Ang Ikalawang Aspekto ng Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Ano ang ibig sabihin ng pagiging ordinaryo at normal ng Diyos na nagkatawang-tao? Ang mga ito ba ay mga bagay lamang na umiiral upang makagawa Siya ng gawain? Ito ba ay para patunayan na Siya nga si Cristo? Sinasabi ng ilang tao, “Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tiyak na may ordinaryo at normal na katawang-tao.” Ito lang ba ang ibig sabihin nito? Sa pagsasabing “kung Siya nga si Cristo, tiyak na Siya ay may ordinaryo at normal na katawang-tao,” hindi ba’t nililimitahan nito ang Diyos? Ano ang ibig sabihin ng “tiyak”? Sinasabi ng ilang tao, “Ito ay para ipahayag ang mga salita ng Diyos, upang madali Siyang makaugnayan ng tao.” Ito lang ba ang layunin? Kung titingnan ito batay sa diwa ni Cristo, ang diwa ni Cristo ay ang Diyos Mismo, ganap at buo. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay may kabuluhan. Isang natatanging itinalagang katawang-tao, na may natatanging itinalagang anyo, isang natatanging itinalagang pamilya, isang natatanging itinalagang kapaligirang pamumuhayan—ang lahat ng bagay na ito na ginagawa ng Diyos ay may kabuluhan. Itinatanong ng ilang tao: “Paanong hindi ko makita ang malaking kabuluhang nasa likod ng pagsusuot ng Diyos ng ordinaryo at normal na katawang-tao? Hindi ba’t panlabas na balat lang ang Kanyang katawang-tao? Sa sandaling matapos na ng Diyos ang Kanyang gawain, hindi ba’t magiging wala nang silbi ang panlabas na balat na ito?” Sa mga imahinasyon at kamalayan ng mga tao, iniisip nila na ang panlabas na balat ng ordinaryo at normal na katawang-taong ito ay walang malaking silbi, na wala itong malaking pakinabang sa gawain ng Diyos o sa Kanyang plano ng pamamahala, at na umiiral lamang ito upang matapos ang yugtong ito ng gawain. Naniniwala ang mga tao na umiiral ito upang maging madali para sa kanila na makaugnayan Siya at marinig ang Kanyang mga salita, upang makita at madama nila Siya, at na wala na itong iba pang silbi. Noon, ito ang naunawaan ng mga tao bilang kabuluhan ng pagkakatawang-tao. Pero ang katunayan, sa panahon ng paggawa ng ordinaryo at normal na katawang-tao at sa panahon ng pagkakatawang-tao, bukod sa pagpasan sa gawain ng sarili Niyang trabaho, ginagawa Niya rin ang isang trabaho na hindi pa naisip ninuman. Anong uri ng gawain ito? Bukod sa paggawa sa gawain ng Diyos Mismo, pumaparito rin Siya upang danasin ang pagdurusa ng tao. Noon, hindi ito alam ng mga tao.

Dati, hindi kailanman naunawaan ng mga tao kung bakit palaging nagdurusa ng karamdaman ang Diyos na nagkatawang-tao, o kung para saan ang pagdurusang ito. Sinabi ng ilang tao, “Mapagpakumbaba at nakakubli ang Diyos, dinaranas ng Diyos ang pagdurusang ito upang iligtas ang tao, mahal ng Diyos ang tao!” Ito ang magulong paliwanag na ibinibigay nila. Kailangan ba talaga Niyang pagdusahan ang mga bagay na ito upang iligtas ang sangkatauhan? Kung hindi dinanas ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagdurusang ito, magagawa ba ito ng Diyos Mismo? Magagawa Niya. Sinasabi ng ilang tao, “Noong Kapanahunan ng Biyaya, kailangan lang nating magdasal sa Diyos, at pagkatapos ay maaari nang gumaling ang anumang sakit sa sandaling magsimula ito. Hindi tayo kailanman uminom ng gamot, at nanalangin ang ilang tao at napagaling pa nga ang kanser. Kaya bakit palaging pinahihirapan ng karamdaman ang Diyos na nagkatawang-tao? Bakit hindi Siya kailanman malusog? Bakit hindi nagtamo ang Diyos na nagkatawang-tao ng biyayang kasingdami ng sa tao?” Noon pa man ay misteryo na ito sa sangkatauhan. Isa itong buhol sa puso ng tao, pero hindi pa rin gaanong sineseryoso