Kabanata 79
Bulag! Mangmang! Isang bunton ng walang-halagang basura! Inyong inihihiwalay ang Aking normal na pagkatao mula sa Aking ganap na pagka-Diyos! Hindi ba ninyo nakikita na ito ay isang kasalanan laban sa Akin? At higit pa, ito ay isang bagay na mahirap patawarin! Ang praktikal na Diyos ay dumating na sa inyo ngayon, ngunit ang inyo lamang alam ay ang isang bahagi Ko—ang Aking normal na pagkatao—at hindi pa man lamang nakita ang bahagi Ko na ganap ang pagka-Diyos. Akala mo ba hindi Ko alam kung sino ang sumusubok na dayain Ako kapag nakatalikod Ako? Hindi Kita pinupuna, tinitingnan Ko lamang kung anong antas ang maaabot mo, at kung ano ang iyong kahahantungan sa huli. Ang Aking mga salita ay nasabi na nang daan-daang libo, ngunit kayo ay nakagawa pa rin ng maraming masasamang bagay. Bakit paulit-ulit ninyong sinusubukang dayain Ako? Mag-ingat ka na mawala ang iyong buhay! Kung iyong pagniningasin ang Aking galit hanggang sa isang antas, hindi Kita pakikitaan ng habag, at sisipain ka palabas. Hindi Ko isasaalang-alang kung paano ka dati, kung ikaw man ay tapat o masigasig, kung gaano ka kumilos, kung gaano ka gumugol para sa Akin; hindi Ko man lamang titingnan ang mga bagay na ito. Kailangan mo lamang na galitin Ako ngayon at itatapon Kita sa walang-hanggang kalaliman. Sino ang naglalakas-loob pa rin na subukang dayain Ako? Tandaan mo ito! Mula ngayon, kapag Ako ay nagalit, kahit pa kanino, aalisin Kita agad upang hindi na magkaroon ng kaguluhan sa hinaharap at upang hindi na Kita makita pang muli. Kapag lumaban ka sa Akin, agad-agad Kitang kakastiguhin. Matatandaan ba ninyo ito? Yaong matatalino sa inyo ay dapat na agarang magsisi.
Ngayong araw—ibig sabihin, ngayon—Ako ay puno ng poot. Kayong lahat ay dapat na maging tapat sa Akin at ialay ang iyong buong pagkatao sa Akin. Hindi ka na dapat magpatagal. Kung hindi mo pakikinggan ang Aking mga salita, Aking iuunat ang Aking kamay at pababagsakin Kita. Sa paggawa nito, ipakikila Ko ang Aking sarili sa lahat; sa araw na ito, Ako ay puno ng poot at maringal sa lahat (na mas matindi kaysa sa Aking paghatol). Marami na Akong nasambit na mga salita, ngunit kayo ay hindi man lamang tumugon; talaga bang ganoon kapurol ang inyong pag-iisip? Hindi Ko iniisip na ganoon kayo. Ito ay ang matandang diyablo sa loob ninyo, na gumagawa ng kaguluhan. Nakikita ba ninyo ito nang malinaw? Magmadali kayong magpatupad ng radikal na pagbabago! Ngayong araw, ang gawain ng Banal na Espiritu ay umusad na hanggang sa yugtong ito; hindi ba ninyo ito nakita? Ang Aking pangalan ay kakalat mula sa bahay-bahay, sa lahat ng bansa at sa lahat ng direksyon, at isisigaw mula sa mga bibig ng kapwa matatanda at mga bata sa buong mundong sansinukob; ito ay isang ganap na katotohanan. Ako ang walang-katulad na Diyos Mismo at, higit pa, Ako ang kaisa-isang persona ng Diyos. Bukod pa roon, Ako, ang kabuuan ng katawang-tao, ang ganap na pagpapakita ng Diyos. Sinumang nangangahas na hindi Ako katakutan, sinumang maglalakas-loob na magpakita ng paglaban sa kanilang mga mata, at sinumang maglalakas-loob na magsalita ng mga salita ng paglaban sa Akin ay tiyak na mamamatay mula sa Aking mga sumpa at poot (magkakaroon ng pagsumpa dahil sa Aking poot). At sinumang maglalakas-loob na hindi maging tapat o maging anak sa Akin, at sinumang maglalakas-loob na subukang manlinlang sa Akin ay tiyak na mamamatay sa Aking pagkamuhi. Ang Aking katuwiran, kamahalan at paghatol ay mananatili magpakailan pa man. Noong una, Ako ay mapagmahal at mahabagin, ngunit hindi ito ang disposisyon ng Aking ganap na pagka-Diyos; katuwiran, kamahalan at paghatol lamang ang bumubuo sa disposisyon Ko—ang ganap na Diyos Mismo. Noong Kapanahunan ng Biyaya, Ako ay mapagmahal at mahabagin. Dahil sa gawain na kailangan Kong tapusin, taglay Ko ang maibiging kabaitan at habag; ngunit pagkatapos, wala nang pangangailangan para sa mga ganoong bagay (at hindi na nagkaroon simula noon). Pawang katuwiran, kamahalan, at paghatol, at ito ang ganap na disposisyon ng Aking normal na pagkatao kasama ang Aking ganap na pagka-Diyos.
Yaong mga hindi nakakakilala sa Akin ay mamamatay sa walang-hanggang kalaliman, habang yaong mga nakatitiyak sa Akin ay mabubuhay magpakailanman, upang kalingain at pangalagaan sa loob ng Aking pag-ibig. Sa sandaling Ako ay magwika ng isang salita, ang buong sansinukob at ang mga dulo ng lupa ay yayanig. Sino ang makaririnig sa Aking mga salita at hindi manginginig sa takot? Sino ang makapagpipigil na magkaroon ng pusong may takot sa Akin? Sino ang walang kakayahang malaman ang Aking katuwiran at kamahalan mula sa Aking mga gawa! At sino ang hindi nakakakita sa Aking pagiging makapangyarihan sa lahat at karunungan sa Aking mga gawa! Sinumang hindi nagbibigay-pansin ay tiyak na mamamatay. Ito ay dahil yaong mga hindi nagbibigay-pansin ay yaong mga lumalaban sa Akin at hindi nakakakilala sa Akin; sila ang arkanghel, at ang pinakawalang pakundangan. Suriin ninyo ang inyong mga sarili: Sinumang walang pakundangan, mapagmagaling, palalo at mapagmataas ay tiyak na pagtutuunan ng Aking pagkamuhi, at tiyak na mamamatay!
Akin ngayong ipinahahayag ang mga atas administratibo ng Aking kaharian: Ang lahat ng bagay ay nasa loob ng Aking paghatol, lahat ng bagay ay nasa loob ng Aking katuwiran, lahat ng bagay ay nasa loob ng Aking kamahalan, at isinasagawa Ko ang Aking katuwiran sa lahat. Yaong mga nagsasabi na sila ay naniniwala sa Akin subalit sa kaibuturan ay sinasalungat Ako, o yaong ang mga puso ay tumalikod na sa Akin ay sisipain palabas—ngunit ang lahat ay sa Aking sariling tamang panahon. Ang mga taong nagsasalita nang may panunuya tungkol sa Akin, ngunit sa paraan na hindi napapansin ng ibang tao, ay agad na mamamatay (mamamatay sila sa espiritu, katawan, at kaluluwa). Yaong mga nang-aapi o malamig ang pakikitungo sa Aking minamahal ay agad na hahatulan ng Aking poot. Ibig nitong sabihin, ang mga taong naninibugho sa Aking mga minamahal, at iniisip na Ako ay hindi matuwid, ay ipapasa upang mahatulan ng Aking minamahal. Lahat ng may mabuting-asal, simple, at tapat (kabilang yaong mga kulang sa karunungan), at nakikitungo sa Akin nang may matatag na katapatan, ay mananatiling lahat sa Aking kaharian. Yaong mga hindi dumaan sa pagsasanay—ibig sabihin, yaong mga tapat na tao na kulang sa karunungan at kaunawaan—ay magkakaroon ng kapangyarihan sa Aking kaharian. Subalit, sila ay dumaan din sa pakikitungo at pagbasag. Na sila ay hindi dumaan sa pagsasanay ay hindi ganap. Sa halip, sa pamamagitan ng mga bagay na ito na Aking ipakikita sa lahat ang Aking pagka-makapangyarihan sa lahat at ang Aking karunungan. Aking sisipain palabas yaong mga nag-aalinlangan pa rin sa Akin; hindi Ko nais ang isa man sa kanila (Aking kinamumuhian ang mga taong nag-aalinlangan pa rin sa Akin sa panahong gaya nito). Sa pamamagitan ng mga gawa na Aking ginagawa sa buong sansinukob, Aking ipakikita sa mga tapat na tao ang pagiging kamangha-mangha ng Aking mga gawa, sa gayon ay palalaguin ang kanilang karunungan, kaunawaan, at pag-arok. Sasanhiin Ko rin ang mga mapanlinlang na tao na mawasak sa isang iglap bilang resulta ng Aking kamangha-manghang mga gawa. Lahat ng panganay na anak na unang tumanggap sa Aking pangalan (ibig sabihin yaong mga banal at walang-dungis, tapat na mga tao) ang mauunang pumasok sa kaharian at mamamahala sa lahat ng bansa at lahat ng lahi na kasama Ko, mamumuno bilang mga hari sa kaharian at hahatol sa lahat ng bansa at lahat ng lahi (ito ay tumutukoy sa lahat ng panganay na anak sa kaharian, at wala nang iba). Yaong mga nasa lahat ng bansa at lahat ng lahi na nahatulan na, at nangagsisi na, ay papasok sa Aking kaharian at magiging Aking bayan, habang yaong matitigas ang ulo at hindi nangagsisi ay itatapon sa walang-hanggang kalaliman (upang mamatay magpakailanman). Ang paghatol sa loob ng kaharian ay magiging ang huling paghatol, at ang Aking lubusang paglilinis ng sanlibutan. Hindi na magkakaroon pa ng anumang kawalan ng katarungan, dalamhati, mga luha, o mga buntong-hininga, at, lalong higit pa, hindi na magkakaroon ng sanlibutan. Ang lahat ay magiging pagpapakita ni Cristo, at ang lahat ay magiging ang kaharian ni Cristo. Anong luwalhati! Anong luwalhati!