Ang Kabuluhan ng Pagtikim ng Diyos ng Pagdurusa sa Mundo
Nagdurusa ang Diyos na nagkatawang-tao para sa tao kapalit ng magandang hantungan ng tao sa hinaharap. Ang hakbang ng gawaing ginawa ni Jesus ay ang mapako sa krus bilang wangis ng makasalanang laman, para maging handog para sa kasalanan, para tubusin ang buong sangkatauhan, at upang ilatag ang pundasyon para sa pagpasok ng tao sa magandang hantungan. Ipinako Siya sa krus at pinasan Niya ang kasalanan ng tao, at tinubos ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Sa madaling salita, nagsilbi Siyang katunayan na pinatatawad ang tao sa mga kasalanan nito at na makalalapit ang tao sa Diyos, Siya ang alas laban kay Satanas. Ngayong dumating na ang mga huling araw, nais ng Diyos na tapusin na ang Kanyang gawain, wakasan na ang panahong ito, at akayin ang mga nakapanatili tungo sa magandang hantungan. Muli na namang nagkatawang-tao ang Diyos, at kasabay ng panlulupig, paghatol, at pagdalisay sa tao, nagdurusa Siya para sa tao, at inihahandog ito bilang katibayan, at bilang katunayan, na hindi na dadanas pa ng anumang hirap ang tao; ibig sabihin, pinatototohanan ng Diyos ang Kanyang sarili, at ginagamit Niya ang katibayang ito, ang patotoong ito, para talunin si Satanas, para hiyain ang mga diyablo, at bilang kapalit para sa magandang hantungan ng tao.
Sinasabi ng ilang tao, “Ang katawang-tao na gumagawa ay siya ring Diyos na gumagawa. Hindi ang katawang-laman ang siyang gumagawa; kinokontrol Siya ng Espiritu ng Diyos mula sa loob.” Tama ba ito? Hindi. Sinabi na noon na ang pagkakatawang-tao ng Diyos para isakatuparan ang isang hakbang ng gawain ng paglupig ay ginagawa sa gitna ng normal na pagkatao; ang nakikita mo ay normal na pagkatao, pero ang totoo, ang Diyos Mismo ang gumagawa; kapag gumagawa ang katawang-laman na ito, ang Diyos Mismo talaga ang gumagawa. Sa gayong pagpapaliwanag at pagbabahagi, madalas na naniniwala ang mga tao na isa lamang kasangkapan ang katawang-lamang ito, isang panlabas na anyo, na kumikilos lang Siya kapag nagsasalita at kinokontrol Siya ng Espiritu ng Diyos mula sa loob, at na hindi Siya kumikilos kapag wala ang kontrol na ito; sinasabi ng katawang-laman ang anumang iniuutos sa Kanya ng Espiritu, at kapag hindi inuutusan, wala Siyang sinasabi. Ganoon nga ba iyon? Hindi. Kapag kinakatawan ng laman ang Espiritu, ang Espiritu at ang laman ay nagiging isa. Ang katawang-laman na kumikilos ay siya ring Espiritu na kumikilos, ang Espiritung kumikilos ay siya ring laman na kumikilos—tanging ito ang matatawag na pagkakatawang-tao. Sa kasalukuyan, isa sa mga pinakamakapangyarihang paliwanag ay ito: Kapag nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw, sa isang banda, paparito Siya para gawin ang gawain ng paglupig at para wakasan ang yugtong ito ng panahon. Sa kabilang banda, ang pagdanas ng katawang-laman ng kapighatian ng tao ay pagdanas ng Diyos Mismo ng kapighatian ng tao; ang katawang-laman ng Diyos at ang Diyos Mismo ay iisa. Ang katawang-laman ay hindi kasangkapan na gaya ng pinaniniwalaan ng mga tao, ni hindi Siya isang panlabas na kaanyuan lamang, hindi rin Siya isang uri ng pisikal na entidad na nakokontrol, gaya ng inaakala ng mga tao. Ang katawang-lamang ito ang kumakatawan sa Diyos Mismo. Masyadong mababaw ang dating pagkaunawa ng mga tao. Kung ang mga pagbabahaginan ay susunod sa mga kuru-kuro ng tao, malamang na paghihiwalayin ng mga tao ang katawang-laman at ang Espiritu, kung saan ang katawang-laman ay laman, at ang Espiritu ay Espiritu. Isa itong paglihis. Kaya magiging madali rin para sa mga tao na magkaroon ng mga kuru-kuro.
