Kabanata 78
Nasabi Ko na dati na Ako ang gumagawa ng gawain, hindi ang sinumang tao. Sa Akin, ang lahat ay panatag at masaya, nguni’t sa inyo, ibang-iba ang mga bagay-bagay; nakararanas kayo ng labis na paghihirap sa lahat ng inyong ginagawa. Anumang bagay na Aking sinasang-ayunan, tiyak na Aking tutuparin; sinumang sinasang-ayunan Ko, Aking gagawing perpekto. Mga tao: Huwag kayong makialam sa Aking gawain! Kailangan lamang ninyong kumilos habang sumusunod sa Aking pangunguna, ginagawa kung ano ang Aking ibig, tinatanggihan ang lahat ng Aking kinamumuhian, hinahango ang inyong mga sarili mula sa kasalanan, at ipinauubaya ang inyong mga sarili sa Aking mapagmahal na yakap. Hindi Ako nagyayabang sa inyo, ni hindi Ko pinalalaki ang mga bagay-bagay; ito sa katunayan ang katotohanan. Kung sasabihin Ko na wawasakin Ko ang mundo, sa isang kisap-mata ninyo, ang mundo ay magiging abo. Kayo ay malimit na masyadong nababalisa, at dinadagdagan ang inyong sariling mga pasanin, lubhang natatakot na walang kabuluhan ang Aking mga salita. Kaya, abala kayo sa pagsubok na “maghanap ng daan palabas” para sa Akin. Bulag! Hangal! Ni hindi ninyo alam ang inyong sariling halaga, gayunma’y sinusubukan ninyong maging tagapayo Ko. Karapat-dapat ka ba? Manalamin ka nga nang maayos!
Hayaan mong sabihin Ko sa iyo ang isang bagay! Ang mahiyain ay dapat na makastigo dahil sa kanilang pagkamahiyain, samantalang ang puspos ng pananampalataya ay magkakamit ng mga pagpapala dahil sa kanilang pananampalataya. Para maging malinaw, ang pinakamahalagang punto ngayon ay ang pananampalataya. Bago naihayag ang mga pagpapalang darating sa inyo, kailangan ninyo—ngayon mismo—na isakripisyo ang lahat upang gumugol para sa Akin. Ito mismo ang aspetong tinutukoy ng “pagkakamit ng mga pagpapala” at “pagdanas ng kalamidad.” Mga anak Ko! Nakaukit pa rin ba sa inyong mga puso ang Aking mga salita? “Sa mga taong taos-pusong gumugugol para sa Akin, ikaw ay tiyak na labis Kong pagpapalain.” Ngayon, tunay mo bang nauunawaan ang kahulugang nakapaloob? Hindi Ako nagsasalita ng mga salitang walang kabuluhan; mula ngayon, walang anumang ikukubli. Ibig sabihin, ang mga bagay na nakatago sa Aking mga salita dati ay sasabihin na ngayon sa inyo, isa-isa, nang walang anumang pagkukubli. Higit pa rito, bawa’t salita ay magiging tunay Kong kahulugan, bukod pa sa madaling magagawa at hindi magiging mahirap para sa Akin ang pagbubunyag ng lahat ng tao, mga kaganapan, at mga bagay na nakatago sa Aking harapan. Lahat ng ginagawa Ko ay nagtataglay ng aspeto ng Aking normal na pagkatao pati na rin ng aspeto ng Aking ganap na pagka-Diyos. Tunay bang mayroon kayong malinaw na pagkaunawa sa mga salitang ito? Ito ang dahilan kaya lagi Kong inuulit-ulit na huwag dapat kayong masyadong magmadali. Ang pagbubunyag ng isang tao o bagay ay hindi mahirap para sa Akin, at palaging may panahon para dito. Hindi ba ganoon? Napakarami nang tao ang naglantad ng kanilang totoong mga anyo sa harapan Ko. Sila man ay mga espiritu ng sora, mga aso o mga lobo, ibinubunyag nila ang kanilang tunay na mga anyo sa isang tiyak na panahon na Aking tinutukoy, dahil ang lahat ng ginagawa Ko ay bahagi ng Aking plano. Sa puntong ito ay dapat kang magkaroon ng ganap na malinaw na pagkaunawa!