ng mga tao ang bagay na ito. Sa halip, nagbibigay sila ng magugulong paliwanag, sinasabi na mahal ng Diyos ang tao, na nagdurusa ang Diyos para sa sangkatauhan. Kahit ngayon, hindi pa rin ito nauunawaan nang tama ng mga tao. Responsabilidad ng Diyos na nagkatawang-tao na danasin ang pagdurusa ng mundo. Ano ang silbi ng pagdanas sa pagdurusa ng mundo? Isa pa itong usapin. Pumaparito ang Diyos upang danasin ang pagdurusa ng mundo, na isang bagay na hinding-hindi magagawa ng Espiritu. Tanging ang Diyos na nagkatawang-tao, na may ordinaryo, normal, at ganap na katawang-tao, at na naging ganap na tao, ang kayang ganap na makaranas ng pagdurusa ng mundo. Kung ang Espiritu ang gagawa ng gawaing ito, hinding-hindi Niya magagawang makaranas ng anumang pagdurusa. Maaari lamang Siyang makakita at makaarok. Pare-pareho lang ba ang makakita, makaarok at makaranas? Hindi, hindi magkakapareho ang mga ito. Noon, sinabi ng Diyos, “Alam Ko ang kahungkagan ng mundo at alam Ko ang mga paghihirap na umiiral sa buhay ng tao. Naglakad Ako parito at paroon sa mundo at nakita ang matinding pagdurusa. Nakita Ko ang mga paghihirap, ang kalungkutan, at ang kahungkagan sa buhay ng tao.” Pero sa tanong na kung naranasan ba Niya ito, iyan ay ganap na ibang usapin. Isipin mo, halimbawa, ang isang pamilyang nagsisikap para lang makaraos. Nakikita mo ito at medyo nauunawaan mo, pero naranasan mo na ba mismo ang kalagayan nila? Naramdaman mo na ba ang mga paghihirap nila, ang kanilang pagdurusa at nagkaroon ka na ba ng mga damdaming ito o ng karanasang ito? Hindi, hindi pa. Ang ibig sabihin, magkaiba ang makakita at ang makaranas. Masasabi na ang bagay na ito, ang gawaing ito, ay kailangang gawin ng Diyos na nagkatawang-tao. Sa ganitong mga bagay, ganap na walang kakayahan ang Espiritu. Isa pa itong aspekto ng kabuluhan ng pagkakatawang-tao: pumaparito ang Diyos upang danasin ang pagdurusa ng mundo at ang pagdurusang tinitiis ng tao. Anong pagdurusa ang nararanasan Niya? Nararanasan Niya ang mga paghihirap na umiiral sa buhay ng tao, mga kamalasan ng pamilya, mga panlilinlang, pagtalikod at pag-uusig ng tao, pati na karamdaman ng katawan—ang lahat ng ito ang bumubuo sa pagdurusa ng mundo. Ang mga pagpapahirap ng sakit, ang mga pag-atake ng mga tao, pangyayari, at bagay na nasa paligid, mga kamalasan ng pamilya, pagtalikod ng mga tao, kalapastanganan ng mga tao, paninirang-puri, paglaban, pagrerebelde, pang-iinsulto at mga hindi pagkakaunawaan, at iba pa—nararanasan ng Diyos na nagkatawang-tao ang lahat ng ito bilang isang pag-atake. Sa mga nagdurusa ng lahat ng ito, isa rin itong pag-atake. Sila man ay dakilang tao, hindi pangkaraniwang tao, o taong malawak ang pag-iisip, ang pagdurusang ito, ang mga bagay na ito, ay isang pag-atake sa kanila. Dinaranas ng Diyos ang pag-uusig ng mundo, nang walang mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, walang lugar na matutuluyan, at walang mapagkakatiwalaan…. Ang lahat ng ito ay masakit. Bagamat maaaring hindi naaabot ng mga ito ang rurok ng pagdurusa, nararanasan pa rin Niya ang lahat ng ito. Noon ay napapaisip ang mga tao, “Sa gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba kayang alisin ng Diyos ang mga karamdamang ito? Para mahayaan Siyang gawin ang Kanyang gawain nang maginhawa, at para hindi mahayaan ang mga tao na magrebelde o lumaban sa Kanya—hindi ba Niya kayang gawin ang mga ito? Kung pinarusahan Niya ang mga tao, hindi sila mangangahas na labanan Siya. Ang Diyos ang may awtoridad, kaya bakit Niya hahayaan ang sarili Niya na magkasakit? Kung may karamdaman ang isang tao, kailangan lang nitong magdasal at gagaling na ito, kaya