Kabanata 77
Ang pagiging hindi tiyak sa Aking mga salita ay katulad ng pagkakaroon ng saloobing nagtatatwa sa Aking mga pagkilos. Ibig sabihin, nakaagos na ang Aking mga salita mula sa loob ng Aking Anak, gayunman ay hindi ninyo pinahahalagahan ang mga iyon. Masyado kayong mapagwalang-bahala! Maraming salita ang umagos na mula sa loob ng Aking Anak, ngunit nanatili kayong may pag-aalinlangan at hindi tiyak. Kayo ay bulag! Hindi ninyo nauunawaan ang layunin ng bawat bagay na ginawa Ko na. Ang mga salita ba na Aking ipinahahayag sa pamamagitan ng Aking Anak ay hindi Ko sariling mga salita? May ilang bagay na hindi Ako handang sabihin nang tuwiran, kaya nagsasalita Ako sa pamamagitan ng Aking Anak. Ngunit bakit masyado kayong kakatwa na pinipilit ninyong magsalita Ako nang tuwiran? Hindi ninyo Ako nauunawaan, at palagi kayong may duda tungkol sa Aking mga kilos at gawa! Hindi ba’t nasabi Ko na dati na ang bawat galaw Ko at bawat kilos Ko ay tama? Dapat nang tumigil ang mga tao sa pagsiyasat sa mga ito. Alisin ang iyong maruruming kamay! Hayaang sabihin Ko sa iyo ang isang bagay: Lahat ng taong ginagamit Ko ay itinalaga bago Ko pa nilikha ang mundo, at sila rin ay sinasang-ayunan Ko ngayon. Lagi ninyong pinagsisikapan ang ganitong mga bagay, sinusuri Akong mabuti bilang tao at pinag-aaralan ang Aking mga pagkilos. Kayong lahat ay may kaisipan na matransaksyon. Kung mangyayari itong muli, tiyak na pababagsakin kayo ng Aking kamay. Ang Aking sinasabi ay ito: Huwag Akong pagdudahan, at huwag suriin o pagbulayan ang mga bagay na Aking nagawa na. Higit pa rito, huwag makialam sa gayong mga bagay, dahil ito ay may kinalaman sa Aking mga atas administratibo. Hindi ito maliit na bagay!
Samantalahin ang panahon upang gawin ang lahat ng Aking naitagubilin na. Hayaang sabihin Ko itong muli, at bilang isang babala na rin: Malapit nang bumaha ng mga dayuhan sa China. Ito ay walang pasubaling totoo! Alam Kong karamihan ng mga tao ay may duda at hindi tiyak tungkol dito, kaya pinaaalalahanan Ko kayo nang paulit-ulit upang maaari kayong magmadaling maghanap ng paglago sa buhay at matupad ang Aking kalooban nang mas maaga. Simula ngayon, ang pandaigdigang kalagayan ay magiging mas maigting, at iba’t ibang bansa ang magsisimulang bumagsak mula sa loob. Hindi na magkakaroon ng masasayang araw sa China. Ito ay nangangahulugan na ang mga manggagawa ay magsisipag-alsa, ang mga mag-aaral ay maglalabasan mula sa kanilang mga klase, titigil sa pagnenegosyo ang mga negosyante, at ang mga pagawaan ay magsasarang lahat at hindi na makakabawi. Ang mga kadre ay magsisimulang maghanda ng mga pondo upang tumakas (magsisilbi itong Aking plano ng pamamahala), at ang mga pinuno ng pamahalaang sentral sa lahat ng antas ay magiging napakaabala sa pagtutuon sa ilang bagay at maiisantabi ang iba habang gumagawa ng lahat ng paghahanda (ito ay magsisilbing susunod na hakbang). Tingnan ito nang maigi! Ito ay isang bagay na kinasasangkutan ng buong sansinukob, hindi lamang ng China, dahil ang Aking gawain ay nakatuon sa buong mundo. Gayunpaman, ito ay nagsisilbi rin para gawing mga hari ang mula sa pangkat ng mga tao na mga panganay na anak. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? Magmadali kayo at maghanap! Hindi Ko kayo tatratuhin nang hindi patas; hahayaan Ko kayong dumanas ng kasiyahan hangga’t ibig ng inyong mga puso.
Ang Aking mga pagkilos ay kamangha-mangha. Habang nagaganap ang matitinding sakuna sa mundo, at habang ang lahat ng gumagawa ng masama at mga namumuno ay tumatanggap ng kaparusahan—o upang maging mas malinaw, kapag nagdusa ang mga gumagawa ng masama, na lahat ay nasa labas ng Aking pangalan—sisimulan Kong ipagkaloob ang Aking mga pagpapala sa inyo. Ito ang nakapaloob na kahulugan ng mga salitang “Tiyak na hindi kayo magdurusa ng sakit o pinsala mula sa mga sakuna,” na sinabi Ko nang paulit-ulit noon. Nauunawaan ba ninyo ito? Ang “panahong ito” na Aking sinasabi ay tumutukoy sa panahon kung kailan lumalabas ang mga salita sa Aking bibig. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay isinasagawa nang napakabilis; hindi Ko ipagpapaliban o sasayangin ang isang minuto o kahit na isang segundo. Bagkus ay kikilos Ako nang naaayon sa Aking mga salita sa sandaling sinambit ang mga iyon. Kung sinasabi Ko na ngayon inaalis Ko ang isa o kinamumuhian Ko ang isa, magwawakas ang taong iyon sa isang iglap. Sa madaling salita, agad na babawiin ang Aking Banal na Espiritu mula sa kanila, at sila ay magiging mga patay na naglalakad at walang-kabuluhan. Maaaring ang gayong mga tao ay humihinga, naglalakad, at nagsasalita pa rin, at maaaring nananalangin pa rin sa Aking harapan, ngunit hindi nila matatanto kailanman na iniwan Ko na sila. Sila ay magiging mga ganap na halimbawa ng walang-kabuluhang mga tao. Ito ay walang-pasubaling totoo at tunay!
