Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
Para maging malinaw, ang pagtahak sa landas ni Pedro sa pananampalataya ng isang tao ay nangangahulugan ng paglakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan, na siya ring landas para tunay niyang makilala ang kanyang sarili at mabago ang kanyang disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng paglakad sa landas ni Pedro mapupunta ang isang tao sa landas ng pagiging ginawang perpekto ng Diyos. Dapat maging malinaw sa isang tao kung paano ba talaga lumakad sa landas ni Pedro, gayundin kung paano ito isagawa. Una, dapat munang isantabi ng isang tao ang kanyang mga sariling layunin, mga di-wastong paghahangad, at maging ang kanyang pamilya at lahat ng bagay na para sa kanyang sariling laman. Dapat buong-pusong mag-ukol ang isang tao, na ang ibig sabihin, kailangang ganap niyang ilaan ang kanyang sarili sa salita ng Diyos, magtuon sa pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, tumutok sa paghahanap sa katotohanan at sa mga pagnanais ng Diyos sa Kanyang mga salita, at subukang maunawaan ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalagang paraan ng pagsasagawa. Ito ang ginawa ni Pedro pagkatapos niyang makita si Jesus, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa ganitong paraan nakakamit ng isang tao ang pinakamahusay na mga resulta. Ang buong-pusong katapatan sa salita ng Diyos ay pangunahing may kabilang na paghahanap sa katotohanan at sa mga pagnanais ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, pagtutuon ng pansin sa pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at pag-unawa at pagkakamit ng mas maraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Kapag binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya. Sa halip, siya ay nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sinubukan din ni Pedro na unawain ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao mula sa mga salita ng Diyos, gayundin ang kalikasang diwa, at aktuwal na mga pagkukulang ng tao, kaya madali niyang natutugunan ang mga hinihingi ng Diyos upang mapalugod ang Diyos. Nagkaroon si Pedro ng napakaraming wastong mga pagsasagawa sa loob ng mga salita ng Diyos. Ito ang pinakanaaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na paraan ng pakikipagtulungan ng tao habang nararanasan ang gawain ng Diyos. Noong dumaranas ng daan-daang pagsubok na ipinadala ng Diyos, mahigpit na sinuri ni Pedro ang kanyang sarili ayon sa bawat salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos sa tao, at bawat salita ng Kanyang mga hinihingi sa tao, at sinikap na tumpak na unawain ang kahulugan ng mga salitang iyon. Masigasig niyang pinagnilayan at isinaulo ang bawat salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at napakaganda ng natamo niyang mga resulta. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, naunawaan niya ang kanyang sarili mula sa mga salita ng Diyos, at hindi lang ang iba’t ibang tiwaling kalagayan at kakulangan ng tao ang naunawaan niya, kundi naunawaan din niya ang diwa at kalikasan ng tao. Ito ang kahulugan ng tunay na maunawaan ang sarili. Mula sa mga salita ng Diyos, hindi lamang natamo ni Pedro ang tunay na pagkaunawa sa sarili niya, kundi nakita rin niya ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano ang Diyos, ang mga layunin ng Diyos para sa Kanyang gawain, at ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Mula sa mga salitang ito ay tunay niyang nakilala ang Diyos. Nakarating siya sa pagkakilala sa disposisyon ng Diyos, at sa Kanyang diwa; nakilala at naunawaan niya kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, gayundin ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos para sa tao. Bagama’t ang Diyos ay hindi gaanong nagsalita noong panahong iyon kagaya ng Kanyang ginagawa sa kasalukuyan, nagkaroon ng bunga kay Pedro sa mga aspetong ito. Ito ay isang bihira at napakahalagang bagay. Dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok, subalit hindi siya nagdusa nang walang-saysay. Hindi lamang niya naunawaan ang kanyang sarili mula sa mga salita at sa gawain ng Diyos, kundi nakilala rin niya ang Diyos. Dagdag pa riyan, pinagtuunan niya ng partikular na atensiyon ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan sa loob ng mga salita ng Diyos. Sa alinmang mga aspeto dapat bigyang-kasiyahan ng tao ang Diyos upang makaayon sa mga layunin ng Diyos, nagawang magsikap nang husto ni Pedro sa mga aspetong ito at nakamtan ang buong kalinawan. Lubhang kapaki-pakinabang ito pagdating sa kanyang pagpasok sa buhay. Anuman ang pinatungkulan ng Diyos, basta’t ang mga salitang iyon ay nagiging buhay at ang katotohanan, nakaya ni Pedro na iukit ang mga ito sa kanyang puso upang madalas na pagbulayan at pahalagahan ang mga ito. Nang marinig ang mga salita ni Jesus, nakaya niyang isapuso ang mga ito, na nagpapakita na siya ay espesyal na nakatuon sa mga salita ng Diyos, at tunay na nakamtan niya ang mga resulta sa huli. Ibig sabihin, nakaya niyang malayang isagawa ang mga salita ng Diyos, tumpak na isagawa ang katotohanan at mapahanay sa mga layunin ng Diyos, kumilos nang lubusang naaayon sa mga pagnanais ng Diyos, at isuko ang kanyang sariling personal na mga opinyon at imahinasyon. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ang serbisyo ni Pedro ay umayon sa mga layunin ng Diyos, una sa lahat, dahil ginawa niya na ito.