bakit nagdurusa ng karamdaman ang Diyos Mismo?” Ginagawa Niya ito upang maranasan Niya ang pagdurusa ng mundo. Mula sa katawang-taong ginagamit Niya bilang pagkakatawang-tao ay hindi Niya inaalis ang mga paghihirap o pagkakaroon ng mga karamdaman, o inaalis ang mga pagtalikod na pinagdusahan sa mga kamay ng tao. Lumalaki at gumagawa lang Siya nang natural sa loob ng mahirap na kapaligirang ito. Sa ganitong paraan, mararanasan Niya ang pagdurusa ng mundo. Kung hindi umiiral ang alinman sa mga ito, hindi Niya matitikman ang pagdurusang ito. Kung hindi Siya dinapuan ng mga karamdaman, o kung hindi Siya nagdusa ng anumang sakit na nagpapahirap sa mga normal na tao, hindi ba’t magiging mas kaunti ang Kanyang pagdurusa? Maisasaayos ba na hindi Siya kailanman daranas ng sakit ng ulo o makararamdam ng pagod pagkatapos ng matinding pag-iisip, habang nararanasan ito ng ibang tao? Oo, maaari itong isaayos; pero sa panahong ito, sa ibang paraan na ginagawa ang mga bagay-bagay. Noong kapanahunang gumagawa si Jesus, nagawa Niyang hindi kumain o uminom sa loob ng 40 araw at gabi at hindi Siya nagutom. Pero sa kasalukuyang kapanahunan, nagugutom ang Diyos na nagkatawang-tao kapag hindi Siya nakakain ng kahit isang beses lang. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t makapangyarihan sa lahat ang Diyos? Sa nakikita ko, Siya ay hindi. Ni hindi Niya magawa ang ganito kaliit na bagay. Nakikita natin sa paraan Niya ng pananalita na Siya ang Diyos, kaya bakit hindi Niya magawa ang mga bagay na ito?” Hindi sa hindi kayang gawin ng Diyos ang mga bagay na ito, kundi hindi Niya ginagawa ang mga ito sa ganoong paraan. Ang layunin ng Kanyang pagkakatawang-tao ay hindi ang gawin ang mga iniisip ng mga tao na kayang gawin ng Diyos. Dinaranas Niya ang pagdurusa ng mundo at may kabuluhan ang paggawa Niya nito. Nariyan din ang mga nagtatanong: “Diyos ko, para saan ang pagdanas Mo ng pagdurusa ng mundo? Puwede bang Ikaw na lang ang magdusa sa halip na ang tao? Hindi ba nagdurusa pa rin ang mga tao ngayon mismo?” Walang ginagawa ang Diyos na ginawa nang basta-basta. Hindi Siya umaalis sa sandaling pinagdusahan na Niya ang pagdurusa ng mundo, sa sandaling tiningnan at nakita na Niya ang kalagayan ng mundo. Sa halip, pumaparito Siya upang lubusang tapusin ang lahat ng gawain na hinihingi ng Kanyang pagkakatawang-tao. Iniisip ng ilang tao na baka masyado lang sanay ang Diyos sa buhay na maginhawa at komportable, na gusto lang Niyang magdusa nang kaunti, na nabubuhay Siya sa kaligayahan at hindi Niya alam ang pakiramdam na magdusa, kaya gusto lang Niyang malaman ang pakiramdam na magdusa. Ang lahat ng ito ay bunga lang ng mga imahinasyon ng mga tao. Ang maranasan ngayon ang pagdurusa ng mundo ay isang bagay na magagawa lamang sa panahon ng pagkakatawang-tao. Kung lubusan nang natapos ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, at nagsimula na ang susunod na yugto ng gawain, wala na dapat “pagdanas ng pagdurusa ng mundo.” Kaya, ano ang eksaktong dahilan ng pagdanas ng Diyos ng pagdurusa ng mundo? May nakaaalam ba? Ipinropesiya na hindi luluha ang tao, hindi tatangis, at hindi magdurusa, at na hindi magkakaroon ng karamdaman sa mundo. Dinaranas ngayon ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagdurusang ito at kapag natapos na Siya dadalhin Niya ang sangkatauhan sa magandang hantungan, at maglalaho na ang lahat ng pagdurusa dati. Bakit ito maglalaho? Maglalaho ito dahil mismong ang Diyos na nagkatawang-tao ay naranasan na ang lahat ng pagdurusang ito at inalis na Niya sa sangkatauhan ang pagdurusang ito. Dahil sa layuning ito kaya dinaranas ng Diyos ang pagdurusa ng tao.

