Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos
Ngayon, magsasalita Ako tungkol sa isyu ng tiwaling kalikasan, diwa, at disposisyon ng sangkatauhan. Ano ang kalikasan? Ang kalikasan ay ang likas na diwa ng mga tao, ang bagay sa loob nila na nagdudulot ng kumokontrol at nagdidirektang epekto. Ang kinamumuhian, kinasusuklaman, o mga nais ng isang tao ay lahat kumakatawan sa kanyang disposisyon, na direktang nauugnay sa kanyang kalikasang diwa. Sa katunayan, ang kalikasan ay ang diwa, at ang kalikasan ng isang tao ang tumutukoy sa kanyang diwa. Ang disposisyon ay ang bagay na ibinubunyag mula sa diwa at kalikasan ng tao. Ang disposisyong inihahayag ng mga tao sa kanilang pananalita, mga kilos, at asal, ay kumakatawan sa kanilang kalikasan, na kanilang diwa. Ito ang konsepto ng kalikasan. Ibig sabihin, kung ano ang gusto, kinamumuhian, o kinasusuklaman ng isang tao, at kung ano ang hinahangad ng isang tao, ay lahat kumakatawan sa kanyang kalikasan. Ito ang mga pangunahing bagay na dapat tingnan upang makita kung ang kalikasang diwa ng isang tao ay mabuti o masama sa huli. Halimbawa, kung ang isang tao ay mahilig gumawa ng masama, ang kalikasang diwa ng taong iyon ay talagang masama; kung mahilig siyang gumawa ng mabuti at kumilos nang matuwid, ang kalikasang diwa ng taong iyon ay mabuti. Sa sinabing ito, naiintindihan ba ninyong lahat ang konsepto ng kalikasan? Ang kalikasan ay diwa. Noon, sinasabi na ang mga tao ay may kaparehong diwa ng kanilang espiritu: Anumang espiritu ang nasa loob nila, alinmang uri ng espiritu, iyon ang uri ng kalikasan na mayroon sila. Siyempre hindi iyon mali, ngunit ngayon, ang sabihin lamang na tinutukoy ng espiritu ang kalikasan ay medyo malabo, at hindi ito praktikal. Ngayon, ano ang gagamitin Ko para ipaliwanag ito? Gagamit Ako ng disposisyon para ipaliwanag ang kalikasan at diwa ng tao, dahil ang disposisyon ang nabubunyag, ang puwedeng makita, mahawakan, at makaugnayan ng mga tao, kaya ito ay mas kongkreto at obhetibo. Pagdating naman sa espiritu, iniisip ng mga tao na mayroong malabong katangian dito, na ito ay misteryoso, at medyo walang kabuluhan, dahil lang hindi nila ito maisip, ni makita o mahawakan, at wala silang paraan upang maipahayag ito. Ang palaging pagsasalita tungkol sa espiritu at kaluluwa ay hindi angkop, at hindi rin ito kinakailangan. Hindi natin ito kailangan upang maipaliwanag ang usapin ng kalikasan, dahil ang mga bagay na iyon ay hindi nakikita, hindi kongkreto. Ang tinatalakay natin ngayon ang pinakakongkreto at totoo, at malulutas nito ang problema ng katiwalian ng mga tao. Sa paggamit ng ganitong uri ng wika upang ipahayag at ipaliwanag ang problemang ito, makapagtatamo tayo ng mga resulta.
Katatapos lang natin pag-usapan ang konsepto ng kalikasan, ngunit ano nga ba ang kalikasan ng tao? Alam ba ninyo? Dahil ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, ang kanilang kalikasan, na siya ring diwa nila, ay nagbago. Kung gayon, ano ang diwa ng tao? Ang tinutukoy Ko ngayon ay ang diwa at kalikasan ng lahat ng tao, at hindi ito nakadirekta sa isang partikular na indibidwal. Mula nang gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, nagsimulang sumama ang kanilang likas na pagkatao, at unti-unti nilang nawala ang katwirang taglay ng mga normal na tao. Hindi na sila kumikilos bilang mga tao sa posisyon ng tao, bagkus ay puno sila ng matitinding paghahangad; nalagpasan na nila ang katayuan ng tao—ngunit ninanasa pa rin na maging mas mataas. Ano ang tinutukoy ng “mas mataas” na ito? Nais nilang lagpasan ang Diyos, lagpasan ang kalangitan, at lagpasan ang lahat ng iba pa. Ano ang ugat kung bakit nagbubunyag ng gayong mga disposisyon ang mga tao? Pagkatapos ng lahat, labis na mayabang ang kalikasan ng tao. Nauunawaan ng karamihan ng tao ang kahulugan ng salitang “kayabangan.” Isa itong mapanirang-puri na termino. Kung ang isang tao ay nagbubunyag ng kayabangan, iniisip ng iba na hindi siya isang mabuting tao. Sa tuwing masyadong mayabang ang isang tao, inaakala lagi ng iba na isa siyang masamang tao. Walang sinumang gustong matawag na ganito. Gayunman, ang totoo, lahat ay mayabang, at lahat ng tiwaling tao ay may ganitong diwa. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ako mayabang kahit kaunti. Hindi ko ginusto kailanman na maging arkanghel, ni hindi ko ginusto kailanman na higitan ang Diyos, o higitan ang lahat ng iba pa. Noon pa man ay mabait at masunurin na ako.” Hindi ganoon palagi; hindi tama ang mga salitang ito. Kapag naging mayabang ang kalikasan at diwa ng mga tao, maaari silang madalas na maghimagsik at lumaban sa Diyos, hindi makinig sa Kanyang mga salita, bumuo ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya, gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at mga bagay na dumadakila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi mo na hindi ka mayabang, ngunit ipagpalagay na binigyan ka ng isang iglesia at tinulutan kang pamunuan ito; ipagpalagay nang hindi kita pinungusan, at na wala ni isa sa pamilya ng Diyos ang pumuna o tumulong sa iyo: Matapos mo itong pamunuan sandali, aakayin mo ang mga tao sa iyong paanan at pasusunurin sa iyo, kahit hanggang sa puntong hinahangaan at iginagalang ka. At bakit mo gagawin iyon? Matutukoy ito sa iyong kalikasan; ito ay walang iba kundi isang likas na paghahayag. Hindi mo kailangang matutunan ito mula sa iba, ni hindi nila kailangang ituro ito sa iyo. Hindi mo kailangan ang iba na turuan ka o pilitin kang gawin ito; likas na nangyayari ang ganitong klaseng sitwasyon. Ang lahat ng ginagawa mo ay tungkol sa paghikayat sa mga tao na dakilain ka, purihin ka, sambahin ka, sumunod sa iyo, at makinig sa iyo sa lahat ng bagay. Ang pagpahintulot sa iyo na maging isang lider ay likas na nagdudulot sa sitwasyong ito, at hindi ito mababago. At paano nangyayari ang sitwasyong ito? Natutukoy ito sa mapagmataas na kalikasan ng tao. Ang pagpapamalas ng kayabangan ay paghihimagsik at paglaban sa Diyos. Kapag ang mga tao ay mapagmataas, palalo, at mapagmagaling, malamang magtayo sila ng kani-kanyang mga nagsasariling kaharian at gawin ang mga bagay-bagay sa anumang paraang gusto nila. Inaakay rin nila ang iba na magpakontrol sa kanila at magpasakop sa kanila. Para magkaroon ang mga tao ng kakayahang gawin ang gayong mga mapagmataas na bagay, pinatutunayan lang niyon na ang diwa ng kanilang mapagmataas na kalikasan ay katulad ng kay Satanas; katulad ito ng sa arkanghel. Kapag umabot ang kanilang kayabangan at kapalaluan sa isang partikular na antas, wala nang puwang sa puso nila para sa Diyos, at isinasantabi ang Diyos. Pagkatapos ninanais nilang maging Diyos, pinasusunod ang mga tao sa kanila, at sila ay nagiging arkanghel. Kung taglay mo ang gayong satanikong mapagmataas na kalikasan, hindi magkakaroon ng puwang ang Diyos sa iyong puso. Kahit naniniwala ka pa sa Diyos, hindi ka na kikilalanin pa ng Diyos, ituturing ka Niya bilang isang masamang tao, at ititiwalag ka.