Talaga bang nauunawaan mo kung ano ang tinutukoy ng kasabihang “Ang panahon ay malapit na”? Sa nakalipas, palagi ninyong iniisip na ito ay tumutukoy sa Aking araw, nguni’t binibigyang-pakahulugan ninyong lahat ang Aking mga salita batay sa inyong mga kuru-kuro. Hayaang sabihin Ko sa iyo! Mula ngayon, ang sinumang nagbibigay ng maling pakahulugan sa Aking mga salita ay walang dudang katawa-tawa! Ang mga salita na Aking binigkas, “Ang panahon ay malapit na,” ay tumutukoy sa inyong mga araw ng pagtatamasa ng mga pagpapala; ibig sabihin, mga araw kung kailan ang lahat ng masasamang espiritu ay wawasakin at palalayasin mula sa Aking iglesia at ang lahat ng paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay ay tatanggihan. Bukod diyan, ang pagpapahayag na ito ay tumutukoy sa mga araw kung kailan ang lahat ng matitinding sakuna ay bababa. Tandaan ito! Lahat ng ito ay matitinding sakuna; huwag nang bigyan ng maling pakahulugan ito. Ang Aking matitinding sakuna ay bababa sa buong mundo mula sa Aking mga kamay nang sabay-sabay. Sila na nagkamit na ng Aking pangalan ay pagpapalain, at tiyak na hindi magtitiis ng ganitong pagdurusa. Natatandaan pa ba ninyo iyon? Nauunawaan ba ninyo ang Aking sinasabi? Ang sandali na nagsasalita Ako ay ang mismong sandali na nagsisimula Akong gumawa (kapag ang matitinding sakuna ay bumaba na, sa gayong sandali). Hindi ninyo totoong nauunawaan ang Aking mga intensyon. Alam ba ninyo kung bakit ganoon kahigpit ang mga hinihingi Ko sa inyo, nang hindi man lamang nagpapakita ng anumang kaluwagan sa inyo? Habang ang pandaigdigang katayuan ay maigting, at habang ang (tinatawag na) mga nasa kapangyarihan sa loob ng Tsina ay nagsasagawa ng lahat ng paghahanda, ito rin mismo ang panahon na malapit nang sumabog ang isang inorasang bomba. Sila na naghahanap ng tunay na daan mula sa pitong bansa ay desperadong dadagsa tungo sa Tsina gaya ng tubig sa mga pintuang-daan ng baha, anuman ang halaga nito. Ang ilan ay Akin nang napili, at ang iba ay nakatakdang maglingkod sa Akin, nguni’t walang panganay na anak sa gitna nila. Ako ang may gawa nito! Nagawa na ito nang nilikha Ko ang mundo. Alisin ang inyong pantaong mga kuru-kuro. Huwag isiping nagsasalita Ako ng walang kabuluhan! Ang Aking iniisip ay kung ano ang nagawa Ko na, at ang Aking plano ay isang bagay rin na natupad Ko na. Maliwanag ba ito sa inyo?
Ang lahat-lahat ay nakasalalay sa Aking mga iniisip at sa Aking plano. Anak Ko! Pinili kita para sa iyong kapakanan at, higit pa rito, ay dahil mahal Kita. Sinumang nangangahas na sumuway sa isip, o magdulot ng paninibugho, ay mamamatay sa pamamagitan ng Aking sumpa at pagsunog. Kinapapalooban ito ng mga atas administratibo ng Aking kaharian, dahil ang kaharian ng kasalukuyan ay nabuo na. Gayunman, Aking anak, dapat kang maging maingat at hindi ito dapat ituring na isang uri ng puhunan. Dapat ay maging mapagsaalang-alang sa puso ng Ama at, sa pamamagitan nito, pahalagahan ang mabusising mga pagsisikap ng Ama. Mula rito, dapat maunawaan ng Aking anak kung anong uri ng tao ang Aking pinakamamahal, anong uri ng tao ang kasunod Kong minamahal, anong uri ng tao ang kinamumuhian Ko sa lahat, at anong uri ng tao ang Aking kinasusuklaman. Huwag patuloy na magbunton ng bigat sa iyong sarili. Anumang disposisyon ang mayroon ka ay nauna Ko nang isinaayos, at isang pahayag ng isang aspeto ng Aking banal na disposisyon. Iwaksi ang inyong mga agam-agam! Hindi Ako nagkikimkim ng galit tungo sa iyo. Paano Ko ito sasabihin? Hindi mo pa rin ba nauunawaan? Pinipigilan ka pa rin ba ng iyong mga takot? Kung sino ang tapat, kung sino ang maalab, kung sino ang tunay, kung sino ang mapanlinlang—alam Ko itong lahat, dahil gaya ng nasabi Ko na dati, alam Ko ang katayuan ng mga banal gaya ng likod ng Aking kamay.