Dinaranas ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagdurusa ng mundo upang mas mabuting maihanda ang hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap, para gawin itong mas maganda, mas perpekto. Ito ang pinakamahalagang aspekto ng pagkakatawang-tao, at isang bahagi ng gawain ng pagkakatawang-tao. May isa pang usapin dito. Sa pagiging tao at pagdanas ng pagdurusang ito, kalaunan ay aalisin ng Diyos sa sangkatauhan ang pagdurusang ito. Pero kung walang pagkakatawang-tao at walang pagdanas, maaalis ba ang pagdurusang ito? Oo, maaalis pa rin ito. Noong Kapanahunan ng Biyaya, nang ipinako sa krus si Jesus, isa Siyang matuwid na tao na naging wangis ng makasalanang laman at ginawa Niya ang Kanyang sarili na handog para sa kasalanan, at sa gayon ay tinutubos ang buong sangkatauhan at inililigtas sila sa pagkakahawak ni Satanas. Ito ang layunin at kabuluhan ng pagkakapako sa krus kay Jesus: tinutubos Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang napakahalagang dugo, upang mapatawad ang mga kasalanan ng sangkatauhan. Ngayon ay dinaranas ng Diyos ang pagdurusa ng tao, na nangangahulugang Siya ang dumaranas ng lahat ng ito sa halip na ang tao, at pagkatapos nito ay hindi na ito kailangang pagdusahan ng tao kailanman. Hindi mo puwedeng kalimutan ang mga sumusunod na salita: Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos, nakikipagdigmaan Siya kay Satanas, at ang bawat yugto ng Kanyang gawain ay may kaugnayan sa ilang paraan sa pakikipagdigmaang ito kay Satanas. Sa yugto ng gawain na isinagawa noong Kapanahunan ng Biyaya, pinatawad ang lahat ng kasalanan ng sangkatauhan—tinubos sila sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus. Kung wala ang katunayang ito, ang katunayan ng pagpapapako sa krus, at sa halip ay umasa lang sa mga salita ang pagpapatawad ng mga kasalanan ng tao, hindi sana nakumbinsi si Satanas. Sinabi sana nito: “Wala Kang pinagdusahan, at hindi Mo inako ang mga kasalanan ng tao. Sa isang salita lang ay pinatawad na ang mga kasalanan ng sangkatauhan? Hindi ito katanggap-tanggap! Ikaw ang lumikha sa sangkatauhan, kaya kung hindi Ikaw ang aako ng mga kasalanan sa halip na ang sangkatauhan, hindi Mo puwedeng patawarin ang kanilang mga kasalanan.” Ngayon, sa kasalukuyang yugto ng gawain, ang lahat ng iniligtas na tao ay dadalhin sa magandang hantungan, dadalhin sa susunod na kapanahunan. Hindi na magdurusa ang sangkatauhan, hindi na pahihirapan ng karamdaman. Pero saan nakabatay na hindi na pagdurusahan ng tao ang pagpapahirap ng karamdaman? Saan nakabatay na hindi na magkakaroon ng pagdurusa sa mundo? Makatwirang sabihin na, dahil may mga tiwaling disposisyon ang mga tao at kaya nilang labanan ang Diyos, dapat nilang danasin ang pagdurusang ito. Paano malulutas ang problemang ito? Kaya, sa panahong ito ay gumagawa rin ang Diyos na nagkatawang-tao ng isang pinakamakabuluhang bagay, at iyon ay ang humalili sa sangkatauhan at danasin ang lahat ng kanilang pasakit. Ang “karanasang” ito ng Diyos na maging tao at maranasan ang pasakit ng tao ay tungkol sa pagdanas Niya ng pagdurusa kahalili ng sangkatauhan. Sinasabi ng ilang tao: “Ngayong nagdurusa ang Diyos kahalili ng sangkatauhan, bakit nagdurusa pa rin tayo?” Nararanasan mo sa kasalukuyan ang gawain ng Diyos. Hindi ka pa nagagawang ganap na perpekto, hindi ka pa ganap na nakapapasok sa susunod na kapanahunan, at tiwali pa rin ang iyong disposisyon. Hindi pa naaabot ng gawain ng Diyos ang rurok nito at nagaganap pa