Naipangaral na natin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming lider ng mga relihiyosong grupo, subalit paano man natin ibahagi ang katotohanan sa kanila, hindi nila tinatanggap ito. Bakit ganito? Dahil pumapangalawa ang kanilang kayabangan sa kanilang likas na pagkatao, at wala nang puwang ang Diyos sa puso nila. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa relihiyosong mundo ay talagang masigasig; parang nasa piling nila ang Diyos.” Itinuturing mo bang pagkakaroon ng determinasyon ang pagiging masigasig? Gaano man katayog pakinggan ang mga teorya ng mga pastor na iyon, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang natakot sila sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, hihikayatin ba nila ang mga tao na sumunod sa kanila at dakilain sila? Magagawa ba nilang kontrolin ang iba? Mangangahas ba silang hadlangan ang iba na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang tunay na daan? Kung naniniwala sila na talagang kanila ang mga tupa ng Diyos, at dapat ay makinig silang lahat sa kanila, hindi ba nila itinuturing ang kanilang sarili bilang Diyos? Mas masahol pa ang gayong mga tao kaysa sa mga Pariseo. Hindi ba’t mga tunay silang anticristo? Kaya, nakamamatay ang kanilang kayabangan, at dahil dito ay makagagawa sila ng mga bagay ng pagkakanulo. Hindi ba’t nangyayari sa inyo ang mga ganitong bagay? Makasisilo ba kayo ng mga tao sa ganitong paraan? Oo, kaya lang hindi ka pa nabigyan ng pagkakataon, at walang tigil kang pupungusan, kaya hindi ka mangangahas. Ang ilang tao ay itinataas din ang kanilang mga sarili sa mga pasikot-sikot na paraan, pero nagsasalita sila nang napakatuso, kaya’t hindi ito matukoy ng mga ordinaryong tao. Ang ilang tao ay masyadong mayabang kung kaya’t sinasabi nila: “Hindi katanggap-tanggap na ibang tao ang mamuno sa iglesiang ito! Kailangang dumaan sa akin ang Diyos para makarating dito, at maaari lamang Siyang mangaral sa inyo pagkatapos kong maipaliwanag sa Kanya ang sitwasyon ng iglesiang ito. Bukod sa akin, walang ibang maaaring pumunta rito at magdilig sa inyo.” Ano ang intensiyon sa likod ng pagsasabi nito? Anong uri ng disposisyon ang ibinubunyag nito? Ito ay kayabangan. Kapag kumikilos nang ganito ang mga tao, ang kanilang asal ay mapanlaban at mapanghimagsik sa Diyos. Kaya’t tinutukoy ng mayabang na kalikasan ng mga tao na itataas nila ang kanilang sarili, magrerebelde at magkakanulo sila sa Diyos, sisiluhin nila ang iba, ipapahamak ang iba, at pipinsalain ang kanilang sarili. Kung mamamatay sila nang hindi nagsisisi, ititiwalag sila sa huli. Hindi ba’t delikado para sa isang tao na magkaroon ng mayabang na disposisyon? Kung mayroon siyang mayabang na disposisyon, ngunit nagagawa niyang tanggapin ang katotohanan, mayroon pa ring puwang na mailigtas siya. Dapat siyang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at dapat niyang iwaksi ang kanyang tiwaling disposisyon, upang makamit ang tunay na kaligtasan.
Palaging sinasabi ng ilang tao: “Bakit ginagamit ng Diyos ang paghatol at pagkastigo para iligtas ang mga tao sa mga huling araw? Bakit napakatindi ng mga salita ng paghatol?” May isang kasabihang maaaring alam ninyo: “Iba-iba ang gawain ng Diyos sa bawat indibidwal; ito ay naibabagay sa mga pangyayari, at hindi Siya sumusunod sa mga patakaran.” Ang gawain ng paghatol at pagkastigo sa mga huling araw ay pangunahing nakatuon sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang kayabangan ay binubuo ng maraming bagay, ng maraming tiwaling disposisyon; ang paghatol at pagkastigo ay direktang pinupuntirya ang salitang ito, “kayabangan,” upang ganap na maalis ang mayabang na disposisyon ng mga tao. Sa huli, hindi maghihimagsik ang mga tao laban sa Diyos o lalaban sa Kanya, kaya, hindi sila magsisikap na magtayo ng kani-kanilang nagsasariling kaharian, ni magtataas o magpapatotoo sa kanilang sarili, ni kikilos nang masama, ni magkakaroon ng labis na mga hinihingi sa Diyos—sa ganitong paraan, naiwaksi na nila ang kanilang mayabang na disposisyon. Ang kayabangan ay maraming pagpapamalas. Halimbawa, sabihin nating ang isang taong nananalig sa Diyos ay pilit na humihingi ng Kanyang biyaya—sa anong batayan mo ito puwedeng hingin? Isa kang taong ginawang tiwali ni Satanas, isang nilikha; ang katunayang nabubuhay ka at humihinga ay ang pinakadakila na sa mga biyaya ng Diyos. Maaari mong matamasa ang lahat ng nilikha ng Diyos sa lupa. Sapat na ang ibinigay sa iyo ng Diyos, kaya bakit ka pilit na hihingi ng higit pa sa Kanya? Ito ay dahil hindi kailanman nakokontento ang mga tao sa kanilang parte. Palagi nilang iniisip na mas magaling sila kaysa sa iba, na dapat silang magkaroon ng higit pa, kaya lagi nilang pilit na hinihingi ito sa Diyos. Inilalarawan nito ang kanilang mayabang na disposisyon. Hindi man sabihin ng kanilang bibig, sa panahong unang magsimulang maniwala ang mga tao sa Diyos, maaaring iniisip nila sa kanilang puso na, “Gusto kong mapunta sa langit, hindi sa impiyerno. Gusto ko hindi lamang ako ang mapagpala, kundi ang buong pamilya ko. Gusto kong kumain ng masasarap na pagkain, magsuot ng magagandang damit, magtamasa ng magagandang bagay. Gusto ko ng isang mabuting pamilya, isang mabuting asawa at mabubuting anak. Sa huli, gusto kong mamuno bilang hari.” Lahat ito ay tungkol sa kanilang mga kinakailangan at pilit na hinihingi. Ang disposisyon nilang ito, ang mga bagay na iniisip nila sa kanilang puso, ang labis-labis na mga hangaring ito—lahat ng ito ay kumakatawan sa mayabang na kalikasan ng tao. Paano Ko ito nasasabi? Lahat ay nakasalalay sa katayuan ng mga tao. Ang tao ay isang nilalang na nagmula sa alabok; binuo ng Diyos ang tao mula sa luwad, at hiningahan siya ng hininga ng buhay. Gayon ang abang katayuan ng tao, subalit humaharap pa rin ang mga tao sa Diyos at humihingi ng ganito at ganoon. Napakawalang-dangal ng katayuan ng tao, hindi siya dapat magbuka ng bibig at humingi ng anuman sa Diyos. Kaya ano ang dapat gawin ng mga tao? Dapat silang magsumikap kahit pa punahin sila, dapat silang magpunyagi, at masayang magpasakop. Hindi ito tungkol sa kung masaya ba silang nagpapakumbaba—huwag bastang magalak sa pagiging mapagpakumbaba; ito ang katayuan ng mga tao na likas sa kanila; dapat silang maging likas na mapagpasakop at mapagpakumbaba, sapagkat ang kanilang katayuan ay aba, kaya nga hindi sila dapat humingi ng mga bagay mula sa Diyos, ni hindi sila dapat magkaroon ng labis-labis na mga hangarin sa Diyos. Dapat walang mga ganitong bagay na matatagpuan sa kanila. Narito ang isang simpleng halimbawa. Ang isang mayamang pamamahay ay umupa ng isang utusan. Ang posisyon ng utusan na ito sa mayamang pamamahay ay napakababa, ngunit gayunpaman ay sinabi niya sa amo: “Gusto kong isuot ang sombrero ng anak mo, gusto kong kainin ang kanin mo, gusto kong isuot ang mga damit mo, at gusto kong matulog sa kama mo. Anuman ang ginagamit mo, ginto man o pilak, gusto ko ang mga ito! Malaki ang kontribusyon ko sa aking trabaho, at nakatira ako sa bahay mo, kaya gusto ko ang mga ito!” Paano siya dapat tratuhin ng amo? Sasabihin ng amo: “Dapat mong malaman ang uri mo, kung ano ang iyong papel: Isa kang utusan. Ibinibigay ko sa anak ko ang gusto niya, dahil iyon ang katayuan niya. Ano ang katayuan mo, ang iyong identidad? Hindi ka kwalipikadong hilingin ang mga bagay na ito. Dapat kang kumilos at gawin kung ano ang dapat mong gawin, isakatuparan mo ang