Kung ang isang tao ay kayang bigyang-kasiyahan ang Diyos habang ginagawa ang kanyang tungkulin, may prinsipyo sa mga salita at kilos niya, at kaya niyang pumasok sa realidad ng lahat ng aspeto ng katotohanan, siya ay isang taong ginawang perpekto ng Diyos. Masasabi na ang gawain at mga salita ng Diyos ay lubos na naging mabisa para sa kanya, na ang mga salita ng Diyos ay naging buhay niya, na nakamit na niya ang katotohanan, at na nagagawa niyang mabuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos nito, ang kalikasan ng kanyang laman—iyon ay, ang pinakasaligan ng kanyang orihinal na pag-iral—ay mayayanig at mabubuwal. Pagkatapos taglayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, saka lamang sila magiging mga bagong tao. Kung ang mga salita ng Diyos ay maging mga buhay ng mga tao, kung ang pangitain ng gawain ng Diyos, ang Kanyang mga paglalantad at kinakailangan mula sa sangkatauhan, at ang mga pamantayan para sa buhay ng tao na hinihingi ng Diyos na matugunan ng mga tao ay maging buhay nila, kung nabubuhay ang mga tao alinsunod sa mga salita at katotohanang ito, sila ay pineperpekto sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Muling isinisilang ang gayong mga tao at naging mga bagong tao na sila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Ito ang landas ng paghahangad ni Pedro sa katotohanan. Ito ang landas ng kung saan ka mapeperpekto. Ginawang perpekto si Pedro ng mga salita ng Diyos, at nagkamit siya ng buhay mula sa mga salita ng Diyos, ang katotohanan na ipinahayag ng Diyos ay naging kanyang buhay, at siya ay naging isang tao na nakamit ang katotohanan. Alam nating lahat na sa panahon ng pag-akyat ni Jesus sa langit, nagkaroon ng maraming kuru-kuro, pagrerebelde, at kahinaan si Pedro. Bakit ganap na nagbago ang mga bagay na ito nang maglaon? May direkta itong kaugnayan sa kanyang paghahangad sa katotohanan. Sa paghahangad ng buhay, dapat tumuon ang isang tao sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pag-unawa lamang sa doktrina ay walang silbi, wala ring silbi ang dami ng doktrinang nasasambit ng isang tao. Hindi mababago ng mga bagay na ito ang disposisyon sa buhay ng isang tao. Ang pag-unawa lamang sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ay hindi katumbas ng pag-unawa sa katotohanan. Ang mga usapin sa diwa at prinsipyo na nakalarawan sa mga salita ng Diyos ang siyang katotohanan. Bawat linya ng Kanyang mga pahayag ay naglalaman ng katotohanan, bagama’t maaaring hindi iyon nauunawaan ng mga tao. Halimbawa, kapag sinasabi ng Diyos, “Dapat kayong maging matatapat na tao,” may katotohanan sa pahayag na ito. May iba pa ngang katotohanan sa mga pahayag Niya tulad ng, “Dapat kayong maging mga taong nagpapasakop sa harap ng Diyos, nagmamahal sa Diyos, at sumasamba sa Diyos.” “Dapat ninyong tuparin ang inyong mga tungkulin bilang mga tao.” Ang bawat linya ng mga salita ng Diyos ay nagpapaliwanag sa isang aspeto ng katotohanan, at ang bawat isa sa mga katotohanang ito ay malapit na nauugnay sa iba pang katotohanan. Samakatuwid, nagpapahayag ang Diyos ng katotohanan sa lahat ng Kanyang sinasabi, at nagsasalita nang malawak ang Diyos tungkol sa bawat katotohanan. Ang layon nito ay maipaunawa sa mga tao ang diwa ng katotohanan. Tanging ang mga nakauunawa sa salita ng Diyos sa ganitong antas ang masasabing nakauunawa sa salita ng Diyos. Kung nauunawaan at ipinaliliwanag mo ang mga salita ng Diyos ayon sa literal na kahulugan ng mga ito at nagsasambit ka ng mga hungkag na salita at doktrina, hindi mo tinataglay ang pagkaunawa sa katotohanan. Nagpapasikat ka lamang, puro salita ka lang at walang gawa, hindi mo sineseryoso ang doktrina.
Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at nauunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka mayroong gayong katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban ng tao ang lason ni Satanas. Ano ang lason ni Satanas? Paano ito maipapahayag? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?” sasagot ang mga tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito na ang naging batayan para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa kamandag na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga layunin. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, gayon na lamang katinding ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao: May mga satanikong kalikasan silang lahat, sinusubukan nilang lahat na itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang makontrol ang sarili nilang mga kapalaran at sinusubukang labanan ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho ng kay Satanas. Samakatuwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas. Sa katunayan, ang mga salawikain at kasabihan ng maraming tao ay kumakatawan sa likas na pagkatao ng tao at sumasalamin sa diwa ng katiwalian ng tao. Ang mga bagay na pinipili ng mga tao ay sarili nilang mga kagustuhan, at kumakatawan ang lahat ng iyon sa mga disposisyon at hangarin ng mga tao. Sa bawat salitang sinasabi ng isang tao, at sa lahat ng ginagawa niya, gaano man iyon katago, hindi nito matatakpan ang kanyang likas na pagkatao. Halimbawa, karaniwang maganda ang pangangaral ng mga Pariseo, pero nang marinig nila ang mga sermon at katotohanang ipinahayag ni Jesus, sa halip na tanggapin ang mga iyon, kinondena nila ang mga iyon. Inilalantad nito ang kalikasang diwa ng pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan ng mga Pariseo. Ang ilang tao ay medyo magandang magsalita at mahusay magpanggap, pero matapos silang makahalubilo sandali ng iba, nakikita ng iba na masyadong mapanlinlang at hindi matapat ang kanilang kalikasan. Pagkaraan ng mahabang panahon ng pakikihalubilo sa kanila, natutuklasan ng lahat ng iba pa ang kanilang kalikasang diwa. Sa huli, nabubuo ng ibang tao ang sumusunod na konklusyon: Hindi sila kailanman nagsasabi ng totoong salita, at sila ay mapanlinlang. Kinakatawan ng pahayag na ito ang kalikasan ng gayong mga tao at ito ang pinakamagandang paglalarawan at patunay ng kanilang kalikasang diwa. Ang pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo ay ang huwag magsabi ng katotohanan sa kaninuman, at huwag ding magtiwala kaninuman. Naglalaman ang satanikong kalikasan ng tao ng napakaraming satanikong pilosopiya at lason. Kung minsan ikaw mismo ay hindi namamalayan ang mga ito, at hindi nauunawaan ang mga ito; gayunpaman, bawat sandali ng iyong buhay ay batay sa mga bagay na ito. Bukod pa riyan, iniisip mo na ang mga bagay na ito ay lubhang tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na ito para ipakita na naging kalikasan na ng mga tao ang mga pilosopiya ni Satanas, at namumuhay sila nang lubos na nakaayon sa mga ito, na iniisip na ang ganitong paraan ng pamumuhay ay mabuti, at wala talaga silang anumang pakiramdam ng pagsisisi. Samakatuwid, palagi silang nagbubunyag ng kanilang satanikong kalikasan, at patuloy silang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Ang kalikasan ni Satanas ay ang buhay ng sangkatauhan, at ito ang kalikasang diwa ng sangkatauhan. Ganap na naipapahayag kung ano ang kalikasan sa pamamagitan ng isang pasalitang buod. Sa kalikasan ng tao, mayroong kayabangan, labis na pagtingin sa sarili, at pagnanais na mamukod-tangi. Naglalaman din ito ng mersenaryong kasakiman na inuuna ang pakinabang bago ang lahat at walang pagpapahalaga sa buhay. Sa loob niyon ay mayroon ding panlilinlang, kabuktutan, at tendensiyang mandaya ng mga tao sa bawat pagkakataon, gayundin ang labis-labis na kasamaan at karumihan. Ito ay isang buod