Kabanata 72
Kung may matuklasan kang kakulangan o kahinaan sa iyong sarili, dapat kang kaagad na umasa sa Akin upang maalis ito sa iyo. Huwag itong ipagpaliban; kung hindi, magiging napakalayo sa iyo ng gawain ng Banal na Espiritu, at mapag-iiwanan ka nang napakalayo. Maisasakatuparan lamang ang gawaing ipinagkatiwala Ko sa iyo sa pamamagitan ng madalas mong paglapit, pagdarasal, at pakikipagbahaginan sa Aking presensya. Kung hindi mo gagawin ang mga bagay na ito, walang resultang matatamo, at magiging walang-kabuluhan ang lahat ng naisagawa na. Ang gawain Ko ngayon ay hindi tulad ng nakalipas; ang saklaw ng buhay sa mga taong minamahal Ko ay malaki ang pagkakaiba sa kung ano ito sa nakaraan. May malinaw silang lahat na pagkaunawa sa Aking mga salita, gayundin ng malalim na kabatiran sa mga ito. Ito ang pinakakapansin-pansin na aspeto, na siyang may higit na kakayahang sumalamin sa pagiging kamangha-mangha ng Aking gawain. Bumilis na ang tulin ng Aking gawain, at tiyak na naiiba sa nakaraan ang gawaing ito. Mahirap para sa mga tao na ilarawan ito sa isip, at higit pa rito ay imposible nilang maarok. Wala nang mahiwaga pa sa inyo; sa halip, naipaalam at naihayag na ang lahat. Ito ay malinaw, ito ay naihayag na, at, higit pa rito, ito ay lubusang walang bayad. Yaong mga minamahal Ko ay tiyak na hindi malilimitahan ng sinumang tao, ng anumang pangyayari, o bagay, o ng anumang espasyo o heograpiya; lalagpasan nila ang kontrol na iginigiit ng lahat ng kapaligiran at lilitaw mula sa laman. Ito ang pagtatapos ng Aking dakilang gawain. Wala nang anumang gagawin pa pagkaraan; lubusan itong matatapos.
Ang pagtatapos ng dakilang gawain ay binanggit nang may kinalaman sa lahat ng panganay na anak at sa lahat ng taong minamahal Ko. Pagkaraan nito, hindi kayo makokontrol ninuman, ng anumang pangyayari, o bagay. Maglalakbay kayo sa iba’t ibang bansa sa sansinukob, babagtasin ang buong kosmos, at iiwan ang mga bakas ng inyong mga paa sa lahat ng dako. Huwag isipin na malayong-malayo pa itong maganap; isang bagay ito na magkakatotoo sa harapan ng inyong mga mata sa lalong madaling panahon. Ipagkakatiwala sa inyo ang Aking ginagawa, at ang mga pook na aking nilakaran ay magkakaroon ng bakas ng inyong mga paa. Bukod pa rito, ito ang totoong kahulugan natin—kayo at Ako—na sama-samang namumuno bilang mga hari. Napagnilayan na ba ninyo kung bakit higit na lumilinaw ang mga paghahayag na ibinibigay Ko, at lalo’t lalong nakikita, nang hindi naikukubli ni bahagya man? Bakit Ko pinatotohanan ang pinakamataas na patotoo, at inilahad ang lahat ng hiwagang ito at ang lahat ng salitang ito sa inyo? Ang dahilan ay wala nang iba pa kundi ang nabanggit nang gawain. Gayunpaman, napakabagal ng pagsulong ng inyong gawain sa kasalukuyan. Hindi kayo nakasasabay sa Aking mga hakbang, hindi ninyo kayang makipagtulungan sa Akin nang buong husay, at, sa ngayon, hindi pa rin ninyo kayang maisagawa ang Aking kalooban. Dapat Ko kayong sanayin nang higit na masidhi at pabilisin ang Aking pagkumpleto sa inyo, nang sa gayon ay makapagbigay-lugod kayo sa Aking puso sa lalong madaling panahon.