mga obligasyon mo, ayon sa iyong katayuan at identidad.” May anumang katwiran ba ang gayong tao? Maraming taong nananalig sa Diyos ang walang gaanong katwiran. Mula sa simula ng pananampalataya sa Diyos, mayroon silang mga lihim na motibo, at habang nagpapatuloy, walang tigil silang pilit na humihingi sa Diyos: “Kailangan akong sundan ng gawain ng Banal na Espiritu habang ipinapalaganap ko ang ebanghelyo! Kailangan Mo rin akong patawarin at tiisin kapag nakagagawa ako ng masama! Kung marami akong gagawin, kailangan Mo akong gantimpalaan!” Sa madaling salita, ang mga tao ay palaging naghahangad ng mga bagay-bagay mula sa Diyos, palagi silang sakim. Ang ilang tao na nakagawa ng kaunting gawain at nakapamuno nang maayos sa isang iglesia ay talagang nag-iisip na nakahihigit sila kaysa sa iba, at kadalasang nagpapakalat ng mga salitang tulad ng: “Bakit ako inilalagay ng Diyos sa isang mahalagang posisyon? Bakit palagi Niyang binabanggit ang pangalan ko? Bakit palagi Niya akong kinakausap? Mataas ang tingin sa akin ng Diyos dahil may kakayahan ako at dahil nakaaangat ako sa ordinaryong tao. Naiinggit pa nga kayo na tinatrato ako ng Diyos nang mas mabuti. Ano ang dapat ninyong ikainggit? Hindi ba ninyo nakikita kung gaano karami ang ginagawa ko at kung gaano kalaki ang isinasakripisyo ko? Hindi kayo dapat mainggit sa anumang magagandang bagay na ibinibigay sa akin ng Diyos, dahil karapat-dapat ako sa mga ito. Maraming taon akong nagtrabaho at labis akong nagdusa. Karapat-dapat ako sa papuri at kwalipikado ako.” May iba na nagsasabing: “Tinulutan ako ng Diyos na sumali sa mga pagpupulong ng magkakatrabaho at makinig sa Kanyang pagbabahagi. Mayroon akong ganitong kwalipikasyon—mayroon ba kayo niyon? Una, mayroon akong mataas na kakayahan, at hinahangad ko ang katotohanan nang higit sa inyo. Bukod dito, ginugugol ko ang aking sarili nang higit sa inyo, at kaya kong tapusin ang gawain ng iglesia—kaya ba ninyo iyon?” Ito ay kayabangan. Magkakaiba ang mga resulta ng pagganap ng mga tao sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang gawain. Ang ilan ay may magagandang resulta, samantalang ang iba ay may hindi magagandang resulta. Ang ilang tao ay ipinanganak na may mahusay na kakayahan at nagagawa rin nilang hanapin ang katotohanan, kaya mabilis na bumubuti ang mga resulta ng kanilang mga tungkulin. Ito ay dahil sa kanilang mahusay na kakayahan, na paunang itinakda ng Diyos. Ngunit paano lutasin ang problema ng hindi magagandang resulta sa pagganap ng tungkulin ng isang tao? Dapat kayong patuloy na maghanap sa katotohanan at magsikap, at pagkatapos, kayo rin ay unti-unting makakakuha ng magagandang resulta. Hangga’t nagsusumikap kayo para sa katotohanan at nagkakamit sa abot ng inyong mga kakayahan, sasang-ayon ang Diyos. Ngunit magaganda man o hindi ang mga resulta ng inyong gawain, hindi kayo dapat magkaroon ng mga maling ideya. Huwag ninyong isiping, “Kwalipikado akong maging kapantay ng Diyos,” “Kwalipikado akong tamasahin ang ibinigay sa akin ng Diyos,” “Kwalipikado akong purihin ng Diyos,” “Kwalipikado akong mamuno sa iba,” o “Kwalipikado akong magsermon sa iba.” Huwag mong sabihing kwalipikado ka. Hindi dapat magkaroon ng ganitong mga kaisipan ang mga tao. Kung mayroon ka ng mga kaisipang ito, nagpapatunay ito na wala ka sa iyong angkop na kinalalagyan, at ni wala ka ng pangunahing katinuan na dapat taglayin ng isang tao. Kaya paano mo maiwawaksi ang iyong mayabang na disposisyon? Hindi mo ito magagawa.
Sinasabi ng ilang tao na wala silang tiwaling disposisyon, na hindi sila mayabang. Anong klaseng mga tao ito? Ang mga taong ito ay walang katwiran, at sila rin ang pinakahangal at pinakamayabang sa lahat. Sa katunayan, mas mayabang at suwail pa sila kaysa kaninuman; kapag mas sinasabi ng isang tao na wala siyang mga tiwaling disposisyon, mas mayabang siya at mapagmagaling. Bakit nagagawa ng iba na kilalanin ang sarili nila, at tanggapin ang paghatol ng Diyos, subalit ikaw ay hindi? Bukod-tangi ka ba? Santo ka ba? Namumuhay ka bang nakahiwalay sa ibang tao? Hindi mo inaamin na labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, na may tiwaling disposisyon ang lahat. Ibig sabihin nito ay hindi mo talaga nauunawaan ang katotohanan, at ikaw ang pinakasuwail, pinakamangmang, at pinakamayabang sa lahat. Ayon sa iyo, maraming mabubuting tao sa mundo at iilan-ilan lang na masama—kaya bakit ito puno ng kadiliman, puno ng karumihan at katiwalian, puno ng hidwaan? Bakit, sa mundo ng mga tao, nangunguha at nagnanakaw ang lahat sa isa’t isa? Maging ang mga nananalig sa Diyos ay hindi naiiba. Laging naglalaban-laban at nag-aaway-away ang mga tao. At saan nagmumula ang sigalutang ito? Siyempre, ito ay resulta ng kanilang tiwaling kalikasan, ang mismong pagpapakita ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang mga taong may tiwaling kalikasan ay may kayabangan at paghihimagsik na nabubunyag mula sa kanila; iyong mga namumuhay sa isang satanikong disposisyon ay palaaway at mapanlaban. Ang mga palaaway at mapanlaban ang pinakamayayabang na tao sa lahat, hindi sila sumusunod kaninuman. Bakit madalas ipagtapat ng mga tao ang kanilang mga kasalanan ngunit hindi sila nagsisisi? Bakit sila nananalig sa Diyos ngunit hindi nila maisagawa ang katotohanan? Bakit sila nananalig sa Diyos nang maraming taon, ngunit hindi nila magawang umayon sa Kanya? Ang lahat ng ito ay dahil sa mayabang na kalikasan ng mga tao. Ang sangkatauhan ay palagi nang naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, lubusang ayaw tanggapin ang katotohanan, at kinasusuklaman at tinatanggihan pa nga ang katotohanan. Hindi ito sa kadahilanang masyadong mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, kundi dahil masyadong mabangis at walang awang nilalabanan ng mga tao ang Diyos, labis-labis kung kaya’t gagawin nilang kaaway nila ang Diyos at ipapako Siya sa krus. Hindi ba’t masyadong mabangis, mayabang, at hindi makatwiran ang gayong tiwaling sangkatauhan? Ang Diyos ay nagpapahayag ng napakaraming katotohanan, Siya ay nahahabag at nagliligtas sa mga tao, at nagpapatawad sa kanilang mga kasalanan—ngunit hindi man lang tinatanggap ng sangkatauhan ang katotohanan, palagi nilang kinokondena at nilalabanan ang Diyos, at ginagawang hindi maipagkakasundo sa Diyos ang kanilang sarili. Ngayon, sa anong antas ang ugnayan ng sangkatauhan sa Diyos? Ang tao ay naging kaaway na ng Diyos, ang Kanyang kabaligtaran. Nagpapahayag ang Diyos ng katotohanan upang ilantad, hatulan, at iligtas ang mga tao; hindi ito tinatanggap ng mga tao at hindi nila Siya binibigyan ng pansin. Hindi ginagawa ng mga tao ang hinihingi ng Diyos sa kanila; sa halip ay ginagawa nila ang mga bagay na kinamumuhian at kinasusuklaman Niya. Ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan, ngunit isinasantabi ito ng mga tao. Hinahatulan at pinarurusahan ng Diyos ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at bukod sa hindi nila tinatanggap ang katotohanan, nakikipagtalo at nag-aalsa pa sila laban sa Kanya. Gaano kayabang ang mga tao? Ang tiwaling sangkatauhan ay buong tapang na itinatatwa at nilalabanan ang Diyos. Kahit pa nananalig sila sa Diyos, palagi silang naghahangad ng malaking kayamanan, gantimpala, at pagpasok sa kaharian ng langit; gusto rin nilang maging mga pinuno at magkaroon ng awtoridad. Ito ang modelong representasyon ng kayabangan, ang napakatiwaling disposisyon ng tao.