ng kalikasan ng tao. Kung nagagawa mong tukuyin ang maraming aspeto na nabubunyag sa iyong kalikasan, nagkamit ka na ng pagkaunawa rito. Gayunpaman, kung wala kang anumang pagkaunawa sa mga bagay na naibunyag sa iyong kalikasan, wala kang pagkaunawa sa sarili mong kalikasan. Hinangad ni Pedro na kilalanin ang kanyang sarili at suriin kung ano ang naibunyag sa kanya sa pamamagitan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at sa loob ng iba’t ibang pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos. Nang totoong mangyari na makilala niya ang sarili, natanto ni Pedro kung gaano kalalim ang pagkatiwali ng mga tao, kung gaano sila kawalang halaga at hindi karapat-dapat sa paglilingkod sa Diyos, at na hindi sila nararapat na mabuhay sa harapan ng Diyos. Nang magkagayon ay nagpatirapa si Pedro sa harap ng Diyos. Dahil napakaraming naranasan, nadama ni Pedro sa huli na, “Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalagang bagay! Kung mamamatay ako bago ko Siya makilala, magiging kalunos-lunos ito. Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalaga, pinakamakahulugang bagay na mayroon. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, wala siyang karapatang mabuhay, kapareho siya ng mga hayop, at wala siyang buhay.” Nang umabot na sa ganitong punto ang karanasan ni Pedro, nalaman na niya ang kanyang sariling kalikasan at nakapagtamo na siya ng mabuti-buting pag-unawa rito. Bagama’t marahil ay hindi niya magagawang ipaliwanag ito nang kasinglinaw na magagawa ng mga tao ngayon, sadyang naabot na ni Pedro ang kalagayang ito. Samakatuwid, ang pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng pagperpekto ng Diyos ay nangangailangan ng pagkakilala sa sariling kalikasan ng isang tao mula sa loob ng mga pahayag ng Diyos, gayundin ng pag-unawa sa iba’t ibang aspeto ng kalikasan ng isang tao at wastong paglalarawan nito sa mga salita, nang malinaw at payak na nagsasalita. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa iyong sarili, at tanging sa paraang ito mo matatamo ang resultang hinihingi ng Diyos. Kung ang iyong kaalaman ay hindi pa umabot sa puntong ito, subalit sinasabi mo na naunawaan mo ang iyong sarili at sinasabing nagtamo ka ng buhay, hindi ba’t nagyayabang ka lamang? Hindi mo kilala ang iyong sarili, o hindi mo alam kung ano ka sa harap ng Diyos, kung totoo mang naabot mo ang mga pamantayan ng pagiging tao, o gaano karami ang mga malasatanas na elementong taglay pa rin ng iyong loob. Hindi pa rin malinaw sa iyo ang tungkol sa kung kanino ka nabibilang, at wala ka man lamang ng anumang pagkakilala sa sarili—kaya’t paano ka magtataglay ng katwiran sa harap ng Diyos? Nang naghahangad si Pedro ng buhay, nakatutok siya sa pag-unawa sa kanyang sarili at pagbabago ng kanyang disposisyon sa gitna ng mga pagsubok sa kanya, at nagsikap siya na makilala ang Diyos. Sa huli, naisip niya, “Dapat maghanap ang mga tao ng pagkaunawa sa Diyos sa buhay; ang makilala Siya ang pinakakritikal na bagay. Kung hindi ko kilala ang Diyos, kung gayon ay hindi ako makapagpapahinga nang payapa kapag namatay ako. Sa sandaling makilala ko Siya, at nilayon ng Diyos na mamatay na ako, makadarama ako ng labis na pasasalamat. Hindi ako magrereklamo nang bahagya man, at mapupuspos ang buong buhay ko.” Hindi nagawa ni Pedro na matamo ang antas na ito ng pag-unawa o kagyat na marating ang dakong ito pagkaraang masimulan niya na maniwala sa Diyos; sa halip ay sumailalim siya sa napakaraming pagsubok. Kinailangan munang umabot ang kanyang karanasan sa isang tiyak na pag-unlad, at kinailangan niyang ganap na maunawaan ang sarili, bago niya madama ang halaga na makilala ang Diyos. Samakatuwid, ang landas na tinahak ni Pedro ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at landas ng pagtatamo ng buhay at magawang perpekto. Ito ang aspeto na pangunahing pinagtuunan ng kanyang tiyak na pagsasagawa.