Ito ang dapat ding maunawaan ng mga tao ngayon: Nagkatawang-tao ang Diyos para maranasan ang kapighatian ng tao, pero ang kapighatian at mga karamdaman na pinagdurusahan ng katawang-tao ay hindi mga bagay na dapat Niyang pagdusahan. Naniniwala ang ilang tao na dahil Siya ay ordinaryo at normal na katawang-laman, at hindi isang higit sa karaniwang nilalang, bagkus isang ordinaryong tao, hindi maiiwasan ang kapighatiang ito. Sa tingin nila ay dapat Niyang pagdusahan ang mga sakit ng ulo at hirap ng tao, na dapat Siyang mainitan kapag naiinitan ang mga tao, at na dapat Niyang danasin ang lamig katulad ng iba kapag kulang sa init ang panahon. Kung ganito ka mag-isip, nakikita mo ang ordinaryo at normal na katawang-lamang ito na katulad mismo ng sa sinumang tao, nang walang pagkakaiba. Pero ang totoo, may kahulugan ang mga hirap na dinaranas ng katawang ito. Ang mga normal na sakit ng tao o iba pang hirap ang mga marapat danasin ng mga tao, ito ang mga hirap na dapat pagdusahan ng tiwaling sangkatauhan—isa itong normal na batas. Pero bakit pinagdurusahan ng Diyos na nagkatawang-tao ang mga hirap na ito? Ang pagkakapako ba ni Jesus sa krus ay isang bagay na dapat nangyari sa Kanya? Si Jesus ang pagkakatawang-tao, wala Siyang anumang kasalanan, at batay sa mga batas noong panahong iyon, at sa ginawa Niya noong panahong iyon, hindi Siya dapat napako sa krus—kaya bakit Siya ipinako sa krus? Ito ay para tubusin ang buong sangkatauhan. Ang lahat ng hirap na pinagdurusahan ng kasalukuyang katawang-tao, ang lahat ng pag-uusig na sumapit sa Kanya—aksidente bang nangyari ang lahat ng ito? O sadyang isinaayos ng Diyos ang mga ito? Hindi sadyang isinaayos ang mga ito, hindi rin aksidenteng nangyari ang mga ito; sa halip, nangyari ang mga ito ayon sa mga normal na batas. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil inilagay ng Diyos ang Kanyang sarili sa gitna ng mga tao, binigyan Niya ang Kanyang sarili ng kalayaang kumilos nang ganito, at sa panahon ng gawaing ito, dinanas Niya ang kapighatian na gaya ng sa tao. Kung sadyang isinaayos ng Diyos ang kapighatian, ilang araw lang sana ng kapighatian ang pinagdusahan Niya; mas maraming pagkakataon sanang hindi Siya nagdusa. Kaya naman, ang pagdurusang nararanasan ng Diyos sa gitna ng mga tao habang gumagawa Siya ay hindi sadyang isinaayos, pero hindi rin naman Siya nagdusa ng kaunting hirap lang nang hindi sadya; sa halip, naranasan Niya ang pagdurusa na nararanasan ng mga tao, inilagay Niya ang Kanyang sarili sa gitna ng mga tao, nagdusa nang gaya sa tao, at tinrato nang gaya sa mga tao, nang walang anumang eksepsiyon. Gaya ng pang-uusig sa inyo, hindi ba’t inusig din si Cristo? Tinutugis kayo; hindi ba’t tinugis din si Cristo? Pinahihirapan ng sakit ang mga tao; hindi rin ba nagdurusa si Cristo? Nagdurusa rin Siya. Hindi ba ito madaling unawain? May ilan ding naniniwala na nararapat magdusa ang Diyos matapos pumarito para gumawa sa bansa ng malaking pulang dragon—hindi ba’t mali rin ito? Para sa Diyos, ang usapin ay hindi kung dapat ba Siyang magdusa o hindi. Personal na pinagbabayaran ng Diyos ang pagdurusa kasama ng tao para hindi na magdusa pa ang mga tao, at pagkatapos ay inaakay Niya ang tao tungo sa magandang hantungan, na dahil dito ay lubusang nagiging kumbinsido si Satanas. Para sa Diyos, kinakailangang danasin ang mga kapighatiang ito. Kung hindi Niya ninais na danasin ang kapighatiang ito sa panahon ng hakbang na ito ng gawain, kundi para lang unawain ang kapighatian ng tao at wala nang iba pa, at gumamit ng ilang apostol o tao na ginamit ng Banal na Espiritu bilang kahalili Niya, na nag-ulat naman sa Diyos tungkol sa mga kapighatiang dinanas nila—o, kung gumamit Siya ng ilang espesyal na indibidwal para magpatotoo, at ipinaranas sa kanila ang pinakamasasakit na bagay sa tao, kung magagawa nilang danasin ang kapighatiang ito at patotohanan ito, lubos na magiging kumbinsido si Satanas mismo, at bilang kapalit sa kanilang ginawa, hindi na kakailanganin pang magdusa ng tao sa hinaharap. Kaya ba itong gawin ng Diyos? Kaya Niya, pero tanging ang Diyos Mismo ang gumagawa ng gawain ng Diyos Mismo. Kahit gaano pa katayog ang patotoo ng mga tao, walang talab ito kay Satanas, na magsasabing, “Dahil naging tao Ka, bakit hindi Mo personal na danasin ang kapighatian ng tao?” Sa madaling sabi, kung hindi gumawa ang Diyos nang gayon, hindi magiging ganoon kamakapangyarihan ang gayong patotoo. Ang Diyos Mismo ang kailangang gumawa ng sarili Niyang gawain, sa gayon lamang magiging praktikal ito. At mula sa hakbang na ito ng gawaing ginawa ng Diyos, makikita rin na may kahulugan ang lahat ng ginagawa ng Diyos, na may kahulugan sa lahat ng kapighatiang dinaranas ng katawang-tao, na wala Siyang ginagawang anumang bagay na hindi pinagplanuhan, ni hindi Siya gumagawa ng gawain na walang pakinabang. Ang pagparito ng pagkakatawang-tao para gumawa at para maranasan ang kapighatian ng tao ay hindi opsiyonal, kundi lubhang kinakailangan: Lubhang kinakailangan ito para sa sangkatauhan at sa hinaharap na hantungan ng sangkatauhan, isinasakatuparan at ginugugulan ito alang-alang sa pagliligtas sa tao, pagkakamit sa tao, at pagdadala sa tao sa magandang hantungan.