Naging tao ang Diyos upang iligtas ang tao, ngunit kapalit ng pagtanggap sa Diyos, humingi ang mga tao ng mga panggastos para mabuhay, gantimpala, pagpapala, at ipinagyabang pa nga nila na natanggap nila ang Diyos, at sinasabing sila ay pinakamamahal ng Diyos, para maging mataas ang tingin sa kanila ng iba. Malinaw na batid ng iilan na Siya na tinanggap nila ay ang Diyos, subalit nanghingi sila ng pera mula sa mga iglesia bilang kapalit. Sinasabi ng ganitong mayayabang na tao na wala silang tiwaling disposisyon, at na ang kanilang paniniwala ay nakahihigit kaysa kaninumang iba pa, na mas tapat sila sa Diyos kaysa sa sinumang iba pa, at mas mahusay silang kumilos kaysa sa sinumang iba pa. Ipinagyayabang ng ilang tao ang kanilang sarili: “Dalawampung taon na akong nananalig sa Diyos. Noong una akong nagbalik-loob, walang iglesia—ipinalaganap ko ang ebanghelyo kahit saan ako magpunta!” Bakit mo ipinagyayabang ang iyong sarili? Wala kang dapat ipagyabang. Base sa iyong kasalukuyang pag-uugali, dapat mong sampalin ang iyong sarili, isumpa ang iyong sarili, kasuklaman ang iyong sarili, at kamuhian ang iyong sarili. Kaya bakit mo ipinagyayabang ang iyong sarili? Masyadong matindi ang mayabang mong disposisyon—naabot mo na ang tugatog, ang sukdulan! Marami man o kaunti ang sinasabi ng mga tao, ang kanilang tono, ang kanilang mga intensiyon, at ang kanilang mga salita ay lahat may mayabang na tanda at diwa. Magbibigay Ako ng isang simpleng halimbawa. Sabihin nang ang iglesia ay may isang taong kakapanalig lang, na medyo maaasahan, na tapat na naghahangad. Maaaring minamaliit siya ng ilang tao, mayabang na sinasabi sa kanya na: “Ilang taon ka nang mananampalataya? Saan ka galing? Mayroon ka bang mga kuru-kuro? Aling mga katotohanan ang hindi pa rin malinaw sa iyo? Nasangkapan ka ba ng mga pangunahing katotohanang ito? Pagkatapos mong masangkapan, kailangan mong ipalaganap ang ebanghelyo!” Anong mga kwalipikasyon ang mayroon ka para sermunan ang isang tao nang ganito? Tao ka rin, medyo mas nauna ka lang tumanggap. Gayunpaman, hindi mo pa naiwawaksi ang kayabangan sa diwa ng iyong sariling tiwaling disposisyon. Anong mga kwalipikasyon ang mayroon ka para sermunan ang iba? Siyempre, maaari kang magbahagi sa kanila, ngunit hindi tama ang iyong mga perspektiba at intensiyon, mali ang iyong saloobin, at ang kalikasan nito ay napakakasuklam-suklam! Kapag kinakausap ng Itaas ang ilang tao para malaman ang sitwasyon ng gawain ng ebanghelyo, tinatanong sila kung mayroong mga suliranin sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, o kung anong mga problema ang kailangang lutasin sa gawain ng ebanghelyo. Sinasabi nila: “Normal lang ang gawain, walang mga problema,” at mayroon silang saloobing sadyang nagbabalewala. Bihira nilang iulat kung aling mga problema ang umiiral sa gawain ng ebanghelyo, o kung paano nalulutas ang mga ito, lalo na kung anong mga suliranin ang kailangang lutasin ng Itaas. Anong klaseng problema ito? Isa ba itong pagpapamalas ng responsableng paggawa ng tungkulin ng isang tao? Isa ba itong pagpapamalas ng katapatan sa Diyos? Paulit-ulit nilang sinasabi na nagpapasakop at sumusunod sila sa Diyos, at sinasabi nilang nakita na nila ang tunay na Diyos, na tunay silang nagpapasakop, na tunay silang handang gumugol para sa Diyos, na magbayad ng halaga, ngunit sa huli, nagagawa nilang magpamalas ng gayong disposisyon at magsabi ng gayong mga salita—anong diwa sa tingin ninyo ang talagang mayroon sa gayong tao? Ano kaya ang kalalabasan ng gayong tao? Sa anong bagay sila karapat-dapat? Kung hindi Ko sinabi ang mga salitang ito, kung hindi Ako nagpakita ng anumang interes sa mga usaping tulad nito, anong punto ang masasabi ninyong maaabot ng gayong mga tao? Masyadong kakila-kilabot isipin ang mga kahihinatnan. Kapag nagsasalita Ako at nakikipag-usap sa ilang tao nang may normal na tono, nagiging mayabang sila, iniisip na isa Akong ordinaryong tao. Nadadala sila, at nagsisimulang magsalita nang magsalita, gustong panghimasukan at suriin ang lahat, at palaging gustong magpakitang-gilas. Kapag nakikita Kong ganoong klase silang tao, hindi Ko sila pinapansin. Para sabihin Ko sa inyo ang totoo, nakikita Ko na karamihan sa mga tao ay medyo kasuklam-suklam. Agad-agad pagkatapos Ko silang makilala, hindi pa Ako tapos magsalita ng tatlong pangungusap ay nagsisimula na silang yumuko at magbigay-galang; wala pang isang linggo matapos silang makilala, mangangahas na silang sermunan ang Diyos. Matapos makilala ang gayong tao nang ilang panahon, ayaw Ko na sa kanila, hindi Ko sila pinapansin, at kalaunan ay nababalitaan Ko na may ginawa silang masama, na sila ay masasama. Ilagay ninyo ang inyong sarili sa posisyon ng iba at isipin sandali: Kung mahaharap kayo sa ganitong uri ng sitwasyon habang pinapalaki ang inyong mga anak, ano ang mararamdaman ninyo? Ang mga tao ay nagpapalaki ng mga bata para alagaan sila ng mga ito sa kanilang pagtanda at bigyan sila ng maayos na libing; kung hindi sila papansinin ng mga anak nila pagtanda nila, kung iisipin ng mga ito na mas magaling ang mga ito kaysa sa kanila at sesermonan sila nito, o mamaltratuhin at aapihin, at wala kahit katiting na paggalang sa magulang, ano ang mararamdaman nila? Hindi ba’t makakaramdam sila ng kapwa galit at lungkot? Bata pa kayo ngayon, na may mababaw na antas ng karanasan, at hindi pa ninyo ito mapapahalagahan sa ngayon. Marami na Akong napuntahang lugar at nakilalang tao. Sa mga taong iyon, sa mga nakasama Ko bilang isang kapantay at sa mga nakapagbahaginan Ko, upang makipag-usap tungkol sa buhay, wala ni isa sa kanila ang nagsabing: “Mabuti sa akin ang Diyos. Kailangan kong magkaroon ng kaunting konsiyensiya at katwiran, hindi ako gagawa ng anumang lumalabag sa aking konsiyensiya.” Hindi man nga lang makagawa ang mga tao ng maliit na bagay nang may konsiyensiya o pagkatao. Hindi man lang sila makapagsalita mula sa sarili nilang posisyon, o makapagpatuloy sa kanilang tungkulin, bukod pa sa pagsasagawa ng katotohanan, na hindi rin nila kayang gawin. Kung magiging masyadong mayabang ang mga tao, magiging mas masahol pa sila kaysa sa arkanghel, malalampasan pa ito.
Ang ilang tao ay medyo mas mahusay ang kakayahan; kaya nilang gumawa ng kaunting gawain, at hinihirang sila upang maging mga lider ng iglesia. Matapos maging lider, wala pa silang masyadong nagagawang tunay na gawain ay nagsisimula na silang maging mayabang. Hindi nangangahas ang mga tao na pungusan o tukuyin ang kanilang mga pagkakamali; kung nagsasalita ka nang malakas o medyo mahigpit sa kanila, nagagalit sila, at sinasabing: “Hindi ko iyan gagawin. Kung sino man ang gusto mong gumawa niyan, sa kanila mo iyan ipagawa. Tingnan ko lang kung may makakagawa nito nang mas mahusay kaysa sa akin. Hayaang ibunyag sila ng Banal na Espiritu!” Napakayabang ng mga salitang ito! Gaano karebelde ang mga tao? Wala silang anumang nararamdaman sa mga salitang sinasabi nila o sa mga bagay na ginagawa nila—lubos silang walang kamalayan. Habang sinusuri Ko ang kanilang mayayabang na salita, ang kanilang mayayabang na kilos, ang mga motibasyon na hawak nila sa kanilang puso, at ang kapangitang paunti-unti nilang ipinapakita, nagagawang maunawaan ng mga tao ang sarili nila. Ganoon kamanhid ang mga tao. Kung wala ang ganitong pagsusuri at paglilinaw, makikilala ba ng mga tao ang sarili nila? May magagawa ba silang anumang makatao? Magiging mas maayos lamang silang kumilos nang kaunti kung palagi Ko silang hahampasin ng patpat, ganoon kawalang kwenta ang mga tao! Nasa ganitong antas na ng kayabangan ang mga tao; ganap nang walang silbi ang pagdidisiplina. Sinasabi ng ilan: “Matapos basahin ang maraming salita ng Diyos, nararamdaman ko na ang mga ito ang katotohanan, at na tama ang Kanyang mga salita ng paglalantad sa tao, ngunit ilang taon na akong nananalig sa Diyos, kaya bakit hindi pa Niya ako dinidisiplina?” Ano sa palagay ninyo: Nang magtaksil ang arkanghel sa Diyos, kung agad-agad itong dinisiplina at pinarusahan ng Diyos, magagawa ba nitong magtaksil? Nalutas kaya ang likas na katangian nito ng pagkakanulo? Naalis kaya ang mayabang na disposisyon nito? Hindi iyon magagawa! Kaya, ang mga tao ngayon ay mayabang hanggang sa puntong sampu o dalawampung beses silang mas mayabang kaysa sa arkanghel. Hindi sapat ang pagdidisiplina lamang, kailangan nilang tanggapin ang paghatol at pagkastigo, kailangan nilang tanggapin at hangarin ang katotohanan—saka lamang makagagawa ang Diyos sa kanila, saka lamang Niya sila masusubok at mapipino. Kung hindi mo matanggap ang katotohanan, hindi mahalaga kung gaano karaming taon kang nananalig, dahil hindi gagawa sa iyo ang Diyos. Kung kapwa wala kang konsiyensiya at katwiran, isa ka sa mga hayop; walang masasabi ang Diyos sa iyo, hindi ka dinidisiplina anuman ang gawin mo, at kung guguluhin mo ang iglesia, palalayasin ka. Pagkatapos magsalita ng napakaraming katotohanan, tingnan mo kung hinahangad ito ng mga tao o hindi. Kung sasabihin mong: “Talagang ayaw kong maghangad, gusto kong maglublob sa pagkabulok. Handa akong maging mababang-uri,” naghihintay kang maparusahan. Hindi Ko dinidisiplina ang sinuman sa ngayon, nakikipag-usap lang Ako sa kanila, inilalantad at hinahatulan ang kanilang katiwalian. Kung isinasapuso mo ito, naghahangad ka sa isang pataas na direksyon; kung hindi mo ito isinasapuso, naghihintay ka ng parusa kalaunan. Ngayon, maliban sa pagtustos ng katotohanan, mayroon ding paglalantad, paghatol, at pagkastigo, at pagkatapos ay mayroong kaparusahan at pagganti. Siyempre, ang pagganti at kaparusahan ay darating sa malao’t madali; sino ang makapagsasabi kung anong araw ka maaaring lumabag sa isang atas administratibo, pagkatapos ay mamamatay ka. Gayunpaman, pinapayuhan Ko ang bawat isa sa inyo, huwag ninyong hintayin na dumating ang kaparusahan para magising at maghangad kayo; sa puntong iyon, magiging masyadong huli na para magsisi, at ikaw ay mapapahamak. Wala nang mga pagkakataong magsisi. Sa puntong iyon, masyadong huli na para maghangad, at wala na ring silbi. Mas mabuti pang samantalahin mo ang kasalukuyan upang magising ka nang maaga, upang gumawa ka ng ilang makataong bagay, ilang bagay na may konsiyensiya. Huwag kang magmatigas na kumapit sa maling landas.