Ang Aking mga salita ay kumakatawan sa Aking pagiging tao. Tandaan ito! Huwag mag-alinlangan; dapat kayong maging walang-pasubaling tiyak. Ito ay isang bagay na tumutukoy ng buhay at kamatayan! Ito ay lubos na seryoso! Sa sandaling sinasambit ang Aking mga salita, ang nais Kong gawin ay nangyari na. Ang lahat ng salitang ito ay dapat na mabigkas sa pamamagitan ng Aking Anak. Sino sa inyo ang nagsaalang-alang na nang taimtim ng bagay na ito? Paano Ko pa ito maaaring ipaliwanag? Huwag matakot at mahiya nang labis sa lahat ng oras. Talaga bang wala Akong pagsasaalang-alang sa mga damdamin ng mga tao? Basta Ko na lamang ba itatapon ang mga sinasang-ayunan Ko? Lahat ng Aking ginagawa ay may prinsipyo. Hindi Ko wawasakin ang tipan na Ako Mismo ang nagtatag, ni hindi Ko gagambalain ang sarili Kong plano. Hindi Ako walang muwang na gaya ninyo. Ang Aking gawain ay isang dakilang bagay; ito ay isang bagay na walang taong makagagawa. Nasabi Ko na Ako ay matuwid, at sa mga umiibig sa Akin, Ako ay pag-ibig. Hindi mo ba pinaniniwalaan na totoo ito? Patuloy kang mayroong mga agam-agam! Bakit takot na takot ka pa rin kung mayroon kang malinis na budhi sa lahat ng bagay? Ito ay lahat dahil sa naigapos mo na ang iyong sarili. Anak Ko! Ipinaalala Ko na sa iyo nang maraming ulit na huwag malungkot at huwag lumuha, at hindi kita iwawaksi. Hindi mo pa rin ba kayang magtiwala sa Akin? Hahawakan kita at hindi bibitawan. Palagi kitang yayakapin sa pag-ibig Ko. Lilingapin kita, pangangalagaan kita, at bibigyan kita ng mga pahayag at mga kabatiran sa lahat ng bagay upang makita mo na Ako ang iyong Ama, at na Ako ang sumusuporta sa iyo. Alam Ko na lagi kang nagbubulay kung paano mo mapagagaan ang pasanin sa mga balikat ng iyong Ama. Ito ang pasaning ibinigay Ko na sa iyo. Huwag mong subukang ipagkibit-balikat ito! Ilang mga tao sa mga panahon ngayon ang kayang maging tapat sa Akin? Umaasa Akong mapabibilis mo ang iyong pagsasanay at na lumago ka nang mabilis at bigyang-kasiyahan ang Aking puso. Ang Ama ay nagpapagal para sa anak araw at gabi, kaya dapat ding magsaalang-alang ang anak sa plano ng pamamahala ng Ama sa bawat minuto at sa bawat segundo. Ito ang maagap na pakikipagtulungan sa Akin na sinabi Ko na noon.
Ako ang may gawa ng lahat. Maglalagay Ako ng pasanin sa mga taong ginagamit Ko ngayon at bibigyan sila ng karunungan upang aayong lahat ang kanilang mga ginagawa sa Aking kalooban, upang matupad ang Aking kaharian, at upang lumitaw ang bagong langit at lupa. Ang mga taong hindi Ko ginagamit ay ang ganap na kabaligtaran; lagi silang tulala, natutulog sila pagkatapos nilang kumain, at kumakain sila pagkatapos nilang matulog, na wala man lamang ideya kung ano ang kahulugan ng pasanin. Ang mga taong ito ay kulang sa gawain ng Banal na Espiritu, at dapat na alisin mula sa Aking iglesia sa lalong madaling panahon. Ngayon ay magsasalita ako ng ilang mga bagay na may kinalaman sa mga pangitain: Ang iglesia ay isang paunang kundisyon sa kaharian; maaari lamang makapasok ang mga tao sa kaharian kapag naitayo na ang iglesia hanggang sa isang partikular na lawak. Walang sinuman ang maaaring makapasok sa kaharian nang tuwiran (kung hindi Ko ipinangako). Ang iglesia ang unang hakbang, ngunit ang kaharian ang layunin ng Aking plano ng pamamahala. Lahat ay mahuhubog kapag pumasok na ang mga tao sa kaharian, at wala nang bagay na katatakutan. Sa kasalukuyan, ang mga panganay na anak Ko at Ako lamang ang nakapasok na sa kaharian at nagsimulang pamahalaan ang lahat ng bansa at bayan. Ibig sabihin, nagsisimulang maisaayos ang Aking kaharian, at lahat ng magiging mga hari o Aking mga tao ay naipahayag na sa madla. Ang mga mangyayari sa hinaharap ay sasabihin sa inyo nang paisa-isang hakbang at sunud-sunod; huwag masyadong mabahala o mag-alala. Natatandaan mo ba ang bawat salitang sinabi Ko na sa iyo? Kung ikaw ay totoong para sa Akin, kung gayon ay magsasalita Ako nang matapat sa iyo. Para sa mga nagsasagawa ng pandaraya at kabuktutan, gagantihan Ko rin sila nang pagwawalang-bahala at hahayaan silang makita nang malinaw kung sino ang siyang mawawasak ng gayong pag-uugali!