Ang mga katotohanang may kaugnayan sa pagkakatawang-tao ay dapat talakayin sa iba’t ibang anggulo:
1. Ang pangangailangan ng ordinaryo at normal na katawang-laman.
2. Ang praktikal na aspeto ng gawain nitong ordinaryo at normal na katawang-laman.
3. Ang kahulugan—o sa madaling sabi, ang pangangailangan—ng pagparito ng Diyos sa gitna ng mga tao para danasin ang kapighatian ng tao.
Bakit dapat personal na maranasan ng Diyos ang kapighatian ng tao? Mali ba para sa Kanya na huwag gawin ang bagay na ito? May isa pang aspeto ng kahulugan dito. Ang gawain nitong ordinaryo at normal na katawang-laman ang makalulupig at makakaperpekto sa mga tao, pero ang diwa ng mga tao at ang mga batas ng pag-iral ng tao ay nangangahulugan na patuloy pa rin silang mamumuhay sa kahungkagan, kapighatian, hinagpis, at pagbubuntong-hininga, at mananatili silang walang kakayahang takasan ang kanilang mga karamdaman. Halimbawa, ang pagmamahal mo sa Diyos ay umabot na sa isang partikular na antas, may kaunti kang karanasan ng pag-unawa sa Diyos, nalutas na ang mga tiwali mong disposisyon, at sinasabi ng Diyos na naperpekto ka na, at na isa kang taong nagmamahal sa Diyos. Kung sukdulang inililigtas ng Diyos ang mga tao nang ganito at pagkatapos ay umaalis—kung magwawakas ang gawain ng nagkatawang-tao nang gayon—iiral pa rin ang mga karamdaman, kahungkagan, at ang mga hinagpis at kaligaligan ng laman, na nangangahulugang hindi matatapos ang gawaing pagliligtas ng Diyos sa mga tao. Maaari ngang nagawang perpekto ang isang tao, at maaaring kilalanin, mahalin, at sambahin niya ang Diyos, pero nagagawa ba niyang lutasin ang kanyang mga karamdaman at problema? Hindi ito malulutas ng pagkakaroon ng katotohanan. Wala pang sinumang nagsabi na ngayong taglay na nila ang katotohanan, hindi na sila pinahihirapan o pinagdurusa ng kanilang mga sakit—walang sinumang makapagpapagaling ng ganoong uri ng sakit. Ang masasabi mo lang ay, “Pakiramdam ko’y makabuluhan na ang mabuhay ngayon, pero nasasaktan pa rin ako kapag may karamdaman ako.” Ganito ba ang lagay? At totoo ba ang pakiramdam na ito? Kung gayon, kung ginawa lang ng katawang-tao ang gawaing paglupig at pagperpekto sa tao, kung ginawa lang perpekto ng katawang-tao ang mga tao, at hindi nilutas ang pighating dinaranas ng kanilang katawang-laman, lahat sana ng kapighatiang kinakaharap ng tao sa mundo, ang mga sakit ng tao, ang kaligayahan at hinagpis ng tao, at ang mga indibidwal na alalahanin ng mga tao—lahat ito’y hindi makakayang lutasin, at kahit pa payagan mo ang mga tao na mabuhay ng isang libo, sampung libong taon sa mundo, hindi malulutas ang mga problema at mga usapin sa kapanganakan, katandaan, sakit at kamatayan. Naranasan ng Diyos ang kapighatiang ito ng tao; at dahil naranasan Niya ito, nilulutas Niya ito mula sa pinakaugat, at pagkatapos, hindi na nababalisa ang tao sa mga usapin ng kapanganakan, katandaan, sakit, o kamatayan. Naranasan ni Jesus ang kamatayan. Ang nararanasan lang ng katawang-tao na ito ay ang pighati ng kapanganakan at sakit (hindi na kailangang maranasan ang katandaan, at hindi na tatanda ang mga tao sa hinaharap). Kapag naranasan na Niya ang lahat ng kapighatiang ito, lubusan nang mapapawi ang pighati ng tao. Pagkatapos pagdusahan ng Diyos ang lahat ng kapighatian para sa tao, magkakaroon Siya ng matinding ebidensiya na lubos na maipagpapalit para sa mabuting hantungan ng sangkatauhan, pinapawi na ang kapanganakan, katandaan, sakit, at kamatayan