Sa kasalukuyan, ang pinakamaliwanag na bagay ay lubusan nang nabuo ang pangkat ng mga panganay na anak. Inaprubahan Ko silang lahat, at itinalaga at hinirang Ko pa nga mula sa paglikha ng sanlibutan. Itinaguyod ng Aking sariling kamay ang bawat isa. Walang puwang para sa anumang pagsasaalang-alang ng tao rito. Hindi mo ito kayang kontrolin. Huwag maging palalo; lahat ito ay Aking kabutihan at habag. Mula sa Aking perspektibo, naisakatuparan na ang lahat ng bagay. Napakalabo lamang talaga ng inyong mga mata, at kahit ngayon ay hindi ninyo magawang magkamit nang malinaw na pagtanaw sa pagiging kamangha-mangha ng Aking mga gawa. Wala sa inyo ang nagtataglay ng lubos na malinaw o totoong pang-unawa sa Aking pagiging makapangyarihan sa lahat, sa Aking karunungan, sa Aking bawat kilos, o sa Aking bawat salita at gawa. Dahil dito, malinaw Akong nagsasalita. Para sa Aking mga anak na lalaki, Aking mga minamahal, handa Akong magbayad ng lahat ng halaga, maghirap, at gugulin ang Aking sarili. Nakikilala mo ba Ako sa pamamagitan ng Aking mga salita? Kailangan mo ba Ako upang sabihin ang mga ito nang mas malinaw? Huwag nang maging talipandas; isaalang-alang ang Aking puso! Ngayong sinabi na sa inyo ang isang gayong kalaking hiwaga, anong masasabi ninyo? Mayroon pa ba kayong anumang hinaing? Kung hindi kayo magbabayad ng halaga at magpupursigi, magiging karapat-dapat ba kayo sa lahat ng pasakit na pinagdaanan Ko?
Hindi makontrol ng mga tao sa ngayon ang kanilang mga sarili. Ang pagmamahal sa Akin ay hindi lilitaw sa mga taong hindi Ko kinikilingan kahit pa gustuhin nila ito. Gayunman, hindi makatatakas ang mga taong itinalaga at hinirang Ko, gustuhin man nila; saan man sila magtungo, hindi nila maiiwasan ang Aking kamay. Gayon ang Aking pagiging maharlika at, higit pa, ang Aking paghatol. Dapat gawin ng lahat ng tao ang kanilang mga gawain ayon sa Aking plano at sa Aking kalooban. Mula sa araw na ito, lubusang magbabalik ang lahat ng bagay sa Aking mga kamay at hindi nila ito kayang kontrolin. Kinokontrol at isinasaayos Ko ang lahat ng bagay. Kung nakikilahok ang mga tao sa maliit na paraan, hindi Ko sila hahayaan nang gayun-gayon lamang. Simula ngayon, hahayaan Ko ang lahat ng tao na magsimulang makilala Ako—ang tanging totoong Diyos, na lumikha ng lahat ng bagay, na pumaroon sa gitna ng mga tao at tinanggihan at siniraang-puri nila, na nagkokontrol at nagsasaayos ng bawat bagay sa kabuuan nito; ang Hari na namumuno sa kaharian; ang Diyos Mismo na nangangasiwa sa kosmos; at, higit pa riyan, ang Diyos na kumokontrol sa buhay at kamatayan ng mga tao at siyang humahawak sa susi ng Hades. Hahayaan Ko ang lahat ng tao (matanda, bata, may espiritu man sila o wala, at mga hangal man sila o hindi o may kapansanan, atbp.) na makilala Ako. Hindi Ko hahayaang di-sumali ang sinuman sa gawaing ito; ito ang pinakamatinding gawain, gawain na inihanda Ko nang mabuti at isinasagawa simula ngayon. Maisasakatuparan ang sinasabi Ko. Buksan ang iyong mga matang espirituwal, bitawan ang iyong sariling mga kuru-kuro, at kilalanin na Ako lamang ang tanging totoong Diyos na nangangasiwa ng sansinukob! Hindi Ako natatago kaninuman, at isinasagawa Ko ang Aking mga atas administratibo sa bawat isa.
Isaisantabi ang lahat ng bagay na pag-aari mo. Hindi ba’t may higit na mataas na halaga, at lalong higit na makabuluhan ang mga bagay na iyong natatamo mula sa Akin? Hindi ba’t may napakalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga ito at ng iyong basura? Magmadali at ibasura ang lahat ng walang-silbing bagay! Pinagpapasyahan ngayon kung magtatamo ka ng mga pagpapala o haharap sa kasawian. Ito ay isang mahalagang sandali; ito ay ang pinakakritikal pa nga na sandali. Nakikita mo ba talaga ito?