Ang ilang tao ay inaanunsyo ang kanilang sarili bilang may mabuting pagkatao, ngunit kung talagang may mabuti kang pagkatao, bakit ka gagawa ng mayayabang na bagay? Bakit hindi ka makagawa ng anumang makatao? Bakit wala ka ni katiting na konsiyensiya o katwiran? Napakayabang ng mga tao, na gusto nila ang lahat maliban sa Diyos; sinasamba nila ang bawat sikat na tao, diyablo, at Satanas, ngunit hindi sila sumasamba sa Diyos, ni nagpapasakop sa Kanya; nagagawa nila ang anumang masamang bagay. Marami na Akong napuntahan. Ang ilang taong tumanggap sa Akin ay siningil Ako ng malaking halaga para sa pagkain at tuluyan, at higit pa rito, ang pagkain at mga pang-araw-araw na bagay ay binabayaran ng iglesia. Tinatanong Ko sa inyo, paanong walang anumang konsiyensiya ang mga taong ito? Hindi ba Ako karapat-dapat kumain ng pagkaing inihanda nila? Sinabi nila noon na handa silang tanggapin Ako, ngunit pagdating Ko, kahiya-hiya silang umaasal nang ganito. Tao pa ba sila? May pagkatao pa ba sila? Huwag maging tuso—hindi mo maaaring gawin ito, wala kang pagkatao, at isa kang hayop. Kinokendena ka ng iyong kalikasan at kayabangan. Napakaliit ng pananalig ng mga tao. Masyado silang mayabang at suwail na wala na silang puwang para sa Diyos! Karapat-dapat bang tawaging tao ang isang taong ganito katiwali? Ito ang mismong modelo ng isang diyablo, ni Satanas. Iniisip ng mga tao: “Kahit pa nasa Iyo ang katotohanan, isa Ka pa ring tao, kaya ano ang magagawa Mo? Ano ang maitutulong Mo sa akin? Ano ang magagawa Mo sa akin? Saan Mo ako madadala? Mababa ang tingin ko sa Iyo. Wala akong pakialam kung Ikaw ang Diyos o hindi.” Wala silang pakialam dito. Sa palagay Ko, kung ang pinuno ng inyong kumpanya ay pupunta sa bahay mo, hindi mo siya papayagang umalis kung susubukan niya; sisikapin mong papanatilihin siya sa bahay mo nang dalawang araw, at pakikitunguhan mo siya nang maayos. Kaya, hindi dapat palaging magsalita nang mayabang ang mga tao, hindi nila dapat sabihin na gusto nila ang Diyos nang higit pa sa sinuman, na mas mahusay sila sa pagsasagawa ng katotohanan kaysa sa iba, na mas magaling silang gumugol ng kanilang sarili kaysa sa iba, na nagbayad sila ng mas malaking halaga kaysa sa sinuman, at na mas tapat sila kaysa sa sinuman. Huwag mong ipagmalaki ang iyong sarili—hindi ka kwalipikadong gawin ito, hindi mo rin nabayaran ang halagang iyon, hindi ka rin nakagawa ng maraming tunay na gawain. Bagamat gumawa ka nang kaunti, hindi ito katumbas ng taimtim na paggugol ng iyong sarili para sa Diyos, lalong hindi katumbas ng buong katapatan sa Diyos, at pagpapasakop hanggang sa kamatayan. Maaari kang magpatuloy nang tatlo hanggang limang taon, ngunit sa paglipas ng panahon, hindi mo na magagawang magpatuloy pa, kaya magiging pabasta-basta ka, at magrereklamo ka. Huwag mong isiping mas mataas ka sa ibang tao. Kung ikukumpara sa iba, wala ka sa mataas na pamantayan, higit kang mas mababa sa kanila; lalong hindi mo maikukumpara ang iyong sarili sa mga banal sa mga kapanahunan. Kwalipikado ka ba talagang magyabang ng anumang bagay? Sinasabi ninyong lahat: “Kung makikipag-ugnayan ako sa Diyos kalaunan, ipinapangako kong hindi ko Siya lilinlangin.” Ang pangako mo ay kailangang masubok nang ilang panahon. Ayaw Kong makipag-ugnayan sa mas maraming tao; ang makipag-ugnayan sa kanila at makita ang kanilang asal ay sapat na para magalit Ako! Maaaring alam ng ilan sa inyo kung gaano Ako kagalit dahil sa bagay na ito. Nagagalit Ako lalo na kapag nakikita Ko yaong mga taong hindi man lang hinahangad ang katotohanan, na laging gustong humawak ng kapangyarihan at kontrolin ang iba. Kinasusuklaman Ko sila. Yaong mga hindi naghahangad sa katotohanan ay talagang masama lahat, wala silang pagkatao; tiyak na hindi Ako makikipag-ugnayan sa gayong mga tao. Kapag nakikita ng gayong mga tao na hindi Ko sila pinapansin, maaaring magreklamo sila. Masyadong hindi makatwiran ang mga taong ito! Ngayon, karamihan sa mga tao ay hindi alam kung paano hangarin ang katotohanan—napakababa ng tayog nila, at napakababa ng taglay nilang kaunting pagkatao at katwiran, kaya wala Akong paraan para makipag-ugnayan sa kanila. Kung makikipag-ugnayan ka sa gayong tao sa loob ng dalawang araw, mamaliitin ka nila, magiging mayabang sila—napakayabang—at hindi sila makikinig, anuman ang sabihin mo.