ng tao. Wala bang kabuluhan dito? Kaya naman, ito man ay kapanganakan, sakit, paghihirap, o hinagpis, nararanasan ng nagkatawang-tao ang kapighatian ng tao, at kahit ano pa ang aspeto ng pighating ito, dinaranas pa rin ito ng nagkatawang-tao para sa tao, nagsisilbing isang simbolo at mala-propesiyang tanda. Naranasan Niya ang lahat ng kapighatiang ito, personal Niyang pinasan ito, para hindi na ito kailangang danasin ng sangkatauhan. Naririto ang kabuluhan nito. Kapag naperpekto na ang mga tao, nagagawa na nilang sumamba sa Diyos, at mahalin ang Diyos, at nagagawa na nilang kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos, kumilos alinsunod sa salita ng Diyos, at kumilos alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, kung saan pagkatapos nito ay nalulutas ang kanilang mga problema at hapis. Ito ang kahalagahan ng pagdurusa ng Diyos para sa mga tao, at itinutulot nito na hindi lamang sambahin ng mga tao ang Diyos dito sa lupa, kundi para maging malaya rin mula sa pagpapahirap at panliligalig ng mga karamdamang ito, para maging malaya sa mga usapin sa kapanganakan, katandaan, sakit, at kamatayan, at para maging malaya sa mga siklo ng buhay. Sa pagdurusa at pagdama ng kapighatiang ito sa panahon ng kasalukuyang pagkakatawang-tao, pinapasan ng Diyos ang mga bagay na ito para sa tao, at sa sandaling pinasan Niya ang mga ito, ang mga nananatili ay hindi na kailangan pang magdusa ng kapighatiang ito—na siyang malapropesiyang tanda. Tinatanong ng ilang katawa-tawang tao na, “Ginagawa pala ito ng Diyos para sa mga tao nang Siya lang mag-isa?” Sapat nang nagkakatawang-tao ang Diyos at nagdurusa para sa tao—may iba pa bang kailangang gumawa nito? Ito’y dahil kaya ng Diyos na gawin ang lahat ng bagay nang Siya lang mag-isa at kaya Niyang punan ang lugar ng anumang bagay, kaya Niyang katawanin ang lahat, at kaya Niyang maging simbolo ng lahat ng bagay, lahat ng bagay na magaganda, mabubuti, at positibo. Higit pa rito, ngayong praktikal Niyang naranasan ang pighati ng tao, lalo na Siyang kwalipikadong gumamit ng mas makapangyarihang patotoo at ebidensiya para pawiin ang lahat ng pighati ng tao sa hinaharap.
Dahil gayon ito ginampanan, ang gawain ng dalawang hakbang ng pagkakatawang-tao ay nakumpleto at naging isang malinaw na linya: Mula sa unang hakbang ng pagkakatawang-tao hanggang sa hakbang na ito ng pagkakatawang-tao, nalutas ng gawain ng dalawang hakbang na ito ang lahat ng pighati ng pag-iral ng tao at pansariling indibiduwal na pagdurusa ng mga tao. Bakit kinakailangang gawin ito ng Diyos nang nasa katawang-laman? Una sa lahat, dapat maunawaan ng mga tao kung saan nanggagaling ang pighati ng kapanganakan, katandaan, sakit at kamatayan sa tanang buhay nila at kung bakit dinaranas ng tao ang mga bagay na ito. Hindi ba’t umiiral na ito nang unang likhain ang tao? Saan nanggaling ang mga pasakit na ito? Nagkaroon ng ganitong mga pasakit pagkatapos na tuksuhin at gawing tiwali ni Satanas ang tao at ang tao ay maging imoral. Ang kapighatian, mga problema, at kahungkagan ng laman ng tao, at lahat ng masasalimuot na bagay sa mundo ng tao—lumitaw lahat ito matapos gawing tiwali ni Satanas ang tao. Pagkatapos na gawing tiwali ni Satanas ang tao, sinimulan na ni Satanas na pahirapan ang tao, kaya lalo pang nalugmok ang tao, lalong tumindi ang kanyang sakit, lalong tumindi ang kanyang kapighatian, at lalo siyang nagkaroon ng pakiramdam na hungkag at miserable ang mundo, na imposibleng