Sa inyong pananampalataya sa Diyos, anong landas ang tinatahak ninyo ngayon? Kung hindi ninyo hinahangad, tulad ni Pedro, ang buhay, pag-unawa sa inyong sarili, at kaalaman sa Diyos, hindi mo tinatahak ang landas ni Pedro. Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magbayad ng halaga para sa Kanya. Upang makamit ang mga pagpapala, dapat kong talikdan ang lahat para sa Diyos; dapat kong tapusin ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at kailangan kong gampanang mabuti ang aking tungkulin. Ang kalagayang ito ay pinangingibabawan ng layuning magtamo ng mga pagpapala, na isang halimbawa ng paggugol sa sarili para sa Diyos na pawang para sa layunin ng pagkakamit ng mga gantimpala mula sa Kanya at pagkakamit ng isang korona. Hindi nagtataglay ng katotohanan ang mga puso ng ganoong mga tao, at tiyak na binubuo lamang ng ilang salita at doktrina ang kanilang pagkaunawa na ipinangangalandakan nila saan man sila mapadako. Ang landas nila ay ang landas ni Pablo. Ang pananampalataya ng ganoong mga tao ay isang kilos ng palagiang mabigat na gawain, at nararamdaman nila sa kaibuturan na kung higit silang gumagawa, higit na mapatutunayan ang kanilang katapatan sa Diyos; na kung higit na marami silang ginagawa, higit na tiyak na malulugod ang Diyos; at kung higit na marami silang ginagawa, higit silang magiging karapat-dapat na pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at mas malalaking pagpapala ang matatamo nila. Iniisip nila na kung makakaya nilang tiisin ang pagdurusa, mangangaral, at mamamatay para kay Cristo, kung makakaya nilang ihandog ang mga sarili nilang buhay, at kung makakaya nilang makumpleto ang lahat ng mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay sila ang magiging mga taong magtatamo ng pinakamalalaking pagpapala, at tiyak na pagkakalooban sila ng mga korona. Ito ang tiyak na nailarawan ni Pablo sa isip at ito ang kanyang hinangad. Ito ang mismong landas na nilakaran niya, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba nagmula ang gayong mga saloobin at mga layunin sa isang satanikong kalikasan? Katulad lamang ito ng mga makamundong tao, na naniniwalang dapat nilang itaguyod ang karunungan habang nasa lupa, at na pagkatapos makamtan ito ay mamumukod-tangi sila sa madla, magiging mga opisyal, at magkakaroon ng katayuan. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang katayuan, matutupad na rin nila ang kanilang mga ambisyon at maiaangat na nila ang kanilang mga negosyo at pamilya sa isang partikular na antas ng kasaganahan. Hindi ba’t lahat ng walang pananampalataya ay tumatahak sa landas na ito? Yaong mga pinangingibabawan ng ganitong satanikong kalikasan ay maaari lamang maging katulad ni Pablo sa kanilang pananampalataya. Iniisip nila: “Dapat kong itakwil ang lahat upang gugulin ang sarili ko para sa Diyos. Dapat akong maging tapat sa harap ng Diyos, at sa huli, tatanggapin ko ang pinakamalalaking gantimpala at mga pinakadakilang korona.” Ito rin ang katulad na pag-uugali ng mga makamundong tao na naghahangad ng mga makamundong bagay. Wala talaga silang anumang ipinagkaiba, at magkatulad sila ng kalikasan. Kapag may ganitong uri ng satanikong kalikasan ang mga tao, sa mundo sa labas, maghahangad silang magtamo ng kaalaman, pagkatuto, katayuan, at mamukod-tangi sa madla. Kung naniniwala sila sa Diyos, hahangarin nilang magkamit ng mga dakilang korona at malalaking pagpapala. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan kapag naniniwala sila sa Diyos, siguradong tatahakin nila ang landas na ito. Isa itong di-nababagong katunayan, batas ito ng kalikasan. Ang landas na tinatahak ng mga taong hindi hinahangad ang katotohanan ay tuwirang salungat sa landas ni Pedro. Aling landas ang tinatahak ninyong lahat ngayon? Bagamat maaaring hindi mo naiplano na tahakin ang landas ni Pablo, ang iyong kalikasan ang nag-aatas na lakarin mo ang daang ito, at ikaw ay tutungo sa gayong direksiyon kahit hindi mo ito ibig o inaasahan. Bagama’t gusto mong tumahak sa landas ni Pedro, kung hindi malinaw sa iyo kung paano gawin iyan, kung gayon ay tatahakin mo ang landas ni Pablo nang hindi kinukusa: Ito ang realidad ng sitwasyon. Paano ang dapat na eksaktong pagtahak sa landas ni Pedro sa panahong ito? Kung hindi mo magawang makita ang kaibhan sa pagitan ng landas ni Pedro at landas ni Pablo, o hindi ka man lamang pamilyar sa mga ito, kung gayon, gaano mo man ipahayag na tinatahak mo ang landas ni Pedro, walang kabuluhan ang mga salita mong iyon. Una, kailangan mo munang magkaroon ng malinaw na ideya kung ano ang landas ni Pedro at kung ano ang landas ni Pablo. Kapag totoong nauunawaan mo nang ang landas ni Pedro ay ang landas ng paghahangad ng buhay, at ang tanging landas sa pagiging perpekto, saka mo lamang magagawang tahakin ang landas ni Pedro, maghangad gaya ng paghahangad niya, at magsagawa ng mga prinsipyong isinagawa niya. Kung hindi mo nauunawaan ang landas ni Pedro, kung gayon, ang landas na tinatahak mo ay tiyak na yaong kay Pablo, sapagkat wala nang iba pang magiging landas para sa iyo; wala kang mapagpipilian sa bagay na ito. Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan at hindi nagagawang hangarin ito ay mahihirapang tahakin ang landas ni Pedro, kahit pa may determinasyon sila. Masasabi na dahil sa biyaya at pagtataas ng Diyos kaya Niya inihayag sa inyo ngayon ang landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Siya ang gumagabay sa inyo tungo sa landas ni Pedro. Kung wala ang gabay at kaliwanagan ng Diyos, walang sinuman ang magagawang tumahak sa landas ni Pedro, at ang tanging magagawa ay ang tumahak sa landas ni Pablo, sumunod sa mga yapak ni Pablo tungo sa pagkawasak. Sa panahong iyon, hindi naramdaman ni Pablo na maling tahakin ang landas na iyon; ganap siyang naniwala na tama iyon. Hindi niya nakamit ang katotohanan, at lalong hindi siya sumailalim sa isang pagbabago sa disposisyon. Labis siyang naniwala sa kanyang sarili, at naramdaman na walang bahagya mang isyu sa pananalig sa ganoong paraan. Nagpatuloy siya, puno ng kumpiyansa at ng lubos na tiwala sa sarili. Sa dakong huli, hindi siya kailanman natauhan. Inisip pa rin niya na para sa kanya ang mabuhay ay si Cristo. Sa gayon, nagpatuloy si Pablo sa pagtahak sa landas na iyon hanggang sa huli, at nang oras na maparusahan siya sa wakas, tapos na ang lahat para sa kanya. Hindi kabilang sa landas ni Pablo ang mangyaring makilala niya ang sarili, o maghangad ng isang pagbabago sa disposisyon. Hindi niya kailanman hinimay ang kanyang sariling kalikasan, o hindi siya nakapagtamo ng anumang kaalaman sa kung ano siya. Alam lamang niya na siya ang pangunahing pasimuno sa pag-uusig kay Jesus. Ngunit hindi siya nagkaroon ng bahagya mang