Dati, madalas Akong dumadaan sa mga iglesia, nakikita ang lahat ng uri ng pamilyang nagho-host at ang lahat ng uri ng mananampalataya sa Diyos. Bakit ayaw Ko nang makipag-ugnayan sa napakaraming tao? Masyadong masama ang mga tao, karamihan sa kanila ay walang konsiyensiya at katwiran, wala silang puwang para sa Diyos, at palagi silang nagpapakana sa paligid Niya, kaya pinipili Kong lumayo sa mga tao, at gawin lamang ang dapat Kong gawin. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ba’t namumuhay ang Diyos kasama ng mga tao?” Naninirahan nga Ako kasama ng mga tao, ngunit hindi Ko kayang manatili kasama ang masasama, masyadong mapanganib ito. Mabuti sana kung mayroon Akong espirituwal na katawan, magagawa Ko ang anuman kasama ng mga tao—ang isang espirituwal na katawan tulad ni Jesus ay magiging maayos, makakakilos Siya kung paano Niya gusto, at hindi mangangahas ang mga tao na mang-usig—ngunit mayroon Ako ngayong normal na katawang gawa sa laman, isang partikular na normal na katawang gawa sa laman, na walang supernatural tungkol dito, kaya hindi ito matatanggap ng mga tao; palagi silang may mga kuru-kuro at gusto nilang suriin ang Diyos. Kung ang ganitong uri ng tao, na may ganitong uri ng disposisyon, ay bibigyan ng kaunting pagdidisiplina at parusa, bibigyan ng isang buwang sakit ng ulo, sa tingin ba ninyo ay makakatulong iyon? Magiging walang silbi iyon. Babangon silang muli pagkatapos ang isang buwang sakit ng ulo at ilalabas ang galit nila. Sa tingin ba ninyo, makapagdudulot ng pagbabago ang pagdidisiplina lamang? Hindi. Kaya, maraming tao ang nakaugnayan Ko noon, ngunit napakakaunti sa kanila ang nagmamahal sa katotohanan. Ang masasabi Ko lang sa inyo, hindi dapat manalig ang mga tao sa Diyos para lang may makuha sa Kanya. Dapat mong isipin lang na magawa nang maayos ang iyong tungkulin, na magamit ang buong lakas mo. Kung masyadong mababa ang kakayahan mo, kung hindi ito angkop na gamitin, dapat kang magmadaling bumaba sa puwesto. Dapat kang maging masunurin at maayos kumilos, gawin mo ang dapat mong gawin, huwag mong gawin ang hindi mo dapat gawin, at dapat kang maging makatwiran. Isa kang tao. Kung hindi ka binigyan ng Diyos ng hininga, buhay, at lakas, wala kang magagawang kahit ano. Hindi dapat humingi ng anumang bagay ang mga tao, ni magkumpara ng mga kwalipikasyon; ang pagkakaroon ng mga kwalipikasyon ay walang silbi sa iyo! Kung gagawin kang lider ng isang iglesia, responsabilidad mo iyon, at kung ibang tao ang ginawang lider, responsabilidad niya iyon. Siyempre, pagdating sa trabaho, dapat kang magbahagi, ngunit hindi ka dapat magkumpara ng mga kwalipikasyon, iniisip na: “Matagal na akong kwalipikado sa iglesiang iyon, dapat nila akong respetuhin. Ako ang pinakamatanda, ikaw ang pangalawa.” Huwag mong sabihin ang gayong bagay, masyado itong hindi makatwiran. Sinasabi rin ng ilang tao: “Tinalikuran ko ang sarili kong trabaho para igugol ang sarili ko sa Diyos, tinalikuran ko ang aking pamilya, at ano ang natamo ko? Wala akong napala, at pinangangaralan pa rin ng Diyos ang mga tao.” Ano ang tingin mo sa mga salitang ito? Dapat pumanig ang mga tao sa tama at maging malinaw muna sa kanila ang tungkol sa katunayan na sila ay tao, na sila ay tiwaling sangkatauhan pa rin. Kung gagawin kang lider, maging isang lider ka; kung hindi ka gagawing lider, maging isang ordinaryong tagasunod ka; kung bibigyan ka ng gagawin, may pagkakataon kang gumawa ng isang bagay; kung hindi ka bibigyan ng gagawin, wala kang magagawa. Huwag kang magyabang—ang pagmamayabang ay isang masamang tanda, na nagpapatunay na tumatahak ka patungo sa isang sukdulan, patungo sa kamatayan. Huwag kang magyabang, sabihing: “Nakapagpabalik-loob ako ng isang grupo ng mga tao sa isang lugar, sila ang mga bunga ko. Kung hindi ako nagpunta, walang ibang makakagawa niyon. Nang pumunta ako, gumawa ng mahusay na gawain ang Banal na Espiritu!” Huwag kang magyabang sa ganitong paraan. Sa halip, dapat mong sabihin na: “Ang pagpapabalik-loob ng mga taong ito ay bunga ng paggawa ng Banal na Espiritu, kaunti lang ang magagawa ng isang tao. Kung matatapos natin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo, at pauuwiin tayo ng Diyos, uuwi tayo.” Huwag mong sabihin na: “Ano ang ginawa kong mali para pauwiin Mo ako? Kung hindi Mo masabi ang dahilan, hindi ako uuwi!” Huwag kang manghingi nang ganito. Kung mayroon ka ng ganitong hinihingi, nagpapatunay ito na talagang mayabang ang disposisyon mo. Kung hindi ka nakagawa ng mali, hindi ka ba maaaring pauwiin? Kung kumikilos ka nang tama, hindi ka ba maaaring pauwiin? Kahit na kumikilos ka nang tama at mahusay na gumagawa, kung pauuwiin ka, dapat kang umuwi. Kung pinupungusan ka, dapat mo itong tanggapin at dapat kang magpasakop. Isa itong obligasyon, isang responsabilidad, at hindi mo dapat ipagtanggol ang iyong sarili. Nanalig si Job sa Diyos at nakatuon lamang sa pagiging takot sa Kanya at pag-iwas sa kasamaan. Walang hiniling si Job, at pinagpala siya ni Jehova. Sinasabi ng ilang tao: “Iyon ay dahil si Job ay mabuti sa Diyos, kaya siyempre pinagpala siya ng Diyos; iyon ay kapalit ng pananampalataya at matuwid na gawain ni Job.” Hindi ito tama, hindi iyon isang palitan, iyon ay dahil ninais ni Jehova na pagpalain si Job. Bakit hindi nagreklamo si Job nang kunin ni Jehova ang lahat sa kanya? Bakit hindi niya sinabing: “Kumikilos ako nang matuwid, napakakwalipikado ko, kaya hindi Mo ako dapat tratuhin nang ganito”? Hindi ito isang usapin ng kung ano ang dapat at hindi dapat! Pagdating sa pananampalataya sa Diyos, kung palaging masusunod ang mga tao, at palagi silang magsasalita tungkol sa mga kuru-kuro at doktrina ng tao, hindi iyon magiging tama. Iyon ay kayabangan ng tao, paghihimagsik ng tao. Ang kagustuhan ng tao ay karumihan ng tao.
Namamalayan ba ninyo kapag inihahayag ninyo ang sarili ninyong mayayabang na disposisyon? Ang ilang tao ay walang kamalayan, at sinasabi nila: “Hindi ako mayabang, hindi ako kailanman nagsabi ng anumang mayabang noon.” Sa katunayan, kahit pa hindi mo ito namamalayan, mayroon ka pa ring mayabang na disposisyon, hindi pa lang ito nabubunyag. Ang katunayang hindi mo pa ito naihahayag palabas ay hindi nagpapatunay na wala kang mayabang na disposisyon; posibleng mas mayabang ang puso mo kaysa sa iba, kaya lang, marunong kang magpanggap, kaya hindi ito nabubunyag, ngunit nakikita ito ng mga taong may pagkakilala. Kaya, ang bawat tao ay may mayabang na disposisyon, ito ang karaniwang kalikasan ng sangkatauhan. May kakayahan ang mga taong may mapagmataas na kalikasan na maghimagsik laban sa Diyos, labanan Siya, at makagawa ng mga bagay na humahatol sa Kanya at nagtataksil sa Kanya, at gumawa ng mga bagay na nagtataas sa kanilang sarili at na isang pagtatangkang magtatag ng kani-kanilang nagsasariling kaharian. Ipagpalagay nang may sampu-sampung libong tao sa isang bansa ang tumanggap sa gawain ng Diyos, at ipinadala ka roon ng sambahayan ng Diyos para pamunuan at ipastol ang mga hinirang ng Diyos. At ipagpalagay nang ibinigay sa iyo ng sambahayan ng Diyos ang awtoridad at pinayagan kang gumawa nang mag-isa, nang walang pagsubaybay Ko o ng sinuman. Pagkaraan ng ilang buwan, magiging parang kataas-taasang hari ka, mapapasakamay mo ang lahat ng kapangyarihan, ikaw ang magdedesisyon, igagalang ka, sasambahin ka, magpapasakop sa iyo ang lahat ng hinirang na para bang ikaw ang Diyos, inaawit sa bawat salita ang iyong mga papuri, sinasabing nangangaral ka ng may malinaw na pagkaunawa, at ipinagpipilitan na ang iyong mga pagpapahayag ang siya nilang kailangan, na ikaw ang makapagtutustos sa kanila at makagagabay sa kanila, at na hindi magkakaroon ng puwang sa puso nila ang Diyos. Hindi ba’t magiging problematiko ang ganitong uri ng gawain? Paano mo sana ito