rin ito. Kaya, hindi dapat magreklamo ang mga tao tungkol sa kanilang pagdurusa; nagdurusa pa rin ang Diyos na nagkatawang-tao, lalo na ang tao. Hindi ba’t napakamakabuluhan na dinaranas ng Diyos ang pagdurusa ng tao? Hindi naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gumawa ng kaunting gawain at umalis pagkatapos. Napakababaw ng pagkaunawa ng mga tao—naniniwala sila na naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang gawain ng Diyos Mismo, na naparito lang ang katawang-taong ito upang ipahayag ang salita ng Diyos at gumawa sa ngalan ng Diyos. May ilan na naniniwala pa nga na ang katawang-taong ito ay isa lang panlabas na anyo, pero ito ay ganap na maling pananaw, at purong kalapastanganan laban sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang gawain ng katawang-tao ay nangangahulugan na pumarito ang Diyos Mismo at naging tao Siya upang maranasan ang pagdurusa ng tao; nangangahulugan ito na naging tao ang Diyos upang maranasan ang pagdurusa ng tao. Tama ba ang mga tao sa paniniwala na ang panlabas na anyo ng katawang-tao ng Diyos ay pumarito upang danasin ang pagdurusang ito, at na ang Kanyang Espiritu ay hindi nagdurusa sa loob? Nagdurusa ang Espiritu ng Diyos gaya ng pagdurusa ng katawang-tao. Noong ipapako si Jesus, nanalangin Siya: “Ama, kung maaari, hayaan Mong lumampas mula sa Akin ang sarong ito: gayon man hindi ayon sa pagnanais Ko, kundi ang ayon sa pagnanais Mo” (Mateo 26:39). Ninais Niya ito dahil, kung paanong nagdusa ang Kanyang katawang-tao, nagdusa rin ang Kanyang Espiritu sa loob ng katawang-tao. Kung sinasabi mo na ang panlabas na balat lang ng katawang-tao ang nagdurusa, na ang Diyos sa Kanyang pagka-Diyos ay hindi talaga nagdurusa, na hindi Siya dumaranas ng paghihirap, nagkakamali ka. Kung ganito mo ito nauunawaan, pinatutunayan nito na hindi mo nakita ang aspekto ng diwa ng Diyos na nagkatawang-tao. Bakit sinasabi na ang Diyos ay lumitaw ngayon sa loob ng isang katawan ng laman? Maaaring pumarito at umalis ang Diyos kung kailan Niya gusto, pero hindi Niya iyon ginagawa. Naging tao Siya upang danasin ang pagdurusang ito, tunay at nararamdamang pagdurusa, para makita at madama ito ng mga tao habang nangyayari ito. Nararamdaman Niya ang pagdurusang dinaranas Niya, dinaranas Niya ito para sa sarili Niya. Kahit minsan ay hindi nakaramdam ng anumang pagdurusa o paghihirap ang Kanyang katawang-tao nang hindi ito nararamdaman ng Kanyang Espiritu—ang Kanyang katawang-tao at Espiritu ay iisa sa pagkaramdam at pagtitiis ng pagdurusa. Madali ba itong maunawaan? Hindi madali. Hindi ito madali dahil ang tanging nakikita ng tao ay ang katawang-tao, at hindi nila nakikita na nagdurusa ang Espiritu habang nagdurusa ang katawang-tao. Naniniwala ka ba na kapag nagdurusa ang isang tao, nagdurusa rin ang kanyang kaluluwa? Bakit sinasabi ng mga tao na nararamdaman nila ang ganito-at-ganoong pakiramdam sa kaibuturan ng kanilang puso? Ito ay dahil iisa ang laman at espiritu ng tao. Ang espiritu at laman ng bawat tao ay iisa at pareho; parehong nagdurusa ang mga ito at parehong nagagalak. Wala ni isang tao na, kapag dumaranas ng totoong pasakit ay nararamdaman lang ito sa kanyang laman kahit na nagdiriwang ang kanyang puso; at wala ring sinumang magsasabi na hindi talaga nagdurusa ang kanyang laman kahit na nagdurusa ang kanyang puso. Ang mga bagay na nasa puso na pumupukaw ng mga damdamin o pasakit, o mga bagay na maaaring maranasan sa puso—nararamdaman din ng laman ang mga bagay na ito.