patuloy na mabuhay sa mundong ito, at na ang mabuhay sa mundong ito ay lalong nagiging walang kapag-a-pag-asa. Kaya ang pasakit na ito ay pawang dulot ni Satanas sa tao, at nangyari ito pagkatapos na gawing tiwali ni Satanas ang tao at ang tao ay maging imoral. Para ibalik ang mga tao mula sa mga kamay ni Satanas at mabigyan sila ng magandang hantungan, nangangailangan na personal na danasin ng Diyos ang kapighatiang ito. Kahit pa nga walang kasalanan ang mga tao, may mga bagay pa rin na masakit para sa kanila, kinokontrol pa rin sila ni Satanas, kaya pa rin sila nitong manipulahin, at papagdusahin sila ng matinding pighati at hapis. Kaya naman, ang personal na maranasan ng katawang-tao ang mga kapighatiang ito, at ang pagbabalik ng mga tao mula sa kamay ni Satanas, at ang pigilan silang huwag nang magdusa pa ng anumang pighati—hindi ba’t napakamakahulugan nito? Nang pumarito si Jesus para gawin ang gawain ng pagtubos, kung titingnan tila hindi Siya sumunod sa batas at mga regulasyon, pero ang totoo ay tinupad nito ang batas, winakasan nito ang Kapanahunan ng Kautusan at pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya, nagdadala ng awa at habag sa tao, at pagkatapos nito, nang ipako sa krus si Jesus, inalis nito ang lahat ng kasalanan ng tao. Ginamit ni Jesus ang sarili Niyang mahalagang dugo para bigyang karapatan ang tao na manumbalik sa luklukan ng Diyos. Masasabi na ginamit Niya ang katibayan at katunayan ng pagkakapako sa krus para tubusin ang tao. Bagama’t pinatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng tao, masyado nang ginawang tiwali ni Satanas ang tao, ang makasalanan niyang kalikasan ay nanatili pa rin, at patuloy siyang nagkasala at lumaban sa Diyos. Isa itong hindi maitatangging katotohanan, kaya naman nagkatawang-tao ang Diyos sa pangalawang pagkakataon para gawin ang gawain ng paglilinis sa tao mula sa kanyang makasalanang kalikasan, ibig sabihin, hinahatulan at kinakastigo Niya ang tao para dalisayin siya mula sa kanyang tiwaling disposisyon. Nang unang magkatawang-tao ang Diyos, ipinako Siya sa krus para sa kasalanan ng sangkatauhan, tinubos Niya ang sangkatauhan, at nanumbalik ang tao sa harapan ng Diyos. Sa pangalawang pagkakataon na nagkatawang-tao ang Diyos, pumarito Siya para lupigin ang tao, para iligtas ang tao sa pamamagitan ng paglupig sa kanya. Bagama’t marami ang tumanggap sa gawain ng Diyos, at madalas na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, nananatili silang mangmang tungkol sa Diyos, hindi nila alam kung nasaan Siya, hindi nila makikilala ang Diyos kahit pa Siya ay nasa harapan na mismo ng kanilang mga mata, at malamang din na magkaroon sila ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos, at minsan, ang paraan kung paano nila nakikita ang mga bagay-bagay ay antagonistiko sa Diyos. Bakit ganito ang nangyayari? Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at wala silang tunay na pagkakilala sa Diyos. Kapag nakikilala ng mga tao ang Diyos, masaya silang magdusa at mabuhay para sa Diyos, pero kinokontrol pa rin ni Satanas ang mga kahinaan sa loob nila, nagagawa pa rin ni Satanas na papagdusahin sila, nagagawa pa rin ng masasamang espiritu na gumawa at magdulot ng kaguluhan sa loob nila, para halinahin sila, para mahibang sila at mapahiya, at lubos na maligalig. May mga bagay sa isipan at kamalayan ng mga tao na malamang na makontrol at mamanipula ni Satanas. Kaya minsan ay may sakit ka at nababalisa, may