nagawa? Para magawa ng mga taong ito ang gayong reaksyon, patutunayan nito na ang gawaing ginagawa mo ay hindi man lamang kinasangkutan ng pagbibigay patotoo sa Diyos; manapa’y nagpatotoo lamang ito sa iyong sarili at ipinakitang-gilas lamang nito ang iyong sarili. Paano ka makapagkakamit ng gayong kahihinatnan? Sinasabi ng ilang tao na, “Ang ibinabahagi ko ay ang katotohanan; tiyak na hindi ko kailanman pinatotohanan ang aking sarili!” Ang saloobin mong iyan—ang asal mong iyan—ay sumusubok makapagbahagi sa mga tao mula sa posisyon ng Diyos, at hindi ito katulad ng pagtayo sa posisyon ng isang tiwaling tao. Lahat ng sinasabi mo ay mabulaklak na mga pananalita at panghihingi sa iba; wala man lamang kinalaman ito sa iyong sarili. Samakatuwid, ang kahihinatnang makakamit mo ay ang mapasamba mo ang mga tao sa iyo at kainggitan ka nila hanggang, sa huli, silang lahat ay nagpapasakop sa iyo, nagpapatotoo sa iyo, pinupuri ka, at binobola ka nang husto. Kapag nangyari iyon, magiging katapusan mo na; mabibigo ka! Hindi ba ito ang landas na kinaroroonan ninyong lahat ngayon? Kung pinakiusapan kang mamuno ng ilang libo o ng ilang sampung libong katao, makararamdam ka ng kasiyahan. Bibigyang-daan mong umusbong ang kayabangan at magsisimula kang subukang okupahin ang posisyon ng Diyos, nagsasalita at nagmumuwestra, at hindi mo malalaman kung anong susuotin, anong kakainin, o kung paano maglakad. Ikasisiya mo ang mga kaginhawaan ng buhay at itataas ang iyong sarili, hindi minamarapat na makipagkita sa mga ordinaryong kapatid. Ikaw ay lubusang sasama—at mabubunyag at ititiwalag, pababagsakin na gaya ng arkanghel. May kakayahan kayong gawin ito, hindi ba? Kaya, ano ang dapat ninyong gawin? Kung isang araw ay isinaayos na maging responsable kayo para sa gawain ng ebanghelyo sa bawat bansa, at kaya ninyong tahakin ang landas ng isang anticristo, paano mapapalawak ang gawain kung gayon? Hindi ba ito magiging magulo? Sino, kung gayon, ang mangangahas na payagan kang lumabas doon? Matapos kang ipadala roon, hinding-hindi ka na babalik; hindi ka na magbibigay ng atensyon sa anumang sinabi ng Diyos, at patuloy ka na lamang magpapakitang-gilas at magpapatotoo sa iyong sarili, na parang ikaw ang nagdadala ng kaligtasan sa mga tao, ang gumagawa ng gawain ng Diyos, at ipinararamdam sa mga tao na para bang lumitaw ang Diyos at naritong gumagawa—at habang sinasamba ka ng mga tao, labis kang magagalak, at sasang-ayon ka pa nga kung itinuring ka nilang parang Diyos. Sa sandaling naabot mo ang yugtong iyon, katapusan mo na; mababasura ka. Ang ganitong uri ng mapagmataas na kalikasan ang siyang magiging pagkawasak mo sa huli nang hindi mo namamalayan. Isang halimbawa ito ng taong lumalakad sa landas ng mga anticristo. Ang mga taong umabot na sa puntong ito ay ganap nang nawalan ng kamalayan, ang kanilang konsiyensiya at katwiran ay nawalan na ng silbi, at hindi man lang sila marunong manalangin, o maghanap. Huwag mong hintaying mangyari iyon bago mo isipin na: “Kailangan kong bantayan nang mabuti ang aking sarili, kailangan kong manalangin nang taimtim!” Pagdating ng oras na iyon, magiging masyadong huli na. Kailangan mong malaman ang bagay na ito nang maaga; kailangan kang maghanap: “Paano ako dapat kumilos para makapagpatotoo sa Diyos, para magawa ko nang maayos ang aking gawain, nang hindi ako nagpapatotoo sa aking sarili? Anong mga pamamaraan ang kailangan kong gamitin para magbahagi sa iba, para akayin sila?” Ganito ka dapat maghanda. Kung isang araw ay talagang isinaayos na lumabas kayo at gumawa, at kaya pa rin ninyong itaas at patotohanan ang inyong sarili, na humahantong sa kapahamakan ng maraming taong pinangangasiwaan mo, magkakaproblema ka, at kalaunan ay haharap sa parusa ng Diyos! Ayos lang ba sa Akin na hindi sabihin ang mga salitang ito sa inyo? Bago Ko ito sinabi, may kakayahan kayong gawin ito; kung may kakayahan pa rin kayong gawin ito pagkatapos Ko itong sabihin, hindi ba’t magkakaproblema kayo? Kailangan ninyong isipin lahat kung paano gagawin ang gawain ninyo, kung paano umasal nang pinakaangkop. Lahat ng sinasabi at ginagawa ninyo, bawat kilos at galaw, bawat salita at gawa, at bawat intensiyon ng puso ninyo ay kailangang lahat na maabot ang pamantayan; wala ni isang puwedeng hindi makaabot, at hindi kayo maaaring gumamit ng butas na malulusutan. Bagamat kalikasan na ng tao ang kayabangan, at hindi ito madaling baguhin, kailangan pa ring malaman ng mga tao ang kanilang mayayabang na disposisyon, na magkaroon ng mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kailangan mong maunawaan: “Kung talagang bibigyan ako ng ilang iglesia, paano ako kailangang kumilos upang hindi ko maagaw ang posisyon ng Diyos? Paano ako kailangan kumilos para hindi ako maging mayabang? Paano ako kikilos nang naaangkop? Paano ako kikilos para madala ang mga tao sa harap ng Diyos, para magpatotoo sa Kanya?” Kailangan mong pagnilayan ang mga bagay na ito hanggang sa maging malinaw ang mga ito. Ipagpalagay na may nagtanong, “Kaya mo bang pamunuan nang maayos ang mga iglesia?” at sinabi mong, “Kaya ko,” ngunit sa halip ay inakay mo ang mga tao patungo sa iyong sariling presensiya—magpapasakop sila sa iyo, ngunit hindi sa Diyos—hindi ba ito magiging problema? Bilang lider o manggagawa, kung hindi mo alam kung ano ang pagdadala ng mga tao sa harap ng Diyos o ang pagdadala sa kanila sa harap mo, kaya mo bang paglingkuran ang Diyos? Puwede ka bang maging angkop na gamitin ng Diyos? Talagang hindi. Hindi ba’t anticristo lahat ang yaong mga may kakayahang dalhin ang iba sa harap nila? Kung nananalig ang isang tao sa Diyos, ngunit wala siyang puwang para sa Diyos sa puso niya, hindi siya natatakot sa Kanya, wala siyang pusong nagpapasakop sa Diyos, o ng kalooban na magpasakop sa Kanya, ang taong iyon ay hindi nananalig sa Diyos. Kung gayon, kanino ba talaga siya nananalig? Himayin ninyo ito mismo. Huwag ninyong sabihin kalaunan na: “Hindi ako mayabang, mabuti akong tao, gumagawa lang ako ng mabubuting bagay”—masyadong pambata ang mga salitang ito! Lahat ng iba ay mayabang, ngunit ikaw hindi? Nalantad ka na kung gayon, ngunit hindi mo pa rin kilala ang iyong sarili, at sinasabi mo pa rin na hindi ka mayabang—napakakapal ng mukha mo! Napakamanhid mo na hindi na mahalaga kung paano ka nalantad! Alam ba ninyo ang layon kung bakit Ko sinasabi ang mga salitang ito? Bakit Ko inilalantad ang mga tao? Kung hindi Ako naglalantad nang ganito, makikilala ba nila ang sarili nila? Kung hindi Ako naglalantad nang ganito, iisipin pa rin ng mga tao na napakabuti nila, na ginagawa naman nila nang maayos ang kanilang gawain, na wala silang mga kapintasang dapat tukuyin, at na maayos naman sila sa kabuuan. Kahit pa maayos silang lahat, hindi sila dapat nasa mayabang na kalagayan, ni dapat nilang isipin na kwalipikado sila, ni dapat silang magyabang. Inilalantad Ko ang mga kalagayan ng mga tao sa ganitong paraan hindi para sentensiyahan sila ng kamatayan, o sabihin sa kanila na hindi sila maliligtas, bagkus ay para tulutan silang tunay na makilala ang kanilang sarili, na maunawaan ang kanilang sariling tiwaling diwa at ang kanilang kalikasan, para makamit nila ang isang tunay na pagkakilala sa kanilang sarili. Ito ay kapaki-pakinabang habang sinusubukan nilang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Kung kaya ninyong tratuhin sa tamang paraan ang Aking mga salita ng paglalantad at pagpupungos sa mga tao, kung kaya ninyong iwasan na maging negatibo, gawin nang normal ang inyong tungkulin, gawing inyo mismo ang mga usapin ng sambahayan ng Diyos, at kung kaya ninyong umako ng responsabilidad, nang hindi nagiging pabasta-basta, kung kaya ninyong maging tapat sa Diyos, tama ang saloobing ito, at magagawa ninyo nang maayos ang inyong tungkulin.