Dumating ang Diyos na nagkatawang-tao para gawin ang Kanyang gawain—para danasin ang paghihirap ng mundo—upang pasanin Niya Mismo ang lahat ng pasakit ng tao. Kapag napagtiisan na Niya ang pagdurusang ito hanggang matapos ito, hindi na kailangang ulitin ang ganitong uri ng gawain sa susunod na yugto ng gawain. Sa halip, madadala ang sangkatauhan sa magandang hantungan. Dahil dinanas na Niya ang pasakit na ito kahalili ng tao, kwalipikado Siyang dalhin ang tao sa magandang hantungan—ito ang Kanyang plano. Sinasabi ng ilang kakatwang tao: “Bakit hindi ko nakita na pinagtitiisan ng Diyos na nagkatawang-tao ang lahat ng pagdurusang ito? Hindi lahat nito ay napagtiisan sa kabuuan nito. Dapat pagtiisan ang lahat ng uri ng pagdurusa, at dapat man lang ay pagdusahan Niya ang pagpapapako sa krus.” Napagtiisan na noon ang pasakit ng pagpapapako sa krus at hindi na kailangang pagdusahang muli. Bukod pa riyan, hindi dapat sabihin ng mga tao ang mga ganoong bagay. Hindi pa ba nagdusa nang labis ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga taong ito? Mga kakatwang tao lamang ang ganyan mag-isip. Sa saklaw ng pagdurusa na kayang tiisin ng Diyos na nagkatawang-tao, ang lahat ng pagdurusang nagpapahirap sa sangkatauhan ay maaaring mangyari sa Kanya. Pagdating sa pagdurusang masyadong matindi, sa pagdurusang kayang tiisin ng isang tao lamang sa isanlibong taon, hindi ito kailangang pagdusahan ng Diyos, dahil ang lahat ng pagdurusang ito ay naging kinatawan na. Kayang danasin ng Diyos ang mga ganitong uri ng pagdurusa, at pinatutunayan nito na hindi Siya naiiba sa mga normal na tao, na hindi makikita ang kaibahan Niya sa mga tao, na hindi Siya nakahiwalay sa mga tao, at na nagdurusa Siya gaya ng mga tao. Kapag nagdurusa ang mga tao, nagdurusa rin ang Diyos. Paminsan-minsan, nagkakasakit ang mga tao at nakakaranas ng pasakit, at personal itong nararanasan ng Diyos—natikman na Niya ang lahat ng pagdurusang ito. Sa panahong ito, ang pagdurusa ng Diyos na nagkatawang-tao ay hindi gaya ng dati, nang kailanganin Niyang matikman ang pagkamatay sa krus. Hindi ito kinakailangan, dahil naranasan na ito. Ang panahong ito ay tungkol lamang sa pagdanas ng pagdurusa ng tao at pag-ako Niya sa pagdurusa ng tao. Noon, gumawa si Jehova bilang ang Espiritu, at maaaring magkamit ang tao ng ilang bagay mula rito. Ang gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, gayunpaman, ay makikita at madarama ng mga tao, na ginagawa itong mas magaan at mas madaling maabot ng mga tao kaysa sa gawain ng Espiritu. Isa itong aspekto. Ang isa pang aspekto ay na kayang danasin ng Diyos na nagkatawang-tao ang pagdurusa ng mundo. Hinding-hindi ito magagawa ng gawain ng Espiritu; pagdating sa pangangailangan, magagawa lamang ito sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao. Kung ang Espiritu ang gumagawa, sasabihin ng Espiritu ang dapat Niyang sabihin at pagkatapos ay aalis na. Kahit kapag nakikipag-ugnayan Siya sa mga tao, hindi pa rin Niya kayang danasin ang pagdurusa ng mundo. Maaaring gustong itanong ng ilang tao: “Kung nagdurusa ang Diyos na nagkatawang-tao, hindi ba’t nagdurusa rin ang Espiritu? Hindi rin ba ito mararanasan ng Espiritu?” Hindi ba’t kakatwa rin ang ideyang ito? Makararanas lang ang Espiritu ng pagdurusa matapos Niyang bihisan ang Kanyang sarili ng katawang-tao. Hindi mapaghihiwalay ang Espiritu at ang katawang-tao; nararanasan din ng Espiritu ang pagdurusa ng katawang-tao. Kung hindi bibihisan ng Espiritu ang Kanyang sarili ng katawang-tao, hindi Niya magagawang maranasan ito. Ang mga pagkaramdam ng pagdurusa ng katawang-tao ay higit na mas detalyado, mas totoo at mas nadarama. Mga bagay ito na hindi maaabot ng Espiritu. May ilang bagay sa pisikal na mundo kung saan hindi maaaring humalili ang gawain ng Espiritu. Ito ang pinakamalawak na kabuluhan ng pagkakatawang-tao.