mga pagkakataon na nararamdaman mong ang mundo ay mapanglaw, o na wala nang saysay pang mabuhay, at may mga pagkakataon pa nga na baka hangarin mo ang kamatayan at gustuhin mong magpakamatay. Ibig sabihin, ginagamit ni Satanas ang mga kapighatiang ito, at ang mga ito ang mortal na kahinaan ng tao. Ang isang bagay na ginawang tiwali at niyurakan ni Satanas ay magagamit pa rin ni Satanas; ginagamit ito ni Satanas para palalain ang mga bagay-bagay. Kaya naman, muling nagkatawang-tao ang Diyos sa mga huling araw para gawin ang gawain ng paghatol, at kasabay ng paggawa ng gawain ng paglupig, Siya ang nagdurusa para sa tao, binabayaran ang halaga ng pagdurusa sa laman, binabayaran ang halaga nito para harapin at lutasin ang kapighatian at mortal na kahinaan sa tao. Sa sandaling maibalik na Niya ang tao sa pamamagitan ng pagbabayad sa halaga ng pagdurusa ng mga tao, hindi na magagawa pa ni Satanas na hawakan ang tao, at ganap na babalik ang tao sa Diyos, at saka lamang siya ganap na magiging sa Diyos! Bakit mo nga ba nagagawang mabuhay para sa Diyos, at sambahin ang Diyos, pero hindi ka naman ganap na sa Diyos? Maaari pa ring samantalahin ng masasamang espiritu ang iyong mga kahinaan, maaari ka pa rin nilang paglaruan, maaari ka pa ring gamitin, dahil masyadong hangal ang mga tao. Hindi masabi ng ilang tao ang pagkakaiba ng maantig ng Banal na Espiritu at guluhin ng isang masamang espiritu. Ni hindi nila masabi ang pagkakaiba ng gawain ng Banal na Espiritu sa gawain ng masasamang espiritu. Hindi ba ito mortal na kahinaan? Kapag gumagawa ang masasamang espiritu, walang pagkakataon na hindi nila sasamantalahin. Maaari silang magsalita sa loob mo o sa iyong tainga, o maaaring guluhin nila ang iyong isip at gambalain ang iyong isipan, ginagawa kang manhid sa haplos ng Banal na Espiritu, pinipigilan kang maramdaman ito, at pagkatapos ay sisimulan ka nang guluhin ng masasamang espiritu, para guluhin ang iyong isipan at masiraan ka ng bait, nagsasanhi pa nga ito na iwan ng iyong kaluluwa ang iyong katawan. Ito ang gawain na ginagawa ng masasamang espiritu sa mga tao, at nasa matinding panganib ang mga tao kung hindi nila matukoy kung ano talaga ito. Sa kasalukuyan, pinasan ng Diyos ang kapighatiang ito para sa tao, at kapag may magandang hantungan na ang tao, hindi lamang sila mabubuhay para sa Diyos, kundi hindi na sila magiging kay Satanas, at hindi na magkakaroon pa ng anumang bagay na maaaring pasamain ni Satanas; ang isipan, espiritu, kaluluwa at katawan ng tao ay magiging sa Diyos lahat. Sa kasalukuyan, maaaring ang iyong puso ay nakabaling sa Diyos, pero may mga pagkakataong hindi mo maiiwasang makasangkapan ni Satanas, kaya naman, kapag nakakamit ng tao ang katotohanan, nagagawa nilang ganap na makapagpasakop at makasamba sa Diyos, pero magiging imposible para sa kanila na lubusang maging malaya sa panggugulo ni Satanas, at lalong imposible para sa kanila na mawalan ng anumang karamdaman, dahil niyurakan ni Satanas ang mga katawan at kaluluwa ng mga tao. Isang maruming lugar ang kaluluwa ng mga tao, isang lugar ito kung saan nanahan na si Satanas, at ang lugar na sinasamantala ni Satanas. May kakayahan pa rin si Satanas na manggulo at kumontrol, na pigilan ang iyong isip na maging malinaw, pinipigilan kang makilala ang katotohanan. Kaya naman, ang pagkakatawang-tao ng Diyos para maranasan ang kapighatian ng tao at magdusa para sa tao ay hindi opsiyonal, kundi lubhang kinakailangan!