Sa Aking mga mata, ang lahat ay matagal nang natupad at nabunyag (Ako ang Diyos na nagsusuring mabuti sa kaloob-looban ng mga puso ng mga tao; ang Aking hangarin ay para lamang ipakita sa inyo ang aspeto ng Aking normal na pagkatao.) Gayunman, sa inyong pananaw, ang lahat ay nakatago pa rin at wala pang natutupad. Ito ay ganap na sanhi ng katotohanan na hindi ninyo Ako nakikilala. Ang lahat ay nasa Aking mga kamay, ang lahat ay nasa ilalim ng Aking mga paa, at sinusuring mabuti ng Aking mga mata ang lahat ng bagay; sino ang makatatakas sa Aking paghatol? Lahat ng hindi malinis, sila na may mga bagay na itinatago, sila na humahatol sa Aking likuran, sila na nagkikimkim ng paglaban sa kanilang mga puso, at iba pa—lahat ng taong ito na itinuturing Kong hindi mahalaga sa Aking paningin ay dapat na lumuhod sa harapan Ko at ibsan ang kanilang mga sarili. Marahil, pagkatapos marinig ito, ang ilan ay bahagyang magaganyak, habang ang iba ay hindi maniniwalang ganito ito kaseryoso. Binabalaan Ko kayo! Nawa’y magmadaling magsisi ang marunong! Kung ikaw ay isang hangal, maghintay ka lamang! Pagdating ng panahon, tingnan mo kung sino itong daranas ng kalamidad!
Ang langit ay ang orihinal pa ring langit, at ang lupa ay ang orihinal pa ring lupa, nguni’t sa Aking pananaw, ang langit at ang lupa ay nabago na, at hindi na ang dating langit at lupa. Ano ang tinutukoy na langit? Alam ba ninyo? At ano ang tinutukoy na langit ng kasalukuyan? Ano ang tinukoy na langit ng nakaraan? Hayaan ninyong ipahayag Ko ito sa inyo: Ang langit ng nakaraan ay tumukoy sa Diyos na pinaniwalaan ninyo nguni’t walang sinuman ang nakakita, at Siya ang Diyos na pinaniwalaan ng mga tao nang buong katapatan (dahil Siya ay hindi nila nakikita). Ang langit ng kasalukuyan, sa isang banda, ay tumutukoy sa Aking normal na pagkatao gayundin sa Aking ganap na pagka-Diyos; ibig sabihin, ito ay tumutukoy sa praktikal na Diyos Mismo. Kapwa iisang Diyos, kaya bakit Ko sinasabi na Ako ang bagong langit? Ito ay nakatuon lahat sa mga kuru-kuro ng tao. Ang lupa ng kasalukuyan ay tumutukoy sa kung saan kayo naroroon. Ang lupa ng nakaraan ay wala ni isa mang lugar na banal, samantalang ang mga lugar na pinupuntahan ninyo ngayon ay itinalaga na bilang banal. Kaya Aking sinasabi na isa itong bagong lupa. Ang ibig sabihin ng “bago” rito ay “banal.” Ang bagong langit at lupa ay ganap nang naisakatuparan ngayon. Nauunawaan na ba ninyo ito ngayon? Ibubunyag Ko ang lahat ng hiwaga sa inyo nang paisa-isang pahina. Huwag magmadali, at mas malalaki pang hiwaga ang ibubunyag sa inyo!