Mayroong ilang tao na madalas lumalabag sa mga prinsipyo kapag kumikilos sila. Hindi sila tumatanggap ng pagpupungos, alam nila sa puso nila na naaayon sa katotohanan ang mga sinasabi ng iba, ngunit hindi nila tinatanggap ang mga ito. Ang gayong mga tao ay napakayabang at labis na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba! Bakit sinasabing mayabang sila? Kung hindi sila tumatanggap ng pagpupungos, hindi sila masunurin, at hindi ba’t kayabangan ang pagsuway? Iniisip nila na mahusay silang gumagawa, hindi nila iniisip na nagkakamali sila, na nangangahulugang hindi nila kilala ang kanilang sarili, na kayabangan. Kaya, may ilang bagay na kailangan mong taimtim na pag-aralan, na suriin nang paunti-unti. Habang ginagawa ninyo ang gawain ng iglesia, kung natatamo mo ang paghanga ng iba, at binibigyan ka nila ng mga mungkahi, at nagtatapat sila sa iyo sa pagbabahagi, nagpapatunay ito na nagawa mo nang maayos ang iyong gawain. Kung palaging napipigilan ang mga tao dahil sa iyo, unti-unti ka nilang makikilatis, at lalayuan ka nila, na nagpapatunay na wala kang katotohanang realidad, kaya lahat ng sinasabi mo ay tiyak na mga salita lamang at doktrina, na layong pigilan ang iba. Ang ilang lider ng iglesia ay pinapalitan, at bakit sila pinapalitan? Ito ay dahil bumibigkas lamang sila ng mga salita at doktrina, palaging nagpapakitang-gilas at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Sinasabi nila na ang paglaban sa kanila ay paglaban sa Diyos, at ang sinumang nag-uulat ng mga sitwasyon sa Itaas ay nanggugulo sa gawain ng iglesia. Anong klaseng problema ito? Naging napakayabang na ng mga taong ito na wala na silang katwiran. Hindi ba’t ipinapakita nito ang kanilang totoong kulay bilang mga anticristo? Hindi ba’t mauuwi ito sa pagsisimulang magtatag ng kani-kanilang nagsasariling kaharian? Ang ilang taong kasisimula pa lang manalig ay sasambahin sila at patototohanan sila, at ikasisiya nila ito nang husto, at labis silang malulugod. Ang isang taong ganito kayabang ay tiyak nang mapapahamak. Ang isang taong may kakayahang sabihin na “ang paglaban sa akin ay paglaban sa Diyos” ay naging isa nang makabagong Pablo; walang pagkakaiba rito at nang sinabi ni Pablo na: “Sa akin ang mabuhay ay si Cristo.” Hindi ba’t nasa malaking panganib ang mga taong nagsasalita nang ganito? Kahit pa hindi sila magtatag ng mga nagsasariling kaharian, sila pa rin ay mga tunay na anticristo. Kung ang gayong tao ay mamumuno sa isang iglesia, mabilis na magiging kaharian ng mga anticristo ang iglesiang iyon. Ang ilang tao, pagkatapos nilang maging mga lider ng iglesia, ay partikular na nakatuon sa pagsasalita ng matatayog na sermon at pagpapakitang-gilas, lalo na sa pagsasalita ng mga misteryo para hangaan sila ng mga tao, at ang resulta ay na napapalayo sila nang napapalayo sa katotohanang realidad. Humahantong ito sa pagsamba ng karamihan ng mga tao sa mga espirituwal na teorya. Kung sinuman ang nagsasalita nang matayog, iyon ang pinakikinggan ng mga tao; kung sinuman ang nagsasalita tungkol sa pagpasok sa buhay, hindi sila pinapansin ng mga tao. Hindi ba’t inililigaw nito ang mga tao? Kung nagbabahagi ang isang tao tungkol sa katotohanang realidad, walang nakikinig, na isang problema. Walang iba kundi ang taong ito ang maaaring mamuno sa iglesia, dahil sinasamba ng lahat ang mga espirituwal na teorya; ang mga hindi kayang magsalita tungkol sa mga espirituwal na teorya ay hindi kayang manindigan. Maaari pa rin bang makamit ng gayong iglesia ang gawain ng Banal na Espiritu? Makapapasok ba ang mga tao sa katotohanang realidad? Bakit tinatanggihan ang pagbabahagi tungkol sa katotohanan at pagsasalita tungkol sa mga tunay na karanasan, hanggang sa puntong ayaw nilang makinig sa Akin na magbahagi tungkol sa katotohanan? Nagpapatunay ito na nailigaw at nakontrol na ng mga lider na ito ang mga taong ito. Ang mga taong ito ay nakikinig at nagpapasakop sa kanila, sa halip na magpasakop sa Diyos. Malinaw na ito ang uri ng mga tao na nagpapasakop sa kanilang mga lider, sa halip na sa Diyos. Sapagkat ang mga taong taos-pusong nananalig sa Diyos at naghahangad sa katotohanan ay hindi ang uri na sumasamba o sumusunod sa mga tao; mayroon silang puwang para sa Diyos sa puso nila, at mayroon silang pusong may takot sa Diyos, kaya paanong mapipigilan sila ng mga tao? Paano sila masunuring magpapasakop sa isang huwad na lider na hindi taglay ang katotohanang realidad? Ang pinakakinatatakutan ng isang huwad na lider ay ang isang taong taglay ang katotohanang realidad, isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Kung hindi taglay ng isang tao ang katotohanan, subalit gusto niyang pasunurin sa kanya ang iba, hindi ba’t iyon ang posibleng pinakamayabang na diyablo o Satanas? Kung sasarilinin mo ang iglesia o kokontrolin ang mga hinirang ng Diyos, nalabag mo ang disposisyon ng Diyos at sinira mo ang iyong sarili, at maaaring ni wala ka nang pagkakataong magsisi. Bawat isa sa inyo ay dapat mag-ingat; isa itong napakamapanganib na bagay, isang bagay na napakadaling gawin ng sinuman. Maaaring may ilan na magsasabing: “Hindi ko talaga gagawin iyon, hindi talaga ako magpapatotoo sa sarili ko!” Iyon ay dahil lang maikling panahon ka pa lang gumagawa. Kalaunan, maglalakas-loob kang gawin ito. Unti-unti kang magiging mas mapangahas—habang mas ginagawa mo ito, mas magiging mapangahas ka. Kung ipagyayabang at pakikinggan ka ng mga taong pinamumunuan mo, likas mong mararamdaman na nasa mataas kang posisyon, na kamangha-mangha ka: “Tingnan ninyo ako, napakagaling ko. Kaya kong pamunuan ang lahat ng taong ito, at nakikinig silang lahat sa akin; ang mga taong hindi nakikinig sa akin ay sinusupil ko. Nagpapatunay ito na mayroon akong kaunting abilidad na gumawa, at kapantay ko ang gawain ko.” Sa paglipas ng panahon, ang mayayabang na elemento ng kalikasan mo ay magsisimulang mabunyag, magiging sobra kang mayabang na mawawalan ka ng katwiran, at manganganib ka. Nakikita mo ba ito nang malinaw? Magkakaproblema ka sa sandaling ihayag mo ang iyong mayabang at masuwaying disposisyon. Hindi ka nakikinig kahit na nagsasalita Ako, pinapalitan ka ng sambahayan ng Diyos, at nangangahas ka pa ring sabihin na: “Hayaan ang Banal na Espiritu na ihayag ito.” Ang katunayang sasabihin mo iyon ay nagpapatunay na hindi mo tinatanggap ang katotohanan. Masyadong matindi ang paghihimagsik mo—inilantad nito ang iyong kalikasang diwa. Talagang hindi mo kilala ang Diyos. Kaya, sinasabi Ko ang lahat ng ito sa inyo ngayon upang bantayan ninyong mabuti ang sarili ninyo. Huwag ninyong itaas o patotohanan ang inyong sarili. Malamang na magtatangkang magtatag ang mga tao ng kani-kanilang nagsasariling kaharian, dahil gusto nilang lahat ang posisyon, kayamanan at kaluwalhatian, banidad, na maging isang tagapaglingkod na may mataas na katayuan, at magpakita ng kapangyarihan: “Tingnan ninyo kung gaano ko kahigpit sinabi ang mga salitang iyon. Noong sandaling kumilos ako nang may pagbabanta, pinanghinaan sila ng loob at naging masunurin.” Huwag kang magpakita ng ganitong uri ng kapangyarihan; wala itong silbi, at wala itong napatutunayan. Nagpapatunay lamang ito na talagang mayabang ka, at mayroon kang hindi magandang disposisyon; hindi nito pinatutunayan na mayroon kang anumang abilidad, lalo na na taglay mo ang katotohanang realidad. Matapos ang pakikinig nang ilang taon sa mga sermon, kilala na ba ninyong lahat ang sarili ninyo? Hindi ba ninyo nararamdaman na nasa mapanganib kayong mga sitwasyon? Kung hindi dahil sa pagsasalita at paggawa ng Diyos para iligtas ang tao, hindi ba’t magtatatag kayo ng sari-sarili ninyong kaharian? Hindi ba’t gusto ninyong sarilinin ang mga iglesiang responsabilidad ninyo, na dalhin ang mga taong iyon sa ilalim ng impluwensiya mo, upang wala sa kanila ang makatakas sa kontrol mo, upang kailanganin nilang makinig sa iyo? Kung kinokontrol mo ang mga tao sa sandaling gawin mo ito, isa kang diyablo, si Satanas. Napakadelikado para sa iyo na magkaroon ng ganoong mga kaisipan; nakatapak ka na sa landas ng isang anticristo. Kung hindi ka magninilay-nilay sa sarili, at kung hindi mo magagawang ipagtapat ang iyong mga kasalanan sa Diyos at magsisi, tiyak na isasantabi ka, at hindi ka bibigyang-pansin ng Diyos. Dapat ay alam mo kung paano magsisi, kung paano baguhin ang iyong sarili upang makaayon ka sa mga layunin ng Diyos, upang matiyak mo na hindi mo nilalabag ang disposisyon ng Diyos. Huwag mong hintayin na matukoy ng sambahayan ng Diyos na isa kang anticristo at itiwalag ka—sa panahong iyon, magiging masyado nang huli ang lahat.
Taglagas, 1997