Dapat ninyong maunawaan na dalawang beses nagkatawang-tao ang Diyos upang makumpleto ang gawaing pagliligtas sa sangkatauhan. Kung ang unang pagkakatawang-tao lang ang naganap, hindi magiging posible na makumpleto ang pagliligtas sa sangkatauhan, dahil ginawa ng unang pagkakatawang-tao ang gawain ng pagtubos at pangunahing nagpakita para lutasin ang problema sa pagpapatawad sa mga kasalanan ng tao at gawing karapat-dapat ang tao na lumapit sa harapan ng Diyos. Ang pangalawang pagkakatawang-tao ay ginagawa ang gawain ng paghatol upang linisin ang katiwalian ng tao at ituwid ang tiwaling disposisyon ng tao, pero hindi pa rin magiging posibleng lutasin ang problema ukol sa pagiging ganap na sa Diyos ang tao. Dagdag pa rito, dapat ding maranasan ng pangalawang pagkakatawang-tao ang kapighatian ng tao para lubusang malunasan ang bahagi ng tao na ginawang tiwali ni Satanas—lubusang nilulutas, mula sa ugat, ang problema ng pagdurusa at matinding hapis ng tao. Gayon ang mga hakbang ng gawain ng dalawang pagkakatawang-tao. Wala ni isa sa mga ito ang maaaring alisin. Kaya naman, hindi mo dapat ipagwalang-bahala ang kapighatiang dinanas ng nagkatawang-tao. Minsan ay umiiyak Siya, minsan ay nasasaktan Siya at masama ang loob Niya, at minsan ay tila mahina at namimighati Siya. Hindi mo dapat ipagwalang-bahala ang alinman dito, lalong hindi ka dapat magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol dito. Kung magkaroon ka man ng mga kuru-kuro tungkol dito, sobrang napakahangal at mapaghimagsik mo. Higit pa rito, hindi ka rin dapat maniwala na ito ang nararapat na pagdusahan ng normal na laman; lalo namang mali iyon, at kung sinasabi mo ito, nilalapastangan mo ang Diyos. Dapat maunawaan ng mga tao na ang kapighatiang dinanas ng dalawang pagkakatawang-tao ay kinakailangan. Hindi ito lubos na kinakailangan ng Diyos Mismo, kundi ng sangkatauhan. Napakalala ng katiwalian ng sangkatauhan na hindi ito pwedeng hindi gawin, kailangan itong gawin para lubusang maligtas ang tiwaling sangkatauhan. Gumagawa ang Diyos sa paraang makikita ng mga tao gamit ang sarili nilang mga mata. Lahat ng ginagawa Niya ay hayag, hindi nakakubli kaninuman. Hindi Siya palihim na nagtitiis, nang Siya lang mag-isa, hindi Siya nangangamba na makikita ng mga tao at magkakaroon sila ng mga kuru-kuro. Hindi Niya ikinukubli ang Kanyang Sarili kaninuman, kahit pa ang tagal ng panahong naniwala sila sa Diyos ay mahaba o maikli, kung matanda ba sila o bata, o kung naiintindihan ba nila ang katotohanan o hindi. Dahil katunayan ito, at mapapatunayan ng sinuman na dumanas ng sobrang kapighatian ang Diyos na nagkatawang-tao, na tunay Niyang pinasan ang kapighatian ng sangkatauhan. Hindi katotohanan na nagdusa lang Siya ng ilang araw na kapighatian sa isang lugar na walang nakakaalam, at na ginugugol Niya ang malaking bahagi ng Kanyang panahon sa kalagayan ng kagaanan at kaginhawahan—hindi ganoon ang nangyayari. Hindi nakakubli kaninuman ang gawain at pagdurusa ni Cristo; hindi Niya pinangangambahang magiging mahina ka, o na magkakaroon ka ng mga kuru-kuro, o na titigil ka sa paniniwala. At ano ang ipinapakita na ito’y hindi nakakubli kaninuman? Na lubhang makabuluhan ito! Hindi kailanman walang ginagawa ang nagkatawang-tao. Nakikita mo na may mga pagkakataon kung kailan hindi Siya nagsasalita o kumikibo, pero gumagawa pa rin Siya, nagdurusa pa rin Siya sa Kanyang puso! Napagtatanto ba ito ng tao? Kahit pa nakikita ito ng mga tao, hindi nila ito nauunawaan. Alam ng ilang tao na sa kasalukuyan, ang Diyos ay ordinaryo at normal ang katawang-laman, pero alam mo ba kung ano ang gawaing ginagawa ng ordinaryo at normal na katawang-laman na ito sa kasalukuyan? Hindi mo alam. Ang nakikita lang ng mga mata mo ay ang panlabas, hindi mo nakikita ang panloob na diwa. Kaya naman, kahit mukhang ilang taon nang opisyal na gumawa ang nagkatawang-tao, ang totoo ay hindi pa kailanman nakapagpahinga ang Diyos nang kahit isang saglit; bagama’t may mga pagkakataon na hindi Siya nagsasalita o kumikibo, at hindi gumagawa nang malawakan, hindi tumitigil ang Kanyang gawain, at patuloy pa rin Siyang nagdurusa para sa tao. Kapag sinusubukang sukatin kung nagkatawang-tao ba ang Diyos, at kung Siya ba ang Cristo o hindi, tinitingnan ng ilang tao kung nagsasalita ba ang Diyos: Kung hindi Siya nagsasalita sa loob ng dalawa o tatlong taon, hindi Siya ang Diyos, kaya naman mabilis silang umaalis at tumitigil sa paniniwala sa Diyos. Ang gayong mga tao ay may ugaling “naghihintay muna para malaman” sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at wala silang pagkakilala sa Diyos. Maaaring sa kasalukuyan ay may mga taong “naghihintay muna para malaman”, at nang makitang hindi nagsalita ang Diyos sa loob ng matagal na panahon, iniisip nila sa kanilang mga puso na, “Umalis na ba’t umakyat na sa langit ang Espiritu ng Diyos?” Mali bang mag-isip nang ganoon? Huwag basta-basta manghusga. Kung mayroon kang mga kuru-kuro o alinlangan, manalangin sa Diyos, hanapin ang katotohanan, magbasa pa ng salita ng Diyos, at malulutas ang lahat ng problemang ito. Huwag ipagpalagay nang padalus-dalos ang mga bagay-bagay sa pagsasabi ng “baka ito, o marahil iyon”—ang mga salita mong ito na “baka” at “marahil” ay mga kabulaanan, at mga opinyon ito ng mga diyablo at ni Satanas! Hindi tumitigil ang gawain ng Diyos kahit isang saglit. Hindi Siya nagpapahinga, lagi Siyang gumagawa, at laging nagseserbisyo para sa sangkatauhan!