Sinabi na noon na hindi nakibahagi si Cristo sa kaligayahang pampamilya ng mundo. Sinasabi ng ilan: “Mainit na tinanggap si Cristo saanman Siya pumunta. Ibinili pa nga Siya ng ilang tao ng magagandang bagay, at mataas ang naging pagtingin sa Kanya kahit saan. Siguro ay naging kasiya-siya para sa Kanya ang mga bagay-bagay at hindi talaga Siya gaanong nagdusa, kaya paano masasabing hindi Siya nakibahagi rito?” Paano ang pahayag na iyan? Ang pagsasabi na hindi Siya nakibahagi rito ay hindi nangangahulugan na hindi Niya tinamasa ang mga bagay na ito, kundi sa halip ay na hindi nabawasan ang Kanyang pagdurusa dahil sa mga ito. Ito ang ibig sabihin ng “hindi Siya nakibahagi rito.” Halimbawa, ipagpalagay mong dinapuan ka ng isang karamdaman at may nagbigay sa iyo ng ilang magandang damit. Mababawasan ba ang pagdurusa mo sa sakit dahil sa mga damit na ito? Hindi. Hindi talaga mababawasan ang pagdurusa mo. Kailangan mo pa ring pagdusahan ang kailangan mong pagdusahan, at iyon ang ibig sabihin ng “hindi pakikibahagi rito.” Halimbawa, ang pagdurusang nagmumula sa isang karamdaman, o ang mga limitasyong dulot ng kapaligiran ng isang tao, ay hindi maiibsan ng mga kasiyahan ng katawan, at hindi ginamit ni Cristo ang mga bagay na ito para sa Kanyang kasiyahan. Kaya sinasabing, “hindi Siya nakibahagi rito.” Iniisip ng ilang kakatwang tao, “Kung hindi nakikibahagi ang Diyos sa kaligayahang pampamilya ng mundo, hindi mahalaga kung paano natin Siya tanggapin, dahil magdurusa naman ang Diyos anuman ang gawin natin.” Lubhang kakatwa ang pagkaunawang ito, at ipinakikita nito na may masamang hangarin sa kanilang puso. Dapat gamitin ang puso ng mga tao sa pinakamainam na gamit ng mga ito; dapat gawin ang mga tungkulin ng mga tao sa pinakaabot ng kanilang makakaya. Pagkatapos ay nariyan ang mga nakauunawa nang ganito: “Tinamasa dati ng Diyos ang ganap na kaligayahan, at ngayon ay pumarito upang sumubok ng isang bagay na iba—ang pagdurusa ng mundo.” Ganito ba iyon kasimple? Kailangan mong maunawaan kung bakit pumaparito ang Diyos upang danasin ang pagdurusa ng mundo. Ang kabuluhan ng lahat ng ginagawa ng Diyos ay may labis na kalaliman. Isipin, halimbawa, ang pagpapako kay Jesus sa krus. Bakit kinailangang ipako sa krus si Jesus? Hindi ba’t para tubusin ang buong sangkatauhan? Kaya, gayundin, may malaking kabuluhan sa kasalukuyang pagkakatawang-taong ng Diyos, at ang Kanyang pagdanas ng pagdurusa ng mundo—ito ay para sa magandang hantungan ng sangkatauhan. Sa Kanyang gawain, laging ginagawa ng Diyos kung ano ang pinakapraktikal. Bakit walang kasalanan ang tingin ng Diyos sa tao, at na maaaring magkaroon ng magandang kapalaran ang tao na lumapit sa harapan ng Diyos? Ito ay dahil ipinako sa krus si Jesus, pinasan ang mga kasalanan ng tao, at tinubos ang sangkatauhan. Kung gayon ay bakit hindi na magdurusa pa ang sangkatauhan, hindi na magdadalamhati, hindi na luluha, at hindi na bubuntong-hininga? Ito ay dahil inako ng kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos ang lahat ng pagdurusang ito sa Kanyang sarili at natiis na ngayon ang pagdurusang ito para sa tao. Para iyong isang ina na nakikitang nagkakasakit ang kanyang anak at nagdarasal sa Langit, hinihiling na mapaikli ang kanyang sariling buhay kung nangangahulugan iyon na mapapagaling ang kanyang anak. Gumagawa rin ang Diyos sa ganitong paraan, inaalay ang Kanyang pasakit kapalit ng magandang hantungan na darating pagkatapos para sa sangkatauhan. Wala nang dalamhati, wala nang mga luha, wala nang mga buntong-hininga at wala nang pagdurusa. Ang Diyos ang nagbabayad ng halaga—ng kabayaran—ng personal na pagdanas ng pagdurusa ng mundo kapalit ng