pagkaunawa sa kanyang sariling kalikasan, at pagkaraang tapusin ang kanyang gawain, naramdaman ni Pablo na namumuhay siya bilang si Cristo at dapat na gantimpalaan. Ang gawaing ginawa ni Pablo ay pagsasagawa lamang ng pagtatrabaho para sa Diyos. Para sa kanyang sarili, bagamat nakatanggap siya ng ilang pagbubunyag mula sa Banal na Espiritu, wala talaga siyang nakamit na katotohanan o buhay. Samakatuwid, hindi siya iniligtas ng Diyos. Sa halip, pinarusahan siya ng Diyos. Bakit sinabi na ang landas ni Pedro ay ang landas sa pagiging ginawang perpekto? Ito ay dahil, sa pagsasagawa ni Pedro, naglatag siya ng natatanging diin sa buhay, sa paghahangad na makilala ang Diyos, at makilala ang sarili. Sa pamamagitan ng kanyang pagdanas sa gawain ng Diyos, nagawa niyang makilala ang sarili, makapagtamo ng pagkaunawa sa mga tiwaling kalagayan ng tao, mabatid ang kanyang sariling mga kapintasan, at matuklasan ang pinakamahalagang bagay na dapat itaguyod ng tao. Nagawa niyang mahalin nang tapat ang Diyos, natutuhan kung paano suklian ang Diyos, nakapagtamo ng ilang katotohanan, at nagtaglay ng realidad na hinihingi ng Diyos. Mula sa lahat ng mga bagay na sinabi ni Pedro sa panahon ng mga pagsubok sa kanya, makikita na tunay ngang siya ang may lubos na pagkaunawa sa Diyos. Sapagkat nagawa niyang maunawaan ang napakaraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos, lumiwanag nang lumiwanag ang kanyang landas, at lalo at lalong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi tinaglay ni Pedro ang katotohanang ito, kung gayon, ang landas na kanyang tinahak ay hindi magiging ganoon kawasto.
Sa ngayon, mayroon pa ring katanungan: Kung alam mo kung ano ang landas ni Pedro, magagawa mo bang tahakin ito? Isa itong makatotohanang katanungan. Dapat mong malinaw na matukoy kung anong uri ng tao ang makatatahak sa landas ni Pedro at kung anong uri ng tao ang hindi. Ang mga tumatahak sa landas ni Pedro ay dapat na tamang uri ng tao. Saka ka lang magagawang perpekto kung ikaw ay isang tamang uri ng tao. Kapag ang mga tao ay hindi ang tamang uri ng tao, hindi sila maaaring magawang perpekto. Ang mga katulad ni Pablo ay hindi makatatahak sa landas ni Pedro. Ang isang partikular na uri ng tao ay tatahak sa isang partikular na uri ng landas. Ito ay ganap na napagpapasyahan ng kanyang kalikasan. Gaano mo man kalinaw na ipaliwanag ang landas ni Pedro kay Satanas, hindi nito matatahak iyon. Gustuhin man nito, hindi nito magagawa. Napagpasyahan na ng kalikasan nito na hindi nito matatahak ang landas ni Pedro. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang makatatahak sa landas ni Pedro. “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito,” totoo ito. Kung walang mga elemento ng pagmamahal para sa katotohanan sa loob ng iyong kalikasan, hindi mo matatahak ang landas ni Pedro. Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, kung kaya mong tanggapin ang katotohanan sa kabila ng iyong tiwaling disposisyon, at kaya mong tanggapin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kung gayon, sa ganitong paraan ay magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magpasakop sa plano ng Diyos. Kapag mayroon kang mga pagbabago sa disposisyon mo pagkatapos dumaan sa ilang pagsubok, nangangahulugan ito na unti-unti kang humahakbang papunta sa landas ni Pedro para magawang perpekto.
Taglamig, 1998