Dapat maunawaan ang diwa ni Cristo sa lahat ng aspeto. Paano mo malalaman ang diwa ni Cristo? Ang susi ay na dapat mong malaman ang lahat ng gawaing ginawa ng katawang-lamang ito. Kung naniniwala ka lang na ang Espiritu ang kumikilos, at hindi ang laman, na kinokontrol lang ng Espiritu ang laman, kung gayon ay mali ito! Bakit sinasabing ang pagdurusa, ang mapako sa krus, ang lupigin ang buong sangkatauhan, at danasin ang paghihirap ng tao ay gawaing ginawa ni Cristo? Dahil naging tao ang Diyos at gumawa sa gitna ng mga tao. Magkasabay na gumagawa ang Espiritu at ang laman; hindi ito gaya ng iniisip ng mga tao, kung saan hindi nagsasalita ang laman at pinipilit Siya ng Espiritu na magsalita—hindi ganoon ang nangyayari. Sa halip, may malaking kalayaan: Magkapareho ang ginagawa ng Espiritu at ng laman; kapag nakikita ng laman na malapit nang matapos ang isang bagay, nakikita rin ito ng Espiritu sa ganoong paraan. Magkasabay Silang gumagawa. Kaya, mali ring sabihin na namamayani ang pisikal na katawan. Ano ang magiging kahulugan ng “namamayani ang pisikal na katawan”? May konteksto para dito: Sa sandaling maging tao ang Diyos, lahat ng nakikita ng tao ay isang kilos ng katawan, at na namamayani ang katawan habang nasa katawang-tao. Ano’t anuman, magkasabay na gumagawa ang Espiritu at laman. Hindi kailanman mangyayari na pinupuwersa ng Espiritu ang laman na magsalita, pero ayaw ng laman, o di kaya’y ninanais ng laman na magsalita pero hindi ipinagkakaloob ng Espiritu ang mga salita. Hindi iyon kailanman mangyayari. Kung pinaniniwalaan ito ng mga tao, kung gayon ay mali sila—at katawa-tawa. Ang Espiritu at ang laman ay iisa. Kinakatawan ng laman ang Espiritu, kaya paanong nangyari na ninanais ng Espiritu na magsalita pero hindi nagsasalita ang laman? O kaya’y ninanais ng laman na magsalita ngunit hindi ipinagkakaloob ng Espiritu ang mga salita? Hindi mangyayari ang ganoong bagay. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay ang pagiging laman ng Espiritu. Kapag gumagawa ang laman, makapagsasalita Siya anumang oras o saanmang lugar, na ibang-iba kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa isang tao. Tanging ang Banal na Espiritu na nagkatawang-laman ang pagkakatawang-tao, at walang kuwestiyon sa paglisan ng Banal na Espiritu. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu sa mga tao, may pagpapasya at konteksto na sangkot dito. Kung hindi hahangarin ng mga tao ang katotohanan, kung sarili nilang landas ang tatahakin nila, iiwan sila ng Banal na Espiritu, at mararamdaman nila ito. Laging may mga pagkabaluktot sa pagkaunawa ng mga tao. Iniisip nila na dahil narating na ng gawain ng Diyos ang yugtong ito, wala na Siyang mga salita, at na hindi na Niya magawang magsalita kahit gustuhin man Niya. Ganito nga ba ang nangyayari? Kaya ng Diyos na magsalita anumang oras, hindi kailanman nagkaroon ng anumang paghihiwalay sa pagitan ng Espiritu at ng katawan. Kahit ano pang gawain o aspeto ng katotohanan ang ipinapahayag, kahit sa anong panig mo pa ito tingnan, ito ang pagiging laman ng Espiritu, naging tao ang Diyos, ibig sabihin, ang lahat ng kapighatiang dinaranas ng laman ay siya ring personal na pagdanas ng Espiritu ng kapighatian ng tao. Talagang hindi dapat pag-usapan nang magkahiwalay ang katawan at ang Espiritu. Ang katotohanan ukol sa pagkakatawang-tao ang pinakamalalim sa lahat, at kinakailangan ng mga tao na magkaroon ng sampu o dalawampung taong karanasan, o maging ng buong buhay nila, bago nila ito tunay na maunawaan.
Tagsibol, 1997