naging isang ritwal ng relihiyon. Yaong mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay natatanggap pa nga ang ateismo o materyalismo, at maaaring unti-unti nilang kuwestiyunin kung may Diyos ba, at itatanggi nila ang espirituwal na mundo at ang mga bagay ng espirituwal na buhay. Ito ay tuluyang paglayo sa tunay na daan, at nahulog na sila sa hukay na walang hanggan. Kung walang panalangin, ang pagnanais ng mga tao na isagawa ang katotohanan ay isang pansariling hangarin lamang; kakapit lamang sila sa mga patakaran. Kahit na kumikilos ka alinsunod sa mga pagsasaayos mula sa Itaas at hindi ka nagkakasala sa Diyos, kumakapit ka lang naman sa mga patakaran, at kaya hindi mo kailanman magagampanan nang maayos ang tungkulin mo. Ang espiritu ng mga tao ngayon ay manhid at matamlay lahat. Maraming hiwaga sa ugnayan ng mga tao sa Diyos, tulad ng maantig at maliwanagan ng Espiritu, pero hindi ito maramdaman ng mga tao—masyado silang manhid! Kung ang mga tao ay hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos o nananalangin, at hindi kailanman nararanasan ang mga bagay ng espirituwal na buhay, at hindi nauunawaan ang sarili nilang kalagayan, hindi nila matitiyak na namumuhay sila sa harap ng Diyos. Kung gusto mong mamuhay sa harap ng Diyos, hindi tama ang hindi manalangin, at lalo na ang hindi basahin ang mga salita ng Diyos. Hindi rin katanggap-tanggap ang hindi mamuhay ng buhay-iglesia. Kung lumalayo sa mga salita ng Diyos ang isang tao, hindi na siya nananalig sa Kanya, at ang paglayo sa panalangin ay paglakad palayo sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos, dapat manalangin ang isang tao. Kapag walang panalangin, wala itong pagkakatulad sa paniniwala sa Diyos. Sinasabi Ko nang hindi ninyo kailangang sumunod sa mga patakaran, at na maaari kayong manalangin kahit saan at kahit kailan, kaya may ilan na madalang manalangin. Hindi sila nananalangin sa umaga paggising nila, bagkus ay nagbabasa lang ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos at nakikinig sa mga himno. Sa umaga, inaabala nila ang kanilang mga sarili sa mga panlabas na gawain, at hindi sila nananalangin sa gabi bago humiga para matulog. Hindi ba’t nadarama ninyo na totoo na kung binabasa lang ninyo ang mga salita ng Diyos at hindi kayo nananalangin, tulad kayo ng isang walang pananampalataya na nagbabasa ng Kanyang mga salita nang hindi nauunawaan ang mga salita? Kung hindi nananalangin ang mga tao, hindi tatagos sa puso nila ang mga salita ng Diyos, at hindi sila maliliwanagan sa pagbabasa nito. Hindi sila magkakaroon ng banayad na pakiramdam sa espiritu, ni maaantig ang kanilang espiritu. Manhid at matamlay sila; nagbibigay lang sila ng mababaw na pagbabahagi tungkol sa gawain ng iglesia at sa pagganap ng kanilang tungkulin. Kapag may nangyayari, hindi nila maarok ang kaloob-looban ng kanilang puso. Hindi ba’t naiimpluwensiyahan nito ang kanilang normal na ugnayan sa Diyos? Wala nang puwang para sa Diyos sa puso nila, at gaano man nila gustong manalangin, walang salitang lumalabas, at hindi nila maramdaman ang Diyos. Napakamapanganib na nito. Nangangahulugan ito na napakalayo na nila sa Diyos. Sa totoo lang, ang bumalik sa iyong espiritu para manalangin ay hindi makagagambala sa iyo mula sa mga panlabas na gampanin ng trabaho; hindi nito maaantala ang mga bagay-bagay sa anumang paraan. Kung lilitaw ang isang problema at hindi ito malulutas, maaantala ang mga bagay-bagay. Ang layon ng panalangin sa Diyos ay ang malutas ang mga problema, at mabigyang-kakayahan ang mga tao na mamuhay sa presensiya ng Diyos at matamasa ang Kanyang mga salita. Ito ay mas kapaki-pakinabang sa pagtupad ng mga tungkulin ng mga tao, at sa kanilang pagpasok sa buhay.
1998