susunod na magandang hantungan para sa sangkatauhan. Ang pagsasabi na ito ay ginagawa “kapalit” ng magandang hantungan ay hindi nangangahulugan na walang kapangyarihan o awtoridad ang Diyos na pagkalooban ng magandang hantungan ang sangkatauhan, kundi sa halip ay na nais ng Diyos na maghanap ng mas praktikal at makapangyarihang patunay para lubos na makumbinsi ang mga tao. Naranasan na ng Diyos ang pagdurusang ito, kaya karapat-dapat Siya, nasa Kanya ang kapangyarihan, at lalo nang nasa Kanya ang awtoridad na ihatid ang sangkatauhan sa magandang hantungan, ibigay sa sangkatauhan ang magandang hantungan at pangakong ito. Lubos na makukumbinsi si Satanas; lubos na makukumbinsi ang lahat ng nilikha sa sansinukob. Sa huli, tutulutan ng Diyos ang sangkatauhan na tanggapin ang Kanyang pangako at pagmamahal. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay praktikal, wala Siyang ginagawang hungkag, at nararanasan Niya Mismong lahat iyon. Pinagbabayaran ng Diyos ang halaga ng Kanyang sariling karanasan ng pagdurusa kapalit ng isang hantungan para sa sangkatauhan. Hindi ba ito praktikal na gawain? Maaaring magbayad nang matindi ang mga magulang para sa kapakanan ng kanilang mga anak, at kinakatawan nito ang kanilang pagmamahal para sa kanilang mga anak. Sa paggawa nito, ang Diyos na nagkatawang-tao, mangyari pa, ay nagpapakita ng lubos na sinseridad at katapatan sa sangkatauhan. Ang diwa ng Diyos ay tapat; ginagawa Niya kung ano ang Kanyang sinasabi, at kung anuman ang Kanyang ginagawa ay nakakamit. Lahat ng Kanyang ginagawa para sa mga tao ay tapat. Hindi Siya basta bumibigkas ng mga salita; kapag sinabi Niyang babayaran Niya ang halaga, nagbabayad Siya ng aktuwal na halaga. Kapag sinabi Niyang babalikatin Niya ang pagdurusa ng sangkatauhan at Siya ang magdurusa sa halip na sila, talagang dumarating Siya upang mamuhay sa piling nila, personal na nadarama at nararanasan ang pagdurusang ito. Pagkatapos niyon, kikilalanin ng lahat ng bagay sa sansinukob na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at matuwid, na lahat ng ginagawa ng Diyos ay makatotohanan: Ito ay makapangyarihang katibayan. Bilang karagdagan, magkakaroon ng magandang hantungan ang sangkatauhan sa hinaharap, at lahat ng natira ay pupurihin ang Diyos; pararangalan nila na ang mga gawa ng Diyos ay talagang ginawa dahil sa pagmamahal Niya sa sangkatauhan. Mapagpakumbabang dumarating ang Diyos sa sangkatauhan, bilang isang pangkaraniwang tao. Hindi lamang Niya ginagampanan ang ilang gawain, binibigkas ang ilang pananalita, pagkatapos ay aalis; sa halip, tunay Siyang nagsasalita at gumagawa habang dinaranas ang pasakit ng sanlibutan. Aalis lamang Siya kapag natapos na Niyang danasin ang pasakit na ito. Ganito katotoo at praktikal ang gawain ng Diyos; ang lahat ng nananatili ay magpupuri sa Kanya dahil dito, at makikita nila ang katapatan ng Diyos sa tao at ang Kanyang kagandahang-loob. Ang diwa ng Diyos tungkol sa kagandahan at kabutihan ay maaaring makita sa kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao sa laman. Anumang ginagawa ng Diyos ay taos-puso; anuman ang Kanyang sinasabi ay masigasig at tapat. Ang lahat ng nilalayon Niyang gawin, ginagawa Niya nang praktikal; kapag may kailangang bayarang halaga, aktuwal Niyang binabayaran ito; hindi lamang Siya basta bumibigkas ng mga salita. Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos; ang Diyos ay isang tapat na Diyos.

Tagsibol, 1997

Sinundan: Tungkol sa mga Atas Administratibo ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian

Sumunod: Ang Kabuluhan ng Pagtikim ng Diyos ng Pagdurusa sa Mundo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito